Vicente C. Villan
University of the Philippines – Diliman
How to Cite:
Villan, V. C. (2024). Saplot: Isang historiograpikong pagsipat sa pamanang pangkasuotan at modang sining ng mga Pilipino. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 3(1), 78–113. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2024-SaIsHiPaPa
Abstrak
Ang papel na ito ay naglalayong magsuri sa kahalagahan ng saplot o kasuotan sa kabuuan bilang isang anyo ng pamanang kultural at sining ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng isang historiograpikal na pagsipat, tatalakayin sa papel ang pangkasaysayang kahalagahan kaugnay ng pagbabago at pag-unlad ng tradisyon ng pananamit at istilo sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nais na ipakita ng may-akda sa papel ang isang historiograpikong pag-unawa at bigyang halaga ang kasuotan sa pangkalahatan bilang isang cultural currency at kaparaanan sa paglikha ng panlipunang identidad ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng gagawing pagsusuri sa pamanang saplot o kasuotan at platapormang artistiko ng moda sa partikular, titingnan sa papel ang tradisyon ng pananamit sa nakaraan hindi lamang bilang ekspresyong kultural, kundi isang mahalagang batis ng impormasyon sa pagsasakasaysayang Pilipino.
Sa pag-aaral, ang mga di-kumbensyonal na mga batis na ginamit mula sa UP College of Home Economics, National Museum of the Philippines, at Aga Khan Museum ng MSU – sa Lungsod ng Marawi, ay walang pag-aalinlangang repositoryo o baul ng mga pangmodang ekspresyon, di dokumentaryong mga batis, at nagtatampok kung gayon ng ideyang meta-komunikasyon na dinalumat ni Gregory Bateson at ng meta-naratibo na ipinalaganap naman halimbawa sa kabilang dako nina E.P. Thompson, Michel Foucault, at Jean Scott. Mahalaga ang paghahango ng mga meta-mensahe sa pagsasakasaysayan gamit ang platapormang modang sining ng mga Pilipino.
Sa akda, ginamit na conceptual tool ang linggwistiko konstrak ng “ka-suot-an” upang bigyang halaga ang ideya ng “saplot” sa katawan na organikong nakaugnay sa gawain ng mga Pilipino ng “pagsu-suot,” “pagbi-bihis,” at “pagda-damit.” Makabuluhan ang gawaing ito sa pagsilip sa pagpapasundayag moda upang makabuo ng kaalamang pangkasaysayan mula sa nasabing pamanang saplot o kasuotan at modang sining. Sa pag-aaral, ginamit ng may akda ang Teorya ng Pamanang Kultural (TPT) upang sipatin ang kahalagahan ng kasuotan bilang bahagi ng yamang kultural at pinaghanguan ng artistikong platapormang moda na ginamit ng mga Pilipino. Sa pamamagitan TPT, napansin sa isinagawang pag-aaral ang saysay ng pagkakaugnay ng kasuotan sa tradisyon, kultura, at identidad ng mga Pilipino sa paghahango ng mga meta-mensaheng mapagsasampayan ng mga meta-naratibong pangkasaysayan.
Mga Susing Salita: Historiograpiya, Kasuotan sa Pagsasakasaysayan, Meta-komunikasyon, Meta-mensahe, Meta-naratibo, at Pagsasakasaysayang Pilipino
Panimula
Sa artikulong ito na pinamagatang “Saplot: Isang Historiograpikong Pagsipat sa Modang Sining ng mga Pilipino,” bibigyang pansin ang saplot o kasuotan bilang halimbawa ng ipinapasundayag ng
yamang pangkultura ng mga Pilipino. Tumutukoy ang pasundayag ng yamang pangkultura sa isang gawaing panlipunan ng pagpapakita (displaying), pagtatanghal (exhibiting) at pagtatampok (showcasing) ng sinuman o anoman patungkol sa kung ano ang sa paningin, sapantaha, at pag-unawang itinuturing ng tagapagpasundayag na maganda, elegante, marilag, marikit, kahali-halina, kaakit-akit, kaibig-ibig, at kabigha-bighani sa mata ng tiliambong o spectators. Mahihinuha sa sanaysay na ito na ang bunga ng pangkulturang pananaliksik sa halimbawa nito sa kasuotan at modang sining sa konteksto ng historiograpiya. Kinukonsidera ng may-akda sa kabuuan na ang pamana ay cultural currency at kung magkagayo’y maituturing ngang imbakan ng pangkasaysayang impormasyon. Bilang baul ng pangkasaysayang impormasyon, mahalaga samakatuwid ang pamana ng yamang pangkasuotan sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayang Pilipino. Kung sisipatin, nakatuon ang pangkulturang pananaliksik sa pangkalahatan kung papaano ang yamang pangkultura ay nakapangyayari dahil sa kakayahan nitong makaimpluwensya sa pananaw, halagahin, pag- asa, kasiyahan, pagkatakot, pagsunod, atbp. at kung papaano rin ito sa partikular, sa pamamagitan ng artistikong plataporma ng moda halimbawa, naiimpluwensyahan ang kalakaran, proseso, at kaganapang pangkasaysayan sa loob ng lipunan.
Ang pag-aaral na ito na kumikilala sa pamanang kasuotan bilang pasundayag na yamang pangkultura, cultural currency sa lipunan, at artistikong platapormang moda ay ating madadalumat ang alternatibong historiograpiya sa pamamagitan ng gagawing pagsipat, pag-unawa at interpretasyon sa pamanang kasuotan at modang sining (tingnan ang Dayagram 1), at pagbuo ng kaalaman sa pagsasakasayang Pilipino. Sa madaling salita, labas sa pagtingin dito bilang panlipunang produksyon, itong yamang pamanang kasuotan at artistikong modang sining ng pananamit ay mga halimbawa rin ng ekspresibong kultura at maituturing kung gayon na materyang pangkasaysayang magagamit sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan.
Sa sanaysay, ang pangkulturang pananaliksik na isinakonteksto ng historiograpiyang sandig sa yaman ng pamanang kasuotan at artistikong platapormang modang sining ng pananamit liban sa paggamit ng di- kumbensyonal na batis ay gumamit din ng ng iba’t ibang nakagawiang sanggunian batis ng impormasyon, halimbawa ay manuskrito, aklat, at artikulo mula sa mga silid-aklatan. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga primarya at sekundaryang batis, natugunan ng mananaliksik ang pangangailangang unawain ang konteksto at iba’t ibang aspekto ng kasaysayan at kultura ng lipunan. Pangunahing silid-aklatan na dinalaw ng may-akda para sa paglikom ng mga hinahagilap na datos para sa impormasyong pangkasaysayan kaugnay sa sinasaliksik na paksa ay ang UP College of Home Economics ng Unibersidad ng Pilipinas, National Museum of the Philippines, at MSU – Marawi Aga Khan Museum. Dinalaw ng may-akda ang unang dalawa noong taong 2022 habang ang huli naman ay nito lamang buwan ng Mayo 2024 . Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga eksperto at pag-aaral ng mga pasundayag-museo, mas napalalim ang kaalaman ng may-akda tungkol sa kaugnayan ng mga tradisyon, paniniwala, at pagbabago sa lipunang kanilang pinagmulan sa pagsipat na historiograpiko sa naturang mga nalikom na mga koleksyon, mga lathalaing nasinop, at mga ipinasundayag-museong yamang pangkultura ng mga Pilipino.
Sa kabuuan, ang sinasabing pasundayag na yamang pangkulturang kasuotan sa pagpapaunlad ng historiograpiyang Pilipino ay labis na mahalaga sa pananaw ng isang historyador sapagkat nagbibigay ito sa kaniya ng mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan at kultura ng lipunang inaaral na malimit ay nakapiit lamang sa tradisyonal na lapit, kaparaanan, at pagsasakasaysayan. Sa pamamagitan ng pasundayag ng yamang pamanang pangkasauotan at paggamit ng artistikong platapormang moda sa pananamit ng mga Pilipino, ang historyador ay nakakakuha ng pangkasaysayang insights hinggil sa iba’t ibang ekspresibong kulturang binabanggit na mahalaga sa pagpapaliwanag ng mga kalakaran, proseso, at pangyayari sa kasaysayan. Sa pagsasaksaysayan hinggil sa nakalipas, ang iba’t ibang uri ng mga pasundayag na yamang pangkultura sa kauotan gamit ang artistikong plataporma sa pagpasundayag ng tradisyon at nakahabi ng kultura sa pananamit ay ang pagkakaroon ng pagkakataong maipadaloy ang estetikong kapangyarihan ng moda. Ang mga panlipunang halagahin at paniniwala na makikita sa moda, pagkakaroon ng posibilidad na mahahango ang panlipunan at pampulitikang konteksto, pagkakataon sa pagsasadokumento ng praktikang pangkultura, pagbibigay- daan sa iba’ t ibang pananaw, at makapaghinuha ng interdisiplinaryong insights sa pagsasakasaysayan hinggil sa nakalipas ay siyang iniaambag ng pag-aaral na ito sa kasuotan at pagpapaunlad ng historiograpiyang Pilipino. Sa pagsasaliksik ng paksa tungkol sa moda o sining pananamit sa Pilipinas, ilan sa mga partikular at kongkretong puntong sinasapantahang mapakikinabangan mula sa pag-aaral ay ang mga sumusunod:
- Ang pag-unawa sa nakaraan gamit ang yamang pamanang pangkasuotan bilang ugitan ng danas at gunitang bayan ay mapaghahanguan ng mga di-factual na impormasyong mahalaga sa pagsasakasayayan;
- Ang paggamit sa artistikong platapormang moda ng pananamit bilang huluan ng di-berbal na komunikasyong pampubliko at daluyan ng mga panghalagahing simbolo, panlipunang ahensyang pananagisag o representasyong pangmadla ay magagamit sa pagsusulong ng katarungang bayan; at
- Ang pagbibigay saysay sa yamang pamanang kasuotan at modang sining sa pananamit bilang artistikong plataporma ay mayamang bukal ng panghalagahin, interpretibo, at teoretikal na mga impormasyong magpapayaman sa historiograpiyang Pilipino tungo sa pagbubuo ng sandig sa meta-mensaheng kaalamang pangkasaysayan.
Sa paggamit ng TPT sa pagsasaliksik ng paksa tungkol sa yamang pamanang pangkasuotan bilang cultural currency, at pangmodang sining sa pananamit gamit ang artistikong plataporma sa pagpapadaloy ng panlipunang ahensyang pangkasaysayan sa Pilipinas, di imposibleng maaaring magkaroon tayo sa hinaharap ng tradisyong intelektwal na magpapalalim ng pag-unawa sa kasaysayan at kultura ng bansa, at sa pagkakaroon ng makabuluhang kontribusyon sa lipunan ay mabubuo ang nilulunggating pambansang identidad ng mga Pilipino.
Paglingon, Pag-uugnay, at Pagkilala sa mga Naunang Susing Pag-aaral sa Pamanang Kasuotan at Modang Sining sa Pananamit
Mahalagang mabatid na sa pangkulturang pananaliksik ay makikita ang pagkakaugnay ng gagawing pag-aaral ng yamang pamanang saplot o kasuotan sa hayag na larang ng pag-aaral at paglikha ng kaalaman kaugnay sa pamanang kasuotan (heritage clothing), kultura sa pananamit (dressing culture), at panlipunang pagbibihis (social dressing). At dahil sa hindi lang iinog sa pagsasalaysay sa binanggit sa unahang kinaugaliang “pagsu-suot,” “pagbi-bihis,” at “pagda- damit,” kundi nakatuon ang pag-aaral na ito pangunahin sa historiograpikong pagsipat na lampas sa pagtinging estetiko, importanteng masalungguhitang pagpapalitaw sa mga nakakubling meta-mensaheng naroon sa moda ang pakay ng pag-aaral. Sa madaling sabi, pag-uugnayin ng akdang ito ang kalalagayan ng pag-aaral (state of the art) sa pamanang kasuotan, kultura sa pananamit, at panlipunang pagbibihis sa pamamagitan ng pagtatampok ng organikong historiograpiya (organic historiography) na gumagamit ng sandig sa sitwasyong pananaw (contingency perspective), salungat-sa- katotohanang kaparaanan (counter-factual method), at pagpapasya (decision) sa pagsasakasaysayan.
Gayundin, sa punto ng pagkakasangkapan sa kaalamang pangkasaysayang nalikha buhat sa organikong historiograpiya, mainam na makilala rin ang mga susing pag-aaral na gumamit sa pangkalahatan sa yamang pamanang pangkasuotan at artistikong plataporma ng modang sining sa kaalamang pangkasaysayang nalikha sa panlipunan, pangkomunidad, at pagkakakilanlang pag-unlad.
Para sa una, ang susing pag-aaral na magsisilbing pag-uugnayan ng pag- aaral na ito ay ang naging pananaliksik na may kinalaman sa pamanang kasuotan (heritage clothing), kultura sa pananamit (dressing culture), at panlipunang pagbibihis (social dressing) ay ang nangungunang ginawa sa paksang ito nina Mary Ellen Roach-Higgins at Joan B. Eicher na may pamagat na “Dress and Identity,” (1992) na bumaybay sa ugnayang namamagitan sa pagitan ng kasuotan at kultura. Ito ay mahalaga sa gagawing pagsipat sa tradisyon at kultura ng pananamit sa pangkalahatan. Pangunahing ideya ni Steele ang pagtingin sa modang sining bilang isang pangkulturang paglikha ng isinabuhay na identidad. Tinitingnan ni Steele na ang pananamit ay hindi lamang bilang isang pisikal na obheto kundi tinitingnan ang pananamit na kasangkapan sa paghubog upang maipasundayag ang pang-indibidwal at panlipunang kakanyahan sa loob ng partikular na pangkulturang konteksto. Sa kabuuan, ipinamarali ni Steele sa kaniyang pag-aaral ang isang pang- akademikong pag-unawa na ang modang sining, sa kaniyang malawak na kagamitan, ay gumagampan ng panlipunang pag-uugnayan at pag-uugnay ng katawan sa lipunan.
Sa kabilang dako, nagtampok naman si Adrian Forty ng kaniyang aklat na may pamagat na “Objects of Desire” (1986) ng pagsusuri sa pangkasaysayan at pangkalinangang kahalagahan ng mga inilalakong produkto, kasama ang kasuotan, at ang papel ng mga ito sa paghubog ng pang-indibidwal at panlipunang identidad. Ang ganitong diwa ng pangangatwiran ang siyang makikita rin sa akda ni Bernd Löbach na may pamagat na “Industrial Design” (1976) na sumiyasat sa prinsipyo ng disenyong masisilayan sa lahat ng mga produktong industriyal, kasama na ang kasuotan, at ang malaking epekto nito sa lipunan parikular ang nauukol sa pagkakakilanlan. Sinuportahan ng mananaliksik at iskolar na si Colin Gale ang gayong uri at kalidad ng pag-iisip sa kaniyang samu’t saring mga akdang nailathala na pumaksa sa kasuotan, tradisyon sa pananamit, at pamanang pangkultura na nagbukas para sa pagkakaroon ng lathalaing may kinalaman sa kasaysayang pangkasauotan sa iba’t ibang rehiyon ng Kanluran.
Sa kabilang dako, si Amardeep Rabha naman, bilang kilalang propesor sa disenyo ng modang sining na mula sa NIFT Shillong, ay umakda ng mga mahahahalagang pag-aaral na may kinalaman sa tradisyonal na kasuotan at pananamit sa India. Pinagtibay niya sa kaniyang pag-aaral ang halaga ng yamang manang pangkasuotan at mahalagang kaugnayan ng mga ito sa pang-indibidwal at panlipunang ekspresyon, pagpapahalaga sa kasuotan at moda sa paghubog ng pagkakakilanlan, at kinakasangkapan sa paglikha ng naratibong pangkasaysayan. Natuklasan sa kaniyang pangkulturang pananaliksik na ang yamang pamanang kasuotan, pangkulturang pananamit, at modang sining ay mahalaga sa pag-unawa at pagpreserba ng kasaysayan at kultura. Nabuo ang kaalamang ito sa pamamagitan ng ginawang pagsipat sa tradisyonal na disenyo, at mga simbolong kultural na nakahabi sa inaral na mga pamanang kasuotan.
Kapuwa ginamit ni Rabha ang primarya at sekondarya ng pamamaraan sa pananaliksik kasama na ang lakbay-aral tungong Goal para kung saan nakapanayam niya ang mga tanyag na manghahabi sa pook na iyon at pati na rin ang mga museum curator sa nasabing pook. Sa ginabayan at direktahang pananaliksik na binalangkas niya, pakay ni Rabha na tudlain ang simbolikong kahulugan mula sa mga disenyong nakahabi sa mga obrang sining sa mga kasuotan. Nakita ni Rabha sa kaniyang ginawang pag-aaral na isinasalamin ng mga disenyo sa mga habing pangkasuotan, kultura ng pananamit, at panlipunang pagbibihis ang kultura, panlipunang katayuan, kalagayang sibil, gampaning panlipunan, at mga espiritwal na paniniwala.
Ibig sabihin, malinaw ang pangkulturang kabuluhan ng binanggit na pampamanang kasuotan, kultura ng pananamit, at panlipunang pagbibihis sapagkat naging mayamang bukal ng metanaratibong pangkasaysayan itong huli na pinaglapatan ng non-factual information, mga pinaglilinang na kaparaanan sa pamumuhay, at mabisang naipapadaloy gamit ng platapormang modang sining. Mahalaga ang paggamit ng modang sining sapagkat nagtataglay ito ng kapangyarihang estetiko upang kasangkapanin para sa pagtatampok ng values information para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. Kumakatawan samakatuwid ang disensyong pananagisag sa pinagsasaluhang wika sa pagitan ng tagapagdisenyo ng mga kulturang sagisag at komunidad ng Goal para na epektibong naipapasa sa salinlahi ng mamamayan ng nasabing pook sa India. Sa pamamagitan nito, hindi lamang mauunawaan ang kanilang yamang pamanang pangkasuotan at kultura ng pananamit, kundi maaaring sa pagtinging historiograpiko ay tumatayo bila ng simboli kong a hensya a ng mga gayon na magpapatibay sa isinusulong ng pagaaral na ito tungkol sa sandig sa sitwasyong pananaw (contingency perspective), salungat-sa-faktwal na kaparaanan (counter-factual method), at pagpapasya (decision) sa pagsasakasaysayan. Sa ibang salita, malinaw ang pagkakaugnay ng pamanang kasuotan (heritage clothing), kultura sa pananamit (dressing culture), at panlipunang pagbibihis (social dresssing) sa kanilang pinagkaugatan, kanunuan, at pinagsaluhang kasaysayan, at tumatayong isang pangangailangan kung tutuusin sa pagbuo ng pangkulturang pagkakakilanlan ayon sa pagdidiin ng intelektwal na si ShodhKosh.
Sa pangalawang punto, ang binabanggit na historiograpikong pagsipat na lampas sa pagtinging estetiko, paggamit ng nasabing di- dokumentaryong batis sa pagsasakasaysayan na naglalayong magpalitaw ng mga nakakubling meta-mensaheng naroon sa moda ang siyang makikita sa ilang mga kilalang akademiko sa larang na ito ng kaalaman. Ang kilalang intelektwal tulad ni Susan Scafidi na sumiyasat sa isyu ng kultural na paglalaan at komersiyal na pananamantala sa mga tradisyonal na gawaing sining ay nagpapailanlang ng panawagan tungkol sa malaking panganib sa mga katutubong pamayanan. Bilang pagbibigay halaga sa mga tradisyonal na gawaing sining tulad ng pamanang pangkasuotan, kultura ng pananamit, at organikong modang sining na matatawag, sina Neil Hester sa persepsyon ng tao at kung paano ang modang sining ay maaaring gawaing isang anyo ng artistikong ekspresyon. Sa kabilang banda, sina Elizabeth Affuso at Susan Scott ay sumiyasat naman kung papaanong ang modang sining ay maaaring gamiting sub-kulturang ekspresyon at identidad, lalo na sa konteksto ng tinatawag na “sartorial fandom”. Si Joanne Entwistle sa magkaparehong tono ng tinig na pinailanlang nila Scafidi, Hester, at Affuso ay sumiyasat din kung papaanong ang kultura ng pananamit ay humuhubog ng persepsyon sa katawan at panlipunang kaugalian.
Sa partikular na punto, si Scafidi na umakda ng “ Who Owns Culture?: Appropriation and Authenticity in American Law” (2005) ay kritikal na sumiyasat kung papaanong ang modang sining at komersyal na interes ay makapanamantala at magsababa ng tradisyonal na gawaing sining at pangkulturang eskspresyon. Samantala, binigyang-diin naman nina Daniel Muthoni and Nyambura (2024) ang interseksyon ng kultura at pananamit sa paghubog ng unang impresyon at persepsyon ng tao sa kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa kung papaano ang pamimili sa saplot o kasuotan ay makapagpapadaloy ng mga mensahe patungkol sa kanino man at taglay na identidad o kaakuhan, estado o katayuang panlipunan, at katauhan ninuman.
Binigyang pansin nina Affuso at Scott sa akdang Sartorial Fandom; Fashion, Beauty Culture, and Identity (2023) sa kabilang dako ang interseksyon ng modang sining, fandom, at sub-kulturang identidad sa pamamagitan ng pagsusuri kung papaano ang indibidwal ay nagpapahayag ng kanilang identidad sa pamamagitan ng mga napiling produksyon ng modang sining at kung papaanong ang modang sining na nabanggit ay maaaring gagamitin sa paglikha at pagpapanatili ng sub- kulturang pamayanan. Samantala, dinitalye ni Entwistle sa kaniyang akdang pinamagatang The Fashioned Body: Fashion, Dress and Social Theory (2015) ang pagbibigay pansin sa panlipunang konstraksyon ng kasuotan at ang kaniyang papel sa paghubog ng panlipunang pag-uugali at pagpapahalaga sa katawan (Zhalobina 2018). Pinangatawiranan niyang ang kasuotan o pananamit ay hindi lamang basta panaplot sa katawan kundi bilang mahalagang elemento ng kaayusang panlipunan at isang kasangkapan o pamamaraan sa pakikipagtalastasan ng kahulugan. Wika nga niya bilang kaniyang pagdidiin, “Ang pananamit ay mahalagang sangkap ng pantaong persepsyon.”
Sa ikatlong bahagi, ay ang nauukol sa punto ng pagsasangkapan sa kaa la ma ng pa ngkasaysaya ng na l i k ha buhat sa orga ni kong historiograpiya na mainam na gamitin sa pangkalahatan sa panlipunan, pangkomunidad, at pagpa ka kilanlang pag- unlad. Ilan sa mga akademikong nagsulong gamit ang kaalamang pangkasaysayan para sa simulaing pag-unlad ay kinabibilangan nina Amartya Sen (1981) at Esther Duflo (2022) na nakatuon ang pag-aaral sa pang-ekonomikong pag-unlad. Samantala, sina Howard Zinn and Robin D.G. Kelley naman ay sumangkot sa paggamit ng kaalamang pangkasaysayan para sa panlipunang pag-unlad. Habang nakabilang naman sina Michael Mann (2009) at Desmond McNeill (2004) para sa kasaysayan at polisiya.
Sa larangan ng pang-ekonomikong pag-unlad na kinasangkutan nina Sen at Duf lo, na malimit ay kumukuha ng pangkasaysayang datos at pang-ekonomikong modelo upang unawain ang patterns ng pag-unlad ay tumutukoy sa epektibong interbensyon o kaparaanan. Inanalisa halimbawa nina Sen at Duflo ang pangkasaysayang pattern ng kalakalan upang unawain halimbawa ang kasalukuyang di-pantay na kalakalang panrehiyon o ang pasisiyasat sa mahalagang papel ng partikular na institusyon sa nakaraan sa pagsusulong o pagiging sagabal o balakid ng mga ito sa pang-ekonomikong pag-unlad.
Kung babalikan, binigyang- diin nina Mann at Mc Neill ang pagsusuri sa pangmatagalang kalakaran at patterns pangkasaysayan upang unawain ang mga puwersang humuhubog sa pandaigdigang pag- unlad at kung papaano ang kasalukuyang mga polisiya ay maaaring maiimpluwensyahan ng pangkasaysayang konteksto.
Sa kabuuan, may i lang mga susing hakbang na ginawa ang mga intelektwal na ito na gumamit ng kaalamang pangkasaysayan upang kamtin ang simulaing pag-unlad bilang bagong katangian ng historiograpiya at pagsasakasaysayan sa nakalipas. Pangunahin sa mga ito ay ang mga sumusunod na mga hakbang: 1.) pagtukoy sa naging leksyon sa nakalipas; 2. pag-unawa sa pinagkaugatan ng kasalukuyang progblema; 3. pag-aanyo sa pampolisiya at praktika ng agenda sa pag- unlad; at 4. pagsusulong ng mapanuring kaisipan at pakikipag-ugnayan.
Para sa una, pinahalagahan at ginagamit ang bunga ng pag- aanalisa ng pangkasaysayang pangyayari at kanilang kinahinatnan upang matukoy ang patterns sa naging tagumpay at kabiguan, kung saan ay walang pag-aalilangang nagsisilbing gabay para sa binubuong inisyatibang pangkaunlaran. Binigyang pansin halimbawa na ang pag-aaral sa pangkasaysayang pag-unlad sa iba’t ibang rehiyon ay nakatutulong upang matukoy kung alin ang gagana at alin ang hindi ayon sa nakitang magkakatulad na mga hamon sa nakaraan at kasalukuyan.
Samantala, mahalaga rin sa itinataguyod na impact- driven na inisyatibang pangkaunlaran ang kaalamang pangkasaysayan sapagkat nagsisilbing tanglaw ng pangkasaysayang konteksto sa pag-unawa sa mga naging ugat sa nagpapatuloy o yaong di-lumulubay na mga hamon kaugnay sa mga isinuslong na inisyatibang pangkaunlaran. Ang mga kalakaran halimbawa sa kasaysayan na may kinalaman sa kagutom, di-pagkakapantay-pantay, at mga tunggalinan na hatid ng kolonyalismo, pang-aalipain, at iba pang anyo ng pandadahas, at kaalamang pangkasaysayang mula sa ganitong pangkasaysayan at sektoral na konteksto ay nagsisilbing salamin sa mga simulaing pangkaunlarang ipinatutupad sa lipunan.
Liban sa pag hubog ng mga polisiya at maipapatupad na pangkaunlarang proyekto ay maisusulong ang karitikal na kaisipan at pakikipg-ugnayan. Ang mga iskolar sa partikular na nagpapahalaga sa kaalamang pangkasaysayan sa mga inisyatibang pag-aaral ang malimit na nagtataguyod sa binabanggit na kritikal na kaisipan hinggil sa nakalipas at kasalukuyang kaganapan. Nagdadala ang gayon sa malalim na pag-unawa sa kumpleksidad ng kaunlaran at higit na mas tukoy na lapit upang tugunin ang kaugnay na mga hamon.
Si Sen na kilalang Nobel laureate at ekonomistang iskolar ay malawakang sumulat hinggil sa pang- ekonomikong pag-unlad (development economics) at gumamit ng mga datos pangkasaysayan sa kaniyang pananaliksik at pag-aakda upang analisahin ang bumabagabag na suliraning may kinalaman sa patterns ng kagutom, kahirapan, at kawalang pagkakapantay-pantay. Sinuportahan ni Duf lo, isa ring kilalang Nobel laureate at ekonomista ang isinagawa ito ni Sen sa pamamagitan ng pagsagawa ng ekstensibong pananaliksik hinggil sa pagpababa ng kahirapan at pag-unlad. Pawang gumamait ng pangkasaysayang datos tulad sina Sen at Duflo at bumuo kapuwa ng modelong pang- ekonomiko upang subukin ang bisa ng iba’t ibang kaparaanan ng pagtugon sa nabanggit na mga suliraning panlipunan.
Si Zinn ay maituturing na kahanay din sa larang ng panlipunang pagsasakasaysayan dahil sa paggamit nito ng katarungang panlipunan at humamon sa dominanteng naratibo. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-unawa ng lived experiences ng mga nasa laylayang lipunan. Kaugnay sa paghagilap sa patterns pangkasaysayan, bagama’t hindi nakatuon sa panlipunang pagsasakasayan, nagpakadalubhasa si McNeill sa pangmatagalang kalakaran at patterns sa kasaysayan. Sinuri ni McNeill halimbawa ang tungkol sa mga puwerang pangkasaysayan na humubog sa pandaigdigang pag-unlad at kung papaanong ang kasalukuyang polisiya ay maaaring maimpluwensyahan ng kontekstong pangkasaysayan.
Paglingon, Kasangkapang Konseptwal, at Teoretikal sa Pananaliksik
Malinaw na sa inilahad na ginawang paglingon at pagpapahalaga sa mga naunang akda nakatuon ang estado ng pag-aaral sa pamanang saplot o kasuotan sa relasyon nito sa pinagkaugatan, kanunuan, at pinagsaluhang kasaysayan, at klarong tumatayo ang mga ito bilang kasangkapan sa pagbuo ng pangkulturang pagkakakilanlan.
Samantala, malinaw rin sa ginawang pagpapahalaga alinsunod sa historiograpikong pagsipat na isinagawang lampas sa pagtinging estetiko, gayundin sa pagpapalitaw ng mga nakakubling meta- mensaheng naroon sa moda ang mga nagawang pag-aaral ay umiinog sa pagsusuri ng mga pangkasaysayan at pangkalinangang kahalagahan ng mga inilalakong produkto, tradisyonal na kasuotan, at pagpapahalaga sa mga ito sa paghubog ng pang-indibidwal at panlipunang identidad, at ang punto siempre kung sasalitain pa sa aksesibilidad at pagkakaroon ng lathalaing may kinalaman sa kasaysayang pangkasauotan.
Gayundin, umabot na rin kahit papaano ang mga naunang pag-aaral sa pamanang saplot o kasuotan sa antas na nagbigay halaga sa yamang manang pananamit at pagkakaugnay ng mga ito sa pang-indibidwal at panlipunang ekspresyon, pagpapahalaga sa kasuotan at moda sa paghubog ng pagkakakilanlan, at pagtingin dito sa kabilang dako bilang kasangkapan sa paglikha ng naratibong pangkasaysayan.
Magkagayunman, bagama’t hayag na ring nakikitang ang naunang mga pag-aaral ay may malaking potensyal na historiograpiko sapagkat ang gayong mga di-dokumentaryong batis na saplot o kasuotan, kasama na maging ang kultura ng pananamit, hindi lamang panlipunang ekspresyon at naghuhubog ng persepsyong pantao sa kanino man, kundi makabuluhan ang mga ito na kasangkapanin bilang materyang pangkasaysayan at maaaring gawing plataporma sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayan. Bunsod ito ng pangkulturang pananagisag na mayroon ang lahat ng obrang moda na higit na nakikita sa panlipunang kasuotan at nagtataglay kung gayon ng kapangyarihang estetiko para sa mabisang pagpapadaloy at pagpapalitang pangkultura sa bisa ng mga di-berbal na mensahe para sa hinahangad na pagbabago o pag-unlad (Zou & Joneurairatana 2020).
Sa kabilang banda, napansin ding ang kalalagayan ng pag-aaral hinggil sa pagsasangkapan sa kaalamang pangkasaysayan ay umiinog sa pagkilala rito bilang importanteng datos sa pagsusulong ng agendang pangkaunlaran (Nasson n.d.), lalo na ang tuon sa paggamit ng mga datos pangkasaysayan upang maestablisa halimbawa ang patterns pangkasaysayan sa mga hamong nagsisilbing balakid sa panlipunang pag- unlad at pagbuo ng mga polisiya na may kaugnayan dito. Maituturing na igpaw na malaki sa malay na paggamit ng kaalamang pangkasaysayan ang pagtatampok ng katarungang panlipunan na nahuhugot mula sa leksyon ng nakaraan at humamon sa dominanteng naratibo sa diskurso ng paglikha ng kaalamang pangkasaysayan at simulaing pag-unlad sa lipunan (Kelly, Meuwissen, and Vansledright 2007). Sinelyohan ni Desmond McNiell (2004) ang pagpapahalaga sa kaalamang pangkasaysayan at kabuluhan nito sa simulaing pag-unlad sa pamamagitan ng pagtukoy sa halaga ng mga puwerang pangkasaysayan na nagbibigay hugis sa pandaigdigang pag-unlad at kung paanong ang kasalukuyang polisiya para sa kaniya ay maaaring maimpluwensiyahan ng kontekstong pangkasaysayan. Sa kabuuan bagama’t malayo-layo na rin ang narating ng paggamit ng yamang pamanang saplot o kasuotan bilang cultural currency at pinagkakaugatan ng kultura sa pananamit at pinagmumulan sa kabilang dako ng paglikha ng plataporma ng modang sining para magamit na habian ng mga mahahalagang simbolong kultural at nagsisilbing ahensya sa pagbabago, di pa rin kategorisadong natukoy ng mga naunang pag- aaral ang historiograpikong pagtingin sa mga ito bilang pangkasaysayang materya na maaaring gamitng lunang pangkaisipan na pagmumulan ng pagpapaksang pangkasaysayan, batis ng mga impormasyong pangkasaysayan, at mayamang bukal ng pangkulturang pananagisag na mahalaga sa pagpundar ng meta-mensahe sa pagsasaysayan. Ang ganitong puwang sa pananaliksik at pag-aaral pangkasaysayan ang pinupunan ng akdang ito.
Sa pag-aaral na gagawin, hinihinuhang ang malaking puwang sa pananaliksik at pag-aaral na historiograpiko sa punto ng pagkilala sa lawak ng materyang pangkasaysayan ay ibinunsod ng malalim na pagkakaugat sa tradisyon ng determinismong historikal, positibismo, at pagbibigay halaga sa mga salik na pangkasaysayan (Russel 2021). Maituturing na hindi organiko ang ganitong tradisyong historiograpiko sa ating mga Pilipino bunsod ng kontekstong historikal sa Kanluran kung saan ay naging malaganap ang paniniwalang nagaganap ang mga pangkasaysayang pag-unlad ayon sa pre-determined patterns na malimit iniuugat sa danas na pangkasaysayan ng Europa, higit lalo na sa panahon ng Enlightenment, at pag-unlad ng mga modernong panlipunan at pampulitikang pagpapalagay o teorya. Hinubog ayon dito ang pampilosopikal na perspektibo ng malawak na mga salik kasama na yaong pag-usbong ng siyentipikong kaisipan, impluwensya ng mga ideyang panrelihiyon, at mga tiyak na pangkasaysayang tunguhin ng lipunang Europeo.
Kung sisipating mainam, ang argumentong naihulma ng padron ng yari ng kaayusan (predetermined patterns) bilang diwang-buod ng historiograpikong kategoryang pangkasaysayang determinismo (historical determinism) ay hinubog ng danas ng mga Europeo sa Enlightenment at kanilang simulain sa pag-unlad. Binigyang-diin sa panahon ng Enlightenment ang ideya ng rason, siyentipikong pagtatanong, at ang posiblidad para sa progresong pantao. Nagdala kung babalikan sa tala ng kasaysayan ang gayong tradisyong pangkaisipan sa pagkakaroon ng linyar, pasulong na pananaw sa kasaysayan, kung saan ang lipunan ay sinasabing sumusulong patungo sa maliwanag at maunlad na bukas. Sa kontekstong ito ng nabuong pampilosopikal na pananaw napaunlad nina Georg Wilhelm Friedrich Hegel at Karl Marx ang kanilang kaisipang historiograpiko na tumitingin sa kasaysayan bilang prosesong teleolohikal at humahakbang patungo anila sa predeterminadong mithiin o pangwakas na kalalagayan (Blunden n.d.). Sa magkapareho ring kaisipan tungkol sa naihulma nang yari ng kaayusang padron (predetermined patterns) bilang diwang buod ng pangkasaysayang determinismo na nakita sa Europa ay ang tiyak na pangkasaysayang konteksto kaugnay sa danas ng mga lipunan sa Europa. Ang kanilang kolektibong danas sa kapitalismo, industriyalisasyon, at kolonyalismo ay gumatong sa pag-unlad ng mga teoryang nagpapaliwanag sa kasaysayan bilang isang proseso ng di-maiiwasang pagbabago at transpormasyon. Ang pag-unlad ng siyensiyang pang-agham tao tulad ng sosyolohiya at ekonomiks ay nagbigay ng mga batayang kaisipan sa pag-unawa pangkasaysayan sa pamamagitan ng mga panlipunang istruktura at puwersang pang- ekonomiya. Sa kaso ni Marx kung babalikan at sipatin ang kaniyang historiograpikong pananaw, malinaw na makikita sa kaniyang nabuong pangkasaysayang materyalismo ang ideyang pangkasaysayang determinismo na ang kasaysayan paliwanag niya ay hinuhubog ng mga puwersa ng produksyon at ang makauring pakikibaka sa huli ang siyang magdadala tungo sa pinaniniwalaan niyang komunistang rebolusyon. Sa ganito ring hulmang pangkaisipan nakakahon ang Nazismo na pinasimunuan ni Adolf Hitler kung saan ay malay na ginamit niya ang pangkasaysayang determinismo upang bigyang katuwiran at lehitimasyong pangkasaysayan ang kaniyang isinulong noon na makalahing pakikibaka. Makikita ito halimbawa sa itinaguyod na konsepto ni Hitler na antasang panlahi (racial hierarchy) at ideya niya ng angat na lahi (racial superiority) na kaniyang ginamit para itampok ang istrukturang makalahi na nagdidetermina para sa panlipunang pagsulong at pag-unlad ng lahing Aryano. Makakamit para kay Hitler ang sa komunismong adhikain ni Marx sa pag-unlad ng mga uring prolitaryado kapag naisakatuparan ang kanilang makalahing bersyon ng pakikibaka sa nilulunggati nilang “Lebensraum” o espasyong laan (Eastern Europe) para sa paninirahan ng mamamayang Aleman.
Sa ibang salita, dahil sa hindi kontekstuwalisado ang pangkasaysayang determinismo, hindi organiko ang positibismo na isang metodolohiyang sandig sa mga fact-based na impormasyong pangkasaysayan , at sumasalungat sa pantaong ahensya ng pangkasaysayan ang pangkasaysayang salik sa pag- uunawang pangkaganapan, hinihinuhang hindi nasasapul ng ganitong pang- intelektwal na tradisyong historiograpiko ang pinagkasanayan at nakasanayan ng maraming historyador na Pilipino. Sa puntong ito, ipinagpapalagay kung gayon na ang sandig sa sitwasyong pananaw sa pangyayari (contingency perspective), salungat- sa-fakt-na- metodolohiya (counterfactual method), at sariling pagpapasya (decision) ( Wenzlhuemer 2009) ay ating mabawi ang nawaglit na organikong historiograpiyang magsasakapangyarihan sa mga Pilipino. Isinasaad ko kung gayon na nakasandig sa organikong kaparaanan sa pagsasakasaysayang gumagamit ng yamang pamanang pangkausotan bilang materyang pangkasaysayan ang paglikha ng kaalamang pangkasaysayan na tumitingin sa modang sining bilang daluyan ng meta-naratibong pundasyon sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayang Pilipino.
Para sa reyalisasyon ng gayong pormula ng pagsasakasaysayan, sa paano nga bang kaparaanan maisasagawa ng historiograpikong pagsipat sa halimbawa ng pamanang kasuotan bilang materyang pangkasaysayan at platapormang modang sining makakalikha ng kaalamang pangkasaysayang magagamit para sa simulaing pag-unlad? Sa pag-aaral na gagawin, nilalayon ng akdang ito na mapunan ang malaking puwang, kung hindi man, mapawalang bisa ang kinasanayang intelektwal na tradisyong historiograpiko tungo sa ikalalayang intelektwal ng mga iskolar na Pilipino.
Upang balangkasin ang mga tiyak na katanungan: (1) paano ikonsidera ang yamang pamanang pangkultura sa malawak na larang ng yamang pambansa sa konteksto ng pagtataguyod ng kaloobang bayan para sa buhay, ginhawa, at dangal?; (2) Ano sa partikular ang yamang pamanang pangkultura ang magagamit na materyang pangkasaysayan, kalinangang pangkasuotan, at platapormang sining ang maaaring gamitin at paglalapatan ng historiograpikong pagsipat para sa pagsasakasaysayan?; at 3. Bakit mahalaga ang historiograpikong pag- aaral sa pamanang saplot o kasuotan at modang sining sa pagsasakasaysayan upang bumuo ng kaalamang pangkasaysayan?
Sa mga na kasaad na mga kata nunga n , magiging gabay ito upang bumalangkas ng mga tiyak na layunin ng pag-aaral upang makapaghamon kung di man, ipawalang saysay ang pananaw hinggil sa pangkasaysayang determinismo, positibismo sa kaparaanan ng pananaliksik, at pagpapahalaga sa mga salik pangkasaysayan. Unang tiyak na layunin ay makapagbigay ng ideya sa larang ng pamanang pangkultura na inaasang tutugon para sa kaloobang bayan sa buhay, ginhawa, at dangal. Samantala, sa ikalawang tiyak na layunin, nais namang makamit ng pag-aaral na ito na matukoy ay ang partikular na yamang pamanang kultura na mapaglalapatan ng organikong sipat na historiograpiko na magiging daan sa pagsasawalang bisa ng Kanluraning historiograpiyang makabuo ng sandig sa pamana materyang pangkasaysayan, organikong historiograpiyang tumutugon sa pangangailang magkaroon ng estratehiko at ingkulusibong naratibong pangkasaysayan, at mabigyang saysay ang modang sining bunsod ng kapangyarihang estetiko nitong makapagpasundayag ng mga pangkalinangang simbolo para sa pagbuo ng ahensyang pangkasaysayan. Samantala, para sa huli ay mabigyang saysay ng pag- aaral ang uri ng pagsasaksaysayang nagdadala ng impact-driven na pagsasakasaysayang magiging sandalan sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayan para sa inisyatibang pag-unlad.
Sakop, Delimitasyon, at Daloy ng Akda
Ang pag-aaral na ito hinggil sa kasuotan bilang pasundayag na pangkultura na isasagawa sa pamamagitan ng pagsipat sa itinampok na pamanang saplot o pangkasuotan at pagtingin sa modang sining ng Pilipinas bilang platapormang artistiko, ang malinaw na sakop ng gagawing pag-aral. Sinipat sa pag-aaral ng kasuotang Pilipino gamit ang iba’t ibang pananaw at disiplina tulad ng kasaysayan, antropolohiya, at sining. Ang delimitasyon naman ay nakatuon sa pagtingin sa saplot o kasuotan bilang cultural currency at ginamit na materyang pangkasaysayan sa kontekto ng pagpapaksa, batis ng impormasyon sa pagsasakasaysayan, at pagpapahalaga rito upang magsilbing kuhanan ng panghaagahing impormasyon tungo sa pagbubuo ng meta-mensahe na mahalaga sa meta-naratibong pangkasaysayan.
Sa pagsasakasaysayan gamit ang modang pangkasuotan ng Pilipinas, mahalagang unawain ang mga kontekstong historikal at pangkultura na nakapaloob sa bawat kasuotan. Ito ay naglalaman ng pagsusuri sa mga impluwensya mula sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, mga tradisyon, at karanasan ng mga Pilipino sa paghubog ng kanilang pananamit. Sa pamamagitan ng pangkulturang pananaliksik, natutukoy natin ang mga kahalagahan ng kasuotang bayan bilang ekspresyon ng ating panlipunang adhikain, pagkakakilanlan, at kaugaliang Pilipino.
Sa huli , a ng pagsusuri sa saplot ng katawa n at kasuota ng baya n ay n agbibigay- da a n sa at i n upa ng m a s m au n awa a n at mas mapa ha laga ha n a ng kasaysaya n at ka ha laga ha n ng ating pang k a suotang P i l ipi no. Sa pam am ag itan ng pang ku lt u rang pananaliksik at pagsasakasaysayan, mabubuksan natin ang mga pintuan patungo sa mas malalim na pag-unawa sa mga aral, kuwento, at identidad na taglay ng bawat saplot na ating isinusuot. Ang kasuotang bayan ay hindi lamang simpleng pananamit kundi pati na rin isang talinhaga ng ating kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Sugnay sa ganitong inisa-isang mga tiyak na layuin ng pag-aaral, hinati ko sa tatlo ring bahagi o kabanata ang daloy ng talakayan sa i lalim ng mga sumusunod subtema: 1. Yamang Pamanang Pangkultura Bilang Bahagi ng Pambansang Yaman sa Pagtataguyod ng Kaloobang Bayan; 2. Yamang Pamanang Pangkultura Bilang Bahagi ng Pambansang Yaman sa Pagtataguyod ng Kaloobang Bayan; at 3. Artistikong Platapormang Pangmoda sa Pananamit sa Pagbuo ng Kaalamang Pangkasaysayan sa Pilipinas.
Tatalakayin sa unang bahagi ang tungkol sa pagsasakonteksto sa malawak na yamang manang Pilipino at sa partikularidad nito sa pamanang kultural kung saan nakapook ang saplot o kasuotan. Samantala, bibigyang pansin naman sa ikalawang ba hagi ang elaborasyon ng pagtalakay sa kung ano ang ibig sabihin ng yamang pamanang pangkultura at saysay nito sa kolektibong simulain ng lipunan o bayan.
Sa kabilang dako, sisipatin naman sa ikatlong bahagi ng papel ang pagtalakay sa kabuluhan ng saplot o kasuotan gamit ang lente ng modang sining at artistikong plataporma sa pagsipat na historiograpiko at pagsasakasaysayang Pilipino. Sa huli ay maglalaan ng konklusyon ang may-akda upang bigyang saysay ang ginawang pag-aaral.
I. Yamang Pamanang Pangkultura Bilang Bahagi ng Pambansang Yaman sa Pagtataguyod ng Kaloobang Bayan
Sa konteksto ng pangkasaysayang pananaliksik, upang maitaguyod ang kaloobang bayan para sa buhay, ginhawa, at dangal (Villan 2009 & 2021), ang mga yamang mana ng lahi ay tinitingnan sa puntong ito bilang mahalagang sangkap sa pagkamit ng pangkabuuang mithiin ng mamamayan, at hindi basta estatikong relikya o sinasaulong datos lamang sa nakaraan. Maari silang gamitin upang magbigay impormasyon sa mga plano ng pagpapaunlad (McNeill 2004), itaguyod ang malawak na konsepto ng kultural na turismo upang palakasin ang pagmamalasakit sa komunidad, at suportahang aktibo ang paglago ng ekonomiya sa kabuuan.
Sa pagsasagawa nito halimbawa para makapagbigay impormasyon tungkol sa mga plano ng pagpapaunlad na pambansa o pang- komunidad, pinakamahalaga rito ay ang pag-unawa sa kontekstong pangkasaysayan (McNeill 2004). Sa pamamagitan ng pangkasaysayang pananaliksik na sandig sa organikong historiograpiya at lapat-sa- bayang pagsasasakasayan na isinasagawa sa paraang pagtuklas sa mga meta-mensaheng nagmumula sa pamanang kultural ng mamamayan, ay maaaring ipakita ang mga istilo o modelo ng pag-unlad na hango sa kamalayang bayan, mga hamon sa imprastraktura, at mga tagumpay o kabiguan sa nakaraan, na maaaring magbigay ng impormasyon sa kasalukuyang pagpaplano at pagdedesisyon.
Tangi rito at higit na marapat na huwag kaliligtaan ay ang pagtukoy sa organikong kaalaman sa pambansa o pang lokal man itong antas. Palibhasaý ang kontekstwalisadong pangkasaysayang pananaliksik at pag- aaral na nakaugat sa bayan, ay nakapagbibigay ng mga mahahalagang pananaw sa mga praktis na pangmatagalang tagumpay, kinagisnang paraan ng pagpundar ng mga imprastraktura, at mga pangangailangan ng komunidad, na maaaring isama sa mga proyektong pag-unlad. Partikular na halimbawa nito ay ang pagpapaalam sa pagpaplano ng espasyo sa pamamagitan ng paggamit ng mapang historikal, arkeolohikal na mga natuklasan, at pisikal na disenyo ng mga pamayanan ay makatutulong sa urbanisasyon ng pagpaplano, proseso sa pagtatakda ng pag-unlad na mga sona, at pangangalaga ng mga mahahalagang lugar. Mainam na ang isasapraktika rito ay ang paghahanap ng mga naimapang pamanang yaman sa lugar upang mapangalagaan sa kabuuan ang yamang mana ng lahi.
Sa kabilang dako, liban sa na kapagbibigay impormasyong kapangyarihan ng kasaysayan na lapat sa organikong historiograpiya na gumagamit ng yamang pamanang kultural, at pagpapapahalaga sa organikong kaalamang pangkomunidad sa pagpaplanong pag- unlad na gagawin, ay ang pagbabakas sa marilag na nakaraan ng komunidad (Mishra 2022)– pambansa man o panglokal itong antas— sapagkat sa pamamagitan nito ay nagiging matingkad ang pag-ibig sa: tinubuang lupa (topophilia), komunidad (communitiphilia), tahanan (domatophilia), lipi (ethnophilia), angkan (clanphilia), mag- anak (familiphilia), at organisasyon o samahan (organophilia)—na batayan samakatuwid ng pagkakaisa, pagsama-sama, at pagbubuklod para sa kolektibong simulain ng pag- unlad. Ang paglingon sa binabanggit na marilag na nakaraan (glorious past), ibig sabihin ay ang pagbibigay saysay na gagawin patungkol rito ang nagpapalakas sa layuning maiangat ang simulain sa pagpapaunlad at estratehikong pagpapasya dahil nagbibigay ito ng konteksto, aral, at kaalaman na maaaring humubog ng mas epektibong mga estratehiya sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga pangangailangang gagawin, nakapagdudulot ito ng tagumpay, natututo ang lahat kung papaano mapalilitaw ang mga positibong bunga at maiiwasan ang mga pagkakamali sa nakaraan. Sa pamamagitan ng perspektibong pangkasaysayan na ito ay nakatutulong din sa atin na makita ang pangmatagalang trend, potensyal na mga hamon, at pagkakataong makasilip sa dahilan ng mga ginawang pagpapasya sa nakaraan na magagamit sa pagsipat sa mga kalakaran at kaganapan sa kasalukuyan.
Isa sa mga naging hayag sa kasaysayan ng mundo na gumamit ng pangkasaysayang pananaliksik at kinasangkapan iyon sa pagmadlang gamit ng estratehikong paglingon upang bakasin sa nakaraan ang tungkol sa marilag na kalakaran at kaganapang pangkasaysayan ay ang pagsasakasangkapan nito para sa pagtataguyod ng kultural na turismo na nakaprioritisa sa pagbuo ng pambansang pagkakakilanlan, pangkomunidad na pagpapaunlad, at diplomasyang kultural sa harap ng mga pandaigdigang komunidad. Naisasagawa ito halimbawa sa pamamagitan ng paglikha ng pangturistang destinasyon tulad ng pagtukoy, pagmamapa, imbentaryo, at pagpapasundayag sa anyo ng pagkakaroon ng mga museyo, pagtataguyod ng pangkulturang pagdiriwang, pagpapaunlad ng pampublikong espayo gamit ang pangkulturang pananagisag, malikhaing paggamit ng mga pasilidad pangtransportasyon at pananangkapan dito bilang platapormang kultural sa pagpapasundayag na pangkultura at pangkasaysayan, di-naglilikat na paggamit ng iba’t ibang platapormang pangkultura at pansining para sa pang-estetikong pagsasakapanyarihan ng damdaming bayan, ingklusibong paggamit ng iba’t ibang palatapormang institusyonal sa pagpapadaloy ng halagahing bayan, at pag-organisa ng mga talakayang pangkultura dito sa loob at maging sa labas ng bansa. Sa pamamagitan nito, hindi lang nagagawa ng pagpapasiglang pangkultura, nagbubukas ito ng daan sa proseso ng kulturalisasyon, at nagsasabuhay muli ng mga naipamanang panlipunan at pangkomunidad na yamang halagahing bayan na pundamental sa hinahangad na simulain sa pag-unlad.
Sa kabuua n, a ng mga ito ay nagpapabuti sa da nas ng mga bisitang turista sapagkat ang nabubuong pag-unawa sa kasaysayan at pagpapahalaga sa isang lugar ay nagiging daan sapagkat ang masining, kawili-wili, at lapat-sa-kulturang turismo ay nagdadala ng kongkreto at pangmatagalang pagkakatuto sa mga tao. Sa pamamagitan nito, hindi lang sila naging masaya at edukado sa kultura ng dinayong pook, kundi napahahalagahan nila ito at nagbibigay apirmasyon sa importansya ng kasiglahang pangkultura at nagpapatingkad sa importansya nito sa pambansa at panlipunang pag-iral. Nasusuporthan din nito ang paglago ng ekonomiya at negosyo dahil naglilikha ito ng oportunidad sa pagbangon ng kalakalan, nagpapalakas sa malikhang paggawa, nagpapatingkad sa entrepreneurial skills, at nagpapalago ng kamalayan para sa preserbasyon ng pamanang bayan. Sa pamamagitan ng pagsasakonteksto kung gayon sa pambansang yamang mana, ang pag-aaral sa saplot o kasuotan at modang sining gamit ang sipat na historiograpiko, makakamit ang inisyatibang pangkaunlaran na sandig sa pagsasakatuparan ng kaloobang bayan.
II. Yamang Pamanang Saplot o Kasuotan sa Sipat na Historiograpiko at Pagsasakasaysayan
Katulad nang nasabi na sa unahang bahagi ng akda, ang yamang manang kasuotan (heritage dressing) ay hindi lamang marapat na tingnan bilang isang saplot o panakip-katawan kundi maituturing na isang social at cultural currency (Future Forum n.d.; Wonder 2023; Shurman & Qaqish 2024). Tumutukoy ang cultural currency sa tinatawag na pang-intelektwal at emosyunal na yaman na binuo ng isang lipunan, samahan, o bayan kapag ito ay aktibong tumatanggap iba’t ibang pananaw, nagpapalaganap ng bukas na pahayag, at nagtataguyod ng tunay na pagkakasama (Wonder 2023; Shurman & Qaqish 2024). Nasusukat ang bisa ng cultural currency ayon sa kinagawiang praktis ng pagtugon sa mga hamon gamit ang mga yamang intelektwal, emosyunal, malusog na komunikasyon, at antas ng aktibong pakikilahok ng mga kasapi ng komunidad. Nakikita ang yamang intelektwal na ginagamit na cultural currency ng lipunan o bansa sa naimpok, natipon, naisimpan, at naitabing kaalaman, kasanayan, karanasang tinataglay ng isang tao o bayan.
Sa gayon ding pagtingin, ang emosyonal na yaman kaugnay ng social at cultural currency ay ang organiko at likas na pagkakaugnay ng mga damdamin, pagdamay sa dinaramdam na sakit (empathy), at pag-uunawa ng bawat kasapi ng grupo, samahan, at bayan sa isa’t isa (Future Forum n.d.; Wonder 2023; Shurman & Qaqish 2024). Nagagamit sa pangkalahatan ang cultural currency bilang social capital kung saan ang bawat isa o bayan ay namumuhunan sa pakikipag-ugnayan at pagtutulungan upang makapagpundar ng malusog, magtatag, at makapangyarihang lipunan o bansa. Mabisang naisasagawa ang paggamit ng cultural currency sa pamamagitan ng binabanggit na pamumuhunan sa pagtukoy sa mga larangan, paggamit sa partikular na yamang mana tulad ng saplot o kasuotan at mga larang, uri, at anyo nito, na ipinapadaloy sa lipunan gamit ang platapormang modang sining. Sa pamamagitan ng estetikong kapangyarihan ng modang sining, pangmalawakang tinatanggap ang anumang nakapag-uugnay na mga halagahin sa bawat kasapi at naging potensyal na panlipunang sandata na ginagamit sa simulaing pagbabago o pag-unlad. Sa ibang salita, liban sa papel ng saplot o kasuotan na pantabing sa pisikal na anyo ng pagkatao, bilang eskpresyon ng pagiging tao, ang saplot o kasuotan kung gayon ay nagsisilbing panlabas na pananamit (outer dress) (Akdemir 2018).
Bunsod rito, hindi dapat pagtakhan ninuman kung bakit kinakasangkapan ng tao sa loob ng lipunan ang binabanggit na kultura ng pananamit (dressing culture) na makikita halimbawa sa pagkakaroon ng di-nagmamaliw na mga aksyong-salitang may kinalaman dito tulad ng pagsusuot, pagbibihis, paggayak, pagpadayag (pagrampa na ngayon ang tawag), pananagisag, at pagsasakabuluhan sa ginawa, tinahi, binorda, at iba pa sa ginawang saplot, damit o kasuotan. Sa ibang salita, nakabatay sa panlabas na saplot o kasuotan na kinakasangkapan ng tao ang pagpasundayag ng kanilang pagkatao sa kapuwa; habang ginagamit naman sa kabilang dako ng tao ang kultura ng pananamit (dressing culture) upang itampok ang kalakasan at kapangyarihan ng pagiging tao ng tao.
Samantala, liban sa konteksto ng pamanang kasuotan (heritage dressing) na nagsisilbing batayan ng pagiging tao (person), at kultura ng pananamit (dressing culture) na kinakasangkapan sa paglikha ng pagkatao ng tao (personality), ay isinalarawan sa Talahanayan 1 ang pagtingin sa panlipunang kasuotan (social dressing) na kinukonsidera ng pag-aaral na itong saligan naman sa pagbubuo ng katauhan ng tao (personhood). Tumutukoy ang panlipunang kasuotan (social dressing) partikular sa sadyang pagpili ng tao ng kaniyang saplot o kasuotang isusuot na dulot ng kaniyang maingat na pagmumuni-muni para sa tiyak na kontekstong panlipunan, pagdiriwang, at iba pang okasyon sa isang partikular na pook o panahon (Sartorial Etiquette 2023; Johnson n.d.). Sakop ng maingat na pagmumuni-muni sa pinipiling kasuotang isusuot o ibibihis ang pag-unawa sa kalikasan ng pagdiriwang na lalahokan at kinalulugaran ng isang okasyong pagdayagan. Tinitiyak ng nagpapadayag ng sarili ang gamit ang kontekstwalisado sa okasyong saplot para sa kaayusan, kaangkupan, at karilagan ng isinusuot para sa pinagkaugatang dayag na pangkasuotan (heritage dressing) para sa eskpresyon ng pagiging tao (person), uri ng padayag na lalahokan para sa kaniyang pagkatao (personality), at napapanahong anyo ng moda na kaniyang pinagpasyahang pagpadayagan ng kaniyang katauhan (personhood) (Sartorial Etiquette 2023 ; Johnson n.d.). Sa ibang salita, ang panlipunang kasuotan ay pumapatungkol kung gayon sa pagpapahayag ng paggalang o respeto para sa kaganapan (social event), sa host ng okasyon o pagdiriwang, at mga nagsidalong ng mga bisita’t panauhin. Liban sa nabanggit na pagbibigay ng mataas ng paggalang o respeto sa kaganapan at gumampan, ay ang pagkilala rin higit sa lahat sa halaga ng iyong sarili sapagkat naglilikha ito ng maganda at pangmatagalang impresyon at nagtitiyak ng iyong kapanatagan sa sarili dahil nagtitiyak ang gayon ng pagiging komportable at kumpiyansa ng iyong ipinapadayag na kasuotan. May kabatiran din dapat ang sino man na hindi lang marapat na tingnan ang halaga ng kinagawiang halagahin sa pananamit, kundi may likas ding kabatiran ang sinuman sa mga bagay na hindi sinasabi o yaong di-berbal na ipinapahayag ng isang partikular na panlipunang okasyon.
Talahanayan 1:
Tungo sa Pagpadayag ng Sarili sa Kapuwa ang Saplot o Kasuotan

Gayunman, sa pagsipat na historiograpiko ang pagsusuot ng pamanang kasuotan (heritage dressing), pro-aktibong pagsasabuhay ng kultura ng pananamit (dressing culture), at di nagmamaliw na pagtataguyod ng pagpadayag ng panlipunang kasuotan (social dressing) (Sartorial Etiquette 2023; Johnson n.d) ay mahahalagang tingnan rin higit sa lahat bilang pinagmumulan ng pangkasaysayang impormasyon na maaaring makapagbigay ng kaalaman sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa pangkasaysayang panunuri ng paksa, bilang kinukonsiderang materyang pangkasaysayan ang pamanang pangkultura, sa partikular nito, ang pamanang saplot o kasuotan, tulad ng sa paglikha ng arkitektura, ay maihahalintulad sa mga bagay na pangkonstruksyon, kung saan sa pamamagitan nito, malilikha ang isang bahay o gusali. Ang bahay o gusaling iyon na maitatayo bilang metaporang materya ay walang iba kundi ang kasaysayang Pilipino. Sa pagsasakasaysayang Pilipino, gamit ang materyang pangkasaysayang saplot o kasuotan ay nakasandig sa pagtingin sa danas at gunita na naroon sa pamanang pangkultura bilang batayan ng ahensyang pangkasaysayan (Villan 2020). Tumutukoy ang ahensyang pangkasaysayan sa kabuuan sa kakayahan ng mga indibidwal o lipunan na umaksyon o gumampan sa loob ng isang partikular na pangkasaysayang konteksto, may kakayahang pumili o pumanig sa kanino o sa ano man at makapagsagawa ng mga estratehikong pagkilos at siyang humuhubog o nagbibigay-hugis kung gayon ng kalakaran at kaganapan (Heyer 2018).
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa istilo ng damit, mga kasanayan kaugnay ng pananamit, at ang pag-unlad ng sining ng moda, maaaring tuklasin ng mga makasaysayang detalye hinggil sa mga panlipunang pamantayan, mga halaga sa kultura, at mga pangyayari sa nakaraan ng Pilipinas. Ang paggamit ng mga yaman sa kultura bilang pinagmumulan ng impormasyon ay nagbibigay-daan sa mga makasaysayang pangyayari na na dapat alamin kung paano ipinahayag ng mga tao sa nakaraan ang kanilang mga identidad, katayuan sa lipunan, at mga kaugnayan sa pamamagitan ng pananamit. Ang paraang ito ay nagdaragdag ng mas malalim na pag-unawa sa salaysay ng kasaysayan, na nagpapakita ng pag-uugnay ng moda sa mas malawak na konteksto ng kasaysayan sa Pilipinas. Sa pangkalahatan, may nakikita pag-aaral na ito sa nakalakip na Talahanayan 2 na apat na uri ng ahensyang pangkasaysayan na ikinukonsidera ng pag-aaral na ito na organikong historiograpiya at gumagamit halimbawa sa binabanggit sa unahan ng akdang sandig sa kagyat na pangangailang pananaw (contingency perspective) at salungat-sa-faktwal na metodolohiya (counterfactual methodology).
Talahanayan 2:
Iba’t ibang Uri at Papel ng mga Ahensyang Pangkasaysayan sa Pag-unawa ng Kalakaran at Kaganapang Pangkasaysayan

Unang makikita sa talahanayan ay ang papel ng pang-indibidwal na ahensyang pangkasaysayan na gumagamit ng pansariling danas, gunita, at isinagawang pagkilos sa nakalipas bilang ahensyang pangkasaysayan (Madill & Doherty 1994; Pomper 1996; Facing History and Ourselves 2022). Isa itong historiograpikong pagsipat kung papaano ang indibidwal o isang tao umaakto at gumagampan ng piniling hamon na aaksyonan at kung papaano ang mga aksyong iyon na ginawa ng isang tao ay nakakapag-ambag sa pangkasaysayang pangyayari. Sinusuri sa pang- indibidwal na ahensyang pangkasaysayan ang kinaugalian, asal, at pananaw ng tao sa paglapat ng makasaysayang akyong na may malaking impact sa mga larangang panlipunan, pangkultura, at pampulitika.
Sa kabilang dako, gumagamit naman ang panlipunang ahensyang pangkasaysayan ng platapormang panlipunan sa pagganap ng panlipunang aksyon o pagganap sa kanilang kinalulugarang pook o lunan at binibigyang hugis ang mga pangyayari, kahima’t ang gayon ay sinasalunga ng umiiral na istrukturang panlipunan. Mahalaga ang pag-unawa sa kung papaano ang mga pangyayari ay nagaganap sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa aktibong papel na ginagampanan ng mga sektoral na grupo o pangkat sa paghubog ng mga kalakaran at kaganapan sa nakalipas. Ang mga sektoral na pangkat tulad ng mga kabataan, kababaihan, katandaan, manggagawa, at iba ay nakapag-aambag sa pag-ugit ng kasaysayan ng isang lipunan o bansa sapagkat ang mga iyon ay kabilang sa mga mahihinang pangkat o grupo (vulnerable group) at nagsisilbing batayan kung gayon sa umiiral na cultural currency para sa pagbubuo ng kinagawiang praktis ng pagtugon sa mga hamon gamit ang gayong yamang intelektwal at emosyunal aktibong pakikilahok para sa kapakanan ng nasabing mahihinang kasapi ng lipunan. Sa kaso ng himagsikan halimbawa, ang pagpapatay sa mga kabataan, pagdungis sa dangal ng kababaihan, at walang awang pagpaslang sa mga matatanda ay naglikha ng mga palaban, marahas, at magigiting na mga anak ng bayan nagpabago sa daloy ng kasaysayang Pilipino.
Samantala, ang istruktural na ahensyang pangkasaysayan, sa pagsipat na historiograpiko ay gumagamit naman ng platapormang institusyonal upang masiyasat kung papaano nakikipag-ugnayan ang mga ito sa loob ng partikular na istruktura ng matatag na umiiral na patterns, mga sistema, at mga batayan sa pamumuno na nagbigay hugis sa buhay ng mamamayan sa loob ng mga insitusyong iyon, at kaakibat na mga sistemang pang-ekonomiko at iginigiit na paraan ng pamumuhay (Taylor 1989; Lloyd 1993; Milonakis 1997). Ang mga nabanggit na mga istrukturang kinalulugaran at kinabubuhayan ng mga tao ay nagbibigay ng kondisyon at mga balakid kung saan, bilang mga hamon ay nagpapasya para umaksyon o gumanap para sa pagbabago. Ang mga makalumang institusyon halimbawa sa istrukturang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas ay sinaklot ng pagsasamantala para sa simulaing geopolitikal ng mga mananakop. Halibawa sa mga ito ay ang pinunong pulitikal-ekonomiko ng kadatuan at karahaan kasama ang kanilang mga kabig na mga baganihan o mandirigma ay namanipula, sinamantala, at sa ibang kaso ay tinalikuran ang nagbunsod bilang mga hamong nangangailangan ng kagyat na pagtugon para sa karampatang aksyon. Pinatutunayan ang ganitong historiograpikong sipat sa natuklasan ni Nancy Kimuell- Gabriel na pangkasaysayang pagkilos para sa pagbabago ng mga timawa sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa pagtingin ni Kimuell- Gabriel (2003 & 2012), ang lahat ng pakikibaka sa Pilipinas ay isang pakikibakang pinamunuan ng mga uring timawa.
Habang sa simbolikong pananagisag tumutukoy naman sa kung papaano ang mga sagisag o simbolo, kahulugan, at interpretasyon ang bumubuo sa pag-unawa ng tao o bayan sa mga pangyayari sa kasaysayan, kaysa mismong mga l iteral na aksyon lamang ang gumagamit ng platapormang kultural sa pagsasakasaysayan (Reischer & Koo 2004). Binibigyang-diin sa ganitong sipat na historiograpiko at pagsasakasaysayang Pilipino ang impluwensya ng interperetasyon ng tao o bayan at pagbibigay-kahulugan sa paghabi ng mga salaysay sa kasaysayan. Sang-ayon sa sipat na ito binigyang-diin ng historyador sa kaniyang habing-salaysay kung papaano ang mga indibidwal ay nakikipag-ugnayan sa mga umiiral at binuong simbolo at inilalapat na kahulugan, at kung papaano ang mga interaksyong panlipunan ang nagbubuo ng mga kolektibong aksyon nagdadala ng pagbabago dahil sa isinisingkaw na pagkilos kaugnay ng partikular na sagisag o simbolo.
Ibig sabihin, hindi lamang tungkol sa pagkukuwento ng mga pangyayari, kundi sa kung papaano uunawain at nabibigay ng kahulugan ng historyador ang mga kalakaran at kaganapan. Sa mga inilalapat na kahulugan, binibigyang halaga ang pagsusuri sa kung papaano mismo iniaangkop ng mga aktor sa kasaysayan ang ginagawang pagpapakahulugan ng mga kalakaran at kaganapan, ang kanilang mga naging aksyon, at mga gawaing pananagisag o paninimbolo na kanilang ginagamit upang magpakilo at mag-ayos ng kanilang pamumuhay. Sa madaling sabi, kinikilala sa pangsagisag o simbolikong ahensyang pangkasaysayan pangyayari sa kasaysayan hindi lamang bilang mga pisikal na kaganapan, kundi kasama na rin ang ginagawang simbolikong aksyon, ritwal, at iba pang seremonyal na paggawa, at mga kultural na praktis na bumubuo ng pag-unawa ng historyador sa nakalipas.
Sa ibang salita, sa pagbuo ng salaysay na pangkasaysayan, ginagamit ng historyador ang mga simbolikong ahensya upang makapagbalangkas siya ng mga salaysay na papaliwanag sa nakaraan ayon sa umiiral na konteksto sa pamamagitan ng platapormang kultural na nagbibigay organikong pagpapakahulugan at hindi lamang tungkol sa mga pisikal na pangyayari mismo, kundi sa paninimbolo, ritwal, at salaysay na ginagamit ng mga aktor sa kasaysayan. Isinasagawa itong gawaing pananagisag o paninimbolo upang makapagmobilisa ng mga tao at gawing lehitimo ang kanilang layunin sa pagkilos. Ang simbolong ipinadadaloy gamit ang modang sining ay nagtatampok ng mga kongkretong halimbawa sa gawaing pananagisag na pawang makikita sa mga pamanang kasuotan, kultura ng pananamit, at panlipunang pagbibihis.
III. Artistikong Platapormang Pangmoda sa Pananamit sa Pagbuo ng Kaalamang Pangkasaysayan sa Pilipinas
Ang modang sining (fashion arts) bilang artistikong plataporma (Muthoni & Nyambura 2024), sa pangkalahatan ay makapaglilikha ng kaalamang pangkasaysayan na malinaw na isinalarawan sa Dayagram
1. Bilang isa sa mga halimbawa ng pamanang pinagdadaluyan ng kolektibong danas at gunitang bayan (Villan 2020), nagsisilbing materyal na arkibo ng mga nakalipas na pangkultura at panlipunang kalakaran at kaganapan ang modang sining na nakikita sa pamanang kasuotan, kultura ng pananamit, at panlipunang pagbibihis (Küchler & Miller 2005; Eicher 2006). Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng mga istilong pangkasuotan, materyal na ginamit, at piniling aksesorya, ay makikita natin ang mga halagahin, paniniwala, at uri ng pamumuhay ng mga partikular na yugtong pangkasaysayan. Dagdag dito, may kakayahan ang modang sining na ito bilang artistikong platporma na makapaglitaw at makapagnilay sa tao hinggil sa mga nagaganap na pagbabago sa lipunan upang bigyan kakayahah ang lipunan o bayan na bakasin ang pag-unlad ng pangkulturang kaugalian at panlipunang pagbabago sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.
Ang moda, lalo na sa kaso ng mga nalikom, nasinop, at naingatang mga kasuotan at aksesorya, bilang arkibong materyal ng lipunan sa mga kalakaran at kaganapan sa nakaraan ay nagbibigay ng kongretong tala sa impormasyong pangkasaysayan na may kinalaman sa ipinahayag na saloobin, kaisipan, pananaw, at kolektibong simulain ng bayan. Liban dito, nakikita rin sa binabanggit na arkibong materyal ang mga impormasyon tungkol sa teknolohiyang ginamit sa paglala ng hibla, paghahabi, pagtatahi, disenyo, at kasanayan sa paggawa, kundi higit sa lahat, ang mga imperensyang mahahango sa mga ito na may kinalaman halimbawa sa mga panlipunang istruktura at sistemang pang- organisasyon ng isang kultura. Nakakaapekto sa pag-uugali kasama na ang pamilya, pamahalaan, sistemang pang- edukasyon, relihiyosong grupo at iba pang organisasyon o samahan ang mga ipinapadaloy na gamit ang mga pangkulturang pananagisag sapagkat humuhubog ito sa mga interaksyon at nagsisilbing gabay para sa mga itinakdang panlipunang pamantayan. Gayundin, ang kolektibo o magkakasamang ideya, halaga, at paniniwala na humuhubog sa isang kultura. Ibig sabihin, ang nauukol sa mga nakikitang “mga bagay sa isipan ng isang kultura,” na naroon halimbawa sa saplot o kasuotang ginagamit ng lipunan o bayan. Ilan sa mga bagay na isinasakay ng tao o bayan sa kanilang materyal na kultura o likhang sining tulad nitong moda ay ang panrelihiyong paniniwala, etikal na prinsipyo, istruktura ng wika, at mga mitolohiyang kultural tulad ng ginawang pag-aaral sa ibang kaso, ang takip ng banga ng Libmanan na sinuri ni Zeus A. Salazar (2004). Tangi rito, bilang arkibong materyal, sa saplot o kasuotan din makikita ang imperensya tungkol halimbawa sa praktikal na gamit ng nasabing materyal upang sipatin kung ano ang binibigyang pansin ng lipunan o bayan sa pamamagitan ng artistikong plataporma. Ilan sa halimbawa ng marapat makita sa mga artistikong plataporma ay ang mga kasangkapang may kinalaman sa proteksyon sa kanilang katawan, sandata para sa preserbasyon ng kanilang buhay, paghahanap buhay tulad ng pangingisda at pagsasaka para sa patuloy ng pag-iral, tinutuluyan o likhang tahanan, etnomedisina, at kauring mga batayang pangangailangan ng lipunan o bayan.
Kaugnay ng saplot o kasuotan ng lipunan o bayan na gumagamit ng artistikong plataporma tulad ng moda, ay maaaring kasangkapanin para sa panlipunang pahayag at protesta. Sa pagsipat na historiograpiko sa moda ay makikita ang pagpapahalaga sa lipunan o bayan, mga istruktura ng kapangyarihan, at mga kinaharap na mga hamon. Sa ebolusyon ng istilo at trend na pangmoda, ay makikita ang kaunawaan kung papaano nagbabago ang lipunan o bayan sa paglipas ng panahon. Kasama sa pagbabagong ito ay ang mga naging impluwensya ng mga pagkilos sa sining, mga pangyayari sa pulitika, at pag-unlad sa teknolohiya. Sa moda rin makikita ang pamamalitang kultural pati na yaong nagaganap na hibrididad sa penomena ng pagmomoda dahil sa mga istilo na nagmumula sa iba’t ibang kultura na nakikipag-ugnayan sa loob ng lipunan o bayan. Ang pagkamalikhaing kagawian ng lipunan o bayan kaugnay ng saplot o kasuotan na likas na nakaugat sa moda ay nagdudulot ng mga bagong likhang obra tulad ng paggamit ng mga tradisyonal na tela sa mga bagong disenyong inspirado ng kasaysayan (Banovic 2023).
Dayagram 1:
Ang Modang Sining sa Konteksto ng Pamanang Kasuotan at Paglikha ng Kaalamang Pangkasaysayan

Sa Dayagram 1, ang pagkilala sa danas at gunita bilang pook o lunang pinaghuhugutan ng ahensyang pangkasaysayan—pang- indibidwal, panlipunan, istruktural, at simboliko—ay pinatutunayan ng pamanang pangkultura bilang materyang batayan sa pangkalahatan at ng saplot o kasuota n sa pa rti k ula r ng mga impormasyong pangkasaysayan at pangkalinangan. Habang ang kapaligiran, lipunan, at institusyon naman sa kabilang dako ang siyang humuhubog ng kolektibong danas pang-indibidwal man ito o kolektibo. Sa kolektibong danas na ito nakapook naman ang pangkamalayang ethos na syang mapaghuhugutan ng tradisyong intelektwal at emosyunal tulad ng pakikipagkapwa, pakikipagtunggali, at pagkakakilanlan. Kaya nga’t tinitingdigang ang pamanang saplot o kasuotan sa sentidong pangmoda ay nagtataglay ng tinatawag na modang bihis o sartorial motif dahil sa transcendental na kakayahan nitong magpaimbulog sa mataas na lebel ng lampas sa binanggit na pang-indibidwal, panlipunan, istruktural, at simbolikong paglikha, paggamit, pagpapakahulugan, at pananangkapan. Ang kakayahan ng mga modang bihis o sartorial motif na alpasan kung ano ang likas, pisikal, materyal, at nahahawakan, patungo sa paghirayang metapisikal, ideolohikal, espiritwal, etikal, at moral ang siyang magiging daan tungo sa paglikha ng kaalamang pangkasaysayang may saysay para sa mga Pilipino.
Sa pagsasakatuparan ng pagsasakasaysayang Pilipino gamit ang transcendental na kakayahan ng ahensyang pangkasaysayan na sandig sa danas at gunita, implisito rito ang paglapat ng kontekstong pangkasaysayan sa pamanang saplot o kasuotan, pagtatakda ng pangkulturang kahalagahan, pagsusuri sa mga elemento ng disenyo, pag-usisa sa pinagmulan at inspirasyon ng modang pangkasuotan, at pa g t u koy sa say say n a m a i sa sa g awa sa pa m a m a g i t a n n g organikong pagpapakahulugan, pag-alam sa kolektibong katuturan para sa lipunan o bayan, at gagawing pagsasakabuluhan ng mga impormasyong pangkasaysayan mula sa ganitong di-dokumentaryong batis pangkasaysayan.
Sa pagsusuri, ang modang sining na ipinadadaloy gamit ang artistikong plataporma ay nagsisilbing habiang hiblang larawan (fiber weave images), bordahang tela (embroidered fabric), hapin-biswal (visual placement), at tahing pangkasuotan (sartorial clothing) para sa pagpapatuloy ng dayag saplot, pagpadayag na produksyon, at pasundayag na pangkultura. Sa ganang ito, bilang materyang kultural, artistikong plataporma, at materyang pangkasaysayan, tulad nang nasabi na sa unahan, ang saplot o kasuotan ay isang materyal na arkibo na naglalaman ng impormasyong pangkasaysayan (Küchler & Miller 2005; Eicher 2006). Hindi faktwal na impormasyon, tulad ng nakagawian sa tradisyonal na kasaysayan, ang nakukuhang impormasyon sa pagsasakasayang Pilipino kundi yaong mga panghalagahin, teoretikal, at interpretibong impormasyon na mapaghahanguan ng tinatawag ni Bateson na meta- komunikasyon. Ang meta-komunikasyon na tumutukoy sa komunikasyon ng komunikasyon ay itinatago gamit ang modang bihis (sartorial motif) na makapagbibibay unawa sa kontekstong pangkasaysayan ng isang lipunan o bayan, ng kahalagahang kultural sa mga isinasagisag na mga habi, borda, at partikular na moda, mga elementong disenyo, at pinagmulan ng mga ito at inspirasyon sa paglikha, at pagbibigay saysay sa mga likhang obra sa saplot o kasuotan (McCartney & Tynan 2021). Ang mga ito ay pawang nakikita sa kasaysayan ng kasuotan mula sinaunang panahon, kairalan ng kolonyalismo, at pagkabansang Pilipino. Sa Talahanayan 3 matutunghayan ang diakroniko at singkronikong pagsasalarawan sa paggamit ng modang sining at ang kaugnay ng modang bihis o sartorial motif sa bawat yugtong pangkasaysayan.
Talahanayan 3:
Diakroniko at Singkronikong Pagsasalarawan ng Modang Sining at Kaugnay na Modang Bihis ng Kababaihan

Sa sinaunang panahon, tampok na modang bihis sa mga Pilipino pagtingin sa saplot o kasuotan bilang proteksyon, pananggalang, at panakip sa katawan laban sa mga elementong pangkalikasan, pangkapaligiran, at panlipunan na makikita sa ipinagpapalagay na sinaunang Barong Balintawak patungo sa tradisyonal na Baro’t Saya. Dahil sa ang saplot o kasuotan ay isang uri ng kultural na produksyon, isinasagisag ng saplot o kasuotan ang pananaw ng mga Pilipino kaugnay sa pagsasalaminan ng tao-bahay-daigdig. Ang katawan ng tao ang tinatahanan ng dungan at pinuproteksyonan ng saplot o kasuotan. Habang ang bahay naman ang kumakanlong sa tao o pamilya laban sa ano mang elemento o panganib na nagmumula sa kalikasan at buong sangkapaligiran. Samantala, ang daigdig naman sa kabilang dako ang sumasanggalang bahay o bayan mula sa dagok ng kalikasan sa kalawakan. Higit dito, dahil sa paggamit ng artistikong platapormang modang sining at pagpapailalim sa sipat ng danas at gunita, ang simbolikong bagay na naroon sa pamanang kasuotan, pangkulturang pananamit, at panlipunang pagbibihis, sa bisa ng estetikong kapangyarihan o gahum ng sining sa moda, ay ang pagkakaroon ng kakayahang transcendental para sa pagtatampok ng mga hirayang metapisikal, ideolohikal, espiritwal, etikal, at moral sa pananamit.
Sa pag-uugnay, ang transcendental na kapangyarihang ipinadadaloy ng modang sining ang siyang malinaw na landas upang makita ang mga biswal, sartoryal, at perpormatibong pananagisag sa saplot o kasuotan. Potensyal na materyang historiograpiko ang mga ito na makikita hindi lang sa mga pananamit sa sinaunang panahon ng Pilipinas kundi maging sa kairalan ng geopolitikal at imperyal na kapangyarihan ng Espanya sa kapuluan. Hinalinhan ng pang-espiritwal na lente ang pagsipat sa saplot o kasuotang makikita sa pagpapatuloy ng Baro’t Saya ngunit may pihit patungo sa anyong robe de cour ng Espanya noong ika-18 siglo ngunti paglaon ay ang pagpapalaganap ng kasuotang Maria Clara noong 1890s na malimit ay kinakasangkapan upang isulong ang panrelihiyon at kolonyal na interes ng Espanya sa Pilipinas. Ang estratehikong paggamit ng saplot o kasuotang higit na maluwang, mahahaba ang manggas, at may palobong anyo ay mabisang panakip o pangkubli sa itinuturing ng mga prayleng “mapanukso at makasalang katawan.” Kinakailangang maikubli ang katawan na tininitingnang makasalanang larang upang maisaalang-alang diumano ang sa mga prayleng itinatuguyod na espiritwalidad ng mga Indio. Upang tugunin ang pang-espiritwal na interes ng Espanya sa Pilipina, ay pumili at nagtakdang malinaw ang mga prayle ng kasuotan na hindi nagpapakita ng labis na bahagi ng katawan, kung saan ay madalas na pinapaboran ang pagtakip at pagrespeto sa kultural o relihiyosong pamantayan. Ibig sabihin, pinayagang ipasuot ang nabanggit na modang Maria Clara nang sa gayoý umangkop at hindi maging labis na mapangahas, nakatuon sa dignidad at kagandahang asal. Umangkop ang diin sa pagsalunga laban sa modang bihis na malaswang tingnan sa kaabalahan ng Espanya na magkaroon ng mga simbahang kongreto sa Pilipinas, habang ang sa ikalawa naman, ay tumutugon sa isinusulong na urbanidad na marapat angkupan ng kasuotang Maria Clara sa kababaihan (at Barong Tagalog naman sa kalalakihan) na lumaganap at umindayog ang paggamit noong ika-19 siglo, kaalinsabay ng kaliwa’t kanang pagtatayo ng mga imprastrakturang kolonyal bunsod ng malawakang pagbubuwis na nakukuha mula sa pagsambulat ng negosyo na ibinunsod ng liberal na ekonomiyang nagpalawak ng pamumuhunan sa Pilipinas.
Samantala, taong 1914 , sa kasagsagan ng pagsasa-Pilipino ng burukrasyang kolonyal ng US sa Pilipinas, ay ang introduksyon ng Traje de Mestisa na nagpabago sa modang-bihis sa Pilipinas sa kaso ng mga kababaihan (at ang nagpapatuloy na paggamit ng Barong Tagalog sa mga kalalakihan). Patuloy na umangkop ang kasuotang ito bunsod ng momentum sa malawakang urbanisasyon sa Pilipinas. Magkagayunman, ang pagpapatuloy ng kilusan at paglawak ng kilusang bayan noong dekada 30 kaalinsabay sa negatibong pagtugon ng Simbahang Katoliko sa nasabing kilusan. Sinalunga din ng relihiyong nabanggit ang modang-bihis ng Traje de Mestisa bunsod ng paglabag nito sa kinagisnang pagpapahalagang espirtuwal, modestiya, at desensya. Sa nagkasala-salabat na mga puwersang nabanggit, umusbong ang bagong bersyon ng Balintawak Dress at nabuhay muli kasabay nito ang Camisa Chino sa kaso ng mga kalalakihang masa habang nagpapatuloy naman sa kabilang dako ang Barong Tagalog sa hanay ng mga elit, na tulad ng sa masa, ay ginamit na plataporma upang igiit ang ipinaglalaban nilang independensya sa US noong dekada 30. Umindayog ang pananagisag sa bagong Balintawak Dress at Camisa de Chino bilang kultural at estetikong pedestal na pangmoda sa pagsusulong ng kalayaan mula sa US na nagpasimulang sumigabong noong 1919.
Sa kabilang da ko, l iban sa di- nagmamaliw na paggamit ng artistikong modang sining gamit ang modang-bihis sa agos ng panahon, sa singkronikong pagtingin, nanatili hindi lang ang pangkalahatang gamit ng saplot o kasuotan bilang panakip, panaplot, pangkubli o proteksyon sa katawan laban sa mga masaming elemento na pumipinsala sa katawan, kundi higit sa lahat bilang pang-indibidwal at kolektibong ekspresyon ng kanilang panlipunang halagahin para sa buhay, ginhawa, at dangal. Kita ang ganitong asersyon ng sariling niloloob tungkol sa pagpapahalagang pangkultura sa mga modang bihis o sartorial motif bilang tampukan o padayagan ng kanilang nakakubling simulain o agenda sa pagsasarili. Halimbawa, may kalimitang isinusot ni Pangulong Quezon ang kaniyang Barong Tagalog hindi lamang bilang pagkakakita ng kakaniyahang panlipunan, kundi ang nakahabing bordang Tydings McDuffie ang sumasagisag sa pampulitikal na simulain nitong makamit ang ipinaglalabang Kalayaan ng Pilipinas. Sa ganitong diwa rin ng paggamit ng bagong Barong Balintawak, pagsasabuhay muli ng Camisa Chino sa mga seremonyal na pangyayari at mga pagdiriwang, at patuloy na paggamit ng Barong Tagalog sa mga opisyal na gampanin na pinalakas lalo sa panahon ni Pangulong Ramon Magsaysay, pagpapatuloy sa panahon nina Pangulong Carlos Garcia, Diosdado Macapagal at pinatingkad sa Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng pagtawag sa Barong Tagalog bilang Barong Pilipino, pagtakda ng Araw ng Barong Tagalog, at pangmalawakang paggamit, at inkorporasyon ng mga pang-etnikong disenyo sa Barong Filipino ay mga talang nagpapakita ng paggamit ng modang sining at modang bihis bilang kasangkapang sa pagpapasiglang pangkultura, paggiit ng pambansang kakaniyahan, at pagpapadayag ng pagiging Pilipino.
Konklusyon
Sa konkluson, ang pananaliksik ay nagbigay ng mahalagang histoiograpikong pagsipat tungkol sa kahalagahan ng saplot o kasuotan bilang matibay na batayan ng pagsasakasaysayan ng lipunan o bayan sa halimbawa ng di-dokumentaryong batis sa pagsasakasaysayang Pilipino.
Pangunahing leksyong matutuhan sa saliksik na ito ay nakasentro sa tatlong kaisipan o tema. Una, lumitaw sa pag-aaral na mahalaga ang pagtingin sa mga pamanang bayan bilang di-dokumentaryong batis sapagkat ang gayong mga mahahalagang materyal at cultural currency sa historiograpiya nagbibigay ang pinagkaugitan ng danas at gunitang bayan. Ang danas at gunitang bayan ay siyang kinalulugaran ng mga ahensyang pangkasaysayan na humuhubog ng mga kalakarang panlipunan, prosesong pangkasaysayan, at mga kaganapan sa nakalipas na panahon. Ikalawa, lumilitaw na ang paggamit ng artistikong platapormang moda ng pananamit ay nagsisilbing huluan ng di-berbal na komunikasyong pampubliko at daluyan ng mga panghalagahing simbolo at siyang kinaroroonan at maaaring paghagilapan ng meta-komunikasyong magbibigay liwanag sa pagkakabuo ng pangyayari. Ikatlo, klarong nakita sa pag-aaral na ang pagbibigay saysay sa yamang pamanang kasuotan, pangkuturang pananamit, at panlipunang modang bihis ay mauunawaan sa pamamagitan ng modang sining bunsod ng likas na katangiang kultural at pagkakaroon ng estetikong kapangyarihang nitong makapagdaloy ng panghalagahin, interpretibo, at teoretikal na mga impormasyong magpapayaman sa historiograpiyang Pilipino at pagbubuo ng sandig sa meta-mensaheng kaalamang pangkasaysayan.
Gay unman, bagama’ t ang pag- aral sa saplot o kasuotan at pagsasangkapan nito bilang materyang historiograpiko nakatuon, ang pananaw na makukuha at katibayan sa mga di-dokumentaryong batis sa paghahango ng di faktwal na impormasyon, ay maaaring mapalawak tungo sa pangkabuuang yamang pamanang kultural bilang maitatalagang mga alternatibo, kung hindi man, lapat sa kulturang batis pangkasaysayan na maghahatid sa atin upang bawiiin ang nasaklot na organikong historiograpiya at sandig sa tradisyong pagsasakasaysayan na ang diwa ay umiinog sa pagsasakapangyarihan ng lipunan o bayan bilang totoong
taga-ugit ng mga kalakaran at kaganaoang pangkasaysayan at di-bilang gapos na nilalang o aktor pangkasaysayan gaya ng makikita sa konstrak na detrminismong pangkasaysayan ng tradisyonal na kasaysayan.
Umambag kung gayon ang isinagawang pag-aaral hindi lang sa pagpapakitid ng puwang sa halimbawa ng gagamiting batis ng impormasyong pangkasaysayan, kundi lalo na, sa pagpapakita ng kung ano ang iba pang uri ng impormasyon na lampas sa kinagawiang faktwal, pagbibigay-gabay sa kung papaano titingnan ang di-dokumentaryong batis at kung papaano at bakit mahalaga ang paggamit ng mga sandig sa panghalagahing impormasyong pangkasaysayan na mayamang nakaimbak sa mga yamang mana sa pangkalahatan at sa kasuotan sa partikular.
Maaaring magiging bukas sa kritiko o umano ng mga pagpuna sa kinauukulan ang ginawang pag-aaral bunsod ng di-kumbensyonal na pagtingin sa batis pangkasaysayang mapaghahaguan ng di rin nakasanayang mga impormasyon pangkasaysayan at sumasalunga sa kabuuan sa establisado at pinagkadalubhasaang historiograpiya kasama na maging ang praxis ng pagsasakasaysyan sa mga kalakaran at kaganapang pangkasaysayan. Magkagayunman, malinaw ang mensahe ng pag-aakdang ito: may bagong direksyon ang pananaliksik, pag-aaral, at pagtuturo ng kasaysayan pati na maging sa punto ng pagpapanday ng kaalamang historiograpiko at pagkakagamitan ng likhang kaalamang pangkasaysayan sa publiko.
Karagdagan, ang pagsuong sa alternatibong historiograpiya, kung hindi man, organikong pagsasakasaysayan, gamit ang di-kumbensyonal na lapit, pagdulog, pagpili ng paksa, pagtukoy sa batis pangkasaysayan, panunuri sa mga batis at pangangalap ng mga impormasyong di-faktwal, at praxis pangkasaysayang lihis sa damdaming bayan, at di-tukoy na praktikal na pagkakagamitang ng likhang kaalamang pangkasaysayan ay nagbabadya sa atin para sa isang masigabong panawagan na sumama sa kilusang magiging daan mula sa pang-intelektwal na paglaya ng mga Pilipino.
Sanggunian
Affuso, E., & Scott, S. (Eds.). (2023). Sartorial fandom: Fashion, beauty culture, and identity. University of Michigan Press. https://doi.org/10.3998/mpub.12315327
Akdemir, N. (2018). Visible expression of social identity: The clothing and fashion. Gaziantep University Journal of Social Sciences, 17(4), 1371–1379. https://doi.org/10.21547/jss.411181
Angerosa, O. N. (2014, Spring). Clothing as communication: How person perception and social identity impact first impressions made by clothing [Bachelor’s thesis, Rochester Institute of Technology]. Academia.edu. https://www.academia.edu/35552038/
Banovic, I. (2023). How historical events influenced fashion. Fashion and Style. https://blufashion.com/style/
Blunden, A. (n.d.). Marx, Hegel and teleology. Ethical Politics. https://ethicalpolitics.org/ablunden/pdfs/Article_on_Teleology.pdf
Future Form. (n.d.). Cultural and social currency: Redefining value in a connected world. Third Mind Studio. https://www.thirdmind.studio/post/cultural-and-social-currency-redefining-value-in-a-connected-world
Duflo, E. (2012). Women empowerment and economic development. Journal of Economic Literature, 50(4), 1051–1079. https://www.jstor.org/stable/23644911
Eicher, J. B. (2006). Clothing as material culture. In S. Küchler & D. Miller (Eds.), Journal of the Royal Anthropological Institute, 12(2), 484. https://doi.org/10.1111/j.1467-9655.2006.00303_19.x
Entwistle, J. (2025). The fashioned body: Fashion, dress and social theory (2nd ed.). John Wiley & Sons.
Forty, A. (1986). Objects of desire: Design and society since 1750. Pantheon Books.
Heyer, K. (2018). Historical agency: Stories of choice, action, and social change. In S. A. Metzger & L. M. Harris (Eds.), The Wiley international handbook of history teaching and learning (pp. xx–xx). Wiley. https://doi.org/10.1002/9781119100812.ch9
Introducing Agency – Facing History and Ourselves. 2022. https://www.facinghistory.org/sites/ default/files/2022-07/Introducing_Agency.pdf.
Laura, J. (n.d.). How to dress for different occasions: A practical guide. Brilliant Brainiac. https://www.brilliantbrainiac.com/post/how-to-dress-for-different-occasions
Kelly, T., Meuwissen, K., & VanSledright, B. (2007). The challenge of assessing citizenship education: A review of trends in citizenship education assessment. International Journal of Social Education, 22(1), 115–145. https://files.eric.ed.gov/fulltext/EJ779675.pdf
Kimuell-Gabriel, N. (2003). Ang timawa sa dantaon 18 hanggang dantaon 19. Malay, 16(1–2), 31–68. https://ejournals.ph/issue/malay-vol-16-no-1-2-2003/
Kimuell-Gabriel, N. (2012). Kung may timawa, may ginhawa: Ang mga timawa sa pamumunong bayan. Saliksik E-Journal, 1(2), 82–98. https://ejournals.ph/issue/saliksik-e-journal-vol-1-no-2-2012/
Küchler, S., & Miller, D. (Eds.). (2005). Clothing as material culture. Berg Publishers. https://archive.org/details/clothingasmateri0000unse
Lennon, S. J., & Johnson, K. K. P. (2019). Tattoos as a form of dress: A review (2000–2018). Fashion, Style & Popular Culture, 6(2), 197–224. https://doi.org/10.1386/fspc.6.2.197_1
Löbach, B. (1976). Industrial design: Grundlagen der Industrieformgebung. Thiemig.
Lloyd, C. (1993). The structures of history. Blackwell.
Madill, A., & Doherty, K. (1994). ‘So you did what you wanted then’: Discourse analysis, personal agency and psychotherapy. Journal of Community & Applied Social Psychology, 4(4), 261–273. https://doi.org/10.1002/casp.2450040406
Mann, M. (2009). The sources of social power (Vol. 1). Cambridge University Press. https://doi.org/10.1017/CBO9780511570896
Martin, B. Y., & Moraitis, D. (2024, September). Can the color of your clothes affect… your aura? Spiritual Arts Institute. https://spiritualarts.org/can-the-color-of-your-clothes-affect-your-aura/
McCartney, N., & Tynan, J. (2021). Fashioning contemporary art: A new interdisciplinary aesthetics in art-design collaborations. Journal of Visual Art Practice. https://doi.org/10.1080/14702029.2021.1940454
McNeill, D. (2004). Power and ideas: Economics and global development policy. In S. Maxwell & D. Stone (Eds.), Global knowledge networks and international development (pp. 57–71). Routledge. https://doi.org/10.4324/9780203340387
Milonakis, D. (1997). The dynamics of history: Structure and agency in historical evolution. Science & Society, 61(3), 303–329. https://www.jstor.org/stable/40403640
Mishra, P. (2022, May 25). Reinterpreting the glorious past: Sense and non-sense. Organiser. https://organiser.org/2022/05/25/82486/bharat/reinterpreting-the-glorious-past-sense-and-non-sense/
Muthoni, D., & Nyambura. (2024, August). Exploring the intersection of fashion and art: A historical and contemporary analysis.
Nasson, B. (n.d.). History: The meaning and role of history in human development. In Encyclopedia of Life Support Systems (EOLSS). https://www.eolss.net/Sample-Chapters/C04/E6-22-00-00.pdf
Pomper, P. (1996). Historians and individual agency. History and Theory, 35(3), 281–308. https://www.jstor.org/stable/2505451
Reischer, E., & Koo, K. S. (2004). The body beautiful: Symbolism and agency in the social world. Annual Review of Anthropology, 33, 297–317. https://www.jstor.org/stable/25064855
Roach-Higgins, M. E., & Eicher, J. B. (1992). Dress and identity. Clothing and Textiles Research Journal, 10(4), 1–8. https://doi.org/10.1177/0887302X9201000401
Russel. (2021). The destructive draw of historical determinism [Senior honors project, Bridgewater College]. BC Digital Commons. https://digitalcommons.bridgewater.edu/honors_projects/64/
Sartorial Etiquette. (2023, May). How to dress for different occasions? The Gentlemen Diary. https://thegentlemendiary.com/2023/05/sartorial-etiquette-how-to-dress-for-different-occasions/
Scafidi, S. (2005). Who owns culture?: Appropriation and authenticity in American law. Rutgers University Press. https://www.jstor.org/stable/j.ctt5hj7k9
Sen, A. (1981). Economic development: Objectives and obstacles. In R. F. Dernberger (Ed.), China’s development experience in comparative perspective (pp. xx–xx). Harvard University Press.
Shurman, A., & Qaqish, R. (2024). Traditional clothes around the world: A cultural reflection. IOSR Journal of Humanities and Social Science (IOSR-JHSS), 29(12), 1–4. http://www.iosrjournals.org/
Taylor, M. A. (1989). Structure and agency in Marx’s theory of history [Doctoral dissertation, York University]. PhilPapers. https://philpapers.org/rec/TAYSAA-2
Villan, M. D. (2021). Ang pananamit ng mga ninuno: Isang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng pananamit sa Pilipinas. Luntiang Panitik, 4(1), 45–62. https://ejournals.ph/issue/luntiang-panitik-vol-4-no-1-2021/
Wenzlhuemer, R. (2010). Global history, globally: A research agenda. History Compass, 8(9), 1014–1022. https://doi.org/10.1111/j.1478-0542.2010.00722.x
Wonder, C. (2021, June 30). How to use clothing to express your personality. Medium. https://medium.com/the-innovation/how-to-use-clothing-to-express-your-personality-6669f5bcb7b4
Zhalobina, D. (2021). Dress and identity: History and modernity. SWorldJournal, 1(1), 82–85. https://sworldjournal.com/index.php/swj/article/view/7
Zou, Y., Choo, H. Y., & Liao, X. (2017). Beyond the stereotype: A comparative look at Chinese and Korean women’s fashion and national identity. Fashion Theory, 21(3), 293–316. https://doi.org/10.1080/1362704X.2016.1173347

