Ang Gampanin ng mga Pelikulang Historikal sa Pagtatamo at Pagpapatibay ng Kamalayang Pangkasaysayan

Virzon L. Sarao

Cavite Historical Society

How to Cite:

Sarao, V. L. (2023). Ang gampanin ng mga pelikulang historikal sa pagtatamo at pagpapatibay ng kamalayang pangkasaysayan. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 2(1), 71–95. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2023-AnGaPeHiPa

Abstrak

Karaniwang iniuugnay ang kasaysayang pampubliko sa pagbisita sa mga museo at pag-anyaya sa mga historyador upang sumagot sa mga trivial question ng madla. Itinuturing din na bahagi nito ang pakikipagtalakayan ng mga historyador sa isang programa sa telebisyon o radyo upang ibigay ang kaniyang sariling pananaw sa isang makasaysayang pangyayari sa kapakinabangan ng mga nanonood o nakikinig na publiko. Ngunit, hindi lamang sa ganitong daigdig kailangang umikot ang kasaysayang pampubliko sapagkat kinakailangan din ang aktibong partisipasyon ng buong sambayanang naniniwala sa halaga ng kasaysayan na matugunan ang mga suliraning-bayan.

Mabisang instrumento ng kasaysayang pampubliko ang mga pelikulang historikal. Malaki ang gampanin nito upang palaganapin at palalimin ang kamalayang pangkasaysayan ng publiko. Upang lubos na maunawaan ang bisa ng mga pelikulang historikal, ilalahad ng may-akda ang kaugnayan ng kasaysayang pampubliko sa mga pelikulang historikal na gawang Pilipino. Gayundin, titingnan ang mga paraan ng pagtatamo ng kamalayang pangkasaysayan ng publiko gamit ang mga pelikulang historikal. Higit sa lahat, tutukuyin ang mga paraan ng pagpapatibay sa kamalayang pangkasaysayan ng publiko sa pamamagitan ng mga pelikulang historikal na pinanonood/napanood nila.

Upang maging malinaw at malalim ang pagsusuri sa mga pelikulang historikal na siyang mabisang tagapagturo ng kamalayang pangkasaysayan sa publiko, gagabayan ang pag-aaral na ito ng pananaw tungkol sa Pamanang-lahi ni Villan (2020), Pagsusuri sa Estruktura ng Mito ni Lévi-Strauss (1955), at Pagsala/Pagpapanatili ng Pag-unawa nina Wiggins at McTighe (1998). Ang pamananglahi na kinabibilangan ng sining-biswal, tradisyong pasalita-pasulat, at sining-pagtatanghal ang makapagpapatunay sa malalim na pundasyon ng mga pelikulang historikal sa ekspresibong kultura ng mga Pilipino. Ang pinagsamang pagsusuri naman sa estruktura ng mito at pagsala/ pagpapanatili sa pag-unawa ang tutukoy sa malalaking ideya tulad ng pagpapahalagang Pilipino na siyang mga tagong tema ng pelikulang historikal.

Sa kabuuan ng talakayan, ilalapat ng may-akda ang mga nabanggit na pananaw sa pagsusuri ng ilang aktuwal na Pilipinong pelikulang historikal upang makita ang tiyak na paraan ng pagsala sa mga pagpapahalagang kailangang manatili sa mga manonood.  Sa ganitong paraan, mapatutunayan na pinaiigting at pinalalalim ng mga pelikulang historikal ang kamalayang pangkasaysayan ng publiko na aktibong tagapagsuri at tagapagpalaganap nito.

Mga Susing Salita: Kaalamang Pangkasaysayan, Kamalayang Pangkasaysayan, Kasaysayang Pampubliko, Pelikulang Historikal

Panimula

Higit na mas matanda ang kasaysayang biswal ng tao kaysa kasaysayang pasalita. Makikita ang halimbawa nito sa mga iniukit na larawan sa mga yungib na nasa kasalukuyang mga bansang Ehipto, Iraq, Pransya at Tsina. Nakatulong ang mga cave paintings sa mga sinaunang tao upang ibulalas ang kanilang damdamin, itampok ang uri ng kanilang gawain, o ilarawan ang kanilang buhay sa kabuoan (Deshpande 2004). Hindi rin naiiba ang mga sinaunang katutubo sa Pilipinas sa pagtatala ng kanilang mga salaysayin sa pamamagitan ng mga iniukit na larawan sa mga yungib. Makikita sa lalawigan ng Rizal ang Angono-Binangonan Petroglyphs–isang likhang sining sa yungib ng mga sinaunang katutubo na tinatayang iniukit nila noon pang 3000 B.K. (“Angono – Binangonan Petroglyphs”, n.d.).

Unang naipahahayag ng tao ang kaniyang saloobin sa pamamagitan ng pagguhit. Naitala rin niya ang mga bagay na nakita niya sa kaniyang kapaligiran sa pamamagitan ng sinaunang sining. Sa madaling salita, mas nagiging makabuluhan sa sinaunang tao ang pag-unawa sa mga mensahe at salaysay kung hindi lamang niya ito narinig, bagkus, nakita rin sa pamamagitan ng pagguhit. Dahil dito, masasabi natin na mas epektibong instrumento sa pagtuturo ng kasaysayan ang mga pelikulang historikal, dahil parehong nakikita at naririnig ng tao ang mga paksang dati lamang niyang napakikinggan sa mga talakayan ng klase o nababasa sa mga aklat-kasaysayan.

Hindi lamang mga estudyante ang nakikinabang sa mga pelikulang historikal, sapagkat nagagawa nitong pumukaw ng interes sa sinumang tao na itinuturing ang pelikula bilang isang uri ng libangan. Halimbawa: dahil nasa kamalayan ng bawat tao na isang uri ng libangan o pampalipasoras ang pelikula, magdedesisyon siyang manood ng isang pelikulang historikal. Ipagpalagay na may mataas na uri ng produksiyon ang pelikulang kaniyang pinanood tulad ng pagpapakita ng kahanga-hangang pagganap ng mga aktor, mahusay na sinematograpiya, makapigil-hiningang mga eksenang kinunan sa angkop na mga lokasyon, nakapagpapasidhing musika, at naaangkop na mga tunog. Sa ganitong sitwasyon, masasabi na naging mabisa ang isang pelikula, sapagkat naaakit nito ang manonood na nakaugnay sa pagdurusa o pagtatagumpay ng bida. Dahil dito, ipinalalagay na “isang karakterisasyon ng iba’t ibang uri ng galaw at damdamin sa lipunan’ ang pelikula (Santillan 1998) kaya’t nagagawa ng mga manonood na maramdaman din ang mga pumapaimbulog na emosyon ng bawat eksena. Kabilang sa kapangyarihan ng pelikula ang haraya o ang pagpasok ng mismong kamalayan ng tao sa pelikula habang kasalukuyang nanonood, sapagkat dama ng tao ang bugso ng damdamin, galit, tuwa, pag-ibig, at pangarap ng mga tauhan sa pelikula kung saan niya naiuugnay ang kaniyang sarili.

Dala ng mga manonood maging sa labas ng sinehan ang epekto ng isang pelikulang kaniyang napanood. Minsan, paulit-ulit pa niya itong pinanonood upang madamang muli ang mga emosyong nagpasidhi at nagpataas sa kaniyang damdamin. Sa panonood ng mga pelikulang historikal, nabibigyan ang mga manonood ng pagkakataon na madama ang mga emosyon ng mga bayani, na katulad ng sinumang tao—nakadarama rin ng lungkot, galit, saya, at takot sa kanilang kahanga-hangang buhay.  maituturing na piksyon ang mga pelikula sa kabuuan, hindi naman ito manhid sa mga damdaming umuugnay sa mga manonood at sa isang makasaysayang pangyayari tulad halimbawa ng lungkot at takot na nadama ni Rizal habang naglalakad patungo sa pook-bitayan o matinding poot ng mga katipunero habang pinagpupunit ang kanilang mga sedula. Kaugnay nito, malinaw na inilarawan ni Flores (1998) ang bisa ng isang pelikulang historikal:

“Dahil nakakintal ang pelikula sa kasaysayan at ang kasaysayan sa pelikula, hindi maaaring sabihin na lulong sa pantasya ang pelikula at wala itong kinalaman o pagmamalasakit man lamang sa kasaysayan at sa proseso ng tradisyon at pagbabago…Ang pagaaral ng kasaysayan ng pelikula…ay pag-aaral ng kasaysayan ng enkuwentro ng mga pwersa sa naturang lipunan at sa pakikipagugnayan nito sa ibang mga tao at kulturang nanonood din ng pelikula at nakikibaka para sa kasarinlan sa ibang dako ng mundo (Flores 1998).”

Hindi na maipagsasawalang-bahala ang gampanin at bisa ng mga pelikulang historikal sa pagpapaigting ng kamalayang pangkasaysayan. Kaya’t masusing lilimiin sa papel ito ang mga pelikulang historikal bilang tagapagpalaganap at tagapagpatibay ng kamalayang pangkasaysayan. Pangunahing layunin ng may-akda ang pagtalakay sa kahalagahan ng mga pelikulang historikal bilang instrumento ng kasaysayang pampubliko sa pagtuturo ng kultura at kasaysayan. May mababanggit na mga pelikulang historikal na gawa ng mga dayuhan, ang mga gawang Pilipino lamang ang susuriin sa papel na ito. Nais masiguro ng may-akda na punto de bista o pananaw ng isang Pilipinong direktor ang gumagabay sa naratibo ng pelikulang historikal na susuriin. Gayunpaman, hindi na isasama pa ng may-akda sa kaniyang pagsusuri kung ang mga direktor ay may impluwensiyang banyaga (estilo at pananaw) sa pagbibigay nito ng naratibo/ interpretasyon sa kaniyang pelikula, sapagkat sa asimilasyon ng kultura (De La Costa 1961), hindi na matatalos pa ang hangganan ng impluwensiyang dayuhan at ang simula ng Pilipinong kaisipan.

Isang napapanahong isyu rin na kailangang lutasin ang bangayan tungkol sa mga pelikulang historikal bilang “instrumento ng pagpapakalat ng katotohanan o ng kasinungalingan.” Upang tugunin ito, hihimayin ng may-akda ang mga detalye upang maugat ang pinagmulan ng suliraning naghihiwalay sa tradisyunal na kasaysayan at sa mga pelikulang historikal. Kailangan ding basagin ang anumang pananaw na nagsisilbing pader na naghihiwalay sa pagitan ng kasaysayan at pelikula. Sa huli, kailangang maging bukas sa makabagong paraan ng pagsipat o pagtingin sa mga pelikulang historikal na siyang magiging pundasyon ng mabuti at kolaboratibong pagsasama ng mga historyador at ng mga tao sa likod ng mga pelikulang historikal. Sa ganitong paraan, mas magiging kapaki-pakinabang para sa kasaysayang pampubliko ang mga pelikulang historikal dahil mas magiging malinaw na ang direksiyong patutunguhan ng pagtuturo ng kasaysayan sa madla sa tulong ng mga pelikula.

Naniniwala ang may-akda na inilalapit at hinuhubog ng mga pelikulang historikal ang kamalayang pangkasaysayan sa publiko bilang mga aktibong tagapagsuri ng mga makasaysayang pangyayari sa bansa. Gayunpaman, hindi nakapokus ang papel na ito sa pagtuklas sa posibleng epekto ng mga pelikulang historikal sa mga manonood. Sa halip, ang pagsusuri sa gampanin ng mga pelikulang historikal sa pagtatamo at pagpapatibay ng kamalayang pangkasaysayan sa publiko ang pangunahing pokus nito na may ispesipikong tuon sa mga paraan ng pagsusuri na maaaring gamitin ng mga manonood bilang isang makabago o ‘di kumbensyunal na pagsipat sa mga pelikulang historikal. Upang tugunin ang mga nabanggit, narito ang mga sumusunod na tiyak na katanungan:

  1. Ano ang kaugnayan ng kasaysayang pampubliko sa mga pelikulang historikal?
  2. Paano natatamo ng publiko ang kamalayang pangkasaysayan gamit ang mga pelikulang historikal?
  3. Paano napagtitibay ng tema ng mga pelikulang historikal ang kamalayang pangkasaysayan ng publiko?

Upang maging malinaw ang pagtalakay, gagabayan ang may-akda ng mga sumusunod na tiyak na layunin ng pag-aaral:

  • Maipakita ang kaugnayan ng kasaysayang pampubliko sa mga pelikulang historikal;
  • Maipaliwanag ang gamit ng mga pelikulang historikal sa pagtatamo ng kamalayang pangkasaysayan; at
  • Maiugnay ang tema ng mga pelikulang historikal sa pagpapatibay ng kamalayang pangkasaysayan ng publiko.

Masasagot sa pamamagitan ng mga sumusunod na paksa ang bawat layunin ng pag-aaral na siya ring magsisilbing saligang-estruktura ng buong talakayan:

  • Ang Kaugnayan ng Kasaysayang Pampubliko at Pelikulang Historikal
  • Ang Pagtatamo ng Kamalayang Pangkasaysayan Gamit ang mga Pelikulang Historikal
  • Ang Mga Tema ng mga Pelikulang Historikal at Ang Pagpapatibay sa Kamalayang Pangkasaysayan
  • Konklusyon

Sa unang bahagi, tatalakayin ang kahulugan ng kasaysayang pampubliko at pelikulang historikal bago ilarawan ang kaugnayan nito sa bawat isa. Sa ikalawang bahagi, tatalakayin ang mga paraan ng pagtatamo ng kamalayang pangkasaysayan gamit ang mga pelikulang historikal na siyang kaganapan ng pamanang-lahi. Sa ikatlong bahagi, tatalakayin ang pagsusuri sa tema ng mga pelikulang historikal kung saan nakauugnay ang mga manonood na siyang magpapatibay sa kanilang kamalayang pangkasaysayan. Sa huli, magbibigay ng konklusyon ang may-akda batay sa mga detalyeng kaniyang inilahad sa mga pagtalakay ng mga suliranin.

Ang Kaugnayan ng Kasaysayang Pampubliko at Pelikulang Historikal

Karaniwang iniuugnay ang pag-aaral ng kasaysayan bilang isang asignatura sa mga paaralan at pamantasan. Kadalasan, nagbabasa lamang ang mga estudyante ng mga aklat-kasaysayan dahil isa ito sa mga sangguniang isinama ng kanilang guro o propesor sa silabus ng kurso. Nagsusulat lamang din sila ng mga sanaysay tungkol sa kasaysayan dahil sa pangangailangan ito ng asignatura. Katulad ng karaniwang kasabihan, hindi lamang sa apat na sulok ng silid-aralan nakakahon ang pag-aaral ng kasaysayan. Ito ang kaisipang nais palaganapin ng public history o kasaysayang pampubliko.

Inilalarawan ang kasaysayang pampubliko bilang mga paraan ng pagpapagana sa kasaysayan bilang aplikasyon o paglalapat nito sa mga tunay na isyung panlipunan (“About the Field of Public History”, n.d.). Samakatuwid, isang gumaganang solusyon pala sa mga suliraning panlipunan ang kasaysayang pampubliko. Binanggit na ni Dr. Jose Rizal ang ideyang ito sa kaniyang sanaysay na Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon, ayon dito, “upang mabasa ang kapalaran ng sambayanan, kinakailangang buksan [muna] ang aklat ng nakaraan.” Nangangahulugan lamang na mabibigyan ng solusyon ang mga suliraning pambayan kung alam ng publiko ang kasaysayan.

Paano nga ba talaga magiging solusyon ang kasaysayan sa mga napapanahong isyu? Ano ang gampanin ng mga historyador sa pagbibigay ng solusyon sa mga suliranin?

Ayon sa propesor ng kasaysayan na si Malick Ghachem, bilang mga eksperto, malaki ang maitutulong ng mga historyador upang tukuyin ang ugat o pinagmulan ng isang suliraning pambayan o pambansa. Sa pamamagitan nito mas malaki ang pagkakataon na mabigyan ng angkop na solusyon ang isang suliranin (O’Neill and Hiestand 2017). Sinusugan din ng historyador na si Anne McCants ang ganitong paniniwala. Ayon sa kaniya, makikinabang ang halos lahat ng disiplina o larang sa pag-aaral ng kasaysayan, dahil pinagyayaman nito ang pondo ng mga ebidensiya na siyang panggagalingan ng mga kikilatising datos na may kinalaman sa pagtugon sa suliranin. Idinagdag din ni McCants na nararapat lamang na may malawak na kaalaman ang mga historyador sa mga suliranin ng iba pang disiplina upang mabatid niya ang uri ng ebidensiya na kailangang galugarin na siyang mahalaga upang tugunan ang mga suliranin (O’Neill 2016).

Nakasalig sa katotohanan ang mga ebidensiyang binanggit. Mahalaga ang katotohanan sapagkat hindi rin tunay na matutugunan ang anumang isyu at suliranin kung may bahid ng kasinungalingan o gawa-gawa lamang ang mga ebidensiyang gagamitin dahil sa mga personal at institusyonal na interes. Makatotohanang impormasyon o ebidensiya ang una sa lahat ng mga pangangailangan ng isang historyador sapagkat nakasalig sa katotohanan ang kaniyang pag-aaral (Buchanan 1947).

Hindi lamang nagsisimula at nagtatapos sa pagsagot ng mga historyador sa mga mahihirap at trivial questions sa radyo o telebisyon ang kasaysayang pampubliko. Lalong hindi rin lang ito tungkol sa pagbabangayan ng paksiyon ng mga historyador tungkol sa katotohanan at kabuluhan ng isang pangyayaring pangkasaysayan.  Bahagi rin ng kasaysayang pampubliko ang pagtuturo ng mga katotohanan mula sa naratibong makikita sa Pambansang Museo, Dambanang Rizal, Bahay ni Aguinaldo, o Liwasang Luneta, hindi lamang dito nakasentro ang kasaysayang pampubliko. Higit sa lahat, ang kasaysayang pampubliko ay isang gumaganang kasaysayan upang tulungan ang iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang disiplina upang tugunin ang mga isyung panlipunan. Sa kabuoan, may pakinabang tayong lahat sa pag-aaral ng kasaysayan. Ayon nga kay McCants, historyador ang lahat ng tao, sapagkat ginagawa ang pagdedesisyon batay sa katotohanang nahabi mula sa kanilang mga karanasan (O’Neill 2016).  Kung malaki ang maitutulong ng kasaysayan sa paglutas ng mga suliranin, tulad ng mga propesyonal na historyador, maaaring gumamit ang publiko ng mga paraaan upang maunawaan at matamo ang kaalamang pangkasaysayan.

Ano kaya ang mabisang paraan ng kasaysayang pampubliko upang pukawin ang atensiyon ng mga Pilipino sa pag-aaral ng kasaysayan?

Isang mahusay na paraan ng pagkatuto sa kasaysayan ang iniaalok ng mga pelikulang historikal. Itinuturing ang mga pelikula bilang midyum o metodo ng pagtuturo, sapagkat epektibo nitong nahihikayat sa isang pananaw ang mga manonood, bukod pa sa nagagawa rin nitong maisalin ang mga ideya sa kanila (Ornstein and Lasley II 2000). Mula sa ganitong pagtatangi sa mga pelikulang historikal, umiinog ang matibay na paniniwala sa kakayahan nitong malinaw na maipakikita ang katotohanan at kapakinabangan ng isang makasaysayang pangyayari sa debelopment ng isang bansa. Samakatuwid, instrumento ng kasaysayang pampubliko ang mga pelikulang historikal upang pukawin ang atensiyon ng mga Pilipino sa mayamang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

Mauugat ang simula ng mga pelikulang historikal sa mga dula na ipinalalabas sa mga entablado noong bago pa mauso ang mga sinehan. Ayon sa isang Alemang makata at pilosopo na si Otto von der Pfordten, isinilang ang dramang historikal mula sa pagsasanib ng diwang makata’t makasaysayan ng manunulat nito. Inilalarawan nito ang mga tiyak na tao sa nakaraang panahon na makatotohanang idinidetalye ng mga tauhang kumakatawan sa mga tunay na pangyayaring historikal. Iginiit niya ang matapat na paggamit sa katotohanan ng kasaysayan at pag-unawa sa isang makasaysayang panahon (Kueffner 1905).

Noong maimbento ng pangkat ni Thomas Edison ang moving camera noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, hindi na maawat ang paglaganap ng mga pelikula (Deshpande 2004). Sa pagpasok naman ng ika-20 siglo, naging laman na ng mga sinehan ang mga short film, newsreel, at  feature film. Tinatawag na short film o maikling pelikula ang mga palabas na kadalasan ay nasa 40 minuto pababa (“Short Films Rules”, n.d.). Halos katulad din ng maikling pelikula ang mga newsreel, subalit nagpapakita ng mga napapanahong balita o isyu (Carson, n.d.). Ang mga feature-length film naman ang inaabangan ng mga manonood. May haba itong 40 minuto pataas, ngunit, karaniwang nasa 90 minuto ang haba ng mga ito sa kasalukuyan (Kroll, n.d.).

Pumasok sa Pilipinas ang pelikula noong panahon ng himagsikan (Flores 1998). Umigting ang produksiyon nito noong panahon ng mga Amerikano na may temang Rizalismo o mga pelikulang tungkol sa buhay ni Rizal. Halimbawa nito ang magkaribal na pelikulang El Fusilamiento de Dr. Jose Rizal (1912) ni Albert Yearsley na tungkol sa pagbaril kay Rizal at La Vida de Jose Rizal (1912) ni Edward Meyer Gross na tungkol naman sa buhay ng bayani mula kamusmusan hanggang sa kaniyang pagkakabitay. Nakagawa rin si Gross ng mga pelikulang Noli Me Tangere (1915) at El Filibusterismo (1916) na halaw sa dalawang nobela ni Rizal. Bukod dito gumawa rin siya ng mga pelikulang Los Tres Martires (1912) tungkol sa tatlong paring martir na sina Gomez, Burgos, at Zamora at La Conquista de Legazpi (1913) na tungkol naman sa ganap na pagsakop ng mga Espanyol sa Pilipinas (Santillan 1998). Mula sa mga halimbawa, masasabing hindi na bago ang mga Pilipino sa mga pelikulang historikal sapagkat ganitong uri ng mga pelikula ang namayagpag sa unang bahagi ng ika-20 siglo sa Pilipinas.

Ano nga ba ang mga pelikulang maituturing na historikal?

Binigyang-kahulugan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang pelikulang historikal bilang:

“…batay sa mga tunay na buhay o aktuwal na mga pangyayari na naganap sa malayong nakaraan. Ang unang uri ay nakatuon sa tunay na mga kuwento ng buhay at talambuhay ng mga tanyag na tao…maging ng mga kilalang masasamang nilalang, tulad ng mga tulisan…mga kriminal…Ang ikalawang uri ay tumatalakay sa mga lugar pangkasaysayan at pangyayari na muling binuhay sa pelikula (Isinalin sa Filipino ni Santillan 1998).”

Kung “batay sa tunay na buhay o aktuwal na mga pangyayari” ang pelikulang historikal, maliwanag na maaari itong gamiting instrumento ng kasaysayang pampubliko upang magturo ng kaalamang pangkasaysayan at kultural sa mga Pilipino.

Ngunit, paano ba dapat suriin ang isang pelikulang historikal?

Kinakailangan na maging kritikal sa pagsusuri ng pelikulang historikal (Deshpande 2004). Subalit, ang pagiging kritikal ay hindi kailangan na nakabatay sa positibistang paniniwala ng mga tradisyonal na historyador na pawang umiikot lamang sa pamumuna tungkol sa kawalan ng katotohanan o awtentisidad ng isang pelikulang historikal na kanilang napanood. Una sa lahat, ang mga katotohanang ito ay mula sa interpretasyon lamang din ng mga positibistang historyador na hindi naniniwala sa katotohanan ng mga pangyayari kung walang dokumentong magpapatunay nito (Deshpande 2004). Ang kasaysayan ay isang dinamikong disiplina kaya’t patuloy na nagbabago (Deshpande 2004). Isang halimbawa ng metodo sa kasaysayan na hindi tinatanggap noon ay ang oral history o kasaysayang pasalita na nakukuha mula sa panayam o pagsasalaysay ng mga karaniwang tao sa lipunan (Deshpande 2004). Sa ngayon, itinuturing ang kasaysayang pasalita bilang hamon at alternatibo sa uri ng kasaysayan na kadalasang hinahabi lamang ng mga akademikong elit (Camagay 1999 na binanggit kay Kintanar et al. 2006).  Marami sa mga pelikulang historikal ang kumukuha ng mga datos sa kasaysayang pasalita. Kaya’t batay sa kategorisasyong inilalapat sa kasaysayang pasalita, maaaring ikategorya ng mga historyador ang mga pelikulang historikal bilang (1) makabuluhan, (2) may bahagyang kabuluhan, o (3) wala talagang kabuluhan (Deshpande 2004).

Madaling masipat ang mga pelikulang historikal na wala talagang kabuluhan. Ito ang mga pelikulang propaganda (Deshpande 2004) na kinatha lamang upang gawing instrumento ng pagpapakalat sa publiko ng mga maling naratibo ng nakaraan upang itindig lamang ang interes o reputasyon ng isang tao o pangkat. Ang pagbibigay-interpretasyon sa mga pangyayaring pangkasaysayan na umaayon lamang sa isang panig dahil sa makukuhang pabor ang dapat na iwasan ng sinuman (Apilado 1998). Sa pagbuo ng kuwento, maaaring isaayos ng manunulat o direktor ang mga pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari batay sa kaniyang pagkamalikhain, subalit hindi ang baluktutin ang katotohanan o humabi ng mga kuwentong pangkasaysayan na hindi naman talaga naganap. Maaari rin namang lumikha ng iba pang piksyonal na mga tauhan at pangyayari, basta’t hindi ito makasisira sa kabuoang katotohanan ng isang makasaysayang pangyayari (Kueffner 1905). Tandaan: Hindi masama na langkapan ng aspektong piksyon ang mga pelikulang historikal, sapagkat lahat ng mga pelikula ay piksyon (Deshpande 2004). Nabubuhay ang industriya ng pelikula sa pamamagitan ng imahinasyon, subalit, hindi kasama rito ang pagbuo ng kasinungalingan kung pelikulang historikal ang pinag-uusapan.

Ayon sa sosyologo at manunulat na si Pierre Sorlin, may metodo upang kritikal na masuri ang isang pelikulang historikal. Una, dapat suriin ang orihinalidad ng pelikula sa kanilang depiksyong pangkasaysayan. Ikalawa, kailangang tingnan ang paborableng pagtangkilik ng publiko rito. Panghuli, kailangang maipaliwanag ang makatuwirang pagbuo ng isang pelikulang historikal sa panahon ng krisis o mapanganib na panahon para sa malayang pagpapahayag ng mga pananaw. Mahalagang bigyang-pansin ang presensiya ng isang malaking ideya, pananaw o perspektibang pangkasaysayan sa isang pelikulang historikal kaysa hanapin ang mga nawawalang eksena o tagpo mula sa mga tala ng aklat-kasaysayan. Ayon pa kay Sorlin, kahit anumang uri ng pelikula o feature film ay maituturing na batis ng kasaysayan. Ang hindi intensiyonal na paghagip ng kamera sa kapaligiran na nagpapakita ng mga puno, daan, tulay, monumento, kalye, gusali, transportasyon, pananamit, at ekspresyon ng mga tao kahit pa sabihing nagdaan ito sa masusing editing ay isang uri ng pagtatampok sa kasaysayang panlipunan ng isang lugar (Deshpande 2004).

 Midyum sa pagtuturo ng kasaysayan, inilarawan ng historyador at manunulat na si Robert Rosenstone ang pelikula bilang isang nakababahalang simbolo ng tumataas na iliterasiya sa daigdig–kung saan marunong magbasa ang mga tao, subalit pinipili nilang hindi magbasa. Masasabi kung gayon na mas pinipili pa ng tao na manood na lamang. Hindi nakapagtataka na maging popular ang mga pelikulang historikal, lalo na’t nag-uugat din ito sa tradisyon ng naratibong kasaysayan. Dagdag pa ni Rosenstone na nasa emosyonalisasyon, personalisasyon, at dramatisasyon ng mga nakaraang pangyayari ang kapangyarihan ng mga pelikulang historikal. Nagagawa nitong buhayin ang kuryosidad ng mga manonood dahil sa kakayahan nitong ipakita na ang kasaysayan ay isang integratibong proseso (Deshpande 2004), kung saan napagtatagni-tagni sa pelikula ang masasalimuot na mga pangyayari sa kasaysayan.

Maaaring pinaigting ng broadcast media (radyo at telebisyon) at social media (Facebook, Instagram, Twitter, at YouTube) ang kawalan ng interes ng mga tao sa pagbabasa. Nais mang maikintal muli sa mga estudyante ang halaga ng pagbabasa, marami sa kanila ang napipilitan na lamang sapagkat nasa henerasyon sila ng mas interaktibong pagkatuto na siguradong hindi sa mga aklat-kasaysayan lamang matatagpuan, subalit maging sa mga Facebook reels at YouTube videos kung saan maraming pelikulang historikal na rin ang mapanonood ng walang bayad. Isa talagang epektibong instrumento ng kasaysayang pampubliko ang mga pelikulang historikal sapagkat makatotohanan nitong naipakikita ang mga sinaunang lunan, pananamit, sandata, at kagamitan na pinasisidhi ng mga emosyong ipinakikita ng mga aktor sa tulong ng mga angkop na tunog at musika (Deshpande 2004). Sa ganitong paraan, mailalarawan ang kapangyarihan ng pelikulang historikal kung saan pinatutuloy nito ang mga manonood sa panahong mababasa lamang sa mga aklat-kasaysayan.

Ang Pagtatamo ng Kamalayang Pangkasaysayan Gamit ang mga Pelikulang Historikal

Maraming nakapag-aral na Pilipino ngayon ang impluwensiyado pa rin ng “positibista-empirikal na kaparaanan” hinggil sa kritikal na pagsusuri sa mga pelikulang historikal. Hindi naman sila masisisi, sapagkat, hinubog ang mga ito sa mga pamantasang nakakahon pa rin sa positibistang interpretasyong pangkasaysayan na naniniwala na sa ganitong paraan o kaalaman lamang “naipakikita ang organiko at nakasalig sa kulturang kaalaman (Villan 2020).” Subalit, hindi maaaring ikahon na lamang sa makalumang pananaw ng pagsusuri ang mga pelikulang historikal. Katulad ng kasaysayan at agham panlipunan, kailangan ding dumaan ang pamumunang pampelikula sa mga pagbabago. Walang monopolyo ng katotohanang pangkasaysayan ang isang historyador, ang interpretasyon niya ng katotohanan ay nagdaraan din sa mga pagbabago, dahil ang disiplina ng kasaysayan ay dinamiko. Kung ang katotohanan sa pelikula ay nasasala sa pamamagitan ng lente ng kamera, ang katotohanan naman sa mga aklat-kasaysayan ay nasasala sa pamamagitan ng mga historyador na nagsulat nito (Deshpande 2004). Sa madaling salita, walang ganap na katotohanang historikal (Agoncillo 2003), sapagkat, (1) ang interpretasyon dito ay relatibo lamang batay sa pananaw ng historyador na nagsuri rito, at (2) nagdaraan sa walang-hanggang pagbabago ang disiplina ng kasaysayan, kaya’t ang pagtingin sa katotohanan ay maaaring magbago sa pagdaraan ng panahon. Ang mga bagong batis o ebidensiyang matutuklasan ay magbubunsod din ng mga pagbabago sa interpretasyon ng katotohanan (Deshpande 2004).  Relatibo at tentatibo ang interpretasyon sa kasaysayan, hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang sinadyang pagsisinungaling o pagbaluktot sa katotohanan para lamang sa personal o pampangkat na interes (Agoncillo 2003).

Matatawag na “malayang kasaysayan” ang isang kamalayang pangkasaysayan na sumusunod sa pagbabago ng panahon. Isang kasaysayang patuloy na naghahanap ng katotohanan, subalit, hindi pikit ang mga mata sa makabagong paraan ng pagsusuri sa katotohanan ng isang makasaysayang pangyayari. Sa madaling salita, malayang kasaysayan para sa malayang mga Pilipino. Hindi kasi dapat maging layunin ng kasaysayang pampubliko na humubog lamang ng mga pasibo o sunod-sunurang mga mamamayan na lulunukin na lamang ang isang interpretasyong pangkasaysayan na isinusubo sa kanila.  Ang kailangang mahubog ay ang mga mamamayang marunong magsuri ng mga katotohanan sa iba’t ibang interpretasyong pangkasaysayan na iniaalok sa kaniya. Sa ganitong paraan, nagiging makabuluhan sa mga Pilipino ang kasaysayan, sapagkat siya mismo ang aktibong sumusuri nito gamit ang kaniyang matalas na kaisipan.

Maraming pelikulang historikal na gawang-Pilipino ang maaaring magpatalas sa mapanuring kaisipan ng publiko. Naglalaman ang mga pelikulang ito ng magkatunggaling interpretasyon sa kasaysayan–dalawang interpretasyon ng kasaysayang humahamon sa kakayahang magdesisyon ng mga mapanuring manonood.

Una sa listahan ang pelikulang Sakay (1939) ni Lamberto Avellana na naglalahad sa buhay ni Macario Sakay bilang isang lider ng mga gerilya at kilabot na bandido. Subalit, sa interpretasyon naman ng pelikulang Sakay (1993) ni Raymund Red, isang bayani ang turing niya kay Macario na nagpatuloy lamang ng laban ng mga naunang rebolusyonaryo upang mapalaya ang bayan sa mga mananakop (Santillan 1998; Pareja 2020).

Ikalawa naman ang pelikulang Eagle’s Nest (1936) ni Vicente Salumbides na naglalarawan sa karakter ni Teodoro Asedillo bilang isang bandidong kinatatakutan ng taumbayan. Lubhang kakaiba ito sa pelikulang Asedillo (1971) ni Celso Ad Castillo na pinagbibidahan ni Fernando Poe, Jr., sapagkat, ipinakikita rito na isang bayani si Asedillo na lumaban sa pamahalaang Amerikano upang ipagtanggol lamang ang bayan (Santillan 1998).

Ikatlo sa listahan ang dalawang bersyon ng talambuhay ni Gregorio del Pilar. Sa panahon ng sentenaryo ng himagsikan ipinalabas ang Tirad Pass: The Last Stand of Gen. Gregorio del Pilar (1996) ni Carlo J. Caparas. Pinagbibidahan ito ni Romnick Sarmienta na nagsabuhay sa heneral bilang isang matapang na kawal at tapat na kaibigan. Tila binatikos naman ng pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral (2018) ni Jerrold Tarog ang katapatan ni del Pilar na ginampanan ni Paulo Avelino. Ipinakikita sa pelikula ni Tarog na isang bulag na pagsunod sa isang ‘di makatuwirang utos ang isinasabuhay ni del Pilar na inuuna pa ang kalayawan at pagporma kaysa sa bayang naghihirap dahil sa digmaan.

Pinakahuli sa listahan ang dalawang bersiyon ng talambuhay ni Heneral Antonio Luna. Ipinakikita ng pelikulang El Presidente: General Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic (2012) ni Mark Meily ang karaniwang interpretasyon sa pagkakapatay kay Luna na ginampanan ni Christopher de Leon. Ang masamang asal at masamang pakikitungo ni Luna sa kaniyang kapuwa lider at sundalo ang naging mitsa ng pagkakapaslang sa kaniya. Tila binigyangkatuwiran naman ng pelikulang Heneral Luna (2015) ni Jerrold Tarog ang pagkakaroon ng mainiting ulo ni Luna na pinagbibidahan ni John Arcilla. Sa pelikulang ito ipinakita lamang ni Tarog na nagagalit si Luna dahil sa kawalan ng disiplina ng kaniyang kapuwa lider at sundalo sa panahon ng digmaan. Pinalilitaw din ng pelikula na walang personal na interes si Luna kundi ang kabutihan ng bayan, kaya’t nagpupuyos ang damdamin nito sa mga taong inuuna lamang ang kanilang sarili interes kaysa sa ikabubuti ng bayan.

Makikita sa mga nabanggit na pelikula ang dalawang magkaibang interpretasyon ng kasaysayan. Alin sa mga ito ang dapat na paniwalaan? Kung napanood ng publiko ang dalawang magkasalungat na bersiyon, sila na mismo ang maaaring magbigay ng sariling interpretasyon sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa kanilang sariling karanasan. Bukod dito, hindi lamang magkaibang interpretasyon ng kasaysayan sa mga pelikulang historikal ang makapagpapatalas ng kamalayang pangkasaysayan ng publiko, maging ang mga pelikulang naghahain din ng makabagong interpretasyon na bumabangga sa tradisyonal na kultura.

Hindi alintana ni Julian Manansala ang galit ng komunidad ng mga Espanyol noon sa Maynila nang ilabas niya ang pelikulang Patria Amore (1929) na umaatake sa mga nabanggit na pangkat (Santillan 1998). Bukod dito, ipinalabas din ni Manansala ang pelikulang Dimasalang (1930) na naglalantad sa pagiging tagong tagasuporta ni Rizal sa mga nagsusulong ng gawaing-mapanghimagsik laban sa pamahalaang Espanyol. Si Rizal bilang kilalang mapagmahal sa kapayapaan na pinaboran ng mga Amerikano ay ipinakikita ngayong sumusuporta sa mga taong nais magpabagsak sa pamahalang kolonyal (Santillan 1998). Ipinalabas din ni Manansala ang Mutya ng Katipunan (1939) na nagbibigay pagkilala sa ambag ng kababaihan ng Katipunan na kinabibilangan nina Marina Dizon at Melchora Aquino. Binuwag ng pelikulang ito ang konsepto ng kahinhinan ng kababaihang hindi makabasag-pinggan sapagkat ipinakikitang maging sila ay may kakayahan ding kumitil ng buhay ng mga kalaban alang-alang sa isinusulong na himagsikang magpapalaya sa bayan (Santillan 1998).

Maaaring pumili ang mga manonood sa dalawang interpretasyon ng kasaysayan na kanilang napanood sa mga pelikulang historikal.

Maaari rin naman siyang pumili ng mga positibong ideya sa parehong magkasalungat na interpretasyon, o dili kaya’y gumawa ng kanilang bagong interpretasyon. Sa ganitong paraan, mas nagiging makabuluhan ang kasaysayan para sa mga manonood dahil siya mismo ay naging kabahagi ng pagtuklas kung ano ang katotohanan, tama, at mabuti. Kaya’t bilang instrumento ng kasaysayang pampubliko, malaki ang maiaambag ng mga pelikulang historikal hindi lamang para pukawin ang atensiyon ng mga Pilipino, subalit upang gawin din silang mga aktibong tagapagsulong ng isang interpretasyong pangkasaysayan na nag-uugat mismo mula sa kanilang sariling pagsusuri. Upang lubos na maunawaan ang impak o bisa ng pelikulang historikal sa kamalayang pangkasaysayan, maaaring gamitin ang pananaw ni Villan (2020) tungkol sa pamanang-lahi na halimbawa ng ekspresibong kultura kung saan nabibilang ang mga pelikula. Ayon sa kaniya:

“Ang mga pamanang-lahi tulad ng mga sining-biswal, oral o pasulat na tradisyon, at pagtatanghal ay nagiging tuntungan ng mga akademiko hindi lamang bilang mayamang batis, kundi batayang epistemolohikal at teoretikal [din na] naglalayong magpalitaw ng alternatibo’t bagong kaalamang panlipunan na magagamit upang unawain ang kalakarang panlipunan at produksiyong pangkaalaman (Villan 2020).”

Pinagtitibay ng mga pelikulang historikal ang pagtangan ng mga Pilipino sa mga pamanang-lahi (sining-biswal, tradisyong pasalita-pasulat, at sining-pagtatanghal) na siyang magbubunsod ng bagong kaalaman na magbibigay ng mataas na pag-unawa sa kamalayang pangkasaysayan. Samakatuwid, ang mga pelikulang historikal ang siyang kaganapan ng mga pamanang-lahi.

Nasa ibaba ang Dayagram 1 na naglalarawan sa ugnayan ng mga Pamanang-Lahi ni Villan (2020) at sa mga proseso o bahaging bumubuo sa isang pelikulang historikal:

DAYAGRAM 1

Ang mga Proseso/Bahagi na Bumubuo sa Pelikulang Historikal na Nakapaloob sa mga Uri ng Pamanang-lahi

Makikita sa Dayagram 1 na nasa mga proseso o bahaging  bumubuo sa mga pelikulang historikal ang lahat ng uri ng pamanang lahi. Ipinakikita ng costume, props, set design, at video editing ang sining-biswal. Kinakatawan naman ng script, teleprompter, cue card, audio editing, film blurb, plot synopsis, promotional interview, at press conference ang tradisyong pasalita-pasulat. Itinatampok naman ng mga pag-arte tulad ng monologue, dialogue, at batuhan ng mga linya sa pelikula ang perpormatibo o sining-pagtatanghal. Ang mga ito ang nagpapatunay na angkin ng mga pelikulang historikal ang lahat ng uri ng pamanang-lahi. Ang pamanang-lahi ay halimbawa ng ekspresibong kultura na impluwensiyado naman ng kalinangan at kasaysayan ng mga Pilipino (Villan 2020). Samakatuwid, ganap na pagkatuto tungkol sa kultura at kasaysayan ng bansa ang inihahain ng pelikulang historikal sapagkat nakapaloob sa pamananglahi at ekspresibong kultura ang mga paksa o tema nito.

Ang mga Tema ng mga Pelikulang Historikal at ang Pagpapatibay sa Kamalayang Pangkasaysayan

Ang isang pelikulang historikal ay maaaring mapabilang sa genre ng drama, action, o comedy o kombinasyon ng mga ito. Pagdating sa tema, ang ‘pag-ibig sa bayan’ ang isa sa pangkaraniwang binabanggit ng mga manonood. Dapat tandaan na ang mga pelikulang historikal ay batay sa makasaysayang pangyayari, kaya’t hindi lamang dapat nakatuon sa mababaw na pagbanggit ng genre o sa litaw na mga tema ang pagsusuri rito. Kailangan nito ng isang malalim at makabuluhang pagkilatis bilang isang instrumento ng kasaysayang pampubliko na nagbibigay depiksyon sa isang makasaysayang pangyayari o personalidad.

Bilang pagsasakongkreto sa konsepto ng isang malalim at makabuluhang pagsusuri sa mga pelikulang historikal, maaaring gawing halimbawa ang mga pelikulang Tirad Pass: The Last Stand of Gen. Gregorio del Pilar (1996) ni Carlo J. Caparas at Goyo: Ang Batang Heneral (2018) ni Jerrold Tarog. Isang taong inuuna ang kapakanan ng kaniyang kapuwa sa panahon ng digmaan ang paglalarawan kay del Pilar ng pelikula ni Caparas.  Samantala, isang taong mahilig sa kalayawan naman ang depiksyon kay del Pilar ng pelikula ni Tarog. Dalawang pelikulang historikal tungkol sa isang paksa, subalit, magkaiba ang depiksyon at interpretasyon. Maaari sigurong itanong ng mga manonood: Alin sa dalawang bersiyon ng pelikula ang kapani-paniwala? Tandaan: walang taong may monopolyo sa katotohanan ng kaniyang interpretasyon. May kani-kaniyang malikhaing interpretasyon sa mga makasaysayang pangyayari ang mga direktor at manunulat ng mga pelikulang historikal. Gayundin, may magkaibang interpretasyon sa isang makasaysayang pangyayari ang dalawang historyador na sumasangguni lamang din sa magkaparehong bungkos ng mga dokumento.

Sa kabila ng magkasalungat na mga interpretasyon dito ng mga direktor, paano natin mabibigyan ng tamang pagsusuri ang mga pelikulang historikal upang makuha natin ang mga temang nakapaloob dito?

Maaari nating kilatisin ang mga pelikulang historikal tulad ng pagsusuri sa mga mito. Halaw ang ideyang ito sa paraan ng pagsusuri sa estruktura ng mga mito ng antropologong Pranses na si Claude Lévi-Strauss. Maraming bersiyon man o salin sa ibang mga wika ang isang mito, ang tiyak na modelo o estruktura ng pagkakabuo rito ay naipaliliwanag sa nakaraan, kasalukuyan, at maging sa hinaharap (Lévi-Strauss 1955). Samakatuwid, tumatagos sa lahat ng panahon ang estruktura ng mga mito. Maaaring ilapat ang nabanggit na pananaw sa mga pelikulang historikal. Maraming interpretasyon man ang isang pangyayaring pangkasaysayan, hindi lamang trivial facts ang hinanap sa mga ito, kundi ang mga pagpapahalagang nakapaloob dito na patuloy pa ring nananatili kahit magkaroon pa ng maraming bersiyon o interpretasyon ang mga ito sa mga pelikulang historikal. Samakatuwid, umiigpaw ang mga pagpapahalagang nasa isang makasaysayang pangyayari sa nakaraan, kasalukuyan, at maging sa hinaharap.

Kung muling susundin ang padron ni Lévi-Strauss, maaaring gamitin ang dalawang magkasalungat na ideya (Lévi-Strauss 1955) bilang saligan ng mga pagpapahalaga. Kumakatawan sa mabuti at masama ang dalawang magkasalungat na panig na magiging batayan ng mga pagpapahalagang makikita sa mga pelikulang historikal. Pinahahalagahan din maging sa disiplina ng Antropolohiya ang komplimentaridad ng dalawang magkasalungat na ideya (Good vs. Dark Anthropology) bilang tagapagpanatili ng balanse sa pagitan ng intelektuwal na pag-unawa at etikal/moral na responsibilidad (Knauft 2018). Higit sa lahat, maipaliliwanag din ang konseptong ito gamit ang estruktura ng mga pelikula na nahahati rin sa dalawang magkatunggaling panig–ang bida at kontra-bida. Kinakatawan ng bida ang mabuti, gayong kinakatawan naman ng masama ang kontra-bida. May ganitong tunggalian o estruktura ang lahat ng pelikula, kaya’t mas lohikal itong gamitin bilang saligan ng tema.

Dahil ang mga pelikula ay isang epektibong midyum o paraan ng pagtuturo, ginamit din ng may-akda ang konsepto o paraan ng “pagpapanatili sa pag-unawa” mula sa mga proponent ng Understanding by Design (UbD) na sina Grant Wiggins at Jay McTighe. Umiikot ang konsepto ng UbD o idinisenyong pag-unawa sa paniniwalang maaaring sadyain ang pagkatuto ng isang tao sa pamamagitan ng pag-uugnay o pagsala niya sa malalaking konsepto o ideya na pinapapasok at pinananatili niya sa kaniyang buhay (Wiggins & McTighe 1998). Isa itong mabisang balangkas upang maipaliwanag kung paano mapananatili ng publiko ang kanilang pag-unawa sa kamalayang pangkasaysayan na nakuha nila sa tulong ng mga pelikulang historikal. Nananatili ang malalaking ideya dahil sa kakayahan ng tao na maiugnay ito sa kaniyang sariling karanasan. Samakatuwid, hindi ang mga trivial fact ang tunay na mananatili sa mga tao, bagkus ay ang malalaking ideya tulad ng mga pagpapahalagang dadalhin ng tao sa mahabang panahon dahil alam niyang makatutulong ito sa kaniyang pagpapakatao.

Makikita sa Dayagram 2 ang pinagsamang konsepto tungkol sa “Estruktura ng Mito” ni Lévi-Strauss (1955) at ang “Pagsala/ Pagpapanatili sa Pag-unawa” nina Wiggins at McTighe (1998):

DAYAGRAM 2

Ang Pagsusuri at Pagsala sa Tema ng Pelikulang Historikal Para sa Ganap na Pag-unawa ng mga Manonoo

Makikita sa Dayagram 2 ang paggana ng ugnayang sanhi at bunga sa pagpoproseso ng mga ideya. Makikita sa sanhi ang dalawang magkatunggaling ideyang kinakatawan ng mga pagpapahalaga at masamang-gawa. Ang bunga ay laging nakadepende sa kabutihan (positibo) o kasamaan (negatibo) ng gawain ng isang tao. May gantimpala ang kabutihan at may kaparusahan  naman ang kasamaan. Ngunit sa huli, laging papasok ang konsepto ng ginintuang-aral o ang pananaig ng konsepto ng kabutihan laban sa kasamaan. Samakatuwid, mula sa ispesipikong detalye ng sanhi at bunga, nabubuo ng mga manonood ang mga ginintuang-aral na siyang malaking ideya ng mga pelikulang historikal. Ang malalaking ideyang ito ang nananatili sa kamalayan ng mga manonood bilang gumaganang pagpapahalagang maaari nilang ilapat sa pang-araw-araw na buhay.  Ang ganitong proseso ng pagsusuri sa pagpapahalagang nasa loob ng isang pelikulang historikal ang gumagabay sa manonood na kalimitang kumakampi o laging pumapanig sa bida na siyang kumakatawan sa kabutihan.

Upang lubos na maunawaan, mabuting ilapat ang nabanggit na konsepto sa mga pelikulang Tirad Pass: The Last Stand of Gen. Gregorio del Pilar (1996) at Goyo: Ang Batang Heneral (2018) gamit ang magkasalungat na temang ‘katapatan at kataksilan’ bilang mga nangingibabaw na ideya sa mga nabanggit na pelikula. Kumakatawan sa mabuti ang ‘katapatan.’ Kumakatawan naman sa masama ang ‘kataksilan.’ Detalyadong ipinakikita sa Talahanayan 1 ang halimbawa ng magkakasalungat na ideyang nabuo mula sa temang ‘katapatan at kataksilan’:

TALAHANAYAN 1

Ang ‘Katapatan at Kataksilan’ sa Pelikulang Tirad Pass (1996) at Goyo (2018)

 PagpapahalagaMasamang-gawa
Magkasalungat na Ideya
(Sanhi)
Katapatan sa Diyos Katapatan sa bayan Katapatan sa kabiyak Katapatan sa pamilya Katapatan sa kaibigan Katapatan sa pamahalaan Katapatan sa tungkulin Katapatan sa prinsipyoKataksilan sa kautusan ng Diyos Kataksilan sa bayan Kataksilan sa kabiyak Kataksilan sa pamilya Kataksilan sa kaibigan Kataksilan sa pamahalaan Kataksilan sa sinumpaang tungkulin Kataksilan sa prinsipyong propesyonal
Kahihinatnan
(Bunga)
Ang katapatan ay may nag-aabang na gantimpala.Ang kataksilan ay may nagaabang na kaparusahan.
  Paglalahat (Ginintuang- aral)Ang taksil ay maaaring maging matapat, ang matapat ay maaaring maging taksil. Subalit sa huli, mananaig pa rin ang katapatan, sapagkat mapatutunayan ng tao na ang katapatan sa kapuwa ay katapatan din sa sarili. Kung ano ang nais mong gawin sa iyo ay gawin mo rin sa kapuwa mo. 

Makikita sa Talahanayan 1 ang paggana ng ugnayang sanhi at bunga sa pagpoproseso ng ideyang ‘katapatan at kataksilan.’ Ipinakikita ang maraming uri ng katapatan, katumbas nito, ipinakikita rin ang maraming uri ng kataksilan. Sa paghahambing ng positibo at negatibong gawa, nasasalang mabuti ng publiko ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa kaniyang sarili at sa kaniyang kapuwa. Sa personal na karanasan humuhugot ng halimbawa ang mga manonood upang makaugnay sa mga pagpapahalagang nangingibabaw sa pelikulang historikal. Ang mga karanasan ding ito ang pinagbabatayan niya ng kaniyang kahatulan tungkol sa katamaan o kamalian ng aksiyon ng isang tauhan sa pelikulang napanood. Sa huli, pagtitimbangin niya ang dalawang magkasalungat na konsepto upang makabuo ng isang ginintuang-aral na magsisilbing malaking ideya na kaniyang pananatilihin. Bilang katunayan, matapos manood ng pelikula, maaaring masabi ng tao sa kaniyang sarili ang mga salitang: “wala talagang mapapala ang mga taksil” at “mahirap na talagang humanap ngayon ng tapat.” Ang mga ito ang katunayan ng kaniyang awtomatikong pagsala sa malalaking ideyang nakapaloob sa pinanood na pelikula. Nagkakaroon ng awtomatikong pagsuri at pagsala dahil naikonekta ng tao ang kaniyang sariling karanasan sa napanood na pelikula na isa namang normal na tugon ng isang taong nakaugnay sa mga pangyayari, subalit, isa rin itong manipestasyong may nakuha siyang aral sa kaniyang napanood na pelikulang historikal.

Maaaring gamitin bilang isa pang halimbawa ang mga pelikulang El Presidente: General Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic (2012) ni Mark Meily at Heneral Luna (2015) ni Jerrold Tarog. Nangungunang tauhan sa pelikula ni Meily si Aguinaldo habang suportang tauhan lamang si Luna. Sa pelikula naman ni Tarog, nangungunang tauhan si Luna habang suportang tauhan lamang si Aguinaldo. Magkasalungat din ang interpretasyon ng dalawang nabanggit na direktor sa personalidad ng dalawang heneral. Subalit, maaari nating gamitin ang temang ‘katapangan at karuwagan’ para sa dalawang pelikula.  Ang ‘katapangan’ ang magiging representasyon ng mabuti habang ‘karuwagan’ naman ang sa masama. Detalyadong inilalarawan ng Talahanayan 2 sa ibaba ang pagtalakay sa dalawang magkasalungat na ideya:

TALAHANAYAN 2

Ang Katapangan at Karuwagan sa Pelikulang El Presidente (2012) at Heneral Luna (2015)

 PagpapahalagaMasamang Gawa
Magkasalungat na Ideya
(Sanhi)
Katapangan sa digmaan Katapangan sa pagsuway sa masamang utos Katapangan sa pag-amin ng nararamdaman Katapangan sa pag-amin sa pagkakamali Katapangan sa pagtupad sa tungkulin Katapangan sa pagharap sa responsibilidad Katapangan sa pagharap sa mga pagbabago Katapangang baguhin ang sarili tungo sa kabutihanKaruwagan sa digmaan Karuwagan sa pagsuway sa masamang utos Karuwagan sa pag-amin ng nararamdaman Karuwagan sa pag-amin ng pagkakamali Karuwagan sa pagganap ng tungkulin Karuwagan sa pagharap sa responsibilidad Karuwagan sa mga pagbabagong panlipunan Karuwagang baguhin ang mga negatibong nakagisnan
Kahihinatnan
(Bunga)
Ang katapangan ay nagbubunsod ng paglaya.Ang karuwagan ang nagpapatuloy sa pagkaalipin.
  Paglalahat (Ginintuang- aral)Ang duwag ay maaaring maging matapang, ang matapang ay maaaring maging duwag. Subalit sa huli, mananaig pa rin ang katapangan, sapagkat mapatutunayan ng tao na ang responsableng katapangan ang magpapalaya sa kaniyang kapuwa, bayan, at sarili. Kung nais mong maging matapang ang iyong kapuwa, maging halimbawa ka muna ng katapangan. 

Muling ipinakita ng Talahanayan 2 ang paggana ng ugnayang sanhi at bunga. Itinatampok nito na ang ‘katapangan’ ay magbubunga ng paglaya, habang ang ‘karuwagan’ naman ang magpapanatili sa kaalipinan. Binabalot ang kasaysayang Pilipino ng ganitong konsepto. Matapang ang mga Pilipino, subalit, marami rin siyang mga hindi maipaliwanag na karuwagan kaya’t patuloy na puntirya ng iba’t ibang uri ng pananakop at pang-aalipin. Mahirap ang realisasyon ng ginintuangaral sa halimbawang ito, sapagkat, kailangan munang simulan sa sarili, ang nais na makitang pagbabago sa kapuwa-tao. Sa panonood ng ganitong mga pelikula, naiiugnay ng tao ang mga uri ng takot na kinaduduwagan niyang harapin. Sa pamamagitan ng sariling repleksiyon o pagninilay-nilay, maaaring makita niya ang kaniyang sarili sa isa sa mga tauhan, kaya’t malinaw din niyang nakikita ang sanhi at bunga ng kaniyang sariling mga karuwagan, at nakapagbibigay ng sariling panukala upang magapi ang mga takot at maging matapang. Minsan, hindi nakikita ng tao ang kaniyang mga pagkukulang, subalit, sa pamamagitan ng mga pelikula para siyang humarap sa salamin at malinaw na nakita ang kaniyang mga kakulangan sa pamamagitan ng mga tauhang naiuugnay niya sa kaniyang sarili. Sa huli, kapansin-pansing napagtitibay ng tao ang kaniyang sariling mga pagpapahalaga dahil sa panonood ng mga pelikulang historikal.

Sa kabuoan, mas magiging kapaki-pakinabang sa kasaysayang pampubliko kung mga pagpapahalaga ang hahanapin, kikilatisin, o susuriin sa mga pelikulang historikal, kaysa ang paghahanap sa kakulangan o kasobrahan ng mga eksenang historikal o ‘di historikal (Deshpande 2004). Binanggit na sa unang talakayan na ang mga pelikula ay piksyon, kaya’t mas mainam kung malalaking ideya tulad ng pagpapahalaga ang hahanapin dito kaysa mga maliliit na mga trivial fact lamang. Sapagkat sa kababawan ng mga trivial fact, nagsisimula ang kalaliman ng walang katapusang bangayan. Sa paggamit ng mga prominenteng pagpapahalaga bilang tema ng pagsusuri sa mga pelikulang historikal, mas madaling makauugnay ang mga manonood na siyang katibayan ng tagumpay ng kasaysayang pampubliko, dahil mas magiging mga aktibong tagapagpalaganap ng kamalayang pangkasaysayan ang mga mamamayang may malalim na pag-unawa sa kamalayang pangkasaysayan.

Sa pamamagitan ng panonood ng pelikula, epektibong naiuugnay ng tao ang sariling karanasan at damdamin (Khrimian 2018). Nabibigyan siya ng pagkakataong suriin ang sariling mga pagpapahalaga. Sa panonood ng pelikula, tila nakikita ng tao ang repleksiyon ng kaniyang sarili, ang kaniyang mga gawain, mga pangarap, at maging ang mga pagkabigo. Sa pamamagitan ng makatotohanang pagganap ng mga aktor, nagagawa ng mga manonood na makiisa sa lungkot, galit, saya, at takot na nadarama ng isang tauhan. Malaki ang kinalaman ng empatiya at simpatiya upang makaugnay ang mga manonood sa isang tauhan ng pelikula. Empatiya ang kakayahan ng tao na makaugnay sa nararanasan ng iba. Simpatiya naman kung nauunawaan ng tao ang pinagdaraanang hirap ng iba, kaya’t may pagnanais siyang mabawasan ang bigat nito (Nuwer 2013). Isang mabuting halimbawa ng pagpapakita ng kaugnayan ng manonood sa isang tauhan sa pelikulang historikal ang tungkol sa madalas na pagpapakita ng eksena ng isang dayuhang nasa akto ng paghamak o pangmamaliit sa isang katutubo. Siguradong sa katutubo ang malasakit ng manonood, anuman ang kulay ng kaniyang balat. Sa pangyayaring ito, awtomatikong pinagagana ng tao ang kaniyang ‘konsepto ng kabutihan’ kaya’t awtomatiko rin siyang nagdedesisyon ng pagpanig sa naaaping nais niyang bigyan ng katarungan. Nagagawa ng tao na maiugnay ang kaniyang sarili sa emosyonal na lebel na tila ba kaibigan niya ang naaapi sa isang pelikula (Nuwer 2013). Maaaring nahuhugot ng manonood sa kaniyang sariling karanasan ang pakiramdam ng isang tauhang hinahamak, inaapi, o dinudusta.  magkaiba ng naranasang pangyayari, siguradong magkapareho ng konteksto ang karanasan ng manonood at ng tauhan sa pelikula na kapuwa nakaranas ng kaapihan. May mga karanasan naman na hindi naganap sa tunay buhay ng manonood, subalit nagagawa pa rin niyang makaugnay sa damdaming namamayani sa isang eksena. Dahil ito sa kaniyang kakayahang umunawa ng damdamin ng iba, na  hindi nagmula sa sariling karanasan, maaari namang naranasan ng kaniyang malapit na kaibigan o kakilala (Nuwer 2013).  

Ang kamalayang pangkasaysayan ay hindi lamang nakatuon sa mga kaalaman at interpretasyong pangkasaysayan. Nakakabit din ito sa mga personal na karanasan na siyang sinasalamin ng mga pelikulang historikal. Ang kaugnayan ng mga manonood sa mga tauhang nasa mga pelikulang historikal ang nagpapatibay sa kamalayang pangkasaysayan ng publiko. Ibig sabihin, hindi lamang alam ng isang tao ang tungkol sa makasaysayang pangyayari dahil sa napanood niya ito sa mga pelikulang historikal, bagkus, dama rin niya ang lungkot, galit, saya, at takot ng mga kilalang personalidad ng kasaysayan na kinakatawan ng mga tauhan sa pelikula. Kaya’t maaaring sabihin na dahil sa mga pelikulang historikal, nagkaroon ng pagmamalasakit ang publiko sa mga bayaning nababasa lamang nila sa aklat-kasaysayan.

Naiuugnay sa damdamin ng publiko maging ang pagsusuri sa mga pelikula dahil sa paghahanap at pagkilatis sa mga pagpapahalagang repleksiyon din ng sariling pagpapahalaga ng taumbayan. Samakatuwid, ang tagumpay ng kasaysayang pampubliko ay hindi lamang sa pagbibigaykaalaman sa mga mamamayan tungkol sa mga detalye ng kasaysayan, ngunit higit sa lahat, ang pagbibigay ng pinakamalapit na karanasan sa pamamagitan ng mga pelikulang historikal kung saan, makauugnay sa emosyon o damdamin ang lahat ng manonood.

Konklusyon

Batay sa talakayan tungkol sa kaugnayan ng kasaysayang pampubliko at ng mga pelikulang historikal, sa gamit ng mga pelikulang historikal sa pagtatamo ng kamalayang pangkasaysayan, at sa tema ng mga pelikulang historikal na magpapatibay ng kamalayang pangkasaysayan ng publiko, narito ang sumusunod na konklusyong nabuo ng may-akda:

  1. Isang mabisang instrumento ang mga pelikulang historikal ng dinamikong disiplina ng kasaysayang pampubliko upang palalimin ang kamalayang pangkasaysayan.

Batay sa pagtalakay, binigyang kahulugan ang pelikulang historikal bilang gumagana at buhay na disiplina na aktibong nakikibahagi sa paglutas ng mga suliranin sa lipunan (“About the Field of Public History”, n.d.). Iniaalis ng kasaysayang pampubliko sa kinalalagyang-pedestal ang disiplina ng kasaysayan, sa halip, inilalagay niya ito sa sentro ng isang aktibong pamayanan bilang isang intelektuwal na tagapaghabi ng mga solusyong interdisiplinaryo na iminumungkahi ng iba’t ibang disiplina upang tugunan ang suliraning-bayan. Dahil sa pagiging aktibo ng kasaysayang pampubliko, aktibo rin ang mga midyum o paraan nito tulad ng pelikulang historikal. Mabisang tagapaghubog ng mapanuring kaisipan ang mga pelikulang historikal sapagkat kinukurot nito ang damdamin at pinipiga ang kaisipan ng publiko. Ang publiko naman ay tila nahihipnotismo ng mga pelikula sapagkat nahihikayat sila sa harayang handog ng pelikulang nakauugnay sa kanilang sariling mga karanasan.

  • Ang gumaganang disiplina ng kasaysayang pampubliko ang nagbubunsod ng aktibong partisipasyon ng publiko bilang mga tagapagsuri at tagapagpalaganap ng kamalayang pangkasaysayan.

Dahil nailapit ng kasaysayang pampubliko ang mga mamamayan sa isang aktibong kasaysayan, nagagawa rin nila na aktibong makilahok sa pagsusuri at pagpapalaganap ng kamalayang pangkasaysayan. Ang aktibong pakikilahok ng publiko ang lalong nakapagpapalalim at nakapagpapatibay sa kamalayang pangkasaysayan at nakapagpapalapit sa disiplina ng kasaysayan sa sambayanan na tinitingnan ito bilang isang dinamiko, buhay, at aktibong disiplinang dapat seryosohin ng sinuman. Dahil sa aktibong pakikilahok ng mulat na mamamayan, pinalalaya rin nila ang kasaysayang pampubliko sa tanikala ng kababawan (pagsagot lamang sa mga trivial question) at pagkakapinid sa mga edipisyong pangkasaysayaan (museo at liwasan) na hindi naman nakapag-aalok ng matataas na diskursong pampubliko na mas makapagpapaunlad sa disiplina ng kasaysayan sa kabuoan.

  • Epektibong matatamo ng publiko ang kamalayang pangkasaysayan dahil sa mga pelikulang historikal na may presensiya ng lahat ng pamanang-lahi. Nakaugat ang pamanang-lahi sa ekspresibong kulturang nakasalig naman sa kalinangan at kasaysayan (Villan 2020). Kung kaganapan ng pamanang-lahi ang pelikulang historikal, nangangahulugan lamang na epektibo nitong mapupukaw at matuturuan ang publiko tungkol sa kalinangan at kasaysayang

Pilipino. Dahil sa pelikulang historikal na gawa ng mga Pilipino ang pokus nito, mas maka-Pilipinong materyal din ang isasangkap/isinangkap ng nasabing produksiyon sa siningbiswal, tradisyong pasalita-pasulat, at sining-pagtatanghal. Dahil ang pelikula ay bahagi ng sining, hindi tradisyonal na kamalayan ng pag-aaral sa kasaysayan ang maituturo nito. Isang mapagpalaya at malikhaing uri ng kamalayang pangkasaysayan ang imumulat nito sa publiko. Dahil nagagabayan ito ng pamanang-lahi, napa-iigting din nito ang mga paniniwala, ideya, at konseptong taal sa kalinangan ng mga Pilipino. 

  • Pinahahalagahan sa isang pelikulang historikal ang mas malalaking ideya kaysa mababaw at maliliit na detalye.

Madaling hanapin ang maliliit na detalye tulad ng mga trivial fact. Sa internet bubungad ang laksa-laksang mga detalye, kaya’t isa siguro sa mga kasanayang dapat taglayin ng mga tao sa ngayon ay ang pagsusuri sa lapit o layo sa paksang pinag-aaralan ng mga impormasyong makukuha mula rito. Samakatuwid, ang mga maliit at mababaw na detalye ay madali na lamang makita at mahanap, kaya’t hindi na dapat pagaksayahan ng maraming oras. Sa pagsusuri ng isang pelikulang historikal, mas pinahahalagahan ang mas malalaki at malalalim na detalye, tulad ng mga pananaw, ideya, at mga pagpapahalaga (Deshpande 2004). Ang mga pagpapahalaga halimbawa ng mga Pilipino na kinapapalooban ng pananaw sa buhay at ideya ay hindi litaw, kaya’t kinakailangan pang suriing mabuti. Ang mga pagpapahalagang ito ang malalaking ideyang gumagabay sa kabuoan ng pelikulang historikal. Ito ang mas nanatili kaysa sa mga maliliit na detalyeng sa pagdaraan ng panahon ay nagbabago rin naman. Sa kabilang dako, tumatagos sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ang mga walang hanggang pagpapahalagang hindi maluluma at hindi magmamaliw kailan man. Sa pamamagitan din ng mga pagpapahalagang ito napupukaw at napaiigting sa mapanuring publiko ang kalinangang Pilipino.

  • Napagtitibay ng publiko ang kanilang kamalayang pangkasaysayan sa pamamagitan ng mga temang kinapapalooban ng mga pagpapahalagang nag-uugnay sa manonood at tauhan ng pelikulang historikal.

Mas tumitimo ang isang kaalaman kung may impak ito sa damdamin. Ibig sabihin, mas nanatili at nauunawaan ng publiko yaong mga bagay na nakauugnay sila o naikokonekta ang kanilang mga karanasan. Isang bagay na madaling iugnay ng mga Pilipino sa kanilang sariling karanasan ang mga pagpapahalagang nakakubli sa mga pelikulang historikal (Khrimian 2018). Nagagawa nilang maikonekta ang konseptong ito sa mga kongkretong halimbawang hinugot sa sariling karanasan. Ang mga pagpapahalagang ito ay nagsisilbing pundasyon ng mga prinsipyo sa buhay ng mga Pilipino. Kaya nga’t may sariling pagkukuro ang mga Pilipino tuwing mapag-uusapan ang katapatan at katapangan. Naikokonekta agad niya ang sarili niyang karanasan sa mga kongkretong halimbawa sa buhay tulad ng pagiging isang tapat na asawa, empleyado, o mamamayan. Gayundin, naikokonekta naman niya ang katapangan sa pagharap sa responsibilidad at sinumpaang tungkulin.

SANGGUNIAN

About the field of public history. (n.d.). National Council on Public History (NCPH). Retrieved December 4, 2022, from https://ncph.org/what-is-public-history/about-the-field/

Agoncillo, T. A. (2003). History and culture, language and literature: Selected essays of Teodoro A. Agoncillo (B. R. Churchill, Ed.). University of Santo Tomas Publishing House.

Angono-Binangonan Petroglyphs. (n.d.). National Museum. Retrieved December 4, 2022, from https://www.nationalmuseum.gov.ph/our-museums/regional-area-and-site-museums/angono-binangonan-petroglyphs/

Buchanan, D. H. (1947). The use of economic history in the solution of current economic problems. Southern Economic Journal, 13(4), 370–377. https://www.jstor.org/stable/1052301

Caparas, C. J. (Director). (1996). Tirad Pass: The last stand of Gen. Gregorio del Pilar [Film]. Uni-Films Production Inc.

Carson, T. (n.d.). Newsreel. Encyclopedia Britannica. Retrieved December 4, 2022, from https://www.britannica.com/topic/newsreel

De La Costa, H. (1961). History and Philippine culture. Philippine Studies, 9(2), 346–354. https://www.jstor.org/stable/42719687

Deshpande, A. (2004). Films as historical sources or alternative history. Economic and Political Weekly, 39(40), 4455–4459. https://www.jstor.org/stable/4415618

Flores, P. D. (1998). Ang pinilakang himagsikan. In Wika, panitikan, sining at himagsikan (pp. 183–196). Limbagang Pangkasaysayan (LIKAS).

Khrimian, Z. (2018). Why film is the most relatable of content. 34th Street Magazine. https://www.34st.com/article/why-films-are-relatable-and-create-a-physical-emotional-response

Kintanar, T. B., Aquino, C. C., Arinto, P. B., & Camagay, M. L. T. (2006). Kuwentong bayan noong panahon ng Hapon: Everyday life in a time of war. University of the Philippines Press.

Knauft, B. (2018). Good anthropology in dark times: Critical appraisal and ethnographic application. The Australian Journal of Anthropology, 1–14. https://scholarblogs.emory.edu/bknauft/files/2019/03/Good-Anthropology-in-Dark-Times-TAJA.pdf

Kroll, N. (n.d.). Feature film length: How long does your movie need to be? Retrieved December 4, 2022, from https://noamkroll.com/how-long-does-a-movie-need-to-be-to-qualify-as-feature-film-length-it-may-be-less-than-you-think/

Kueffner, L. M. (1905). Review of Historical Drama by Otto von der Pfordten. Modern Language Notes, 20(1), 22–24. https://www.jstor.org/stable/2917065

Lévi-Strauss, C. (1955). The structural study of myth. The Journal of American Folklore, 68(270), 428–444. https://www.jstor.org/stable/536768

Meily, M. (Director). (2012). El Presidente: General Emilio Aguinaldo story and the first Philippine Republic [Film]. Scenema Concept International.

Nuwer, R. (2013). The psychology of character bonding: Why we feel a real connection to actors. Motion Picture Association. https://www.motionpictures.org/2013/07/the-psychology-of-character-bonding-why-we-feel-a-real-connection-to-actors/

O’Neill, K. (2016). How history can help us solve global economic issues. MIT News. https://news.mit.edu/2016/solving-political-cultural-economic-dimensions-global-issues-anne-mccants-0422

O’Neill, K., & Hiestand, E. (2017). 3 questions: How history helps us solve today’s issues. MIT News. https://news.mit.edu/2017/3-questions-how-history-helps-solve-todays-issues-0228

Ornstein, A. C., & Lasley II, T. J. (2000). Strategies for effective teaching (3rd ed.). McGraw-Hill Companies, Inc.

Pareja, L. S. (2020). Sakay [1939]. CCP Encyclopedia of Philippine Art. https://epa.culturalcenter.gov.ph/4/24/1275/

Rizal, J. P. (1905/2005). Filipinas dentro de cien años. Project Gutenberg EBook. https://www.gutenberg.org/files/14839/14839-h/14839-h.htm

Santillan, N. M. R. (1998). Ang Himagsikang Pilipino sa Pinilakang Tabing (1912–1970): Isang panimulang pag-aaral. In Wika, panitikan, sining at himagsikan (pp. 155–181). Limbagang Pangkasaysayan (LIKAS).

Short films rules. (n.d.). Oscars.org. Retrieved December 4, 2022, from https://www.oscars.org/sites/oscars/files/91aa_short_films.pdf

Tarog, J. (Director). (2015). Heneral Luna [Film]. Articulo Uno Productions.

Tarog, J. (Director). (2018). Goyo: Ang batang heneral [Film]. Articulo Uno Productions and TBA Studios.

Villan, V. C. (2020). Gunitang bayan at salaysaying bayan: Ang pamanang lahi sa pag-unawa ng kalakarang panlipunan at produksyong pangkaalaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 5, 238–258. https://philippineculturaleducation.com.ph/talas-journal/

Wiggins, G., & McTighe, J. (1998). Understanding by design. ASCD Publications.

1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading