Romeo P. Peña
Polytechnic University of the Philippines
How to Cite:
Peña, R. P. (2025). Rebyu ng Tayabas: Documenting heritage. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 4(1), 126–129. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2025-ReTaDoHe
Panimula
Makabuluhan ang ambag sa larangan ng dokumentasyon, konserbasyon at pagsusulong ng pamanang pangkultura at pangkasaysayan ang aklat na Tayabas: Documenting Heritage ni Raymundo Andres V. Palad o mas kilala namin bilang si Ryan Palad na nailathala noong 2024. Hindi ito basta aklat na naglalaman ng mga larawan o listahan ng mga makasaysayang lugar sa Tayabas. Sa halip, ito ay isang obratestamentaryo, isang malalim at masigasig na pagtatala ng kasaysayan at kultura ng isang bayan na patuloy na hinahamon ng tinatawag na kahibangan sa hindi maipaliwanag na modernong “kaunlaran”.
Sa isang daigdig kung saan ang pagkakakilanlan ay wala ng hanggahan o border dahil sa globalisasyon, ang dokumentasyon ng pamanang pangkultura at pangkasaysayan ay isang hakbang tungo sa pag-aangkin ng ating kasaysayan at pagkatao. Ayon sa Documenting the Cultural Heritage (1998), ang dokumentasyon ay “indispensable” hindi maaaring hindi gawin, para sa pagkilala, proteksyon, pagpapakahulugan at pisikal na konserbasyon ng mga bagay na may kultural at historikal na halaga. Ipinapaalala ng aklat na ito na ang dokumentasyon ay hindi lamang para sa kaalaman, kundi para sa aksyon.
Ang may-akda ng aklat ay hindi lamang iskolar at mananaliksik na may interes sa kultura at kasaysayan, si Ryan Palad ay maituturing na muhon ng pamanang pangkultura at historyador ng bayan ng Tayabas. Sa loob ng higit dalawang dekada, naging masigasig siyang tagapagsulong ng mga proyektong pangkultura at pangkasaysayan sa Tayabas at nangunguna sa pag-aksyon sa mga isyung pangkultura at pansibiko ng kanyang bayan. Ang aklat ay bunga ng kanyang akademikong paglalakbay bilang mag-aaral ng programang Cultural Heritage Studies sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ang pinakapuso ng kanyang aklat ay ang kanyang masidhing malasakit sa pamana ng Tayabas. Ang kanyang papel sa pagtutol sa mga proyekto tulad ng road-widening ng DPWH na nagdulot ng pinsala sa mga tulay ng Puente de Gibanga, Puente de Ese, Puente de Princesa sa Tayabas ay nagpapakitang hindi lamang siya tagatala at tagapagsulong ng pamana at kasaysayan kundi aktibong tagapagtanggol nito.
Hindi linear ang pagbasa sa aklat. Sa halip, ito ay koleksyon ng mga sanaysay at artikulong maaaring basahin nang magkakahiwalay na bumubuo ng mosaic ng isang bayan na may masalimuot na kasaysayan ngunit may matibay na kultura. Ang aklat ay nagsisilbing lokal na arkibo at pangmadlang panawagan. Ito ay hindi lamang nagtatala ng kasaysayan, ito ay arkibo ng pagkabigo, pagtatagumpay at pagpupunyagi para sa isang pamayanang nananawagan sa madla para kalingain ang pamanang bayan. Ang bawat sanaysay sa aklat ay tila testimonya na nagsusumbong ngunit nagtuturo. Hindi ito sentimentalismo lamang, ito’y malinaw na pagpapaalala ng kakayahan ng isang tao, at ng isang bayan na bumangon at magsikap gamit ang alaala at ang pagdodokumento nito.
Sa pagsasaalang-alang ng iba’t ibang anyo ng pamanang pangkultura, mula sa arkitektura, dokumento, tradisyon, relihiyon, alaala ng digmaan at mga anyong sining, ipinapakita ni Palad ang lawak ng saklaw ng cultural heritage. Ang kanyang diskurso ay hindi limitado sa materyal na aspekto kundi umaabot din sa mga pananaw, kasanayan at kakayahan. Ang tulay, ang sementeryo ng mga Espanyol at Indio, ang diploma ng isang babaeng propesyonal sa larangan ng dentistri noong 1928, lahat ng ito ay bahagi ng masalimuot ngunit buhay na naratibo ng Tayabas. Sa pagsasalaysay sa kabuuan ng aklat, mula sa mga tulay, dokumento, sementeryo, ritwal at mga personal na kuwento ng mga Tayabasin, itinataas ng akdang ito ang dokumentasyon sa antas ng panlipunang pakikilahok.
Ang pinakamahalagang ambag ng aklat ay ang pagbubunyag ng mga “glitches” o kapalpakan ng mga proyekto ng lokal at pambansang pamahalaan na nagdudulot ng pinsala, pagkasira o tuluyang pagkawala ng mga makasaysayang estruktura. Hindi ito isinulat upang siraan ang mga institusyon kundi upang pukawin ang kamulatan at damdamin nila na nagsasabing ang layunin naman daw nila ay “paunlarin” ang bayan, ngunit kadalasan, sila ang nagdudulot ng pagkasira sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng bayan. Ang aklat ay isang manifesto ng panlipunang panawagan, kilalanin ang pamana, ipagtanggol ito, at pangalagaan ang mga ito para sa kinabukasan.
Sa panahong ang mga sementeryo ay ginagawang parke, ang makasaysayang mga tulay ay sinisira para magkasya ang mga bagong sasakyan, ang mga kasong ito ay hindi naiiba sa mga nangyayari sa iba pang mga lugar sa Pilipinas. Kaya’t ang aklat ay hindi lamang dokumentasyon kundi isang babala na dapat ay mapansin ng mga politiko, mambabatas, arkitekto, urban planner, mga opisyal ng gobyerno at mamamayan. Hinihingi ng kasaysayan ang responsibilidad at hinihingi ng pamana ang matalinong pakikitungo. Ang aklat ni Palad ay paalala na ang tunay na kaunlaran ay hindi kinakailangang kabaligtaran ng konserbasyon. Ang konserbasyon ay hindi kalaban ng tunay na kahulugan ng pag-unlad kundi paggabay rito. Hindi tayo maaaring yumabong bilang bayan kung wala na tayong mga ugat na makakapitan.
Habang partikular ang aklat sa Tayabas lamang, ang mga isyung tinatalakay rito ay may pangkalahatang implikasyon. Maaaring makita rito ang modelong pangkomunidad ng konserbasyon, kung paanong ang isang taong tulad ni Palad na mula mismo sa Tayabas ay nanguna para sa adhikaing maingatan at maalagaan ang kanilang pamanang bayan. Isang modelo si Palad na nakaugat sa sariling kultura ngunit bukas sa mga siyentipikong pamamaraan.
Sa larangan ng edukasyon, napakahalaga ng ganitong uri ng aklat. Maaaring gamitin ang Tayabas: Documenting Heritage bilang materyal sa mga kursong Cultural Heritage Studies, Local History, Architecture at Philippine Studies. Ito ay halimbawa ng applied heritage research, kung paanong ang isang pananaliksik ay maaaring humantong sa aktuwal na pag-akto sa mga isyu ng komunidad. Bukod sa mga larawan at mapa, ang lawak ng kanyang dokumentasyon at ang pagpapakilala niya sa mga prinsipyo ng konserbasyon ay maaaring magamit sa kurikulum ng senior high school at kolehiyo.
Ang aklat ni Ryan Palad ay isang patunay na may mga iskolar, mananaliksik at manggagawang pangkultura na tahimik na nagsasagawa ng mahalagang gawaing pangkultura kahit malayo sa sentro, malayo sa makinarya ng pambansang kultura, ngunit malapit sa puso ng bayan. Sa isang panahon kung kailan mas pinipili ng marami ang forgetting kaysa remembering, ang ganitong uri ng aklat ay isang anyo ng pagsusumikap para sa kaakuhan ng bayan.
Nawa’y sundan ito ng mga katulad na inisyatibo mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Tayabas man ang tampok sa aklat, ang mensahe nito ay para sa kabuuan ng bansa at para sa lahat ng mga Pilipino. Ang ating pamana ay ang ating kaakuhan. At kung hindi natin ito ilalaban, mawawala ito nang tuluyan.
Ang huling bahagi ng aklat ay puno ng pangarap para sa hinaharap, pangarap na nakaugat sa malasakit at batay sa prinsipyo ng heritage science. Nakasaad dito ang mga inaasam, ang pagpapanatili ng Casa Comunidad bilang sentrong pangkultura at ang pagtalima sa mga prinsipyo ng konserbasyon kaysa sa beautification.
Ang Tayabas: Documenting Heritage ay hindi lamang para sa mga Tayabasin. Ito ay aklat na dapat mabasa ng lahat ng mamamayan, iskolar, heritage worker at policy-maker sa Pilipinas. Sa dokumentasyon, tayo ay nakapagliligtas hindi lamang ng struktura kundi ng ating pagkatao. Ang Tayabas ay maituturing na sagisag ng buong bansa. At kung hindi tayo kikilos upang kilalanin, itala at ingatan ang ating pamana, mawawala ito tulad ng maraming bagay sa ating bayan.
Sanggunian
Hassani, F. (2015). Documentation of Cultural Heritage: Techniques, Potentials and Constraints, International Archives of the Photogrammetry, Remote Sensing and Spatial Information Sciences, Volume XL-5/W7, pp. 207–214.
National Commission for Culture and the Arts. (2019). What is Cultural Heritage? In Cultural Mapping Toolkit: A Guide for Participatory Cultural Mapping in Local Communities. Manila: National Commission for Culture and the Arts.
Palad, Raymundo Andres V. (2024). Tayabas: Documenting Heritage. Tayabas City: Raymundo Andres V. Palad and RJP Books for Alternatibong Tahanan ng mga Akda at Gawang Nasaliksik, Inc.
Thornes, Robin and John Bold, eds. (1998). Documenting the Cultural Heritage. United States: The Getty Information Institute.

