Princess Fame I. Pascua
New Era University
How to Cite:
Pascua, P. F. I. (2025). Institusyonalisasyon ng pag-alala at paglimot: Ang geopolitika ng gunita kay Bonifacio sa mga pampublikong komemorasyon at espasyo. Kaningningan: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University for Philippine Studies, 4(1), 86–103. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2025-InPaPaGeGu
Abstrak
Ang gunita ay may kinalaman sa kabuluhan ng isang tao; kaya naman naglalaan dito ng panahon ang mga tao’t mga institusyon. Isa si Andres Bonifacio sa mga ginugunita sa Pilipinas sa iba’t ibang antas. Ang pag-aaral na ito ay tumuon sa gunita ng kanyang panahon (kapanganakan, kamatayan) at karanasan (Unang Sigaw) sa pampublikong komemorasyon at espasyo. Sa mga gunita na may kinalaman kay Bonifacio, gayunpaman, masasabing nariyan ang geopolitika sapagkat hindi lamang naganap ang institusyonalisadong pag-alaala kundi maging ang paglimot.
Bago ang 1918 ang mga unang hakbang sa paggunita sa panahon at karanasan ni Bonifacio, sa pampublikong komemorasyon at espasyo, ay sa inisyatiba ng kanyang pamilya at/o mamamayang Pilipino ngunit malaong napanaigan ng mga Amerikano. Marami sa mga historyador ang nagpalagay na talagang sinupil ng mga Amerikano ang pampublikong memoryalisasyon para kay Bonifacio. Ngunit noong ang usapin na ay pagtatakda na ng petsa ng independensya ng Pilipinas, nangailangan ng karagdagang tao na magiging simbolo ng nasyonalismo—at iyan na nga ay si Bonifacio.
Ang institusyonalisadong pagpapalimot ng mga Amerikano (kahit waring sumusuporta sa damdaming bayan) sa gunita ng panahon ni Bonifacio sa pampublikong espasyo at komemorasyon mula 1918 ay nasa anyo ng (1) prioritisasyon ng kanyang kapanganakan higit sa kanyang kamatayan, ngunit (2) pagtatalaga sa araw ng kapanganakan ni Bonifacio bilang Araw ng mga Bayani; at (3) prioritisasyon ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan higit sa Maynila.
Samantala, ang institusyonalisadong pagpapalimot ng mga Amerikano sa gunita ng karanasan ni Bonifacio sa pampublikong espasyo at komemorasyon, ay nangyari naman sa pamamagitan ng (1) walang ingat na pagkuha ng batis na pagsasalalayan ng impormasyon tungkol sa Unang Sigaw, at (2) ibukod ang Araw ng mga Bayani batay sa ganitong batis. Hindi na rin naman nakapagtataka kung ganito ang naging taktika ng mga Amerikano lalo pa’t nasa panig ng kanilang geopolitika, sa anyong reoryentasyon ng dako at petsa, ang pagpapalimot ng impormasyon tungkol sa Unang Sigaw.
Masasabing ang mas sinserong nasyonal na institusyonalisasyon ng pag-alala kay Bonifacio ay naganap noong ang Pilipinas ay mayroon nang independensya. Ngunit hindi pa natapos ang geopolitika ng mga Amerikano sa panahong ito.
Mga susing salita: Andres Bonifacio, institusyonalisasyon ng pag-alala, institusyonalisasyon ng paglimot, geopolitika ng gunita, pampublikong komemorasyon, pampublikong espasyo
Panimula
Ang gunita ay may kinalaman sa alaala, rekoleksyon, at pagsangguni sa nakaraan ng mamamayan at/o ng kani-kanilang lipunang kinabibilangan. Dahil dito, nakikibahagi sa partikular na gunita ang mga institusyon gaya ng pamilya, paaralan, pamahalaan at mga kauri nito (Halbwachs 1992 sa Villan 2020, 248). Samantala, ayon kay Herald Guiwa, ginugunita ang may kabuluhan (Villan 2020, 249).
Ang gunita at kabuluhan ay magkaugnay at may pagkakatulad para kay Jose Rizal, batay sa kanyang kaisipang nabakas sa mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang alinmang ginugunita at may kabuluhan ay nahahawakan (tangible) at di-nahahawakan (intangible). Ginugunita ang tao at bagay (nahahawakan, tangible), gayundin ang alaala (di-nahahawakan, intangible) tungkol sa tao, bagay, karanasan, at panahon. May kabuluhan naman ang tao at bagay (nahahawakan, tangible), gayundin ang alamat at kauri nito (di-nahahawakan, intangible). Itinuro rin ni Rizal kung paano dapat itrato ang bagay na ginugunita at may kabuluhan: ito ay dapat paglaanan ng isip at panahon (Pascua 2022, 2-3).
Ang Gunita ng Panahon ni Bonifacio at ang Pampublikong Komemorasyon
Kung paggunita kay Andres Bonifacio ang pag-uusapan, ang unang gumunita ay ang kanyang pamilya at sinundan ito ng iba pang institusyong nakapaloob sa kanyang lipunang kinabibilangan, gaya ng pamahalaan (Weir 2021, 257). Masasabing isa sa pinakamabilis na paraan ng paggunita ay nasa uring di-nahahawakan. Ito ay may kinalaman sa panahon. Karaniwan dito ang araw ng kapanganakan at araw ng kamatayan. Ito ay dahil ang dalawang araw na ito ang siyang parehong mayroon ang lahat ng tao. Si Bonifacio ay ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863 at namatay naman noong Mayo 10, 1897 (National Historical Commission of the Philippines 2012).
Mayroong Araw ni Bonifacio tuwing Nobyembre 30 at ito ay naging pampublikong komemorasyon. Interesante sapagkat kumpara sa lahat ng official holidays sa Pilipinas, ang Araw ni Bonifacio lamang ang patungkol sa kapanganakan. Ang pagkakaroon ng paggunita sa Nobyembre 30 sa pamamagitan ng Act 2946 (Casinas 2020) noong 1921, gayunpaman, ang araw na ito ay tinawag noon na Araw ng mga Bayani.
Lumikha ng panibagong batas noong 1931 upang magkaroon ng hiwalay na Araw ng mga Bayani (Ortuoste 2022). Ngunit hindi pa ito sapat upang lubusang paghiwalayin ang dalawang paggunita. Kaya naman noong 1936 si Pangulong Manuel Quezon ay nanguna pa rin sa komemorasyon ng Araw ng mga Bayani sa Araw ni Bonifacio. Ganito pa rin ang pangyayari hanggang noong 1948 sa panunungkulan ni Pangulong Elpidio Quirino (Weir 2021, 144, 45). Isa pang batas noong 1952 ang kinailangan upang ihiwalay ang Araw ng mga Bayani, at lubusang magkaroon Araw ni Bonifacio (Ortuoste 2022). Sa mga pangyayaring binanggit, makikita ang pakikibahagi ng nasyonal na pamahalaan sa institusyonalisasyon ng pag-alala sa petsa ng kanyang kapanganakan (paggawa, pagpapatibay, at implementasyon ng batas) o pagtatangi ng Araw ni Bonifacio.
Kung kalendaryo at panahon pa rin ang pagbabatayan, ang kamatayan ni Bonifacio ay masasabi namang hindi ginugunita kumpara sa kamatayan ng ibang mga bayaning nasa official holidays ng Pilipinas (Jose Rizal, Benigno Aquino Jr); gayong masasabing ang kamatayan ni Bonifacio ang pinakamasaklap sa mga ito. Masaklap na sa sulok ng kabundukan ang dako ng kanyang kamatayan noong 1897. Mayroon lamang itong piling saksi na sinadyang maging pipi kaugnay sa tiyak na kinaroroonan ng bangkay kaya’t hindi nabigyan ng katampatang libing, ni pagluluksa ng kagyat na pamilya.
Gayunpaman, ang una sa mga pagsisikap ng kaanak at mga kaibigan na gunitain ang kamatayan ni Bonifacio ay noong Abril 23, 1901 sa Maynila (Cabie 2016). Sa artikulong “Hinggil sa Kasaysayan ng Pilipinas” ni Gonzalo Cue Malay noong Nobyembre 02, 1906 nakasaad din na si Bonifacio ay pinatay noong Abril 23, 1897 (Ocampo 2014). Interesante naman na ang Masonriya ay naglagay ng panandang pangkasaysayan sa dako ng kamatayan ni Bonifacio noong Nobyembre 1925 (Ocampo 2023) at sa panandang ito sinasabing ang kanyang pagkalibing ay Abril 26, 1897 (Tingnan sa Larawan 1). Sa mga panahong ito masasabing hindi pa institusyonalisado ang pag-alala sa petsa ng kamatayan ni Bonifacio marahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang petsa, samakatuwid kawalan pa ng katiyakan. Sa kasalukuyan, ginugunita ang kamatayan ni Bonifacio tuwing Mayo 10.
Ang Gunita ng Panahon ni Bonifacio at ang Pampublikong Espasyo
Ang pampublikong komemorasyon ng kapanganakan ay sinundan ng paggunita kay Bonifacio sa pampublikong espasyo. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatayo ng monumento. Kaugnay sa dako ng kapanganakan, interesante na noon lamang 1971 nagkaroon ng monumento na nakaharap sa kalye Azcarraga (ngayo’y Recto Avenue), Tutuban, Tondo. Samantala, ang Act 2760 ng 1918 at Act 3602 ng 1929 ang nagtulot sa pagkakaroon ng unang monumento na itinayo sa Caloocan noong 1933 para sa ika-70 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio (de Villa 2017; National Historical Commission of the Philippines 2012). Bagaman itinayo ito bilang paggunita ng kapanganakan, nalalaman na ang Caloocan ay hindi ang dako ng kapanganakan ni Bonifacio, bagkus dako ng isa sa kanyang karanasan. Dagdag pa, sinasabing kapansin-pansin at kabalintunaan na higit pang maganda ang monumento ni Bonifacio sa Caloocan kumpara sa Tondo na dako ng kanyang kapanganakan (Cabie 2016).
Bilang tugon dito ni Mayor Alfredo Lim noong dekada ‘90, nagkaroon na muli ng pagpapatayo ng monumento ni Bonifacio sa Maynila upang kilalanin ang bayani bilang pinakadakilang anak ng Maynila. Ani Lim, “[this is] to emphasize him as a Manileno, and to stop him being grabbed by Caloocan” (Weir 2021, 150). Taong 1997 nang pasinayaan ang tinatawag na Dambana ni Andres Bonifacio (Andres Bonifacio Shrine) sa Maynila sa tabi ng Manila City Hall sa bisa ng Proclamation No. 1132 s.1997 (National Historical Commission of the Philippines 2022a). Ang historyador na si Ambeth Ocampo ay inilarawan ang ipinakomisyong iskultura ni Lim na “multi-colored komiks version of the hero of Manila beside City Hall” (Philippine Daily Inquirer 2011). Ang tugon ni Lim ay isang lokal na institusyonalisasyon ng pag-alala sa bayan ng kapanganakan ni Bonifacio.
Kaugnay sa dako ng kamatayan, mayroong nahukay na mga buto sa bundok ng Maragondon, Cavite noong Marso 17, 1918 at ipinagpalagay na ang mga iyon ay kay Bonifacio (Ocampo 2011; Philippine Information Agency 2025). Malaon nagkaroon ng pagtatayo ng Dambana ni Bonifacio sa nasabing lugar kung saan nahukay ang mga buto. Ang dakong ito ay nilagyan ng panandang pangkasaysayan ng Philippines Historical Committee (tingnan sa Larawan 1) noong taong 1953 (National Historical Commission of the Philippines 2022b). Ang hakbang na ito ay nasyonal na institusyonalisasyon ng pag-alala sa dako ng kamatayan ni Bonifacio.
Para naman sa ika-100 taong anibersaryo ng kamatayan ni Bonifacio, nagpatayo ng monumento na nakaharap sa tarangkahan ng Fort Bonifacio noong 1997 (tingnan sa Larawan 2). Ngunit noong 2017, ika-120 taong anibersaryo pa man din ng kamatayan ni Bonifacio, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagkaroon ng proyektong panlansangan sa nasabing dako at naging dahilan upang alisin ang nasabing monumento (de Villa 2017). Sinasabi naman ng DPWH na ang kanilang hakbang ay may koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Makati, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Abigail Binay (Adel 2017). Kabaligtaran ng kay Lim, ang ginawa ni Binay ay masasabing lokal na institusyonalisasyon ng paglimot sa araw ng kamatayan ni Bonifacio (na pinatutungkulan ng monumento).
Noong 2017, mabilis na balik tanaw bilang paglilinaw, ang Fort Bonifacio ay sakop ng Taguig mula 2008 sa bisa ng Sangguniang Panlungsod Ordinance No. 68 (barangayfortbonifacio.com 2020) ngunit ang kinatirikan ng monumento ni Bonifacio na barangay West Rembo ay sakop ng Makati (Philippine Daily Inquirer 2023) sapagkat naging sakop ng lamang ng Taguig noong 2022 (Reyes 2023). Taong 1986 nang ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na ang Fort Bonifacio [at iba pa kabilang ang West Rembo] ay bahagi ng Makati sa pamamagitan ng Proclamation No. 2475 (Saluria 2023 sa Pascua 2023, 102). Nagsimula naman ang teritoryal na pag-aangkin ng Taguig sa Fort Bonifacio, West Rembo, at iba pa noong 1993 (Diola 2013; Reyes 2023).

Larawan 1.
Ibabang bahagi: Ang Pambansang Panandang Pangkasaysayan sa Bundok Nagpatong Maragondon, Cavite o sa dako kung saan namatay si Andres Bonifacio sa petsang Mayo 10, 1897.
Itaas na bahagi: Ang panandang pangkasaysayan na inilagay ng Masonriya para sa kamatayan ni Andres Bonifacio na may petsang Abril 26, 1897.
(Ang larawan ay kuha noong Nobyembre 30, 2024 sa pagbisita ng may-akda sa Bundok Nagpatong Maragondon, Cavite)

Larawan 2.
Ang monumento ni Bonifacio sa harap ng tarangkahan ng Fort Bonifacio bilang paggunita sa ika-100 taong anibersaryo ng kanyang kamatayan
(Batis: de Villa 2017 https://business.inquirer.net/241446/a-heros-monument )
Interesante na 1993 o sa ika-130 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio nagsimula ang pag-aangkin ng Taguig sa Fort Bonifacio at karatig na teritoryo. Kung ang pagpapangalan sa kuta na Fort Bonifacio ang susundan, may kaugnayan si Andres sa Taguig bilang ito ay bayang sinilangan ng kanyang amang si Santiago (Richardson w.p.; Canonigo 2025) at pinagmulan ng angkan ng mga Bonifacio, partikular sa barrio Tipas (Taguig Heritage Society 2022; Taguig Heritage Society 2018).
Samantala, sinasabing bahagi ng Hacienda de Maricaban ang lokasyon ng bago naging kuta ng mga Amerikano noong 1902 at tinawag na Fort McKinley (de Borja 2023; Roa 2019), sunod sa pangalan ng Pangulo ng Estados Unidos, William McKinley (Flake 2025). Ilang taon pagkatapos maisauli ng mga Amerikano noong 1949 ang nasabing kuta na noo’y Fort McKinley pa rin ang pangalan, Hulyo 1957 sa Proclamation No. 423 ni Pangulong Carlos Garcia ay ginawa itong punong himpilan ng Philippine Army at tinawag na Fort Bonifacio (Roa 2019) dahil na rin sa si Bonifacio ay simbolismo ng pakikipaglaban at serbisyong militar (Weir 2021, 255). Sa Proklamasyon, sinasabi rin na ang Fort Bonifacio ay nasa teritoryo ng Pasig, Taguig, Pasay, at Paranaque; walang pagbanggit na ito’y nasa teritoryo ng Makati (Reyes 2022). Hindi naman siguro kalabisan ang magkaroon si Bonifacio ng monumento sa harap ng Fort Bonifacio (kahit pa nakatuntong noon sa teritoryo ng Makati). Ngunit ang naging kapalaran ng monumento ay pagsasakripisyo rin para sa pampublikong interes, gaya sa kapalaran ni Bonifacio.
Ang Gunita ng Karanasan ni Bonifacio at ang Pampublikong Komemorasyon
Isa pa sa makabuluhang ginugunita ay ang di-nahahawakan na karanasan. Ang “Unang Sigaw” ang isa sa mga karanasan ni Bonifacio. Kalakip ito sa pagtalakay dahil na rin sa pagkakaroon ng Araw ng mga Bayani (na ang Unang Sigaw ang pangunahing pinatutungkulan) na nagsimulang ginunita sa petsang Nobyembre 30, 1921 o sa araw ng kapanganakan ni Bonifacio. Gaya ng nabanggit na sa itaas, 1952 na nalipat ang Araw ng mga Bayani sa buwan ng Agosto.
Kung babalik-tanawin, sa Unang Sigaw pinangunahan ni Bonifacio ang pagpunit ng sedula na sumasagisag sa pagkalas ng mga katipunero mula sa kapangyarihan at pang-aabuso ng mga mananakop na Espanyol (National Historical Commission of the Philippines 2012). Hawig sa kamatayan ni Bonifacio, ang petsa ng Unang Sigaw ay nagsimula ring walang tiyakan dahil sa magkakaibang bersyon ng mga katipunero. Isa ito marahil sa dahilan kung bakit ang Nobyembre 30 na lang ang tinukoy na Araw ng mga Bayani mula 1921. Sa pagitan lamang ng 1927 at 1932 nagkaroon ng paglitaw ng talang-gunita at panayam sa mga katipunero na bahagi ng Unang Sigaw, marahil reaksyon na rin sa naging institusyonalisasyon ng pag-alala sa Araw ng mga Bayani kasabay ng Araw ni Bonifacio.
Noong 1927, ang lingguhang magasin na may pamagat na Sampaguita ay naglimbag mga talang-gunita ni Gen. Santiago Alvarez, isa sa mga lider ng rebolusyon sa Cavite at naroon sa Unang Sigaw. Sa kanyang talang-gunita sinabi niya na ang petsa kung kailan naganap ang Unang Sigaw ay Agosto 24, 1896 (Torres 2018, 117). Ngunit kung tutuusin, 1903 pa nang magkaroon ng unang monumento kaugnay sa Unang Sigaw at ito ay nasa kalye Ylaya, Tondo sa harap ng bahay kung saan itinatag ang La Liga Filipina. Dito mababasa ang mga sumusunod: “Supreme Head of the Katipunan, which gave the first battle Cry against tyranny on August 24, 1896…” Higit na maaga rito ay ang mga pangungusap sa Konstitusyon ng Biak na Bato gaya ng mga sumusunod: “…Republika ng Filipinas ay siyang layong inadhika niyaring Paghihimagsik na kasalukuyan, simula pa ng ika-24 ng Agosto ng taong 1896.” Ang Konstitusyon ay isinulat noong Nobyembre 1, 1897, higit isang taon pa lamang mula noong Unang Sigaw, at ito’y nilagdaan ng higit 50 Katipunero kabilang na ang naging Pangulo ng Republika ng Biak na Bato, Gen. Emilio Aguinaldo. Maging ang gunita ni Aguinaldo sa Unang Sigaw ay may pinagbatayang liham na natanggap mula kay Bonifacio, abiso na magkakaroon ng mahalagang pulong na idadaos sa ika-24 ng Agosto, 1896 kasabay ng kapistahan ni San Bartolome sa Malabon, Tambobong (Guerrero et.al. 2003).
Noong 1932 naman, si Guillermo Masangkay, isa rin sa mga rebolusyonaryo na naroon sa Unang Sigaw, ay kinapanayam ng mga taga-magasin na Sunday Tribune at sinabi niyang ang Unang Sigaw ay naganap noong Agosto 26, 1896. Sa kabila ng impormasyon mula sa Konstitusyon 1897, monumento ng Unang Sigaw na itinayo noong 1903, maging ng talang-gunita ni Alvarez noong 1927, ang bersyon ni Masangkay na kinatigan ng mga kolonisador na Amerikano noong 1932 (Torres 2018, 117), samakatuwid nasyonal na institusyonalisasyon ng pag-alala sa petsa ng karanasan ni Bonifacio/ Unang Sigaw.
Samantala, sa kasalukuyan ang Agosto 23, 1896 na ginugunitang petsa ng Unang Sigaw. Ang nasyonal na institusyonalisasyon ng pag-alala sa petsa ng karanasan ni Bonifacio/ Unang Sigaw na ito ay batay naman sa pananaliksik ng pambansang komisyon/ institusyong pangkasaysayan noong 1963 sa mga dokumentong isinulat ni Dr. Pio Valenzuela, isang opisyal ng Katipunan at kaibigan ni Bonifacio, na naglalaman ng kanyang kwento tungkol sa Unang Sigaw na kanya ring nasaksihan gaya ni Alvarez at Masangkay (Torres 2018, 113; Guerrero et.al. 2003).
Ang Gunita ng Karanasan ni Bonifacio at ang Pampublikong Espasyo
Kung tutuusin, hindi lamang naging problematiko ang petsa ng Unang Sigaw kundi maging ang dako kung saan ito ginanap. Sa binanggit na petsa ni Alvarez na Agosto 24, 1896, kaakibat nito ang dako na Bahay Toro (ngayo’y bahagi ng Quezon City). Sa binanggit na petsa ni Masangkay, kaakibat nito ang dako na Balintawak (ngayo’y bahagi ng Caloocan City) (Torres 2018, 115, 117). Dahil sa kinatigan ng Amerikanong pamahalaan ang bersyon ni Masangkay mula taong 1932, kaagad na nagkaroon ng monumento ni Bonifacio sa Balintawak taong 1933. Ito ang ngayo’y nakikita sa interseksyon ng Rizal Avenue Extension at Epifanio De los Santos Avenue (EDSA) sa Caloocan City.
Samantala, sa binanggit na petsa ni Valenzuela na Agosto 23, 1896, kaakibat nito ang dako na Pugad Lawin (ngayo’y bahagi ng Quezon City). Taong 1935 pa nang ipahayag ni Valenzuela “na hindi sa Balintawak nangyari ang unang sigaw ng paghihimagsik na kinalalagian ngayon ng bantayog, kundi sa pook na kilala sa tawag na Pugad Lawin.” Taong 1940 naman nang ang grupo ng mga mananaliksik ng National Historical Committee (ngayo’y National Historical Commission of the Philippines o NHCP), kasama si Valenzuela, ay tinukoy ang eksaktong kinaroroonan ng Pugad Lawin. Maging ang historyador na si Teodoro Agoncillo, kasama ang Student Council ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), ay sumuporta sa impormasyong ibinigay ni Valenzuela sa paraang naglagay sila ng panandang pangkasaysayan sa Pugad Lawin noong 1962. Kaya’t noong 1963, sa pag-endorso ng National Historical Institute (ngayo’y NHCP), ipinag-utos ni Pangulong Diosdado Macapagal na ang Unang Sigaw ay gunitain sa petsang Agosto 23 at kilalanin ang Pugad Lawin bilang dako nito (Guerrero et.al. 2003), sa bisa ng Proclamation No. 149 (National Historical Commission of the Philippines 2022).
Maaring alinsunod na rin sa Proklamasyon ni Macapagal, pagsapit naman ng 1966 ay tinanggal ang monumento ni Bonifacio sa Caloocan (ngayo’y Balintawak Cloverleaf) na ipinatayo noong 1911 sa pamamagitan ng pribadong pondo (De Villa 2017) kaugnay sa paggunita ng Unang Sigaw (Samonte 2021). Tinanggal ito ng Department of Public Highways (ngayo’y DPWH) (De Villa 2017).
Gayunpaman, bilang mamamayang ang pag-iisip ay ginagabayan ng pagpapahalaga sa gunita, ang mga mag-aaral ng UP ay nagpasya namang ilipat at muling itayo sa loob mismo ng kanilang paaralan ang monumento ni Bonifacio na tinanggal sa Balintawak Cloverleaf. Ito ngayon ang monumento ni Bonifacio na nakatayo sa harap ng Vinzons Hall, UP Diliman. Tinawag itong “Alaala ng Bayang Pilipino sa mga Bayani ng ‘96” (De Villa 2017) at pinasinayaan noong Nobyembre 29, 1968 (Samonte 2022), ibig sabihin para sa paggunita sa araw ng kapanganakan ni Bonifacio.

Larawan 3.
Ang monumento ni Bonifacio (kaugnay sa “Unang Sigaw”) na kasalukuyang nakatayo sa Vinzons Hall, UP Diliman campus (dating nasa Balintawak Cloverleaf)
Gayunpaman, paglipas ilang taon ay muling nagtayo ng monumento ni Bonifacio sa Balintawak Cloverleaf sa pangunguna ng sosyo-sibikong organisasyong Balintawak Community Club (BCC). Ito ay para sa paggunita ng ika-75 taong anibersaryo ng Unang Sigaw noong 1971. Naganap pa rin ito sa kabila ng Proklamasyon ni Macapagal na kilalanin na ang Unang Sigaw ay sa Pugad Lawin (Samonte 2022; Guerrero et.al. 2003). Kung may agam-agam man ang BCC noong mga panahong iyon tungkol sa bagong detalye ng Unang Sigaw, maaring ito ay may pinagbabatayan.
Pagsapit ng 1983, si Quezon City Mayor Adelina Rodriguez ay bumuo ng Pugad Lawin Historical Committee (PLHC) at ang pagkilos ng nasabing komite ay nagbunsod ng paglalagay ng panandang pangkasaysayan noong Agosto 23, 1984 sa Seminary Road, Barangay Bahay Toro sa likod ng Toro Hills High School, Quezon City General Hospital, at San Jose Seminary (Guerrero et.al. 2003). Ibig sabihin nito, ang kinatigan mismo ng PLHC ay ang bersyon ni Alvarez tungkol sa dako ng Unang Sigaw na walang iba kundi Bahay Toro.
Ito ay dahil kung babalikan ang mapa noong 1896 (croquis de las operaciones) na nagpapakita ng direksyon ng hukbong pinangunahan ni Tiniente Ros upang tuntunin ang Katipunan mula 25 hanggang 27 ng Agosto 1896, walang pook-pangalan na Pugad Lawin. Sa talang pangkasaysayan naman noong 1897 ng Espanyol na historyador na si Sastron, wala ring pook-pangalan na Pugad Lawin. Sa Census of 1903 at Census of 1918 maging sa mga mapang inilimbag ng pamahalaan noong 1956 ay wala ring pook-pangalan na Pugad Lawin; ngunit mayroong Bahay Toro (Guerrero et.al. 2003).
Buod at Konklusyon: Ang Geopolitika ng Gunita kay Bonifacio
Makabuluhan si Bonifacio kung kaya ginugunita at pinaglalaanan ng isip at panahon maging sa ganitong akademikong papel. Ang kabuluhan ni Bonifacio ay batay sa tinaglay ng kanyang isip, sa kanyang buhay at kung paano niya ibinuhay ito (Pascua 2022, 4) para sa dakilang layon. Ngunit ang tanong: tunay nga bang ginugunita si Bonifacio batay sa mga pangyayari mula ika-20 siglo?
Ayon sa pag-aaral ni Kimberley Weir (2021, 117 & 125), marami sa mga historyador ang nagpalagay na talagang sinupil ng kolonyal na pamahalaang Amerikano ang pampublikong memoryalisasyon para kay Bonifacio. Ngunit noong ang usapin na ay pagtatakda na ng petsa ng independensya ng Pilipinas, nangailangan ng karagdagang tao na magiging simbolo ng nasyonalismo—at iyan na nga ay si Bonifacio.
Bakit ganito? May kinalaman ang geopolitika sa pangyayaring ito. Ang geopolitika ay may kinalaman sa pag-aaral ng geograpiya na may impluwensya sa politika (diksyunaryo.ph w.p.). Sinasabing sa pag-iral ng geopolitika asahan ang panahon ng pagkakaisa at di pagkakaisa (The Geopolitics of Yangtze River 2013) o kooperasyon at/o kaguluhan (Khan 2014, 67). Nangibabaw na ito sa panahon ng kolonisasyong Espanyol sa Pilipinas sa pamamagitan ng reoryentasyon sa mga lugar na pawang negatibo (Pascua 2024, 21). Hindi na rin nakapagtataka kung nangibabaw pa rin sa kolonisasyong Amerikano. Sa mga espasyong tinutungtungan ng monumento, una ni Rizal at ikalawa ni Bonifacio, tumuon ang mga Amerikano upang maisulong kanilang geopolitika sa Pilipinas (Villan 2022, 42).
Kung magkagayon nga, bago ang 1918 ang mga unang hakbang sa paggunita sa panahon at karanasan ni Bonifacio, sa pampublikong komemorasyon at espasyo, ay sa inisyatiba ng kanyang pamilya at/o mamamayang Pilipino (ngunit malaong napanaigan ng kolonyalismong Amerikano). Halimbawa, ang pagkakaroon noong 1901 ng paggunita sa kamatayan ni Bonifacio, ang pagkakaroon ng sa Tondo noong 1903, maging sa Balintawak noong 1911, ng mga monumento para sa Unang Sigaw.
Dahil nga sa geopolitika ng mga Amerikano na magtakda ng karagdagang taong simbolo ng nasyonalismo upang maitakda na ang independensya ng Pilipino, ang institusyonalisadong pagsupil o pagpapalimot ng mga Amerikano (sa kabila na waring sumusuporta sa damdaming bayan) sa gunita ng panahon ni Bonifacio sa pampublikong espasyo at pampublikong komemorasyon mula 1918 ay nasa anyo ng (1) prioritisasyon ng kanyang kapanganakan higit sa kanyang kamatayan, ngunit (2) pagtatalaga sa araw ng kapanganakan ni Bonifacio bilang Araw ng mga Bayani; at (3) prioritisasyon ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan higit sa Maynila.
Koinsidente lamang ba ang pagkakaroon ng Act 2760 noong Pebrero 1918 para ipagpatayo si Bonifacio ng monumento sa Caloocan at sa sumunod na buwan ng Marso ay mahukay ang mga buto sa Bundok Nagpatong ng Maragondon, Cavite na ipinapalagay na kay Bonifacio? Sa ganitong kaayusan, ang pagkahukay ay nagmistulang susog sa Act 2760 ng 1918 at nagresulta malaon sa Act 3602 ng 1929 na tungkol pa rin sa pagpapatayo ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan.
Ilang taon bago ang pagkakaroon ng Pamahalaang Commonwealth noong 1935, 1931 biglang sigasig ang pagbibigay diin sa Araw ni Bonifacio sa buwan ng Nobyembre sa paraang magkaroon naman ng bukod na Araw ng mga Bayani sa buwan ng Agosto. Kombinyente ang paglitaw ng panayam kay Masangkay noong 1932 (kahit pa may ibang mga batis na mas maagang lumitaw at taliwas sa kanyang inaangking petsa at dako) upang maging basehan ng mga Amerikano upang tuluyan nang maipatayo ang monumento ni Bonifacio sa Caloocan noong 1933 para sa ika-70 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio.
Ngunit masasabing hindi sinsero, sapagkat ningas kugon, ang panukala mula sa hanay ng mga Amerikano sapagkat bumilang pa ng maraming taon bago nagkaroon ng ganap na implementasyon ang paghihiwalay ng Araw ng mga Bayani at Araw ni Bonifacio; at ang implementasyon ay 1952 na, sa panahon ng panunungkulan ni Quirino, ikalawang Pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas. Umusad din bago matapos ang termino ni Quirino, taong 1953, ang pagkakaroon ng panandang pangkasaysayan sa dako ng kamatayan ni Bonifacio sa Bundok Nagpatong, Maragondon, Cavite. Masasabing ang mas sinserong nasyonal na institusyonalisasyon ng pag-alala sa araw ng kapanganakan at sa dako ng kamatayan ni Bonifacio ay naganap noong ang Pilipinas ay mayroon nang independensya.
Ngunit dito na ba nagtatapos ang geopolitika ng Amerika sa Pilipinas? Hindi, sapagkat ang geopolitika ay may impluwensya rin sa international relations o ugnayan ng mga bansa na kinalaman sa kapangyarihan (britannica.com w.p.). Taong 1953 nagkaroon ng panandang pangkasaysayan sa dako ng kamatayan ni Bonifacio. Taliwas ito sa geopolitika ng mga Amerikano at kongretong hakbang tungkol dito na (1) prioritisasyon ng kanyang kapanganakan higit sa kanyang kamatayan. Kaya naman ito rin ang taon ng pagkakaroon ng panukalang paggunita kay Rizal at sinundan malaon ng paggamit sa mga paaralan o pang-edukasyong institusyon at ituro ang asignaturang Rizal pagsapit ng Hunyo 1956 sa pakikipagtulungan na rin ng ibang politikong Pilipino upang supilin ang elemento ng makakaliwang grupo at matiyak ang geopolitikal na interes ng mga Amerikano, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa Asya at sa buong daigdig sa panahon ng kairalan ng Cold War (Villan 2022, 42, 57).
At bagamat mayroong bukod na Araw ni Bonifacio mula 1952, at sa kabila ng katiyakan sa petsa ng kapanganakan at taun-taon ginugunita, natagalan din ang paglalagay ng monumento sa dako ng kapanganakan o Tutuban, Maynila; taong 1971 na (kaalinsabay ng ika-75 taong anibersaryo ng Unang Sigaw). Masasabing kaugnay pa rin ito sa geopolitika ng mga Amerikano at kongretong hakbang tungkol dito na (3) prioritisasyon ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan higit sa Maynila.
Ang ginawa naman ni Binay noong 2017, kaalinsabay pa man din ng ika-120 taong anibersaryo ng kamatayan ni Bonifacio, kung sa ibabaw ay titingnan lamang bilang lokal na institusyonalisasyon ng paglimot sa gunita ng panahon ni Bonifacio na araw ng kamatayan; at masasabing naipit lamang sa lokal na geopolitika sa pagitan ng Taguig at Makati ang monumento ni Bonifacio. Lalo kung daragdagan pa ang naratibong ang mga Bonifacio ay tubong Taguig, sa pag-aangkin ng Taguig pati sa West Rembo at iba pa, masasabi talagang nakababahala ito para kay Binay. Kaya naman noong 2017, ginawang palusot ang pampubliko proyekto ng DPWH at binalewala ang panawagan ng NHCP na huwag gumawa ng anumang hakbang na sisira sa monumento hangga’t hindi pa naaprubahan ang plano (de Villa 2017). Ngunit sa kabila na naipatanggal ni Binay ang monumento ni Bonifacio, nakuha pa rin ng Taguig ang West Rembo noong 2022.
Kung titingnan na malaliman, ang pangyayari sa pagitan ng Taguig at Makati ay masasabing kaugnay pa rin sa geopolitika ng mga Amerikano at kongretong hakbang tungkol dito na (1) prioritisasyon ng kanyang kapanganakan higit sa kanyang kamatayan. Pansinin na sa Proclamation No. 423 ay walang banggit na ang kinatitirikan ng Fort Bonifacio at karatig na barrio/ barangay kaugnay sa kuta ay nasa teritoryo ng Makati. Ngunit bakit sa Proclamation No. 2475 ni Marcos Sr., kung kailan pa 1986 at napipinto na ang Rebolusyon, sinaad na ang mga ito ay sa Makati? Totoong nakinabang sa Proclamation No. 2475 ang mga Binay sapagkat sila ang mga naluluklok na mayor sa Makati pagkatapos ng Rebolusyong 1986. Ngunit hindi sila ang talagang binibigyang pabor ni Marcos Sr. dito dahil ang mga Marcos at Binay ay hindi naman tradisyonal na magka-alyansa. At kung tinanggal man ang monumento ni Bonifacio, ano naman ang galit ng iilan kumpara sa pampublikong proyekto at biyaya na maaring bumalik sa Makati, partikular sa mga Binay, kapalit ng pagtanggal ng monumento? Interesante rin na noong 2023, isang taon matapos makuha ng Taguig pati West Rembo at iba pa, sinasabing nakipag-usap si Abigail Binay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Marcos upang muling buksan ang kaso tungkol sa pag-aangkin ng mga teritoryo (Reyes 2023).
Samantala, ang institusyonalisadong pagpapalimot ng mga Amerikano (sa kabila na waring sumusuporta sa damdaming bayan) sa gunita ng karanasan ni Bonifacio (Unang Sigaw) sa pampublikong espasyo at pampublikong komemorasyon, pagkatapos na italaga ang araw ng kapanganakan ni Bonifacio bilang Araw ng mga Bayani, ay nangyari naman sa pamamagitan ng (1) walang ingat na pagkuha ng batis na pagsasalalayan ng impormasyon at (2) ibukod ang Araw ng mga Bayani batay sa ganitong batis. At dahil ang bersyon ni Masangkay ang kinatigan (sa kabila na may merito ang bersyon ni Alvarez gamit ang iba pang batis), nagresulta ito sa pananaig ng dakong Balintawak, Caloocan na may petsang Agosto 26, 1896. Hindi na rin naman nakapagtataka kung ganito ang naging taktika ng mga Amerikano lalo pa’t nasa panig ng kanilang geopolitika, sa anyong reoryentasyon ng dako at petsa, ang pagpapalimot ng impormasyon tungkol Unang Sigaw.
Dito na ba nagtatapos ang geopolitika ng Amerika sa Pilipinas? Hindi. Kung papansinin umulit lang ang pangyayari noong dekada ‘30 noong dekada ‘60. Sa kabila ng impormasyon mula sa Konstitusyon 1897, monumento ng Unang Sigaw na itinayo noong 1903, maging ng talang-gunita ni Alvarez noong 1927, ang bersyon ni Masangkay noong 1932 na kinatigan ng mga kolonisador na Amerikano noon ding 1932, para sa 1933 o ika-70 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio. Pagsapit ng 1963, ang bersyon naman ni Valenzuela ang kinatigan ni Macapagal at ipinag-utos sa pamamagitan ng Proclamation No. 149 na ang Unang Sigaw ay gunitain sa petsang Agosto 23 at kilalanin ang Pugad Lawin bilang dako nito ano pa’t ang 1963 ay taon naman ng ika-100 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio. Ano ang panngyayaring umulit? Umulit lamang na binalewala ang talang-gunita ni Alvarez na di hamak na may merito kumpara ng kay Masangkay at ng kay Valenzuela sapagkat suportado ito hindi lamang ng impormasyong nakalagay sa monumento ng Unang Sigaw na itinayo noong 1903 kundi maging ng Konstitusyon 1897. Ayon na rin sa website ng NHCP, “the reliability of this [1897 Constitution] statement is very strong since this was declared by the leaders of the revolutionary government (members of the Katipunan) and this was declared only after a year [since the First Cry]. The proximity of the date of the Constitution to the ‘cry’ is reliable” (Melendez 2022).
Ngunit bakit naulit pa rin ang pangyayari noong dekada ‘30? Maaring mapagtakpan ni Bonifacio si Macapagal sa kontrobersyang kinasangkutan nito noong 1962—ang Stonehill Scandal kung saan sangkot ang Amerikanong negosyanteng si Harry Stonehill na may malawakang panunuhol sa mga matataas opisyal ng gobyerno kabilang si Macapagal, upang mapanatili nito ang kanyang monopolyo sa ibat ibang negosyo (de Viana 2023, 131). Natural na hindi si Macapagal ang nagbunyag sa Amerikano para lang din mabunyag ang kanyang sarili kaya’t kailangan niyang linisin ito at maaring ito na nga ay sa pamamagitan ng paglilihis sa isyu at pagbaling sa pagkakaroon ng ibang Araw ng mga Bayani na batay sa batis na hindi binusisi. Si Macapagal ay inakusahan ng kanyang mga kritiko na gumagawa ng mga coverup upang ang kanyang koneksyon kay Stonehill ay hindi mabunyag. Ipinadeport niya rin si Stonehill, dahil kung magsasalita ito sa paglilitis ay tiyak na magreresulta ito sa impeachment ni Macapagal (de Viana 2023, 131, 134). Bukod sa panakip butas, makapapabor sa geopolitika ng Amerika. Gayunpaman, hindi na naitawid ni Bonifacio si Macapagal patungo sa reeleksyon noong 1965. Kung mauulit sana ni Bonifacio ang sinabi niya bago siya paslangin ni Lazaro Macapagal, sa kamag-anak nitong si Diosdado Macapagal (Umali 2019): “kapatid, patawarin mo ako” (Nakpil 2019).
| Mga kaganapan/ paggunita kaugnay kay Bonifacio mula ika-20 Siglo | |
| 1901(Abril 23) | Naitala ang unang paggunita sa kamatayan ni Bonifacio(ginanap sa Maynila) |
| 1903 | Nagtayo ng monumento ng Unang Sigaw(Tondo, Maynila) |
| 1911 | Nagtayo ng monumento ng Unang Sigaw gamit ang pribadong pondo(Balintawak Cloverleaf, Caloocan) |
| 1918(Pebrero 23) | Nagkaroon ng Act 2760(Batas tungkol sa pagpapatayo ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan) |
| 1918(Marso 17) | Nahukay ang mga buto sa Bundok Nagpatong ng Maragondon, Cavite na ipinapalagay na kay Bonifacio |
| 1921 | Nagkaroon ng Act 2946 (Nobyembre 30 bilang Araw ng mga Bayani) |
| 1925(Nobyembre) | Nagtayo ang Masonriya ng panandang pangkasaysayan sa Bundok Nagpatong Maragondon, Cavite o dako ng kamatayan ni Bonifacio ang nilagay na petsa ng kamatayan ay Abril 26, 1897 |
| 1927 | Nailimbag ang talang-gunita ng katipunerong si Gen. Santiago Alvarez tungkol sa Unang Sigaw at sinabing ang petsa nito ay Agosto 24, 1896 |
| 1929 | Nagkaroon ng Act 3602(Batas tungkol sa pagpapatayo ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan) |
| 1931 | Nagkaroon ng unang panukalang batas upang magkaroon ng hiwalay na Araw ni Bonifacio at Araw ng mga Bayani |
| 1932 | Nagkaroon ng panayam sa katipunerong si Guillermo Masangkay tungkol sa Unang Sigaw at sinabing ang petsa nito ay Agosto 26, 1896 |
| 1933 | Nagtayo ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan (para sa ika-70 taong kaarawan at pati na rin sa Araw ng mga Bayani) |
| 1935 | Nagpahayag si Dr. Pio Valenzuela na ang dako ng Unang Sigaw ay sa Pugad Lawin |
| 1952 | Nagkaroon ng batas na ganap na nagbukod sa Araw ng mga Bayani mula sa Araw ni Bonifacio |
| 1953 | Naglagay ng panandang pangkasaysayan sa dako ng kamatayan ni Bonifacio sa Bundok Nagpatong, Maragondon, Cavite |
| 1957(Hulyo 17) | Nagkaroon ng Proclamation No. 423 ni Pangulong Carlos P. Garcia: pagpapalit pangalan ng Fort McKinley patungong Fort Bonifacio na ang bahagi ay nasa teritoryo ng Taguig |
| 1962 | Naglagay ng panandang pangkasaysayan ang historyador na si Teodoro Agoncillo sa Pugad Lawin bilang dako ng Unang Sigaw |
| 1963 | Nakalap ang dokumento ng katipunerong si Dr. Pio Valenzuela tungkol sa Unang Sigaw at sinabing ang petsa nito ay Agosto 23, 1896 |
| 1963 | Nagkaroon ng Proclamation No. 149 ni Pangulong Diosdado Macapagal na ang Unang Sigaw ay gunitain sa petsang Agosto 23 at kilalanin ang Pugad Lawin bilang dako nito |
| 1966 | Naialis ang monumento ng Unang Sigaw sa itinayo noong 1911 at ginawa ang Balintawak Cloverleaf |
| 1968 | Ang naialis na monumento ng Unang Sigaw sa Balintawak Cloverleaf ay inilipat sa UP Diliman campus |
| 1971 | Muling nagtayo ng monumento ni Bonifacio sa Balintawak Cloverleaf para sa ika-75 taong anibersaryo ng Unang Sigaw |
| 1971 | Nagtayo ng monumento ni Bonifacio sa Tondo, Maynila |
| 1984 | Naglagay ng panandang pangkasaysayan sa Bahay Toro bilang dako ng Unang Sigaw |
| 1997 | Nagtayo ng Dambana ni Bonifacio sa Maynila na komisyonado ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ni Mayor Alfredo Lim |
| 1997 | Nagtayo ng monumento ni Bonifacio sa harap ng Fort Bonifacio |
| 2017 | Naialis ang monumento ni Bonifacio sa harap ng Fort Bonifacio na inilagay noong 1997 |
Sanggunian
Adel, Rosette. 2017. DPWH: Makati gov’t informed of removal of Bonifacio monument. Philippine Star, November 23. https://www.philstar.com/headlines/2017/11/23/1761777/dpwh-makati-govt-informed-removal-bonifacio-monument
Agcaoili, Aurelio S. 2016. *Balabala ti Filosopia nga Ilokano.* Honolulu: Undertow Books.
Alombro, Nancy. 2020. *Duniya as Heritage: Understanding Teduray’s Notion of Space and Identity.* Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, bil. 5, 86–95.
barangayfortbonifacio.com. 2020. About Barangay Fort Bonifacio. https://www.barangayfortbonifacio.com/about
Britannica. w.p. geopolitics. https://www.britannica.com/topic/geopolitics
Cabie, Honor Blanco. 2016. Bonifacio Monument: A historical treasure. Manila Standard, October 30. https://manilastandard.net/?p=220123
Canonigo, JP. 2025. Finding their roots: Andres Bonifacio, the Supremo. https://www.istoryadista.net/2015/06/finding-their-roots-andres-bonifacio.html
Casinas, Jhon Aldrin. 2020. Bonifacio, the Katipunan and the Pinaglabanan Shrine. Manila Bulletin, November 30. https://mb.com.ph/2020/11/30/bonifacio-the-katipunan-and-the-pinaglabanan-shrine/
de Borja, Enzo Miguel M. 2023. Small Town, Big Dreams: Pateros and its ‘historical’ territory. August 24. https://halalan.up.edu.ph/small-town-big-dreams-pateros-and-its-historical-territory/
De Viana, Augusto V. 2023. A View of Philippine Government Corruption: The Harry Stonehill Scandal Revisited. Serajah, 32 (2), 121-151.
https://ejournal.um.edu.my/index.php/SEJARAH/article/view/45660/16375
de Villa, Kathleen. 2017. A hero’s monument. Philippine Daily Inquirer, November 25. https://business.inquirer.net/241446/a-heros-monument
diksyunaryo.ph. w.p. heopolitika. https://diksiyonaryo.ph/search/heopolitika
Diola, Camille. 2013. Parts of The Fort in Makati, not in Taguig -CA. Philippine Star, August 05. https://www.philstar.com/headlines/2013/08/05/1054801/parts-fort-makati-not-taguig-ca
Flake, Dennis Edward. 2025. Fort McKinley becomes Fort Andres Bonifacio. Philippine Daily Inquirer, January 03. https://usa.inquirer.net/163325/fort-william-mckinley-becomes-fort-andres-bonifacio
Guerrero, Milagros, Encarnacion, Emmanuel & Villegas, Ramon. 2003. Balintawak: The Cry for a Nationwide Revolution. https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/balintawak-the-cry-for-a-nationwide-revolution/
Khan, Muhammad Nawaz. 2014. Geopolitics of Water in South Asia. Journal of Current Affairs 1:1&2: 66-86. http://www.ipripak.org/wp-content/uploads/2016/11/Article5_Nawaz-Khan.pdf
Melendez, Christian Bernard A. 2022. A Cry for Clarification: A Short Discussion on the Controversies Surrounding the Cry of Pugadlawin. August 23. https://nhcp.gov.ph/a-cry-for-clarification-a-short-discussion-on-the-controversies-surrounding-the-cry-of-pugadlawin/
Nakpil, Lisa Guerrero. 2019. Shocking secrets, pure hearts revealed at Leon Gallery February Auction. Philippine Star, February 04. https://www.philstar.com/lifestyle/arts-and-culture/2019/02/04/1890519/shocking-secrets-pure-hearts-revealed-len-gallery-february-auction
National Historical Commission of the Philippines. 2012. Andres Bonifacio and the Katipunan. September 04. https://nhcp.gov.ph/andres-bonifacio-and-the-katipunan/
_______________________________________. 2022a. Andres Bonifacio Shrine. https://philhistoricsites.nhcp.gov.ph/registry_database/andres-bonifacio-shrine-mehan-garden/
_______________________________________. 2022b. Bundok Nagpatong Maragondon, Cavite. https://philhistoricsites.nhcp.gov.ph/registry_database/bundok-nagpatong-maragondon-cavite/
Ocampo, Ambeth R. 2011. The mystery of Bonifacio’s bones. Philippine Daily Inquirer, November 30. https://opinion.inquirer.net/18213/the-mystery-of-bonifacio%E2%80%99s-bones
________________. 2014. The true date of Bonifacio’s death. Philippine Daily Inquirer, May 09. https://opinion.inquirer.net/74349/the-true-date-of-bonifacios-death
________________. 2023. A Bonifacio pilgrimage. Philippine Daily Inquirer, May 10. https://opinion.inquirer.net/163032/a-bonifacio-pilgrimage
Ortuoste, Jenny. 2022. ‘Tried to rein him in’—why Katipunan was shot on May 10, 1897. Manila Standard, November 30. https://manilastandard.net/?p=314283032
Pascua, Princess Fame I. 2022. Rizal, More Than a One and a Half Century Hence: ang Paggunita at Pagsasakabuluhan kay Dr. Jose P. Rizal sa Loob/Labas ng kanyang Bayan at Panahon. Kaningningan (volume 1), 1-15.
____________________. 2023. Paglunsad, Pag-unlad, at Pagkasiyudad ng Taguig: Tungo sa pag-unawa sa pagiging isang ‘probinsyudad.’ Kaningningan (volume 2), 96-107. https://neuresearchcenter.wordpress.com/2025/04/08/paglunsad-pag-unlad-at-pagkasiyudad-ng-taguig-tungo-sa-pag-unawa-sa-pagiging-isang-probinsyudad/
____________________. 2024. Ilaya: ang “Sentro” at “Duluhan” sa Geopolitikal na Pilipinas kaugnay sa Sistemang Pangkailugan sa Panahon ng Kolonyalismong Espanyol. Ilaya-Ilawod: Ang Bayan sa Harap ng Hamon ng Kolonisasyon. ADHIKA, Inc. 20-33.
Philippine Daily Inquirer. 2011. The Great Plebeian and other heroes. November 30. https://opinion.inquirer.net/18221/the-great-plebeian-and-other-heroes
___________________. 2023. Look Through: What happens to the residents of EMBO barangays? August 31. https://newsinfo.inquirer.net/1824908/look-through-what-happens-to-the-residents-of-embo-barangays
Philippine Information Agency. 2025. PBBM honors history: Bonifacio’s assasination site is now His Shrine. February 25. https://pia.gov.ph/pbbm-honors-history-bonifacios-assassination-site-is-now-his-shrine/
Reyes, Mary Ann LL. 2022. The end, or is it? Philippine Star, April 30. https://www.philstar.com/business/2022/04/30/2177691/end-or-it
________________. 2023. Is the war over? Philippine Star, June 17. https://www.philstar.com/business/2023/06/17/2274376/war-over
Richardson, Jim. w.p. Andres Bonifacio Biographical Notes Part I: 1863-1891. https://www.academia.edu/31070975/Andres_Bonifacio_Biographical_notes_Part_I_1863_1891#loswp-work-container
Roa, Ana. 2019. Revolutionizing Fort Bonifacio. Philippine Daily Inquirer, April 13. https://business.inquirer.net/268624/revolutionizing-fort-bonifacio
Samonte, Severino. 2021. Relocation of ‘First Cry’ monument from Balintawak to UP recalled. Philippine News Agency, August 23. https://www.pna.gov.ph/articles/1151275
_______________. 2022. The ‘Unang Sigaw’ monument in Balintawak. Philippine News Agency, August 29. https://www.pna.gov.ph/articles/1181983
Taguig Heritage Society. 2018. Andres Bonifacio, Lahing Taguigeno. December 28. https://taguigheritagesociety.wordpress.com/2018/12/28/the-historic-parola-of-taguig-in-barangay-napindan/
___________________. 2022. Ang Plaza Bonifacio sa Tipas, Taguig. Agosto 30. https://taguigheritagesociety.wordpress.com/2022/08/30/ang-plaza-bonifacio-sa-tipas-taguig/
Torres, Jose Victor. 2018. Batis: Sources in Philippine History. C&E Publishing, Inc.
The Geopolitics of Yangtze River. 2013.
https://worldview.stratfor.com/article/geopolitics-yangtze-river-developing-interior.
Umali, Justin. 2019. The Untold Story of Andres Bonifacio’s Execution. Esquire, May 15. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/andres-bonifacio-execution1-a2212-20190515-lfrm
Villan, Vicente C. 2020. Gunitang Bayan at Salaysaying Bayan: Ang Pamanang-lahi sa Pag-unawa ng Kalakarang Panlipunan at Produksyong Pangkaalaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura (Tomo 5), 238-258.
_____________. 2022. Ang Pangkalinang Subersyong Geopolitikal at Pagsipat kay Jose Rizal sa Diskurso ng Pamana sa Kasaysayang Pilipino. Kaningningan (volume 1), 39-67. https://neuresearchcenter.wordpress.com/2024/11/08/ang-pangkalinangang-subersyong-geopolitikal-at-pagsipat-kay-jose-rizal-sa-diskurso-ng-pamana-sa-kasaysayang-pilipino/
Weir, Kimberley Lustina. 2021. A Heritage of Freedom: Monuments and the American legacy in the Philippine memoryscape, 1898-1978. PhD Dissertation, University of Nottingham.

