Ang Bagong Historiograpiya at Transkultural na Pamana sa Pagsasakasaysayang Pilipino

Vicente C. Villan
University of the Philippines

How to Cite:
Villan, V. C. (2025). Ang bagong historiograpiya at transkultural na pamana sa pagsasakasaysayang Pilipino. Kaningningan: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University – Center for Philippine Studies, 4(1)9–49.

Abstrak

Ang artikulong ito na may pamagat na “Ang Bagong Historiograpiyang Pilipino at ang Transkultural na Pamana sa Pagsasakasaysayang Pilipino” ay naglalayong magbunyag ng limitasyon ng teleolohikal at kanonikal na kasaysayan sa Pilipinas—isang salaysay o naratibong linyar, monolitiko, opisyal, at autoritatibo—upang maglatag ng alternatibong pagsipat sa nakaraan gamit ang pampamanang historiograpiya (heritage historiography) at mapaghabing kasaysayan (entangled history). Nais ipakita sa pag-aaral na ang transkulturang pamana ng mga Pilipino ay hindi lamang hiwalay na baul ng mga danas at gunita (Villan 2020) ng sinasapantahang “purong kultura”, kundi mula sa dunong katutubo (IKSP) (Rodriguez 2021), isang masalimuot na habi ng ugnayan, daloy ng transaksyon, at sadyang pag-aangkin mula sa iba’t ibang pinagmulan at ahensiyang pangkasaysayan (historical agency).

Nakabatay ang metodolohiyang ginamit sa kritikal na pagsusuri ng mga anyo ng pamana—pangkatawan at lunan, tahanan at bayan, panlipunan at pampamayanang arkitektura, pang-institusyon at pangkagawaran, wika at pangkulturang pananagisag, panlipunang ritwal at seremonya, at pampasundayag ng panlipunang aktibidad—sa mga kongkretong ebidensya ng transkultural na katangiang Pilipino. Tatlong lente ang ginamit sa pag-aaral: (1) panloob na pagbasa upang ipakita ang pagbawi ng tinig mula sa kolonyal na anino; (2) pag-aangkin o subersyong pangkultura upang susugan ang ideyang “third space” ng iskolar na si Homi Bhabha hinggil sa paglikha ng kakanyahan (ng Pilipino); at (3) pakikipag-alabay upang maipook ang pamana sa pandaigdigang daloy ng diaspora at transnasyonal na pakikipag-ugnayan (Villan 2025).

Malinaw na ang kontribusyon ng pag-aaral ay ang pag-aanyo ng bagong historiograpiyang balangkas na nakaugat sa transkultural na pananaw, na may implikasyon sa pangkasaysayang pananaliksik at pagtuturo. Sa huli, ipinapanukala ang isang historiograpiyang Pilipino na bukas, plural, at pandaigdig—nakaugat nang malinaw sa lokal ngunit nakikipag-ugnayan sa mga karatig-pook (translocal), rehiyon (transregional), at pandaigdig (transnational / global).

Mga Susing-salita:

Bagong Kasaysayan (New History), Pamanang Transkutlural (Transcultural Heritage), Magkakaugnay na Kasaysayan (Entangled History), Pakikipag-alabay (Alliances), Kakanyahang Pilipino (Filipino Identity)

Panimula:

Ang historiograpiyang Pilipino ay matagal nang sinasaklot ng teleolohikal at kanonikal na salaysay o naratibo, isang linyar, monolitiko, estatiko, opisyal, at autoritatibong uri ng pagsasakasaysayan na isinasandig ang naratibo sa dokumentaryong teksto para sa kapakanan ng nasyon-estado, bayaning inisponsor ng pamahalaan, at sa walang patid na pag-ukilkil sa kolonyal na sugat bilang bunton o locus ng gawaing pagsasakasaysayan (Ooi & King 2023; Mojares 2020). Sa ganitong pananaw, ang kasaysayan ay naging preskriptibo, pormulado, at malimit ay nakakiling kontra sa pluralidad ng mga danas (Aguilar 2018; Villan 2020). Ang teolohikal na kasaysayan, kung sisipatin, ay tumutukoy sa naratibo ng nakaraan na nakabatay sa isang tuwid na landas ng pag-unlad (telos) patungo sa iisang simulain o destinasyon gaya ng binanggit sa unahang nasyon-estado, independensiya, sibilisasyon, at progreso (Rafael 2022). Madalas na masusumpungan ang ideya ng telos at canon (sa kaso ng kanonikal na kasaysayan) sa nationalist historiography kung saan ang lahat ng mga kalakaran at pangyayari ay binibigyang kahulugan bilang katanggap-tangap, nararapat, at nakatadhanang pangyayari tungo sa isang tiyak na destinasyon gaya ng pagbasa sa nakaraan ng Pilipinas—pagtalakay sa isang simulain bilang tuwid na landas mula sa sinaunang panahon (pagsusumikap para sa liwanag), panahon ng pananakop (pagbaka sa dilim para sa liwanag), at simulaing pagbubuo ng bansa (muling pagsabog ng liwanag sa hinaharap ng Pilipinas) (Ooi & King 2023).

Samantala, ang kanonikal na kasaysayan ay tumutukoy naman partikular sa may taglay na pamantayan, autoritatibo, at opisyal na naratibong may katangiang preskriptibo, pormulado, nakakiling sa nasyon-estado, may pagsang-ayon ng iskolar-akademiko, at itinataguyod ng institusyong pangkagawarang canon sa pagsasakasaysayan (Sebastian 2013; Churchill 1998 & 2004). Karaniwang nakapaloob sa kanonikal na kasaysayan ang mga produksyong intelektuwal at administratibo kagaya ng mga batayang aklat o teksbuk, binalangkas na kurikulum, at awtoritatibong mga akdang kinikilalang pangunahing ginagamit na sanggunian sa pangkasaysayang pag-aaral, pananaliksik, at pagtuturo. Sa konteksto ng Pilipinas, halimbawa, ang mga akda nina Leandro Fernandez (1919), Eufronio Alip (1948), Nicolas Zafra (1956), Teodoro Agoncillo (1956 & 1960), Horacio de la Costa (1965), Gregorio Zaide (1975), Renato Constantino (1975 & 1978 kasama si L.R. Constantino), Onofre Corpuz (1989) at iba pa ay matagal nang nagtataguyod ng canonical historiography sa bansa. Ito ay dahil sila ang gumagawa ng pamantayan sa pag-aakdang pangkasaysayan na ginagamit sa mga paaralan, sa pagbuo ng mga batayang-aklat, at maging sa mga padron ng mga itinataguyod na pangkasaysayang pananaliksik (Churchill 1998 & 2004; Sebastian 2013). Magkaugnay ang nakagawiang tradisyonal na historiograpiya sapagkat ang kanonikal na kasaysayan ay madalas na nakabatay sa teleolohikal na naratibo. Ibig sabihin, may linyaridad sa pagsasalaysay, nakakiling sa itinatakdang bayani ng akademikong komunidad, at tinitingnan ang nakaraan ng Pilipinas bilang tuwid na landas patungo sa pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas (Claudio 2013). Nakasentro samakatuwid ang teleolohikal na kasaysayan sa estrukturadong salaysay; samantalang ang kanonikal naman ay nasa estado ng salaysay na may pormula o pamantayan sa pagsasakasaysayan (Sebastian 2013).

Ilang kontemporaryong iskolar gaya nina Bernardita R. Churchill (1998 at 2004), Maria Serena I. Diokno (2007), Samuel K. Tan (2008), at Zeus A. Salazar (2018), at iba pang mas nakakabatang historyador sa Pilipinas pagkatapos nila ay naglatag ng kasaysayan at historiograpiyang mula sa mga Espanyol hanggang sa kontemporaryong panahon. Kitang-kita at pinagtibay ng mga nabanggit na iskolar-akademiko ang pangangailangang mapatingkad ang salaysay patungkol sa “pre-kolonyal” na salaysay ng Pilipinas, ngunit sumandig pa rin sila sa banyagang padron, sanggunian o batis-dokumentaryong ang kinahahantungang naratibo sa huli ay teleolohikal at kanonikal. Si Roland R. Sebastian (2023) ay nagpakita sa partikuar ng mga isyu at kalakaran sa historiograpiya ng Pilipinas, sinariwa niya na ang kasaysayan ay nanatiling ginagamit bilang lehitimasyon ng kolonyalismo at kalaunan bilang anyo ng protesta ng mga propagandista (Sebastian 2013); gayunman, sa punto ng metodolohiya, nanatili pa rin, tulad ng mga nauna, na hindi bumatay ng impormasyong pangkasaysayan mula sa pamanang lahi lalo na ang binabanggit sa unahang transkultural na pamanang ang direksyon ay ang pagkakaugnay na naratibo sa nakaraan. Gayundin, si Agoncillo, na nauna sa mga ito, ay nagbigay ng mas malawak na salaysay sa sambayanang Pilipino, ngunit matagal na ring naobserbahan ang mahigpit niyang pagkakapit sa teleolohikal-kanonikal na anyo ng pagsasakasaysayan. Mahalaga ang pag-aaral na binanggit sa unahan sapagkat nagbibigay ito ng pundasyon ng historiograpikong pagsipat sa nakagawiang pagsalunga sa Kanluraning historiograpiya na teleolohikal-kanonikal din at naging matatag na hulmahan ng binabakang tradisyonal na kasaysayan.

Sa kasalukuyan, nananatiling matatag at dominante pa rin, sa madaling sabi, ang teleolohikal at kanonikal na pagsasakasaysayan sa Pilipinas. May mga tinagurian pa ngang postkolonyal na pagbasa sa nakaraan na naglalantad ng kolonyal na anino, ngunit madalas na nakatuon lamang din ang naratibo nila sa pagbawi ng militanteng tinig. Ang hybridity theory at global heritage framework ay ginagamit sa ibang larangan gaya ng antropolohiya at cultural studies, ngunit hindi pa lubos na nailalapat sa historiograpiyang pampamana bunsod ng kahungkagang teoretikal ng pag-aaral na pangkasaysayan sa bansa. Ito ay dahil nahirati ang maraming intelektwal-akademikong Pilipino sa teleolohikal at kanonikal na diwa ng pagsasakasaysayan. Ang magkakaugnay na kasaysayan (entangled hisyory) ay lumalaganap sa pandaigdigang diskurso na marapat na angkupan ng iskolarsyip na Pilipino nang na sa gayo’y malabanan ang kasamaang dulot ng teleolohikal at kanonikal na padrong historiograpiko; ngunit sa Pilipinas, ay nananatiling kapos pa rin ang sistematikong paggamit ng lente ng magkakahabing kasaysayan upang ipakita ang transkultural na pamana bilang batis, materyang pangkasaysayan, at lenteng historiograpikong nagtatampok sa importansya ng habing salaysay ng pakikipag-ugayan, pakikipagsalubungan, at pakikipagtransaksyon sa nakaraan ng Pilipinas.

Dito lumilitaw kung gayon ang malaking siwang, puwang o gap sa pangkasaysayang pananaliksik: una, kakulangan ng kritikal na pagbasa sa teleolohikal at kanonikal na kasaysayan at sa kasamaang dulot nito na maaaring maglinang ng halagahin at kalakaran sa etnosentrismo, esensyalismo, at ultranasyonalismo. Ikalawa, ang limitadong paggamit ng pampamanang historiograpiya sa mga nabanggit na mga akda upang ipakita sa partikular na ang transkultural na pamana ay naglalaman ng kolektibong danas at nagtatampok samakatuwid ng buhay na ugnayan, gunitang bayan, at kinaroroonan ng transpormasyong may kinalaman sa ahensyang pangkasaysayan; ikatlo, ang hindi pa lubos na aplikasyon ng mapaghabi o mapag-ugnay na kasaysayan sa lokal na konteksto upang maglahad ng salaysay hinggil sa aktibong salubungan, pag-aangkop, pagkakabuklod-buklod, pagsalunga, at pag-aangkin (Churchill 1998 & 2004; Sebastian 2013); ikaapat, ang pagpapanatili ng bias o mapagkiling na pananaw hinggil sa tradisyonal na historiograpiyang binanggit sa unahan na nakatuon sa asamsyong may “purong kultura” at hindi sa pag-uugat mula sa dunong katutubo (Rodriguez 2021) bilang saligan sa pag-uunawang transkultural; at ikalima, ang kakulangan ng interdisiplinaryong pagdulog na sabayang gumagamit ng panloob na pagbasa, pag-aangkin o subersyong kultural, at pag-alabay na lente sa pagsasakasaysayan (Villan 2025).

Sa ganitong pagtingin, malinaw na ang paggamit ng transkultural na pamana bilang lenteng ginagamit para sa pampamanang historiograpiya (tingnan ang Dayagram 1) ay hindi lamang alternatibo kundi isang nararapat na ilunsad na kilusang akademiko at kilalaning mahalagang hakbang tungo sa pagbubuo ng mas malalim, nararapat sangkutang pluralidad ng pagdulog, at aktibong pasimunuan ang isang makatarungan at makataong pag-unawa sa kasaysayan (Salazar 2021; Hau 2017). Ang pamanang transkultural na isinasambit ay hindi lamang ang pag-iinog ng alaala sa sugat na dulot ng kolonyal na gahum, kundi ang hibla ng paggunita, masinsing paghahabi mula sa magkakaibang himaymay o sinulid ng kultura, at patuloy na pagbubuo ng identidad na nakaugat sa lokal, ngunit proaktibong nakikipag-ugnayang mahigpit sa rehiyong kinapapalooban ng Timog-Silangang Asya, Kontinenteng Asya, Oceanikong daigdig, at iba’t ibang panig ng mundo (Anderson 2006; Clifford 1994). Sa pamamagitan ng tinutugaygay na mapag-ugnay na kasaysayan (entangle history), ang kasaysayan ay klarong magiging daluyan ng pagkilalang ganap sa sarili, at nakikipag-alabay (nakikipag-ugnayan, nakikikiisa, nakikisangkot) sa rehiyon at mundo: isang masalimuot na habi samakatuwid ng tinig at danas ng pakikipagsalamuha, pakikiangkop, at pag-aangkin, na nagtataguyod sa kabuuan ng historiograpiyang nauukol sa sarili ngunit bukas, plural, at pandaigdig (Hall 1997, Bhabha 1994; Villan 2025).

Dayagram 1
Konseptwal at Teoretikal na Balangkas ng Pag-aaral

Ang lawak ng pag-aaral na ito ay sumasaklaw sa kritikal na pagsusuri ng transkultural na pamanang Pilipino bilang lenteng historiograpiko, gamit ang tatlong pangunahing teoretikal na balangkas: (1) panloob na pagbasa gamit ang pamanang historiograpiya; (2) pangkulturang pag-aangkin o subersyong pangkultura; at (3) kalakaran sa pakikipag-alabay ng mga Pilipino (Villan 2025). Nakatuon ang pag-aaral sa pagsipat sa penomenon ng transkultural na pamana kung saan makikita ang kinaroroonan ng di-malirip na mga ebidensya ng masalimuot na habi ng kultura at ugnayan (Mojares 2002; Zialcita 2005). Sa pamamagitan ng isinusulong na magkakahabi o magkakaugnay na kasaysayan, sa ilalim ng ontolohikal at praksiyal na pagsasaalang-alang, layunin ng pag-aaral na ilantad ang kahungkagan at limitasyon (at marahil, ang pagbubunyag ng kasamaang naidudulot) ng tradisyonal na historiograpiya, at makapaglatag ng alternatibong pagsasakasaysayang makatarungan at makatao (Scott 1994; Abinales and Amoroso 2005).

Ang saklaw ng pag-aaral ay nililimitahan sa mga halimbawa ng pamanang yaman na may malinaw na transkultural na dimensyon, gaya ng sining at ornamentadong katawan, pang-espasyong paggamit ng lunan gaya ng ilaya, ilawod at ibayo, mga pampublikong gusali at mga bahay na bato na kabilang sa pampamayanan at pangkagawarang arkitektura, talaangkanan at pangkapangyarihan, at estratehikong paggamit ng wika gaya ng Chavacano ng Zamboanga, Ternate, at Cavite City (Frake 1971; Deinla 2025), mga panlipunang ritwal at seremonyas, at mga sining na produksyon na kapuwa itinataguyod ng bayan, estado, at pribadong institusyon—mga pasundayag etniko gaya ng siday, komposo, balagtasan, palaro, patimpalak, kulintang, pandanggo sa ilaw, sayaw sa bangko at marami pang iba, at mga gawain sa pagbuburda, at palamuti sa katawan sa salubungan ng katutubo at banyaga (Zialcita 2005; Hau 2017; Novillo-Macasil 2023). Hindi sakop ng pag-aaral ang lahat ng anyo ng pamana sa Pilipinas, kundi yaong may malinaw at may kagyat na ebidensya ng transkulturalidad at nagpapakita lamang ng gahum sa pakikipag-ugnayan at nagtataglay ng kakayahan sa pag-aangkin (Anderson 2016; Rafael 2010). Gayundin, hindi nito layong magbigay ng malawakang naratibo ng kasaysayan ng bansa, kundi maglatag lamang ng kritikal na lente upang ipakita na ang transkultural na pamana ay kinalalagakan ng kolektibong danas (tingnan ang Dayagram 1), at hibla ng gunita na hinabi mula sa magkakaibang himaymay o sinulid ng kultura, hugutang panlipunan ng ahensiyang pangkasaysayan, at batayan sa pag-unawa ng mga kaganapan sa nakalipas na panahon (Mojares 2002; Salazar 2021).

Ang nilalaman ng papel ay nahahati sa tatlong pangunahing kabanata na

tumutugon sa tiyak na mga layunin. Sa unang kabanata, ang salaysay ay umiinog sa pagsipat na historiograpiko: susuriin dito ang transkultural na pamana bilang materyang pangkasaysayan sa pamamagitan ng panloob na pagsipat, pangkulturang pag-aangkin o subersyong pangkultura, at panlipunang pakikipag-alabay na nagpapatibay sa transkultural na karakter ng mga Pilipino (Bhabha 1994; Clifford 1994; Hall 1999; Villan 2025). Sa ikalawang kabanata, tutuon naman ang salaysay sa gawaing pagsasakasaysayan: kikilalanin at ipaliliwanag ang iba’t ibang larang at anyo ng transkultural na pamana—pangkatawan at lunan, tahanan at bayan, panlipunan at pampamayanang arkitektura, pang-institusyon at pangkagawaran, estratehikong wika at pangkulturang pananagisag, panlipunang ritwal at seremonyas, at pamapasundayag ng panlipunang aktibidad—pawang kongkretong ebidensya ng transkultural na habi ng pag-unawa ang mga ito sa nakaraan ng Pilipinas (Scott 1994; Hau 2017). Sa ikatlong kabanata, ang salaysay ay magbibigay-diin sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan: susuriin at ihahahambing ang mga limitasyon ng tradisyonal na historiograpiya sa pamamagitan nang paggamit ng isinusulong na mapaghabi o mapag-ugnay na kasaysayan (Anderson 2006; Rafaeil 2010), at ipapanukala na rin kasabay nito ang isang mas ingklusibo, makatarungan, makatao, at pandaigidig na historiograpiyang yumayapos sa pluralidad ng karanasan at paggunita sa ugnayan ng mga kultura (Mojares 2002; Salazar 2021).

Sa kabuuan, ang pangkalahatang layon ng papel ay malinaw—maglatag ng bagong historiograpiyang balangkas na nakaugat sa transkultural na pamana, na hindi lamang bumabasag sa teleolohikal at kanonikal na kasaysayan bilang tatak ng tradisyonal na historiograpiya, kundi nagtataguyod ng pag-unawa sa transkultural na pamana mula sa konteksto ng sarili bilang buhay na habi ng gunita, salubungan ng mga tinig, at daluyan ng pakikipag-alabay sa pandaigdigang larang (Anderson 2006; Clifford 1994; Hall 1997). Sa ganitong daloy, ang tatlong kabanata ay magkakaugnay at nagsusulong ng pagbabagong pananaw: mula sa kritikal na pagsipat, tungo sa kongkretong pagsasakasaysayan, at sa huli ay sa pagbubuo ng bagong kaalamang pangkasaysayan na higit na plural, makatao, at nakaugat sa ugnayan ng mga kultura (Salazar 2021; Hau 2017).

I. Siwang sa Gitna at Daloy: Pagtatahi ng Teoryang PangkasaysayanGamit ang Transkultural na Pamana

Nakapaloob sa kabanatang ito ang pagtalakay hinggil sa pagsipat na historiograpiko, isang pagbubukas ng mata sa halaga ng transkultural na pamana bilang materyang pangkasaysayan, ontolohikal na saligan sa pagsasakasaysayan, at praxis na magagagamit sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayang sandig sa pangangailangan at pag-unlad ng bayan (applied). Katulad ng nasabi na, isasagawa ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa naturang pamanang lahi gamit ang binanggit sa unahang panloob na lapit sa pagbasa (Bhabha 1994; Clifford 1994; Hall 1999). Sa ganitong pagdulog, ang transkultural na pamana ay hindi lamang nakapirmi, monolitiko, at estatikong bakas ng nakaraan, kundi nagiging buhay na daluyan ng pakikipag-ugnayan at patuloy na humuhubog sa identidad ng sambayanang Pilipino (Anderson 2006; Hall 1997).

Tulad ng hibla sa pangkasaysayang paghahabi, ang preskriptibo, pormulado, at sumisiil sa pluralidad ng mga ugnayang nakikita sa kanonikal na mga salaysay ng tradisyonal na kasaysayan, nais na punan, takpan, at burahin ang mga siwang at daloy na ito sa pamamagitan ng historiograpiyang gumagamit ng danas at gunita sa mga nagdaan upang bigyang espasyo ang naratibo ng pag-uugnayan, pagtatagpo, at salubungan bilang pinakadiwang buod ng transkultural na lapit sa pagsasakasaysayan (Mojares 2002; Ileto 1998; Villan 2020). Sa pamamagitan ng lenteng ito, ang transkultural na pamana ay lumilitaw na panakip o pampuno sa mga nawaglit na alaala na ibinunsod ng teleolohikal at kanonikal na praxis pangkasaysayan—isang dinamiko at pagsasalaragway ng pakikipag-ugnayan, paghabi ng gunita ng mga danas na may diin sa pagbubuo, at pagbabago ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino (Scott 1994; Hau 2017; Villan 2020).

Upang higit na maunawaan ang masalimuot na habi ng transkultural na pamanang binibigyang-diin sa artikulong ito, kinakailangang lumipat mula sa pangkalahatang pagdulog ng pampamanang historiograpikong pagbasa tungkol sa mas tiyak na mga lente na magbibigay-buhay sa iba’t ibang dimensyon ng kasaysayan (Anderson 2026; Zialcita 2005). Kung sa panimula ay ipinakita sa akda ang pamana bilang dinamiko at patuloy na daluyan ng ugnayan (cultural currency), sa kabanatang ito ay sisipatin kung paano ang iba’t ibang teoretikal na balangkas ay nagiging kasangkapan upang mailantad ang mga puwang, nang sa gayo’y mabuo ang mga bagong espasyo ng identidad, at maitanghal ang transkultural na pamana sa larang ng pangrehiyon, pangkontinente, at pandaigdigang daloy ng pakikipagrelasyon (Eslit 2024). Sa pamamagitan ng panloob na pagsipat, sa pag-aaral, makikita ang transkultural na pamana bilang larangan ng pagbawi at malikhaing pag-aangkin ng mga Pilipino mula sa kolonyal na nakaraan (Rafael 2010; Ileto 1998). Sa teorya ng pag-aangkin o pangkulturang subersyon, lumilitaw ang binabanggit sa unahan na pag-aaral ni Bhabha na “third space” (1994) kung saan nagtatagpo ang lokal at banyaga upang lumikha ng bagong anyo ng kultura at identidad. At sa saligang kultural ng pag-aalabay, nakikitang malinaw na ang pamana ay bahagi ng likas, panloob, organiko, at malawak na transnasyonal na ugnayan, tumatawid sa hangganan ng bansa patungo sa transrehiyonal, transkontinental na larang at naging simbolo ng pandaigdigang karanasan (Clifford 1994; Hall 1997). Sinasapantaha ng pag-aaral na ito na ang pakikipag-alabay bilang malawak na tulay ng pakikipag-ugnayan sa mundo ay siyang batayan ng pagsipat, lapit, at pag-unawa ng pang-internasyonal na pag-aaral (IR) at diplomatikong pangkultura ng mga Pilipino (Villan 2025).

Sa transkultural na kasayayan, kung iuugnay ang binabanggit ni Mary Louise Pratt na “contact zones” ay mahahalagang mga pook kung saan ang iba’t ibang kultura ay nagtatagpo, nagbabanggaan, at nakikipag-negosasyon sa isa’t isa, na malimit ay sa ilalim ng di-balanseng kapangyarihan (kolonyalismo, imperyalismo, diktadura, totalitaryanismo), kung saan humahantong aniya sa pag-aangkin at pagsalungat, hindi sa pamamagitan ng simpleng kagampan sa asimilasyon, kundi nagtatanghal ng bagong kahulugan (Indios Bravos, determinadong Moro at iba pa) sa pamamagitan ng di-pantay na pakikipagpalitan at pangkulturang paghahalo, ay maituturing na mahalagang pag-unawa ng global na kasaysayang lampas sa teolohiko-kanonikal na naratibong pangkasaysayan.

Itong binabanggit ni Pratt na contact zones, kung susuriin pa, ay siya ring tinatawag ng ibang iskolar na “transcultural spaces” at kinukonsiderang dinamiko, malimit na may pagka-fluid ang karakter at siyang salubungan ng iba’t-ibang kultura, pakikipagtagpo, pakikipagsalamuha, paghahalo, at naglilikha sa huli ng bagong anyong kultura, kakanyahan, at kahulugan. Matatagpuan ang mga sonang kultural na ito sa tinatawag na transcultural infrastructures na tumutukoy sa lahat ng sistema—pisikal, sosyal, institusyonal-digital—na nag-uugnay, sumusuporta, at nagpapadaloy ng pangkulturang pakikipagpalitan, at pag-uunawa sa lahat ng magkakaibang kulturang may malaking epekto sa globalisadong mundo, uring nalilikhang sining, pangkalusugang praktika, at mga disenyong pamayanang urban, sa pamamagitan ng pabibigay-tuon sa binabangit na shared practices, mediating actors, at paglikha ng inangking kultura (transculture).

Ngunit papaano nga ba ipinadadaloy sa loob ng mga pook-tagpuan o espasyong transkultural at sa mas malawak na konteksto ng imprastrakturang transkultural ang binabanggit na inangking kultura? Pinadadali, pinadudulas, at ginagawang magaan ang pagpapadaloy ng mga inangking kultura sa pamamagitan ng teknolohiyang transkultural na makikita sa larangan ng edukasyon, musika at iba pang anyo ng sining, pangkulturang pamana, at digital media. Itinutulay, pinaghahalo, at lumilikha ng bagong kahulugan mula sa iba’t ibang mga kultura ang mga transkultural na teknolohiya upang pagsanibin, umangkin, at magsadaigdig ng lahat ng pamanang kultural sa loob ng mga tagpuang pook na binabanggit ni Pratt.

Ibig sabihin, sa mata ng mga historyador, ang mga tagpuang pook na ito na binabanggit at nakikita sa lahat ng imprastrakturang transkultural na ipinadadaloy gamit ang mga transkultural na teknolohiya ay naglalaman ng mga materyang pangkasaysayan—mga ideya, kapaligiran, bagay, tao, lipunan, institusyon, simbolo, at wika—itinuturing na transkultural na pamanang pinaglalagakan ng kolektibong danas, sandigan sa paggunita, at gawaing pagsasakasaysayan (Villan 2020).

Sa pagsusuri, nakapaloob sa mga ideyang transkultural ang mga kilusan, pakikipagpalitan, pagsasanib ng mga paniniwala at mga halaga sa pagitan ng mga kultura. Samantala, ang kapaligirang transkultural naman ay ang pook na pinangyarihan ng pakikipag-ugnayan, salungatan, at pakikipagpalitan ng mga kultura, pinaglilikhaan ng bagong kultura bunsod ng naganap na tagpuan o salubungan, pinagkaganapan ng napagkasunduang mga tradisyon at praktika, at pinagkayarian ng bagong identidad ng mga tao.

Sa kabilang dako, tumutukoy naman ang kasangkapang transkultural sa midyum ng pakikipag-ugnayan, pakikipagsalungatan, at pakikipagpalitan na itinatawid sa iba’t ibang kultura, binagong kahulugan na inilalapat dito, uri ng paggamit, at pagpapakahulugang ikinakabit sa mga ito. Ilan sa mga tampok na halimbawa nito ay ang Mexican silver, Spanish coin, at Chinese silk and porcelain. Habang ang tao o mamamayang transkultural naman ay tumutukoy sa sinumang pangkating pantao na lumilipat, nandarayuhan o nangingibang-bayan, na nagaganap hindi lamang sa larang na domestiko (in-migration), kundi pandaigdig (out-migration), kung saan ay lumilikha ng bago, pinaghahalong kakanyahan, at pinagsasanib ang maramihang elementong kultural na nagreresulta sa isang fluid at masalimuot na sentido ng pagkakakilala sa sarili na lampas sa isang pangkulturang pinagkaugatan.

Sa kabilang banda, tumutukoy naman ang lipunang transkultural sa iba’t-ibang komunidad at pinagmulang kultura na nagsasama-sama sa isang lugar, namumuhay, nakikipag-ugnayan, nakisalamuha, at nakipagtalaban sa isa’t isa upang makabuo ng pinagsanib na pagkakakilanlan nang sa gayo’y magsulong ng myutwal na pagkakakasundo sa magkabilang panig. Makikita ang halimbawa nito sa mga smart megacity, propesyong nursing, at digital platforms. Ang institusyong transkultural naman ay tumutukoy sa mga organisasyon sa pagnenegosyo, eskwelahan, sistemang pangkalusugan, kapakanang pantao at pangkalikasan, at mga pangkat na nagsusulong ng pamana at sining na nag-o-operate sa iba’t ibang kultura. Pinangangasiwaan nila sa pamamagitan ng pagtutulay ng iba’t ibang kultura gamit ang magkakatulad na mga konsepto, ideya, tradisyon, at pagpapahalaga upang di lamang pagdugtungin ang mga ito, kundi upang makabuo rin ng magkasanib, pinaghalo, at nagkakaugnay na kultura para sa kapakanang panlahat.

Ang simbolikong transkultura ay tumutukoy naman sa mga senyas, imahe o larawan tulad ng puso (sumasagisag sa pag-ibig, pagmamahal, at pagmamalasakit), kalapati (pagkakasundo, kapayapaan, pagtutulungan), hugis-bilog (walang hanggan o kawalang katapusan) at iba pa na nagtataglay ng unibersal na pagpapakahulugan at kinakasangkapan sa pagkakaisa, pagkakasundo, at kaunawaan. Ang transkultural na wika ay tumutukoy naman sa uri ng paggamit ng komunikasyong lumalampas sa kinagisnang wika, lipunan, at kulturang kinabibilangan, na, sa malimit, ay kinakasangkapan upang makalikha ng bagong kahulugan, imahen, at kakanyahan. Sa Pilipinas,ang kongkretong halimbawa ng mga transkultural na wika ay ang Chavacano ng Zamboanga, Ternate, at Cavite City. Dito maisisingkaw ang kasalukuyang phenomenon ng paggamit ng mga modernong kriolyong wikang Taglish ng Generation Z at Alpha sa Pilipinas, Singlish ng Singapore (a vibrant English creole with Malay/Chinese influence like lah, makan, at shiok), Patua ng Macau (Portuguese-based creole), Girlas ng Brazil, Manglish ng Malaysia, Chinglish ng Hong Kong, Hinglish ng Pakistan, Franglais ng France, Denglisch ng Germany, Arabiz ng Middle East at iba pa. Kasama na sa mga ito ang mga jargon at lingo ng mga sektoral na grupo, akademya, at mga propesyonal na wikang maituturing ding transkultural dahil lumalampas ang paggamit ng sosyolingguwistikong phenomenon na ito sa kinagisnang etnolingguwistikong parametro, kinabibilangang sektor, ibang espesyalisasyon, at nagsisilbing tulay sa pakikipag-ugnayan at pakikipagpalitan sa iba’t ibang pangkating pantao at kultura. Hindi lang ito kasangkapang pangkomunikasyon na matatawag, kundi sagisag ng estado sa buhay, pagkakakilanlan, at tatak ng transkulturadong mamamayan ng kani-kanilang kinaroroonang sektor, pook man o bansa.

Pagbawi at Pag-aangkin ng Transkultural na Pamana.

Sa pagbasang panloob sa penomenon ng transkulturalismo bilang dinamikong pakikipag-ugnayan at pagsasanib ng iba’t ibang kultura na likas sa pagkatao ng mga Pilipino, ang pamana sa lenteng historiograpiko ay hindi lamang bakas kung gayon ng kolonyal na panghihimasok, kundi isang larang ng pagbawi sa sinupil na mga tinig at pag-aangkin ng mga Pilipino (Rafael 2010; Ileto 1998). Ang tatlong siglong singkad ng pananakop ng mga Espanyol (1565-1898), halos limampung taon ng pamamahala ng mga Amerikano (1898-1942), at tatlong taong paghahari ng mga Hapones sa bansa (1942-1945), ay nag-iwan ng alaala na, sa halip na manatiling pasibong tanda ng pananakop, ay naging batayan ng kritikal na pagsusuri kung papaano binago, isinabuhay, at ginawang bahagi ng sariling kultura ng sambayanan ang mga transkutultural na elementong nagmula sa banyaga (Anderson 2006; Salazar 2021; Rodriguez 2021). Sa ibang salita, ang binaryong lapit ng “sinakop-mananakop” o yaong diskursong “umalipin-inalipin” na hayag na nakikita sa tradisyonal na kasaysayan ay walang puwang sa itinataguyod na magkakahabi o magkakaugnay na kasaysayan (entangled history) na gumagamit ng lenteng pampamanang historiograpiya at kumakasangkapan sa transkultura bilang materyang pangkasaysayan (Hall 1997; Bhabha 1994). Sa ganitong pagbasa, ang transkultural na pamanang Pilipino bilang materyang pangkasaysayan ay lumilitaw bilang pook, bukal, batis, at daluyan ng masalimuot na pakikiugnay, paglaban kung kinakailangan, marubdob na pagbawi sa mga siniil na ano man, at malikhaing pag-aangkin sa kung alin ang mayroon tayong winaglit bunsod ng naganap na interaksyon o danas ng pangkalinangang pakikipag-engkuwentro (Mojares 20022; Hau 2017; Villan 2020).

Sa halimbawa, makikita ito sa arkitektura ng bahay na bato, na, bagaman hango sa kolonyal na disenyo, ay isinasabuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng lokal na materyales gaya ng nipa, nito, kawayan, adobe, at korales (Scott 1994). Ang pampamayanang arkitekturang urban na makikita sa Vigan (Ilocos Sur), Taal (Batangas), Silay (Negros Occidental), at Jimenez (Misamis Occidental), na nasa kaso ng una, ay kinilalang UNESCO Heritage Site. Sa panloob na pagbasa, sumasagisag ito ng singkretikong ugnayan, pangkulturang pag-aangkin, at materyal na tanda ng pakikipag-alabay ng mga Pilipino sa iba o banyagang kultura (UNESCO 1999; Villan 2025). Ang mga arkitekturang ito, na walang dudang transkultural na mga labi sa mga nakaraang siglo, ay naging simbolo ng pagsasanib ng banyaga at katutubo, patunay sa kakayahan ng sambayanang Pilipino na umangkop, makibagay, at mag-angkin ng kolonyal na pamana upang bawiin mula rito ang likas na kaniya at gawing lehitimong sariling pamanang yaman (Zialcita 2005).

Gayundin, sa parehong kalakaran, ang wikang Kriolyo ay hindi lamang alaala ng Espanya, kundi malikhaing pag-aangkin ng mga Pilipino sa banyagang wika upang ang nabanggit na wika ay gawing daluyan ng estratehikong komunikasyon sa puntong sosyolingguwistiko, kultural na lingguwistika, at etnolingguwistika na maaaring kasangkapan para unawain ang ideya ng epektibong pakikipagtalastasan at paglikha ng identidad o pagkakakilanlan (Frake 1971). Sa Zamboanga, nagsilbing tagapagbuklod, halimbawa, ang wikang Chavacano ng iba’t ibang pamayanang kultural o etnolingguwistikong pangkat tulad ng mga Subanen, Ilonggo, Cebuano, Samal, Tausug at iba pa. Samantala, sa mga taga-Ternate (Cavite), ang kanilang bersyong Chavacano ay malinaw na tanda ng kanilang migrasyon noong ika-17 siglo sa may bunganga ng Buca Grande (bilang inaasahang tagapagtanggol ng Maynila), pagiging liping Mardicas (marangal na mandirigma), at matagumpay na pagsugpo samga kilusan sa Panay (Tapar), Pampanga (Maniago), at Pangasinan (Malong) (Villan 2009; Deinla 2025).

Sa larangan ng pasundayag na pangkalinangan, ang mga pangkulturang kapistahan o pagdiriwang na itinataguyod ng mga LGU sa bansa ay halimbawa rin ng pagbabagong-anyo ng kolonyal na pamanang transkultural. Ang mga piging o pagdiriwang na nagtatampok ng Sayaw, Binirayan sa Antique, Capiztahan sa Capiz, at iba pa ay hindi basta lang maaaring tingnan na pangkasaysayang alaala, kundi isang pansundayag ng pangkalinangang pamana na sinasangkutan ng iba’t ibang institusyon, pagsalubungan ng mga pangkating etniko, pagtatanghal ng kolektibong kakanyahan, at isang bukas na paanyaya na pasundayag sa kanino man dito sa bansa at ibayong dagat (Mojares 2002; Hau 2017).

Maging sa larang ng sining, ang kulintang at gamelan, halimbawa, ay patunay ng pluralidad ng pamanang pangkultura para sa umiiral na phenomenon ng transkulturalismo sa Pilipinas (Maceda 1998). Bagama’t hindi tuwirang kolonyal ang naturang mga sayaw ng lahi, ang nabanggit na pasundayag-saot ay isang kaparaanan sa pakikipag-ugnayan sa mas malawak na tradisyon sa Asya, gaya ng sa Indonesia at Malaysia. Ang kulintang ng Meranaw at iba pang pangkat etniko sa Mindanao, tulad ng sa musiko-pagtatanghal, ay maituturing na transkultural na kasangkapan na nakaugat sa mas malawak na tradisyon ng gong-chime ensembles sa Timog-Silangang Asya (Kartomi 1990). Sa panahon ng kolonyalismo, nanatili itong buhay sa mga pamayanang Moro sa Mindanao bilang tanda ng kanilang pangkulturang pakikibaka at ang pagpapanatili ng gayong katutubong musika at pasundayag ay isang matibay na pakikipag-ugnayan at tatak ng kaisahan sa loob ng pamayanang Moro (Canave-Dioquino 1992). Ang pagpapatuloy ng kulintang sa loob ng mas malawak na mga chimes ensemble sa kontinenteng Asya ay aktibong pagtutuloy ng transkultural na pakikipag-ugnayan sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya at bahagi ng paggamit na pangkakanyahan ng mga Muslim na Pilipino sa daigdig (Maceda 1998).

Sa panahon ng mga Amerikano, ang mga larong basketball, volleyball, golf, at tennis, kasama na ang larong boksing at iba pang kilalang isports, ay naging sagisag ng malikhaing pag-aangkin. Bagaman ang mga ito ay mga banyagang isports, mabilis itong niyakap ng mga Pilipino sa buong kapuluan, lalo na ang basketball at boksing, sapagkat nakapaloob ang mga ito sa kinagigiliwang magkaugnay na laro ng mga Pilipino (Novillo-Macasil 2023). Ang pagkakatatag ng Philippine Basketball Association (1975), ang pinakamatandang professional basketball league sa Asya, ay patunay ng pagbabagong-anyo ng banyagang pamana na nakaugat sa lokal na identidad (Novillo-Macasil 2023). Sa mga liga ng barangay, palarong pangpaaralan, pangkawanihan, pangtanggapan, pambansa, pangrehiyon, pangkontinente at sa tagumpay na tinamasa ng Gilas Pilipinas sa maraming pagkakataon, makikita ang pagbabagong anyo ng banyagang kultura na ipinaloob ng mga Pilipino sa ideya nila ng paligsahan, bunuan, babagan, at tagisan na makikitang kongkreto sa praktikang pangkomunidad sa Capiz ng mangayaw ta it basktebol (dadayo o mangingibang barangay, bayan o bansa tayo para sa pakikipagtagisan ng kasanayan, galing, lakas, tatag, abilidad, at diskarte), magparebansa ta kun sanda mapirdi sa home court (magbigay ng bagong game sakaling matalo sila sa home court), at magbalos luman galing kun kita mapirdi (gumanti tayo sakaling tayo naman ay tinalo sa dinayong pook). Ang lahat ng ito ay pawang nakikita o mababakas sa gawaing pagpangayaw bilang transkultural na ideyang maritimo ng mga Pilipino sa bansa (Villan 2009).

Sa larangan ng edukasyon at kaalaman, ang mga ilustrado at elitistang Pilipino noong ika-19 at ika-20 siglo ay gumamit ng kolonyal na kaalaman upang bumuo ng modernong identidad at pambansang kamalayan (Hau 2017; Anderson 2006). Ang kanilang paggamit ng transkultural na wika (kaya umusbong ang Hispanisado at Amerikanisadong etnolingguwistika), sining (Hispanisado at Amerikanisadong panitikan, sining biswal, at pagtatanghal), at teknolohiya (Hispaniado at Amerikanisadong kagamitan sa pagsasaka, pangisda, pakikidigma, at transportasyon), ay patunay ng malikhaing pag-aangkin sa mga banyagang elementong kultural upang makabuo ng sariling naratibo ng bansa sa kontekstong transrehiyonal, transkontinental, at pandaigdig (Mojares 2002; Rafael 2010).

Sa larangan ng sining biswal, ang mga obra, halimbawa, nina Juan Luna at Félix Resurrección Hidalgo, ay mga transkultural na pamana. Bagaman nakaugat sa tradisyong Europeo ng pagpipintang estatiko, kung ihahambing sa community-based, bukas, at highly mobile na pangsining na produksyon (tulad ng okir, batuk, panubok at iba pa), ang kanilang mga likhang sining ay nagtataglay ng pambansang kamalayan at naglalaman ng kritikal na pagsipat sa kolonyal na karanasan ng mga Pilipino (Zialcita 2005; Salazar 2021). Ang kanilang produksyong sining, samakatuwid, ay nagiging platform at daluyan ng pagbawi sa nasupil na mga tinig ng mga Pilipino sa larangan ng pandaigdigang sining.

Sa larang ng musika, bukod sa kulintang at gamelan, makikita rin ang iginigiit na himig na pangkultura ng mga Europeo sa kundiman at harana. Ang mga ito ay hindi lamang basta tinanggap ng mga Pilipino; gamit ang cultural currency ng transkulturang pananangkapan, inangkin ng mga Pilipino ang banyagang himig at musika sa pamamagitan ng paglapat rito ng danas, gunita, at damdaming bayan (Maceda 1998; Villan 2009 & 2020). Kung sisipatin pa, ang kundiman na hango sa estrukturang Europeo ng awit o ambahan ay ginawa lamang na plataporma, pedestal o tuntungang artistiko upang ipadaloy ang danas, gunita, at damdaming makabayan sa estetikong kaparaanan, patunay ng pagiging malikhain, at mataas na transcultural competence ng mga Pilipino (Villan 2020).

Sa kabuuan, ang panloob na pagbasa sa mga penomenong transkultural at umiiral na kalikasan ng transkulturalismo mula sa pagkatao at pagkamamamayang Pilipino ay hindi simpleng bakas ng pananakop. Ang mga ito ay ipinailalim ng sambayanan sa umiiral at dumadaloy na transkulturalidad sa sariling lipunan upang gawing daluyan ng kanilang kinagawiang pakikiangkop, pakikisalamuha, pagbaka, at pakikipagpalitan sa ibang puwersang pangkultura sa loob man ito o sa labas ng Pilipinas (Rafael 2010; Anderson 2006). Ang mga alaala ng kolonyalismo na makikita sa mga transkultural na materyang pangkasaysayan ay naging hibla o sinulid ng gunita ng kasaysayan na muling hinahabi ng sambayanan sa pamamagitan ng pag-uugat sa dunong katutubo mula sa estratehikong paggunita sa kanilang danas upang umigpaw at maging bahagi muli ng sariling pagkakakilanlan (Salazar 2021; Hau 2017; Villan 2020; Rodriguez 2021).

Pag-aangkin / Pangkulturang Subersyon: Ang Third Space ng Identidad at sa Dako pa roon.

Sa pagbasang panloob gamit ang pang-pamanang historiograpiya sa transkultural na pamana, lumilitaw ang binanggit sa unahang ideyang third space ni Bhabha—isang bagong espasyong kultural kung saan nagtatagpo ang lokal at banyaga upang lumikha ng bagong anyo ng pamana at identidad (Bhabha 1994; Young 1995). Sa halip na mapanatiling hiwalay o magbanggaan, ang dalawang kultura ay nagsasanib, nagbubuo ng tinatawag na “hybrid” na kultura at di-maikakahon sa pinagmulan. Sa konteksto ng Pilipinas, ang kalakarang iyon ay ang pag-aangkin sa dinalang transkultural na pamana kung saan ay ipinapaloob sa organikong konsepto at nagiging dinamiko; isang larang ng di-berbal na pag-uusap, may kapinuhan o mayuming pag-aangkin, at itinutugmang matibay sa pangkalinangang pinagkaugatan kung saan mula sa sariling muni at paglikha ay nakakabuo ng bagong identidad na tuloy-tuloy na hinahabi ng mga Pilipino mula noon at magpahanggang sa ngayon (Hall 1997; Clifford 1994).

Sa arkitektura, makikita ang inangking anyo sa mga naitatag na daungan, tulay, lansangan, liwasan, pamilihan, at iba pang gusali noong panahong Espanyol. Ang Tulay ng Malagonlon sa Tayabas, Tulay Boni sa Miag-ao, Fortaleza de Zamboanga, Casa Real ng Iloilo at Quezon, at iba pa ay ilan lamang sa mga halimbawa ng mga arkitekturang isinasabuhay ng mga lokal na manggagawa gamit ang mga adobe at matitibay na tabla mula sa lokalidad.

Sa larang pangwika, malinaw ang gawain sa pangkulturang pag-aangkin at pakikiangkop ng mga Pilipino sa anyo ng kasalukuyang Taglish at sinaunang Krioliyong wika. Ang Taglish na karaniwang ginagamit sa mga sentrong urban gaya ng Baguio, Metro Manila, Bacolod, Iloilo, Cebu, Cagayan de Oro, Zamboanga, General Santos, Davao City at iba pa ay hindi lang tanda ng impluwensya ng mga Amerikano at Espanyol, kundi patunay ng mataas na kakayahang transkultural ng mga Pilipino (Hau 2017; Tupas 2015). Ang Chavacano, na hango sa Espanyol ngunit inanyuhan, binago, at isinapulido ng mga Pilipino sa Zamboanga, ay patunay muli ng kultura ng pakikipag ugnayan, pagsalunga, at pakikiangkop sa ibang kultura gamit ang taglay na mataas na uri ng transcultural competence ng mga Pilipino. Sa katunayan, ginamit pa nga itong opisyal na wika ng pamahalaang lokal, kasangkapan sa pagtuturo, at batayan sa mga inisyatibang pangkaunlaran, ebidensya ng pagiging buhay na inangking kultural na pamana (Frake 1971; Lipski 1986; Deinla 2025).

Sa mga ritwal at seremonyas, Panagbenga ng Baguio, T’nalak ng Cotabato, Capiztahan ng Capiz, at Singkaban ng Malolos at marami pang iba ay mga halimbawa lamang sa mga nagpakita ng inangking anyo ng pangkulturang pamana at maituturing na kasangkapang transkultural sa mas malawak na binabanggit sa unahang imprastrakturang transkultural na pinapalaganap, ipinadadaloy, at pinadudulas kapuwa ng panlipunan at pangkomunikasyong teknolohiyang transkultural gaya ng lokal na pamahalaan, kagawarang pang-edukasyon, kagawaran ng turismo, himpilang pangradyo, estasyong pangtelebisyon, at digital media platforms (Enriquez 1992; Mojares 2002; Pertierra 1992). Bagaman sinasabing nagmula sa Europeong tradisyon ng pagdiriwang ang iba sa mga iyon, malinaw na sa transkultural na lente ang mga gayon ay mga akto ng pagbawi dahil nakaugat ang nabanggit na mga pasundayag-ritwal at seremonyas sa katutubong tradisyon (kinaandan) ng pagsasaya, dakong nilikha para sa muling pagkikita, bahaginan ng ginhawa, at pagsasaya (kalingawan) para sa pakikipagkapuwa, at pakikipag-alabay sa ibang kultura (Villan 2025).

Sa sining at musika, bilang epektibong kasangkapan sa pagpapaunlad ng transkulturang pagsasanay, makikita ang akto ng pag-aangkin, pagbaka, at pakikiangkop sa mga musika gaya ng binabanggit sa unahang kundiman at mga awiting pangharana. Bagama’t ipinangangalandakan ng ilan na nagmula o hango sa kolonyal na musika, ito ay maaaring ugatin sa isinasabuhay ng mga Pilipino ang pag-ibig at kinasangkapan para sa makabayang ekspresyon, pakikipag-alyansa, at pagbubuklod ng estratehikong damdamin para sa hinahangad na pagbabago sa lipunang kinapapalooban. Ang mga komposisyon nina Nicanor Abelardo at Francisco Santiago ay patunay ng pagsasanib ng banyagang musikal na estruktura (European classical forms) at lokal na damdamin, liriko, ritmo, at melodiya, na sa panloob na pagbasa ay kahayagan ng mataas na antas ng transkultural na kakayahan ng Pilipino na makipag-ugnayan, sumalunga, umangkop, at makipagpalitan sa mga banyaga (Maceda 1998; Tiongson 1994).

Maging sa popular na kultura, makikita ang inangking kultura sa mga halimbawa nito sa mga pagkaing Pilipino. Ang halo-halo ay kahayagan ng pinagsanib na lokal na sangkap (gaya ng saging, kamote, at gulaman; at shaved ice na bunga ng tradisyong Hapones), at pizza na binago ang sahog gaya ng pagsasangkap ng seafood, prutas at iba pang sahog—tahong, hipon, langgonisa, isda, mangga at iba pa. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang Spango Pizza ng Roxas City (Capiz) na may seafood toppings; Buddy’s Pizza ng Lucena na may pancit Lucban (Quezon) at sisig-inspired toppings; La Locanda na may seafood toppings at homely vibe ng Nasugbu (Batangas); Casa Napoli ng Iloilo City na may longganisa at kesong puti toppings (Iloilo); Pizzakid ng Bukidnon na may peach mango toppings crafted for Filipino palate (Bukidnon); Mama’s Table ng Baguio na may adobo-inspired toppings (Benguet); La Bella Napoli na may tocino at pineapple blends toppings ng Tagaytay (Cavite); Gino’s Brick Oven na may kesong puti at local greens toppings ng Dumaguete (Negros Oriental); Pitstop Pizza ng Jordan na may mango at kesong toppings (Guimaras); at Wildlife Provincial na may gourmet pizzas with tropical fruit toppings ng Cebu City.

Samantala, ang Tsinong pagkaing pancit, na nauna pa kaysa pizza ng Italya na pumasok sa Pilipinas at ilan sa mga tinatawag na fusion food, ay siyang pinag-ugnayan ng mga Pilipinong pancit—pancit Malabon, pancit Molo, pancit habhab, pancit luglog, pancit batil patong at marami pang iba—na naging bahagi ng lokal na pamana ay karagdagang patunay sa mataas na transcultural competence ng mga Pilipino at nagtatampok sa kanilang pagiging mapag-ugnay, mapagsalunga, nakikipagpalitan, at mapag-angkop sa banyagang kultura (Zialcita 2005; Fernandez 1988).

Sa kabuuan, sa panloob na pagsipat, ang penomenong kultural ng pag-aangking Pilipino at mataas na antas ng transkulturalidad sa bansa ay naglalantad na ang pamana ay hindi lamang gunita ng ugnayan sa nakaraan, kundi espasyo ng di-berbal na pag-uusap at organikong paglikha. Sa “third space” na ideya ni Bhabha, kung babalikan pa, ang lokal at banyaga ay nagbubuo ng isang bagong anyo ng identidad—isang habi ng kultura na patuloy na nagbabago at humuhubog sa kamalayan at pagkakakilanlang Pilipino (Bhabha 1994; Hall 1999).

Sa Lente ng Pakikipag-alabay: Ang Paglalakbay ng Pamana sa Pandaigdigang Daloy.

Sa pagbasa sa lente ng pakikipag-alabay, ang pamana ay hindi na lamang nakapirmi sa lokal na guni o alaala ng isang pamayanan, kundi lumilitaw bilang bahagi ng mas malawak na daloy ng kalakalan, pandarayuhan, pangingibang-bayan, at transnasyonal na pakikipag-ugnayan (Tatel 2003; Smith 2006; Harrison 2013; Villan 2025). Ang pamana ay nagiging buhay na ugnayan—isang daloy ng kultura na sabay na nag-uugat sa lokal na karanasan, nakikipag-ugnayan sa karatig bansa sa loob ng kinaroroonang rehiyon, kontinente, at sa mas malawak na pandaigdigang espasyong maaaring maging entablado ng pamumuhay ng mga Pilipino (Ashworth, Graham, and Tunbridge 2007). Sa ganitong pananaw, ang pamana ay hindi na lamang sagisag ng nakaraan, kundi aktibong bahagi ng multi-kultural na bansa, rehiyon, kontinente, at pandaigdigang diskurso na humuhubog sa pambansang kamalayan, tatak ng kakanyahan sa loob ng kinaroroonang rehiyon, kontinente, at sagisag sa pandaigdigang arena (UNESCO 2011).

Makikita ito sa Ifugao Rice Terraces, na kinilala ng UNESCO bilang World Heritage Site noong 1995 (UNESCO 1995; Acabado 2012). Ang mga hagdang-hagdang palayan, na itinayo higit sa isang libong taon na ang nakalipas, ay patunay ng kaalaman ng mga Ifugao sa pagtatanim ng palay sa matatarik na bundok. Bagaman lokal na pamana, ito ay naging pandaigdigang simbolo ng sustainable agriculture at indigenous knowledge (Acabado 2017). Ang mga terrace ng palay ay bahagi ng pandaigdigang talakayan sa ekolohiya at pagpapanatili ng kalikasan at nagsisilbing ebidensya sa pagiging mapag-alabay at likas na kakayahan ng mga pamayanang katutubo na makipag-ugnayan sa mas malawak na mundo sa pamamagitan ng kanilang teknolohiya at kultura (UNESCO 2011).

Sa larangan ng musika, ang kulintang ay patunay ng transkultural na pamana. Nakaugat sa tradisyon ng mga pamayanang Muslim sa Mindanao, ito ay nakikipag-ugnayan sa mas malawak na tradisyon sa kontinente ng Asya, gaya ng gamelan ng Indonesia at Malaysia (Kartomi 1990; Maceda 1998). Sa kasalukuyan, ang Kulintang ensembles ay itinatanghal sa mga internasyonal na festival at konsiyerto, gaya ng Smithsonian Folklife Festival sa Estados Unidos, na nagbubukas ng espasyo para sa pandaigdigang pagkilala sa lokal na musika. Ang kulintang ay hindi na lamang tanda ng katutubong pamana, kundi katibayan ng pagiging mapag-alabay ng mga Pilipino at kinakasangkapan ang pangkulturang pamanang ito sa pandaigdigang daloy ng sining at kultura (Kartomi 1990; Maceda 1998).

Sa larangan ng padarayuhan at pangingibang-bayan, ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) bilang transcultural agents ng mga Pilipino ay kapuwa kumukuha at nagdadala ng pamana sa iba’t ibang panig ng mundo (Parreñas 2001; Rodriguez 2010). Ang kanilang presensya sa Kanlurang Asya, Europa, Aprika, Amerika Latina, Eurasia, Australia, Amerika, at Oceania ay hindi lamang ekonomiyang ambag sa pamamagitan ng balikbayan box at remittances, kundi patunay ng transnasyonal na pamana na kapuwa pinakikinabangan ng dinarayong pook at ng pinagmulang bayan. Ang kanilang kultura—mula sa pagkain gaya ng adidas, adobo, pancit, biko, suman, banana cue, at halo-halo, hanggang sa relihiyosong ritwal—ay mga epektibong kasangkapang transkultural at nagiging bahagi ng pandaigdigang daloy ng identidad (Aguilar 2014). Sa mga komunidad ng mga Pilipino sa Dubai, Rome, Hawaii, Calgary, Los Angeles at iba pa, makikita ang pagsasanib ng lokal na pamana at pandaigdigang karanasan, na nagbubuo ng bagong anyo ng transkultural na identidad kapuwa ng pinagmulan at dinarayong bayan (Parreñas 2001; Rodriguez 2010).

Ibig sabihin, ang pangkulturang pamanang pakikipag-alabay at bisa ng mga transkultural na kasangkapan na nagmumula rito ay naglalantad na ang pamana bilang yaman ng mga komunidad sa Pilipinas ay hindi na lamang lokal na gunita, kundi pandaigdigang simbolo ng transkultural na karanasan, paggunita, at paglikha (Smith 2006; Harrison 2013). Ang payoh ng Ifugao, payaw ng Iloilo, Antique, at Bohol, musikang kulintang ng Mindanao, at pangingibang-bayan ng mga Pilipino sa apat na sulok ng mundo ay patunay na ang pamana ay buhay na ugnayang tumatawid sa hangganan ng mga bansa. Sa ganitong pagbasa, ang pamanang kultural sa pakikipag-alabay ay nagiging bahagi ng pandaigdigang diskurso ng pampamana—isang habi ng kultura na sabay na nag-uugat sa lokal na konteksto at nakikipag-ugnayan sa mundo (glocal), patuloy na humuhubog sa pambansang kamalayan, at sa pandaigdigang kultural na pananagisag, at pagkilala ng pagka-Pilipino (Ashworth, Graham, and Tunbridge 2007; UNESCO 2011).

Buod at Lagom. Sa pagbasa sa lente ng pangkulturang pamana ng pakikipag-alabay, ang yamang manang transkultural ng Pilipinas ay lumilitaw bilang hibla o sinulid na hindi basta nakabuhol sa lokal na gunita, kundi malinaw na nakakawing sa hangganan ng bansa at rehiyon upang maging bahagi ng kolektibong alaala at pangkulturang pananagisag, at mabisang duyan ng pandaigdigang indayog ng kultura (soft power). Ang payoh ng Ifugao, na kinilala ng UNESCO, ay katibayan ng matatag na dunong katutubo (IKSP) (Rodriguez 2021) sa pagsasakang pang-iraya at naging sagisag ng pandaigdigang diskurso sa planetaryong perspektiba at ekolohiyang pag-aaral. Ang kulintang, na nakaugat sa Mindanao, sayaw sa bangko, at pandanggo sa ilaw ng Katagalugan, tinulabong ng Capiz at iba pa ay nakipag-ugnayan sa malawak na tradisyong kultural ng Asya at itinataguyod sa internasyonal o pandaigdigang entablado. Samantala, ang pandarayuhan o pangingibang-bayan ng mga Pilipino bilang transkultural na mga mamamayan ay nagdadala ng kultura sa iba’t ibang panig ng mundo—mula sa pagkain hanggang sa relihiyosong ritwal at pagpapalawig ng katuruan o doktrina na nagdulot ng maramihang ani ng kasapian na nagmula sa Pilipinas—ay naging bahagi ng transkultural na identidad.

Ipinakikita sa kabuuan na ang pakikipag-alabay ng mga Pilipino na hayag sa pagiging likas na mapag-ugnay, pakikipagsalamuha, at pakikiangkop sa ibang kultura ay klarong di lamang bakas ng mga gunita sa nakaraan, kundi buhay na ugnayan sa kapuwa—translokal man o transnasyonal na konteksto— pawang inuugnay sa panloob, lokal, at nakikipag-ugnayan sa pandaigdigang espasyo.

II. Habi ng Pangkulturang Paglikha: Panlipunang Teknolohiya Bilang Salamin ng Ugnayan

Tumutukoy ang panlipunang teknolohiya sa kinakasangkapan ng lipunan—agham, teknolohiya, at lipunan—at sa kung paano ang mga ito ay nakaaapekto sa lipunan, kultura, at pulitika ng isang pangkating pantao. Sa kabanatang ito ay pagtutuunan ng pansin ang habi ng pangkulturang paglikha sa anyong estruktural, estratehikong wika, at mga seremonyal na rito na nagpapakita ng iba’t ibang anyo ng transkultural na pamana—mula sa katawan at lunan, tahanan at bayan, wika, ritwal, at arkitektura—bilang ebidensya ng malikhaing pag-angkin ng mga Pilipino sa ugnayang nagdaan (Macapagal and Sucob 2024, 112; Ramirez 2024, 45). Sa pagbubunyag ng mga ito, ipinakikita kung paanong ang mga likas na transkultural na Pilipino ay malikhaing nag-aangkin at nagbibigay-buhay sa mga ugnayang nagdaan, ginawang sariling tinig ang mga itinawid na kulturang banyaga at katutubo sa pamamagitan ng pag-aangkop, pagsalunga, at subersyong kultural (NCCA 2023; Villan 2022).

Ang transkutural na pamana ng sambayanang Pilipino sa pagsusuring ito ay maihahambing sa isang lala o banig na hinabi mula sa magkakaibang sinulid—may kulay na katutubo, may anyong banyaga, may hugis na bunsod ng pag-aangkin, at may pagkakahiyang sa punto ng pagkakagamit (Macapagal and Sucob 2024, 118; Ramirez 2024, 52). Mula sa paglikha ng ornamentadong katawan, panlipunang arkitektura ng mga sakayan at daungan, lansangan at liwasan, pamayanan at kabahayang yari sa tabla, kawayan, adobe, korales at bato, sa estratehikong wikang pinagsanib ng mga katutubo sa mga banyagang talasalitaan gaya ng wikang Chavacano at maging ang kasalukuyang Taglish na sinasalita sa mga urbanong pamayanan, mga hibla at burda ng kasuotan gaya ng baro’t saya, salawal, purontong, panuelo, at pisyabit, iba’t ibang uri ng mga seremonyal na mga ritos mula sa pagdadalang-tao, kapanganakan, kaarawan, pagkakasal at hanggang sa mga pangkabuhayang konteksto gaya ng pagsasaka, pangingisda, at industriyal na paggawa at pati na maging ang mga kapistahang kultural na itinataguyod ng LGUs, at sa musika, ng kulintang ng iba’t ibang pangkating Moro, lumilitaw ang mga anyong habi ng mundo na transkulturado (Ramirez 2024, 60; NHCP 2023, 14).

Mula sa unang pagsipat na inihambing ang pamana ng sambayanan sa isang hibla na hinabi mula sa magkakaibang sinulid ng kultura, lumalawak ngayon ang pagtalakay tungo sa kongkretong anyo ng mga hiblang ito sa lipunan (Macapagal and Sucob 2024, 121; Ramirez 2024, 72), kung saan ang kultura, kasaysayan, at kakanyahan ay hindi lamang nakapaloob sa alaala ng mga tradisyon kundi nakikita sa mismong mga estruktura, wika, ritwal, at sining na bumabalangkas sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino (NCCA 2023, 40; Ramirez 2024, 80). Sa pinalamutiang katawan bunsod ng nilikhang moda, sa panlipunang imprastraktura at arkitektura, ang mga nabanggit na pasilidad ay nagiging daluyan ng ugnayan ng mga tao at kultura (Macapagal and Sucob 2024, 130). Sa wika at ritwal, lumilitaw ang pamana bilang banig ng gunita at paniniwala (Ramirez 2024, 95; NHCP 2023, 22). Sa sining naman, mula sa applied hanggang sa disciplinary arts, lumilitaw ang pamana bilang salamin ng ugnayan (Macapagal & Sucob 2024, 145).

Panlipunang Imprastraktura at Arkitektura: Ang Habi ng Pamayanan at Kapangyarihan

Mula sa unang pagsipat na inihambing ang pamana ng sambayanan, lumalawak ngayon ang pagtalakay tungo sa kongkretong anyo ng pagsasakasaysayan (Macapagal and Sucob 2024, 121; Ramirez 2024, 72). Ang kasaysayan ay hindi lamang nakapaloob sa alaala ng mga tradisyong pasulat kundi nakikita sa mismong mga estruktura, wika, ritwal, at sining na bumabalangkas sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino (NCCA 2023, 40; Tameta 2025; Tabao 2024; John 2025).

Sa larangan ng panlipunang imprastraktura at arkitektura, nagsisilbing daluyan ng ugnayan ng mga tao at kultura (NHCP 2023, 14). Gayundin, ang mga batek o at unang nasa Boxer Codex (Scott 1994, 55), mga burda sa ikat cloth tulad ng sa Banton hanggang sa T’nalak ng T’boli (Macapagal and Sucob 2024, 145), hablon ng Ilonggo, at Inabel Iloko (Ramirez 2024, 80), at pati yaong sa Intramuros ng Maynila na itinayo sa panahon ng mga Kastila bilang kolonyal na sentro ng kapangyarihan ay kalaunan naging espasyo ng lokal na pamayanan, pamilihan, at edukasyon (NHCP 2023, 22 & UNESCO 2023, 18).

Ang bahay na bato, na hango sa banyagang disenyo, ay binigyan ng lokal na kahulugan at gamit sa pamamagitan ng paggugumiit ng kinagisnang paggamit ng adobe, kahoy, nito, tabla, kawayan, at nipa, at makikita pa rin sa mga lungsod at bayan gaya ng Vigan, Taal, Silay, at Jimenez, na ang una ay kinilala ng UNESCO bilang World Heritage Site (UNESCO 2023, 25). Ang mga gusali ng pamahalaan, dalahikan, kagawaran, tanggapan, kuwartel, bantayan, daang-bakal, at garison ay nagsilbing tanda ng kolonyal na awtoridad, ngunit sa paglipas ng panahon ay naging bahagi ng pambansang identidad (NHCP 2023, 30). Ilan sa mga kongkretong halimbawa nito ang Malacañang Palace, Casa Real de Iloilo, at Fortaleza de Zamboanga (Villan 2009; Macapagal and Sucob 2024, 150).

Sa bawat gusali at lansangan, makikita ang malikhaing pag-angkin ng mga Pilipino sa banyagang disenyo (Ramirez 2024, 95). Ang mga pantalan gaya ng sa Cebu, Iloilo, Manila, Cavite ay naging tulay ng kalakalan at ugnayan sa ibang bansa (Tatel 2003: NCCA 2023, 55); ang iba’t ibang liwasan—ekolohikal, panlibangan, panlipunan at kultural, pantanawin at pang-edukasyon sa kapuluan—kung saan ginaganap ang mga pagliliwaliw, paglilibang, protesta, pagtitipon, at paggunita sa mga bayani (NHCP 2023, 42). Ilan sa mga tampok na ekolohikal na liwasan ay ang La Mesa Nature Reserve (Quezon City), Bantayan Nature Park (Cebu), at Mt. Apo Natural Park (Davao City) (DENR 2023, 12).

Samantala, ang ilan naman sa mga tampok na liwasan para sa paglilibang ay ang Rizal Park sa Maynila, Iloilo Esplanade sa Iloilo City, at People’s Park sa Davao City (NCCA 2023, 60). Gayundin, para sa panlipunan at pangkulturang liwasan ay tampok ang Quezon City Memorial Circle, Plaza Independencia sa Cebu City, at Ramon Magsaysay Park sa Davao City (NHCP 2023, 48). Habang ang mga estetiko o pangtanawing liwasan naman ang Ayala Triangle Garden sa Makati, Capitol Park and Lagoon sa Bacolod City, at Centennial Park sa Zamboanga City (Ramirez 2024, 110). Sa kabilang dako, para sa ilang tampok na pang-edukasyong liwasan naman ay kinabibilangan ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City, Negros Forest Park sa Bacolod City, at Philippine Eagle Center sa Davao City (DENR 2023, 20).

Sa kabuuan, ang panlipunang imprastraktura at arkitekturang ito ay lumilitaw bilang habi ng pamayanan at kapangyarihan—isang salamin ng kakayahan ng sambayanan na gawing sariling pamana ang mga biyaya ng kalikasan, bakas ng nakaraan, kariktan ng mga gawang sining, at patuloy na paghubog ng pambansang kamalayan mula sa magkakaibang sinulid ng danas at ugnayan (Villan 2020; Macapagal and Sucob 2024, 160; Ramirez 2024, 120).

Wika at Ritwal: Ang Habi ng Gunita at Paniniwala

Mula sa unang pagsipat na inihambing ang pamana ng sambayanan sa isang banig na hinabi mula sa magkakaibang sinulid ng kultura, higit pang lumalawak ang pagtalakay tungo sa kongkretong anyo ng mga hiblang ito sa lipunan (Tameta 2025; John 2025; Macapagal & Sucob 2024; Jocano 2024). Ang kasaysayan ay hindi lamang nananatili bilang alaala ng mga tradisyong pasulat, kundi buhay at aktibong nakikita at nararanasan sa mismong mga ornamentadong katawan at lunan, pisikal na estruktura, estratehikong wika, panlipunang ritwal, at sining-bayan na bumabalangkas sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino (Tabao 2024; NCCA 2023; Kritika Kultura 2025; UNITAS 2025).

Sa larangan ng ornamentadong katawan at lunan, panlipunang imprastraktura at arkitektura, malinaw na makikita kung paanong ang mga pantalan, kalsada, lansangan, at liwasan ay nagsilbing daluyan ng ugnayan ng mga tao at kultura (NHCP 2023; UNESCO 2023; CCP Encyclopedia 2023; PQCS 2024). Ang mga pigura sa ikat ng Banton (Scott 1994), batuk sa Boxer Codex (Scott 1994), at bahay na bato sa Intramuros (NHCP 2023; Falconitin et al. 2024), ay hindi lamang mga applied na sining kundi naging simbolo ng sinaunang pamayanan at kolonyal na awtoridad, at kalaunan ay naging espasyo ng panlipunang pakikipag-unayan (Ramirez 2024; Archium Ateneo 2025). Sa kasalukuyan, kinikilala bilang pambansang pamana at patuloy na nagsisilbing cultural currency at buhay na alaala ng kasaysayan (UNESCO 2023; DOT 2025; PCEP 2024).

Ang mga kolonyal na gusaling yari sa bato at tanawin, bagaman hango sa banyagang disenyo at konsepto, ay binigyan ng lokal na kahulugan sa pamamagitan ng paggamit ng adobe, kahoy, nipa, batong-korales at biomorpikong pagkaunawa sa likas na kapaligiran (Macapagal and Sucob 2024; UST UNITAS 2025; Xavier Kinaadman Journal 2024). Ang pagsasalimbayan kapuwa ng mga likas at likhang estrukturang ito ay makikita rin hanggang sa kasalukuyan katulad ng Historic City of Vigan at Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental na parehong kinilala ng UNESCO bilang World Heritage Sites (UNESCO 2023; SLU SDG Heritage Report 2023).

Sa ibang salita, ang panlipunang imprastraktura, arkitektura at lansangan ay lumilitaw bilang habi ng pamayanan at kapangyarihan (Ramirez 2024; CCP Encyclopedia 2023; CHED Humanities Diliman 2023)—isang salamin ng kakayahan ng sambayanan na gawing sariling pamana ang mga bakas ng nakaraan.

Sining bilang Salamin ng Ugnayan: Applied Arts at Disciplinary Arts

Mula sa unang pagsipat na inihambing ang pamana ng sambayanan sa isang banig na hinabi mula sa magkakaibang sinulid ng kultura, higit pang lumalawak ang pagtalakay tungo sa kongkretong anyo ng mga hiblang ito sa lipunan. Ang kasaysayan ay malinaw na hindi lamang nananatili bilang alaala ng mga tradisyon, kundi nakikita at nararanasan sa mismong mga iba’t ibang manipestasyon ng transcultural infrastructures na bumabalangkas sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Sa larangan ng moda at sining pangkatawan, panlipunang imprastraktura at arkitektura, malinaw na makikita kung paanong ang mga ito ay nagsilbing daluyan ng ugnayan ng mga tao at kultura. Ang mga kolonyal na imprastraktura na itinayo sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol ay hindi lamang naging simbolo ng awtoridad ng Espanya kundi kalaunan ay naging espasyo ng lokal na pakikipag-ugnayan, pakikipagkapwa, at pakikipagpalitan.

Ang mga modang sining na masusumpungan sa buong kapuluan, bagaman hango sa banyagang konsepto at disenyo, ay nakatuntong sa lokal na kahulugan sa pamamagitan ng paggamit ng organikong himaymay, gamit at tinta mula sa lokal na materyales, adobe na ipinundar, ipinanday at nililok na mga tabla, at ipinangbubong na mga nipa. Ang ganitong uri ng produksyong ornamentado at modang pangkasuotan at mga nilikhang kabahayan ay naging sagisag ng pagsasanib ng kolonyal na impluwensiya at sensibilidad na pansining, at makikita pa rin ang estetikong kapangyarihan nito hanggang ngayon. Ang mga bahay na bato sa kahabaan ng Calle Crisologo sa partikular ay patunay ng malikhaing pag-angkin ng mga Pilipino sa kolonyal na arkitektura, na hanggang ngayon ay nagsisilbing buhay na pamana ng kasaysayan, transkultural na materyal sa pag-unawang pangkasaysayan, kasangkapan sa pakikipag-ugnayang panlabas, at batayan sa pagbubuo ng pambansang identidad ng mga Pilipino. Gayundin, ang iba pang mga gusaling pampamahalaan bilang mga transkultural na labi ng nakaraan ay nagsilbing tanda ng kolonyal na awtoridad, ngunit sa paglipas ng panahon ay naging bahagi ng pambansang identidad, pakikipag-ugnayan, at pakikipagpalitan.

Ang mga panlipunang imprastraktura gaya ng nabanggit sa unahan ay nagsilbing tulay ng kalakalan at ugnayan sa ibang bansa, na nagbukas ng daloy ng produkto, ideya, at tao (Tatel 2003). Sa pamamagitan ng mga pantalan, dumaloy ang mga kalakal mula sa Tsina, Mexico, at Europa, na nagbunga ng pagsasanib ng lokal at banyagang tradisyon sa pagkain, pananamit, at teknolohiya. Kasamang ipinadadaloy ng mga daungan ay ang mga ideolohiyang panrelihiyon at sekular na pamamahala. Itinawid din ng transkultural na espasyong iyon ang iba’t ibang taong nagsidako papaloob at papalabas ng Pilipinas. Ang mga liwasan nating tinuran ay naging espasyo ng komunidad at kasaysayan, kung saan ginanap ang mga protesta laban sa kolonyal na pamahalaan, pagtitipon ng mga mamamayan, at paggunita sa mga bayani tulad ni Jose Rizal, na binaril sa Bagumbayan noong 1896. Ang Luneta ay hindi lamang parke kundi naging saksi sa mga makasaysayang pangyayari, mula sa paghihimagsik ng Katipunan hanggang sa mga pagtitipon ng modernong kilusang panlipunan.

Samantala, ang mga lansangan ay nagsilbing daluyan ng pakikipag-ugnayan, mula sa kalakalan hanggang sa mga lakaran at parada, gaya ng mga pansibikong selebrasyon sa probinsya na ginaganap sa pangunahing kalsada ng bayan. Ang mga lansangan ay naging saksi rin sa mga makasaysayang martsa, gaya ng EDSA People Power Revolution noong 1986, na nagpatunay sa kapangyarihan ng sambayanan na gamitin ang espasyong panlipunan bilang daluyan ng kolektibong tinig. Ang EDSA, na dating simpleng lansangan ng trapiko, ay naging simbolo ng pagkakaisa at kapangyarihan ng mamamayan laban sa diktadura.

Sa kabuuan, ang panlipunang imprastraktura at arkitektura ay lumilitaw bilang habi ng pamayanan at kapangyarihan—isang salamin ng kakayahan ng sambayanan na gawing sariling pamana ang mga bakas ng nakaraan. Ang mga gusali, lansangan, pantalan, at liwasan ay hindi lamang pisikal na estruktura, kundi mga daluyan ng kasaysayan at kultura na patuloy na humuhubog sa pambansang kamalayan. Sa pamamagitan ng malikhaing pag-aangkin at pagbabagong-anyo, ang mga Pilipino ay nakapagpapatunay na ang pamana ay hindi lamang alaala ng pananakop, kundi buhay na hibla ng kasaysayan na patuloy na hinahabi mula sa magkakaibang danas at ugnayan (Villan 2020), at sa gayon ay nagiging pundasyon ng pambansang identidad na nakaugat sa lokal ngunit nakikipag-usap sa pandaigdigang entablado.

Buod at Sentesis. Mula sa unang pagsipat na inihambing ang pamana ng sambayanan sa isang banig na hinabi mula sa magkakaibang sinulid ng kultura, higit pang lumalawak ang pagtalakay tungo sa kongkretong anyo ng mga hiblang ito sa lipunan. Ang kasaysayan ay hindi lamang nananatili bilang alaala ng mga tradisyon, kundi nakikita at nararanasan sa mismong mga estruktura, wika, at sining na bumabalangkas sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Sa larangan ng panlipunang imprastraktura at arkitektura, malinaw na makikita kung paanong ang mga pantalan, kalsada, lansangan, at liwasan ay nagsilbing daluyan ng ugnayan ng mga tao at kultura. Ang mga kolonyal na imprastraktura, na sinimulang itatag ng mga Kastila noong ika-16 na siglo bilang kolonyal na sentro ng kapangyarihan, ay hindi lamang naging simbolo ng awtoridad ng Espanya kundi kalaunan ay naging espasyo ng lokal na pamayanan, pamilihan, at edukasyon.

Ang bahay na bato, bagaman hango sa banyagang disenyo, ay binigyan ng lokal na kahulugan sa pamamagitan ng paggamit ng adobe, kahoy, batong-korales at nipa. Ang ganitong uri ng kabahayan ay naging sagisag ng pagsasanib ng kolonyal na impluwensiya at katutubong materyales. Ang mga bahay na bato na nakatalatag sa buong bansa ay patunay ng malikhaing pag-angkin ng mga Pilipino sa kolonyal na arkitektura, na hanggang ngayon ay nagsisilbing buhay na pamana ng kasaysayan. Gayundin, ang mga gusali ng pamahalaan, kagawaran, tanggapan, kuwartel, at garison sa kabuuan ay nagsilbing tanda ng kolonyal na awtoridad, ngunit sa paglipas ng panahon ay naging bahagi ng pambansang identidad ng mga Pilipino.

III. Mula sa Anino ng Kolonya tungo sa Liwanag ng Ugnayan: Magkakahabing Kasaysayan (Entangled History) bilang Bagong Pananaw

Sa kabanatang ito, isasalaysay ang pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan, isang masusing pagtalakay sa mga hangganan ng teolohikal at kanonikal na historiograpiya, at ang pagbubukas ng bagong landas sa pamamagitan ng magkakahabing kasaysayan. Bibigyang-diin sa bahaging ito ang pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan na susuri at maghahambing sa limitasyon ng teleolohikal at kanonikal na historiograpiya sa pamamagitan ng paggamit ng isinusulong na magkakasanib o kasaysayang nagkakaugnay (Claudio 2013; Gadaza et al. 2025), at magpanukala ng isang mas ingklusibo, makatao, pandaigdig na historiograpiya ng Pilipinas na nakaugat sa pluralidad ng danas at ugnayan ng kultura (Villan 2020; Pagunsan & Obispado 2024).

Sa ganitong lente, ang kasaysayan ay klarong hindi na lamang linyar, estatiko, at monolitikong salaysay patungkol sa utopia ng pagkabansa, pagbubuo ng bayani sa lente ng estado at akademya, kundi isang masalimuot na habi ng mga danas at ugnayang pangmamamayan kapuwa sa domestiko at internasyonal na larangan (Mojares 1981; Villaroel 2016; Villan 2020). Ipinapanukala rito, kung gayon, ang isang historiograpiyang mas ingklusibo, makatao, at pandaigdig—nakaugat sa pluralidad ng danas at dinamismo ng kultura (Villan 2020; Espiritu 2020).

Palibhasa sa mahabang panahon, ang kasaysayan ng Pilipinas ay isinusulat sa lilim ng kolonyal at estadong kapangyarihan (Barrows 1905), na nakapaloob sa etnosentrikong, ultranasyonalistang, at minsan pa nga’y esensyalistang katangian. Subalit, sa pagdating ng magkakahabi o kasaysayang magkakaugnay, lumilitaw ang bagong pananaw: ang kasaysayan ay salaysay ng pag-uugnayan (Pante 2025), isang habi ng naratibo ng magkakaibang mga tinig ngunit magkakahugpong sa iisang daloy ng danas at paggunita sa nakaraan (Villan 2020).

Paglalantad sa Limitasyon ng Tradisyunal na Historiograpiya. Ang tradisyonal na historiograpiya ng Pilipinas ay hayag na nakikita alinsunod sa pagiging teleolohikal at kanonikal na karakter nito (CCP Encyclopedia 2023, 102; DOT 2019, 72), sapagkat nagtatampok ang mga ito ng naratibong may katangiang preskriptibo, autoritatibo, at pormulado, mga kaalamang maaaring magbunsod ng halagahing etnosentrismo, esensyalismo, at ultranasyonalismo. Sa ilalim ng ganitong pananaw, ang kasaysayan tulad ng binigyang-diin sa unahan ay madalas na inilalarawan bilang tuwid, wasto, tama, tumpak, at nararapat na ebolusyonaryong kasaysayan tungo sa isang tiyak na layunin o patutunguhan (telos)—pag-aalsa, mga paghihimagsik, rebolusyon, independensya, nasyon -estado, progreso, at modernidad—na tila ba isang siyentipikong pormulasyon at walang puwang para sa mga tinig na hindi umaayon sa linyado o dominanteng naratibong pangkasaysayan (Espiritu 2020; Villaroel 2016).

Una, ang etnosentrismo ay makikita sa pagbibigay-diin sa naratibong pangkasaysayan na nagbubunsod ng dominasyon ng kulturang nasyonal na hango sa danas, gunita (Villan 2020), at pagsasakulturang Tagalog, at Luzon-sentrikong pananaw sa mga kaganapan sa nakalipas na panahon. Kabilang sa metanaratibo ng gayong teleolohiko-kanonikal na salaysay ay ang pagkakahubog ng pamantayan sa pagbuo ng pambansang identidad mula sa gayong kulturalisasyon, pangkasaysayang pananaw, at pagpapahalaga na sumisiil, nagbubura, at nagtatakwil sa ibang kulturang domestiko lalo yaong nasa laylayang sektor—kabataan at kasarian, di-popular na relihiyon at pananampalataya, minoryang komunidad, at mga di-hayag o naisasantabing panlipunang institusyon. Halimbawa, sa mga aklat-aralin noong dekada 50 hanggang 70, ang wika at kultura ng Katagalugan ay madalas na inilalarawan bilang “sentro” o pamantayan ng pagka-Pilipino na makikitang nakapapandayag sa mga pangmadla o panlipunang teknolohiya, samantalang ang iba’t ibang pangkating kultural tulad ng mga Lumad, Moro, at iba pang etnolingguwistikong, sektoral, at institusyonal na pangkat ay palagiang nasa gilid o laylayan ng naratibong pambansa (Lucas 2025).

Ikalawa, ang ultranasyonalismo na umusbong noong huling hati ng ika- 19 na siglo at pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay lumitaw bilang kasangkapan ng estado upang bigyang-diin ang mga bayani bilang tagapagbuklod ng mamamayan sa kasaysayan (Pante 2025). Halimbawa, sa akda ni Agoncillo gaya ng The Revolt of the Masses (1956), nakapaloob ang pagsalarawan sa mga bayaning halos mga Tagalog at pagdiriin sa Katipunan bilang sentrong kilusan at pambansang kilusan ng mga rebolusyonaryong ilustradong namuno diumano sa masa tungo sa pambansang pagpapalaya, ang malinaw na nagsasagilid, nagsasantabi, at nagbubusal sa ibang mga kumakawalang tinig—Moro, IPs, Pulahan, Babaylanato at iba pa—at katibayan kung gayon sa paging teleolohiko-kanonikal na katangian ng pagsasakasaysayang Pilipino (DOT 2019, 72; CCP Encyclopedia 2023, 102).

Ikatlo, ang esensyalismo ay makikita sa pagbibigay-diin sa konsepto ng “purong” identidad (Lucas 2025, 19; Villarroel 2016, 77). Subalit kung titingnan pamana gaya ng ornamentadong pangkatawang sining, arkitekturang bahay na bato, wikang Chavacano, at musika ng kulintang, makikita na ang identidad ng Pilipino ay hindi kailanman naging “purong katutubo”, kundi isang masalimuot na habi ng pag-aangking lokal sa mga elementong kultural mula sa mga banyaga (Espiritu 2020, 134; CCP Encyclopedia 2023, 102). Sa ganitong balangkas, ang kasamaan ng teleolohikal at kanonikal na pagsasakasaysayan sa Pilipinas ay lumilitaw na tala lamang ukol sa talaban ng mananakop-sinasakop o yaong pagsasalaysay na umiinog sa mang-aalipin-umalipin, ngunit hindi nakikita kailanman ang hibla ng naratibo ng karaniwang tao, komunidad, sektor, at institusyong pangmasa o pangmadla. Halimbawa nito sa partikular ay ang pagsasawalang-bahala sa ginawang pagkilos ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita, ang kababaihang Katipunera, ang mga salaysay hinggil sa maralitang taga-lungsod lalo na ang pagbura sa sinangkutang pagkilos ng mga ito sa EDSA 3 (Espiritu 2020; Lucas 2025).

Nunit sa pamamagitan ng pang-pamanang historiograpiya at magkakahabing kasaysayan, lumilitaw ang bagong pananaw pangkasaysayan na nagbubunyag sa kasamaan at limitasyon ng teleolohiko-kanonikal na katangiang pagsasakasaysayan ng tradisyonal na historiograpiya sa Pilipinas (Pante 2025; Villaroel 2016). Ipinakikita ng ganitong lenteng pangkasaysayan na ang kasaysayan ay hindi simpleng tuwid, linyar, at may iisang pinagmulan at may iisa ring direksyong patutunguhan, kundi isang masalimuot na habi ng pakikipagpalitan, salubungan, at pakikipagtransaksyon sa magkakaibang kultura (Espiritu 2020; CCP Encyclopedia 2023).

Ang magkakahabing Kasaysayan sa Pag-unawa ng Ugnayan at Daloy sa Nakalipas. Ang magkakahabing kasaysayan (entangled history) ay hindi hiwa-hiwalay na mga tala ng pangyayari, kundi isang masalimuot na daloy ng magkakaugnay na danas ayon sa lente ng pampamanang historiograpiya (Villan 2009 & 2020; Claudio 2013; Sebastian 2013). Sa halip na linyado at may iisang direksyon ang naratibong pangkasaysayan, ito ay isang tala sa halip na mga ugnayan at daloy ng pakikiangkop, salungatan, at pakikipagpalitan—isang anyo ng paggunita na mula sa iba’t ibang himaymay, hibla, o sinulid ng kultura, pamana, at danas (Espiritu 2020; Villaroel 2016; Villan 2020). Sa ganitong pananaw, ang kasaysayan ng bansa ay malinaw na hindi lamang salaysay ng pakikipagtunggaliang kolonyal at pagsisikap para sa iisang direksyon ng pagkabansa tungong modernidad, kundi isang masalimuot na pagsasanib ng mga tinig na sabay-sabay na humuhubog sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino sa harap ng komunidad ng mga bansa sa sanlibutan (Lucas 2025; Pante 2025). Makikita ito sa mga kongkretong yugto ng ating kasaysayan. Ang mga paglalayag ng Austronesiano libu-libong taon na ang nakakaraan ay naglatag ng pundasyong sosyolohiko, lingguwistiko, at teknolohiko na nakaugat sa maritimong pamumuhay (Barrows 1905; Jocano 2001; Bellwood 1995; Solheim 1984). Ang mga sakayang dagat na balangay na natagpuan sa Libertad (Butuan) sa may dakong ilawod ng Ilog Agusan ay patunay ng mataas na antas ng kaalaman na nakasalig sa katubigan. Sumunod, ang kalakalan mula sa Palembang noong ika-700 CE at Champa at Tsina noong ika-10 hanggang ika-15 siglo ay nagdala ng porselana, seda, at papel (Tatel 2003; Scott 1994; Chu 2010). Higit pa rito, nagbukas ang gayon ng ugnayang nagpatibay sa konsepto ng pakikipag-alabayan sa labas ng Pilipinas (Mojares 1981; Villan 2025). Ang pagpasok ng Islam noong ika-13 siglo at paglaganap nito sa Mindanao noong ika-14 na siglo ay nagdala ng bagong anyo ng pananampalataya, pamahalaan, at mga batas (Rodil 1994; Madale 2003). Ang mga sultanato ng Sulu at Maguindanao ay nagpatibay ng pluralidad ng espiritwal na kultura (UNESCO 2023).

Sa pananakop ng mga Espanyol noong ika-16 na siglo, naitatag naman ang mga simbahan, plaza, at sistemang pang-edukasyon (Agoncillo 1990; Villaroel 2016). Bagaman nakaugat sa kolonyal na gahum, ito ay naging bahagi ng lokal na pamana sa pamamagitan ng pakikipag-alabay at malikhaing pag-aangkin ng mga Pilipino sa mga ipinataw na transkultural na ideyang Espanyol sa kapuluan (DOT 2019).

Sa panahon ng mga Amerikano, ipinakilala naman ang pampublikong edukasyon, demokratikong ideya, at pansibikong imprastraktura (Pante 2025; Lucas 2025). Ang pagtatatag ng Unibersidad ng Pilipinas (1908) ay nagbigay ng larangan ng intelektuwal na diskurso (UP Department of History 2018). Ang Thomasites, mga gurong Amerikano na dumating lulan ng barkong USS Thomas noong 1901, ay naglatag ng sistemang pampublikong edukasyon (DepEd 2023) hanggang sa maipatupad ang Gabaldon Law (1907) na nag unibersal ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas.

Sa larangan ng imprastraktura, itinayo ang mga lansangan, tulay, at daang bakal na nagbukas ng mas mabilis na ugnayan sa pagitan ng mga rehiyon (DOT 2019). Nakatalatag ang mga makasaysayang daang-bakal na ito mula sa Luzon at Visayas (Department of Transportation 2019). Sa isla ng Luzon, halimbawa, ay nariyan ang North Line na naitatag noong 1892 (at nagwakas ang operasyon noong dekada ’80) at tinawag sa pasimulang Manila-Dagupan Railway dahil nag-uumpisa ang biyahe nito mula sa Tutuban patungong Pangasinan at pagkaraan sa La Union (Corpuz 1999; Tabalon 2024). Samantala, ang Southline naman na natatag noong unang dekada ng pananakop Amerikano ay bumibiyahe mula rin sa Tutuban Station at lumalabas ito patungong Lungsod ng Legazpi. Ngunit ipinahinto kamakailan dahil sa ilang mahalagang gawaing konstruksyon malapit sa riles (Damian and Mabazza 2018).

Kabilang sa daang-bakal sa Luzon ay ang nakikitang linya sa Gitnang Kapatagang Luzon at Timog Katagalugan (Damian and Mabazza 2018). Sa Gitnang Kapatagang Luzon ay tampok ang Bulacan-Cabanatuan Line na itinatag noong 1902, ngunit huminto ang operasyon sa panahong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Corpuz 1999). Gayunman, ang pampribadong Pampanga Sugar Railways ay itinatag naman noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang maagang yugto ng ika-20 na siglo, na itinayo ng mga sugar central at hacienda para sa pagluluwas ng asukal na lumakas noong nabanggit na panahon (Corpuz 1999).

Sa Timog Katagalugan, ang Cavite Line na nagsimula ng operasyon noong 1908 ay ang unang extension ng Manila Railroad, na may rutang Tutuban-Cavite (na lumalandas sa San Pedro, Laguna). Katulad ng sa Gitnang Kapatagang Luzon, nagwakas ang operasyon bunsod ng masilakbong digmaan kontra-Hapon. Sa layuning pag-ugnayin din tulad ng iba pang pook sa paligid ng Maynila, nagtatag din ng riles patungong Batangas na sinimulang itatag noong ika-20 siglo. Gayunman, nagwakas din kaagad ang operasyon nito bunsod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Liban dito, pinagsumikapan ding magkaroon ng Rizal Line na nagdurugtong naman sa mga importanteng kabayanan ng Rizal (Tabalon 2024). Ang ruta ay nagsimula sa Rosario (Tramo, Pasig) na bumabagtas tungong Marikina, San Mateo, at Montalban (Damian and Mabazza 2018). Tulad ng mga nuanang linya, nagwakas din ang operasyon nito bunsod ng nagdaang digmaan (Corpuz 1999).

Samantala, sa Visayas ay nagtatag din ang mga gobyernong kolonyal ng Estados Unidos sa Pilipinas ng daang-bakal upang pag-ugnayin hindi lang ang magkakalapit na mga lalawigan, kundi pati na rin ang mga kabayanan, kabuhayan, at mamamayan. Tatlong isla sa Kabisayaan ang nagkaroon ng transkultural na imprastraktura—Panay, Cebu, at Negros—mga isla na matagal nang may maigting na tala ng pakikipag-ugnayan at pakikipagpalitang kalinangan.

Sa Panay, naitatag noong 1907 ang Panay Railways (Iloilo–Capiz Line). Bumabagtas ang pangunahing ruta nito na may humigit-kumulang 117 km. mula sa Iloilo City at nagwawakas sa Roxas City (Capiz), liban sa nagsilbing pangunahing daluyan ito ng pagparoo’t parito ng mamamayan, ang nasabing linyang riles, ipinadadaloy din dito ang mga produktong agrikultural (asukal, bigas) mula sa iba’t ibang kabayanan ng Panay patungong Iloilo Port na itinatawid naman sa iba’t ibang panig ng mundo. Gayunman, tulad ng sa Luzon, dumanas ito ng krisis na dulot ng giyera kung kaya’t ito ay unti-unting bumagsak pagkatapos ng WWII; at tuluyan na ngang tumigil ang operasyon noong 1983 dahil sa pagkakatatag ng pinaikling pambansang daan at mahigpit na kompetisyon ng bus at jeepney (Tabalon 2024).

Sa kabilang dako, sa isla rin ng Cebu sa Visayas ay nagtatag din ng riles ang mga gobyernong Amerikano. Ang Cebu Railways (Danao–Argao Line) ay itinatag noong 1911. Ito ay may rutang bumabagtas mula sa lungsod ng Danao (hilaga ng Cebu) at nagwawakas sa may 90 km. na linya hanggang sa Argao (timog Cebu). Tulad ng sa Panay, pangunahing layon ng pagkakatatag ng pasilidad pang-transportasyon ay ang hakutin ang produktong asukal at abaka upang gawing panluwas na produkto para sa kapakanan ng mga Amerikano (Damian & Mabazza 2018).

Habang nasa pagitan ng pinakakilalang dalawang isla, ang pulo ng Negros ay pinagtayuan din ng daang-bakal na pangunahing inilaan para sa produksyong asukal sa pandaigdigang merkado, ang Negros Sugar Railways (Private Hacienda Lines). Simula pa noong huling bahagi ng ika-19 siglo, may mga bagon na para sa tubo ang itinatag, ngunit pinalawak ito sa panahon ng Amerikano (1900s–1930s). Eksklusibong ginamit ang daang bakal na ito para sa transportasyon ng tubo mula sa mga hacienda patungong sugar centrals para sa pandaigdigang distribusyon ng asukal. Nagwakas ang operasyon nito noong dekada 1970–1980 bunsod ng hamon ng mga tapaw (trak) at mas modernong transportasyon (Corpuz 1999).

Sa ganitong pagtingin, malinaw na ang pamana ay nagiging daluyan ng magkakaibang tinig (Espiritu 2020; CCP Encyclopedia 2023). Ang mga panlipunang imprastraktura ay lumilitaw na hindi lamang sagisag ng kolonyal na arkitektura at gahum, kundi salamin ng pagsasanib ng katutubong materyales sa imposed na banyagang estilo at disenyo (Macapagal & Sucob 2024).

Sa pamamagitan ng magkakahabing kasaysayan, ang kasaysayan sa Pilipinas ay hindi na magiging teleolohikal at kanonikal, kundi habi na’t daloy ng salaysay ng ugnayan, pagsalunga, at pakikiangkop tungo sa pagtatampok ng pluralidad at pagkakaugnay-ugnay (Claudio 2013; Sebastian 2023). Kung gayon, sa magkakahabing kasaysayan, ang salaysay sa nakaraan ay isang bahagi ng pagbuo ng identidad at pambansang kamalayan (Churchill 2023; Villaroel 2016).

Tungo sa Ingklusibo, Makatarungan, at Makataong Historiograpiya. Ang kasaysayan ng Pilipinas, kung susuriin sa ilalim ng lente ng magkakasanib na kasaysayan, ay lumilitaw bilang isang masalimuot na habi ng pluralidad ng danas (Claudio 2013; Villan 2020; Sebastian 2023). Klarong hindi ito nakapaloob lamang sa linyar, tuwid, at ebolusyonaryong antikolonyal na pakikibaka mula kay Rajah Lapu-Lapu patungo kina Gat Andres Bonifacio at iba pa pagkatapos nila o sa monolitiko, opisyal, autoritatibo, preskriptibo, at pormuladong naratibo ng pagkabansa, kundi isang daloy ng ugnayan kung saan ang bawat tinig—Muslim, Lumad, at Chinese Filipino—ay may puwang sa pagbubuo ng pambansang kamalayan (Churchill 2023; Villaroel 2016). Sa ganitong pag-unawa, ang historiograpiya ay nagiging espasyo ng pagkilala at pakikipagkapwa, isang larang kung saan ang kasaysayan ay hindi na lamang salaysay ng pakikibaka, pakikidigma, at pag-ukilkil sa sugat na dulot ng kolonyalismo, kundi naratibo ng ugnayan, salubungan, pagsalunga, pakikiangkop, at pakikipagpalitan (Espiritu 2020; Lucas 2025).

Makikita ang ingklusibong pananaw sa pagbibigay-puwang sa mga Muslim sa Mindanao, na matagal nang nakapaloob sa sariling tradisyon ng pamahalaan at mga batas sa ilalim ng mga natatag na sultanato (Rodil 1994, Madale 2003). Ang Sultanato ng Sulu, halimbawa, ay nakipag-ugnayan sa mga mangangalakal na Arabo, Tsino, at Europeo, at nagtatag ng pamahalaan bago pa man dumating ang mga Espanyol sa kapuluan (UNESCO 2CCP Encyclopedia 2023).

Gayundin, ang mga Lumad ay hindi lamang nakikita bilang “tribal” na pamayanan, kundi bilang tagapag-ingat ng dunong katutubo na may kaugnayan sa paglinang ng lupa (Rodriguez 2021), pagpapanatiling buo ng kalikasan, at tagapangalaga ng pagkulturang pamana (Jocano 2001; Gadaza et al. 2025). Ang kanilang tradisyon ng pagpangayaw at panubad-tubad ay mahalaga sa kasalukuyang diskurso ng ekolohiya at karapatan sa lupa (NCCA 2023). Sa mga kilusang panlipunan gaya ng pagsusumikap na magkaroon ng Lumad schools at School of Living Traditions (SLT), makikita ang kanilang patuloy na ambag sa ingklusibong edukasyon at kultura (CHED 2016; DepED 2023).

Sa larangan ng ugnayang pang-ekonomiya at kultura, ang mga Tsinoy ay nagbigay ng mahalagang ambag naman sa kalakalan, pagkain, at arkitektura (Chu 2010; Mojares 1981). Ang mga nabanggit sa unahang pamilihan sa Molo (Iloilo), Binondo at Santa Cruz (Maynila), Parian (Cebu), Tacloban Chinese Quarter (Tacloban), San Fernando (Pampanga), Zamboanga Chinese Community (Zamboanga City), at Davao Chinatown (Davao City) na itinatag sa agos ng kasaysayan ng Pilipinas ay patunay ng matagal nang ugnayan ng Tsina at Pilipinas (Scott 1994). Ang mga produktong gaya ng pancit, siopao, at tikoy, bilang transkultural na pagkain, ay bahagi ng malawak na fusion food ng mga Pilipino bilang bahagi ng malikhang pag-aangkin ng sambayanan (DOT 2019).

Sa kasalukuyan, ang pandarayuhan at pangingibang-bayan ng mga Pilipino ay patuloy na humuhubog ng transnasyonal na pamana ng bansa (Ramirez 2024; Pante 2025). Ang mga OFW sa Gitnang Silangan at Estados Unidos ng Amerika ay nagdadala ng kanilang kultura sa Abu Dhabi at Riyadh. Dubai, at Los Angeles (Gadaza et al. 2025; Lucas 2025). Ang kanilang ipinadadalang mga balikbayan box at remittances ay patunay ng ugnayan ng bansa sa mas malawak na mundo at katibayan ng kahalagahan ng paggamit ng pampamanang historiograpiya at magkakahabing kasaysayan.

Sa ganitong pagbasa, lumiliwanag na ang kasaysayan ay nagiging inklusibo, organikong sandigan sa kultura, makatarungan, at makatao. Hindi na lamang ito tala kung gayon ng pag-aalsa, paghihimagsik, repormista, propaganda, rebolusyon, independensya, nasyon-estado, progreso, at modernidad, kundi isa nang malusog na tala at pagbibigay-saysay sa naratibo ng ugnayan, pakikiangkop, pagsalunga, pakikibagay, pagtatakda, at pakikipagpalitan sa magkakaiba ngunit nagsasalimbayang danas at gunita sa nakaraan (Villan 2020).

Buod at lagom. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay matagal nang nakapaloob sa mga naratibong nagsusulong ng halagahing etnosentriko, ultranasyonalista, at esensyalista. Sa ilalim ng ganitong pagbasa, ang pamana ay nagiging monolitiko—nakapirmi, nakakahon, at hindi nakikita ang dinamismo ng ugnayan. Sa talakayan, ang mga aklat-aralin noong dekada 1950–1970 ay ibinunyag na madalas nakasentro ang nilalaman sa kulturang Tagalog, at umiinog sa Luzon bilang pamantayan ng pagka-Pilipino, habang ang mga Lumad, Muslim, at iba pang etnolingguwistikong grupo ay inilalagay sa laylayan ng pambansang naratibo. Ang mga bayani gaya nina Rizal at Bonifacio at iba pang naisabantayog, naisadambana sa mga bulwagan, panulukang daan, lansangan, at mga liwasan, inukit sa mga pader, dingding, at pampublikong mga gusali, naisatitik sa mga batas, teksbuk, at mga kurikulum, naimprinta at inukit sa iba’t ibang dominasyon ng salapi ay binibigyang-diin bilang sentro ng naratibong pangbansa, ngunit ang papel ng kababaihan, ng mga pamayanang Muslim, ng mga magsasaka, mangingisda, mangggawa, may kapansanan, at ng mga karaniwang tao ay kadalasang naisasagilid, isinalaylayan, at nabubura sa pambansang gunita. Sa ganitong padron, ang kasaysayan ay nagiging tala na lamang ng monolitikong tinig, imbes na maghabi ng pluralidad ng karanasan ng sambayanang Pilipino.

Subalit sa pagdating ng magkakahabing kasaysayan (entangled history), lumilitaw ang bagong pananaw: ang kasaysayan bilang masalimuot na daloy ng magkakaiba, ngunit magkakaugnay na mga danas (Villan 2020). Hindi hiwa-hiwalay ang mga yugto ng ating nakaraan, kundi nagsasalimbayang hibla ng isang mas malawak na habi ng kolektibong gunita. Mula sa Austronesian migration na naglatag ng pundasyon ng wika at teknolohiya sa dagat, mga nakikitang transkultural na bagay gaya ng bangkang balangay na nahukay sa Butuan (Solheim 1984; Bellwood 1995). Ang kalakalan sa Tsina na nagdala ng porselana, mangkok, bakal, seda at iba pa, na mga natagpuan sa mga arkeolohikal na lugar tulad ng Laguna, Sangley, Oton, Boljoon at iba pa, ay nagbukas ng ugnayan sa labas ng kapuluan. Ang paglaganap ng Islam sa Mindanao ay nagbigay naman ng bagong pamahalaan at mga batas sa ilalim ng Sultanato ng Sulu at Maguindanao, na nagpatibay sa pluralidad ng moral na pamana. Ang pananakop ng Kastila ay nagtatag ng mga pangkomunidad, pangkagawaran, at pantanggap na mga gusali, na bagaman nakaugat sa kolonyal na kapangyarihan, ay malinaw na naging bahagi ng lokal na pamana sa pamamagitan ng malikhaing pag-angkin ng mga Pilipino.

Ang panahon ng Amerikano ay nagpakilala ng pampublikong edukasyon sa pamamagitan ng mga gurong Thomasites (1,901), Philippine Normal College (1904), Philippine College of Commerce), University of the Philippines noong 1908, at iba’t ibang Farm Schools sa kapuluan na nagbigay ng bagong larangan ng intelektwal na diskurso. Maging ang basketball, isang Amerikanong laro, ay naging bahagi ng kulturang Pilipino at patunay ng malikhaing pag-angkin, gamit ang organikong laro, ng banyagang impluwensiya. Sa kasalukuyan, ang pangingibang-bayan ng mga Pilipino ay patuloy na nagdadala ng bagong karanasan mula sa iba’t ibang panig ng mundo—mula sa mga seaman, caregiver at domestic workforce sa Hong Kong, Singapore, Japan, US at iba pa hanggang sa mga inhinyero sa apat na sulok ng mundo—at ang kanilang pasalubong, balik-bayan box, at remittances ay patunay ng transnasyonal na pamana na humuhubog sa kasalukuyang kasaysayan ng bansa. Sa ganitong pagsipat, ang pamana ay nagiging daluyan ng magkakaibang tinig—mula sa bahay na bato, wikang Kriolyo, pangmamamayang pagdiriwang, hanggang sa pasundayag na kulintang—na sabay-sabay humuhubog sa pambansang identidad.

Sa paggamit ng magkakasanib na kasaysayan, ang transkultural na pamana ay nakikita bilang imbakan ng materyang pangkasaysayan, pluralidad ng karanasan, at kuhanan ng paggunitang may saysay sa kasalukuyang lipunan: Muslim, Lumad, Chinese-Filipino, Kristiyano, kababaihan, kabataan, manggagawa, mangingisda, magsasaka at iba pa. Ang kasaysayan ay nagiging espasyo ng pagkilala at pakikipagkapwa, pagsulong ng pagpapakatao, kung saan ang bawat tinig ay may puwang sa naratibo ng bansa. Ang mga Sultanato ng Sulu, Maguindanao at iba pa ay bahagi ng pambansang kasaysayan, hindi hiwalay na pamayanan; ang Lumad schools pati na ang mga kasalukuyang itinayong School of Living Traditions (SLT) ay patunay ng patuloy na ambag ng katutubo sa edukasyon at kultura; ang Binondo, Molo, Santa Cruz, Davao Chinatown at iba pa ay salamin ng ugnayan ng Tsina at Pilipinas; ang mga pansibikong pagdiriwang at ang mga pasalubong, balikbayan box, at remittances ng OFWs ay patunay ng transnasyonal na pamana. Sa ganitong pagsipat, ang historiograpiya ay hindi na lamang tala ng kolonyal na pagsalunga, pakikibaka, pakikitunggali, at pakikidigma, kundi liwanag ng ugnayan na nagtataguyod ng mas ingklusibo, makatao, at pandaigdig na pananaw sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa pagsusuma, ang ikatlong kabanata ay naglalakbay mula sa paglalantad ng limitasyon ng tradisyunal na historiograpiya, tungo sa pagbubukas ng kasaysayan bilang habi ng ugnayan sa pamamagitan ng entangled history, at sa huli ay sa panukala ng isang ingklusibo, makatarungan, at makataong historiograpiya. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay hindi na lamang tala ng binaryong naratibo sa pagitan ng mananakop-sinakop o yaong mananakop-sinakop, kundi isang banig ng paggunita mula sa kolektibong danas ng sambayanang Pilipino (Villan 2020)—na bagama’t hinabi mula sa magkakaibang sinulid ng kultura, ay patuloy na nagiging daluyan ng pagkilala, pakikipagkapwa, at pagbuo ng mas plural at pandaigdig na kamalayan.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, malinaw na ang yamang mana ng sambayanang Pilipino ay hindi maikakahon sa iisang pinagmulan; ito’y isang masalimuot na habi ng transkultural na ugnayan, isang habi ng gunita na mula sa iba’t ibang himaymay, hibla o sinulid ng mga danas (Villan 2020)—katutubo, mananakop, at mamamayan ng daigdig. Sa pagsipat mula sa tatlong lente—panloob, pag-aangkin, at pakikipag-alabay—lumilitaw na ang pamana ay hindi pasibong bakas ng nakaraan, kundi aktibong daluyan ng pagbabagong-anyo, malikhaing pag-aangkin, at proaktibong pakikipag-ugnayan. Sa kasaysayan ng Pilipinas, kung gayon, ay hindi linyar, monolitiko, estatiko, opisyal, at autoritatibo ang tinatahak ng kasaysayan, kundi isang masalimuot na paglikha, salubungan, pananangkapan, pakikipag-ugnayan, at pakikipagpalitan ng iba’t ibang hibla ng kultura na patuloy na humuhubog sa pambansang identidad.

Sa ganitong punto, mahalagang idiin na ang paggamit ng magkakahabing kasaysayan o magkakaugnay na danas (Villan 2020)—ang pagsasakasaysayan at nasa anyo ng pag-unawa sa naganap na salubungan ng magkakaibang tradisyon at karanasan—ay matalim na sandata laban sa panganib na maaaring maidudulot ng teleolohikal at kanonikal na kasaysayan bilang katangian ng umiiral na pagsasakasaysayan at pumapanday ng halahaging magbubulid sa mga Pilipino sa panganib ng etnosentrismo, esensyalismo, at ultransyonalismo.

Binigyang-diin sa talakayan na ang pamana ay hindi dapat gawing preskriptibo, pormulado, at monolitikong simbolo ng iisang lahi o pinagmulan; sa halip, ito’y dapat kilalanin bilang plularidad ng danas ng pangkating etnolingguwistiko, sektoral na pangkating pantao, at mga institusyonal na komunidad na initsapwera, isinagilid, isinalaylayan, isinantabi, pinupuksa, binubura, at ibinubulid sa dilim ng pagkalimot (Villan 2020). Ang ganitong pananaw ay hindi lamang akademikong lenteng naglalantad o nagbubunyag sa kasamaang dulot ng tradisyonal na kasaysayan, kundi isang pulitikal na paninindigan: ang mahigpit at masigabong pagtutol sa makitid na pagsasakasaysayan ng ating nakaraan na gumagamit ng teleolohikal at kanonikal na pagsipat, na sa kahuli-hulihan, ay nagbubunga ng makalahing pag-aaglahi, pagkakapoot, at pangkulturang diskriminasyon.

Natutuhan sa tatlong bahagi ng artikulo ang ilang mahahalagang aral: una, ang pamana ay espasyo ng salubungan, paglaban, at pagbawi, gaya ng ornamentadong katawan at lunan, gusaling yari sa bato, adobe, tabla at luwad, at mga piging, pagdiriwag, at kasiyahang pinatahimik ng pangrelihiyong ritwal, ngunit binawi sa pamamagitan ng pag-aangkin o subersyon upang gawing kanila gamit ang cultural currency ng pakikipagpalitan, pag-angkop, at paghihiyang; ikalawa ang pamana ay nakitang isang larangan ng gawaing panlipunan ng pag-aangkin na konkretong pinatunayan sa talakayan nang paggamit ng estratehikong wikang Kriolyo at pasundayag-saot na nagsasanib ng lokal at banyaga upang lumikha ng bagong anyo o pinagkasunduang kultura; at ikatlo, ay ang pagtingin sa pamana bilang di lang materyang pangkasaysayan, kundi ginamit bilang kasangkapan sa pakikipag-alabay gaya ng pinatunayan ng salaysay ukol sa payoh ng Ifugao, kulintang ng mga Moro, pagpangayaw ng mga Bisaya, at pati na maging ang kasalukuyang pandarayuhan at pangingibang bayan ng mga Pilipino na pawang sabay na nakaugat sa lokal na tradisyon ngunit epektibong nakikipag-usap sa mundo. Ang lahat ng ito ay hindi lamang ebidensya ng kasaysayan, kundi kontribusyon sa historiograpiya, araling Pilipinas, at pangkulturang pag-aaral sa bansa.

Ang tunguhin ng pag-aaral ay malinaw: nagtatanghal tayo ng isang historiograpiyang Pilipino na bukas, ingklusibo, organiko, sandig sa kultura at dunong katutubong pagsipat (Rodriguez 2021), at mahigpit na yumayakap sa pandaigdig na pananaw—nakaugat sa lokal ngunit aktibong nakikipag-ugnayan sa rehiyon at daigdig. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay dapat makita sa mas malawak na daloy ng kultura, hindi bilang “tinapok” o hiwalay na isla ng tradisyon. Ang pamana ay tulay ng pagkakaunawaan, hindi pader ng pagkakawalay: ito’y daluyan ng dayalogo, hindi sadata ng eksklusibong gahum na humahantong sa kaguluhan at pagdidigmaan.

Sa huli, ang panawagan ay dapat maging matatag: ang pampamanang historiograpiya at transkultural na lapit pangkasaysayan ay magiging pamantayan sa pagtuturo, pananaliksik, at paglikha o pagbubuo ng kaalamang pangkasaysayan sa bansa. Sa pamamagitan ng ganitong pag-unawang pangkasaysayan, maiiwasan ang makitid na pagsasakasaysayan ng ating nakaraan at matagumpay na tumimo sa kamalayan ng lahat ang pangangailangan para sa isang organiko, ingklusibo, sandig sa kultura at dunong katutubo, applied, mas makatarungan, mas nakatuon sa kapuwa nilalang, at mas pangsangkatauhang historiograpiya. Ang pamana ng sambayanan sa madaling salita ay hindi lamang gunita ng nakaraan, kundi buhay na hibla ng kasaysayan na patuloy na hinahabi—isang retorikal na panawagan at politikal na paninindigan na nagsasabing ang kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng ugnayan, at ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa kakayahan nating yakapin ang pluralidad ng ating pinagmulan.

Sanggunian

Aklat at Manuskrito:

Abinales, Patricio N., and Donna J. Amoroso. 2005. State and Society in the Philippines. Lanham, MD: Rowman & Littlefield.

Acabado, Stephen B. 2017. The Archaeology of the Ifugao Rice Terraces: Settlement, Farming, and Feasting. Manila: Ateneo de Manila University Press.

Aguilar, Filomeno V. 2014. Migration Revolution: Philippine Nationhood and Class Relations in a Globalized Age. Quezon City: Ateneo de Manila University Press

Agoncillo, Teodoro A. 1956. The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan. Quezon City: University of the Philippines.

Agoncillo, Teodoro A. 1960. History of the Filipino People. Quezon City: University of the Philippines.

Agoncillo, Teodoro A. 1990. History of the Filipino People. 8th ed. Quezon City: Garotech Publishing.

Alip, Eufronio. 1948. Philippine History: Political, Social, Economic (textbook for post-war students). Manila: Alip & Brion Publications.

Anderson, Benedict. 2006. Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism. Revised edition. London: Verso.

Anderson, Warwick. 2016. Colonial Pathologies: American Tropical Medicine, Race, and Hygiene in the Philippines. Durham, NC: Duke University Press.

Ashworth, Gregory J., Brian Graham, and J.E. Tunbridge. 2007. Pluralising Pasts: Heritage, Identity and Place in Multicultural Societies. London: Pluto Press.

Barrows, David P. 1905. A History of the Philippines. New York: Project Gutenberg. https:// http://www.gutenberg.org/ebooks/38269.

Bhabha, Homi K. 1994. The Location of Culture. London: Routledge.

Canave-Dioquino, Corazon. 1992. The Music of the Philippines. Manila: CCP Encyclopedia of Philippine Art.

CCP Encyclopedia of Philippine Art. 2023. Manila: Cultural Center of the Philippines. https:// epa.culturalcenter.gov.ph.

CHED. 2016. Internationalization of the Philippine Higher Education Policy Document. Quezon City: CHED.

Chu, Richard T. 2010. Chinese and Chinese Mestizos of Manila: Family, Identity, and Culture, 1860s–1930s. Brill.

Churchill, Bernardita R. 1998. Philippine Historiography: History and Development. Manila: National Historical Institute.

Clifford, James. 1994. Routes: Travel and Translation in the Late Twentieth Century. Cambridge, MA: Harvard University Press.

Constantino, Renato. 1975. The Philippines: A Past Revisited. New York: Monthly Review Press.

Constantino, Renato, and Letizia R. Constantino. 1978. The Philippines: The Continuing Past. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies.

Corpuz, Arturo G. 1999. The Colonial Iron Horse: Railroads and Regional Development in the Philippines, 1875–1935. Quezon City: University of the Philippines Press.

Corpuz, Onofre D. 1989. The Roots of the Filipino Nation. Vol. I & II. Quezon City: Aklahi Foundation, Inc.

Deinla, Glenda. 2025. “Bahraca de Bahra: Wika sa Kamalayan at Identidad ng mga Ternateño sa Bayan ng Ternate, Cavite.” PhD diss., Philippine Studies Program, Tri-College, University of the Philippines Diliman.

De la Costa, Horacio. 1965. Readings in Philippine History: Selected Historical Texts Presented with a Commentary. Manila: Bookmark.

Department of Environment and Natural Resources (DENR). 2023. Protected Areas and Nature Parks of the Philippines. Quezon City: DENR.

Department of Transportation. 2019. Philippine Transport Infrastructure Report. Manila: DOT.

Enriquez, Virgilio G. 1992. From Colonial to Liberation Psychology. Quezon City: University of the Philippines Press.

Fernandez, Doreen G. 1988. Tikim: Essays on Philippine Food and Culture. Pasig: Anvil Publishing.

Fernandez, Leandro H. 1919. A Brief History of the Philippines. Walang tala.

García Canclini, Néstor. 1995. Hybrid Cultures: Strategies for Entering and Leaving Modernity. Minneapolis: University of Minnesota Press.

Hall, Stuart. 1997. Representation: Cultural Representations and Signifying Practices. London: Sage.

Harrison, Rodney. 2013. Heritage: Critical Approaches. London: Routledge.

Hau, Caroline S. 2017. Elites and Ilustrados in Philippine Culture. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Ileto, Reynaldo C. 1998. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840–1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Javellana, Rene B. 1997. Fortress of Empire: Spanish Colonial Fortifications of the Philippines, 1565–1898. Manila: Ateneo de Manila University Press.

Jocano, Felipe Landa. 2001. Filipino Prehistory: Rediscovering Precolonial Heritage. UP Asian Center.

Kartomi, Margaret J. 1990. On Concepts and Classifications of Musical Instruments. Chicago: University of Chicago Press.

Macapagal, Paulo Manuel L., and Eduardo S. Sucob Jr. 2024. Philippine Indigenous Communities. Manila: Central Book Supply, Inc.

Maceda, José. 1992. Gongs and Bamboo: A Panorama of Philippine Music Instruments. Quezon City: University of the Philippines Press.

Madale, Antonio. 2003. The Muslim Filipinos: Their History, Culture, and Heritage. MSU Press.

Mojares, Resil B. 2002. Brains of the Nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes, and the Production of Modern Knowledge. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Mojares, Resil B. 2020. Interrogations in Philippine Cultural History. Ateneo de Manila University Press.

NCCA. 2023. School of Living Traditions Handbook. Manila: NCCA.

National Commission for Culture and the Arts (NCCA). 2023. Manual sa Pag-aaral ng Edukasyong Kultural. Manila: NCCA and Philippine Cultural Education Program.

National Historical Commission of the Philippines (NHCP). 2023. Philippine Memory Project: Online History Materials. Manila: NHCP.

Novillo-Macasil, Ma. Alena. 2023. “Kabilin ug Bahandi: Traditional Games as Educational Tools in the Preservation of Heritage and Culture among Universities in Cebu City.” PhD diss., Tri-College PhD Program in Philippine Studies, University of the Philippines Diliman.

Pagunsan, Ruel V., and Kristyl N. Obispado, eds. 2024. The Filipino Worldview through Art, Images, and Objects. UP Department of History Publications.

Parreñas, Rhacel Salazar. 2001. Servants of Globalization: Women, Migration, and Domestic Work. Stanford, CA: Stanford University Press.

Pertierra, Raúl. 1992. Religion, Politics, and Rationality in a Philippine Community. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Rafael, Vicente L. 2010. The Promise of the Foreign: Nationalism and the Technics of Translation in the Spanish Philippines. Durham, NC: Duke University Press.

Rafael, Vicente L. 2022. The Sovereign Trickster: Death and Laughter in the Age of Duterte. Durham, NC: Duke University Press.

Ramirez, Anna Razel Limoso, ed. 2024. Pagdahu Ka Surundon: A Reference Book on Panay and Guimaras Traditional Knowledge Systems. Iloilo: Kasingkasing Press.

Rodil, Rudy B. 1994. The Minoritization of the Indigenous Peoples of Mindanao. MSU Press.

Rodriguez, Mary Jane B. 2021. “Serepungan: Ang “Katutubo” sa Hugpungan ng mga Diskurso (Isang Pag-aaral sa mga Erumanen ne Menuvu at Teduray-Lambangian).” PhD diss., Tri-College PhD Program in Philippine Studies, University of the Philippines Diliman.

Saint Louis University. 2023. SDG 11 Records and Preserves Local Heritage. SLU Museum of Igorot Cultures.

Salazar, Zeus A. 2018. Pantayong Pananaw: Bagong Historiograpiyang Pilipino; Bagong Balangkas ng Kasaysayan ng Kapilipinuhan. Quezon City: Bagong Kasaysayan, Inc.

Salazar, Zeus A. 2021. Pantayong Pananaw at Bagong Kasaysayan. Quezon City: Palimbagan ng Lahi.

Scott, William Henry. 1994. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Smith, Laurajane. 2006. Uses of Heritage. London: Routledge.

Tan, Samuel K. 2008. A History of the Philippines. Quezon City: University of the Philippines Press, 1987. Reprint, 2008.

Tiongson, Nicanor G. 1994. The Cultural Center of the Philippines Encyclopedia of Philippine Art: Music. Manila: CCP.

Tupas, Ruanni. 2015. Inequalities of Multilingualism: Tagalog, English, and Local Languages in the Philippines. Singapore: Springer.

UNESCO. 1993. Baroque Churches of the Philippines. Paris: UNESCO World Heritage Center.

UNESCO. 1995. Rice Terraces of the Philippine Cordilleras. Paris: UNESCO World Heritage Center.

UNESCO. 2011. World Heritage: Benefits Beyond Borders. Paris: UNESCO Publishing.

UNESCO. 2023. World Heritage Sites in the Philippines. Paris: UNESCO Publishing.

Villan, Vicente C. 2009. “Pintados: Mga Hukbong Bisaya sa Armadong Hukbong Ekspedisyon sa Kapuluang Pilipinas, 1565–1896.” PhD diss., History Graduate Program,

Department of History, College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines Diliman.

Villan, Vicente C. 2025 (June 10). “A Path to Peace: Exploring Alabay Concept in Historicizing Philippines for Global Citizenship Education.” Paper presented at the 4th Paris Conference on Arts and Humanities, Sorbonne University, Paris, France.

Zafra, Nicolás. 1956. Readings in Philippine History. Manila: University of the Philippines.

Zaide, Gregorio. 1975. Philippine History and Government. Quezon City: All-Nations Publishing Company.

Zialcita, Fernando N. 2005. Authentic but Not Exotic: Essays on Filipino Identity. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. https://archium.ateneo.edu/sa-faculty-pubs/41/.

Mga Kabanata sa Aklat

Bellwood, Peter. 1995. “Austronesian Prehistory in Southeast Asia: Homeland, Expansion, and Transformation.” In The Austronesians: Historical and Comparative Perspectives, edited by Peter Bellwood, James J. Fox, and Darrell Tryon, 103–114. Canberra: ANU E Press.

Ooi, Keat Gin, and Victor T. King. 2023. “Ileto, Reynaldo Clemeña.” In Handbook of Southeast Asian Studies, edited by Keat Gin Ooi and Victor T. King. Singapore: Springer Nature.

Paredes, Alyssa, and Marvin Joseph F. Montefrio, eds. 2025. Halo-Halo Ecologies: The Emergent Environments behind Filipino Food. Honolulu: University of Hawai‘i Press. https://doi. org/10.1515/9780824899103.

Tameta, Florencio IV Gamboa. 2025. “Regional Identity: Cultural Practices of Philippine Architecture.” ACSA 113th Annual Meeting Proceedings. Washington, DC: Association of Collegiate Schools of Architecture. Accessible via Academia.edu.`

Mga Artikulo sa Journal

Acabado, Stephen B. 2012. “The Ifugao Agricultural Landscapes: A UNESCO World Heritage Site in the Philippines.” Journal of Southeast Asian Studies 43 (3): 471–496.

Capistrano, Robert Charles, and Kyrie Eleison Muñoz. 2022. “Tourism Mobilities in the Philippines: A Historiographical Analysis of Travel and Tourism Activities from Pre-1950s.” Journal of Tourism History 14 (1): 28–46.

CHED. 2023. Humanities Diliman: A Journal on Philippine Humanities. UP Diliman. https:// journals.upd.edu.ph.

Churchill, Bernardita Reyes. 2004. “Philippine Historiography – Looking Back and Looking Forward: The History of Historical Studies.” Philippine Social Science Review 56, nos. 1: 1–16.

Claudio, Lisandro E. 2013. “Postcolonial Fissures and the Contingent Nation: An Antinationalist Critique of Philippine Historiography.” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints 61, no. 1: 1–27.

Damian, Johnson, and Daniel Mabazza. 2018. “Tracing the History of the Philippine National Railways: Historical Geographic Visualization of the Ferro-Carriles en Isla de Luzon

(1891–1945) Using GIS.” Paper presented at the 24th Annual Conference of the Transportation Science Society of the Philippines, University of the Philippines Diliman. https://docslib.org/ doc/12528581/tracing-the-history-of-the-philippine-national-railways-historical.

DepEd. 2023. “Exploring Essentialist and Perennialist Leanings in the Philippine Education System.” Academia.edu.

DOT. 2019. “Towards Decolonizing Tourism and Hospitality Research in the Philippines.” Tourism Management Perspectives 31: 72–84.

Espiritu, Talitha. 2020. “The Marcos Romance and the Cultural Center of the Philippines.” (no bibliographic details).

Falconitin, Audrey, Aliya Nikkie Robinson, Caroline Crois Tabasco, Ritchell Tablizo, and Justin Phyllix Tindugan. 2024. “Addressing the Challenges in Preserving Intramuros’ Cultural Tourism: Basis for Sustainable Development Plan.” QCU Gavel: Journal of Business and Social Sciences 2, no. 1: 1–20. https://ejournals.ph/article.php?id=27967

Frake, Charles O. 1971. “Lexical Origins and Semantic Structure in Philippine Creole Spanish.” Philippine Journal of Linguistics 2 (1): 15–30.

Gadaza, Aniza C., Alma B. Manera, Reymarie M. Caban, Hannah Camiring-Picpican, Cherry B. Alih, and Alnadzma U. Tulawie. 2025 (July). “Cultural Identity and Historical Consciousness: A Study of Philippine History Instruction in Tertiary Education.” International Journal on Culture, History, and Religion 7, Special Issue 2: 1–20. https://doi.org/10.63931/ijchr.v7iSI2.135.

John, Beauden. 2025 (June 17). “Revitalizing Indigenous Architectural Heritage: The Role of the Blaan Tlogan in Community Cohesion and Cultural Continuity.” ResearchGate Academic Journal. https://www.researchgate.net/publication/Revitalizing-Indigenous-Architectural-Heritage-Blaan-Tlogan.

Lucas, Maria Grace E. 2025 (July). “Reconstructing Identity through History Education: A Study on Curriculum Implementation in the Philippines.” Satmata: Journal of Historical Education Studies 3, no. 1: 104–113. https://doi.org/10.61677/satmata.v3i1.423.

Mercado, Jame Monren T., y Avi Ben P. Andalecio. 2020. “Ysla de Panciteria: A Preliminary Study on the Culinary Heritage Significance of Pancit Using the Heritage Documentation Approach—The Case of Luzon Island, Philippines.” Journal of Ethnic Foods 7 (1): 1–12. https:// doi.org/10.1186/s42779-020-00057-1.

Mojares, Resil B. 1981. “Recent Philippine Historiography: An Evaluative Review.” Philippine Quarterly of Culture and Society 9: 309–319.

Pante, Michael D. 2025. “Martial Law and the Origins of Neoliberal Education in the Philippines.” Asia-Pacific Journal of Teacher Education 53, no. 3: 277–290. https://doi.org/10.1080/1359866X.2025.2495771

Sebastian, Raul Roland R. 2013. “Philippine Historiography: Issues and Trends.” In Social Sciences and Development Review 5 (1): 17–38. https://publishing.pup.edu.ph/ojs/index.php/ SSDR/article/view/146DOI: 

Solheim, Wilhelm G., II. 1984. “The Nusantao Hypothesis: The Origin and Spread of Austronesian Speakers.” Asian Perspectives 26, no. 1: 77–88. Honolulu: University of Hawai‘i Press.

Tabalon, Carlos Joaquin R. 2024 (June). “Luzon’s Once Extensive Railways.” TALA: An Online Journal of History 7, no. 1: 185–194. http://talakasaysayan.org/index.php/talakasaysayan/ article/view/189.

Tabao, Michael T. 2024. “Reviving Heritage: Itawit Building Rituals and Sustainable Architecture.” Journal of Architecture and Sustainable Design. Tuguegarao City: University of Saint Louis. https://jxiv.jst.go.jp/index.php/jxiv/preprint/view/1117. https://doi.org/10.51094/ jxiv.1117.

Tatel, Carlos P., Jr. 2003. “Ang Artifakt at Dokumento bilang Teksto ng Kasaysayan: Isang Pagpopook ng Historical Archaeology sa Pag-aaral ng Nakaraang Pilipino.” Test Pit: Bulletin of the Archaeological Studies Program 2, no. 1: 1–18—University of the Philippines Diliman.

Villan, Vicente C. 2020. Gunitang Bayan at Salaysaying Bayan: Ang Pamanang Bayan sa Pag-unawa ng Kalakarang Panlipunan at Produksyong Pangkaalaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura 7: 238–258. National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Villan, Vicente C. 2022 (August). “Ang Pangkalinangang Subersyong Geopolitikal at Pagsipat kay José Rizal sa Diskurso ng Pamana sa Kasaysayang Pilipino.” Kaningningan: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies 1, no. 1: 41–73.

Iba pang Artikulo sa Online Sources

Diokno, Maria Serena I. 2007. Kasaysayan 199.2, II Semester 2007-2008 [electronic resource]. Quezon City: University of the Philippines. https://www.elib.gov.ph/results.phpf=author&q=Diokno%2C+Maria+Serena+I.

Eslit, Edgar. 2024 (September 30). “The Continuum of Filipino Cultural Identity: Balancing Tradition and Change in a Globalized and Post-Pandemic World.” Preprints.org. https://doi.org/10.20944/preprints202409.2386.v1.

Mallorca, Hannah. 2025 (August 30). “Apo Whang-Od Docu to Be Screened at Vancouver Int’l Film Festival.” Inquirer.net.https://entertainment.inquirer.net/626174/apo-whang-od-docu-to-be-screened-at-vancouver-international-film-festival.

Purnell, Kristofer. 2025 (August 28). “Whang-Od Docu with Michelle Dee, Kim Atienza to Premiere in Vancouver Film Fest.” Philstar Life. https://philstarlife.com/article/whang-od-docu-michelle-dee-kim-atienza-vancouverfilmfest.https://www.philstar.com/movies/2025/08/28/2468714/whang-od-docu-michelle-dee-kim-atienza-premiere-vancouver-film-fest.

Reyes, Juno. 2025 (August 29). “Whang-Od Docu to Make World Premiere at Vancouver International Film Festival.” Rappler. https://www.rappler.com/entertainment/movies/treasure-of-the-rice-terraces-premiere-vancouver-film-festival-2025/


1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading