Tipiganan sa Kabilin: Ang Museo Sugbo sa Pagsasakapangyarihan ng Sambayanang Sugboanon

Trizer Dale D. Mansueto
University of the Philippines – Cebu

How to Cite:
Mansueto, T. D. D. (2025). Tipiganan sa kabilin: Ang Museo Sugbo sa pagsasakapangyarihan ng sambayanang Sugboanon. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 4(1), 40–59. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2025-TiKaAnMuSu

Abstrak

Ang kalinangan ay may papel  din sa pagsasakapangyarihan ng mga mamamayan lalo na ang kabilin (pamanang bayan) ng mga Sugboanon. Hindi lamang ito pinagmumulan ng pagmamalaki at pagkakakilanlan ng mga kasalukuyang Sugboanon pero ito ay maaring makatulong upang mas maintindihan ng ibang tao ang mga ito. Ang mga kabilin na nasa Museo Sugbo, ang tipiganan (lagakan) ng mga pamanang bayan ay maaring magsasakapangyarihan din sa mga Sugboanon sa bahaging pang-ekonomiya dahil ito ay isa sa mga dinadalaw ng maraming turista. Ginawang sandigan sa pag-aaral na ito ang isinulat ni Villan (2014) ukol sa pagtataguyod sa kaloobang bayan para sa buhay, ginhawa at dangal.

Mga susing salita: kabilin, tipiganan, Museo Sugbo, Sugboanon, pamanang bayan at kalinangan

Panimula

Ang marami sa mga bansa ngayon ay pinag-iibayo pa ang industriya ng turismo dahil ito ay may kakayahang umakit ng maraming turista. Kung maraming turista nangangahulugan din ito ng malaking kita sa panig ng gobyerno, mga Negosyo, at sa mga mamamayan. Ang malaking kita na dulot ng turismo ay ginagamit ng pamahalaan para sa maraming bagay – pagbubukas at pagsasaayos ng maraming kalsada sa mga kanayunan; pagtatayo ng mga silid-aralan, mga pagamutan, health centers; at pagbibigay ng libre at dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa elementarya, hayskul, at kolehiyo. Dagdag pa rito, makakapagbukas ang gobyerno ng maraming trabaho sa mga sangay nito at ibayong pondo sa nakakaligtaan na na mga ahensiyang pangkultura at pangkalinangan ng bayan.

Makikinabang din sa turismo ay ang mga negosyante dahil nakapagtatayo na sila ng iba pang negosyo na aakit pa ng maraming turista na maaaring makapagbubukas pa ng mga trabaho para sa mga simpleng mamamayan.  Dulot ng trabaho mula sa industriya ng turismo, ang mga mamamayan ay umaasenso at nakukuha na ang kanilang mga inaasam-asam sa buhay.

Ang turismo ay may malaking bahagi sa pagsasakapangyarihan ng lahat. Isa sa mga daan sa pagkakamit nito ay ang paggamit ng kultura, lalo na ang kabilin ng mga ninuno ng mga Sugboanon. Ito ang isa sa mga naisip ni Gob. Gwen Garcia upang mabigyan ng tsansa na umasenso ang ibat-ibang bayan ng Cebu.

Isa sa mga unang hakbang ni Gob. Garcia nang una siyang mahalal ay ang pagpapatayo ng Museo Sugbo, at iba pang mga museo na makikita sa mga bayan at kahit sa mga barangay ng Cebu para hindi lamang gawing tipiganan ng kabilin at maging “source of pride” ng mga mamamayan, kundi upang umakit din ng mga turista na gustong matuto tungkol sa kultura at kasaysayan ng mga Sugboanon (Alburo, 2014).

Sa pananaliksik na ito, ating pahahalagahan ang pag-iingat sa yamang kalinangan ng mga Sugboanon na nasa Museo Sugbo, ang opisyal na tipiganan ng kabilin ng lalawigan ng Cebu na kanilang ginagamit para sa pagsasakapangyarihan ng sambayanan.

Sa pagsasagawa nito, tayo ay may mga katanungan na sasagutin  upang ating makamit ang pangkalahatang layunin ng sanaysay na ito. Ang mga katanungan ay ang mga sumusunod:

  1. Ano ang tipiganan sa kabilin sa pag-iingat ng pamanang bayang Sugboanon?
  2. Paano masasabing ang pamanang bayang Sugboanon ay maituturing na yamang pangkalinangan?
  3. Ano-ano ang kahalagahan ng tipiganan sa kabilin kaugnay sa yamang pangkalinangan na marapat maingatan upang matiyak  ang simulain sa pagsasakapangyarihan ng Sambayanang Sugboanon?
  4. Bakit mahalaga ang tipiganan sa kabilin sa pagsipat, pag-iingat at pananangkapan sa yamang pangkalinangan sa sambayanang Sugboanon?

Para matugunan ang mga katanungan na ating nabanggit at mabigyan ng kaukulang direksiyon ang ating pagsasalaysay, ibabalangkas din natin ang ating tiyak na mga layunin:

  1. Maipaliwanagang hipusanan sa kabilin kaugnay sa pag-iingat ng pamanang bayang Sugboanon.
  2. Mapangatwiranan naang hipusanan sa kabilin ay mahalaga sa pag-iingat ng mga pamanang bayang Sugboanon.
  3. Mailahad naang kahalagahan ng hipusanan sa kabilin bilang tagapag-ingat ng yamang pangkalinangan na marapat ay saligan ng simulaing sa pagsasakapangyarihan ng Sambayanang Sugboanon; at
  4. Mabigyang kabuluhanang hipusanan sa kabilin sa pagsipat, pag-iingat at pananangkapan sa yamang pangkalinangan tungo sa pagsasakapangyarihan sa sambayanang Sugboanon.

May limang bahagi ang pagsusuri na ito upang magsilbing daluyang pangkaisipan na magtatawid sa atin upang ating mauunawaan ang paksa:

  1. Tipiganan sa kabilin: pagpapakahulugan kaugnay sa pamanang bayan;
  2. Pamanang bayan: Ang Museo Sugbo sa pag-iingat sa tipiganan sa kabilin; 
  3. Ibat-ibang anyo ng pamanang bayan at ang pag-iingat ng museyo sa mga kabilin;
  4. Mga simulain sa pagsasakapangyarihan ng sambayanang Sugboanon; at
  5. Hipusanan sa kabilin, Museo Sugbo, at pagsasakapangyarihang Sugboanon: Ang pamanang bayan at ang mga inisyatibang kaunlaran.

Ang kabiling Sugboanon at ang tipiganan

Ang mga Sugboanon tulad ng ibang mga pangkat etniko na Bisaya ay nakatira sa gitnang bahagi ng arkipelago ng Pilipinas na nagpapraktis ng pagpapatik (pagbabatuk) at gumagamit ng bangka na tinatawag na sakayan sa paglalayag. Bago pa man dumating ang mga Espanyol na mananakop, ang mga Sugboanon, gaya rin ng ibang mga Bisaya, ay nagdaraos ng pangangayaw sa ibang bahagi ng Pilipinas (Villan, 2017).

Ayon sa paring Heswita na si Francisco Ignacio Alcina noong ika-16 dantaon, ang mga Bisaya o mga tao na nakatira sa kapuluan ng Visayas na naglakip sa mga Sugboanon ay may payak na mga tahanan at silay nabubuhay na kuntento rito di kagaya ng mga Espanyol na may mga magagara at mamahaling muwebles.

Dahil sa kapayakan ng kanilang buhay, di kagaya ngayon na may marami nang mga kasangkapan, ni wala nga silang mga upuan dahil silay umuupo sa sahig lamang. Wala rin silang mga kabinet kung saan nila inilalagay ang mga bagay-bagay. Ito’y kanila lamang isinisilid sa isang yaring basket. At wala rin silang mga pintuan dahil wala naman silang nakikitang peligro sa kanilang buhay o magnanakaw sa iilan nilang mga ari-arian. Kung mayroon man silang iilang pirasong ginto, itinatago ito ng mga kababaihan sa  isang maliit na kahon na tinatawag na kapipi. Kung ang kalalakihan naman ay may isang real o toston, tinatago din nila ito sa taguan na isang pamigkis para hindi ito mawala (Alcina, 1668).  Ang mga lugar na nagsisilbing taguan ng mga kabilin at iba pang pamanang bayan na ipinagmamalaki ng mga Sugboanon ay tinatawag na tipiganan.

Ang salitang kabilin ay galing sa salitang ugat na bilin na ayon kay Encarnacion (1885) ay nangangahulugang “herencia” o mana; o “patrimonia o mana na galing sa ninuno; o qualquiera donacion en muerte na nangangahulugang isang bagay na ibinigay ng isang namayapa. Sang-ayon din ito sa depinisyon ni John Wolff (1972, p. 137) na binigyan niya nang pakahulugan sa Ingles bilang “inheritance”.  Ang tipiganan naman ayon pa rin kay Encarnacion (1888, p. 410) ay hango sa salitang tipig na nangangahulugang “guardar algo en caja, baul, cuarto, etc.” na ibig sabihin ay  itago sa isang kaha, baul o sa silid at iba pa. Nangahulugan ang tipiganan naman na “hiding place” ayon kay Wolff (1972, p. 1022).

Ang kabilin ay katulad din ng konseptong kultural na “panublion” sa Kanlurang Kabisayaan na nagbibigay halaga hindi lamang sa yamang pangkalinangan pero pati na rin sa yamang pangkalikasan at yamang pasalita at kaalamang bayan na sa kulturang Kanluranin tinatawag na heritage o yamang lahi na mas popular na ginagamit sa kasalukuyang panahon (Villan, 2017, 280).  Kahalintulad ng konsepto ng panublion, ang “fusaka” ng mga Teduray ng Upi sa Maguindanao, na tumutukoy hindi lamang sa mga materyal na bagay na ipinapasa sa mga sumusunod na henerasyon gaya ng bolo, kris, agong, mga hayop na pansaka gaya ng kalabaw, kabayo at baka kundi lahat ng bagay na naipamana sa kanila ng kanilang mga ninuno ay tinuturing ding fusaka (Alombro, 2020).

Ang kabilin, gaya ng panublion at ng fusaka, samakatuwid, ay nangangahulugang mga pamana ng mga Sugboanon na maari nilang ipagmamalaki dahil galing pa ito sa kanilang mga kanunu-nunuan. Ang kabilin ay hindi lamang tumutukoy sa materyal na pamana kundi tumutukoy din ito sa hindi nasasalat (intangible) na pamanang bayan kagaya nang isinalarawan sa isang matandang kantang Sugboanon na pinamamagatang Rosas Pandan: 

Balitaw day akong puhunan
Maoy kabilin sa akong ginikanan
Awit nga labing karaan
Nga garbo ning atong kabungturan.

                        Salin:

Balitaw lang ang aking puhunan
Ang pamana ng aking mga magulang
Isang matandang awitin
Na ipinagmamalaki ng ating kabundukan.

(http://visayansongs.blogspot.com/2012/09/rosas-pandan.html nakuha noong Nobyembre 12, 2022.  Aking sarili ang salin)

Ang Museo Sugbo bilang tipiganan ng pamanang Sugboanon

Dahil sa impluwensya ng mga Espanyol, dumating ang konsepto ng museo sa Pilipinas. Ang museo ay binuksan para ipakita nila ang kalinangan at sibilisasyon na natamo ng mga Europeo. Ang salitang museo ayon kina Edward Alexander at Mary Alexander (2008, p. 2) ay “isang organisado at permanente, hindi kumikita, mahalaga para sa pagtuturo at aesthetic ang layunin, na may mga propesyunal na mga tauhan, na nagmamay-ari at gumagamit ng mga nasasalat na bagay, nangangalaga sa mga ito at ini-eksibit ito sa publiko sa isang regular na pahanon”. Ayon kina Peter Stone at Brian Molyneaux (1994, p. 252), ang museo bilang tipiganan ay nagpapasundayag ng mga bagay na maaring makaimpluwensiya sa pang-unawa ng publiko lalo na tungkol sa kasaysayan dahil ginagawa nitong “buhay” ang kasaysayan, lalo na kung ang ipinapakita ay tunay o “authentic” sa pamamagitan ng “realistic reconstruction” halimbawa sa pormang “period rooms, dioramas, living history…” Ang museo, ayon sa International Council of Museums ay nangangahulugang isang “non-profit making, permanent institution in the service of society and of its development, and open to the public, which acquires, conserves, researches, communicates and exhibits, for purposes of study, education and enjoyment, material evidence of people and their environment” (International Council of Museums, w.p.).

Ang salitang museo ay nagmula sa mouseion, na isang salitang Griyego na may iba’t ibang kahulugan sa nakalipas na mga siglo. Noong panahong Klasikal, ito ay tumutukoy sa isang templo na inialay sa mga musa o mga diyosa ng epiko, musika, mga tula, oratory, kasaysayan, tragedy, komedya, sayaw at astronomiya. Ang pinakasikat na museo noong ikatlong siglo BCE, ay itinatag ni Ptolemy Soter sa Alexandria, Egypt at ito ay naglalaman ng  mga bagay kagaya ng mga imahe ng mga dalubhasa, mga astronomical at surgical instruments, elephant trunks, balat ng mga hayop at iba pa. Subalit higit sa mga ito ay may mga nag-aaral na sikat na mga pantas na sinusuportahan ng estado (Alexander at Alexander 2008, 3-4).

Ang modernong museo ay produkto ng Renaissance Humanism noong ika 16 na siglo, sa kabilang banda, ay tumutukoy sa konsepto ng galeri na nangangahulugang isang mahaba at malaking silid na may ilaw na di naglaon ay tumutukoy sa isang lugar kung saan ipinapakita ang mga litratro at mga eskultura. Ito rin ay maiuugnay sa cabinet na mula sa salitang Italyano na gabinetto na tumutukoy naman sa isang parisukat na silid na napupuno ng mga stuffed animals, botanical rarities at maliliit na obrang pangsining gaya ng mga medalyon, statuette, artifact at curio (Ibid, 5).

Para kay Pierre Nora sa kaniyang isinulat na Between Memory and History: Lieux de Memoire (1989, 11-14) ang museo ay mahalaga sa pagpapanatili ng alaala ng sangkatauhan. Ang lieux de memoire ay tumutukoy sa “immense and intimate fund of memory” na nanatili na lamang bilang bagay sa pananaw ng kasaysayan. Para manatili ang alaala, kailangang gamitin ng tao ang mga symbolic objects kagaya ng mga matatagpuan sa mga silid-aklatan at mga museo na nagsisilbi bilang mga “boundary stones” sa nakalipas na panahon. Ang mga ito ay kailangan natin upang palakasin ang ating pagkakakilanlan kagaya ng mga artifact, mga testimonya, mga dokumento o mga larawan na pwedeng kuhanin upang magsilbing pruweba sa ating nakalimutang lumipas.

Ayon kay Eilean Hooper-Greenhil (2007, 2): “Sa pamamagitan ng mga ganap ng pagpapakita at interpretasyon, gamit ang mga bagay, paintings, mga litrato, models at mga teksto, ang mga museo ay gumagawa ng mga pagtingin, nagpepresenta ng kwento at gumagawa ng mga resources para sa pag-aaral. Ang mga interpretative process na ito, na nagsasangkot ng pagpapatungkol ng kahulugan ay malaking bahagi ng trabaho ng mga museo at pwedeng naglalarawan sa pagbubuo ng ‘kurikulum’ ng museo. Sa madaling salita, ang museo ay kaakibat ng pagtuturo.

Ang museo ng University of Santo Tomas sa Maynila ang makokonsidera na pinakaunang museo sa Pilipinas. Ito ay itinatag ng mga paring Dominiko noong 1869 para tugunan ang Reglamento de Segunda Enseñanza noong 1865 na humikayat sa mga first class college na magbukas ng Museo de Historia Natural para sa kanilang mga estudyante. Mula sa Intramuros, ito ay inilipat sa kasalukuyang UST Main Building noong 1928 (University of Santo Tomas Museum, w.p.). 

Ang National Museum of the Philippines (NMP), sa ibang banda, ay nagsimula bilang Museo-Biblioteca de Filipinas noong Agusto 12, 1887 sa pamamagitan ng isang dekreto ng Hari ng Espanya. Isinara ang museo noong 1900 at binuksan muli sa publiko sa panahon ng mga Amerikano noong Oktubre 29, 1901 bilang Insular Museum of Ethnology, Natural History and Commerce (National Museum of the Philippines, w.p.). 

Mula sa mga museong ito, marami na ngayong iba pang mga museo ang binuksan hindi lamang ng mga iba’t ibang pamantasan at mga sangay ng Pambansang Museo sa ibat-ibang dako ng bansa. Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay may mga museo rin sa ibat-ibang probinsya na nagtatanghal sa buhay ng mga bayani kagaya ng Museo ni Juan at Antonio Luna sa Badoc, Ilocos Norte, Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa Bulakan, Bulacan, Museo ni Jose Rizal sa lungsod ng Dapitan, Zamobanga del Norte at iba pa. Karamihan sa mga bagong binuksan na mga museo ay pawang mga pribado at iilan naman ay itinayo ng mga lokal na pamahalaan kagaya ng mga lalawigan, lungsod at mga bayan.

Sa ngayon may ibat-ibang klase na ng mga museo. Ayon sa webiste na historyofmuseums.com (History of Museums, w.p.), may mga archaeology, art, encyclopedic, historic house, history, living history, maritime history, military & war at iba pang mga museo. Si Tantoco (2021, 5-7) ay may ipinanukala nga na museo ng kasaysayang bayan, na di gaya ng karaniwang na museo ay isang konseptwal na museo na nahubog niya habang siya ay nakipagkwentuhan sa mga bankero ng Pamarawan ng Malolos City.

Mga yamang pangkalinangan sa Museo Sugbo

Binuksan ang Museo Sugbo sa publiko noong Agusto 5, 2008. Ang Museo Sugbo ay itinayo bilang tipiganan ng mga kabilin na may kinalaman sa kasaysayan at kultura ng Cebu at ng mga Sugboanon. Ang museong ito ay itinayo bilang tipiganan ng mga kabilin na may kinalaman sa kasaysayan at kultura ng mga Sugboanon at Cebu upang maibahagi ang sinaunang pamayanan ng Sugboanon na nagsimula pa noong libo-libong taon pang nakalipas. Isa rin sa mga pakay nito ay ang pagbigay edukasyon sa mga turistang Pinoy at mga dayuhan tungkol sa kasaysayan ng Cebu (Estrada, 2002).

Makasaysayan din ng gusali ng Museo Sugbo. Idinisenyo ng Espanyol na arkitekto na si Don Domingo de Escondrillas noong 1869, ang mga bato nito ay galing sa ginibang makasaysayang simbahan ng San Juan Bautista ng mga Chinos mestizos ng Parian ng Cebu at nagsilbing Cuartel de Cebu o bilangguan sa panahon ng mga Espanyol simula noong 1870. Ang disenyo ng Cuartel de Cebu ay makikita sa aklat na “Integracion/Internacion: The Urbanization of Cebu in Archival Records of the Spanish Colonial Period” na nailathala noong 2017 (176).  Naging bilangguan ito ng mga Katipunerong Sugboanon nang umaklas ang Cebu sa mga Espanyol noong 1898 at mga gerilya na nakipag-away sa mga Hapon noong World War II (Pulgo, 2016).  Nagsilbi pansamantala ang gusali bilang kwadra ng mga kabayo sa pagdating ng mga Amerikano pero ibinalik din ito sa dati nitong gamit bilang bilangguan ng mga nasabing kolonisador hanggang 2004 nang inutos ni Gob. Gwen Garcia na ilipat ang mga preso sa ibang lokasyon.  Nasira ang ibang bahagi ng museo noong Oktubre 2013 dahil sa isang malakas na lindol na galing Bohol ang episentro ngunit ito ay ipina-restore sa ilalim ng ahensya ng NHCP na naglaan ng P20 million upang isaayos ang gusali. Bahagi ng mandato ng NHCP na pangalagaan ang mga gusaling naideklarang pambansang yaman (Braga, 2015).

Bunsod na rin sa isinusulong na heritage agenda ni Gov.Garcia sa buong probinsya ng Cebu mula nang siya ay unang maupo noong 2019 na bigyang halaga ang kabilin ng mga Sugboanon, ipina-restore niya ang nabakanteng dating bilanggoan at ginawang museo alinsunod sa konseptong adaptive reuse. Ang adaptive reuse ay nangangahulugang pag-repurpose ng isang matandang gusali para sa ibang gamit. Ang tumulong kay Gov. Garcia upang isulong ang kaniyang heritage agenda ay si Prop. Jose Eleazar Bersales, na siyang nagdisenyo sa mga galeri ng museo at siya mismong nangalap ng mga artifact para gawing eksibit sa naturang museo. 

Ayon kina Erin Hogan Fouberg, Alexander Murphy, at Harm de Blij (2012, 114), ang kalinangan ay tumutukoy sa isang pangkat ng tao sa isang lugar na nakikita ang kanilang mga sarili na iisa o nabibilang sa isang pamayanan, na nagbabahagi ng iisang karanasan, kaugalian at katangian. Ang mga taong ito ay nagsusumikap upang mapanatili ang katangian at kaugalian na iyon upang mapatunayan nila na sila’y natatangi at para masasabi nila na sila ay kakaiba.   Ang mga yamang pangkalinangan ng mga Sugboanon, gaya ng ibang parte ng Kabisayaan, ay hinubog ng kapaligirang arkipelago-maritimo nito. Ayon kay Vicente Villan (2014, 13) “Sumasaklaw ito hindi lamang doon sa karaniwang nagaganap na ugnayang pangkalakalan at palitang pangkalinangan, kundi pati na rin higit sa lahat sa relasyong panlipunan…” 

Mga galeri

May dalawang klaseng larangan ng kalinangan ang nakapaloob dito, ang tangible at intangible na kapwa mahalaga sa pag-unawa sa kamalayang panlipunan. Isang halimbawa ng kalinangang materyal ay ang kaayusang pampamayanan o puod gaya ng konseptong pangkapaligiran ilaya (itaas), ilawud (ibaba) at tabuk (ibayo). Para mas madaling maintindihan ito, ang konseptong pangeograpiya ng Kabisayaan ay pinag-iisa sa katawagang tubig gaya ng lawud (dagat), danaw (lawa) at suba (ilog) na imbes na magdulot ng pagkahiwa-hiwalay ay naging daluyan pa ng ugnayang pang-ekonomiko, pampulitika at panlipunan ng lahat ng mamamayan (Ibid, 14). Ang kalinangang materyal ay sumasakop din sa mga bagay na ginawa kagaya ng sining, mga bahay, damit, isports, sayaw at mga pagkain (Fouberg, Murphy at de Blij, 2012, 114).  Ang di-materyal na kalinangan naman ay tumutukoy sa kinagisnang paniniwala gaya ng paniniwala na ang tao ay may kalag (kaluluwa) (Villan, 2014, 14). Sakop din ng di-materyal na kalinangan ang mga kagawian, estetika (ano ang nakikita nilang kaaya-aya) at ang kahalagahan ng isang pangkat ng tao. (Fouberg, Murphy at de Blij, 2012, 114).  Ang yamang pangkalinangan ng mga Sugboanon na nakapaloob sa kabilin ay ang pinagmumulan ng kanilang pagkakakilanlan at pagmamalaki.

Sa kasalukuyan, ang Museo Sugbo ay may siyam na galeri. Walo sa mga ito ay ipinagawa ng lokal na pamahalaan ng Cebu at dalawa nito ay gawa ng NHCP at ng NMP.  Ang walong galeri ay tungkol sa kasaysayan at mga kabilin ng sambayanang Sugboanon.

Ang unang galeri ay tungkol sa kasaysayan ng Cebu bago pa dumating ang mga Espanyol at nagpapatuloy sa eskspidisyong Magellan-Elcano noong 1521. Inilalarawan dito ang buhay ng mga Sugboanon, pagkain at pakikipagkalakalan sa mga tao na nagmula sa iba’t ibang pulo sa Pilipinas at sa mga karatig bansa. Makikita sa nasabing galeri ang mga iron implements na nahukay sa iba’t ibang bahagi ng Cebu, kasama ang mga palayok na gawa sa putik at ang mga porselana na dala ng mga dayuhang mangangalakal. Pruweba ng pagkakakabit ng buhay ng mga naunang mga Sugboanon sa dagat ay ang isang kabaong na nakakorteng bangka na nahukay din sa isang bahagi ng Cebu.

Ang ikalawang galeri naman ay tungkol sa pagsisimula ng kolonisasyon ng mga Espanyol sa Cebu sa pamamagitan ng reduccion at ang pagtatayo ng mga simbahan. Matatagpuan dito ang mga artifact na dala ng mga Europeo gaya ng mga araro at gilingan ng mais na yari sa bato na bagamat malaki ang naitulong sa mga Pilipino, isa sa mga sanhi nito ang pagkasira ng kabuhayan at kagubatan bunga ng pagdidiin ng mga Espanyol ng kanilang pamamaraan sa agrikultua.

Ang ibat-ibang galeri ay naaayon sa mga kaganapan sa kasaysayan ng Cebu na alinsunod sa pagkakasulat sa mga teksbuk ng kasaysayan o chronological na inaaral ng mga estudyante. Kasunod ng galeri ukol sa kolonisasyon ay ang tungkol sa naganap na rebolusyon ng Tres de Abril noong 1898 na pinamunuan ni Pantaleon Villegas o mas kilala sa pangalan na Leon Kilat at sinuportahan ng mga Sugboanong miyembro ng Katipunan. Malaki ang naging ambag ng rebolusyon na ito sa pagpapatalsik sa mga Espanyol sa Cebu noong Disymbre 1898.

Sa susunod na galeri naman ay ipinapakita ang pagdating at ang kolonisasyon ng Amerika sa Pilipinas na sinumulan sa pamamagitan ng eksibit ng mga larawan ng mga Thomasites o mga gurong Amerikano na ipinadala sa Pilipinas para itaguyod ang kanilang eskperimentong kolonyal. Dahil dito, nagbago na naman ang kaisipang Pilipino na pinapatunayan sa mga kasuotan at mga muwebles na kanilang dinala at tinangkilik ng ating mga kababayan sa panahong nabanggit. 

Sumunod ang galeri tungkol sa pagdating ng mga Hapon at ang pagkasangkot ng Pilipinas sa ikalawang digmaang pandaigdigan giyera o World War II. Ipanapakita sa galering ito ang buhay ng mga Sugboanon sa panahon ng mga Hapon. Kabilang sa mga kabilin na makikita dito ang mga larawan sa panahon ng giyera, mga sandata na ginamit nuon ng mga Amerikano at Hapon, mga mapa, mga propaganda materials at libo-libong “Mickey Mouse money” o pera ng Hapon  na naitago ng Cebu Provincial Treasurer sa opisina nito sa loob ng maraming taon. Tiyak na mapagtanto ng mga taong bibisita sa galering ito ang kahirapan sa buhay na dinanas ng mga Pilipino sa panahong iyon at ang kasunod na mga taon pagkatapos ng digmaan.

Ang ikaanim na galeri naman at ang pinakabagong galeri ay tungkol sa kalakalan at muling pagbangon ng Cebu pagkatapos ng giyera. Binuksan sa publiko noon lamang Agusto 30, 2022, ang bahaging ito ay naglalahad ng kwento ng pagiging sentro ng kalakalan ng Cebu sa Visayas at Mindanao at kalakalan ng Cebu at ng iba pang panig ng daigdig na nakabase sa mga rekord ng mga transaksyon na nakuha sa isang bahagi ng Malacañan sa Sugbo na dating opisina ng Aduana (Palubsanon, 2022). Ito ay patunay na kahit sa modernong panahon, nakakabit pa rin ang buhay ng mga Sugboanon sa paglalayag.

Sa buhay naman ni Senador Vicente Rama at sa kaniyang mga naging kontribusyon sa Cebu ang pokus ng ikapitong galeri. Si Senador Rama ang kinikilalang “Ama” ng Cebu City charter. Galing sa pamilya mismo ng namayapang senador ang mga kabilin na naka-eksibit dito katulad ng kaniyang koleksyon ng mga libro at mga kopya ng pahayagang Bag-ong Kusog na may sirkulasyon sa Visayas at Mindanao noong 1920s hanggang 1940s.

Ang huling galeri na pagmamay-ari ng lalawigan ng Cebu ay laan naman sa lahat ng mga mamamahayag. Makikita rito ang mga ekipo na gamit ng mga mamamahayag sa print at broadcast media man. Nakatanghal din rito ang mga larawan at ipinagawang busts ng ilang mamamahayag na naging tanyag at respetado dahil sa kanilang kontribusyon sa pamamahayag sa Cebu. May mga malalaki ring mga makinang panlimbag na galing sa isang kumpanya ng diyaryo. Ang galering ito ay nagsisilbing pagkilala rin sa mga press workers sa kanilang paghihirap upang itaguyod ang malayang pamamahayag.

Ang ikasiyam na galeri ay pinagmamay-ari ng NHCP. Binuksan ang galering ito para magbigay pugay sa kakatapos pa lang na selebrasyon ng Quincentennial o ikalimang daang taong anibersaryo ng sirkumnabigasyon ng Magellan-Elcano Expedition. Ang galering ito ay naglalaman ng mga importanteng impormasyon tungkol sa nasabing ekspedisyon na dumating sa Sugbo noong 1521(National Quincentennial Committee, w.p.). May mga interesante din itong mga ilustrasyon at scale models na nagpapakita sa mga Pintados ng Visayas na nakipagsalamuha sa mga Espanyol pagdating nila dito sa bansa.

Ikasampung galeri naman ang alay ng National Archives of the Philippines (NAP). Sa galering ito makikita ang kopya ng mga dokumento ukol sa pagkakatatag ng iba’t ibang mga bayan ng Cebu. Makikita rin dito ang mga plano ng mga iba’t ibang istruktura na idinisenyo at ipinatayo ng pamahalaang Espanyol kagaya ng plano ng mga casa real, mga tulay, mga lighthouse, mga simbahan, at iba pa. Makikita rin dito ang isang scale model ng bayan ng Argao, Cebu, kung ano ang hitsura nito noong panahon ng mga Espanyol.

Ang mga museo ay hindi lamang lugar na tipiganan ng mga nasasalat na kabilin (tangible heritage) pero ito rin ay maaaring gawing lugar kung saan pwedeng ganapin ang mga di-nasasalat na kabilin (intangible heritage). Kagaya ng naisaad ni Wilfredo Ronquillo (1992, 317-323) na dapat ito rin ay magiging daan para mapaigting pa ang natural at yamang kalinangan ng mga pamayanan. Upang maisagawa ito, ang Museo Sugbo ay nagiging lugar din ng mga pagtatanghal ng mga di-nasasalat na kabilin kagaya ng mga kanta, sayaw, tula at iba pa lalo na sa Gabii sa Kabilin (Night of Heritage) tuwing Oktubre (Estrada 2022).

Mga simulain sa pagsasakapangyarihan

Gaya ng pagdidiin ni Villan (2017, 284), ang yamang kalinangangan ay hindi lamang may panlipunang kagamitan bilang sandigan ng paglikha ng mga salaysay, kundi maaari din itong tuntungan ng kolektibong kamalayan na taga paghugis ng kaayusang panlipunan.   Ayon naman kay Wafula (2020, 129) may ibat-ibang kaparaanan kung paano makatatanggap ang pamayanan ng benepisyo mula sa yamang pangkalinangan. Ito mismo ay may taglay na likas na halaga sa sarili at di lamang isang paraan sa pagtatamasa sa bunga ng iba pang bagay. Hindi ito, sa kabilang banda, madaling maoobserbahan sa porma ng pagtatamasa sa kasiyahan, sa paglagong kognitibo o empatiya. Sa ibang bahagi naman, ito ay nagbibigay diin sa nasasalat na benepisyo dahil ito ay magdudulot ng paglalago ng lipunan at ekonomiya sa pamamagitan ng paglawak ng ekonomiya, social capital, pagpapabuti sa kasanayan sa pag-aaral, kalusugan, at iba pa.

Ito rin ang pagdidiin nina Corneila Dumcke at Mikhail Gnedovsky (2013, 7). Para sa kanila, ang kultura ay tinuturing ng maraming may-akda na isa sa apat na haligi ng sustainable development. Giit nila na base sa maraming pag-aaral, ang kabilin, kung maayos lang ang pamamahala nito ay nagiging susi sa pagpapabuti hindi lamang sa pagbubuo ng intercultural dialogue at paghuhubog ng pagkakakilanlan ng isang pamayanan kundi sa aspetong pang-ekonomiya naman, ito’y nagpapasigla sa pag-unlad ng turismo, paggawa ng mga trabaho at pagpapahusay din ng investment climate ng isang bansa. Sa madaling sabi, ang pamumuhunan sa kabilin ay makahihimok sa pagkakaroon ng returns sa pamamagitan ng social investments at paglago ng ekonomiya.

Ang vision na ito ay siya ring pinanghahawakan ni Gov. Gwen Garcia ng Cebu. Noong una pa lang siya maluklok sa pwesto noong 2004, binuo na niya ang Provincial Tourism and Heritage Council upang tumulong sa kaniya sa pagsasakatuparan ng kaniyang mithiing bigyang pokus ang kabilin ng mga Sugboanon bilang importanteng bahagi ng industriya ng turismo. “If tourism is to be a voyage of discovery, then the discovery should be a two-way street: for the tourists, new places, new sites, new cultures, and for our people, new hope in an industry and its capacity to make a positive impact on their lives”. Para ipatupad ang layuning ito, iminungkahi ni Garcia na bigyang atensyon ang mga festival, sayaw, pagkain, at kultura ng ibat-ibang lokal na pamahalaan ng probinsiya ng Cebu para akitin ang mga lokal at dayuhang turista (Google Books w.p.).

Para maging unique ito sa ibang mga tourist destinations sa bansa, kinailangan ng mga Cebuano ang pagkakaroon ng bagong paningin. “And we believed then that the way forward was outward, to our countryside. And inward — to ourselves. The sustainable, and inexhaustible, potential was to be found in us as a people, in our history, in our spirit and in our way of life.” Pitong taon ang nakalipas noong 2011, may 49 na sa 51 syudad at bayan ng Cebu ang nagkaroon na ng festival. Marami sa mga ito ay may cultural heritage inventory na at lahat ay may nakasulat na definitive history na rin na kinomisyon at ipinalimbag ng pamahalaang panlalawigan. Bukod pa rito marami na rin sa mga syudad at bayan, pati mga barangay ay may mga museo na rin (Garcia 2022).

Isa sa mga unang ginawa ni Garcia ay ang restoration ng dating Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) na hindi naglaon ay binuksan na rin bilang Museo Sugbo, ang museo ng lalawigan ng Cebu noong 2008. (Pulgo 2022).  Noong Disyembre 4, 2017, ipinasa ng Sagguniang Panlalawigan ng Cebu ang Provincal Tourism Code at binigyang diin nito ang papel ng turismo bilang “driver of economic growth and enterprise that reinforces the value of culture, heritage, a balanced natural environment and pride in the identity of Cebu” dahil kung maipatutupad lang ito sa wastong paraan, ito ay magiging estratehiya sa pagkakamit ng likas-kayang pag-unlad para sa lahat ng syudad at bayan ng Cebu sa pamamagitan ng paggawa ng mga trabaho, paghikayat sa mga namumuhunan at pagtulong upang maging maginhawa ang buhay ng mga mamamayan (Sangguniang Panlalawigan ng Cebu, 2017, 2).

Sa mga ginawa ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu, kaakibat ng mga stakeholder at suporta ng sangguniang panlalawigan, binigyan na ang mga Sugboanon ng mga paraan upang maisakapangyarihan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagbibigay-halaga sa kabilin hindi lamang para maipagmalaki nila ang kanilang kultura sa iba kundi para na rin guminhawa ang kanilang buhay gamit ang turismo.

Ang Museo Sugbo at ang pagsasakapangyarihan ng mga Sugboanon

Gaya ng nabanggit na, ang museo ay isang tipiganan kung saan ang mga bagay na importante para sa tao ay inaalagaan, itinatanghal at ipinapaliwanag o binibigyan ng interpretasyon. Panghuli, mahalaga ito upang matukoy ang lugar o ang papel at kahalagahan nito sa indibidwal o pangkating pagkakakilanlan (Davis, 2007, 55-56).

Ang Museo Sugbo, bilang tipiganan ng kabilin at kabilin mismo, ay maituturing na lugar na nag-uumapaw sa gahum (a place imbued with power) at awtoridad (authority) na nagmula pa sa lipunan na nagpatayo at nagbigay pahintulot nito. Ang dalawang ito ay nagsasalamin at naghuhubog di lamang sa kultura pero pati na rin sa bayan at sa mga tao. Mahalaga ang mga ito bilang lokasyon para sa pagsisikap sa politika ng pagkakakilanlan (identity politics) upang angkinin (muli) ang kultura at kasaysayan dahil ito ay tagatipig ng kaalaman at mga koleksyon tungkol sa ating sarili, ng ibang tao at ng mundong ating ginagalawan. Di lamang ito sumasalamin sa lipunang lumikha nito ngunit nakatutulong din ito upang makita natin ang hinaharap (Onciul, 2025, 3-4).  Sa ibang banda, ang paglalagak ng mga kabilin sa museo ay isa ring manipestasyon ng mga tao sa kanilang malasakit sa mga kalinangang kultural na kumakatawan sa kanilang identidad (Amtalao, et al. 2019, 4).

Dahil ito ay ipinagawa ng isang Cebuano para sa mga kapwa Cebuano at naglalaman ng mga bagay na mahalaga para sa mga Cebuano at may kaugnayan sa kwento ng pamumuhay at pagsusumikap ng mga Cebuano sa kasaysayan, ang Museo Sugbo ay maituturing na makapangyarihan. Dahil dito, ang museo ay hindi lamang isang pangkaraniwang silid-lalagyan ng mga lumang bagay na dini-display upang ipang-akit sa mata, kung hindi isang “non-neutral objective venue of historical truths” na may “political and social construction” na mahalaga sa“mainstream society because they have the ability to validate identities, histories, culture and societies (Ibid, 6-8).”

Sang-ayon din ito sa pagdidiin ni Villan (2017, 290) tungkol sa panublion o kabilin na nakatutulong upang “ating muling buuin, buhayin, at unawain ang makasaysayang karanasang pansarili na nangyari sa buong panahon ng ating buhay na sandigan sa pagbuo ng kolektibong panlipunang gunita at salalayan samakatwid ng pagpapalitaw ng kamalayang pangkasaysayan.”

Maalab ang pagmamalaki ng mga Cebuano sa kanilang lugar, sa kanilang sarili, at sa kanilang kasaysayan. Ayon kina Resil Mojares at Hope Sabanpan-Yu (2023, viii): “Cebu’s maritime character has shaped much of what Cebu is, including the character of the Cebuanos.” Kahit daw sa pagiging isla ng Cebu, “where borders are porous and the sea connects rather than divides, Cebuanos, it is said, are a people typically laid back, fun-loving and open to the world”. Ang mayamang kasaysayan ng isla ay tanyag sa “pagkakatuklas” ng mga Europeo sa Pilipinas noong 1521 na nagbigay daan sa unang sirkumnabigasyon sa mundo, at pagkakatatag ng unang pamayanan ng mga Espanyol sa Timog-Silangang  Asya. Bagama’t ito ay mahalaga sa pagkakasulat sa unang kasaysayan, pero mas malalim pa rito ang aktwal na kasaysayan ng Cebu. Isa sa mahalagang rason sa pagiging mahalaga ng Cebu ay dahil ito ang “homeland of migrants and settlers who peopled many parts of the Visayas and Mindanao” (Ibid, ix).

Noon pa man, ang Cebu ay paboritong lugar na dayuhin ng mga manlalakbay at mga turista dahil ito ay ang “pangalawang lungsod” ng Pilipinas at pangunahing sentro ng pangangalakal sa Timog. Bukod sa pagiging makasaysayang lugar sa bansa, sa huling bahagi ng ika-19 dantaon, naging maliit na “cosmopolitan city” ang Cebu na tanyag sa buong mundo. May magandang daungan din ito para sa mga barkong galing pa sa ibat-ibang bansa na nakikipagkalakalan sa mga Cebuano (Mojares, 2022, 253-256).

Ang Museo Sugbo ay nagsisilbing tipiganan ng mga bagay na hango sa kasaysayan ng mga Sugboanon na patuloy na may saysay sa kanila at pinaghuhugutan nila ng tinatawag na “source of pride” bilang isang grupo. Sa pamamagitan ng mga eksibit nito, naipapamana ang mga mahahalagang impormasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap na henerasyon (Ronquillo, 1992, 319). Sa isang banda, ang Museo Sugbo ay hindi lamang nagsasakapangyarihan sa mga Sugboanon bilang “source of pride” ng mga ito, kundi ito rin ay nagiging pang-akit sa mga turista na gustong matuto tungkol sa ibang kultura na nagbibigay daan sa pakikipag-ugnayan ng mga Sugboanon sa kanilang mga bisita at nagreresulta sa tinatawag na “cultural enrichment” saan matututo ang bisita sa pagbibigay halaga sa pamumuhay at kultura ng ibang tao. “Beyond the role of presenting information, though, museums also form the values and world views of their visitors. Thus, how a museum chooses to define and interpret history has a significant impact on how its visitors understand the past and, in turn, the present,” ayon pa kina Brenda Trofanenko at Avner Segall (2014, 39-40). Dahil dito, ang mga turista ay natututo tungkol sa buhay at kultura ng mga Sugboanon.

Ang pagdating ng mga turista ay nangangahulugan din na may makukuhang income ang mga Sugboanon. Napakalaking negosyo ng turismo sa mundo ngayon. Sa katunayan, ito ay pumapangalawa bilang pinakamalaking negosyo. Ang mga negosyante ay pumapasok sa turismo dahil gusto nitong may malaking tubo sa pamamagitang ng pagbibigay ng mga kalakal at serbisyo para sa milyon-milyong tao na naglalakbay taun-taon. 

Ang ibat-ibang bansa ay namumuhunan sa turismo dahil ito ay malaking pinagkukunan ng foreign exchange. Ito ang gustong samantalahin ni Gov. Gwen Garcia na may malaking maitutulong sa mga Sugboanon. Ginawa na ito noon pa man ng kaniyang administrasyon nang ipinagawa niya ang cultural mapping sa lahat ng mga bayan ng Cebu at ang programang “Suroy-Suroy Sugbo” para isulong ang lokal na kultura at dalhin ang benepisyo ng turismo sa mga kanayunan (Alburo, 2014, 172). 

Ang mga atraksiyon ay tinuturing na  “demand generators” na siyang umaakit sa mga bisita. Isa sa mga ito ang cultural tourism gaya ng cultural tours, art galleries, mga museo, mga lumang gusali, historical assets, at iba pa. Karamihan sa mga turista ay pumapasok sa mga heritage attractions hindi lamang para matuto tungkol sa kasaysayan at sa ibang kultura dahil ang iba naman ay naghahanap lang ng “affirmation of how modern they are” at kung gaano na ang pag-unlad  ng kasalukyang panahon kumpara sa nakalipas (McKercher and du Cros, 2002, 27-40).

Sa kabila nito, may maraming positibong naidudulot ang ganitong klase ng turismo, kabilang dito ang sumusunod:

  1. Maari nitong mapalakas pa ang lokal ekonomiya sa pamamagitan ng pagiging entrepreneurial at self-reliant.
  2. Ang kita galing sa turismo ay maaring gamitin para pag-ibayuhin pa ang imprastraktura ng mga pamayanan.
  3. Ang kita galing dito ay maaaring gamitin para sa pag-dokumento, pagplano at pamamahala sa mga heritage assets upang makamtan ang sustainability (Ibid, 62). 

Sinasang-ayunan ang mga sinasabing ito nina McKerchner at du Cros nina Arif Yasin Chohan at Pang Wai Ki (2009, 6). Ayon sa kanila, ang kabilin ay may mahalagang papel sa pagkamit ng paglago ng kabuuang ekonomiya at layunin nito na mapapalakas din ang lokal at pambansang ekonomiya at magbukas pa ng trabaho para sa mamamayan sa pamamagitan ng pag-akit ng mga turista.  Hindi na natin kailangang lumayo pa, maaari natin itong makita sa karanasan ng Vigan, Ilocos Sur, kung saan ang dating isang second class municipality ay naging first class municipality at hindi naglaon ay naging lungsod dahil ginamit nila ang kabilin sa pamamagitan ng pag-capitalize sa kasaysayan at kultura (Cruz, 2017, n.p.).

Magiging reyalidad ang mithiin na pagsasakapangyarihan ng mga Sugboanon kung gagamitin ang Museo Sugbo, ang tipiganan ng kabilin, bilang isa sa mga selling points ng turismo lalo na kung ibebenta ang Cebu bilang kakaiba sa lahat ng destinasyon na dinarayo ng mga turista na kumpleto na sa mga atraksiyon gaya ng eco-tourism, farm tourism, wellness tourism, at cultural & heritage tourism.   At hindi malayo ang mithiing ito dahil ang kabilin talaga ay isa sa mga kusog (strengths) ng Cebu nang mapili ang lungsod na isa sa mga UNESCO Creative Cities noong 2019 (UNESCO, w.p.).

Pangwakas

Sa sanaysay na ito, ating nailarawan ang konsepto ng kabilin at tipiganan na unang nadokumento ni Antonio Pigafetta sa Cebu noong 1521. Nabigyan din natin ng pakahulugan ang dalawang salita gamit ang diksiyunaryo ni Encarnacion na nailathala noong 1888 at ang napanatiling konsepto nito sa kasalukuyan sa pamamagitan ng obra ni John Wolff.  Natahak din natin ang pagsisimula ng konsepto ng museo na dala ng mga Kastila mula sa Europa at nabigyang pakahulugan ito na di lang tumutukoy sa mga bagay na nasa loob nito pero pati na rin kabuluhan at gamit nito upang turuan ang mga tao sa kahalagahan ng kultura at ng kasaysayan.  Atin din nalaman ang kasaysayan ng orihinal na gusali ng Museo Sugbo na dating isang piitan na ipinatayo ng mga Kastila at nagpatuloy sa pagiging bilangguan, maliban na lang sa maikling panahon nang maging kwadra ito sa panahon ng mga Amerikano, hanggang sa ito ay ginawa na ngang museo sa unang pag-upo ni Gov. Gwen Garcia at naging tipiganan ng mga kabilin ng mga Sugboanon.

Inilahad din natin ang mga bagay na pangkalinangan at pangkasaysayan na iniingatan sa loob nito na makikita sa iba’t ibang galeri na patungkol sa ibat-ibang panahon na lumipas sa kasaysayan ng mga Sugboanon.  Ang museo ay nagsisilbi bilang lagakan ng mga “boundary stones” upang hindi natin makalimutan ang nakalipas na panahon. Ito ay hindi lamang imbakan ng yamang pangkalinangan na may panlipunang kagamitan sa paglikha ng salaysay at tungtungan ng kolektibong kamalayan ng mga Sugboanon kundi nagbibigay din ito ng kaligayahan at paglagong kognitibo sa mga taong sumusuri o sumisipat nito.  Ang Museo Sugbo ay nagsilbi ding tanghalan ng mga bagay na mahalaga para sa mga Sugboanon pero may pakinabang din ito sa mga turista upang mas maintindihan pa nila ang ibang tao lalo na ang mga mamamayan ng Cebu. Bukod sa pagiging tagapag-ingat ng mga kabilin ay maaari ding isang pang-akit sa mas marami pang turista upang magpunta sa Cebu. Dahil dito at sa iba pang mga museo at heritage sites na makikita sa ibang panig ng isla na hitik sa kasaysayan at kultura, ang Cebu ay may iba pang atraksiyon bukod sa kinagawiang eco-tourism, wellness tourism, at iba pa na dinarayo na ng mga turista.  Dahil sa dalang benepisyong pang-ekonomiya ng turismo, ito ay magdadala pa sa mga Sugboanon sa pagsasakapangyarihan sa pamamagitan ng pagkamit ng inaasam-asam na kaharuhay (kaginhawaan) ng buhay na hangad ng isa’t isa. Sa madaling sabi, ang pagnanasang ito’y pagtataguyod mismo  sa kaloobang bayan para sa buhay, ginhawa at dangal (Villan 2014, 19).

Sanggunian

Alburo, E. K. (2014). Pride of place: Representing heritage in Cebuano local history. The Journal of History, 60(1).

Alcina, F. I. (2002–2005). History of the Bisayan people in the Philippine Islands (Vols. 1–3; C. Kobak & L. Gutierrez, Eds. & Trans.). University of Santo Tomas Publishing House.

Alexander, E. P., & Alexander, M. (2008). Museums in motion: An introduction to the history and functions of museums. Altamira Press.

Alombro, N. C. (2020). Duniya as heritage: Understanding Teduray’s notion of space and identity. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 5. Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining.

Amtalao, J. A., Anastacio, D. S., Saguinsin, I. D. C., Viray, K. R., & Carandang, E. V., II. (2019). PINARES-PINAS: Pananaw at pagpapahalaga ng mga Pilipino sa sining biswal [Conference paper]. DLSU Research Congress, De La Salle University. https://www.dlsu.edu.ph/wp-content/uploads/pdf/conferences/research-congress-proceedings/2019/lccs-I-008.pdf

Bersales, J. E., & Manalo, I. (Eds.). (2017). Integración/Internación: The urbanization of Cebu in archival records of the Spanish colonial period. National Archives of the Philippines & University of San Carlos Press.

Braga, M. (2015, October 23). Museo Sugbo restoration starts. The Freeman.

Chohan, A. Y., & Wai, K. P. (2005). Heritage conservation: A tool for sustainable urban regeneration [Conference paper]. 41st ISoCaRP Congress.

Cruz, G. R. (2017). The cultural heritage-oriented approach to economic development in the Philippines: A comparative study of Vigan, Ilocos Sur and Escolta, Manila [Conference paper]. DLSU Art Congress.

Davis, P. (2007). Place exploration: Museums, identity, community. In S. Watson (Ed.), Museums and their communities. Routledge.

Dümcke, C., & Gnedovsky, M. (2013). The social and economic value of cultural heritage. European Expert Network on Culture.

Encarnación, J. F. de la. (1885). Diccionario Bisaya–Español. Tipografía de Amigos del País.

Fouberg, E., Murphy, A. B., & de Blij, H. J. (2012). Human geography: People, place, and culture. John Wiley & Sons.

Garcia, G. (2011, July 15). State of the Province Address. Cebu Daily News.

Hooper-Greenhill, E. (2007). Museums and education: Purpose, pedagogy, performance. Routledge.

Mafula, G. K. (2020). Cultural heritage conservation and public benefits: Effectiveness of Kenya’s legal and administrative framework. In R. F. Davis & I. L. F. den Boer (Eds.), Heritage conservation and social engagements. UCL Press.

McKercher, B., & du Cros, H. (2002). Cultural tourism: The partnership between tourism and cultural heritage management. Haworth Press.

Mojares, R. B. (2022). Diving for coins: Early tourism in Cebu. In R. B. Mojares & H. Sabanpan-Yu (Eds.), More Cebuano than we admit: Aspects of Cebuano history, culture and society. Vibal Foundation.

Mojares, R. B., & Sabanpan-Yu, H. (2022). The place where we arrive. In R. B. Mojares & H. Sabanpan-Yu (Eds.), More Cebuano than we admit: Aspects of Cebuano history, culture and society. Vibal Foundation.

Nora, P. (1989). Between memory and history: Les lieux de mémoire. Representations, 26, 7–24.

Onciul, B. (2015). Museums, heritage and Indigenous voice: Decolonising engagement. Routledge.

Palaubsanon, M. (2022, September 8). Special exhibit for BOC at Museo Sugbo.

Pigafetta, A. (1903–1909). Primo viaggio intorno al mondo. In E. H. Blair & J. A. Robertson (Eds.), The Philippine Islands, 1493–1898 (Vol. 33).

Pulgo, I. T. (2016, August 20). Museo Sugbo restoring links to a time gone by. Cebu Daily News. https://cebudailynews.inquirer.net/102175/museo-sugbo-restoring-links-to-a-time-gone-by

Ronquillo, W. (1992). Community museums in the Philippines: Their potential in enhancing the natural and cultural heritage of the country. Philippine Quarterly for Culture and Society, 20(4).

Sangguniang Panlalawigan ng Cebu. (2017). Establishing the Cebu Province Tourism Code and institutionalizing the Suroy-Suroy Sugbo Program.

Stone, P. G., & Molyneaux, B. L. (1994). The presented past: Heritage, museums and education. Routledge.

Tantoco, R. P. (2021). Kuwento bilang museo: Museo ng kasaysayang bayan. In R. R. Escalante (Ed.), Journal of Philippine local history and heritage. National Historical Commission of the Philippines.

Trofanenko, B., & Segall, A. (2014). Beyond pedagogy: Reconsidering the public purpose of museums. Sense Publishers.

Villan, V. C. (2014). Puod ’ag kinaugaling Bisaya: Pag-unawa sa kalinangan at kamalayang maritimo ng mamamayan sa Gitnang Pilipinas. In L. R. Ubaldo (Ed.), Puod: Kasaysayan at kalinangan ng mga pamayanang maritimo sa Pilipinas. Adhika ng Pilipinas & National Commission for Culture and the Arts.

Villan, V. C. (2017). Kahulugan, larangan at kabuhayan: Ang panubliong bahandi ng pangkat-etnikong Bisaya sa pag-aaral ng mga pamanang bayan sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 6(1).

Wolff, J. U. (1972). A dictionary of Cebuano Visayan. Cornell University Southeast Asia Program & Linguistic Society of the Philippines.


1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading