Vicente C. Villan
University of the Philippines – Diliman
How to Cite:
Villan, V. C. (2023). Ang larong sungka bilang pamanang bayan sa pananaliksik at pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan sa Pilipinas. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 2(1), 37–70. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2023-AnLaSuBiPa
Abstrak
Hindi lamang makikita ang pagiging tradisyonal na akdang pangkasaysayan sa uri ng datos na ginagamit, kundi maging sa tinutuntungang perspektiba at praxis pangkasaysayan na ginagamit ng may-akda. Ibabahagi sa papel na ito ang isang uri ng ekspresibong kultura tulad ng larong sungka bilang pamanang bayan at ekspresibong kultura. Bilang isang halimbawa ng panlipunang produksyon, ang larong sungka sa pangkalahatan ay pumapapel hindi lamang libangan ng mamamayan sa panahon ng kahupaan at kalungkutan, kundi gumagampan din ito higit sa lahat ng kapahayagang kultural at mayamang batis ng impormasyon sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan sa Pilipinas.
Sa pangkalahatang sipat, tinutugunan ng pag-aaral na ito ang kakulangan ng tradisyonal na historiograpiya na sumasalok lamang ng impormasyon mula sa dokumentaryong batis sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan. Sa pagsasakasaysayang Pilipino, marapat samakatuwid ang paggamit ng perspektibang pangkasaysayang nakaugat sa sariling pookkalinangan, aplikasyon ng interdisiplinaryong lapit, paghagilap sa di-kumbensyunal na mga batis, ekplorasyon ng mga paradigm o mga modelong pangkasaysayan, at paghahabi ng naratibong pangkasaysayang sandig sa metanaratibong pangkasaysayan.
Tinitindigan ng may-akda na nakasalalay sa organiko, ingklusibo at nakasalig-sa-kalinangang uri ng historiograpiyang magsasakapangyarihan sa bayan ang nararapat na isasagawang pagtuklas hinggil sa epistemolohikal na batayan ng pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan, ontolohikal na konsiderasyon sa pagsasakasaysayan, at pagpagpapalawak ng larang pangkasaysayang lampas sa naratibo o pagsasalaysay ng mga fact o detalye.
Sa kabuuan, bibigyang liwanag sa akdang ito ang pag-igpaw papalayo sa positibismo at interpretibismong historiograpiya para sa panloob na pagdadalumat ng kaalamang pangkasaysayang tumutugon sa simulaing pangkaunlaran sa Pilipinas. Sa pagpapaksa hinggil sa larong sungka, inaasahang ang akdang ito ay maghahatid sa atin tungo sa pagsasakatuparan ng nasabing mga layunin.
Mga Susing Salita: Katutubong Laro, Sungka, Pamanang Kultural, Ekspresibong Kultura, Panlipunang Produksyon
Panimula
Dito mamamahay ang lahat,
Binhing hinuhulog
Na kumakapit
Sa uka-ukang daan
Mamumunga, tutubo
Dahil isang lubak lang
Ang pagitan
Tapik,
Yapos
Lahat, nagtatagpo
Walang batong patay
Kabilang bahay, mandadamay
Ang sigay ang magtutulay
Walang batong patay
Lahat nag-uusbong ng tinik patibong
Kumakalat na amorseko
Lilipad ng hangin
Tutusok sa mga bato rito.
Nasa uka hihimbing
Madadakot ng sunog,
Huwag kalimutan
Tutok ng matandang sibat
Sa bahay ng matandang kalaban
(Pichay 1993, 85).
Tulad ng nasa tula, kapanapanabik ang pag-asang maidudulot ng larong sungka sa paglikha ng panlipunang pananaw, pagteoretisa sa penomenong pangkalinangan, at pagbuo ng kaalaman sa Pilipinas. Ang tinurang mga katagang bahay, sunog, patay, kalaban at iba pa (Henson & Henson 2001), at inilalaro sa hugis bangkang sungkaan sa tula (Calixihan 2010) ay nararapat na pag-ukulan ng matamang pansin ng akademiko upang siyasatin ang isa sa mga malaganap na katutubong laro sa Pilipinas, Timog Silangang Asya, Timog Asya, Kanlurang Asya at kontinente ng Afrika (Anima 1997) na ipinagpapalagay na hango o nagmula sa larong mancala noon pang ika-13 siglo (de Voogt), panahon kung kailan naging malaganap ang pagpangayaw ng mga Pilipinong Bisaya sa China (Fores-Ganzon 1952, Isorena 2015, at Villan 2009). Nagsilbing representasyon ng pagkakaisa, diskarte, at kakayahan sa pag-ayos ng suliranin lalung-lalo na ang krisis pang-ekonomiko sa lipunan na sandig o umaasa sa teknolohiyang yari sa bakal kung saan ang China ay masagana sa ganitong batayang yaman. At dahil nasusukat sa dami ng bihag ang katayuan ng mga pangkating etniko sa Kabisayaan, ang paglikha ng mga sakayan para sa pagpangayaw ng mga bihag ang naging matatag na tradisyon kung bakit ang paglikha ng mga sakayang dagat ang naging kaabalahan sa bahaging ito ng Pilipinas (Ching Ho 1968 at Scott 1981). Sinasalamin samakatuwid ng penomena ng kalakaran sa pagpangayaw, paggawa ng mga sakayan, at pagpapalawig ng libangan pagsusungka ang impluwensiya ng larong ito sa lokal na ekonomiya, lalo na sa pamanang industriya na konektado sa paggawa ng mga sakayang ginagamit sa pamimihag ng mga alipin sa nabanggit na siglo. Sa pamamagitan ng interdisiplinaryong lapit, gamit ang susing terminong “ambitan” (pakikibahagu o bahaginan) maipapakita sa akdang ito ang napapanahong hakbanging akademiko upang sisiyasatin ang isang halimbawa ng pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon sa sinaunang panahon.
Kung tutuusin, bilang pangkalinang ekspresyon at panlipunang produksyon, pinadulas sa pamamagitan ng pagpapaksa sa larong sungka ang interdisiplinaryong kalikasan, katangian, at anyo ng pangkulturang pananaliksik. Sa bisa ng arbitraryong paglapat ng “pasundayag” (pagtatanghal) bilang isa sa mga organiko at nakasalig-sa-kalinangang adaptibong ideyang sosyolinggwistiko (Palmer 1996; Villan 2018), inaasahang makapagbubukas tayo ng talastasang pang-intelektuwal sa Pilipinas hinggil sa mga laro sa kabuuan at ng larong sungka sa partikular para sa paglikha ng bagong kaalamang pangkasaysayan sa bansa.
Palibhasa’y tuon ng papel ang nauukol sa paglinang ng organiko at nakasalig-sa-kalinangang kategoryang akademiko, gamit ang nabanggit sa unahang ideya ng pasundayag sa laro, walang pag-aalinlangang umaambag ang pag-aaral na ito sa diskursong pinalaganap nina James Peacock (1968), Milton Singer (1972), Victor Turner (1974 & 1882), Clifford Geertz (1980), at Richard Schechner (1993) ukol sa performance studies. Kinikilalang ang pagbaybay sa larang ito ng pag-aaral ang siyang tagapagtulay o tagapaghugpong ng Agham Panlipunan at Humanidades.
Tangi rito, nakapaloob din ang pagsusumikap na akademikong nabanggit ukol sa performance studies na nagtatampok sa susing konseptong “ritwalisasyon,” bilang likas na nakaugat sa biolohikal at sosyolohikal na gawaing masusumpungan kapwa sa mundo ng mga hayop at tao. Maihahanay ang ganitong pag-aaral hinggil sa mga paksaing may kinalaman sa ekspresibong kultura (Dissanayake 2006). Bilang isang lenteng etnograpiko, sa pamamagitan ng ekspresibong kulturang binabanggit, maisisingkaw natin ang larong sungka bilang paksa ng pag-aaral. Lubhang mahalaga ang larong sungka sa kabuuan bilang isa sa mga panlipunang produksyon sa pag-unawa sapagkat nakapaloob dito ang mga anyo ng ipinasusundayag na kultura. Ang mga nakakubling ideyang sikolohikal na inihahayag tulad ng kinagisnang kamalayan sa mga ugnayang panlipunan, halagahing panlipunan, at paglilingkod bayan ay nararapat na pag-uukulan ng matamang pansin at pang-akademikong pagsisiyasat sapagkat makalilikha tayo mula rito ng ng bagong kaalamang panlipunan (Fuller 1998). Sa madaling sabi, sa pamamagitan ng pagsipat sa larong sungka maipakikita ang ugnayan ng mga tao sa pamamagitan ng kahalagahan ng tradisyong paglalaro ng sungka sapagkat hindi lamang ito nagsisilbing libangan, kundi sa punto ng pedagohiyang bayan, kapanabay ng pagkakalibang ng mga manlalaro, mga tagapanood o meron, at ang inaaliw na pamilyang namatayan, naipapadaloy sa pamamagitan ng larong ito ang kamalayan sa tradisyon sa paggawa ng sakayan sa pagpangayaw, paghihiganti sa mga kaaway, at ang kabuluhan ng pamimihag bilang sandigan ng pagsasakatuparan ng kaloobang bayan, paglilingkod bayan, at diwang bayan. Dito naipakikita ang kahalagahan ng sungka bilang pangkomunidad na gawain sa pagtatanghal lalo na ang pagtuklas kung papaano ang nasabing laro ay naging bahagi ng isang malawak na pagsasama-sama ng isang komunidad. Mahalaga ang maililikhang kaalaman mula sa mga pag-aaral lalo na yaong mula sa panlipunang pananaliksik ng pamanang bayan at ekspresibong kultura sapagkat ang pagbibigay-pansin sa maaaning kaalaman (Fuller 1998) ang magagamit na kasangkapan para sa pagsasakatuparan ng simulaing pangkaunlaran.
Gayunman, magiging kongkreto lamang ang isasagawang pagsilip sa larong sungka bilang panlipunang produksyon kung titingnan natin ang mga larang sa pagpapasundayag sa nasabing materyang pangkalinangan. Dahil nga sa ang lahat ng mga gawaing sosyolohikal o panlipunang aksyon ay maituturing na ritwalisado (Althusser 1970), isang katotohanang di-mapapasubalian kung gayon ang katotohanang nakapaghuhugis ito ng mga pangyayari bunsod ng itinataguyod na ideolohiya. Ibig sabihin, ang larong sungka bilang isa sa mga tinatawag na Traditional Indigenous Games (TIG) (Groll, Bronikowska, & Savola, w.t.) o Traditional Sports and Games (TSG) (Thompson, Meldrum, & Sellwood 2014) ay sinadyang nilikha ng lipunan sa nakaraan upang pakinabangan. Nangangahulugan ito kung gayon na bilang halimbawa ng ekspresibong kultura at panlipunang produksyon, masasabi nating ang gayong pamanang bayan ay ritwalisado at ideolohikal ang konteksto ng pagkakagawa anupa’t marapat na aralin sapagkat nakapaloob dito ang mga nakakubling pangkalinangan at panlipunang kahulugan, katuturan, at kabuluhan.
Sa akda, mayroong dalawang itinatampok na dimensyon sa pagpapasundayag ng katangian ng sungka bilang pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon: 1.) simboliko; at 2.) komunikatibo. Sa una, ipinakikita ang katangiang simboliko nito sa pagiging hugis-bangka ng sungka (Calixihan 2010), pagkakaroon ng dalawang bahay / uka o ulo (de Voogt 2010), pitong butas, at pitu-pitong lamang pamato sa sungkaan ang katibayan sa pagkakaroon nito para sa unang dimensyon. Mahalaga ang isinasagisag ng larong sungka kapag pinag-uusapan ang teknolohikal na batayan ng panlipunang gawain ng pagpangayaw, kultura ng paghihiganti, halagahin ng pagtutulungan, pagkakaisa, at pagdadamayan. Gayundin, isinasagisag din ng larong sungka ang kaugnayan ng manlalaro (pinunong bayan) sa mga bayani (pitong pamatong sigay, tigbi, bato at liso), pitong salansanan ng sansinukob (pitong butas), at kaharian o karadyaan (dalawang malaking butas o bahay). Samantala, inihahayag naman sa kabilang dako ang katangiang komunikatibo ng larong sungka sa pagkakaroon ng mga salitang “kain,” “sunog,” “subi,” at iba pa ang patungkol sa pangalawa (Calixihan 2010) na sumasagisag sa pagtatanggol ng buhay, ginhawa, at dangal. Sa nasabing mga larang ng pagpapasundayag, ang larong sungka kung gayon ay marapat na pahalagahan sapagkat maisisingkaw natin dito ang mga nakapaloob na kahulugan sa nabanggit na pamanang bayan.
Tangi rito, nagbubukas din ang larong sungka bilang paksa ng pag-aaral sa konteksto ng ekspresibong kultura at bahagi ng kalinangang ipinapasundayag sapagkat nakapinid sa pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyong ito ang isang matibay na kaalaman hinggil sa pamanang makatutulong upang palawakin, bigyang-laman, at palalimin ang kaalamang pangkasaysayan sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng ideyang panublion (Villan 2017), inasahang mapalilitaw natin sa papel na ito ang gunitang bayang nagsisilbing sandigan sa pagtatampok ng salaysaying bayan. Sinasapantaha ng may-akda ng pag-aaral na ito na nakaugnay ang salaysaying bayan sa naririyang kamalayang bayang hinihinuha ng may-akdang balon ng kaalamang pangkasaysayan.
Upang palalimin ang tungkol sa konteksto ng talastasang akademiko sa unahan, ang angkop na tanong ay: ano ang isyung nais na tugunin ng pag-aaral kaugnay sa pagpapaksa sa larong sungka sa Pilipinas, Timog Silangang Asya at iba pang dako ng mundo (Anima 1997) bilang halibawa ng ekspresibong kultura (Burstein 2014)? Alinsunod sa ganitong katanungan, sentral na tinutugon ng may-akda ng pag-aaral na ito ang isyung hindi lamang maaaring ilimita sa pangkalahatang pagtanaw na ang ekspresibong kultura kung saan nakalugar ang performance studies ay nakatuon lamang sa musika, teatro, sayaw, festival, sinema at iba pang spectacles. Kung bakit, ito ay sapagkat lahat ng anyo ng materyang pangkultura ay ipinagpapalagay ng may-akdang kapahayagan ng kanilang paraan ng pamumuhay. Ibig sabihin, bilang pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon maituturing ang larong nabanggit bilang manipestasyon ng mga panlipunang proseso, imbakan ng damdamingbayan, at pinagkahahabian ng pang-estetikang ipinasusundayag sa pang-arawaraw na pamumuhay (Burstein 2014). Samakatuwid, sa ilalim ng lente ng performance studies, walang dudang ang organikong larong sungka bilang paksa ng pag-aaral ay nagtatampok ng panlipunang kondisyon. Alalaong baga, nagpapasubali ito sa hinuha ng marami na isang kaabalahan lamang para sa paglilibang ang nabanggit na larong katutubo sapagkat malinaw na isang gawain ito ng pananagisag upang magpagunita ng kanilang dating ginagawa o tradisyon sa nakalipas na panahon (Schieffelin 2013).
Upang magkaroon ng gabay sa gagawing pag-aaral ay mahalagang bumuo tayo ng pagkalahatang katanungan. Sa anong pamamaraan maaaring maisingkaw na talastasang akademiko, lente ng pagtuklas para sa pagsisiyasat, at uri ng likhang kaalamang pangkasaysayan sa Pilipinas at Timog Silangang Asya maipopook ang larong sungka bilang pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon? Sa pangkalahatan, nilalayon ng may-akda ng pagaaral na sa pamamagitan ng interdisiplinaryong lapit (Humanidades at Agham Panlipunan), makapag-ambag ng alternatibong pagbasa sa mga di-tekstwal na batis ang isasagawang akda nang sa gayo’y makapagbuo tayo ng bagong kaalamang pangkasaysayang magagamit sa pag-unawa ng kinagisang kamalayan at makakatulong sa matalas na pagbasa ng mga kaganapan sa kasaysayang Pilipino sa partikular, at ng Timog Silangang Asya sa kabuuan.
Upang maisagawa ang nabanggit sa unahang pagkalahatang layunin, inihanay ng may-akda sa ibaba ang sumusunod na mga susog na katanungan:
- Sa anu-anong kaparaanan maipaliliwanag ang larong sungka bilang isang halimbawa ng pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyong ipinapasundayag upang salaminin ang kinagisnang kaparaanan sa pamumuhay o tradisyon?;
- Anu-ano ang partikular na halimbawa ng mga mahahalagang larang ng kinagisnang kamalayan ang nakapinid sa larong sungka vis-à-vis sa mga ipinapasundayag na mga pangkalinangan at panlipunang pananagisag?;
- Papaano sa panghistoriograpikong pagsisiyasat makakabuo ng kaalamang pangkasaysayan mula sa pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon ng larong sungka ng partikular na kaalamang pangkasaysayang pakikinabangan ng bayan?
Upang tugunin ang ganitong mga ispesipikong katanungan, matutunghayan naman sa ibaba ang mga tiyak na layunin ng pag-aaral:
- Maipapaliwanag na ang larong sungka bilang isang halimbawa ng pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon na ipinapasundayag upang salaminin ang kinagisnang kaparaanan sa pamumuhay o tradisyon;
- Matukoy ang partikular na halimbawa ng mga mahahalagang larang ng kinagisnang kalinangan at kamalayang nakapinid sa larong sungka vis-à-vis sa mga ipinapasundayag na mga pangkalinangan at panlipunang pananagisag;
- Mabigyang-saysay ang panghistoriograpikong pagsisiyasat upang makakabuo ng kaalamang pangkasaysayan mula sa pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon ng larong sungka ng mga partikular na kaalamang pangkasaysayang pakikinabangan ng bayan.
Alinsunod sa tinurang hipotesis, pangkalahatang tanong at layunin, binalangkas na mga susog na katanungan at tiyak na mga layunin, inaasahang ang pang-akademikong ehersisyong gagawin ay makapag-ambag ng bagong kaalamang pangkasaysayan at makakatulong sa pag-unawa ng mga penomenong pangkasaysayan tungo sa estratehikong gamit pangkaunlaran sa kasalukuyan.
Nahahati sa tatlong bahagi ang sanaysay na ito na inaasahang makakatulong na unawain ang itinatampok ng may-akda ng pag-aaral:
- Ambitan sa Panlipunang Pananaliksik: Talastasan sa Laro at Isports sa Paglikha ng Kaalamang Akademiko;
- Pasundayag sa Pag-aaral ng Kalinangan: Sungka sa Pagtuklas ng Iba’t ibang Larang ng Kinagisnang Kamalayang Panlipunan; at
- Panublion sa Paglikha ng Kaalamang Pangkasaysayan: Sungka sa Pagbubuo ng Pangmadlang Kasaysayan para sa Tunguhing Pangkaunlaran.
Tatalakayin sa unang bahagi ng sanaysay ang saligang akademiko hinggil sa panlipunang pananaliksik kaugnay sa larong sungka bilang paksa ng pagaaral. Bibigyang pansin sa bahaging ito ng akda ang nauukol sa naging bunga ng mga naunang pag-aaral na gumamit ng disiplinal na perspektibo, kaparaanan at maging yaong nahabing kaalaman kaugnay sa laro at isports. Samantala, sa pangalawang bahagi naman ay pagtutuunan ng pansin ang nauukol sa pagpapahalaga sa kultura at iba’t ibang manipestasyon o kapahayagan nito bilang locus na gamitin sa pag-aaral para sa pagsipat sa nakapinid na mga panlipunang pagpapakahulugan at kabuluhan, sa kabilang dako, para unawain ang kasaysayang Pilipino.
Sa kabilang dako, tatalakayin naman sa ikatlong bahagi ang inaasam na kaalamang historiograpiko sa konteksto ng paglikha ng kaalamang pangkasaysayan, proseso sa pagsasakasaysayan, at kaukulan ng mga ito kaugnay sa pangkaunlarang simulain ng panlipunang pananaliksik. Sa huli, may inilaang konklusyon na magsisilbing huling lahad at pagsasaad sa kung ano ang may makabuluhang nakita sa ginawang pag-aaral.
Ambitan sa Panlipunang Pananaliksik: Talastasan sa Laro at Isports sa Paglikha ng Kaalamang Akademiko
Hango ang “ambitan” sa katagang ugat na “ambit” na ang ibig sabihin ay “participation, share, part; to participate, have a part or share in” (Kaufmann 1934); at ng hulaping “an” na tumutukoy naman sa pangmaramihang anyo ng paglahok, bahaginan, at paging parte ng anumang gawain. Sa kaso ng pagsisikap na ito, ay ang paglahok, pakikibahagi, at pagiging parte ng gawaing pang-intelektuwal lalo na ang nauukol sa panlipunang pananaliksik.
Sa panloob na pagtingin, ang pakikilahok, pakikibahagi, at pagiging parte ng gawaing pang-intelektuwal kaugnay ng pag-alam, pagbatid, at pag-unawa sa isang partikular na paksa ay maaaring maikahon sa ilalim ng kategoryang “talastasan” na inihango naman sa katagang-ugat na “tastas,” (Kaufmann 1934) isang salitang malimit iniuugnay sa gawaing paghahabi na matagal nang umiiral sa Pilipinas. Ibig sabihin, nasa gawain ng paghahabi maaaring maipopook ang gawaing akademiko ng pakikipagtalastasan na ang pangunahing layunin ay tastasin (putlin, gupitin o kuhanin) ang mga ideyang maaaring pakikinabangan ng kasalukuyang pag-aaral.
Kaugnay ng layuning magtastas ng pakikinabanging ideyang may kinalaman sa laro sa pangkalahatan at ng larong sungka sa partikular sa konteksto ng paglikha ng kaalamang akademiko ay ang akda ni Johan Huizinga (1938) na pinamagatang Homo Ludens (Manlalaro ang Tao). Itinampok sa aklat ang pang-akademikong pagsusuri sa laro ang ebolusyunaryong lapit sa kultura. Iginiit ng may-akda na sa pamamagitan ng ideyang kultural na “agon” (kagalingan) maipapaliwanag ang pag-uswag ng kultura. Sa kabuuan, sinalunga sa pamamagitan ng nabanggit na ideyang Griyegong “agon” ni Huizinga ang palasak na puntong “sapien” (kaalaman) ng mga Antropologo upang bigyang diin ang pakahulugan niya sa kalikasang pangtao bilang “mapaglaro” sa halip na “mapag-isip”. Ibig sabihin, bilang Antropologo ng laro, si Huizinga ay naghain ng alternatibong pagtingin sa diskurso ng ebolusyong kultural upang tingnan ang laro bilang mahalagang paksang etnograpiko para ipaliwanag ang sanhi ng pangkalinanang pag-uswag ng tao. Ipinapalagay niya samakatuwid na ang laro ay siyang pinagbubuhatan o ugat ng ebolusyong pangkalinangan sapagkat umiiral na aniya ang laro sa mundo ng mga hayop bago pa man nilikha ang kultura ng mga tao.
Sa kabilang dako, sa akda naman ni Roger Caillois (1957) na pinamagatang Le jeux et les Hommes (Man, Play, and Games) ay makikita naman ang mahalagang pagsilip sa laro sa pamamagitan ng pag-organisa sa lahat ng mga uri nito at iba pang anyong pampaligsahan. Sa pamamagitan ng tipolohiyang lapit, ang pagtatampok niya ng mga kategoryang may kinalaman sa laro tulad ng agon (kagalingan), alea (kapalaran), mimicry (pagkagagad), at ilinx (pagkalito), ay napagkabit niya ang laro sa kultura at kung papaano ito ginagamit sa isang motibong panlipunan at nagbigay daan kinalaunan sa pagkakaroon ng mga tuntunin, istruktura, at motibasyon hindi lamang sa mga manlalaro kundi pati na rin doon sa mga tagapagtangkilik at manunuod. Sa madaling sabi, kaakibat ng paglapat ng ludus (patakaran o tuntunin) sa alinmang paligsahan at nakakabit na interes ng mga sangkot sa palaro bilang gawaing panlipunan ay isang pagpihit sa laro bilang panlipunang realidad at hindi basta na lamang ikahon sa larang na mistikal o ispiritwal na gawaing pantao tulad ng itinatanghal sa akda ni Huizinga. Ibig sabihin, si Caillois bilang sosyolohista ng laro at gawaing pampaligsahan, ay nagpapasubali ukol sa katangiang mistikal, misteryoso, at relihiyoso ng laro. Idiniin niyang ang laro bilang pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon ay isang gawaing insitutusyunal, pampulitika, at pangkapangyarihan. Magkagayunman, kapwa sa punto de bista nina Huizinga at Caillois, ang laro at iba pang gawaing pampaligsahan ay nagtataglay ng paidia (pagtingin sa mga ito bilang libangan na nagbibigay saya sa pakiramdam) na naging sanhi kung bakit nagpapatuloy ang laro at iba pang gawaing pampaligsahan sa lipunan sa paglipas ng panahon.
Samantala, sa akdang pinamagatang Sport, Anthropology, and History (SAH) na inilabas ng University of California Press (walang tala) ay makikita naman ang pagtatampok sa laro at iba pang uring pamapaligsahan bilang mabisang kasangkapan sa diplomasya at tagapagpapatingkad ng kumpetitibong kamalayan. Nag-ugnay rin ito sa mga imperyo at kolonya, iginigiit na diskursong pangkabihasnan ng maykapangyarihan sa nasasakupan, tagapagbuklod ng mga nasasakupan ng imperyo para sa katatagan ng teritoryo, stratehikong pangkalinangang pagtatanghal ng maykapangyarihan upang bigyang lehitimasyon ang kanilang pamumuno, mabisang kasangkapan sa pampulitikang ekonomiya, at ekspresyong pangkalinangang mapaghahanguan ng bagong kaalamang panlipunan. Binigyang diin ng SAH ang papel na ginagampanan ng laro at iba pang gawaing pampaligsahan mula pa diumano sa lungsodestadong Griyego hanggang sa nagdidigmaang nasyon-estado sa modernong panahon. Kinilala ang halaga ng laro bilang epektibong solusyon sa diplomasya ng nagtutunggaliang mga lungsod sa sinaunang panahon at ng magkakaalyadong mga bansa sa kasalukuyan. Ang pagpapahalaga halimbawa sa Olympia bilang pinagdadausan ng mga palaro at iba pang gawaing pampaligsahan upang pagbuklurin sa ilalim ng Helenistikong kultura ng imperyong Griyego ang lahat ng mga nasasakupang LungsodEstado. Nagpapatuloy ang ganitong diwa sa laro na masasalamin sa kasalukuyang Olympic Games, Asian Games, at SEA Games.
Taong 1875 nang isagawa ang eksplorasyon para sa paghuhukay ng pang-arkeolohikal at etnolohikal na yamang pangkalinangang Griyego ang pinundohan ni Imperador Welhelm I sa pamamagitan ng Pamantasan ng Berlin. Sa ilalim ng pamumuno ni Propesor Ernst Curtius, milyong hayto (artefacts) ang nakuha ng kanilang lupon sa pananaliksik ang matagumpay na maitanghal sa mga museo ng Europa at siyang sumasagisag sa katalagahan ng Kanluran na nagbibigay halaga sa istratehikong gamit ng nahukay na mga pamana. Sa Olympia nakakuha ng maraming etnolohikal na kasangkapang kultural lalo na sa larangan ng palarong tradisyon ng mga Griyego ang lupon ni Curtius upang gamitin ang mga iyon bilang pananda sa hindi humihingalay (restless), at mapagtagisang kaisipan (agonal) ng mga Europeo. Naging hulmahang diwa ang mga etnolohikal na datos upang likhain mula rito ang mga Kanluranin bilang panginoon at bantog sa kasaysayan. Hinugot ng mga iskolar tulad ni Curtius mula sa mga haytong kanilang nakuha ang konseptong “agon” (kagalingan) at siyang naging tagapaghugis sa naging tahakin ng mga Kanluranin sa kasaysayan. Kaalinsabay ng pagsiklab ng apoy ng Himagsikang 1896 sa Pilipinas, ang alab ng agon sa kamalayan ng Kanluran ay kanilang sinidhian upang pasiklabin ito sa pamamagitan ng pangunguna ni Pierre de Coubertin upang simulan ang Olympic Games. Nagsilbi ang palarong ito bilang pananagisag upang paigtingin ang simulain sa paghubog ng halagahin at ispiritung pamagtagisan o kompetitibo ng Kanluran. Sumasagisag ang nasabing palaro para sa kampeonato at pakikipagtagisan ng pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo para pagtibayin ang kaugnayan ng modernong palaro sa demokrasya, at para sa Kanluraning katayugan sa panahong kolonyal at paghahari nito sa sandaigdigan sa kasalukuyan. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng laro naipamumulat ng Kanluran sa kanilang mamamayan ang ideya ng kahusayan, kompetisyon, at demokrasya.
Naging tagapag-ugnay rin sa imperyo at nasasakupan nito ang palaro. Sa pamamagitan ng pagtawid nito sa malalawak na lupain at mga lagusang katawang tubig tulad ng dagat Mediterranean, ipinadaloy kasabay ng kapangyarihan sa pamumuno ang iba’t ibang uri ng mga palaro at gawaing pampaligsahan sa buong nasasakupang imperyo. Nagsisilbi ang ganitong engkwentro ng mga manlalaro para pag-ugnayin ang iba’t ibang mga lahi, pangkating pananampalataya, at magkaibang kinagisnang kultura at tradisyon upang pandayin ang inaadhika ng mga Griyegong Helenistikong katangian ng kanilang imperyo. Sa pamamagitan ng Helenistikong katangian ng imperyo ng mga Griyego lamang nakasalalay, at maaaring maging matatag at lumawak ang kanilang nasasakupan. Ang laro ang naging kasangkapan samakatuwid upang pagtulayin ang damdaming mapagtagisan ng tao tungo sa stratehiko at hegemonikong simulain ng maykapangyarihan sa buong nasasakupang imperyo.
Kaugnay nito, lumilitaw na hindi mapapasubalian ang importansya ng laro sa panlipunang pananaliksik upang gamitin ito sa paglikha ng kaalaman sa Agham Panlipunan lalo na sa disiplina ng Kasaysayan. Sa Dayagram 1, ipinakikita ang ugnayan ng historiador sa tungkulin niyang makapaglikha ng kaalaman na makukuha sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga penomenong panlipunan. Ilan sa mga halimbawa ng mga penomenong panlipunan ay ang pagpangayaw sa sinaunang panahon, kalakaran sa kolonisasyon, itinaguyod na himagsikang bayan, mga daluyong ng migrasyon, at iba pa (Isorena 2009). Iba’t iba ang maaaring magamit na saligang teoretikal upang tangkaing ipaliwanag ang gayong binanggit sa unahang penomenong panlipunan. Sa sinaunang panahon kung saan naging palasak ang kalakaran sa pagpangayaw na tinitingnan ng pag-aaral na ito bilang panlipunang mekanismo para sa pagdawat ng kaloobang bayan–buhay, ginhawa, at dangal—kung sisiyasatin sa pamamagitan ng panlipunang panunuri ay maipapaliwanag gamit ang ideyang kaligirang istruktural, at kaligirang pangkamalayan.
Sa pagsusuri, tumutukoy ang kaligirang istruktural sa naririyang organikong kaayusang bayan (puod), ibig sabihin ang umiiral na pangmaritimong espasyo’t kapangyarihan ng pag-uugnayan ng pinuno-sakop (Villan 2014; Villan 2015) —kadatuan, kaharian, karadyaan, at sultanato; at ng iba pang kaayusang pangmaritimong kaayusan—binukot, babaylan, panday, at bagani—pawang tagapagdawat ng kaloobang bayan. Samantala, ang istrukturang pangkamalayan naman ay tumutukoy sa kaayusang pangkamalayan na kolektibong itinataguyod ng lahat ng mga lingkod-bayan para sa pagdawat ng nabanggit na kaloobang bayan. Ilan sa halibawa ng kolektibong pangkamalayang bayan ay ang nauukol sa kinagisnang sikolohiya ng pakikipag-ugnayang panlipunan, at sikolohiya ng paglilingkodbayan. Mahalagang masipat ang ginagampanang papel kapwa ng dalawang pwersang pangkasaysayan vis-à-vis sa pagsipat ng umiiral na penomenong panlipunan sa sinaunang panahon.
Nasa puod bilang pangmaritimong espasyo’t kapangyarihan mahuhugot ang pangkabuuang disposisyon o kinagawiang pagkilos ng tao para sa pagpangayaw upang maidawat ang binabanggit na kaloobang bayan. Habang nasa kolektibong kinagisang sikolohiya ng pakikipag-ugnayang panlipunan at paglilingkod-bayan naman ang para sa pangalawang magiging tuntungan upang maipaliwanag din ang binanggit na penomenong panlipunan sa unahan. Sa pamamagitan ng dalawang kaparaanan sa pagsipat, makakalikha tayo ng inaasahang kaalamang pangkasaysayan.
DAYAGRAM 1
Ugnayan at Tuong-akademiko sa Paglikha ng Kaalaman

Villan 2017
Sa nais na landasing kaalamang pangkasaysayan ng mga mananaliksik sa Agham Panlipunan, mahalagang mabatid na mayroong mga antas ng kaalamang pangkasaysayang magsisilbing gabay bago ang paglikha ng kaalamang pangkasaysayan. Katulad ng nakikita sa Dayagram 2, may nakikitang limang antas ng kaalamang pangkasaysayan: makapagwari (tacit), makapagsalarawan (descriptive), makapagtasa (analytic), makapagpalitang kuro (discursive), at makapagdukal ng kaisipan (teoretikal). Mahalaga ang mga ito upang mabisang magamit na pook o singkawan ng ideya hinggil sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayan.
Tila ang unang dalawang tinalakay ay ang nililinang na kaalamang pagkasaysayan mula sa kaalamang natutuhan sa kinaroroonang panlipunang kapaligiran i.e., pamayanan hanggang sa mababa at mataas na antas ng paaralan. Habang ang ikatlo naman ay sa kolehiyong antas kung saan nililinang ang kakayahang makapagtasa ng kalakaran sa nakaraan halimbawa ng Pilipinas, Asya, at daigdig. Samantala, ang ikaapat naman ay sa gradwadong pagaaral (pangmasterado) na naglilinang ang kakayahan ng mag-aaral upang makapagtasa ng mga kaalamang pangkasaysayan sa iba’t ibang area ng pagaaral pangkasaysayan. Gayunman, malimit na ang lahat ng mga antas ng kaalamang pangkasaysayang binabanggit sa unahan ay nakasalalay lamang sa epistemolohiya ng kaalamang pangkasaysayang ipinakilala ng Kanluraning iskolarsyip sa Pilipinas.
Upang itampok ang kabuluhan ng organiko at nakasandig sa kulturang pag-aaral pangkasaysayan, sa teoretikal na antas na makikita sa Dayagram 2, sisikaping tatalakayin sa iatlong bahagi ng papel ang nasabing paksa.
DAYAGRAM 2
Mga Antas ng Kaalamang Pangkasaysayan

Sa kabilang banda, sa layuning makapaglikha ng kaalamang pangkasaysayan, makikita sa Dayagram 3 ang batayang teoretikal upang siyasatin ang larong sungka bilang paksa ng pag-aaral. Katulad nang mapapansin, ang pagkakalagay ng sungka sa gitna ng dayagram at pagtukoy rito bilang isang bahagi ng pangkasaysayang laro (historical gaming), maipapaloob ang ganitong uri ng larong pampalakasan ng kaisipang binabanggit sa panahon ng sinaunang bayan. Ibig sabihin, ang pag-iral nito sa Pilipinas at paglawak sa iba’t ibang dako ng Timog Silangang Asya at iba pang dako sa Timog Asya, Kanlurang Asya at Afrika (Bernardo 1937; Anima 1997; de Voogt 2010) bago naganap ang pananakop ng Espanya ay sumakay sa makasaysayang panlipunang gumuntang (phenomena) ng migrasyong Austronesiano sa mundo (Bellwood 1995). Bilang laro ng lahi, ang sungka ay tinitingnan ng mayakda ng pag-aaral na ito bilang isa sa mga pangkalinangang ekspresyon (SAH w.t.) na maihahalintulad sa kaslukuyang online gaming a tnagtataglay ng mga halagahing panlipunang ipinadadaloy sa agos ng panahon sa iba’t ibang henerasyon ng inapong Austrnesiano. Higit dito, ang sungka rin bilang larong pampalakasan ng kaisipan ay isang kongkretong katibayan ng panlipunang produksyon (Burstein 2014) kung kaya’t naglalaman ito ng mga positibong halagahin para sa pagkakaugnay-ugnay ng mga tao sa loob ng lipunan.
DAYAGRAM 3
Batayang Teoretikal ng Pag-aaral sa Pagsiyasat ng Larong Sungka Bilang Paksa ng Pag-aaral

Pasundayag sa Pag-Aaral ng Kalinangan: Ang Ekspresibong Kultura ng Sungka sa Pagtuklas ng Iba’t Ibang Larang ng Kinagisnang Kamalayang Panlipunan
Sa akdang pinamagatang “Integrating Arts: Cultural Anthropology and Expressive Culture in Social Studies Curriculum,” na inakda ni Joyce Burstein (2014) ay pinagtibay niyang hindi lamang sa perpormatibong mga pagtatanghal sumasakop ang ekspresibong kultura, kundi saklaw rin aniya rito ang lahat ng uring sining-biswal na produkto ng malikhang pagganap ng tao sa kaniyang kinapapaloobang lipunan (Burstein 2014). Sa pag-aaral ng ekspresibong kultura na ipinagpapalagay niyang bunga ng malikhaing pagganap, pagpapakahulugan, at kaisipang masusumpungan sa mga produksyong panlipunan at ipinapasundayag ng tao sa pang-arawaraw niyang buhay (Burstein 014) ay maikakabit ang argumento ng pag-aaral na ito hinggil sa tradisyonal na larong sungka ng mga ninuno bilang isang halimbawa ng perpormatibong sining.
Sa pagsasakasaysayan, sinasabi ni Burstein na ang mga perpormatibong anyo ng sining ay umiral na sa lipunan ng mga tao bago pa man naimbento ng tao ang sistema ng pagsusulat. Bilang produksyong panlipunan, ipinapahayag, itinatago, at ipinadadaloy ng sinaunang tao sa pamamagitan ng malikhaing pagganap ng iba’t ibang anyong sining ang kanilang mga ideya, kaisipan, at mga pagpapakahulugan na may kinalaman sa kanilang pag-iral sa sansinukob. Ibig sabihin, yaong mga natuklasan ng mga arkeologo mula sa nahukay na mga sityong panghabitasyon at mga sentrong pangkabihasnan na mga hayto, kung saan karamihan ay mga biswal na representasyon ng mga simbolo, guhit o panulat sa mga kapalayukan at palamuting pangkatawan, inukit na mga larawan sa mga kuweba, mga hugis o mga larawan sa mga sandata’t mga kalasag, at mga dekoratibong anyong makikita sa mga tela, kurtina, muebles, iba’t ibang kasangkapan sa pangangaso, pagluluto, pagsasaka, at pangingisda ay mayamang bukal kung gayon ng kaalaman upang tuklasin mula sa mga ito ang kinagisnang kamalayan ng mga katutubo hinggil sa kanilang pagkatao, pagkamamamayan, at kakanyahan bilang pangkating pantao o lipi.
Masasabing nating nasa eskultura ng sungkaan makikita rin natin ang magkaparehong kalikasan ng obligasyon o ang katayuan ng mga Datu, Rajah, at Sultan sa sinaunang bayan.
Kung mapanipat lamang tayo sa materyal na kayarian ng eskulturang sungkaan, ang paging hugis-bangka nito kung saan hayag na makikita ang dalawang malaking bilog sa bahaging bundulan ng bangkang sagisag-sapanungkaan (Calixihan 2010) ay kumakatawan ang mga iyon sa banal na pamunuan o tungkulin ng Datu, Hari, Rajah, at Sultan sa loob ng pangmaritimong panghimanwang Kadatuan, Kaharian, Karadyaaan, at Sultanato.
Higit dito, nasa sining-bayan din makikita ang pananagisag sa panungkaan mula sa kaanyuang sakayan (bangka na kumakatawan sa paglalayag para sa pagpangayaw), malaking ukang bilog sa dalawang bundulan (bahay na kumakatawan sa pamahalaan), pitong ukang bilog na maliit kung ihahambing sa dalawang nasa bahaging bundulan (nasasakupan na kumakatawan sa mga pamayanan), at mga pamato tulad ng sigay, bato, tigbi, at lisong sampalok (Bernardo 1937; de Voogt 210) na inilalagak sa kapwa sa dalawang bahay at pitong maliliit na ukang bilog (bayaning lakas ng bayan sa pagpapanatili ng kaayusan). Sa naging pag-aaral ni Salazar (1994, w.p.), ang bayani sa sinaunang bayan ay may sagradong katungkulang panatilihan ang kaayusan ang lipunan at sangtinakpan. Makikita rin sa larong sungka sa kabuuan ang mga sangkap na kapookan at pagsasakabuluhan na kinapapalooban ng mga sumusunod: 1.) pangkaganapan (na ipinapatungkol sa patay at nasiphayong angkan); 2) panlipunan (mga manlalaro at miron sa lamay); 3. talasalitaan (kain, sunog, patay, subi na kumakatawan sa kamalayan sa pagpangayaw) (Henson 1965, 4; Henson & Henson 2001; Calixihan 2010); 4.) libangan (na nagbibigay-aliw sa naulilang pamilya); at 5.) pagpasa ng kaalaman (tulad ng di-kumbensyunal na pagtuturo sa kabataan ukol sa halaga ng pagpangayaw sa loob ng lipunan).
Kung susuriin, ang larong sungka bilang panlipunang produksyon na ipinapasundayag sa pamamagitan ng sining pagtatanghal (spectacular presentation) at sining biswal (visual display) ay maaaring maipapaloob natin sa tinatawag na “meta-communicative frame” (SAH w.t.). Ang metacommunicative frame (MCF) bilang teoryang pangkomunikasyon ay tumutugon sa pangangailangang pangkomunikasyon na isinasagawa sa pamamagitan ng kaparaanang siboliko o hakbanging di-verbal na pagpapahayag. Ang MCF na tumitingin sa mga simboliko o di-verbal na pagpapahayag ay malimit na makikita sa makahulugang pagkilos ng tao, likhang sining, at iba pa upang epektibong maipapadaloy ang mensahe sa kinauukulan (Mateus 2017). Sumasakop ang MCF sa naging paliwanag ng SAH hinggil sa mga strukturang pangkomunikasyong lampas sa pasalitang tradisyon; ibig sabihin di sakop ng pananalitang pamamahayag tulad ng gawaing pagtatanghal at pananagisag.
Kung lilimiin pa, maaaring ipaloob din sa teoryang pangkalinangang pagpapasundayag ang sungka bilang panlipunang produksyon: 1.) pangtatanghal; at 2.) presentasyong biswal. Bilang sining ng pagtatanghal, mayroon itong entabladong tinatanghalan (bahay o burulan ng patay), nangangasiwa sa libangang palaro ng sungka, mga manlalaro, at ang mga miron o manunuod. Kasama rin sa pagtatanghal-bayang ito ang mga dekorasyon sa lamay, mga pananagisag kaugnay sa pagpanaw ng kaangkan, at mga handaan o munting salu-salo para sa mga nakikiramay o nakikidalamhati sa naulilang pamilya. Manipestasyon ang paglilibang hindi lamang sa manlalaro ng sungka kundi higit sa lahat sadyang kongkretong anyo ito ng pakikiramay bilang pakikipagsimpatiya sa mga naiwan ng namatay (Turner & Stets 2005). Samantala, sa presentasyong biswal ng pagpapadayag naman ay itinatanghal ang sungkaang hugis bangka, malaking ukang bilog na nagsisilbing bahay o ulo ng makakalabang manlalaro (Henson 1965; Calixihan 2010), mga tigpipitong inukang butas ng magkakalabong manlalaro ng sungka, at ang tigpipitong pamato rin para sa bawat magkatunggaling manlalaro (Henson 1965). Kapwa pagtatanghal at presentasyong biswal na anyo ng pagpapasundayag ng larong sungka ay nakapaloob sa kabuuan sa teoryang pangkomunikasyon kung saan ang paggawa, pagtatampok, at pagpapadaloy ng mensahe ay isinasagawa sa pamamagitan ng metakomunikatibong proseso upang sa ganitong di-verbal na anyo ng pagpapaabot, pagpapahatid, at pagsasapuso ng mensahe sa kinauukulang kaanak, kaangkan, at kababayan ay makapagsabuhay ng kinagisnang halagahin para sa pagpapahalaga sa buhay, pag-asam para sa ginhawa, at pag-aadhika ng dangal.
Sumasagisag ang hugis bangkang sungkaan sa napakamahalagang sakayan ng mga pangmaritimong sakayan sa Pilipinas, Timog Silangang Asya, Ocenia, at Africa. Pangunahin sa mga sakayang-dagat na ito ng mga Pilipino na ipinapasundayag sa larong sungka ay ang paraw na may iba’t ibang manipestasyon sa daigdig na inabot ng paglalayag ng mga Austronesiano (Bellwood 1995). Sa Indonesia at Malaysia ay makikita roon ang perahu, at sa mga bansa at teritoryong pangkomunidad sa Ocenia naman ay ang proa bilang bersyon ng napakahalagang binabanggit na sakayan ng mga Pilipino. Sa binanggit na espasyong pangmaritimong komunidad na kasusumpungan ng mga nabanggit na sakayan, ay naroroon din ang sungkaan na tinitingnan sa pag-aaral na ito bilang pangkalinangang sagisag ng panlipunang produksyon sa sungkaan. Dahil sa halagang ginagampanan ng mga paraw at iba pang manipestasyon ng transportasyong pandagat sa pagtuklas ng mga kapuluan para sa habitasyon, paguugnayan ng nga eksistidong mga maritimong pamayanan sa loob ng tinatawag ni O.W. Wolters na mundong Mandala (1999), pangayawan sa isa’t isa para sa kalakasan at dominasyon (Junker 2000), ay hindi maikakailang malaki ang ginagampanan nito sa pagkakaroon ng mga estadong etniko sa loob ng mundong Mandala.
Sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng Kadatuan, Kaharian, Karadyaan, at Sultanato sa konteksto ng mga estadong etniko ay maipapaliwanag ang pagusbong ng teknolohiyang pandagat para sa moral na ekonomiyang nakabatay sa pagpangayaw (Junker 2000; Isorena 2009). Mahalaga ang mga sakayang dagat na ito para sa pag-iral, pananatili, at pagpapatayog ng mga estadong etniko sa kapuluan (Junker 2000). Nagsisilbing teknolohikal na tinutuntungan ng panlipunang mekanismo ng pagpangayaw ng lahat ng inapong Autronesiano (Bellwood 1995; Reynolds 1995) ang mga sakayan para sa pangangailangan at mga hamon ng buong kasakupan ng estadong maritimo (Junker 2000; Solheim II 2006)—Kadatuan, Kaharian, Karadyaan, at Sultanato—para sa pagpapanatili ng buhay, pagsasadanas ng ginhawa, at inaasam na dangal ng buong nasasakupan (Villan 2017).
Gayunman, hindi sapat ang pagpangayaw para sa pagsasakatuparan o pagdawat ng kaloobang bayan Villan 2017). Bilang panlipunang mekanismo para sa kaligtasan at katimawaan patungo sa inaasam na kamaginoohan (Villan 2017) ang gawaing pagpangayaw para sa pagdawat ng buhay, ginhawa, at dangal (Villan 2009; Villan 2011) ay posible o kongkretong maisagawa lamang ninuman sa pamamagitan ng iba’t ibang sakayang dagat. Ang sakayang dagat na ito ay makikita sa mga kapuluang inabot ng migrasyong Austronesiano (Bellwood 1995). Sumasalamin ang panlipunang mekanismo ng pagpangayaw gamit iba’t ibang sakayan-dagat sa buhay-na-buhay na pangmaritimong praktis sa buong kasakupang teritoryal ng mga estadong etniko sa Timog Silangang Asya (Liebermann 1995). Sa naging pagaaral ni Vicente C. Villan (2017 & 2018), tinukoy niyang ang kinagisang sikolohiya sa kaloobang bayan ang siyang pinag-uugatan ng paglilingkod-bayan, at diwang bayan (Villan 2017). Kung susuriin, pagpapalawig ang nasabing ambag ni Villan sa kinagisang sikolohiya ng pakikipag-unayang panlipunang itinaguyod ng Sikolohiyang Pilipino (SP)—pakiramdam, hiya, at utang na loob (Enriquez 1978). Ngunit higit sa sosyalisasyon bilang katangian at tunguhin ng SP, ang binabanggit ni Villan na kinagisnang sikolohiya ng paglilingkod bayan at diwang bayan ang naging makabuluhan sa pag-aaral ng larong sungka sapagkat dito maisisingkaw ang kabayanihan sa agos ng kasaysayan.
Sa pagsusuri, tinukoy ni Villan sa isa pang ginawang pag-aaral niya ang tatlong larang ng kinagisang sikolohiya ng paglilingkod-bayan bilang pinagbubuhatan ng panlipunang pagkilos ukol sa kabayanihan sa agos ng panahon (Villan 2013; Villan 2018): 1. Ilub (pagpaparaya at pagpapakumbaba); 2. Unong (pakikiisa at katapatan hanggang kamatayan); at 3. Amok (pagbulalas ng kinuyom na galit dulot ng labis na pagpaparaya at pagpapakumbaba, at ang pakikiisa at katapatan hanggang sa kamatayan). Dahil sa labis na halagang ginagampanan ng ilub upang pag-ugnayin ang mag-asawa, magulang-anak, magkakamag-anak, at magkababayan para sa pagpapalitan ng pakiramdam, hiya, at utang na loob, naisasagawa, wika ni Villan, ang kaniyang pagkaloob sa kapwa (di-ibang tao at ibang tao), ang di-mapapantayan at walang katumbas na halagang paglilingkod para sa patitimawa upang makamit ang kamaginoohan alang-alang sa kapakanan ng hinahandugan ng pag-ibig (Villan 2018). Sa ganito ring diwa, ang higit na pagdawat ng pag-ibig ay maipapakita sa pamamagitan ng pag-unong bilang pinakamatayog na pagpaparanas ng paglilingkod sa sinuman. Ang pakikiisa, pagdamay, at pagtulong na humahantong sa paghahandog ng buhay dulot ng labis na pagturing sa ibang tao at di ibang tao ang siyang naghuhugpong sa sinaunang mamamayan ng mga estadong etniko sa kapuluan. Gayunman, ang mga pagbulalas ng kinuyom na galit na bunsod ng subra-sobrang pagpaparaya at pagpapakumbaba, di-alintanang ihandog ng lingkod bayan ang kaniyang buhay alang-alang sa kapakanan ng minamahal ay nagwawakas sa pamamagitan ng aksyong pag-amok. Maiuugnay ang pagbulalas ng kinuyom na galit upang kilanlin ang di-paggalang sa at paglapastangan ng pagkataong naiuuwi sa mabangis na pagkilos.
Ano ang nais na ipinahihiwatig ng gayong paglalahad sa itaas kaugnay sa kalooban at paglilingkod bayan sa konteksto ng metakomunikatibong pagpapahayag ng bayan na makikita sa ipinapasundayag na larong sungka? Anu-ano ang mga nakakubling panlipunang halagahin at kongkretong sosyohistorikal na tunguhin kaugnay ng gayong pangkamalayang praktis sa konteksto ng pag-iral ng mga estadong etniko sa sinaunang panahon?
Kung babalikan ang panahong klasikal ng mga Griyego-Romano, makikitang pinatitingkad sa bawat civis (mamamayan) ang ideya ukol sa timi (honor) upang bigyang daan ang pagkakabuo ng imperyo at bakasin mula rito ang sibilisadong pamumuhay sa loob ng nabanggit na lipunan (Aristides at Homo 1894). Kaya nga makatotohanan ang sinabi ni Demosthenes na wala sa imperador ng Gresya ang paliwanag hinggil sa kinamit na kadakilaan ng kabihasnang Griyego-Romano kundi nasa maliliit na mga civis na nagtataglay ng pinakaimportanteng virtus (halagahin) ukol sa timi (dangal). Gayunman, sa ginawang paghuhukay ni Curtius sa Olympia at isinagawang pag-aaral niya sa etnolohiya ng klasikong Gresya, ang pagkakatuklas nila ng konseptong agon (kagalingan), at alea (kapalaran) mula sa mga ipinapahiwatig ng mga haytong nahukay sa mga sityong arekeolohikal ay siyang naghugpong naman kung susuriin ng kanilang imperyo sa aspektong etnolohikal. Ang mga pangetnolohikal na impormasyong nakukuha mula sa metakomunikatibong elemento tulad ng mga hayto ang nagtatampok, naglalahad, at nagpapadaloy ng mga di-verbal na anyong pangkomunikasyon. Naging mabisa ang pagpapatawid sa kinauukulan ng nakakubling mga mensaheng mahalaga sa paghuhugpong ng nasasakupang etniko ng imperyo.
Sa Datu Paubare: novela historico (1931) ni Patricio B. Lataquin ay makikita ang nakatagong mensahe gamit ang laro bilang pangkalinangang ekspresyon at halimbawa ng metakomunikatibong pamamaraan ng pagpapahayag. Itinampok ni Lataquin sa pangunahing tauhan ng nasabing nobelang si Datu Paubare upang ipakilala ang kahusayan niya sa larong arnis. Lumitaw sa salaysay ng nasabing nobelista ang ideya ng kaabtik (kagalingan / kahusayan) pati na ang organikong pagpapakahulugan sa salita. Saklaw ng ideya ng kaabtik hindi lamang ang kagalingan o kahusayan sa paglalaro, kundi pati na rin ang mga kaugnay na salitang kakusog (paging malakas), kaisog (paging matapang), at kinaadman (kaalaman, kaunawaan, katalinuhan, abilidad, diskarte) bilang mga sangkap ng nasabing diwa o kaisipan. Ang panloob na mga kategoryang pangkamalayang ito ang siyang makikitang nakapaloob sa lahat ng uri ng laro sa Pilipinas. Kung susurin ang ideya ng kaabtik mababakas dito ang katagang-ugat na “abtik” (metatesis ng ‘batik’) na malimit iniuugnay sa mga taong nabatukan / nabatikan bunsod ng kanilang ginawang di-nagmamaliw at may kahusayang paglilingkod-bayan. Ang may kahusayang paglilingkod-bayan para sa pagdawat ng kaloobang bayan para sa buhay, ginhawa at dangal, tulad ng pinaliwanag na sa unahan ay kanilang isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapailub (pagpaparaya at pagpapakumbaba), pag-unong (pakikiisa, pakikisama, at pagdamay hanggang sa kamatayan), at pag-amok (pagbulalas ng kinuyom na galit bunsod ng hindi paggalang sa ginawang pagpailub at pag-unong) (Villan 2009). Ito kung gayon ang nakakubling mensahe sa loob ng di-verbal na pagpapahayag gamit ang iba’t ibang ekspresyong pangkultura na ipinaliwanag ng pag-aaral na ito gamit ang konstrak na metakomunikatibo sa larong sungka. Nasa larong sungka samakatuwid bilang ipinasusundayag na kalinangan hinggil sa kaloobang bayan, paglilingkod-bayan, at diwang bayan nakatago ang mensahe sa panlipunang produksyong nabanggit upang itawid sa bayan ang mga halagahing napaimportante sa pagkamamamayan ng isang lipi o estadong etniko. Kaya nga hindi nakapagtataka na mula sa sinaunang panahon patungo sa moderno at kontemporaryong panahon, ang laro sa pangkalahatan ay mabisang pangkalinangan at panlipunang instrumento ng paglinang sa pagkatao ng sinuman sa loob ng ginagawalang bayan at lipunan. Sa ibaba makikita ang Dayagram 4 na magsasakonteksto ng laro sa agos ng panahon:
DAYAGRAM 4
Pag-unlad at Gamit ng Laro sa Agos ng Kasaysayan

Katulad ng makikita sa Dayagram 4, tampok ang pag-unlad ng laro bilang kasangkapan ng maykapangyarihan mula bago ang kapitalismong industriyal noong pag-usbong ng sinaunang estado, pag-iral ng kapitalismong industriyal sa panahon ng paglitawan ng mga imperyo at nasyon-estado, hanggang pagkatapos ng kapitalismong industriyal sa panahon ng Kaayusang Global at Kontemporaryong nasyon-estado.
Kakitaan ang pre-industriyal na kapitalismong lipunan ng kawalan ng makinaryang nagagamit sa paglikha ng pang-ekonomikong produksyon anupa’t ang kilos-bayan kaugnay nito ay higit na kolektibo. Ibig sabihin, ang moda ng produksyon ay hindi nakatuon sa kumodipikasyon ng paggawa na humahantong sa alienasyon ng mga maliliit sa batayang ginhawa, bagkus ang bayan mismo ay nakikinabang sa gawain ng paggawa. Makikita ito halimbawa sa ideya ng pagpapamudmod ng ginhawa hindi lamang sa mga ritwal na pangkalinangan pagkatapos ng gawaing pagpangayaw kundi ang direktang nakukuha mismo sa nabanggit na gawain. Totoo ito halimbawa sa pakinabang ng mga Camucones, Tirones, Sanguiles, Sama Bangingi at iba sa loob ng Sultanato ng Sulu sa mahabang panahon. Ang kanilang katapatan na iniuukol sa Sultanato sa gawaing pagpangayaw sa mga teritoryong kolonyal sa Pilipinas mula ika-16 siglo hanggang unang bahagi ng ika-19 siglo ay kahayagan ng ganitong mahigpit na pagtutulungan bunsod ng pagkakaloob sa kanila ng ginhawa sa pagpangayaw sa iba’t ibang dako ng Pilipinas at maging sa kapuluang Timog Silangang Asya. Sa halaga ng mga pagpangayaw para sa pampulitikang ekonomiya ng mga Tausug halimbawa, ang larong sungka na malaganap sa nasabing rehiyon ay repleksyon ng maigting na kaabalahan sa nabanggit na tradisyon ng paglikha ng yaman at pagtiyak ng kapangyarihan. Dito naipapaliwanag kung gayon ang sanhi kung bakit ang larong sungka ay malaganap na nilalaro sa nasabing rehiyon.
Gayunman, sa panahon ng kapitalismong industriyal, mula huling hati ng ika-19 hanggang dekada 90 ng ika-20 siglo, ang paggamit ng makinarya sa paglikha ng yaman mula sa produktong panluwas ay naging daaan upang lumupaypay ang paggamit ng tradisyunal na laro sapagkat nagbigay landas ito sa pamamayagpag ng modernong laro sa daigdig.
Samantala, ang yugto pagkatapos ng kapitalismong industriyal na kalimitan ay naramdaman sa Europa, Japan at Estados Unidos ay kakitaan ng uri ng lipunang may kakayahang hindi lamang magbago ng ekonomiya kundi mismo ng sariling lipunan. Bunsod ito ng kaganapan sa transisyon mula manlilikha ng produkto tungong tagapagbigay ng serbisyong lipunan. Maiuugat ito sa kaganapang pag-unlad ng teknolohiya sa impormasyon, paglitawan ng serbisyong sektor, at labis na pag-unlad sa teknolohiya partikular ang paggamit ng robot sa paglikha ng produkto. Sa madaling sabi, nakapaglilikha ang sektor ng serbisyo ng higit na yaman kung ihahambing sa sektor mismo ng paggawa (Liagouras 2005; & Srnicek w.t.). Ibig sabihin, sa pagkakaroon ng kapangyarihang pangimpormasyon at artipisyal na intelihensiyang naging daan sa robotics, ang pag-usbong ng digital games and sports ang siyang maghahawi ng daan para sa makabagong kaparaanan sa paglalaro sa kasalukuyan at magiging kasangkapan sa pagsusulong ng kaayusang global at ng kontemporaryong mga nasyon-estado sa ating panahon.
Panublion sa Pagbubuo ng Kaalamang Pangkasaysayan: Sungka sa Pagbubuo ng Pangmadlang Kasaysayan para sa Tunguhing Pangkaunlaran
Tumutukoy ang konseptong “panublion” sa ipinaliliwanag ni J. Kaufmann na “pamana, yamang mana, bagay na iniwan ng lumisan sa pamamagitan ng istruktura, kaloob, iniwang halimbawa, mga bagay na minana o maaaring mamanahin…” Hinango ang terminong ito ng panublion sa katagang ugat na “subli” na ang ibig sabihin naman ay “kapalit ng iba, kahalili, mamanahin; magkaloob–, umako–, toka ng iba, halilihan ang iba, akuin ang gampanin o katungkulan ng iba, magmana, magiging tagapagmana.” Subliá ang óbra níya. Akuin ang kaniyang gampanin. Halilihan siya sa kaniyang katungkulan. Ginsúblì níya ang íya nga mánggad. Minana niya ang kaniyang yaman. Nagsúblî sa íya si Fuláno sa pagpanúdlò sa buluthóan. Humalili sa kaniya si Fulano sa pagtuturo sa paaralan (1935)” (akin ang malayang salin).
Kaugnay sa idea ng subli na nagbibigay diin sa paging kapalit, kahalili, tagapagkaloob, tagapag-ako, at tinokahan, ano nais na ipinapahiwatig sa konteksto ng minamana? Mayroong tatlong makikitang minamana ang sinumang sinusublian ng mga magulang o ninuno. Sa ginawang isa pang pagaaral ni Villan (2015), kinabibilangan ito ng mga sumusunod: (a) katungkulan, (b) gampanin, at (c) pananagutan. Sa tatlong tinukoy ni Villan na larang ng panublion o pamana—pagkabutang (kayamanan), surundon (tradisyon), at pamatasan (halagahin)—maipapaloob natin ang paksaing sungka bilang halimbawa ng mga pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon.
Sa konteksto ng pagiging may katungkulan, tagaganap, at may pananagutan naman sa nakaatang na responsibilidad o obligasyon ninuman hinggil sa yamang istruktura ng sungkaan, tradisyong nakapinid sa loob ng larong sungka, at mga halagahing kaakibat ng paglalaro o palakasan ng kaisipan ay ang di-matatawarang kaalaman hinggil sa kolektibong gunitang pangkalinangang ipinadadaloy sa pamamagitan ng di-verbal na komunikasyon gamit ang bisa ng ritwal ng paglalaro at gawaing paninimbolo. Alalaong baga, sa pamamagitan ng larong sungka, masining at may kasayahang naitatawid mula sa mga ninuno o mga magulang ang sandigan ng lakas o gahum ng lipunan patungo sa nakakabatang henerasyon – ang mga kababaihan at kabataang manlalaro ng sungka (de Voogt 2010) bilang pundasyon at kinabukasan ng bayan. Ang lakas o gahum panlipunang binabanggit na ipinapasa gamit ang larong sungka para sa palakasan ng kaisipan ay ang pangmaritimong gawain ng pagpangayaw para sa pagdawat ng kaloobang bayan ng lahat ng mga lingkod-bayan—maysakop man, at nasasakupan—pawang nagkakapit-bisig para sa katimawaan at kamaginoohan ng mamamayan. Isang inklusibo, organiko, at nakasalig sa kalinangang pagpapagunitang pangkalinangan at praxis pangkasaysayan ng mga Pilipino sa sinaunang panahon.
Kumakatawan at nakaugnay naman sa istruktura ang pitong nasasakupang bayan o kasakupang pamayanan bilang pagpapatibay sa sagradong pinagmulan ng bayang nasa ilalim ng pangangalaga ng Kadatuan, Kaharian, Karadyaan, at Sultanato. Ang pagkakaroon ng istruktura ng tigpipitong pamato (Henson 1965)—sigay, bato, lisong sampalok o tigbi man (Bernardo 1937; de Voogt 210)—pawang sumasagisag din sa pangkalahatan sa sagradong katungkulan ng mga bayani bilang mga lingkod bayan. Silang mga manlalarong kalimita’y mga kababaihan (pati kabataan) ang siyang sumasagisag din sa napakamahalagang katungkulan ng mga kababaihan (Voogt 1999; de Voogt 2010) bilang tagapagturo ng mga halagahing panlipunan lalo na ang nauukol sa paglilingkod bayan. Sa pamamagitan ng paglalaro ng sungka, ang pakikipagtagisan ng lakas ng kaisipan ay mahalagang pagsasanay hindi lamang sa pagbibilang ng pamatong ipinuposisyon sa sadyang paglalagayang butas o uka, upang matiyak ang tagumpay ng laban, kundi ang wasto o tamang kapasyahan din sa bawat move o pagkilos na gagawin ng isang manlalaro. Nagsisilbi ang mga miron sa laro bilang locus ng pagalingan sa larong sungka sapagkat nakasalalay rito ang dangal ng isang manlalaro. Sa mga aktwal na pagpangayaw para sa mga alipin at iba pang maaaring dalhing pristehiyong epektos mula sa ibang Kadatuan, Kaharian, Karadyaan, at Sultanato (Salazar 2004; Villan 2012), mahalaga ang taglay na istruktura, abilidad, at husay sa pagpapasya ng pinuno upang epektibong mailunsad ang sagradong gawain sa pangangayaw. Sagrado ang gawaing pagpangayaw ng mga mangangayaw o bayani ng bayan sapagkat silang tagapagdawat ng kaloobang bayan ang nananagot para sa proteksyon at pagpapalawig ng buhay, katiyakan ng ginhawa ng mamamayan, at tagapagsiguro ng dangal ng sambayanan. Sa madaling sabi, sa pamamagitan ng modelong kosmolohiyang pulitikal na ito ay maipapaliwanag natin ang itinatampok ng SAH na pagsasabuhay ng kinagisnang kultura at kaakibat na halagahing panlipunan na masusumpungan sa sinaunang laro tulad ng sungka. Bilang panlipunang produksyon, nakapaloob samakatuwid sa likhang kulturang nabangggit ang kamalayan sa pakikipag-ugnayang panlipunan, at paglilingkod bayan ng mga Pilipino sa sinaunang panahon.
Sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayan gamit ang larong sungka, maiuugnay kay Jaume Aurell (2015), isa sa tagapagtaguyod ng historical genres theory (HGT), ang ideya hinggil sa maaaring mapaghuhugutan ng epistemolohikal na saligan ng kaalamang pangkasaysayan hinggil sa pagbubuo ng pangmadlang kasaysayan. Ang konsepto ng pangmadlang kasaysayan na unang tinukoy ni Michael Charleston Chua, sa pamamagitan ng nasabing teoryang ipinalalaganap ni Aurell ay siyang nagbibigay katuwiran na hindi maaaring monopolyohin kapwa ng mga tradisyunal at makabagong historiador ang kaalamang pangkasaysayan. Ang mga kaalamang pangkasaysayang nasalok mula sa tradisyong positibismo, interpretibismo, at konstraktibismo ay kinakailangang sisiyasatin kung ang intelektuwal na tradisyong ito nga ba ay inklusibo, organiko, at nakasalig-sa-kalingang praxis ng pagsasakasaysayan. Sa naging pagtanaw ni Aurell, binigyang diing hindi maaaring monopolyohin o mabisang naipadadaloy ang kaalamang pangkasaysayan sa madla gamit ang nabanggit na tradisyon sa pagsasakasaysayan. Katunayan, sa pamamagitan ng interdisiplinaryong lapit pangkasaysayan, ang binabanggit sa unahang ekspresibong kultura, at panlipunang produksyon mabubuksan natin ang inaasam na kongkretong epistemolohikal na saligan sa gawaing pagsasakasaysayan.
Sa pagsusuri, ang HGT na tinukoy ni Aurell (2015) ang maaring magpapaunlad ng historiograpikong kaalaman lalo na ang tungkol sa isyung metodolohikal sapagkat gamit ang mga di-tekstwal na mga batis pangkasaysayan ay mapapayaman nito ang mapagkukunan ng mga datos na mahalaga sa produksyong pangkasaysayan. Para kay Aurell, hindi na kung gayon ang mga historiador lamang ang maaaring tagapaglikha ng kaalamang pangkasaysayan kundi ang tagapagtaguyod nitong mga alagad ng sining at ordinaryong mamamayan. Bilang pagpapatibay, sinabi niyang:
Inaari ang kasaysayan ng mga nakakaranas o nagtataguyod nito, hindi ng mga propesyunal na historiador. Kung kaya’t karamihan sa mga tekstong tinalakay sa isyung ito ay nagtutulak sa ating muling pag-isipan hindi lamang sa mga likha na maaaring tawagin nating kasaysayan kundi bilang manlilikha ng kasaysayan—kabilang ang mga artista, actor, filmmakers, refugees, di-kilalang mamamayan, manlalaro, actor ng social media, at mga mananalambuhay (Aurell 2015).
Malinaw ang ipinunto hinggil sa demokratisasyon ng gawaing pagsasakasaysayan na tinatanaw ni Aurell na maging kalakaran ngayong ika21 siglo. Bilang metodolohikal na lapit, nabubuksan diumano sa pamamagitan ng HGT ang ideya hinggil sa paging kasangkapan nito upang suungin ang poetika ng kultura at kapangyarihan, sapagkat ipinagpapalagay na ang pagkakapili ng anumang gagamiting daluyan upang itawid ang kaalamang pangkasaysayan ay sadyang hindi neutral anupa’t mahalaga kung gayon aniyang matiyak ang pagkakagamit ng mga pangkalinanang batis para sa pagsasakasaysayan (Aurell 2015).
Sa ganitong punto, ang larong sungka bilang isang halimbawa ng pangkalinangang batis sa pagsasakasaysayan sa pagtingin ng may-akda ng pag-aaral na ito ay isang kongkretong halimbawa ng pagsasakasaysayan. Sa pamamagitan ng konstrak sa HGT maaaring ipaloob sa istruktura ang malawak na larang ng ekspresibong kultura at panlipunang produksyon na magsisilbing balon o batis ng kaalamang pangkasaysayan (tingnan ang Dayagram 5). Bilang lente ng pag-unawa sa pangmadlang kasaysayan, ang makikitang verbal at diverbal na simbolismong kapahayagan ng ekspresibong kultura at panlipunang produksyon, sa pamamagitan ng larong sungka ay masisipat natin ang nakatagong impormasyong mahalaga sa pagsasakasaysayan at pagtataguyod ng kaloobang bayan.
DAYAGRAM 5
Balangkas ng Kaisipan sa Paglikha ng Pangmadlang Kasaysayan

Sentral na binibigyang pansin sa makabagong pagpapaksang pangkasaysan sa nakaraan gamit ang di-tekstwal na mga batis, interdisiplinaryong pagtingin, at organikong praxis pangkasaysayang nakasalig sa kinagisnang kultura. Sa Dayagram Blg. 6, makikita ang inihahaing modelo ng “kasaysayang pangmadla” (Chua 2018, w.p.). Bilang hugot mula sa konstrak na dyornalistiko, tugon ang konsepto sa diorganikong idea ng “publikong kasaysayan” bilang direktang salin ng “public history” ng Kanluran, at puna rin sa napakalawak na ideyang “kasaysayang bayan.” Ibig sabihin, kapuri-puri ang paging sensitibo sa kultura ng pagtatangkang dukalin ni Chua ang organikong ideyang “madla” ng larangang pambalitaan upang ikabit sa istruktura ang “kasaysayan” na nakatuon sa pagsasalaysay ng mga “makahulugan, makatuturan, at makabuluhang paglingon sa nakaraan.”
Gayunman, sa kabuuan nanatili pa ring ang niyayakap na praxis sa pagsasakasaysayan ay inihango sa Kanluran. Makikita ito halimbawa sa pagsusumikap na iparating sa madla ang kaalamang pangkasaysayan nagmumula sa mga makabuluhang tuklas (key findings) hinggil sa pagsisiyasat o bunga ng mga pag-aaral sa nakaraan. Ngunit sadyang nilalayon lamang talaga ng pangakademikong pagsusumikap ni Chua na dalhin sa malawak na larang pantao o espasyong pangmadla ang kaalamang pangkasaysayan na nais niyang ipaunawa at hindi ang hangaring makalikha ng epistemikong saligan ng pagsasakasaysayan. Sa ganitong punto, isa na ring masasabing marangal at progresibo sa kabuuan ang kaniyang ginagawang pagpapabatid sa madla ng kaalamang pangkasaysayang hugot sa tradisyonal na praxis nito sa akademya. Ang pagiging daluyan ni Chua ng kaalamang akademiko sa larangan ng kasaysayan patungo sa demograpikong pagkokonsumo ng kaalamang pangkasaysayan ang masasabi nating antas na istruktura ng konstrak na “kasaysayang pangmadla.” Palibhasa’y, hindi abot-unawa ng madlang-bayan ang diskursong akademiko sa mga pamantasang tagapaglinang ng kaalaman na anupa’t nagiging sagabal ito upang kanilang pakikinabangan ang aral ng kasaysayan. Sa ganitong punto naging makabuluhan ang nasabing kaabalahan sapagkat winawasak ng kasaysayang pangmadla ang pader na naghihiwalay sa pagitan ng intelektuwal at ng kaniyang mamamayan.
Sa kabilang dako, bilang pagpapalawig at pagkilala na rin sa marangal na simulain para sa pagpapatwid ng kaalaman sa madlang-bayan, hindi marapat na manitiling imbudo lamang ang mga intelektuwal sa pagpapadaloy ng kaalamang hinango mula sa tradisyonal na praxis pangkasaysayan. Ibig sabihin nito, kinakailang umigpaw ang mga intelektuwal ng bayan mula sa kinaroroonang estado patungo sa paging tagalikha ng kaalamang pangkasaysayan. Inaasahan pa ngang higit na umabante ang bawat isang intelektuwal sa tagalikha ng kaalaman patungo sa paging panday ng kauswagang pinakalundo at rurok ng katungkulang akademiko sa kabuuan.
Upang pagtibayin ang ganitong punto, makikita sa binanggit na Dayagram 6 ang epistimikong saligan sa kasaysayang pangmadla. Tinitindigan ng may-akda na lahat ng gunitang bayan ay pawang masusumpungan sa mga Pamanang Bayan. Ang mga pamanang ito ay makikita sa tinalakay nang ekspresibong kultura at panlipunang produksyon tulad ng istruktura na pinapaksa ng larong sungka sa sanaysay na ito. Nagtataglay ang lahat ng laro sa pangkalahatan at larong sungka sa istruktura sa Pilipinas ng mga metakomunikatibong mensahe na ipinaparating sa kinauukulan sa bisa ng gawaing pananagisag. Ang mga gawaing pananagisag na nakita sa tinalakay sa unahang pagtatanghal sa panahon ng lamay o bahay ng namatayan, at maging ang presentasyong biswal ay nagpapatibay sa kabuluhan ng sungka bilang makabuluhang paksa, mahalagang di-tekstwal na batis, at mapaghuhugutan ng dinaratibong impormasyon hinggil sa epistemikong konsiderasyon ng pagsasakasaysayan. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga impormasyong mahuhugot mula sa di-tradisyonal na batis maaaring makapaghabi tayo ng salaysaying bayan (Kasaysayang Pangmadla).
Hinihinuha sa kabuuan ng may-akdang ang lahat din ng salaysaying bayan (Kasaysayang Pangmadla) ay kapwa masusumpangan sa tekstwal at di-tekstwal na batis. Alalahaning ang mga ninunong Pilipinong higit na may ingklinasyon sa tradisyong pasalita ang siyang pinagbubuhatan ng lahat ding salaysaying bayang masusumpungan sa nakasulat na dokumento at ikinakabit na kuwento sa istruktural na mga panublion o pamana. Mula sa salaysaying bayang ito nagmumula naman ang paglikha ng gunitang bayan—likas na pamana o nilikhang pamana—para sa pagkakaroon muli ng batayan sa maaaring lilikhaing salaysaying bayan (Kasaysayang Pangmadla).
Sa paglikha ng epistemolohikong batayan sa Kasaysayang Pangmadla, mahalagang taglayin ng historiador ng bayan ang dalawang kaligiran— istruktural at pangkamalayan—mga pwersang tagapaghubog ng mga gumuntang panlipunan at pangkasaysayan (social and historical phenomena). Mula sa Sinaunang Bayan, patungo sa Imperyong Kolonyal ng Espanya, hanggang sa panahon ng pag-iral ng Nayon-Estado sa kontemporaryong panahon ng Pilipinas makikita ang papel na ginagampanan ng kaligirang binabanggit at ang kaakibat na pwersang pangkalamayang kapwa humuhugis ng mga gumuntang panlipunan at pangkasaysayan.
DAYAGRAM 6
Modelo ng Kasaysayang Pangmadla Gamit ang Larong Sungka

Villan 2017
Sa pagsusuri, dominante ang naging papel ng kaligirang pangkamalayan ukol sa Kasarinlan na pinaiiral ng maykapangyarihan—Kadatuan, Kaharian, Karadyaan, at Sultanato—sa pag-uugnayan ng malalaya at nagsasariling mga estadong etnikong binabanggit ni Earl sa unahan. Samantala, gamit ang ipinaiiral na ideolohiyang Kaligtasan ng mga Espanyol sa panahon ng kolonisasyon, nabigyang katuwiran at sagradong dahilan ang pananakop sa Pilipinas para sa sibilisasyon ng mga Indio at pagsakop sa mga Moro at Ynfieles. Sa magkapareho ring dahilan, gamit ang mapagpalayang kamalayan sa Katimawaan ng mamamayan sa Pilipinas, naging mabisang kasangkapang moral para sa pagpapalakas ng loob ng mga Katipunero ang paglulunsad ng Himagsikang tuntungan para sa kamaginoohan ng mga sambayanan sa buong Pilipinas.
Ngunit hindi lamang epistemolihikong saligan para sa paglikha ng kaalamang historiograpiko ang mahuhugot mula sa ekspresibong kultura at panlipunang produksyon sa halimbawa nito sa larong sungka, kundi ang maging ang ontolohikal na ambag nito sa simulaing pagsasakasaysayan sa nakaraan ng Pilipinas. Ang larong sungka bilang locus na historiograpiko ng Kasaysayang Pangmadla sa larang ng metakomunikatibong pagtatanghal, at biswal na presentasyon mahuhugot ang sinasabi ni Demosthenes na virtus (panlipunang halagahin sa serbisyong sibiko) sa karanasang Europeo. Kasingkahulugan ng ideya ng binabanggit na virtus ang konsepto nating mga Pilipino ng pagdawat (panlipunang halagahin ng paglilingkod bayang nakasalig sa kahusayan) ukol sa kaloobang bayang sandigan naman ng katungod (tungkulin sa bayan ng paghahandog ng sarili) ng mga lingkodbayan (datu, babaylan, panday, at bagani). Sa pamamagitan ng larong sungka, ang ideya ng kaabtik (kagalingan / kahusayan) na tinukoy ni Lataquin ang siyang hinihinuhang pamantayan sa uri ng pagdawat ng kaloobang bayan ng lahat ng mga lingkod o kawaning bayan.
Sa pagsipat sa daloy ng kasaysayang Pilipino gamit ang lente ng Kasaysayang Pangmadla, maituturing na ontolohikal na saligan ng maabtik na pagdawat ng kaloobang bayan ng lahat ng mga kawaning bayan ang gawain sa pagpangayaw. Sinasalamin ng larong sungka samakatuwid ang kultura ng pakikipagtagisan sa loob ng lipunan (DiCicco_Bloom & Gibson 2010, 1248250) upang linangin ang lakas pangkaisipan maipadaloy ang panlipunang halagahin sa pagdawat ng gawaing paglilingkod na nakatuon pagsasakatuparan ng kaloobang bayan–buhay, ginhawa, at dangal. Matutunghayan sa Dayagram 7 ang biswal na pagpapaliwanag sa ontolohikal na saligan ng Kasaysayang Pangmadla para sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayan mula sa sungka bilang salamin ng gawaing pagpangayaw sa kasaysayang Pilipino.
DAYAGRAM 7
Saligang Ontolohikal sa Paglikha ng Kaalamang Pangkasaysayang Masasalamin sa Sungka ng Gawaing Pagpangayaw

Konklusyon
Sa kabuuan, malinaw na tinugon sa pag-aaral ang pagpapaliwanag sa isyung may kinalaman sa makitid na pakahulugan ukol sa ekspresibong kultura bilang kinaluluguran ng talastasang akademiko. Sa tulong ng lente mula sa performance studies naipakita sa pamamagitan ng talakayan sa larong sungka ang pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon sa bisa ng metakomunikatibong kaparaanan ng pagsusuri. Nilinaw sa ginawang pag-aaral na ang panlipunang gawain sa pananagisag sa larong sungka ay mayamang balon ng impormasyon hinggil sa pagpapasundayag ng paraan ng pamumuhay at panlipunang halagahin ukol sa kaloobang bayan, paglilingkod bayan, at diwang bayan.
Naisakatuparan din sa ginawang pag-aral ng may-akda ang pangunahing layuning gumamit ng interdisiplinaryong lapit (Humanidades at Agham Panlipunan) sa pagsasakasaysayan upang makapag-ambag ng alternatibong pagbasa sa mga di-tekstwal na batis pangkasaysayang magagamit sa pag-unawa ng kinagisang kamalayan ukol matalas na pag-unawa sa mga penomenong panlipunan at pangkasaysayan. Sa pamamagitan ng di-kumbensyunal na pagpapaksa, paggamit ng di-tekstwal na mga batis, at organiko-pangkalinangang pagsipat sa larong sungka, natukoy ng may-akda ang pagkakaroon ng metanaratibong pangkasaysayan bilang tuntungan sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan hinggil sa nakaraan ng Pilipinas.
Samantala, sa pamamagitan ng historiograpikong pagsisiyasat sa larong sungka bilang paksa ng pag-aaral, materyal na batis na ginamit sa pagsusuri, at pagdukal ng kaalamang bayan mula sa pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon, nakapag-ambag ang pag-aaral na ito ng evidentiary facts upang mailatag ang epistemikong saligan sa pagpapahalaga at pagapalawig Kasaysasang Pangmadla. Isang tangka ang interdirdisiplinaryong lapit at pagsasakasaysayan sa larong sungka upang bawiin ang pakahulugan, bigyang katuturan ang pangkasaysayang praksis, at pagsasakabuluhang pangkasaysayan. Sa talakayan, naipapaliwanag na ang larong sungka bilang isang halimbawa ng pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon ay ipinapasundayag upang bakasin ang kinagisnang kaparaanan sa pamumuhay o tradisyon. Gayundin, natukoy sa ginawang pag-aaral na ang partikular na halimbawa ng mga mahahalagang larang ng kinagisnang kalinangan at kamalayang nakapinid sa larong sungka visà-vis sa mga ipinapasundayag ay mga halimbawa ng pangkalinangan at panlipunang pananagisag. Nagbigay liwanag ang pag-aaral na ito upang makakabuo ng kaalamang pangkasaysayan mula sa pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon ng larong sungka ng mga partikular na kaalamang pangkasaysayang pakikinabangan ng bayan sa ating panahon.
Gayunman, nilimita ng pag-aaral na ito ang kongretong pagsasakabuluhan ng laro sa pangakalahatan at ng sungka sa partikular ang nauukol sa kongkretong paglatag ng kaalamang pangkasaysayan sa larang ng pag-aaral pangkauswagan sa bansa. Malinaw na inirerekomenda sa pamamagitan ng inilatag na epistemolohiko at ontolohikong ideya sa akda, maaaring mapalawig sa mga kasunod na pag-aaral ang pag-uugnay ng kaalamang pangkasaysayan mula sa Kasaysayang Pangmadla sa inaapuhap na kabuluhang pangkauswagan sa larangan ng pedagohiya, pag-uugnay at pagpapalawig sa mayamang oral na tradisyon ng larong sungka, paglatag ng ingklusibong proyektong pangkauswagan mula sa larong sungka sa larang pambansa at panglokal, at pagsasakabuluhan ng mga pampamanang pag-aaral sa larong sungka para sa turismo at pangpamayanang pag-unlad.
Sanggunian
Ambrosio, D. L. (2010). Balatik: Etnoastronomiya (Kalangitan sa kabihasnang Pilipino). University of the Philippines Press.
Anima, N. (1977). Filipino ethnic games. Nid Anima / Omar Publications.
Aristides, H. (1894). Citizenship prize essays. American Anthropologist, 7(4), 343–357. http://www.jstor.org/stable/658560
Aurell, J. (2015). Rethinking historical genres in the twenty-first century. Rethinking History, 19(2), 145–157.
Bellwood, P. (1995). Austronesian prehistory in Southeast Asia: Homeland, expansion and transformation. In P. Bellwood, J. J. Fox, & D. Tryon (Eds.), The Austronesians: Historical and comparative perspectives (pp. 96–111). Department of Anthropology, Research School of Pacific and Asian Studies, The Australian National University.
Bernardo, G. (1937). Sungka: Philippine variant of widely distributed game. Philippine Social Science Review, 9, 1–16.
Bishirjian, D. (2018). Cosmological myth and origins of political science. VoegelinView. https://voegelinview.com/cosmos
Boxer Codex. (n.d.). The manners, customs, and beliefs of the Philippine inhabitants of long ago. In C. Qurino & M. Garcia (Eds.), The Philippine Journal of Science, 87(4), 325–453.
Burstein, J. (2014). Integrating arts: Cultural anthropology and expressive culture in the social studies curriculum. Social Studies Research and Practice, 9(2), 132–144.
Calixihan, J. O. (2010). Games Filipino play. Anvil Publishing House.
Ching-Ho, C. (1968). The Chinese community in the sixteenth century Philippines. Center for East Asian Cultural Studies.
Chua, M. B. (2018, September 8). Defining public history in the Philippine context. The Manila Times. http://www.manilatimes.net
Colman, A. M. (2003). Cooperation, psychological game theory, and limitations of rationality in social interaction. Behavioral and Brain Sciences, 26(2), 139–198.
Demetrio, F. R., & Fernando, G. C. (1991). The soul book. GCF Books.
Bloom, B. D., & David, G. R. (2010). More than game: Sociological theory from the theories of games. Sociological Theory, 28(3), 247–270.
Dissanayake, E. (n.d.). Ritual and ritualization: Musical means of conveying and shaping emotion in humans and other animals. In S. Brown & U. Voglsten (Eds.), Music and manipulation: On the social uses and social control of music (pp. 31–56). Berghahn Books.
Enriquez, V. G. (1978). Kapwa: A core concept in Filipino social psychology. In A. M. Navarro & F. L. Bolante (Eds.), Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at Pantayong Pananaw (pp. 23–53). C & E Publishing, Inc.
Ganzon, G. F. (1952). A critical study of some investigations made of our pre-historic past. Philippine Social Sciences and Humanities Review, 17(1), 3–44. University of the Philippines, College of Liberal Arts.
Fuller, S. (1988). Social epistemology. Indiana University Press.
Geertz, C. (1980). Negara: The theater state in nineteenth-century Bali. Princeton University Press.
Henson, M. J., & Henson, D. O. (2001). Games Filipino children used to play. Giraffe Books.
Isorena, E. B. (2009). Bangka at kolonisasyon: Mula banwa tungong pueblo, 1565–1620 (Pagbabagong panlipunan sa punto ng hugpungan) (Doctoral dissertation). University of the Philippines – Diliman.
Henson, M. A. (1965). How to play sungka (4th rev. ed.). [No publication location or publisher].
Isorena, E. B. (2015). Ang kalakalang martimo sa pag-usbong ng karahaan hanggang sa ika-16 na dantaon. In A. M. Navarro & M. J. B. Rodriguez-Tatel (Eds.), Pantayong Pananaw: Pagyabong ng talastasan (Pagbubunyi kay Zeus A. Salazar) (pp. 48–65). Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan / Bagong Kasaysayan, Inc.
Jocano, L. F. (1975). The Philippines at the Spanish contact: Some major accounts of early Filipino society and culture. MCS Interprise, Inc.
Junker, L. L. (2000). Raiding, trading, and feasting and the political economy of Philippine chiefdoms. Ateneo de Manila University Press.
Korom, F. J. (2013). The anthropology of performance. In F. J. Korom (Ed.), The anthropology of performance: A reader (pp. 1–5). John Wiley & Sons Ltd.
Laigouras, G. (n.d.). The political economy of post-industrial capitalism. https://journals.sagepub.com
Liebermann, V. (1995, August). An age of commerce in Southeast Asia? Problems of regional coherence – A review article. The Journal of Asian Studies, 54(3), 796–807.
Loarca, M. L. de. (n.d.). Relation of the Filipinas Islands of the inhabitants of the Pintados and their mode of life. In L. F. Jocano (Ed.), The Philippines at the Spanish contact: Some major accounts of early Filipino society and culture (pp. 81–107). MCS Interprise, Inc.
Magos, A. P. (1992). The enduring maaram tradition: An ethnography of a Kinaray-a village in Antique. New Day Publishers.
Mateus, S. (1917). Metacommunication as second order communication. KOME – An International Journal of Pure Communication Inquiry, 5(1), 80–90.
Palmer, G. B. (1996). Toward a theory of cultural linguistics. University of Texas Press.
Peacock, J. (1968). Rites of modernization: Symbolic and social aspect of Indonesian proletarian drama. University of Chicago Press.
Pichay, N. (1993). Ang Lunes na mahirap bunuin. SIPAT.
Reynolds, C. J. (1995, May). A new look at old Southeast Asia. The Journal of Asian Studies, 54(2), 419–446.
Schechner, R. (1993). The future of ritual: Writings on culture and performance. Routledge.
Schieffelin, E. L. (2013). Performance and cultural construction of reality. In F. J. Korom (Ed.), The anthropology of performance: A reader (pp. 107–123). John Wiley & Sons Ltd.
Scott, W. H. (1981). Boat-building tradition and seamanship in classic Philippine society. National Museum.
Scott, W. H. (1992). Looking for the prehispanic Filipino and other essays in Philippine history. New Day Publishers.
Singer, M. (1972). When a great tradition modernizes: An anthropological approach to Indian civilization. American Anthropologist, 76(3). https://doi.org/10.1525/aa.1974.76.3..02a00510
Srnicek, N. (n.d.). Post-capitalism will be post-industrial. Grassroots Economic Organizing. https://www.geo.coop
Solheim II, W. G. (2006). Archeology and culture in Southeast Asia: Unraveling the Nusantao. University of the Philippines Press.
Thompson, M. D., Meldrum, K., & Sellwood, J. (2014). “…it is not just a game”: Connecting with culture through Indigenous games. American Journal of Educational Research, 2(11), 1015–1022.
Turner, J. H., & Stets, J. E. (2005). The sociology of emotions. Cambridge University Press.
Turner, V. (1974). Dramas, fields, and metaphors: Symbolic action in human society. Cornell University Press.
Villan, V. C. (2009). Pintados: Mga hukbong Bisaya sa armadong ekspedisyong Espanyol sa Kapuluang Pilipinas, 1565–1898 (Doctoral dissertation). University of the Philippines – Diliman.
Villan, V. C. (2012, September). Tungo sa pagpapalaim ng pag-aaral sa kalinangang pulitikal sa Pilipinas. Saliksik E-Journal, 1(1), 108–113.
Villan, V. C. (2013, September). Ilub, unong, at amok: Pag-unawa sa katatagan ng buut ng mga Bayaning Bisaya sa Himagsikang Pilipino sa Panay, 1896–1898. Diwa E-Journal, 1(1), 58–92.
Villan, V. C. (2014). Puod ‘ag kinaugaling Binisaya: Pag-unawa sa kalinangan at kamalayang maritimo ng mamamayan sa Gitnang Pilipinas. In L. R. C. Ubaldo (Ed.), Puod: Kasaysayan at kalinangan ng mga pamayanang maritimo sa Pilipinas (pp. 8–23). Adhika ng Pilipinas, Inc.
Villan, V. C. (2015). Panalog kag paglantay: Mga anyong tubig sa pagbuo ng pamayanan at pagkakilanlang Bisaya sa Panay at Kanlurang Negros. In A. M. Navarro & M. J. B. Rodriguez-Tatel (Eds.), Pantayong Pananaw: Pagyabong ng talastasan (Pagbubunyi kay Zeus A. Salazar) (pp. 30–47). Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan / Bagong Kasaysayan, Inc.
Villan, V. C. (2017, May). Kahulugan, larangan, at kabuluhan: Ang panubliong bahandi ng pangkat-etnikong Bisaya sa pag-aaral ng mga pamanang bayan sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 6(1), 272–299.
Villan, V. C. (2019, September). Tubig, gunamgunam, ‘ag kahimtang: Pag-unawa sa kalagayang pangkalikasan at pagkatao ng mga Bisaya sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 8(1), 80–105.
Villan, V. C. (2021, September). Kalinangan, kasaysayan, kag katawhayan: Ilang pananaw sa karanasang Bisaya sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 10(1), 1–13.
Villan, V. C. (2023). Ang mariit kag gamay sa buut sang Bisaya: Pagsipat sa mga halangdon nga paminsaron ni Dr. Zeus A. Salazar para sa maka-Bisayang pananaw at pagsasakatutubo ng kasaysayan. In A. M. Navarro, J. P. F. Tinio, & M. J. B. Rodriguez-Tatel (Eds.), Tertulya para kay Zeus: Mga ambag sa kasaysayang Pilipino, Pambansang Sosyolohiya, at Pantayong Pananaw (pp. 313–330). Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan.
Worster, D. (1994). Nature’s economy: A history of ecological ideas (2nd ed.). Cambridge University Press.
Zabala, J. (2022, October 24). Youth told to preserve ‘sungka,’ other Filipino traditional games. CBCP News. https://cbcpnews.net

