Vasil A. Victoria
Ateneo De Naga University
How to Cite:
Victoria, V. A. (2025). Ang walang kupas na halina ng Amaya. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 4(1), 132–139. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2025-AnWaKuHaAm
Nakasandig, nakasusog, at nakatukod ang pagsusuring ito sa bagong-bagong post ni Samar (2024) sa mundo ng social media kaugnay diumano sa dapat na kritisismo sa isang likhang sining. Sabi nga niya, “Dahil dito, gusto kong mungkahi ng isang pagsipat sa mga pelikulang Filipino na layuning lumampas sa pagbabahagi lang ng opinyon. Isang mungkahing kritisismo ito na humihikayat sa paggawa at panonood ng mga pelikulang may PAKI.”
Pangunahing layunin ng papel na ito na magamit ang “PAKI” para muling suriin, dalumatin, at diskursuhin ang isang epikseryeng naipalabas sa GMA 7 noong 2011 hanggang 2012. Ito ang programang binansagang “soap operang nakabahag” at ang unang pagdalumat sa “epikserye.” Ito ang Amaya. Nagsimula ang pagpapalabas sa telebisyon ng epikseryeng Amaya sa GMA 7 noong ika-30 ng Mayo 2011 at nagwakas naman noong ika-13 ng Enero 2012. Inabot ng walong buwan ang pagpapalabas ng epikseryeng Amaya gabi-gabi, Lunes hanggang Biyernes sa telebabad (ang tawag sa panonood nang tuloy-tuloy sa estasyong Kapuso mula alas-6 hanggang ika-10 ng gabi) ng GMA7 (Victoria, 2014).
Tumutukoy ang nabuong akronim na paki sa Paninindigan, Ambisyon, Kahusayan, at Imortalidad.
Ano ang tinutukoy ng Paninindigan sa akronim na “PAKI?” Ayon kay Samar (2024),” Para saan? Ano ngayon? Mahahalagang tanong ito na kung minsan ay siya mismong simulain o motibasyon sa paggawa ng pelikula. Dahil para saan nga ang ambisyon at kahusayan ng pelikula kung hindi ito kumikilos o lumalaban para sa isang simulain o paniniwala?” Sa pagsusuring ito ay nakatuon naman kung ano ang naganap na paninindigan sa epikseryeng Amaya. Saan nanindigan ang palabas na ito? Ano ang mga simulain at prinsipyong ipinaglaban nito? Mapangahas kung tutuusin ang Amaya sapagkat binago nito ang mababang pagtingin sa paggamit ng mga katutubong wika sa mga palabas na pantelebisyon. Kung dati-rati ay ginagawang katatawanan ang pagsalpak ng ibang katutubong wika gaya ng Bisaya sa mundo ng panonood ay katumbalikan ang naganap sa Amaya. Inirespeto, binigyan ng dangal, itinaas, at tuluyang iniangat ang wikang Bisaya sa epikseryeng ito. Ginawang seryo, taal, at natural ang atake sa mga monologo at diyalogo ng mga pangunahing tauhan.
Mapapansing may ilang salitang Hiligaynon ang kinilala ni Teodoro sa varayti ng Bisayang ginamit sa palabas na Amaya. Tanging taal na Bisaya ang maaaring tumukoy sa kaurian nito sapagkat ito ang kaniyang wikang kinalakihan, kinagisnan, at kinamulatan. Ibig sabihin, ang mga salitang binanggit ni Teodoro ay Bisayang Hiligaynon. Ilan lamang ito sa mga salitang nais niyang iambag sa pagpapaunlad ng wikang Filipino na lantarang ginamit sa palabas na Amaya. Marahil kung mabibigyan pa siya ng mahabang oras sa presentasyon ng kaniyang papel sa Ambagan 2011 sa U.P., hindi lamang ito ang kaniyang maitatala bilang mga salitang Hiligaynon na itinampok sa Amaya.
Isa pang taal na Hiligaynon ang nakunan ng impormasyon ng mananaliksik tungkol sa uri ng Bisayang ginamit sa mga termino mula sa epikseryeng Amaya, si John Barrios ng Komisyon sa Wikang Filipino (2014). Tinukoy niya mula sa listahan ang wikang Hiligaynon gaya ng mga sumusunod: alibhon, atubang, bahandi, balay, bana, bankaw, banwa, baroto, batuk, binukot, bugay, bugna, bukot, bulawan, bunga, bunggaitan, butong, busaw, buyong, cabugao, dakit, dalanganan, datu, dirigos, dungan, gibang, gubat, gurang-bai, gurang-laki, habol, haop, hayohay, himalad, himaraw, hilot, hubot, husay, iloy, kadatuan, kalag, kapid, kapunuan, karakoa, kataw, kauban, kudyapi, lalangban, laong, libong, lubi, maaram, maisug, malanduk, mangayaw, mangangayaw, mapuraw, ngadan, nganga, oripun, pagbawi, pangangayaw, pagtatagna, pag-unong, paghihimalad, panagang, panday, pangungubat, polo, pumaraw, punong alabay, putong, puthaw, pungsod, puod, sabali, sandig, sandil, silat, sundang, sutla, tagbanua, tagna, tanglad, tayhop, timawa, tuhay, tumao, tuob, at umalagad.
Samantala, malaking tulong bilang batis ang UP Diksiyonaryo (2010) at ang Tesauro: Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban (1972) upang dukalin at suysuyin ang pinagbukalang uri ng wikang Bisaya ng mga terminong ginamit sa Amaya. Mahigit 100 kultural na termino ang nagamit sa Amaya upang ipakilala ang mahalagang ambag ng mga katutubong wika sa pagbubuo ng Wikang Pambansa.
Ang ikalawang lente sa “PAKI” ay ang tinatawag na Ambisyon. Sabing muli ni Samar (2024), “Gaano katayog ang pangarap nito, gaano kahirap ang gusto nitong gawin? Sa tula o nobela, mga salita ang tanging kasangkapan ng makata o nobelista sa pagsisiwalat ng pangarap na ito. Saan siya dinala ng mga salita—at saan niya dinala ang mga salita—para ipakita ang mga posibilidad ng ganitong taludtod sa tula o ng ganoong tauhan sa nobela. At ito ang mahalagang realisasyon at kasiyahan ng nagbabasa ng tula at nobela sa harap ng isang akdang may ambisyon: puwede pala ito, habang parang may tumatahip ang dibdib, at walang magawa kundi mangarap na kumatha o magbasa ng higit pa roon.”
Ano ang ambisyong hinulma sa Amaya? Ano pala ang puwedeng ipakita mula sa palabas na ito? Ano ang makabuluhang realisasyon? Tandaang ang Amaya ay isang pagsasakasaysayan ng naganap noon bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol. History consultant nga ng palabas na ito sina Vicente Villan at Neil Martial Santillan. May binuong mahalagang saysay ang Amaya sa mga naganap sa ating lumipas. Muli nitong binalikan ang nakalipas na panahon at may iniahong dangal at lipunan ng ating magiting na lipi at lahi. Kung susuriin nang malaliman, ang kinathang mundo ng mga humulma sa Amaya ay ang panahon bago dumating ang mga Espaňol. Hinabing kasaysayan ang mga ito sapagkat ang isang teleseryeng gaya ng Amaya na binansagang “epikserye” ay produkto lamang ng haraya, hulagway, at malikot na imahinasyon o guni-guni ng mga manunulat nito. Ang katotohanan ding palabas ito sa telebisyon ay magpapatunay na lahat ng bagay na makikita rito ay scripted at mediated ng kamera sa mundo ng telebisyon. Nagsuot ng mga pangyayari sa kasaysayan ang epikseryeng Amaya gaya ng pagtatampok sa buhay ng mga binukot, oripun, datu, rajah, panday, at hangaway. Pinasukan ito ng mga kaugalian at tradisyong may kaugnayan sa katutubong kalinangan gaya ng pangangayaw, pagbabatuk, paggamit ng kampilan, baroto at karakoa. Nagtampok ito ng kasaysayan at kalinangang nilikha ng imahinasyon ng mga manunulat nito gaya ng paglalarawan ng uri ng lipunan sa katutubong kabihasnan, pagpasok ng elemento ng mga katutubong musika, ang muling pagsasabuhay sa katutubong sistema ng pagsulat sa pamamagitan ng baybayin, ang pakikipagkalakalan ng mga sinaunang Filipino sa iba’t ibang dayo bago pa man dumating ang mga Espanyol, ang pagpapakita ng mga kasuotan na ibinatay sa Boxer Codex, ang tradisyon sa magarbong pagpapakasal, ang pagtiyak sa mga gawain ng babae at lalaki, ang paglalahad ng mga katutubong inumin at pagkain, gayundin ang katutubong pananampalataya, ang pagdating ni Fernando Magallanes at ang naganap na digmaan sa Mactan noong 1521 (Victoria, 2014).
Dumako naman tayo sa Kahusayan mula sa akronim na “PAKI.” Sa paglalarawan ni Samar (2024), “May kinalaman ang kahusayan sa epektibong paggamit ng mga elemento sa pagbubuo ng pelikula. Buo ba ang kuwento? Bagay ba ang artista sa ginampanan niyang papel? Nababawasan ang kahusayan kapag may nakikita tayong butas.” Ang tanong naman sa ngayon ay mahusay na ang Amaya? Naging mahusay ba ang palabas na ito? Ano ang mga sukatan at pruweba? Ano ang mga parametro at argumento? Sa paimbabaw na sipat at lapat, masasabing may kahusayan ang Amaya. Napanindigan nito ang pagiging epikserye o seryeng mahaba kung ipapalabas. Umabot ito sa loob halos ng walong buwan. Tandaang ang pormula lamang ng isang teleserye ay 13 linggo (Villanueva, 2005). Idagdag pa ang sinabi ni Vasil Victoria (2014) na “Kung ratings ang pag-uusapan batay sa AGB Neilsen Philippines, gumawa ng malaking kasaysayan ang epikseryeng Amaya. Sa pilot episode nito noong ika-30 ng Mayo 2011, nagtamo ito ng 26.2% at naging pangalawa sa top ten na may pinakamataas na ratings sa panggabing palabas. Sa huling buwan ng pagpapalabas noong ika-13 ng Enero 2012, nagtamo ito ng unang pwesto sa ratings na 32.7%. Umani ito ng maraming pagkilala at parangal mula sa iba’t ibang award giving bodies. Nagbunga ito ng maraming diskurso sa mga panayam, tesis, at disertasyon. Higit sa lahat, mahusay ito sa pagtatahi ng wika at kultura. Bigyan natin ng isang tiyak na halimbawang salita, ang oripun. “Hindi ko papatayin ang aking anak kahit sa isa pang oripun.”
Masasabing bahagi ng kalinangang Pilipino ang pagkakaroon ng mga oripun o alipin. Sapagkat may datu o rajah, imposibleng kumawala ang dalumat ng oripun. Ang mga oripun ang naninilbihan sa kanilang panginoon gaya ng mga datu o rajah o iba pang may mataas na katungkulan sa saray ng isang partikular na lipunan. Sabi nga ni William Henry Scott (1999, p. 11) na “Most men were in a condition of more or less dependent on others, ranging from actual captives or ransomed victims at one extreme, to those who debts would nowadays be called utang na loob at the other. All these dependents were called alipin in Tagalog or oripun in Visayan, and since they were held in legal bondage and could be bought and sold, these terms have always been translated as slave.” Sa mismong palabas na Amaya, sinabi roon na pag-aari ng rajah o datu ang mga alipin. Maraming oripun ang matutunghayan sa Amaya sa bawat balay ng mga taong nakakaangat sa lipunan. Sila ay mga tagapanilbihan sa anumang utos ng kanilang panginoon. Ang kasuotan ng lalaking oripun ay bahag samantalang tapis naman sa mga babae. Ang mga babae ay walang suot na pang-itaas kaya kita ang kanilang dibdib. Sa palabas na Amaya, tinakpan ang mga dibdib sa pamamagitan ng mahahabang buhok. Matatandaang ito ay palabas sa telebisyon kung kaya’t sumunod lamang ito sa pamantayan ng MTRCB. Sa kasaysayan ng bansa, dalawang uri ng oripun ang kilalang-kilala sapagkat nakatala ito sa mga librong pangkasaysayan. Ito ang aliping namamahay at aliping sagigilid. Sa palabas na Amaya, may bagong tawag o pang-uri sa pinakamababang uri ng oripun, ito ang hayohay at tuhay. Sa libro ni Scott (1999) na Slavery in the Spanish Philippines, kaniyang nasabing “Oripun who lives in their master’s house were called hayohay and owed him three days out of four, while those living in their own house were tuhay, owing only two days out of five”
Mula sa pagiging binukot, naging oripun si Amaya nang salakayin ng pangangayaw nina Mangubat ang banwa ni Datu Bugna (ama ni Amaya). Sa bahaging ito ng kuwento, nagtaksil si Lamitan, asawa ni Datu Bugna, kay Bugna sa pamamagitan ng pagpaparatang ng isang kasinungalingang pinaniwalaan ni Rajah Mangubat. Isinuplong ni Lamitan kay Mangubat na hindi na naiibigan ni Bugna ang pamamaraan ng pamamalakad ng rajah at diumano ay may pagtatangka ito ng pag-aalsa. Pinaniwalaan ito ni Mangubat kung kaya’t naganap ang pangangayaw sa banwa nina Bugna. Nang mapaslang si Bugna ni Mangubat, isa sa binihag nila ay si Amaya. Dahil sa sobrang pagkasuklam ni Lamitan sa mabaw (anak sa labas) na si Amaya at bilang bahagi ng kaniyang paghihiganti, hiningi nito kay Mangubat na maging oripun niya si Amaya.
Bilang alipin, tinanggal kay Amaya ang mga bulawan sa kaniyang katawan. Tinanggalan din siya ng damit pang-itaas bilang katuparan o kahingian ng pagiging isang tunay na oripun, sa anyo at tradisyon. Dito nagsimula ang kalbaryo ni Amaya sa kaniyang panginoong si Lamitan. Naging sunod-sunuran siya sa mga gustong ipagawa ni Lamitan. Maraming pasakit at pahirap ang naranasan ni Amaya bilang oripun.
Sa kabilang dako, ang pagiging oripun ay ipinakita sa iba’t ibang eksena sa Amaya. Bahagi ng isang lipunang katutubo ang mga oripun. Sa positibong pagtingin, ang oripun ay tanggap at bahagi ng kanilang lipunan. Maaaring maging oripun ang isang tao kapag nabihag siya mula sa pangangayaw. Maaari ring maging oripun ang isang timawa (malayang tao) kapag nakagawa siya ng mabigat na kasalanan o hindi niya kayang bayaran ang multa buhat sa kaniyang pagkakasala. Kapansin-pansin sa mga oripun ang yumukod kapag kaharap nila ang kanilang panginoon. May pantawag din sila sa posisyon ng kanilang puod halimbawa ay rajah, datu o bai. Hindi rin sila basta-basta maaaring tumalikod pagkatapos makipag-usap. Bahagya nilang itatagilid ang katawan saka tuluyang tatalikod. Yumuyukod din ang mga oripun kapag matataas na tao o may katungkulang tao ang kanilang kaharap. Hindi sila pinahihintulutang tumingin nang deretso sa mga taong hindi nila kauri. Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagdalo ng isang oripun sa mga piging o pagtitipon. Tanging may matataas na katungkulan lamang ang makakadalo rito gaya ng rajah, datu, tumao at timawa. Bawal ding umibig ang isang oripun sa hindi kauri ayon sa palabas na Amaya. Lahat ng pangyayaring ito bilang tagapaglarawan sa buhay ng mga oripun sa palabas na dinidiskurso ay ipinakita sa maraming pagkakataon. Napagtagumpayan ng Amaya na itampok ang uri at paraan ng pamumuhay at pakikitungo ng mga alipin sa kaniyang panginoon. Bagama’t likhang-isip ang lahat sapagkat isa itong palabas-pantelebisyon, maliwanag na muling nanumbalik ang dalumat ng mga oripun sa kamalayan ng mga target na manonood ng palabas na ito.
Tapat din ang mga oripun sa kanilang panginoon o amo. Pinaglilingkuran nila ito mula sa pagluluto ng makakain, paglilinis ng bahay, pagkuskos ng papag o sahig, pagpapalit ng damit, pagsuklay sa buhok kapag babae ang panginoon, paghuhugas ng paa, pagsalok ng tubig, paglalaba, pagpapaypay, pagpapayong, pagbabayo ng palay, pagsasagwan at iba pang gawaing-bahay. Mga oripun din ang bumubuhat sa duyan o anumang sasakyan ng kaniyang amo. Sa kaso ng mga binukot, mga oripun ang tagabuhat ng duyan ng mga ito kapag hinihingi ng pagkakataon gaya ng piging o kasal. Karagdagan, ang mga alipin ay pag-aari ng datu o ng kaniyang panginoon na pwedeng ipangkalakal kung kinakailangan. Isa sa mga kaugaliang ipinakita sa palabas na Amaya na hindi maaaring ipagbili ang isang oripun kapag siya ay nagdadalantao. Si Dal’ang (ina ni Amaya) ay muntikan na sanang ikalakal ni Lamitan (asawa ni Bugna) sapagkat karibal niya ito kay Bugna. Subalit hindi nanaig ang kagustuhan ni Lamitan sapagkat kapag nangyari yaon ay dalawang buhay ang ikakalakal. Sa ganitong eksena, mahalagang idiskurso na ang isang oripun ay pinapahalagahan din ayon sa kaniyang katayuan at silbi sa lipunan. May mga batas ding ipinatutupad para sa kanila. Maituturing na krimen ang pagtakas ng isang oripun sa kaniyang panginoon. Katumbas ito ng parusang kamatayan kapag nahuli ang oripung nagtangkang tumakas.
Maaari ring matimawa o mapalaya ang isang oripun kapag nabayaran na niya ang kaniyang pagkakautang o kung may pambihira siyang nagawa para sa kaniyang pinagsisilbihan. Halimbawa kung iniligtas nito ang buhay ng kaniyang panginoon mula sa kamay at banta ng panganib o kapahamakan. Lahat ng ganitong akto ng kalinangang katutubo tungkol sa mga oripun ay naipakita sa palabas na Amaya.
Sa huli ng “PAKI” ang tinatawag ni Samar (2024) na Imortalidad. Aniya “Kailan makakakuha ng 5 stars? Dito nagiging PAKI ang PAK. Kapag nagkaroon ng dahilan para panooring muli ang isang pelikulang nabigyan na ng 4 stars dati at sa muling panonood ay natiyak ko na posibleng magkaroon ng imortalidad ang akda, posible nang iangat ang 4 sa 5 stars. Magmamaliw kahit ang mundo subalit nangangarap ng walang-hanggan ang sining.” Noong 2012 pa naipalabas sa telebisyon ang Amaya. 2025 na sa ngayon. Halos lagpas nang isang dekada subalit patuloy na pinag-uusapan pa rin ang merito ng Amaya. Ginagawa itong malinaw at tiyak na halimbawa ng matino at masinop na historikal na palabas. At gaya ng paulit-ulit kong sinasabi sa aking klase mula 2014 hanggang sa 100 taon mula ngayon, kapag maghahanap ang bagong henerasyon at panahon ng palabas na maipagmamalaki at maipagmamapuri ng sambayanang Pilipino, tiyak at tiyak akong lalabas sa listahan ang Amaya. Walang kupas ang halina ng Amaya. Natitiyak ko ito sa mga darating pang panahon at dantaon.
Talasanggunian
Barrios, J. E. (2014). Interbyu sa isang Hiligaynon at dating komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino [Unpublished interview].
Samar, E. C. (2024). Kailangan natin ng mga pelikulang may PAKI: Ang MMFF 2024 at isang mungkahing kritisismo sa pelikulang Filipino. Esquire Notes and Essays. https://www.esquiremag.ph/long-reads/notes-and-essays/an-essay-on-mmff-2024-and-film-criticism-in-the-philippines-a3364-20241228-lfrm4
Scott, W. H. (1999). Barangay: Sixteenth-century Philippine culture and society. Ateneo de Manila University Press.
Teodoro, J. E. I. (2011). Kulturang popular sa Hiligaynon at salamat, Amaya [Unpublished conference paper]. Ambagan 2011, University of the Philippines.
Victoria, V. A. (2014). Ang pagbuo ng wika sa Amaya: Popularisasyon ng wikang Filipino sa telebisyon (Unpublished doctoral dissertation). De La Salle University.
Villanueva, R. O. (2005). Pagmulat ng mata: Isang personal na salaysay sa patakarang pangwika ng Batibot. In P. C. Constantino (Ed.), Filipino at pagpaplanong pangwika: Ikalawang sourcebook ng SANGFIL (pp. xx–xx). Sentro ng Wikang Filipino–UP Diliman.

