Ilihan: Ang Pamanang Bayan sa Pagkukuta at Pakikibakang Anti-Kolonyal ng mga Higaunon noong ika-17 hanggang ika-18 Siglo

Glarry Jun A. Vedra
Central Mindanao University

How to Cite:
Vedra, G. J. A. (2025). Ilihan: Ang pamanang bayan sa pagkukuta at pakikibang anti-kolonyal ng mga Higaunon noong ika-17 hanggang ika-18 siglo. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 4(1), 26–39. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2025-IlAnPaBaPa

Abstrak

Sa mahabang pakikibaka ng mga Higaunon sa mga mangangayaw na Moro ay kanilang ginamit ang ilihan upang magkubli at magtago sa kabundukan ng Hilagang Mindanao. Nagbigay ito sa kanila ng negatibong pagkakakilanlan mula sa pananaw na hindi gamay ang kanilang tradisyon at kultura. Laging kinakabit sa pagkataong Lumad ang mga katagang taga-bukid. Ngunit, ang ilihan ang kanilang pamamaraan ng pagkukuta upang labanan ang hamon na dala ng kalakarang pangangayaw at kalaunan ng kolonyalismo.

Ang Hilagang Mindanao sa ika-17 siglo ay naging entrada at bantilan ng mga Espanyol sa tangkang integrasyon at konsolidasyon sa mga Lumad. Sa gawaing kolonyal na ito ay kanilang tinangkang ikulong ang mga Moro at mahinto ang kanilang gawaing pangangayaw sa buong kapuluan. Ngunit pansamanatalang nahinto ito dahil sa hamong dala ni Koxinga sa Maynila. Sa kanilang pagbalik noong 1663 hanggang 1754 at sa tulong ng mga Bol’anon, ay kanilang pilit pinapayakap sa mga Higaunon ang kaayusang kolonyal subalit nanatili ang bisa ng ilihan dahil nanatili ang mga Higaunon sa kanilang higad na labas ng dominasyon ng mga Espanyol.

Susing salita: Ilihan, Higaunon, Pangangayaw, Kolonisasyon, Espanyol

Panimula

Ilihan sa Hilagang Mindanao: Isang Dalumat

Sa isang pag-aaral, isang mabisang paraan sa depensa laban sa mga mangangayaw sa sinaunang bayan ay ang pagharang sa mga kalaban sa dagat. Ngunit dahil karamihan sa mga pamayanan ay walang sapat na tauhan upang salubungin ang mga mangangayaw, iniiwan nila ang kanilang mga tahanan sa mga mangangayaw at tumatakas sa mga burol, babalik kapag lumipas na ang ligalig upang muling itayo ang kanilang mga bahay sa dating banwa. Ang burol na ito ay tinatawag na mga ilihan kung saan umaatras ang buong pamanayan sa tuwing sila ay kinakayaw. Kaya’t masasabing ang konsepto at danas ng pag-iilihan ay nakakabit sa kaugalian ng pangangayaw. (Scott, 1994)

Isang ulat namang ginalugad ang tinaguriang Cuta sa Punta Sulauan sa Hilagang Mindanao. Sa ulat, ang naturang Cuta ay matatagpuan sa tuktok ng isang talampas ng mga apog at tanaw nito ang mga look ng Iligan at Macajalar. Ang nasabing Cuta ay ginawang tan-awan o parola ng mga Espanyol sa panahong kolonyal. Lulan din ng Cuta ang mga kuweba ng Liyang Bahu at Langob ng Barangay Tubajon at ang kuwebang La Cueva Con Agua ng Barangay Mauswagon. Kahit na walang mahahalagang archaeological materials na nakita ang arkeologo, masasalamin pa rin sa ulat na ang nasabing Cuta ay may ginampanang tungkulin sa panahong kolonyal dahil tanaw nito ang Dagat Bohol at ang parehong Look ng Iligan at Look ng Macajalar na ginagalawan ng mga mangangayaw na Moro (Neri, 2014).

Sa isang pag-aaral iba’t ibang anyo ng ilihan sa kapuluan, binigyang puwang ang mga ilihan sa Hilagang Mindanao na nangangailangan ng mas malalim na pagtalakay.  Ito ang burol sa Lungsod ng El Salvador, Bayan ng Alubijid at Initao, na ayon sa mga nakalap na pag-aaral ang mga naturang burol ay tinakbuhan sa panahon ng pangangayaw. May nakitaan ng pagkakapareho ang tatlong burol, ito ang kanilang likas na lokasyon na isang mataas na lugar at lahat nakaharap sa baybayin ng Look ng Iligan at Look ng Macajalar. Sa tatlong lokasyon din matatagpuan ang isang simbahan at parola na magsisilbing tan-awan sa galawang moro (Wright, 2019). Ang pag-aaral ay nagpapakita ng pangangailangan na maitalakay ang dalumat at danas ng ilihan sa Hilagang Mindanao.  

Mga Susing Epasyo ng Ilihan

Bilang isang kaugalian na humubog sa kasaysayan at pagkataong Pilipino, dapat maintindihan din ang mga kaligiran na humalaw sa ginampanan ng ilihan. May apat (4) na mahahalagang espasyo na nakakabit dito: una, ang Topograpikong Espasyo; pangalawa, ang Haydrograpikong Epasyo; pangatlo, ang Ekolohikal na Espasyo; at ang pang-apat ang Espasyong Espiritwal[1]. Ang mga espasyong ito ay malinaw na tumutukoy din sa tatlong espasyo na nakapalibot sa mga ilihan ng Hilagang Mindanao.

Unang-una, walang ilihan kung walang pangangayaw. Ang sinaunang konsepto ng pangangayaw ang dahilan kung bakit nag-iilihan ang isang bayan. Ito rin ang humuhubog at nagpapatibay sa bisa ng mga pook tanggulan. Sa sinaunang bayan, maituturing na ang pagpangayaw ng mga Moro at Bisaya sa Hilagang Mindanao ay mga hamong panlabas. Dito makikita ang mga elemento na bubuo sa konsepto ng pag-iilihan na humulma sa anyo ng ilihan. Ito ang mga Bisaya na nangangayaw sa Kamindanawan at ang mga Espanyol sa kanilang tangkang integrasyon at pagtatangkang tanggalin ang sinaunang kaugalian ng pag-iilihan.

Espasyong Topograpikal

Ang naturang rehiyon ng Hilagang Mindanao ay kakakakitaan ng kumbinasyon ng mga kapatagan, mga lumiligid na burol, kabundukan, mga look at baybayin na may mayamang lupa. Hitik din ang lugar sa mga mineral at yamang pang-agrikultura. Sa katunayan, ang rehiyon bilang pinapaligiran ng mga iilang look na may kaakibat na hanay ng mga ilog ay may maraming lagusan, Kaya’t masasabi na ang Hilagang Mindanao ay isang lagusan papasok sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na maaaring pasûkan ng mga nagnanais mangalakal at mangayaw.

Ito rin ang tradisyunal na ginagalawan at tirahan ng mga Higaunon, Inged ng mga Mёranaw na sakop ng kanilang Pengampong, Banwa ng mga Higaunon, at pinangangalakalan at pangangayaw ng mga Bisaya. Matutunghayan sa ulat ni Jose Montero y Vidal ang pagmamapa ng mga mananakop sa Hilagang Mindanao lalo na ang mga lagusan papunta sa mga nakita nilang mga teritoryo ng mga Lumad at Moro. Kaniyang tinalakay na ang mga look ng Macajalar, Iligan, Dapitan, at Sindangan ang pinaka-komportable at ligtas sa Hilagang Mindanao. Inilarawan din ni Vidal ang mga lagusan na makikita sa mga look at ang mga Moro na nakabantay rito. Makikita rin sa paglalarawan na ang Mindanao ay mayaman sa kagubatan at mga matitibay na puno dahil sa ganda ng klima at katabaan ng lupain ng mga kabundukan (Montero y Vidal, 1888).

Masasalamin sa kanilang detalyadong pagsasalarawan sa Hilagang Mindanao na ang yaman ng lugar sa kabundukan, look, ilog, at mga lagusan ang nagpapatunay na mahalaga ang espasyong topograpiko sa elemento ng Ilihan. Ang mga ito ay mahalaga sa panahon ng pangangayaw dahil ito ang magsisilbing panangga, takbuhan, pasukan, at lagusan sa panahon ng pangangayaw. Mahalaga sa katunayan ang espasyong ito sa pagpipili ng isang Ilihan at ang mga elemento na kakambal nito. Isang pagpapatunay na kahit sa panahong kolonyal, ayon sa ulat ni Vidal, mayaman sa kabundukan ang Hilagang Mindanao na ginawang taguan at kalaunan ay naging mga ilihan.

Ang espasyong ito ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang sinaunang konsepto ng pag-iilihan at kung bakit sinundan ng mga mananakop ang tradisyong ito sa kanilang pagpapatayo ng mga portipikasyon. Malinaw rin ang kanilang paglalarawan sa Hilagang Mindanao na kanilang kinasangkapan sa tangkang integrasyon ng kaayusang kolonyal. Kanilang tiningnan ang elemento kung nagpapatuloy ang buhay ng mga kinakayaw at mangangayaw. Sa gayon, mainam na tingnan at sundan ang konsepto ng pag-iilihan.

Espasyong Haydrograpiko

Mahalaga ang haydrograpikong espasyo sa pagtatag at pagpili ng isang burol o bundok para maging isang ilihan. Ang espasyong ito ay sinasaklaw ang mga mahahalagang anyong tubig na nakapalibot sa mga ilihan. Malaki ang naging papel ng mga espasyong ito dahil ito ang pinagkukunan ng mga isda at pagkaing-dagat na kinakain sa pansamantalang paglikas sa panahon ng ligalig at pangangayaw. Mahalaga rin ang mga makukuhang isda sa mga ilog at dagat bilang pinagkukunan ng protina na nakakatulong sa lakas ng mga mandirigma. Ang mga kalapit na ilog at batis ay pinagkukunan din ng malinis na tubig na iniinom ng mga nagkukubli sa mga Ilihan.

Sa Hilagang Mindanao, maraming mga ilog at batis na malapit sa mga ilihan. Nakaharap din sa Dagat Bohol ang karamihan sa mga Ilihan ng Hilagang Mindanao. Nakaharap din dito ang mga Look ng Iligan, Macajalar, at Panguil. Ang Dagat Bohol ay mahalaga sa panahon ng pangangayaw dahil ito ang ginagalawan at binabaybay ng mga Moro sa panahong talamak ang pangangayaw sa Kamindanawan. Dagdag pa rito, lahat ng mga Ilog sa Hilagang Mindanao ay umaagos patungong Dagat Bohol, kaya’t mahalaga ang dagat na ito hindi lamang sa mga mangangayaw kundi pati na rin sa mga nag-iilihan.

Kung titingnan naman ang iba’t ibang ilihan sa Hilagang Mindanao, makikita na ang mga ito ay may kalapit na ilog. Halimbawa nito ang dalawang magkaharap na Ilihan ng Initao na pinapagitnaan ng ilog ng bayan (Vedra, 2015), ang Ilihan ng Larapan ay katabi ng Ilog Linamon (Montesclaros, 2018), at ang pinaniniwalan na Ilihan ni Datu Salangsang sa Himologan ay makikita sa itaas na bahagi ng ilog sa kasalukuyang Cagayan (Wright, 2019).

Espasyong Ekolohikal

Saklaw naman ng ekolohikal na espasyo ang mga hitik na lamang dagat at halaman na makikita sa paligid ng mga ilihan na mapagkukunan ng mga pagkain sa panahon ng pansamantalang paglikas. Ang espasyong ito ay nakakabit din sa dalawang naunang espasyo na natalakay. Dahil maliban sa lupain at mga anyong tubig na mahahalagang espasyo sa pagbuo sa konsepto ng Ilihan, mahalaga rin ang mga ito ay lulan ng mga halaman at pagkaing pandagat at bubuhay sa bayang kinakayaw.

Ang ulat ng mga mananakop ay magsisilbing pahiwatig na sa kanilang pagtuntung sa Hilagang Mindanao. Kanilang napansin na ang lupain, ilog, batis, at karagatan na malapit dito ang dahilan kung nanatili ang mga pamayanan kahit patuloy silang kinakayaw. Ayon sa ulat ni Vidal sa Historia de la Pirateria Malayo-Mahometan en Mindanao, Jolo y Borneo, matutunghayan na ang Misamis ay may humigit-kumulang 24,000 ektarya na nakalaan para sa abaka, tubo, cacao, palay, mais, at iba’t ibang tanim pang-agrikultura na kikita ng hindi bababa sa 500,000 pesos (Montero y Vidal, 1888). Dito makikita na ang espasyong ekolohikal ay mahalaga rin sa pag-iilihan at nakita ito ng mga mananakop na mayaman sa halaman. Hindi man nabanggit sa ulat, sa kasalukuyan ay mapapansin pa rin na ang mga pamayanan na nakatira sa mga baybayin ay patuloy na naglalayag at kumukuha sa Dagat Bohol at mga pamayanan sa Ilaya ay sa mga ilog nangunguha ng mga isdang tabang. Ang isda bilang isa sa mga pinagkukunan ng protina ay mahalagang nutrisyon sa mandirigma at mainam na mapagkukunan ng lakas sa bayang kinakayaw. Kaya’t ang yamang tubig at halaman ay mga elementong nagbibigay buhay sa bayang kinakayaw at nagpapanatili sa kabuuan nito na magsisilbing kapitan sa panahon ng ligalig.

Higaunon at Pag-iilihan

Sa Hilagang Mindanao, isa sa mga pangkat etnolinggwistiko na makikita rito ay ang mga Higaunon. Ang literal na salin ng Higaunon bilang isang salita ay nagpahigad”, “nagpabukid”,o “nagpabundok”. Nabuo ang salitang ito dahil sa panahon na di-tukoy (marahil sa panahon ng pangangayaw), nagpabundok ang mga taong ito upang maiwasan na maging bihag ng mga mangangayaw. Samakatuwid ang “Higaunon” bilang isang salita ay “nagpahigad” o nagpabundok at nagpasya na manirahan doon (Vedra, 2015). Nangyari ito upang maiwasan ng mga katutubo na maging biktima ng pangangayaw. Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol ay may mga Higaunon na nanatiling nanahan sa mga dalampasigan, ang ilan sa kanila ay inilagay sa mga reduccion ng mga Espanyol katulad ng ilang humimpil sa mga dalampasigan upang harangan ang mga sumasalakay. Ito ay sa kadahilanang bago pa man nila mapapasok ang mga komunidad ay nakaposisyon na sila upang ipagtanggol ang ibang katribo (Almario, 2014).

Kinikilala ang Higaunon bilang malapit na kamag-anak ng mga Manobo ng Bukidnon, kung pagbabasehan ang pagkakaugnay ng kanilang wika at etnikong pinagmulan. Maliban sa mga Manobo, ang lenggwahe ng mga Higaunon ay malapit na kamag-anak ng wikang Mëranao ng Lanao at sa Talaandig ng Bukidnon. Ang kanilang mga teritoryo ay makikita sa tinatawag na “walu ha talugon” o walong teritoryo, na matatagpuan sa mga lalawigan ng Misamis Oriental, Agusan, Lanao at Bukidnon (Bracamonte, 1999). Masasabi rin na ang mga Higaunon ay may malalim na koneksyon sa mga Maguindanao, Teduray, at Subanon sa kuwentong pan-Tabunaway ng Maguindanao. Ang mga etnikong koneksyong ito ng wika at talaangkanan ay nagpapahiwatig ng kaugnayan ng mga tribo pangkat-etniko na ito sa kasaysayan (Apatan at Caballero, 2015).

Ang isinagawang estratehiya ng mga katutubo upang makaiwas sa mga kaaway ay maaaring iangkop sa konsepto ng pag-iilihan na isinasagawa ng sangkapuluan. Para sa mananaliksik, kapansin-pansin na nakaugat sa konsepto ng pag-iilihan ang pangalan ng isang katutubong Pilipino. Dahil dito, masasabing kaakibat sa kanilang pagka-Higaunon ang konsepto ng Ilihan at karugtong ito ng kanilang buhay. Masasabi ring napanatili ng mga Higaunon kung susuriin ang kanilang pagiging isang buong tribo at pagiging isang bayang malayo sa kontrol at dominasyon ng mga mananakop.

Samakatuwid, gamit ang ilihan bilang isang estratehiya at teknikang pangmilitar, napanatili ng mga Higaunon ang kanilang pamayanan at pagkakaugnay-ugnay ng mga angkan sa loob ng nasabing lipi upang manatili silang nasa higad, gawas o labas sa kasakupang kolonyal. Ang kanilang pagiging nasa higad o kagawasan ng kasakupang kolonyal ay malinaw na naging bunsod ng bisa ng tradisyon sa pag-iilihan ng kanilang grupo o lipi. Sa malimit nilang pagbaka sa tangkang integrasyon at konsolidasyong kolonyal, kanilang partikular na ginamit ang ilihan sa pamamagitan ng pagbaybay sa mga ito upang hindi lamang panatili ang kanilang pamayanan at pagkakaugnay-ugnay ng kanilang lipi, kundi higit sa lahat ang nauukol sa malabis nilang pagpapahalaga sa kanilang buhay, ginhawa at dangal (Villan, 2014). Dahil dito, ang pagkatalisod ng may-akda bilang bahagi ng kinagisnang konsepto sa pook-sinilangan at mundong akademikong ginagalawan, hindi maikakailang angkop sa pang-akademikong pagsusumikap ang nauukol sa estratehiyang militar na ito ang nauukol sa gagawing pangkasaysayang pananaliksik at pag-aaral hinggil sa pagsasakasaysayang ito sa Hilagang Mindanao at sa buong bansa.

Ilihan ng mga Higaunon sa pagbabago sa anyo ng Pangangayaw: 1663-1755

Lumakas lalo ang mga Moro na bulabugin ang mga itinayong mga reduccion ng mga Espanyol sa kalagitnaan ng ika-17 ng siglo. Dahil dito, naging doble ang taktika at teknikang itinampok ng Espanyol upang labanan ang sunod-sunod na pangangayaw ng mga Moro. Ang mga Look Panguil at Look Iligan ay ang dalawang mahahalagang tan-awan sa kanilang tangkang makurdon at salikopin ang galawang Mёranaw patungong Dagat Bohol at iba pang parte ng Kabisayaan. Upang maisakatuparan ang planong ito, halos sabay na ipinatayo ng mga Espanyol ang muog ng Misamis o Ozamis (Fuerte de la Concepcion del Trinfu) at ang pangalawang muog ng Iligan (Fort Xavier). Dahil ang Look ng Panguil at Iligan ay parehong malakas na depensa na magsisilbing tan-awan at bantay sa galaw ng mga Mëranaw (Loyre, 1987). Kailangan na maitatag ang mga muog sa mga baybayin mula Dapitan hanggang Iligan dahil lantad ang mga bayan-bayan dito sa pangangayaw ng Moro. Dito nila naisipang magtatag ng reduccion sa Misamis, sa mismong bungad ng Panguil dahil kuta ito ng mga Morong mangangayaw.

Ang look ng Panguil ay lagusan ng mga mangangayaw na Mёranaw mula Dagat Bohol patungong look ng Illana (teritoryo ng mga Mёranaw). Mahalaga rin ang lugar na ito dahil tanaw nito ang mga look ng Panguil at Iligan. Mahalagang mapalakas ng mga Espanyol ang kanilang hukbo sa Muog ng Misamis dahil gagamitin ito ng mga Moro bilang lagusan papuntang look ng Illana na hindi na nila kailangang ikutin ang tangway o tangos ng Zamboanga. Upang maisakatuparan ang pagkulong sa mangangayaw na mga Moro (Mëranaw o Iranun), pinagtuonan ng pansin ng mga Espanyol sa Iligan ang kanilang hukbo upang maging entrada at pasukan ng kanilang tangkang ekspedisyon sa mga Mëranaw ng Lanao (Tangian, 2010).

Mula 1675 hanggang 1677 ay patuloy na kinakayaw ng mga Mёranaw ang Cagayan. Bumalik ang mga Espanyol sa Zamboanga noong 1718 matapos nilang inabandona ang isla mula 1663 (Salazar, 2004).Sa taon din iyon ay kanilang itinayo ang Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza sa Zamboanga sa dating Fort Pilar upang maging bagong pang-depensa sa mga mangangayaw na Moro na naging mitsa rin sa mga pinagsamang lakas ng mga Tausug, Maguindanaon, at Mëranaw (Majul, 1999). Sa mga taong mula 1721 hanggang 1731 pinagalaw ng mga mananakop ang kanilang mga hukbo upang tuluyang makubkob ang mga mangangayaw. Nagtayo sila ng maraming portipikasyon sa Dapitan, Tandag, Palawan, at ilang teritoryo sa Kabisayaan at Luzon. Ngunit ang estratehiyang ito ay hindi nagpahinto sa galaw ng mga mangangayaw dahil unti-unting nakubkob ng mga mangangayaw ang mga teritoryo sa Hilagang Mindanao (Madigan, 1963). Ang maituturing lamang na panalo ng mga Espanyol sa kalagitnaan ng ika-18 na siglo ay mula sa pagsisikap ng paring Heswita na si Jose Ducos noong 1754.

Ang Paring si Jose Ducos at mga Bol’anon

Unang dumating sa Maynila ang paring si Jose Ducos at di-nagtagal ay ipinadala siya sa tirahan ng mga Heswita sa Iligan kahit wala pa siyang kabatiran sa kaugalian at lipunang Pilipino. Nag-ugat ang pagmamadali ng mga Espanyol na ipadala ang pari sa Mindanao dahil sa umiiral na pangangayaw ng 2,000 Mёranaw sa naturang Lungsod noong 1753. Kailangan ang kaalaman ng pari sa pakikidigma dahil mayroon lamang 30 Espanyol at sampung Kapampangan ang nakabantay sa Kuta ng Iligan (Crailsheim, 2022). Kasama ang mandirigmang Bol’anon ay hinarap ni Ducos ang mga mananalakay na Mёranaw. Ang pulutong ng Bol’anon ay lulan ng kanilang isang champan at siyam na iba pang uring sakayang pandigma. Sa kabuuan ang hugpo ng mga Bol’anon ay umabot 300 upang ipagtanggol ang muog ng Iligan (Vidal, 1888). 

Pansamantalang humupa ang pangangayaw matapos ang dalawang buwan noong itinampok ni Ducos ang taktika at teknikang pang-militar (Crailsheim, 2022). Makikita na sa umiiral na pangyayari sa panahong ito ay marahil litong-lito na ang mga Espanyol sa pamumuno ni Ducos kung saan nila ipopokus ang kanilang hukbo at puwersa upang sa kalaunan ay kanilang malupig at mahinto na ang pangangayaw ng mga Mëranaw. Kaya’t kailangan himukin ang mga Bol’anon na labanan ang mga Mёranaw dahil ang mga bisayang ito lamang ang may kakayahang tigilan ang galaw ng mga mandirigmang Moro. Sa talakayan dito matutunghayan kung ano ang ginampanan ng mga ilihan sa pagpapatuloy at pagkabigo ng pananatili ng presensya ng mga Espanyol sa Hilagang Mindanao. Masasalamin din dito kung paano nangangapa ang mga mananakop na makurdon at mapigil ang galawang Moro.

Dahil nasaksihan ni Docus ang gilas ng mga Mëranaw, nagpadala ang pari sa tulong ni Felipe Carvallo, ang corregidor ng Iligan, ng isang panukala upang madagdagan ng mga taong magbantay sa Presidio de Iligan (Vidal, 1888). Ang panukalang ito ni Felipe Carvallo ay kaniyang ipinadala kay Gobernador-Heneral Obando dalawang taon (1752) bago ang makasaysayang sagupaan sa Iligan sa taong 1754. Nag-ugat ito sa sunod-sunod na pangangayaw ng mga Mёranaw. Ayon sa kaniyang panukala na ang Moro ay mga batikan sa pakikidigma sa karagatan at gamay nila ang naturang look, karatig baybayin, dagat, mga looban at mga kaugnay na lupain. Maliban dito, ang Fuerza ng Iligan ay hindi ganoon kalakas dahil sa kakulangan sa tao at sandata. Nakita rin ni Carvallo na ang portipikasyong ito ay madaling abutin ng mga Moro sa pamamagitan ng lupa o sa karagatan man. Dagdag pa niya dahil malapit ito sa Linamon at bunganga ng Look Panguil, ginawang labasan ng Mёranaw ang Iligan sa kanilang pangangayaw (Bernard, 1968). Kaya’t nakatala din sa panukala na maliban sa dagdag na mga taong magpoposte sa mahahalagang posisyon ng Presidio de Iligan ay dagdagan din ang sahod ng mga tauhan, dagdag na bangkang pangdigma at mga sandata. Ang panukalang ito ay sinusugan din ni Ducos sa isang kaakibat na liham (Vidal, 1888).

Dala na rin ng takot, ipinag-utos ni Gobernador-Heneral Obando ang pagpapatayo ng isang portipikasyon sa bunganga ng Look Panguil sa Misamis upang mas lalong mapalakas ang kanilang hukbo sa katimugan. Nakita niya na ang Look ng Panguil ay isang mahalagang puwesto upang mas lalong makulong ang galaw ng mga mangangayaw na Mëranaw. Kaakibat nito ay nagpadala si Obando ng dalawang hukbong-dagat, kung saan ang mas maraming hukbo ay ipinadala sa Zamboanga at ang kaunting nalalabing hukbo ay sa Iligan inilagak upang tulungan doon si Ducos sa kaniyang depensa (Crailsheim, 2022).

Ang Pagkubkob sa taong 1754: Sagupaan ng Moro-Lumad sa Bol’anon-Espanyol

Sa taong 1754, lumakas ang puwersa ng mangangayaw laban sa mga itinayong reduccion ng mga Espanyol. Matindi ang tinamasa ng mga Espanyol dahil palipat-lipat ang Moro sa iba’t ibang teritoryo, visita, at muog na itinayo ng mga mananakop. Nasa 2,000 Mindanaos (Moro) ang umatake sa muog ng Iligan at dahil alam ni Ducos na gamay ng mga Moro ang lupain at look ng Iligan, hindi niya hinayaan na makatuntong sa reduccion ng Iligan ang mga Moro. Dahil dito humantong sa dalawang buwan na labanan sa karagatan ng Bohol ang nasabing sagupaan (Vidal, 1888).

Ngunit ang pagpapatagal sa labanan ni Ducos ay walang epekto sa mga Moro dahil nakahanap ng ibang lagusan ang mga Moro sa ilog ng Linamon at Larapan dahil nandito ang tanyag na Ilihan ng Larapan. Nagtungo naman ang mga puwersa ni Ducos sa Initao. Ayon sa ulat, ang mga katutubo ay nagkukubli sa isang Ilihan ng bayan dito sa pamumuno ni Nicolás Hocón. Naging daan ang Ilihan ng Initao upang hindi nila ito lusubin ngunit bitbit ng mga Mёranaw ang pito sa kanilang 39 na barko (Vidal, 1888). Matapos nito ay nagtungo si Ducos sa Look ng Panguil dahil nilusob naman ng Mёranaw ang bayan ng Layawan (Oroquieta) kung saan pinatay nila ang gobernadorcillo, napatay din nila ang datu ng Palilan (Jimenez) at 80 katao sa Langaran (Plaridel) (Montesclaros, 2018). Sinalakay naman ng mga Moro ang Tagoloan, isang visita sa Cagayan ngunit lumaban sa kanila ang mga Lumad doon. Nilusob naman nila ang Ilog Iponan ng Cagayan ngunit handa ang Lumad doon sa kanilang pagdating at humantong sa isang malaking sagupaan sa isang burol (Vidal, 1888).

Nagulantang ang Maynila sa sunod-sunod na ulat ni Ducos sa kanilang hirap sa mga mangangayaw na Mёranaw. Dito na nagpadala ng barkong pandigma ang Gobernador sa pamumuno ni Sargento Mayor na si Miguel Gomez Valdes lulan ng mga hukbong Bisaya. Nagtungo ang hukbo sa Iligan upang makipagpulong kay Ducos upang ilatag ang plano sa pagkubkob sa mga Mёranaw. Kanilang unang sinalakay ang Linamon na pugad ng mga Mёranaw ngunit nagtungo ang mga mangangayaw sa malapit na Ilihan ng Linamon nang kanilang nakita ang paparating na mga hukbong Espanyol. Dito inokupa at itinuon ng mga Espanyol ang kanilang puwersa sa bunganga ng ilog ng Linamon at kalapit na mga ilog ng Liangan at Langaran, na lahat dumadaloy patungong Look ng Panguil. Matapos masiguro ang Panguil sa dominasyon ng mga Mёranaw, bumalik si Ducos sa Iligan. Dito sila tinulungan ng puwersa ni Pedro Tamparong at mga Higaunon, kanilang sinalakay ang matibay na teritoryo ng mga Mёranaw sa Ropagan at napaslang ang sampung (10) Mёranaw (Montesclaros, 2018).

Noong Hulyo ng 1754 nang nilisan ni Valdes ang Iligan, pumalit si Ducos bilang pinuno ng Hukbo. Dito sinimulan ng Pari ang pakikibaka sa mga mangangayaw. Ginamit nila ang Iligan at ang Initao (na may malakas na Ilihan) bilang bantay sa Linamon. Ang mga Bol’anon naman ang nakapuwesto sa Ilog Liangan at ibang Boholano ang tagabantay sa Misamis. Dito inilipat ni Ducos ang kaniyang taguan sa Linamon. Ang estratehiyang ito ay nagdulot ng ilang tagumpay sa panig ng mga Espanyol. Kahit kalaunan ay natalo ang Mёranaw sa mga sagupaan ay hindi pa rin masaya ang mga mananakop dahil ang pari ay lubhang nasugatan sa mga sagupaan (Montesclaros, 2018). Matutunghayan sa polyeto noong 1755 ang ulat tungkol sa pagsasanib ng pwersang Bol’anon at Espanyol upang makubkob ang pinagsamang hukbo ng Mёranaw at Higaunon. Ayon sa nasabing polyeto, noong 1755 ay lumahok ang mga Bol’anon sa ekspedisyon ni Ducos. Ang mga  Bol’anong ito ay mula sa Baclayon, Tagbilaran, Maribojoc, Inabanga, Loboc, at Loay. Marami ang kanilang hukbo na umabot sa 500 na magkahalong Iliganon at Bol’anon ngunit hindi tiyak kung ang karamihan sa mga ito ay mga Bol’anon. Gayunpaman, sa liham ni Ducós na may petsang Enero 13, 1755 nagpapahiwatig siya ng kaniyang intensyon na sakupin ang mga mangangayaw na Moro sa Lawa ng Lanao (Tecson, 2020). Mapapansin natin dito na malaki ang naging papel ng mga Bol’anon upang mas lalong mapalakas ng mga Espanyol ang kanilang pagkubkob sa mga mangangayaw na Moro.

Kahit nanatili ang sunod-sunod na pagkapanalo ni Ducos sa Hilagang Mindanao, hindi ang pagkakaroon ng mga matinding estratehiya ng mga Espanyol ang nagpanalo rito bagkus ang lakas ng mga Bisaya at Higaunon na kanilang iniharap sa Morong mangangayaw. Hindi masasabi na tagumpay ni Ducos ang sagupaan sa 1754 bagkus tagumpay ito ng mga Higaunon at Bisaya laban sa mga Moro. Wala ring panama ang kanilang mga portipikasyon dahil hindi nito napatunayan ang kaniyang bisa sa pakikidigmang ampibyo. Ang Ilihan na mga pansamantalang nilisan ng mga Higaunon ang nagsilbing mga bantay, takbuhan at panangga sa mga mangangayaw. Ang mga Ilihan sa look ni Iligan, Macalajar, at Panguil ang kanilang kinasangkapan sa kanilang pakikibaka sa kasagsagan ng pagkubkob sa kanila mga mangangayaw noong 1754. Ang mga pangyayari sa 1754 ay nagpapatunay na nagbago ang mukha ng pangangayaw at ang Ilihan ay lagi’t lagi ang pinakamalakas na panangga sa mga mangangayaw.

Konklusyon

Sa larangan ng ugnayan sa sinaunang bayan, ang mga Moro ay laging tinitingnan na mga kaaway dahil sa kanilang pagiging mangangayaw at ang mga Lumad bilang bayang kinakayaw. Ang ganitong paniniwala ay hayag sa mga ulat na binibigyang diin ang pagiging biktima ng mga Lumad at kaaway nila ang mga mababangis na Moro. Ngunit sa bagong yugto ng kasaysayan ng Mindanao ay nakakita ng bagong alyansa ang mga Lumad sa mga Espanyol. Malakas ang bagong alyansang ito dahil pansamantalang napahina nito ang puwersa ng mga Moro. Taliwas din ito sa umiiral na talakayan na ginamit ng mga Espanyol ang mga Lumad upang makalamang sa mga Moro sapagkat paano ito nangyari kung hindi gamay ng mga mananakop ang dagat ng Bohol at kadundukan ng Iligan at Cagayan. Kaya’t mas angkop na tingnan na ang kanilang bagong alyansa at ang pagsandal sa mga Lumad ay ang kanilang paraan upang makahanap ng panibagong ugnayan upang pagharian ang kalakarang pangangayaw. 

Ang bagong alyansang Higaunon-Espanyol ay pansamantalang nagpahina sa mga mangangayaw na Moro. At dahil ginulo ng mga mananakop ang kalakarang pangangayaw, kailangang magpahinga muna at magpalakas ang mga Moro sa ilihan sa paligid ng Lawa Lanao. Ang pagpapalakas na ito na ginawa ng mga Moro ay pansamantala ring nagbigay sa mga Lumad ng lakas ng loob upang maiangat ang kanilang estado sa Hilagang Mindanao dahil ginamit nila ang estratehiya ng mananakop upang sila naman ang magiging hari sa kalakalang pangangayaw. Ngunit ang pansamantalang paghina ng mga Moro ay nagbigay sa kanila ng panibagong gamit pang-militar at mga estratehiya na hindi mapantayan o malampasan ng mga Espanyol. Napatunayan sa mga susunod ng siglo at huling bahagi ng pananakop ng mga Espanyol sa sangkapuluan na mas lalong nahirapan ang mga mananakop sa mga Moro na isa sa maraming dahilan kung bakit nilisan ng mga Espanyol ang Pilipinas. Dito makikita na naging epektibo ang pansamanatalang pagkubli ng mga Moro sa yugtong ito dahil mas lalong silang lumakas at gamay na nila ang galaw ng mga Espanyol matapos itong pag-aralan.

Kasabay sa panibagong ugnayan ng mga Lumad at mga mananakop ay ang panibagong espasyo at kasanayang kolonyal. Nagdulot din ito sa pagbabago ng mukha at anyo ng pangangayaw dahil hindi na ang mga Moro ang naging mangangayaw at may bago nang tauhan sa dating kalakaran. Humina ang ugnayan sa buhay-ginhawa-dangal na dulot ng ugnayang pangangayaw-pag-iilihan matapos pansamantala magkubli ang mga Moro sa Lanao. Ang ugnayang-buhay ng dalawa ay tumamlay nang bahagya hindi dahil sa pagsandal ng Higaunon sa mga mananakop bagkus sa pagkubli ng mga Mëranaw at nawalan ng masasandalan at mauugnayan ang mga Higaunon. Sa kabuuan, makikita na ang mga ilihan ng mga Higaunon ay humarap sa iba’t ibang uri ng yugto sa kasaysayan mula sa ugnayan sa sinaunang bayan hanggang naging bantilan sa estadong kolonyal at papapatayo ng mga muog. Kahit pilit na ipinapayakap ng mga mananakop ang kalinangang kanluranin, naging daan ang ilihan upang ikubli ang mga pamana na iniwan ng mga ninunoat kagawasan na kanilang pinakaiingatan. Malinaw din na daluyan ng buhay-ginhawa-dangal ang ilihan na piping saksi sa pakikibaka ng mga Higaunon na tumindig sa kanilang paniniwala, ebidensiya rito ang pagpapatuloy ng kanilang ugnayan, kaugalian, buhay, at kalinangan na hayag pa rin sa kasalukuyan. Kabilin din na maituturing ang ilihan dahil dito nagmumula ng buhay na may ginhawa at dangal ng mga katutubo at ugnayang-buhay ng mga Moro at Lumad.

Sanggunian

Abejo, C. (1954). A brief history of Misamis Oriental. In Mindanao Athletic Meet Association program. The Pioneer Press.

Apatan, K., & Caballero, J. (2015). Genealogical and cultural connections of the tri-people of MINSUPALA. In J. A. Caballero (Ed.), History of the Filipino Muslims and other Indigenous Peoples of MINSUPALA: A learning guide.

Bernad, M. S. J. (2004). The great island: Studies in the exploration and evangelization of Mindanao. Ateneo de Manila University Press.

Bernad, M. S. J. (1968). Father Ducos and the Muslim wars: 1752–1759. Philippine Studies, 16(4), 690–728. https://www.jstor.org/stable/42720524

Blair, E. H., & Robertson, J. A. (1906). The Philippine Islands, 1493–1898. The Arthur H. Clark Company.

Covar, P. R. (1995). Kaalamang bayang dalumat ng pagkataong Pilipino (Professional Chair Papers, Series No. 95–4). University of the Philippines Diliman, College of Social Sciences and Philosophy.

Crailsheim, E. (2022). Missionaries and commanders: The Jesuits in Mindanao, 1718–1768. Journal of Jesuit Studies, 9, 207–228. https://doi.org/10.1163/22141332-09020003

Madigan, F. C. (1963). The early history of Cagayan de Oro. Philippine Studies, 1(1). https://www.jstor.org/stable/42719827

Majul, C. A. (1999). Muslims in the Philippines. University of the Philippines Press.

Montero y Vidal, J. (1888). Historia de la piratería malayo-mahometana en Mindanao, Joló y Borneo (Vols. 1–2). Imprenta y Fundición de Manuel Rello.

Montesclaros, R. L. A. (2018). How the Spaniards won in Marawi but lost in Cavite: Northern Mindanao rancherias in the twilight years of the Spanish Empire. New Day Publishers.

Navarro, A., Rodriguez, M. J., & Villan, V. (Eds.). (2000). Pantayong pananaw: Ugat at kabuluhan. Pambungad sa pag-aaral sa bagong kasaysayan. Palimbagan ng Lahi.

Neri, L. M. (2014). A report on the archaeological survey along the coastal area of Misamis Oriental, Philippines. Hukay, 16, 1–27. https://shorturl.at/mvEST

Paredes, O. (2013). A mountain of difference: The Lumad in early colonial period. Cornell University, Southeast Asia Program Publications.

Rodil, R. B. (2017). Kasaysayan ng mga pamayanan ng Mindanao at arkipelago ng Sulu, 1596–1898. Komisyon sa Wikang Filipino.

Romanillos, E. L. A. (2007). Augustinian Recollect history of Mindanao (1622–1919): Studies and documentary sources. Saint Ezekiel Moreno Province.

Scheurs, P. (1989). Caraga Antigua, 1521–1910: The Hispanization and Christianization of Agusan, Surigao, and East Davao. San Carlos Publications.

Scott, J. C. (2009). The art of not being governed: An anarchist history of upland Southeast Asia. Yale University Press.

Scott, W. H. (1982). Cracks in the parchment curtain and other essays in Philippine history. New Day Publishers.

Scott, W. H. (1994). Barangay: Sixteenth-century Philippine culture and society. Ateneo de Manila University Press.

Villan, V. C. (2012). Lawas, buut, patugsiling, at dungan: Isang pag-unawa sa papel ng kinagisnang sikolohiya sa kasaysayang kolonyal at himagsikang Pilipino sa Panay, 1896–1898. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19(2), 73–110. https://journals.upd.edu.ph/index.php/djwf/article/view/3822/3496

Warren, J. (2002). Iranun and Balangingi: Globalization, maritime raiding, and the birth of ethnicity. New Day Publishers.

Warren, J. (2007). The Sulu Zone, 1768–1898: The dynamics of external trade, slavery, and ethnicity in the transformation of a Southeast Asian maritime state. National University of Singapore Press.

Wright, M. E. (2019). Philippine Indigenous forts in accounts from the 16th to 20th centuries. Hukay, 21, 62–104. https://shorturl.at/wzQR4


1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading