Vicente Angel S. Ybiernas
De La Salle University
How to Cite:
Ybiernas, V. A. S. (2024). Rebyu ng Knowledge and pacification: On the U.S. conquest and the writing of Philippine history. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 3(1), 116–123. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2024-ReKnPaOnUs
Panimula
Ayon sa may-akda ng Knowledge and Pacification: On the U. S. Conquest and the Writing of Philippine History (“Knowledge and Pacification” simula sa puntong ito) na si Reynaldo Clemeña Ileto (2017) inaprubahan ng Ateneo de Manila University Press noong 2006 subalit nagkaroon daw ng “long hiatus” ang proyekto hanggang 2014 bago muling umandar ang proseso ng publikasyon nito. Sa ibang pagkakataon naman (Xiao Chua, 2020) sinabi ni Ileto na sinimulan niyang isulat ang mga kabanata sa nasabing aklat pagkatapos ng mga teroristang pag-atakeng naganap sa Estados Unidos noong Setyembre 11, 2001 (Mga Pag-atakeng 9/11) bagama’t ang ilang parte nito ay nagmula pa sa pananaliksik na ginawa niya noong dekada 1980.
Ayon sa Australian National University (ANU), si Ileto ay nagtapos ng kanyang PhD in Southeast Asian History mula sa Cornell University noong 1975. Ang ilan sa mga aklat na isinulat niya ay: Magindanao, 1860-1888: The Career of Datu Uto of Buayan (1971, 2007); Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (1979, 2011); Filipinos and their Revolution: Event, Discourse, and Historiography (1998); Knowledge and Pacification: On the U.S. Conquest and the Writing of Philippine History (2017); pati na ang kabanatang “Religion and Anticolonial Movements” para sa Cambridge History of Southeast Asia (1992). Nagsilbi siyang Reader in Asian Studies sa ANU, Associate Professor sa Unibersidad ng Pilipinas, Research Scholar sa Kyoto University at Tokyo University of Foreign Studies, Professor of Southeast Asian Studies sa National University of Singapore hanggang 2012 at Adjunct Senior Fellow sa Nanyang Technological University hanggang 2017.
Binigyan siya ng parangal para sa mga naisulat kagaya ng Benda Prize in Southeast Asian Studies (1985), Masayoshi Ohira Prize (1986),
Philippine National Book Award (1999), Fukuoka Asian Culture Academic Laureate (2003), at Grant Goodman Prize in Philippine History (2011).
May kabuuang 361 pahina ang Knowledge and Pacification kabilang ang labindalawang kabanata na nahahati sa tatlong bahagi, mga mapa, apendise, talahuli, bibliograpiya at indise.
Ang unang bahagi ng aklat ay pinamagatang “The Filipino American War” kung saan ginamit na pagkakataon ni Ileto ang tugon ng Estados Unidos sa Mga Pag-atakeng 9/11, partikular na ang naging implikasyon nito sa ugnayan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas sa puntong iyon, upang balikan ang “shared history of wars” ng dalawang bansa. Tinalakay ni Ileto sa limang kabanata ng aklat sa bahaging ito ang disconnect sa historiograpiyang alam ng mga Amerikano (at mga Pilipinong loyalista nila) —na bakas halimbawa sa talumpati ni Presidente George W. Bush— tungkol sa Digmaang Pilipinas-Amerika, Digmaang Pilipinas-Hapon hanggang sa “Global War on Terror” pagkatapos ng 9/11 at sa historiograpiya o datos pangkasaysayan tungkol sa mga pangyayaring ito “mula sa ibaba” na tila pilit ibinabaon sa limot pero siya namang inungkat niya para sa aklat na ito.
Nakilala nang lubusan si Ileto bilang tagasulong ng “kasaysayan mula sa ibaba” lalo na bilang may-akda ng Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 na kinilala ng Sojurn: The Journal of Social Issues in Southeast Asia bilang isa sa “most influential books on Southeast Asian Studies,” ang nag-iisang aklat na sinulat ng taga Timog Silangang Asya mismo sa listahang iyon. Mahalaga ang kasaysayan mula sa ibaba bilang gabay sa historiograpiya dahil sa kadalasang pagkakaiba ng perspektiba ng mga nasa ibaba at ng mga nasa itaas.
Sa kasong ito, ang perspektiba ng nasa ibaba ay mula sa mga primaryang ulat ng mga lumahok sa digmaan —Digmaang Pilipinas-Amerika at Digmaang Pilipinas-Hapon, halimbawa— sa lebel ng bayan kumpara sa mga gunita o ulat ng mga nasa itaas o mga kilalang pangunahing karakter ng mga nasabing digmaan na nasa pambansang lebel. Problematiko ang kasaysayan mula sa ibaba ng Knowledge and Pacification vis-a-vis sa kasaysayang malawakang tanggap sa loob at labas ng bansa.
Pinapaalala ni Ileto ang sadyang pagpapalimot sa sambayanang Pilipino ng karahasan ng Digmaang Pilipinas-Amerika (ng malaking lamat at pangmatagalang epekto nito sa demograpiya ng bansa) at ang matagal, masidhi at rurok na pagtutol —ng Timog Katagalugan bilang partikular na halimbawa— sa pagmamadali ng Estados Unidos na tapusin agad-agad ang nasabing digmaan, magkaroon ng “kapayapaan” sa bansa at maisulong sa wakas ang tahaking kolonyal sa Pilipinas. Partikular na mahalaga para sa akin —marami akong naisulat tungkol dito bilang aplikasyon sa pulitika ng kasalukuyan sa aking lingguhang column sa The Manila Times— ang ideya ng “Amigo Warfare” kung saan doble-kara ang ugnayan ng mga Pilipino sa mga Amerikanong mananakop: kaibigan sa umaga/liwanag pero taga-suporta naman ng mga Pilipinong patuloy na lumalaban sa sukal ng kabundukan at kagubatan sa gabi/dilim.
Hindi ito ang tipikal na laman ng mga aklat sa kasaysayan tungkol sa Digmaang Pilipinas-Amerika. Mas mainam kung sa hinaharap ay may sumunod sa yapak ni Ileto na nagbigay ng ilang kaso lamang sa Timog Katagalugan tungkol sa kaganapang ito at gawing pambansa ang sakop ng pag-aaral upang makita talaga ang pagkakaiba ng kasaysayan mula sa ibaba sa namamayaning kasaysayan mula sa itaas.
Pagpapatuloy ng tema ng unang bahagi ng aklat ang ikalawang bahagi na pinamatang “Memory, History and Politics” kung saan mas masinsinang inusisa ni Ileto ang tila sadyang pagpapalit ng kasaysayan ng ugnayang Estados Unidos at Pilipinas sa memorya at isipan ng mga mga Pilipino upang isulong ang adyendang pulitikal ng Amerika (at mga Pilipinong loyalista nila) sa bansa at sa internasyunal na lebel na rin, at vice versa. Nariyan pa rin ang kasaysayan mula sa ibaba ng mga Pilipinong —ayon sa wika ni Andres Bonifacio— ay hindi nalamuyot ng matamis na dila ng mga Amerikano sa paghibo. Subalit, nariyan din ang mga indibidwal at institusyon (kagaya ng simbahang Katolika) na nakinabang sa pagpapalawig ng pulitikal na aspekto ng pagsusulong ng historiograpiyang pabor sa Estados Unidos sa ating bansa maski na pagkatapos ideklara ang ating kalayaan mula sa Amerika noong 1946.
Hindi naman bago ang kaisipan na ipinagpipilitan ng mga Amerikano (at mga Pilipinong loyalista nila) ang isang paborableng historiograpiya ayon sa kanilang interes. Ang mahalaga sa bahaging ito, kagaya ng naunang bahagi, ay ang mga partikular na halimbawa na magpapatunay dito at sa mga kaugnay nitong mga isyu, na hindi lamang ito polemika ng mga indibidwal o grupong kontra Amerika — sa Estados Unidos, sa Cornell, pa nga nag-doktorado si Ileto— kundi ito ay historiograpikal lamang.
Nakakatawag ng atensyon sa akin bilang guro ng asignaturang Buhay, Gawa at mga Sinulat ni Jose Rizal alinsunod sa Batas Republika bilang 1425 ang makita sa bahagi ng aklat na tumalakay dito (Kabanata 9) ang mga partikular na makasarili o self-serving na interes ng ilang mga personalidad at institusyon kagaya ng simbahang Katolika kaugnay sa pagtutol nila sa makabayang pagsulong sa pag-aaral sa buhay, gawa at mga sinulat ni Jose Rizal. Nagkataon lamang kaya na paborable sa historiograpiyang isinusulong ng Estados Unidos —ang balikatang Pilipino-Amerikano noong Digmaang Pilipino-Hapon— sa makasariling interes ng mga tumutol noon sa makabayang pagsulong sa pag-aaral sa buhay, gawa at mga sinulat ni Jose Rizal? Baka naman kumikiling talaga sa pangkalahatang kolonyal (at neo-kolonyal) na interes —kaya may interseksyon sa interes ng Estados Unidos sa Pilipinas— ang mga ito bunga ng kanilang kasaysayan bilang institusyon at/o indibidwal na nakikinabang sa ganitong klaseng kaayusan?
Ano at anuman, makikita din sa bahaging ito ng aklat kung paano patuloy na sinandigan ng mga makabayang Pilipinong nasa ibaba ang alaala ng mga bayaning lumaban para sa kalayaan ng bansa laban sa mga dayuhang mananakop kasama na ang mga Espanyol, Amerikano at Hapon. Kahanga-hanga din ang paglalahad ni Ileto ng personal na kuwento niya (at ng kanyang ama) bilang halimbawa na kakikitaan ng tinatawag ni Pierre Bourdieau (1984) na habitus ng mga Pilipino sa loob ng kolonyal (at post-kolonyal) na kaayusang pumapabor sa interes ng kolonyalismo (at neo-kolonyalismo) sa ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Bagama’t mabigat ang pagdidiin ng Estados Unidos sa Pilipinas sa isang partikular na historiograpiya ng kasaysayan ng nasabing ugnayan sa ngalan nga ng pagpapatuloy ng mabuting ugnayan ng dalawang bansa, hindi pa rin lubusang napaparam ang pagka-makabayan ng mga Pilipino, lalong lalo na ang mga nasa ibaba. Gayun din naman sa historiograpiya; hindi rin lubusang mapatahimik ang kasaysayan mula sa ibaba. Ang dahilan ay simple: umiinog pa rin ang kasaysayan ng Pilipinas (at ng mga Pilipino) sa panahon ng Rebolusyon ng 1896 at Digmaang Pilipinas- Amerika bilang tinatawag ni Ileto na “foundational event of history”. Bunga nito, makikita ang paulit-ulit na paglitaw ng mga bayani ng rebolusyon at digmaan sa kamalayan ng hene-henerasyon ng mga Pilipino kagaya ng pinapakita ni Ileto sa Knowledge and Pacification.
Para sa akin, pinaka-interesante ang huling bahagi ng aklat —”Knowledge and Pacification”—bunga ng mas direktang implikasyon nito sa kasalukuyan. Dito idinidiin ni Ileto ang malaking pagkukulang ng pambansa (historiograpiya man o pulitika) at ang bisa ng lokal o pampook. Nagkataon din na noong ilalabas na bilang publikasyon ang aklat (2017) pagkatapos ng maraming taon ng pagkaka-antala ay naging pangulo ng bansa si Rodrigo Duterte, na dating mayor ng Lungsod ng Davao.
Matalim ang kritisismo ni Ileto sa mga dayuhang nagtangkang sumipat sa mga lokal na opisyales at pinuno ng ating bansa sa nasabing bahagi. Pinakita niya ang problema ng mga dayuhang nagtatangkang mag-aral ng kasaysayan at pulitika ng bansa na ang tanging alam lamang ay ang historiograpiya at teoryang pulitikal na pinanday sa Kanluran at sinalo ng Pilipinong loyalista ng mga dayuhan: hindi sila aral at mulat sa historiograpiya at pulitikang mula sa ibaba.
Bunga nito, samakatuwid, ang historiograpiya sa partikular at epistemolohiya (“knowledge”) bilang kabuuan ay sinisikap paamuhin (“pacification”) ng kolonyal (at neo-kolonyal) na adyenda ng mga kolonisador at imperyalista sa tulong ng kanilang mga loyalistang Pilipino. Walang kamuwang-muwang ang mga nagsusulong nito sa kalikasan at kasaysayan ng pulitika at pamumuno sa bansa. Pilit lamang sinasalpak ang epistemolohiyang Kanluran sa loob ng bansa upang maging mas madali isulong ang pulitikal na interes, lalong lalo na sa kaso ng Estados Unidos mula sa Digmaang Pilipinas-Amerika hanggang sa kasalukuyan kung saan ginagawa nilang sangkalan ang Pilipinas laban sa Tsina gamit ang isyu kaugnay sa West Philippine Sea at ngayon naman sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Nasa unang bahagi ng aklat ang paglalatag ni Ileto ng papel ng mga lokal na opisyal ng bansa noong panahon ng digmaan (Digmaang Pilipinas- Amerika at Digmaang Pilipinas-Hapon) subalit sa mga akda ng mga dayuhan (at disipulo nilang mga Pilipino) na nagsulat tungkol sa mga ito, hindi nila lubusang naunawaan ang konteksto ng mga opisyales na ito bilang mga pinunong napapagitnaan ng taumbayan sa isang banda at ng naglalakihang pwersang pulitikal —kolonyal man o mga mas makapangyarihan/ pambansang pulitiko— na madalas man o minsan ay parang mga nag- uumpugang bato. Limitado ang perspektiba ng mga ito dahil bilang mga dayuhan (o mga Pilipinong mas mulat sa pambansang pulitika), hindi nila lubusang gagap ang kasalimuotan ng posisyon ng lokal na opisyal at/o ang isigan ng lokal na pulitika dahil wala naman silang pagkatampak dito. Pilit nilang itinutumbas ang lokal na pulitika ng bansa at ang mga pulitikong kumikilos dito sa kalagayan sa Kanluran kung saan mas pamilyar sila.
Ang mas matingkad sa mga ito bilang tagamasid ng lokal na pulitika at pulitiko ay ang mga kontradiksyon na tumatambad sa kanilang mga mata, bunga ng paniniwala na “seamless” (o seamless dapat) ang koneksyon ng lokal sa pambansang pulitika. Ayaw nilang kilalanin na dinamiko ang pulitika ng mga lokal na opisyales, depende sa pagkakataon at sa sirkumstansya na hinaharap nila. Ito ang bagay na ipinakita ni Ileto sa huling bahagi ng Knowledge and Pacification: hindi kilala at walang malalim na pagkaunawa ang mga tanyag na dayuhang iskolar sa mga lokal na opisyales na pinag-uusapan nila.
Malapit sa kritika ni Vicente Villan tungkol sa lokal na kasaysayan at kasaysayang pampook na sinipi ko sa aking rebyu ng Ang Bayan ng Tagagiik: Isang Kasaysayang Pampook ni Jolan Saluria (2023) ang puntong tinutumbok dito. Para kay Villan ang lokal na kasaysayan ay isang “micro version” ng pambansang kasaysayan na sumusunod sa tradisyunal —at inimpluwensiyahan ng kolonyal na historia— na pagpapanahong precolonial-colonial-postcolonial samantalang ang kasaysayang pampook ay nakatuon sa interface ng mga etnisidad at “geographic space” sa paglipas ng panahon. Ang interface na ito ang lumilikha, ayon kay Efren Isorena, ng tinatawag na “geographical sense of place,” na sa aspektong pulitikal —bagama’t may kontribusyon din ang iba pang salik— ang siyang humuhubog sa pulitika ng mga lokal na opisyales. Hindi lamang sila micro version ng pambansang pulitika dahil iba ang heyograpiya nito kumpara sa lokal na pook. Makikita ang ganitong klase ng pagkaunawa sa lokal na (at pambansang) pulitika sa Knowledge and Pacification na kulang na kulang sa mga akda ng mga dayuhang iskolar.
Maraming beses ko na ginamit ang perspektiba ng Knowledge and Pacification ni Ileto sa aking lingguhang column sa The Manila Times na nakatuon sa pagkokonekta ng mga malalaking isyu sa kasalukuyan sa ating kasaysayan. Hindi na nga sana ako interesado gawin ang rebyu na ito dahil maraming taon na ang lumipas simula nang mailathala ang Knowledge and Pacification noong 2017. Subalit nitong Hulyo 16, 2024 lamang sa pagkakataon ng Reynaldo C. Ileto Public Lecture Series on Social and Cultural History na naisagawa sa kabutihang loob ng Departamento ng Kasaysayan ng De La Salle University (DLSU) sa pamumuno ni Tagapangulo Jose Rhommel Hernandez at DLSU Sociedad de Historia, ipinarating sa akin ng historyador na si Michael Charleston “Xiao” Chua ang “paniningil” ni Ileto sa rebyung ito, bunga nga ng paulit-ulit na pagbanggit ko dito sa aking column sa Manila Times.
Sa kabuuan, isang makabuluhang pagsipat sa iba’t ibang aspekto ng kasaysayan at historiograpiya ang Knowledge and Pacification, lalong lalo na sa ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos ngunit maaari din para sa ilang partikular na bahagi ng kasaysayang pambansa at pampook. Bukod pa riyan, malinaw din ang kontribusyon ng Knowledge and Pacification bilang punto de bista para sa pagsipat ng maraming aspekto ng ating (kasaysayang) (pam)pulitika. Kung sa Anarchy of Families, iginiit ni Alfred McCoy (1998) na ang kasaysayang pulitikal ng bansa ay kasaysayan ng mga pamilya, (mas) nakakakumbinsi ang Knowledge and Pacification na ang kasaysayang pampulitika ng Pilipinas ay walang iba kundi kasaysayang lokal o pampook lamang.
Sanggunian
Bourdieu, P. (1984). Distinction: A social critique of the judgement of taste. Massachusetts: Harvard University Press.
Chua, X. (2020, April 1). Lecture of Dr. Reynaldo C. Ileto: “Class discussion on knowledge and pacification” [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=7jeg2yK5sHY
Ileto, R. C. (2017). Knowledge and pacification: On the U.S. conquest and the writing of Philippine history. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.
Ileto, R. C. (n.d.). Australian National University (College of Asia and the Pacific). https://researchprofiles.anu.edu.au/en/persons/reynaldo-ileto
McCoy, A. W. (1994). An anarchy of families: State and family in the Philippines. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.
Ybiernas, V. A. S. (n.d.). The Manila Times. https://www.manilatimes.net/author/van-ybiernas
Ybiernas, V. A. S. (2023). [Rebyu ng Ang Bayan ng Tagagiik: Isang Kasaysayang Pampook]. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 2(1), 111–115.

