Ang Oral na Panitikan Bilang Pamanang Bayan: Ang Pagsibol, Paglago, at Pagtayog ng Niyog sa Bugtong, Salawikain at Awiting Bayan Gamit ang Gunitang Pangkasaysayan

Romeo P. Peña

Polytechnic University of the Philippines

How to Cite:

Peña, R. P. (2024). Ang oral na panitikan bilang pamanang bayan: Ang pagsibol, paglago, at pagtayog ng niyog sa bugtong, salawikain at awiting bayan gamit ang gunitang pangkasaysayan. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 3(1), 56–77. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2024-AnOrPaBiPa

Abstrak

Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagsusuri sa panitikang bayan na tumatalakay sa niyog bilang pagpapasibol, pagpapalago at pagpapatayog ng niyog gamit ang gunitang pangkasaysayan. Tinatalakay rito ang mga naratibo mula sa bugtong, salawikain at awiting bayan na naglalarawan ng kahalagahan ng niyog sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ang mga kaalamang bayan na nakapaloob sa mga anyo ng panitikan ay nagbibigay-diin sa gunitang pangkasaysayan ng niyog bilang isang mahalagang bahagi ng identidad ng mga Pilipino, pati na rin sa kanilang agrikultural na pamumuhay. Ang gunitang pangkasaysayan ay may malaking gampanin sa paghubog ng pagkatao at pagkamamamayan, isang konsepto na iniuugnay sa pag-unawa sa mga magniniyog at kanilang kontribusyon sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga panitikang bayan, ipinapakita ng pag-aaral na ang niyog ay hindi lamang isang agrikultural na produkto kundi isang mahalagang bahagi ng pambansang kalinangan at kasaysayan. Ang mga natuklasang kaalaman mula sa gunitang pangkasaysayan ay nagsisilbing gabay para sa mga hinaharap na hakbang sa pagpapalago ng industriya ng niyog at sa pagpapahalaga sa mga magniniyog bilang mga bayani ng agrikultura, lalo na ng industriya ng niyog sa ating bansa.

Mga Susing Salita: Panitikang Bayan, Gunitang Pangkasaysayan, Niyog, Agrikultura ng Pilipinas, Lalawigan ng Quezon

Panimula

Niyog o lubi ang tinaguriang “puno ng buhay” dahil sa kahalagahan nito sa mga tao, lalo na sa mga Pilipino. Ang kaalamang bayan ng mga Pilipino tungkol sa “puno ng buhay” ay nadatnan na at naobserbahan noong 1521 sa Samar ni Antonio Pigafetta na mababasa sa kaniyang Primo Viaggio Intorno al Mondo (Unang Paglalayag Paikot ng Daigdig). Ngunit hindi sapat na tumangan lamang sa naratibo ng naitalang obserbasyon ni Pigafetta kaya sa pag-aaral na ito, ilalatag ang gunitang pangkasaysayan gamit ang mga naratibo mula sa bugtong, salawikain at awiting bayan hinggil sa niyog at ang pagpapalitaw ng pagpapahalaga ng mga Pilipino sa halaga at tulong ng niyog sa araw- araw na pamumuhay noon. Mula sa paglalatag at pagsusuri sa kalamang bayan hinggil sa niyog gamit ang mga naratibo mula sa panitikang bayan (bugtong, salawikain at awiting bayan), inaasahang makatutulong ito upang maunawaan at maitampok ang gunitang pangkasaysayan sa niyog ng ating bayan. Idadambana ng pag-aaral na ito ang gunita patungkol sa maigting na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa niyog na pinagmumulan ng pangangailangan sa araw-araw gaya ng inumin, langis, suka, gatas, gata at marami pang iba. Sa pagsusuring ginawa sa gunitang bayan hinggil sa niyog gamit ang mga panitikang bayan na ihahalimbawa sa pag-aaral na ito, higit na pinagtuunan ang pagsasakasaysayan sa niyog gamit ang pagkokonseptong higit na panloob, batay sa sariling kultura at sining ng mga Pilipino. Sa ganitong pamamaraan, napatitingkad at napalulutang ang gunitang pangkasaysayan, pang-agrikultura at pampanitikang mula/ para sa mga Pilipino na hindi hiwalay sa danas ng mga Pilipino.

Gunitang Pangkasaysayan: Pagdukal sa Kakanyahan, Karangalan at Pagkamamamayan ng mga Magniniyog sa Pilipinas

Si Vicente C. Villan ang tumukoy kung ano ang gamit ng gunitang pangkasaysayan. Para sa kaniya, malaki ang gampanin ng gunitang pangkasaysayan lalo na sa paghubog ng kakanyahan, karangalan at pagkamamamayan ng isang indibiduwal (2020). Makikita sa Dayagram 1 kung paano inilalarawan ni Villan ang gamit ng gunitang pangkasaysayan sa isang indibiduwal na inangklahan ng pananaliksik na ito. Sa Dayagram 1 makikita na mula sa kakanyahan, pataas patungong karangalan hanggang pagkamamamayan ang pinakadiwa na magagawa ng gunitang pangkasaysayan sa tao na estratehiko sa kaso ng mga Pilipino upang lubusang maikintal ang pagkataong Pilipino at silbi niya sa sariling bayan. Paliwanag nga ni Villan, ang gunitang pangkasaysayan ay mahalaga sa nation-building (2020).

Dayagram 1:

Gamit ng Gunitang Pangkasaysayan Batay kay Vicente C. Villan

Sa kaso ng pananaliksik na ito, mula sa gunita na nagbuhat sa panitikang bayan (bugtong, salawikain at awiting bayan) hinggil sa niyog, dinukal ang pagkahubog ng mga kakanyahan, karangalan at pagkamamamayan ng mga magniniyog sa Pilipinas. Kaalinsabay sa pagdukal nito ang pagkilatis kung paanong ang gunita sa niyog ay salik sa pagkakaroon ng saysay ng pagniniyog bilang katungkulan o gampanin sa lipunan. Paliwanag nga ni Villan (2017), “Nasa saysay na inaasahan sa isang tiyak na katungkulan ang kapuslanon— kahulugan, katuturan, at kabuluhan—bilang sandigan sa pamanang gunita sa lipunan.” Kung sisipatin pa ito nang malalim sa dalumat sa pagkataong Pilipino na pinayabong at pinalawig din ni Villan, mahalagang tingnan ang pagkataong makabuluhan/mapuslanon (2013) ng mga magniniyog dahil sa kanilang mahalagang hanapbuhay na ito matutukoy ang sandigan sa pamanang gunita sa lipunan. Hindi lingid na may hangarin ang pananaliksik na ito na makamit pang lalo ang matingkad na pagkilala at pagpapahalaga sa mga mamamayang tulad ng mga magniniyog na bahagi ng ating pagpupunyagi at pag-asam ng bayang may maunlad na yamang agrikultural.

Ang Pagsibol ng Kaalamang Pangkalikasan sa Bugtong

Ang bugtong ayon sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido L. Lumbera (1986), “is usually a test of wit which requires that the audience see the point of convergence between the object literally described and the object actually reffered to.” Masasabing kahit maiiksi ang mga bugtong ay higit naman ang tayog ng kaalamang bayang iniluluwal ng mga ito. Sa mga katutubong anyo ng panitikan, ang bugtong ang isa sa mga karaniwang anyo ng panitikang pasalita sa sinaunang bayan. Naitala sa mga diksiyonaryo na nilikha ng mga Espanyol ang mga bugtong gaya sa Vocabulario de la lengua Bisaya ni Matheo Sanchez noong 1711, Vocabulario de la lengua Bicol ni Marcos de Lisboa noong 1754 at Vocabulario de la lengua Tagala nina Pedro de Sanlucar at Juan de Noceda noong 1754 na batay nga kina B. Lumbera at C. N. Lumbera ay naging mahalagang batis ng mga bugtong na direktang hinango mula sa mga tao sa sinaunang bayan (2005). Karaniwang nakapako ang mga bugtong sa tugma at sukat na nagiging sandalan ng kasiningan ng katutubong panitikang ito. At kung ang pag-uusapan naman ay ang imahen sa mga bugtong ng mga katutubo noon, napansin na ni Lumbera ang ganito, “ The imagery of the riddle is always homely, drawn from the immediate environment of the folk” (1986). Malinaw na hinuhugot ng mga tao sa sinaunang bayan ang mga imahen na inilalapat sa mga bugtong mula sa kanilang kapaligiran. Bilang halimbawa, tunghayan natin ang isang bugtong na nakatala sa Vocabulario de la lengua Tagala nina Sanlucar at Noceda (2013):

Cacabaac na niyog, magdamag inilipot.

Ang sagot sa bugtong na ito ay “buwan”. Ngunit mapapansin na agad sa bugtong na ito kung paano ginamit ang imahen ng niyog para ilarawan ang buwan. Half moon ang anyo ng buwan na tinutukoy na “cacabaac na niyog” sa unang taludtod ng bugtong. Samantalang ang pangalawang taludtod na “magdamag inilipot” ay nangangahulugang buong gabing nasasaksihan. Isang halimbawa ang bugtong na ito na nasa kamalayan na ng mga tao sa sinaunang bayan pa lamang ang niyog. Nakalilikha sila ng bugtong na nakapaloob ang pagpapatingkad sa niyog bilang mainam na paghahalawan ng pananalinghagang magreresulta ng bugtong para sa buwan.

Higit na Marami ang mga Bugtong Hinggil sa Niyog

Sa ginawang pagsuyod sa mga bugtong hinggil sa niyog, isa sa mga sinangguni ko ay ang Philippine Folk Literature Series Volume 5: The Riddles na tinipon at pinamatnugutan ni Damiana L. Eugenio, matutuklasang higit ang dami ng bugtong na pumapatungkol sa niyog kumpara sa iba pang agrikultural na tanim o pananim sa ating bansa. Tingnan ang Grap 1 (Bilang ng mga Bugtong sa Bawat Agrikultural na Pananim sa Pilipinas) na nagpapakita ng resulta ng ginawang pagtukoy sa bilang ng bugtong sa bawat agrikultural na pananim.

Mahalagang pag-usapan mula sa nakikitang grapikong presentasyon sa ibaba ang agwat ng bilang ng mga bugtong hinggil sa niyog kumpara sa bilang ng mga bugtong para sa bigas/kanin/palay. Papangalawa at papangatlo pa sa niyog ang dami ng bugtong na nalikha hinggil sa saging at pinya at nakaungos pa nang kaunting bilang ang mga bugtong na may kinalaman sa tubo/asukal kaysa sa bigas/kanin/palay.

Grap 1:

Bilang ng mga Bugtong sa Bawat Agrikultural na Pananim sa Pilipinas

Sanggunian: Philippine Folk Literature Series Volume 5: The Riddles, Compiled and Edited by Damiana L. Eugenio

Triple ang dami ng mga bugtong na may kinalaman sa niyog kumpara sa bigas/kanin/palay na tila pumapawi sa naging akala ng marami na hindi taal sa mga Pilipino ang kultura ng pagniniyog sa ating bansa. Ang tanong ngayon, bakit napakaraming nalikhang mga bugtong ang mga Pilipino hinggil sa niyog? Kung iisa-isahin, hindi lamang sa Luzon nagmula ang mga bugtong na naitala dahil mayroon ding mga bugtong na may kinalaman sa niyog na galing sa Visayas at Mindanao na kasama sa natipon ni Eugenio. Samakatuwid, kung sinasabi ni Eugenio na, “riddles mainly describe things in the immediate environment of the folk” (1994), maituturing na isa ang niyog sa mga pangunahing tanim sa paligid dito sa ating bansa kaya maraming bugtong hinggil sa niyog (Yap 1974). Kaya, taal sa mga Pilipino ang kultura ng pagniniyog at hindi ito binitbit ng sinumang dayuhan sa ating bansa.

Sa pagtingin sa grapikong presentasyon, mahalagang tungtungan ang dati nang lumabas na resulta ng ginawang pag-aaral ni Donn V. Hart hinggil sa mga bugtong ng Bisaya, lumabas sa resulta na ang nangungunang dami ng bugtong ay ang pumapaksa sa niyog, kasunod ang tungkol sa manok, saging at pinya (1964). Sumusuporta ang natuklasang ito ni Hart sa resulta ng inilatag na grapikong presentasyon. At kung susundan pa natin si Eugenio, inilatag niya ang iba pang nagawang mga pag-aaral hinggil sa bugtong sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Sa mga pag-aaral na iyon ay lumabas na isa talaga ang niyog sa karaniwang pinapaksa sa mga bugtong, gaya halimbawa ng mga bugtong ng mga Tagalog, Bikolano, Ibanag, Maranao at Tausug (Eugenio 2002).

Sa kasunod na bahagi, ilalatag naman ang mga bugtong hinggil sa niyog at paanong ang bugtong ay magagamit sa pagpapalaganap ng kamalayan hinggil sa kalinangan ng pagniniyog sa ating bansa. Tatangkain din sa kasunod na bahagi na ihain ang mga proseso sa puspusang pagsusulong upang maipalaganap ang mga bugtong hinggil sa niyog lalo na sa mga kabataan ngayon upang dumaloy ito sa kamalayan nila bilang mga Pilipino.

Ang mga Bugtong Hinggil sa Niyog na nasa Kamalayan ng mga Maglulukad/ Magniniyog/Magkokopra sa Lalawigan ng Quezon

Marami tayong kawili-wiling mga bugtong tungkol sa niyog sapagkat sagana tayo sa niyog at napatunayan ng datos mula sa unahan na niyog ang pinakapaboritong paksa ng bugtong sa ating bansa. Makikita ang niyog sa lahat ng pook ng ating bansa—sa baybay ng dagat, sa pampang ng ilog, sa tabi ng lawa, sa mga bukid, sa burol, sa bundok, sa mga lalawigan at kahit sa lungsod ay may mangilan-ngilan din (Yap, 1974). Tunghayan natin ang bugtong na nakalap mula sa pakikipanayam ko sa isang magniniyog sa San Francisco, Quezon:

Sa apat na pulo magadaan,

Bago masapit ang karagatan.

(Niyog)

Niyog ang mismong sagot sa bugtong. Kung babalikan natin ang mga tinipong bugtong ni Eugenio, halos kahawig ang ideya ng bugtong na ito sa mga bugtong na (1), “Atlu lang bunduk ding metibag/bay re disnan ing sibul [Three mountains were destroyed before the spring was reached]” ng mga Kapampangan, bugtong na (2), “Lasatem pay ti tallo/a bantay sakbay/a madanonmo ‘diay baybay [First cross three mountains before you reach the sea]” ng mga Ilokano, at bugtong na (3), “Isa, dua tolo saca pay/dat ngan ed baybay [One, two three mountains before you reach the sea]” ng mga Ifugao. Ngunit, mapapansin sa tatlong bugtong na ito na tatlong bundok ang ipinantapat sa apat na pulo ng bugtong na mula sa San Francisco, Quezon (Tagalog). Madaling masagot kung bakit bundok ang ginamit ng Kapampangan, Ilokano at Ifugao. Subalit bakit tatlo lamang at hindi apat ang bundok?

Kung sisiyasatin, sadyang matayog na kaisipan ang kailangan sa ganitong uri ng bugtong sapagkat masusubok dito ang mayamang diwa ng isang tao sa pagtukoy sa lihim ng kung ano ang inihahatid ng “apat na pulo” na kailangan munang daanan upang mapuntahan ang gustong marating na “karagatan”. Hindi agad masasapul sa ganitong hanay ng mga salita ang kaibuturan ng bugtong na pumapatungkol na pala ito sa niyog. Kailangan munang matunghayan ang nabiyak na niyog upang masipat ang tinutukoy na “apat na pulo” o ang apat na lebel na bumubuo sa niyog: balat, bunot, bao at laman. Samantalang ang “karagatan” na matutunghayan pagkatapos daanan ang balat, bunot, bao at laman ay ang tubig na nasa sentro ng kabuuan ng niyog, ito ang pinakasabaw o tubig na sa karaniwang termino kapag kinukonsumo ito ng mga nasa siyudad ay tinatawag na buko juice. Marahil sa aktuwal na bugtungan, hinihingian marahil ng lantad na kategorya na puno ang pinahuhulaan kung ganitong klase ng bugtong ang inihahain dahil kung hindi lubos ang pagkamalay ng isang tao sa kasalukuyan sa puno ng niyog ay mahirap itapat ang “apat na pulo” sa apat na bahagi ng niyog kahit mabanaag ng huhula na tubig ang tinutukoy ng “karagatan”.

Balikan natin, bakit tatlong bundok lamang ang ipinantapat ng mga Kapampangan, Ilokano at Ifugao sa apat na pulo ng Tagalog? Maaaring pinag-isa o pinagsama na ang balat at bunot at hindi na mas naging espesipiko o hindi na hinimay ang detalye ng bahagi ng niyog, lalo na’t kung ang lugar na pinagmulan ng bugtong ay mga lugar na hindi niyog ang pangunahing agrikultural na pananim. Sa kaso nga ng mga Kapampangan, Ilokano at Ifugao, bagama’t may niyog sa mga lugar na ito, hindi niyog ang kanilang pangunahing agrikultural na pananim. Para patunayan na hindi naman nag-iisa ang Tagalog sa mas masinsinang pagtukoy sa apat na bahagi ng niyog, na kinabibilangan ng balat, bunot, bao at laman, naitala rin sa tinipon ni Eugenio ang bugtong sa niyog o lubi ng mga Waray na ganito:

Naagi anay hin uupat nga puro

Ngan san-o danga’t ha lawod.

(Lubi)

(The first must pass four islands,

before reaching the ocean.)

(Coconut)

Mababasa natin sa bugtong ng mga Waray na gumamit sila ng apat na isla para kumatawan sa apat na bahagi ng niyog. Hindi na rin mahirap maunawaan kung bakit isla sa halip na bundok ang ginamit ng mga Waray. Gaya ng mga lugar sa Timog Katagalugan, ang mga lugar kung saan sinasalita ang wikang Waray partikular sa Samar-Leyte ay mga lugar din na laganap ang malalawak na niyugan at pumapangatlo sa pinakamalaking prodyuser ng niyog sa ating bansa. Mahaba ang kasaysayan ng pagniniyog sa mga lugar na ito dahil kung matatandaan, nabanggit na sa unang paglalayag ni Pigafetta sa mundo noong 1521, nadatnan na niya ang malaganap na kultura ng paggamit ng niyog nang mapadpad siya sa Samar. Malaganap ang pagkamalay sa niyog ng mga Waray dahil ito ang pangunahing pinagmumulan ng ikabubuhay nila kaya mas nagiging masusi ang paghihimay nila sa mga detalye ng niyog gaya ng mga mamamayan sa Timog Katagalugan.

Bilang dagdag na sipat, masasabing isa marahil ang bugtong na ito sa mga bugtong na hindi karaniwan sa mga kabataang mag-aaral na nag- aaral ng bugtong sa elementarya. Hindi ito gaya ng palasak at sauladong bugtong tulad ng “Kung kailan mo pinatay/Saka humaba ang buhay” na ang sagot ay “kandila” o kaya ang bugtong na “Nagtago si Pedro/ Nakalabas ang ulo” na ang sagot ay “pako” na laging inihahalimbawa kapag itinuturo sa mga paaralan ang bugtong bilang katutubong anyo ng panitikan sa ating bansa. Kahit pa sinasabing ang maraming bugtong ay sadyang malapit ang tema sa kalikasan gaya ng halimbawang bugtong sa niyog, kapansin-pansing hindi ito palasak gaya ng ibang mga bugtong na hindi naman tumatalakay o wala namang kaugnayan sa kalikasan gaya ng mga bugtong sa kandila at pako. Tila indikasyon ito na nawaglit sa pag-aaral ng bugtong sa mga paaralan ang tungkol sa niyog na malaki sana ang magagampanan sa pagpapagunita sa halaga ng niyog lalo na sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon.

Tingnan pa natin ang kasunod na bugtong na may kaugnayan din sa niyog na tila wala rin sa hinagap ng mga kabataan ngayon dahil hindi rin naman naihahalimbawa ito kapag itinuturo sa mga paaralan ang bugtong. Ang bugtong na ito ay binigkas naman ng isa sa mga nakapanayam kong magniniyog mula sa General Luna, Quezon. Patungkol ito sa utab o tapyas na ginagamit bilang tapakan ng taong aakyat sa puno ng niyog para mas madali siyang makapanhik kapag mangongolekta na ng tuba o kaya’y mamumuti/mamimitas ng bunga ng niyog:

Bakas ng paang hagdan,

Hindi maparam-param.

(Utab o tapyas sa puno ng niyog)

Malinaw na may katangiang taglay ang bawat taludtod sa isang bugtong. Sinasabing ang unang taludtod ay dapat magtaglay ng masaklaw na larawan ng obheto o suhetong pinahuhulaan na gumagamit ng talinghaga at ang pangalawang taludtod naman ay dapat nagbibigay ng partikular na katangian sa unang inilarawan (Evasco at Ortiz 2008, 14). Sa kaso ng pangalawang bugtong na ang sagot kapag hinulaan ay “utab o tapyas sa puno ng niyog” o kung tawagin sa Catanauan, Quezon ay “pal-ang”, mapapansing ang mga taludtod nito ay umaaayon sa nabanggit na dapat gampanan nito. Ang unang taludtod na “Bakas ng mga paang hagdan” ay masaklaw na larawan ng obheto at ang pangalawang taludtod na “Hindi maparam-param” ay nagbibigay ng partikular na katangian sa unang inilarawan. Ang kaugnayan ng “bakas” sa “hindi mapaparam” ang magkabuklod na larawan at katangian na bumubuo sa diwa ng bugtong. Ngunit masusubok muli ang imahinasyon ng huhula sa ganitong bugtong kahit nakaayon ang mga taludtod nito sa mga katangian na dapat gampanan nito. Gaya ng unang bugtong, hindi rin palasak ang bugtong na ito ngunit kung papakinggan kapag binigkas ay parang karaniwan naman ang bugtong sa pandinig natin. Kunsabagay, may layunin ang pagpapahula ng bugtong na palawakin ang imahinasyon ng mga tagahula (Maggay 2002, 32), ngunit sa kaso ng bugtong na ito, higit pa siguro sa malawak na imahinasyon ang kakailanganin ng huhula at bentaha niya kung may mayaman siyang gunita at danas sa mga lugar na tahanan ng mga niyog o niyugan sa ating bansa.

Ang ideya ng bugtong na ito ay namamayani rin sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Sa tinipong mga bugtong ni Eugenio, nakatala ang mga kaugnay nitong mga bugtong gaya ng mga sumusunod: (1) “Ay Adan nga agi/Indi ma pa-ea [Footprints of Adam/cannot be erased]” ng mga Capiznon, (2) “An kay tatay tamak/Makuri mapara [Father’s footprints are difficult to erase]” ng mga Waray, (3) “Tunob ni Eva/Di ma pala [Footsteps of Eve, cannot be erased]” ng mga Dabawenyo, at (4) “Bakos ko nadid/Bakos ko ti taonid [My footprints today are my footprints next year]” ng mga Dumagat. Kapuna-puna sa mga bugtong na nabanggit ang pang-apat, makikita ang paggamit kay Eva kumpara sa ibang bugtong. Mayroon bang babaeng umaakyat sa puno ng niyog? Ang totoo, sa mahabang pakikipanayam ko sa mga magniniyog sa amin sa Quezon, marami sa kanila ay mga babae, mga maglulukad din na nakaranas umakyat sa puno ng niyog bilang bahagi ng pagtuwang nila sa kanilang mga asawa sa paghahanapbuhay sa panahon ng paglulukad. Kung kaya, walang pinipiling kasarian kung sino ang aakyat sa puno ng niyog gamit ang utab, tapyas o pal-ang.

Ang kasunod na bugtong naman ay binigkas ng isa sa mga nakapanayam kong magniniyog mula sa Macalelon, Quezon na nagpapakita ng matibay na pagsandig sa ating kultura ang malalim na pagpapakahulugan sa bitbit na mensahe ng mga salitang ginamit sa kasunod na bugtong:

Pumanhik ang panauhin,

Nanaog ang adalawin.

(Pagpitas ng niyog)

Kung uusisaing mabuti ang paggamit ng “pumanhik” sa unang taludtod na ang salitang ugat ay “panhik” na salitang higit na malapit ang kahulugan sa salitang “akyat” at kung idurugtong ito sa salitang “panauhin”, mababatid natin ang pagiging ugnay ng diwa nito sa susing konsepto ng pagkataong Pilipino na “pakikipagkapwa” (Enriquez 2007, 56). Ang pagpapapanhik sa panauhin o bisita sa isang tahanan ay tanda ng malugod na pakikipagkapwa at maalwang pakikisama sa kanila. Subalit, masusumpungan din ang salitang “nanaog” mula sa salitang “naog” na salitang nangangahulugang “baba” sa pangalawang taludtod na durugtungan ng salitang “adalawin” na direktang pumapatungkol ang salitang ito sa may-ari ng tahanan na sinadya ng panauhin. Nagkakaroon ng kontradiksyon ang “panhik at panauhin” sa “naog at dadalawin” dahil hindi natural sa isang dinadalaw na siya ang nananaog sa bahay samantalang pumapanhik ang kaniyang bisita. Magbubunsod ito sa tagahula na sipatin nang husto ang nais ipahulang bugtong at masusing babakasin ang sagot mula sa mga salitang “panhik” at “naog” na pinaghuhugutan din ng talinghaga ng bugtong na nabanggit.

Sa kasunod namang bugtong, ginamit ang mga nasa karagatan gaya ng “pating” at “pugita” upang ilarawan ang isang mahalagang bahagi ng puno ng niyog. Ang bahaging ito ay ang tinatawag na buwig ng niyog. Tangkay ito na pinagkakabitan ng mga bunga ng niyog. Pansinin natin ang buong bugtong na binigkas nakapanayam kong matagal nang magniniyog mula naman sa Unisan, Quezon:

Parang pating noong bata,

Mukhang pugita nang tumanda.

(Buwig ng niyog)

Hugis isda ang buwig ng niyog sa murang gulang nito na nakakabit sa puno ng niyog kaya iwinangis ito sa “pating” ngunit kapag lumao’y umuusbong ito na may mga galamay kaya inihahalintulad bilang “pugita nang tumanda” sa bugtong. Sa ganitong bugtong, upang maarok ang sagot, tama ang payo ni Lumbera na, “Solving a riddle then requires a metaphorical way of seeing” (1986, 3). Patunay ang ganitong bugtong sa pangangailangan nang higit na matalinghagang pagsipat upang masagot ang bugtong. Ang mayamang imahinasyon ng mga Pilipino ay kapuna- puna dahil bilang tagalikha ng mga bugtong o maituturing na nga silang mga makata, nagagawa nilang iugnay ang imahen ng yamang dagat sa yamang lupa na sa kaso ng bugtong na ito ay magtutukoy ng imahen na makikita mula sa yamang dagat at isang partikular na bahagi ng puno ng niyog na mula sa yamang lupa ang sagot. Nangyayari ito sapagkat nabanggit na rin sa unahan na matatagpuan din naman ang puno ng niyog kahit sa tabing dagat, tabing lawa at tabing ilog. Mahihinuha sa pagkakataong ito na lumaganap marahil ang ganitong bugtong sa mga pamayanang nasa baybay o tabi ng mga anyong tubig. Nakaugnay rin ito sa ginagawa ng mga Pilipino araw-araw at ikinabubuhay sa lugar. Pinatutunayan ang lahat ng ito ni Lumbera (1986, 7) sa pagsasabing:

As poets, the creators of riddles were in close contact with the life around them. The riddles are direct transcriptions of experience, communicating the feel of the life that motivated their creation. The tasks of the rural folk—rowing, fishing, fetching water, reaping grain, plowing, cooking, etc.—are reflected by the subjects and metaphors used, revealing a poetic sensibility keenly responsive to the environment.

Tungo sa Pagtuturo at Paglikha ng mga Bugtong Hinggil sa Niyog

Pinatutunayan lamang ng mga nakalap na bugtong na talagang “puno ng buhay” ang niyog dahil mapupuna nating halos lahat din ng mga bahagi ng niyog ay nagawan ng bugtong na maaaring mangahulugang halos lahat ng bahagi ng puno ng niyog ay napakikinabangan. Ibig sabihin, kung mahalaga ang niyog, napakahalaga ang puspusang pagsusulong na maipalaganap ang mga bugtong hinggil sa niyog lalo na sa mga kabataan ngayon upang dumaloy ito sa kamalayan nila bilang mga Pilipino. Kung gayon, kailangang maituro ito at lagyan ng maluwag na espasyo sa kurikulum ng mga estudyanteng Pilipino. Gayundin, kakailanganin nating magsanay ng mga gurong magtuturo nito sa loob ng klase upang hindi maging lihis ang pagtuturo nila sa halaga ng mga ito. Sa pagtuturo ng bugtong, maaari nating sangguniin ang obserbasyon at prosesong inihahain ni Allan Popa (2016, 5) sa kaniyang artikulong may kinalaman sa pagtuturo ng ganitong klase ng anyong pampanitikan na nagsasaad ng ganito:

Naniniwala akong hindi dapat pinasasaulo ang bugtong. Sa halip, kailangang ipaunawa ang katangian at kayarian ng bugtong upang anyayahan ang mag-aaral na lumikha ng sariling bugtong na pumapaksa sa mga bagay na pamilyar din sa kanya. At sa ganitong paraan, dadami at dadami ang makabagong mga bugtong dahil hindi ito maaaring ulit-ulitin. Sa ganitong paraan din, natututo ang mag-aaral na maging mapagmasid sa mga bagay sa kanyang paligid na hindi na niya pinahahalagahan upang makabuo ng mahusay na bugtong. Mananariwa ang kanyang pandama sa mga bagay na nakasanayan na.

Ang gustong sabihin ni Popa, huwag maging ritwal na pagpapakabisa ang pagtuturo ng bugtong. Kailangang maipaunawa nang husto sa mga tinuturuan ang katangian at kayarian ng bugtong tungo sa posibilidad ng paglikha ng sariling bugtong ng mga mag-aaral. Mahalaga rin ang itinuturo ni Popa na hikayatin ang mga mag-aaral na masdan ang paligid na binabalewala na lamang ng mga kabataan. Ihahalimbawa ko na rito ang lugar na ang kapaligiran ay niyugan na tila hindi na napapansin ng mga kabataan dahil karaniwang tanawin na ito sa lugar. Makatutulong ang bugtong upang muling likhain ang mga bagay na nakasanayan na niya o pamilyar na siya dahil uusisain niyang muli ang mahahalagang detalye nito—halimbawa ay ang mga bahagi ng niyog—na gagawan ng panibagong bugtong. Malikhaing ehersisyo ito lalo na sa mga kabataan para hindi na lamang ang mga inihaing bugtong sa niyog sa itaas ang paulit-ulit na masasambit sa hinaharap. Darating ang panahon na dadami nang dadami ang mga bugtong na pumapaksa sa niyog dahil sa mga nalikha ng mga kabataang mula sa iba’t ibang panig ng bansa na malay sa kalinangang patungkol sa niyog.

Ang Paglago ng Pamanang Pangkalinangan sa Salawikain

Bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang mga salawikain dahil ito’y nagsisilbing gabay sa kanilang pamumuhay. Ang kahulugan ng salawikain kung pagbabatayan ang inilatag ni Damiana Eugenio sa kaniyang isinulat na pambungad sa inedit at tinipon niyang mga salawikain, ang salawikain daw ay nangangahulugang, “a terse, didactic statement that is current in tradition, or, as epigram says, ‘the wisdom of many and the wit of one’, it ordinarily suggests a course of action or passes judgment of a stuation” (2002). Sa akdang Philippine Proverb Lore ni Eugenio na unang nailathala sa Philippine Social Science and Humanities Review ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1966, naigrupo niya ang mga salawikain sa lima: (1) mga salawikaing naghahayag ng pangkalahatang halagahin at mga panuntunang giya sa buhay; (2) mga salawikaing hinggil sa gawi ng tao at mga mungkahing paraan upang maiwasan ang masamang gawi at bisyo; (3) mga salawikaing naghahayag ng tamang pag-uugali; (4) mga salawikaing naghahayag ng pangkalahatang katotohanan at mga obserbasyon hinggil sa buhay at likas na katangian ng tao; (5) mga salawikaing may katangiang magpatawa; at (6) iba pang salawikain na mahirap maigrupo (231). Nagawang maigrupo ni Eugenio ang 1,539 na mga salawikaing inilatag niya sa naturang akda. Idiniin rin niya na sa kahit anong okasyon ng mga Pilipino—kasal, binyag, libing, pulong at pista ay makaririnig ng mga salawikaing mula sa bibig ng mga Pilipino (Eugenio 231). Dagdag pa ni Eugenio, ang mga salawikaing ito ay nanatili kahit sumapit tayo sa daluyong ng modernisasyon na nagresulta ng mga banyagang impluwensiya sa pamumuhay ng mga Pilipino sa ating bansa (1966, 231). Esensiyal ang gampanin ng mga salawikain dahil batay nga kay Eugenio, “Proverbs are part of the cultural heritage that Filipinos must look back to, the better to understand who they are and to gain insights that may guide them in charting their future” (2002). Sa ganitong pahayag ni Eugenio, tinutumbok nito ang isa sa mga layunin ko sa pananaliksik na ito na masinsinang gunitain at pag-ukulan ng pansin ang nakalipas gamit ang akdang pampanitikan. Sa bahaging ito, ang mga salawikaing hinggil sa niyog bilang pamanang pangkalinangan ang tututukan upang magpaunawa sa nakaraan at mula rito’y makakuha ng mga diwaing mapagkalinga na magiging giya upang hindi mahirapang bagtasin ang hinaharap ng niyog at magniniyog at buhat sa mga diwaing ito na mula sa mga salawikain ay pangarapin ang maunlad na bukas sa niyog at mga magniniyog ng ating bansa.

Salawikaing Tagalog Hinggil sa Niyog: Ang Masamang Dulot ng Pagmamataas at Halaga ng Wagas na Pagpapakatao

Mapupukaw ang atensiyon ko ng isang salawikaing narinig ko mula sa isang nakapanayam sa San Andres, Quezon. Nang una’y inakala kong bugtong pa ang binibigkas ng kinakapanayam ko ngunit ang tawag niya rito’y sabi-sabi. Makukumpirma kong maibibilang na ang sabi-sabing ito bilang salawikain. Sa marami ngang pagkakataon, ang salawikain ay tinatawag ring kasabihan na ang salitang ugat ay “sabi” kaya hindi na ako nagdalawang-isip na ihanay ang sabi-sabing ito bilang salawikain. Batay sa paggugrupo ni Eugenio, ang salawikaing ito ay maibibilang sa pang- apat na grupo—salawikaing naghahayag ng pangkalahatang katotohanan at mga obserbasyon hinggil sa buhay at likas na katangian ng tao. Narito ang salawikaing sinasambit sa San Andres, Quezon:

Ang niyog na nagpakatayog,

Tuwing bagyo’y nakayukod.

Nang sinangguni ko ang Philippine Folk Literature Series: Volume VI (The Proverbs) ni Damiana L. Eugenio, nakapaglista siya ng sampung salawikaing hinggil sa niyog. Isa sa sampung salawikain ang malapit ang diwa sa sabi-sabing mula sa San Andres. Ang naitala ni Eugenio na sa tingin ko’y malapit ang diwa sa nabanggit na sabi-sabi ay ito:

Magdalita ang niyog, Huwag

magpakatayog,

Kung ang uwang ang umok-ok,

Mauubos pati ubod.

Coconut tree take this to heart,

don’t reach up to high,

for when the beetle burrows,

The very heart of the tree will be consumed.

Sa tomong hinggil sa salawikain na inedit at tinipon ni Eugenio, itinala niya na ang salawikaing ito ay mula sa mga Tagalog at unang natunghayang nakasulat sa Vocabulario de la lengua Tagala nina Sanlucar at Noceda. Kung kikilatising mabuti ang diwa ng “Ang niyogna nagpakatayog,/Tuwing bagyo’y nakayukod” ay diwa rin ng salawikaing naitala nina Sanlucar at Noceda na nasa itaas. Isinasaad ng salawikain ang konsepto ng “pagtayog” at “pagyukod” o ang “pag-angat” at “pagbagsak” na malinaw na nasa kamalayan na ng mga Pilipino noon pa man at nananatiling nasa kamalayan ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Hindi man direktang mababasa sa salawikaing naitala nina Sanlucar at Noceda na ang pagbagsak ang kinahantungan ng nagpakatayog, kapag tinuklas naman natin ang nangyayari sa mga niyog na inuok-ok ng uwang, pinupuntirya nito ang pinakaubod at hindi magtatagal ay mamamatay ang puno ng niyog. Mapapansing bagyo ang ginamit sa unang salawikain at uwang naman ang sa pangalawa para mapayukod o mapabagsak ang puno ng niyog na nagpakatayog. Sa ganitong punto, vulnerable hindi lamang sa mga natural na kalamidad gaya ng bagyo ang mga agrikultural na pananim gaya ng niyog kundi maging sa pagsalakay ng mga mapaminsalang insekto gaya ng uwang (Orillos-Juan 2017). Ngunit higit dapat nating mapansin na tila ipinagugunita sa atin na ang mas malalim na esensiya ng salawikaing ito ay bilang pagpapaalala sa mga taong mapagmataas.

Bila ng pagpapaa la la ng sa lawi kaing ito na huwag maging mapagmataas, masasabing hindi kahanay ang naratibo ng salawikaing ito ng mga nakasusugat sa damdaming mga naratibong ipinalaganap ng mga Kastila noon na tila paratang o pangmamaliit pa sa mga Pilipino at walang layuning magmalasakit. May mga naratibong ginamit ang mga Kastila na tila naging kasabihan pa nga raw noon at bilang panakot upang mapigilang maghangad ng karunungan o tumayog man lamang ang estado ng buhay ng mga Pilipino gaya ng matatagpuan halimbawa sa akdang Tandang Basio Macunat na isinulat ng paring si Miguel Lucio Bustamante noong 1885. Mababasa sa akdang ito ni Bustamante (1885) ang mga linyang ganito:

Ang Hari, ay mangasiwa sa caniyang pinagharian;

anganloagui, ay maghasanangmaghasangcaniyang mangapait at catam; ang ama’t, ina, ay mag-alila sa canilang mga anak;

ang manga indio, ay mag-alaga nang kanilang manga calabao.

Ang naratibo sa linyang ito ng akda ni Bustamante ay hindi natin kakikitaan ng kahit katiting na pagmamalasakit sa kalagayan ng mga Pilipino hindi gaya ng naratibo ng salawikaing Tagalog na naitala nina San Lucar at Noceda. Dito natin matutukoy ang halaga ng sariling salawikain na nagbibitbit ng damdaming bayan na may layuning magpaalala sa mga halagahing panlipunan at hindi nanghahamak ng sinuman. Gayundin, nagtutulak ang naratibo ng sariling salawikain sa pagpapabuti ng kalagayang panlipunan at wagas na pagpapakatao.

Walang Tamad sa Quezon: Salawikaing Hinggil sa Niyog Bilang Patunay na Hindi Tamad ang mga Pilipino

Ang isa pang sabi-sabi o salawikain na nakalap ko mula naman sa Agdangan, Quezon ay may kinalaman sa halaga ng isang puno ng niyog. Muli, maihahanay ko ito sa pang-apat na grupo ng salawikain batay kay Eugenio—salawikaing naghahayag ng pangkalahatang katotohanan at mga obserbasyon hinggil sa buhay at likas na katangian ng tao. Narito ang bugtong:

Niyog na walang pal-ang,

Daig pa ang batugan.

Sa unang sipat, nakita kong nakaparalel ito sa isang salawikaing Hiligaynon na naitala rin ni Eugenio sa kaniyang inedit at tinipong mga salawikain. Narito ang salawikain:

Ang lubi nga wala sing pan-ha, Wala

guina saca-a.

Coconut trees that don’t have

even notches, nobody climbs.

Usapin ito ng “pal-ang” o “pan-ha” sa puno ng niyog. Sa niyugan, kapag nangangailangan ng agarang pagpitas ng bunga ng niyog, pinakamainam ang mga puno ng niyog na may pal-ang. Ang pal-ang o pan-ha ay uka, tapyas o utab sa mismong puno ng niyog na nagiging tapakan para madaling akyatin ang bunga ng niyog kung ito’y kailangan nang pitasin o kaya ang punong ito ay tubaan o pinagmumulan ng tuba. Sinasabi ng salawikain na walang nakaaakyat kung walang pan-ha o pal-ang ang puno ng niyog. Inilalarawan nito na kahit napakaraming bagay ang naibibigay ng niyog, wala rin itong silbi kung hindi naman ito madaling akyatin. Ipinagugunita ng salawikaing ito ang kasimplehan ng arkitekturang nalilikha sa pag- aalaga ng niyog. Kung mahusay ang pagkakagawa ng pal-ang, malaking ginhawa ang naidudulot nito sa mga magniniyog lalo na kung hindi pagkawit gamit ang harabas ang paraan ng pagputi o pagpitas sa niyog na lulukarin o kokoprahin. Kung paglulukad o pagkokopra ang pag-uusapan, maalwan ang pagpitas ng mga bunga ng niyog bilang unang proseso kung may maayos na pal-ang ang bawat puno. Kung kaya, masasabing “daig pa ang batugan” ng niyog na walang pal-ang na nangangahulugang “daig pa ang walang silbi” dahil hindi man lamang makapagdulot ng ginhawa at makapagbigay ng tulong kung kinakailangan.

Kung sa salawikaing nabanggit na nasumpungan ko sa bayan ng Agdangan ay idinidiin ang kawalan ng silbi ng batugan. Mapatitingkad na ang damdaming bayan na nakaukit sa kamalayan ng mga Pilipino noon pa man hinggil sa pagiging batugan ay masama, kaya hindi ito dapat maging gawi ninuman. Malay ang mga Pilipino noon pa man na hindi magandang ugali ang pagiging batugan.

Kakambal ng pagiging batugan ang pagiging tamad. Ang katangiang ito ang ipinataw sa atin ng mga kolonyalistang Kastila kapag nakikita ang mga Pilipino noon na namamahinga sa ilalim ng puno sa panahong tirik na tirik ang araw sa bukid. Mahalaga ring pagtuunan ang naging asal ng mga Kastila na kapag hindi nakatugon ang mga Pilipino sa kanilang ipinagagawa o batas na nilikha ay pinararatangan na nila tayong mga tamad. Biktima ang mga Pilipino noon ng gaya ni Juan Francisco de San Antonio na isang prayleng pransiskano na nagparatang na tamad daw ang mga Pilipino kaya kakailanganin pang magtatag ng sistema para obligahing magtanim ng niyog ang mga Pilipino upang masagad ang pakinabang sa punong ito dahil natuklasan nilang napakaraming tulong ang naibibigay nito sa pamumuhay noon (de San Antonio 1977). Hindi makatwiran ang pagpaparatang nila dahil malaon nang nakatatak sa kamalayan ng mga Pilipino ang halaga ng pagiging masipag kung kaya’t sa salawikain pa lamang, ibinubukas na agad ang kawalan ng silbi ng isang batugan o tamad kaya hindi ito dapat kamihasnan. Hindi nangangahulugang ang pamamahinga sa katanghaliang-tapat sa ilalim ng puno ay katamaran.

Sa isang tropikal na bansa gaya ng Pilipinas, ang isang magsasaka ay gigising ng alas-kuwatro ng umaga, gaya ng mga magniniyog sa amin sa Bondoc Peninsula, tutungo sa niyugan upang simulan nang maaga ang trabaho at pagsapit ng tanghali ay kakain. Pagkatapos kumain, habang pinalilipas ang tirik na araw, hahanap ng puwestong may lilim ang magniniyog para sandaling magpahinga. Paglipas ng katanghaliang- tapat, babalik na muli ang magniniyog sa pagtatrabaho at uuwi bago lumubog ang araw. Kung kukuwentahin, humigit-kumulang sampung oras ang ginugugol ng isang magsasaka sa paghahanapbuhay (Velasco 1982). Ganito kasipag ang mga magsasakang Pilipino. Ganito kasipag ang mga magniniyog na taga-Quezon. Kaya kung mapapadaan kayo sa bayan ng Sariaya, Quezon ay mapapansin ninyo ang bantayog ng Walang Tamad sa Quezon na Matatagpuan sa Sariaya, Quezon sa tabing kalsada na may nakasulat na “Walang Tamad sa Quezon”. Panahon na sigurong linawin ang naging maling pananaw sa ganitong imahe na nagpataw ng “katamaran” sa mga Pilipino na nagmula sa paningin ng mga Kastila o mga tagalabas (Alatas 1977). Walang masama sa imahe ng isang taong namamahinga sa ilalim ng puno habang tirik ang araw. Ganito ang buhay ng masipag na magniniyog sa Lalawigan ng Quezon na maaga pa lamang ay umaakyat na sa puno ng niyog upang pitasin o putihin ang mga nasa hustong gulang ng niyog para lukarin o koprahin. Kaugnay nito, ipinaliwanag na rin sa isang pag-aaral sa mga magniniyog sa Sulu sa bahaging Mindanao na hindi maituturing na tamad ang mga magniniyog na Tausug kung ang mahabang panahon sa pagitan ng pagtatanim at/o pagkatapos ng pag-aani at kasunod na pag-aaning muli sa bunga ng niyog ay iba ang kanilang pinagkakaabalahan o wala silang pinagkakaabalahan dahil hinihintay nilang tumubo at/o mamungang muli ang mga niyog na kanilang aanihin (Orr 2012).

Ipinalalaganap ng bantayog ng nakahigang magniniyog na makikita sa Sariaya ang kamalayan na walang puwang ang katamaran sa Lalawigan ng Quezon. Tama ang mga linyang “Walang Tamad sa Quezon” dahil mababakas ito sa inihalimbawang salawikain na mula sa bayan ng Agdangan at malay tayo na walang silbi ang isang taong batugan kaya malaganap ang pagpapaalala noon pa man na huwag maging ganito. At lalong tamang sabihing “Hindi Tamad ang mga Pilipino” at tayo ang lubos na nakaaalam nito—hindi ang mga dayuhang sumakop sa atin (Velasco 1982).

Tungo sa Pag-unawa at Pagpapahalaga sa Niyog at Magniniyog sa Bansa Gamit ang mga Salawikain

Magiging mabisa ang salawikain upang magpalaganap ng kamalayan hinggil sa malaking ambag ng mga magsasaka/magniniyog sa ating bansa dahil ito ang tinaguriang “pinakadinalisay na diwa ng lahi” (Almario 2019). Kung gayon, kailangang bungkalin ang mga salawikaing nagtataglay ng wagas na pagpapahalaga sa ating agrikultura at maipagunita ang mga ito sa ating mga kababayan, lalo na sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang niyog ang nangangailangan ngayon ng mga salawikaing nagpapagunita kundi ang iba pang agrikultural na pananim gaya ng palay na bagsak na ang produksiyon dito sa ating bansa. Ang pagpapatayog sa pagkilala sa mga magsasaka/magniniyog sa kasalukuyan ay lubhang mahalaga upang maibsan ang gutom na nararanasan ng marami nating mga kababayan. Kailangan natin ang pinakamatamis, pinakamarikit at pinakamatayog na karunungan ng ating mga ninuno na hinubog sa salawikain (Almario 2019). Ito ang madalas na nalilimutan ng mga pinuno ng ating bayan kaya nahihirapan silang makapagsagawa ng tunay na mga hakbang para sa ikauunlad lalo na sa sektor ng agrikultura. Nagkukulang sila sa mga pangkalinangang diwain na magiging patnubay upang makapaghawan sa landas na tatahakin para masigurong ligtas, maginhawa, marangal at manatiling buhay ang mga magsasakang Pilipino.

Ang Pagtayog ng Halagahing Panlipunan sa Awiting Bayan

Sa pag-aaral ng panitikang bayan, hindi dapat kalimutan ang awiting bayan dahil napakalaki ng papel na ginampanan nito upang mahubog ang kaisipan ng mga Pilipino. Ika nga ni Damiana L. Eugenio, “A folk song has already been defined as one which has been orally handed down from one generation to the next” (2007). Samakatuwid, gaya ng mga bugtong at salawikain, ang mga awiting bayan na tumatagos sa bawat henerasyon ay maaaring kasangkapanin hanggang sa kasalukuyang panahon upang magpagunita ng kaalamang bayan at damdaming bayan na nauukol sa maraming usapin sa ating bansa. Higit na kakailanganin natin ang paggunita sa mga awiting bayang ito upang maging salalayan natin sa pagkilatis sa mga kaalamang bitbit ng mga dayuhan sa ating bansa dahil sa pagsabak natin sa modernisasyon at sa tinatawag na globalisasyon. Naitala ang mga gawi at buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga awiting bayan dahil malinaw na binabanggit ni Eugenio na sa bawat yugto ng buhay ng mga Pilipino mula pagsilang hanggang kamatayan ay mayroong awiting bayan. Dagdag pa ni Eugenio, “[T]hese songs mark: song of infancy and childhood, love and courtship songs, wedding songs, work songs, drinking and other songs of conviviality and friendship, and songs of mourning” (2007). Ibig sabihin, maaari rin nating maimapa ang mga kaalaman at kalinangang mula sa mga awiting bayan dahil sa lahat ng yugto ng buhay ng mga Pilipino ay may nalikhang ganito. Ang mapang ito mula pag-angkla natin sa mga awiting bayan ay posibleng tugon upang maibsan ang kasalimuotan ng ating buhay sa kasalukuyan. Kaya, sa bahaging ito ng pag-aaral, ihahain ang mga awiting bayan na magbubukas ng pinto upang mabalikan natin at magunita ang gampanin at halagahing panlipunan ng tinatalakay na paksa—ang niyog, pati na rin ang mga magniniyog sa ating bansa.

Ang Halaga ng Niyog Batay sa Awiting Bayan ng Tagalog

Masusumpungan din natin sa mga awiting bayan sa Pilipinas ang patungkol sa niyog. Isa sa mga awiting bayan na inaawit ng mga Tagalog hinggil sa niyog ay “Ang Halamang Niyog” na nasa Kumintang: Awitin ng mga Tagalog na Taga-Batangas ni Elena R. Mirano na kasama rin sa librong pinamatnugutan at tinipong mga awiting-bayan ni Damiana L. Eugenio na may pamagat na Philippine Folk Literature Series Volume 7: The Folks Songs. Narito ang liriko ng awiting-bayan:

Ang Halamang Niyog

Ang halamang niyog ay di maperdihin

Ang sanga’y panggatong ang puno’y gayundin

Ang laman po nito’y silid sa pirinsa

Ang langis po nito’y silid sa lampara

The Coconut Tree

The Coconut tree has many uses.

The branches can be used for fuel

and so with the trunk

Its husk can fuel the flat iron

Its oil we put in our lamps

Inilalatag na agad sa unang linya pa lamang ng awit na ang “niyog ay di maperdihin” na nangangahulugan na hindi basta-basta nasasalanta ang niyog. Kung hihimayin ang kahulugan ng “maperdihin” na mula sa salitang ugat na “perdi” na ang katumbas ay “salanta” kung ang pinag- uusapan ay halaman. Samantalang kung ang “perdi” ay ikakapit sa isang gawain, ito ay nangangahulugang “bulilyaso”, kaya kapag sinabing, “huwag sanang maperdi ang paglulukad” nangangahulugan itong “huwag sanang mabulilyaso ang paglulukad o pagkokopra” o wala sanang maging suliranin sa pagsasagawa ng isang gawain. Ipinababatid na agad ng unang linya pa lamang ng awit na matatag ang niyog, hindi agad nasasalanta. Kaya marapat lamang ang taguri ritong “puno ng buhay” dahil sa tatag nito, sanlaksang tulong ang naibibigay nito sa mamamayang Pilipino. Mula sa ugat hanggang sa mga dahon ng niyog, malaki ang pakinabang dito ng mga Pilipino noon hanggang sa kasalukuyang panahon. Kung gugunitain, namangha nga sa niyog si Pigafetta nang malaman niyang tumatagal ng isang siglo ang punong ito.

Bilang pagpapatuloy, sa pangalawa hanggang huling linya ng awit, inilatag ang mga halimbawa kung saan nagagamit ang niyog. Sinasabi sa pangalawang linya na nagagamit ang sanga at mismong puno bilang panggatong. Ang mismong laman ng bunga ay nakakain batay sa pangatlong linya ng awit. Gayundin, nagagamit sa pamamalantsa ng damit ang mismong sinindihang bunot ng niyog na isinisilid sa sinaunang plantsa at ang langis nito’y maaaring pampadalit ng lampara at ilaw sa gabi batay sa mga kasunod na linya. Sa paggunita pa lamang natin sa awiting bayang “Ang Halamang Niyog”, mapapatunayan na agad ang pakinabang at biyayang naidudulot ng niyog sa buhay ng mga Pilipino dahil buhay na buhay ang halaga ng niyog sa oral na panitikang gaya nito.

Tungo sa Pagpapatayog ng Tinig ng Niyog at Magniniyog Gamit ang Awit

Isa pa sa mahahalagang oral na panitikan ay ang awiting bayan na hindi dapat mawaglit sa kaisipan ng mga Pilipino. Daluyan ito ng dalisay na karunungan na mahalagang mabitbit hanggang sa kasalukuyang panahon. Hindi tulad ng ibang uri ng awit, ang awiting bayan ay tumatagos sa lahat ng henerasyon. Batay nga kay Mellie L. Lopez, “Folk songs have a far enduring life than popular songs and arts songs for they traditionally transmitted from generation to generation and circulate orally among folks in all walks of life” (2006). Kung gayon, tunay na masasandigan natin ang mga awiting bayang hinggil sa niyog at magniniyog upang tuloy-tuloy nating maiparating sa bawat henerasyon ang halaga ng puno ng buhay at ang mga kumakalinga sa punong ito. Ang mga magniniyog na walang patid na nag-aalaga sa mga punong pinagmumulan ng produktong tayo ang nangunguna sa pagluluwas sa buong mundo. Higit sa lahat, kailangang mapatayog pa natin nang tuloy-tuloy ang industriya ng niyog sa ating bansa upang tuloy-tuloy rin itong mag-ambag ng pag-unlad ng ating ekonomiya. Ngunit kasabay sana ng pag-unlad ng ating ekonomiya dahil sa industriya ng niyog ay ang pag-unlad din ng mga magniniyog sa ating bansa. Maganap nawa ang sinasabi ko sa unahan ng pagtalakay ko sa bahaging ito na magamit ang mga awiting bayan sa pagbubukas ng pinto upang mabalikan natin at magunita ang gampanin at halagahing panlipunan ng niyog at ng mga magniniyog sa ating bansa. Malaki ang potensiyal ng mga awiting bayan sa pagpapagunita dahil ayon nga kay Lopez, bagama’t naging anonimo na ang mga lumikha ng mga awiting- bayan sa pag-andar ng panahon, higit pa rin ang bisa nito kumpara sa “popular songs” at “art songs” dahil kapag binalikan ang sinipi natin sa unahan, ang awiting-bayan ay naipapasa sa bawat salinlahi at lumalaganap sa bawat yugto ng ating buhay (2006).

Konklusyon

Sa pag-aaral na ito, itinampok ang mga panitikang bayan (bugtong, salawikain at awiting bayan) na naglululan ng mga kaalamang bayan at kalinangang Pilipino hinggil sa niyog. Mula sa paglalatag at pagsusuri gamit ang mga naratibo mula sa bugtong, salawikain at awiting bayan, nakatutulong ito upang mapasibol, mapalago at mapatayog ang gunitang pangkasaysayan. Nagbubunsod ang gunitang pangkasaysayang ito ng matibay na sandigan sa paglingon sa mga dakilang diwaing nakapaloob na may kaugnayan sa niyog. Makabuluhan ang gunitang pangkasaysayan upang maangking muli ang kamalayang bayan at magamit ito bilang dinamikong sangkap sa pagbabagong panlipunan gaya ng ipinahayag ni Villan. Kailangan nating unawain at ipagmalaki ang gunitang pangkasaysayan upang maging gabay natin para makagawa ng epektibong plano o programa para sa ninanais nating pagbabago sa hinaharap.

Samakatuwid, ang mga panitikang bayan hinggil sa niyog na tinalakay ay giya sa pag-aangking muli sa sariling kalinangan sa pagniniyog. At ang kalinangang ito na ginunita ay higit na kinakailangan sa pagpaplano ng mga programa upang hindi mahirapan ang industriya ng niyog sa Pilipinas na bagtasin ang landas sa hinaharap at makamit nito ang tunay na pag-unlad (Peña 2019). Anupa’t sa dami ng paksa ng pag-aaral na maaaring ikabit o iugnay sa niyog, pinatutunayan lamang ng gunitang pangkasaysayang ito na tungkol sa niyog gamit ang panitikang bayan na ang niyog ang tunay na puno ng buhay. Anumang maranasan at maging sitwasyon ng mundo, laging nariyan ang niyog upang patunayan na ito’y mapagbigay-buhay at dinudukal nito ang kakanyahan, karangalan at pagkamamamayan ng mga magniniyog na nakatutulong sa ekonomiya ng ating bansa.

Sanggunian

Almario, V. (2019). Bakit kailangan natin si Pedro Bucaneg?: Tungo sa kalusugan at kalayaan ng pambansang gunita. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.

Alatas, S. H. (1977). The myth of the lazy native: A study of the image of the Malays, Filipinos and Javanese from the 16th to the 20th century and its function in the ideology of colonial capitalism. London: Frank Cass and Company Limited.

Alcina, F. (2002). History of the Bisayan people in the Philippine Islands (Vol. 1) (C. Kobak & L. Gutierrez, Trans.). Manila: UST Publishing House.

Alcina, F. (2005). History of the Bisayan people in the Philippine Islands (Vol. 3) (C. Kobak & L. Gutierrez, Trans.). Manila: UST Publishing House.

Bustamento, M. L. (1885). Si Tandang Basio Macunat. Manila: Lap. de Amigos del Pais.

de Noceda, J., & de Sanlucar, P. (2013). Vocabulario de la lengua Tagala (V. S. Almario, A. M. M. Yglopaz, & E. R. Ebreo, Eds.). Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.

Enriquez, V. G. (2007). Kapwa: A core concept in Filipino social psychology. In A. M. Navarro & F. L. Bolante (Eds.), Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at Pantayong Pananaw (pp. [insert page numbers]). Quezon City: C & E Publishing, Inc.

Eugenio, D. L. (1966). Philippine proverb lore. Philippine Social Sciences and Humanities Review, 31(1), 231.

Eugenio, D. L. (1994). Philippine folk literature series (Vol. 5): The riddles. Quezon City: University of the Philippines Press.

Eugenio, D. L. (2002). Philippine folk literature series (Vol. 6): The proverbs. Quezon City: University of the Philippines Press.

Eugenio, D. L. (2007). Philippine folk literature series (Vol. 1): An anthology. Quezon City: University of the Philippines Press.

Evasco, E. Y., & Ortiz, W. P. (2008). Palihan: Hikayat sa panitikan at malikhaing pagsulat. Quezon City: C & E Publishing, Inc.

Hart, D. V. (1964). Riddles in Filipino folklore: An anthropological analysis. New York: Syracuse University Press.

Lopez, M. L. (2006). A handbook of Philippine folklore. Quezon City: University of the Philippines Press.

Lumbera, B. L. (1986). Tagalog poetry, 1570–1898: Tradition and influences in its development. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Lumbera, B. L., & Lumbera, C. N. (2005). Philippine literature: A history and anthology. Mandaluyong City: Anvil Publishing, Inc.

Maggay, M. P. (2002). Pahiwatig: Kagawiang pangkomunikasyon ng Filipino. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Orillos-Juan, M. F. (2017). Kasaysayan at vulnerabilidad: Ang lipunang Pilipino sa harap ng pananalanta ng pesteng balang, 1569–1949. Manila: De La Salle University Publishing House.

Orr, Y. (2012). Coconuts and the emergence of violence in Sulu: Beyond resource competition paradigms. Bijdragen tot de Taal-, Land- en Volkenkunde, 168(2–3), [insert pages].

Peña, R. P. (2019). Naratibo ng lubi sa ating gunita: Ang industriya ng niyog sa panitikan at kasaysayang Pilipino, 1940–2018. NRCP Research Journal, 18(1), 128.

Popa, A. (2016). Ang lugar ng wala sa lugar: Pagtuturo ng pagtula at malikhaing pagsulat sa hayskul. Katipunan: Journal ng mga Pag-aaral sa Wika, Panitikan, Sining at Kulturang Filipino, 1, 5.

Velasco, A. B. (1982). Ang Sikolohiyang Pilipino sa pagsasaka. In R. Pe-Pua (Ed.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit (pp. 259–260). Quezon City: University of the Philippines Press.

Villan, V. C. (2013). Lawas, buut, patugsiling, ‘ag dungan: Isang pag-unawa sa papel ng kinagisnang sikolohiya sa kasaysayang kolonyal at himagsikang Pilipino sa Panay, 1896–1898. Daluyan: Journal sa Wikang Filipino, 19(2), 78.

Villan, V. C. (2017). Kappanimad-on: Ang adaptibong kasangkapang pangwika at pagtingin sa ilang tala ukol sa pagpapayabong ng kaalamang-bayan sa UP Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 2, 220.

Villan, V. C. (2020). Gunitang bayan at salaysaying bayan: Ang pamanang-lahi sa pag-unawa ng kalakarang panlipunan at produksiyong pangkaalaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 5, 246–250.

Yap, F. A. (1974). Niyog. Quezon City: Manlapaz Publishing Co.

1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading