Paano Nagiging Relatibo ang Loob-Labas?: Diskursong loob-labas at pamanang intelektwal ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo

Princess Fame I. Pascua

New Era University – Quezon City, Philippines

How to Cite:

Pascua, F. I. (2024). Paano nagiging relatibo ang loob-labas?: Diskursong loob-labas at pamanang intelektwal ng Noli me tangere at El filibusterismo. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 3(1), 9–28. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2024-PaNaReLoLa

Abstrak

Nagkaroon ng rebyu ng mga kaugnay na literatura at pag-aaral tungkol sa ‘loob’ at ‘labas’ at batay dito lumalabas na maraming pag-aaral tungkol sa ‘loob’ at ‘labas’ sa ilalim ng mga larangan o disiplina ng Agham Panlipunan gaya ng mga sumusunod: Antropolohiya, Pilosopiya, Sikolohiya, Kasaysayan, at Geopolitika. Nakasumpong naman ng ilang pag-aaral sa larangan ng Panitikan. Hindi ito nangangahulugang salat; bagkus nag-udyok na suyurin pa ang iba pang akdang pampanitikan sapagkat wala pang intelektwal na sagot sa tanong kung ‘paano nagiging relatibo ang loob-labas?’ mula sa mga narebyu. Sa tulong ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo, nagkaroon ng apat na kasagutan sa tanong. Ang loob-labas ay relatibo sa (1) okupasyon, (2) upa, (3) ugnayan, (4) sakop. At ang tulong ng mga nobelang ito sa pagsagot sa mahalagang katanungan ay isa na naman sa hindi mapasusubaliang pamana nito sa kaalamang panlipunan.

Mga Susing Salita: Loob, Labas, Pamanang Intelektwal, Noli Me Tangere, El Filibusterismo

Panimula

Rebyu ng mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral Tungkol sa Loob at Labas

Ang ‘loob’ at ‘labas’ ay mga salitang Tagalog sa Pilipinas na ginagamit upang tumukoy sa relatibong lokasyon. Ang relatibong lokasyon, samantala, ay sinasabing isa sa pinakapangunahing referential tools ng pang-araw-araw na buhay. Natutukoy ito sa pamamagitan ng relasyon nito sa ibang lugar [na mas absoluto] (Hobbs 2007). Ang tambalang loob-labas ay isa lamang sa maraming relatibong lokasyon na ginagamit sa Katagalugan gaya ng taas-baba, malayo-malapit, tabi-ibayo, dulo-sentro, at iba pa.

Ngunit kung mayroon mang pag-aaral tungkol sa ‘loob’, karaniwang ito ay nasa larangan ng Antropolohiya. Ang konsepto ng loob ng pagkataong Pilipino ay inaral sa Filipinolohiya ni Prospero Covar. Ang loob ay bumubuo sa pagkatao (hal. utak, puso). Samantala, ang ‘labas’ na kabaligtaran nito ay tumutukoy sa bahagi ng katawan ng tao na lantad/ nahahawakan, ngunit nakaugnay sa loob (hal. mukha, dibdib) (Aquino 2004). Samakatuwid, sa pag-aaral ni Covar ang loob ay ang di-nahahawakan (intangible) at ang labas ay ang nahahawakan (tangible) na bahagi ng katawan ng tao.

Maraming sumunod na pag-aaral tungkol sa loob matapos ng kay Covar. Isa na rito ang pagtatala at pagtitipon ni Albert Alejo ng mga salitang may salitang-ugat na ‘loob’ at ito’y umabot sa 138. Ang 138 naman na mga salita ay ginawan ni Mercado ng kategorisasyon gaya ng sumusunod: intelektwal, emosyonal, bolisyunal, etikal, at sari-sari. Ilan sa mga masasabing nasa kategoryang emosyonal ay ang inaral ni Reynaldo Ileto tungkol sa ‘lakas ng loob’ at ni Virgilio Enriquez na tungkol naman sa ‘yaman ng kalooban.’ Nag-aral naman si Lynch tungkol sa ‘utang na loob.’ Mayroon ding nagsikap na aralin ang ‘loob ng Diyos sa tao’ at iyan ay si de Mesa (Covar 2015). Dagdag pa, sina Jeremiah Reyes (2013) at Levi Lara Lanaria (2014) ay inaral ang ‘loob at kapwa,’ at si Deirde Conde (w.p.) ay partikular sa kapwa na kapitbahay na may iba’t ibang uri gaya ng mga sumusunod: ‘bukas pinto-bukas loob,’ ‘bukas pinto-sara loob,’ ‘sara pinto-sara loob,’ at ‘sara pinto-bukas loob’ (samakatuwid masasabing tumuon sa ‘bukas loob’ at ‘sara loob’). Ang mga ito ay masasabing nasa kategoryang etikal. Samantala nariyan ang pag-aaral ni Charles Kaut (1961) kung saan ang utang na loob ay isang ‘contractual obligation’ sa pagitan ng mga tao; at ni Rhochie Matienzo (2017) kung saan ang utang na loob naman ay isang ‘sense of obligation’ ngunit sa pagitan naman ng tao at ng Diyos. Samakatuwid, mula sa mga araling ito maaaring sabihin na mahalagang pwersa ang utang na loob sa ugnayan sa pagitan ng mga tao maging sa ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Nagkaroon din ng pag-aaral ng utang na loob sa perspektibang Ilonggo sina Jezzebelle Baldo at Rachel Quirante (2011).

Isa pa sa loob na masasabing nasa kategoryang etikal ay ang ‘kagandahang loob’ na inaral ni Leonardo de Castro na may pagkukumpara sa ‘robin hood principle’ (kasama si Sy, 1998) at malaon ay inugnay sa bioethics (1999), partikular sa feminine bioethics (2000). Inaral naman ni Ron Resurreccion (2007) ang mga pundasyon ng kagandahang loob—ang malasakit, pakikipagkapwa, at kalinisang loob. Inaral naman ni Therese Cabal (2008) ang karanasan ng mga kabataan tungkol sa kagandahang loob, bilang tagapagbigay man o tagatanggap nito. Samantala, sinuri naman ni Charmaine Galano (2017) ang pagpapakahulugan at pagpapahalaga ng mga kabataan tungkol sa kagandahang loob.

Sa larangan ng Pilosopiya, sinipat ni Catherine Edith Cruz (1998) ang implikasyon ng loob sa pilosopiya ng edukasyon. Samantala, inaral naman ni Joseph Anthony Narciso Tiangco (2005) ang pilosopiya ng katatagan sa ‘katatagang loob.’ Inilarawan naman ni Albert Alejo (2018) ang loob bilang may ‘relational interiority’ sapagkat ito ay binubuo ng hindi lang isa kundi tatlong panloob na istruktura—ang abot-malay, abot-dama, at abot-kaya.

Sa larangan naman ng Sikolohiya, naging mahalagang bahagi ang konsepto ng loob sa pagbuo ng ‘iskala ng pakikiisang loob’ (Gonzales 1995) at ng ‘Masaklaw na Panukat ng Loob (Mapa ng Loob)’ (del Pilar 2017). Sa ilalim naman ng sikoanalisis, inaral ni N. Paredes- Canilao (2012) ang katagang ‘nasa loob ang kulo.’ Ang ‘sama ng loob’ at ‘gaan ng loob’ ay inaral naman ni Teresita Rungduin (2014) sa pamamagitan ng paghanap ng ugnayan sa pagitan ng mga gampanin at propesyonal na relasyon sa dako ng hanapbuhay. Interesante naman ang naging pag-aaral nila Marshley Baquiano & Gilda Dans- lopez (2011) sa persepsyon o pananaw ng mga karaniwang tao tungkol mga kilalang politiko. Sa 15 pandiwa na may salitang loob na kanilang ginamit, lumutang ang apat na pangunahin na tumutukoy din sa partikular na politiko: ‘kaaya-ayang loob’ (hal. Escudero, Roxas), ‘hindi mapagtotoong loob’ (Estrada), ‘malakas ang loob’ (Lacson), at ‘malambot ang loob’ (Villar, Estrada).

Sa larangan naman ng Kalusugan, na inugat sa panahon ng pandemya, nagkaroon ng pag-aaral si Axle Christien Tugano (2020) tungkol sa loob at labas pabalik sa kasaysayan ng ketong sa Pilipinas at sina Gideon Lasco, Michael Tan at Vincen Gregory Yu (2023) sa kaligtasan at panganib mula sa COVID-19 relatibo sa loob at labas na espasyo sa Pilipinas.

Pagdating naman sa pag-aaral tungkol sa labas, ang karaniwang mayroon ay tungkol sa ‘ taong labas.’ Ilan sa mga nag-aral nito ay sina Francis Gealogo (1990), Reynaldo Ileto (2022), at Princess Fame Pascua (2022) at ito ay nasa larangan ng Kasaysayan. Mayroon ding mga nag-aral ng mga taong labas na nasa mga sumusunod na lugar sa Pilipinas: Masbate (Pelorina 2022), Panay (Villan 2022), at Zamboanga (Asuncion 2022). Mayroon ding nag-aral ng taong labas batay sa propesyon partikular sa hanay ng mga magtatandok at iyan ay si Emmanuel Jayson Bolata (2022). Para naman kay Zeus Salazar (1999) may taong nasa labas sa paraang literal dahil sa pagiging eksilo.

Katumbas ng taong labas ang salitang ‘ tulisan’ (Gealogo 1990). Inaral ni Isagani Medina (1984) ang tungkol dito, partikular sa mga tulisan sa Cavite. Ilan pa sa katumbas ng taong labas ay ‘vagamundo’ (Salazar 1999) at ‘landron’ (Gealogo 1999). Inaral ni Rhina Alvero-Boncocan (2022) ang tungkol sa vagamunda [babaeng palaboy] at ni Apigo (2022) ang tungkol naman sa ladron [magnanakaw] sa Imus, Cavite.

Katumbas din ng taong labas ang salitang ‘bandido’ (Gealogo 1990). Inaral ang tungkol dito, partikular sa mga bandido sa Cavite noong Panahong Espanyol (Bankoff 1998) at Amerikano (Medina 2001), at pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Sobritchea 1984). Nagkaroon din ng pag-aaral si Ma. Rita Lourdes Alfaro (2022) tungkol sa partikular na bandidong nagngangalang Teodoro Asedillo. Sa mas kontemporaryong panahon, mayroong muling pag-aaral tungkol sa mga bandido sa Pilipinas ngunit ang konsentrasyon na ay sa Mindanao (Kawashima 2006), partikular sa pagtukoy sa mga Abu Sayyaf na binansagan ding terorista (Bhatia 2005; Banlaoi 2006).

Sa geopolitika sa Indo-Pasipiko, kung saan kabilang ang Pilipinas, sinasabi naman na ang pananatili ng awtoridad ay nangangailangan ng separasyon ng ‘loob’ mula sa ‘labas’ [ng hangganan]—ang loob bilang ligtas at payapa, samantala ang labas ay ang mapanganib at magulo (Wirth 2021). Ngunit pagdating sa polisiya, kahit tangkain ng legal na doktrina na magkaroon ng hati sa pagitan ng loob at labas ay hindi mangyari (Vec 2016). Ang karatig bansa ng Pilipinas na Tsina ay inaral din sa lente ng geopolitika, partikular ang rehiyon nitong Xinjiang na may geopolitikal na perspektibang ‘inside out’ (mula ‘outside in’) (Clarke 2015). Bilang panghuli, hindi man tuwirang paksa ng geopolitika, interesante ang “dual model” pagdating sa sosyo- ekonomikong pag-unlad na ‘outside in’ (mula lipunan patungong indibidwal) at ‘inside out’ (mula indibidwal patungong lipunan) na pawang benepisyal na siklo (Worthman 2011).

Samantala, sa larangan ng Panitikan ay mayroon ding nasumpungang  mga  pag-aaral  kaugnay  sa  loob  at  labas.  Loob

bilang tumutukoy sa selda o bilangguan, nariyan ang pag-aaral ni Noel Christian Moratilla (2022) sa akda ni Bobby Villagracia na pinamagatang Selda Dos: Manila City Jail. Isa pa ay ang pag-aaral ni Aristotle Atienza (2022) sa nobela ni Aurelio Tolentino na Ang Buhok ni Ester (1914-15) na partikular sa babaeng tulisan.

Gaya ng mapapansin, karamihan sa mga pag-aaral tungkol sa loob at labas ay sa ilalim ng mga larangan o disiplina ng Agham Panlipunan gaya ng mga sumusunod: Antropolohiya, Pilosopiya, Sikolohiya, Kasaysayan, at Geopolitika. Kung mayroon mang pag-aaral nito kaugnay sa kalusugan, mayroon pa ring pagsangkot sa Kasaysayan at espasyo, samakatuwid, Geograpiya. Sa labas ng Agham Panlipunan, nariyan ang pag-aaral ng loob (bilangguan) at labas (taong labas) sa larangan ng Panitikan.

Partikular sa ginawang pag-aaral nila Moratilla at Atienza, nakapagbigay ito ng ideya kung ano pa ang maaaring maging kadluan ng pag-aaral tungkol sa loob at labas; gayundin kung paano ito aralin. Sa larangan ng Panitikan, dalawa lamang ito na lumabas sa inisyal na sarbey ngunit hindi nangangahulugang salat; bagkus tila nagsasabing suyurin pa ang iba pang akdang pampanitikan. Maaaring dito ay marami pang naghihintay ng ‘muling pagkatuklas’ ng mayamang kaalaman tungkol sa loob at labas.

Paano Nagiging Relatibo ang Loob-Labas?

‘Paano nagiging relatibo ang loob-labas?’ Kung isasaalang-alang ang lokasyon, maaaring sabihin lamang na ‘relatibo sa isang absolutong lokasyon o depende sa kinatatayuan ng taong nagsasalita’ at tapos na ang usapan bagama’t hindi nakahuhusto ang kasagutan. Ang inisyal na mga literatura at pag-aaral na mula sa Agham Panlipunan ay hindi pa rin nakapaghain ng hustong sagot sa tanong. Dahil dito, tumungo at naghanap ng tulong mula sa larangan ng Panitikan—partikular sa mga nobelang Noli Me Tangere (Noli, 1887) at El Filibusterismo (Fili, 1891) ni Jose Rizal.

Ang Loob-Labas ng Bahay

Ang bahay ay ang lugar na masasabing pamilyar sa lahat kung kaya’t mahalagang pagsimulan ng pag-aaral. Taumbahay ang karaniwang tawag sa mga nasa bahay. Ang taumbahay ay ang maybahay. Sa halimbawa sa Noli, ang mag-asawang Filipo at Teodora ang maybahay, hindi lang ang asawang babae (Rizal 1887, Kab XIV: Ang Ulol na si Tasio o ang Pilosopo) at ang kasambahay o iba pang miyembro ng pamilya. Karaniwang kasambahay ang mga anak (na inaasahang tutulong sa mga gawaing bahay). Inookupahan ng mga taumbahay ang bahay dahil ito ay kanilang pagmamay-ari. Samantala, ang kasambahay ay mas tumutukoy na ngayon sa mga katulong sa gawaing bahay na may kaukulang upa. Tinatawag silang gayon sapagkat may pagtuturing sa kanila bilang miyembro ng pamilya. Sa ibang pagkakataon naman, taumbahay din hindi lang ang binibigyang upa kundi ang nagbibigay upa. Halimbawa nito ay nangungupahan (tinatawag din border, bedspacer o renter sa kasalukuyan). Sa Fili, sinasabi na ang “paglilibang ng mga nangungupahan, mula sa pagpasok sa maluwag na silong hanggang sa itaas ng kabahayan, ay walang humpay ang tawanan” (Rizal 1891, Kab. XIV: Isang Tahanan ng mga Nag-aaral). Sa pamamagitan ng upa, natutukoy ng bahay kung sino ang residente, maging ang bisita, at estranghero o ibang tao (Sack 1993). Ano’t anuman, kapwa ang okupasyon sa bahay ng katulong na kasambahay gayundin ang mga nangungupahan na kasambahay ay relatibo sa upa.

Bilang susog sa binanggit ni Robert Sack tungkol sa estranghero o ibang tao sa bahay, ayon kay Alison Blunt at Ann Varley (2002), “home invokes a sense of place [self],..alienation…is intimately tied to a sense of self.” Mas matutukoy ang sarili kung natutukoy ang iba. Mas matutukoy ang sariling lugar (hal. bahay) kung matutukoy ang iba. Para kay Reyes (2013) ang manloloob ay halimbawa ng l’autre o ‘iba’ (hindi ‘kapwa’). Ito ay dahil ang manloloob ay magnanakaw ng pagmamay-ari (ari/puri o ari-arian). Ang mga ito ay sumasalakay (habang walang tao) o pumapasok nang walang paalam (nanakit, humahalay, at/ o pumapatay) para makuha ang kanilang gusto (hal. puri, yaman). Kahit sa kuwentong bayan sa Noli, ang estranghero ay katulad ng manloloob, isang di inaasahang panauhin, nakapapasok sa tahanan sa kung paanong paraan, at nababanaagan lamang ng alimpungatang may-ari ng bahay (kung sakaling magising), malimit kung paalis na’t tangay ang nais nakawing kasangkapan, salapi, hiyas, at ibang ari-arian (Almario 2009).

Habang ang kababanggit sa itaas ay halimbawa ng pagnanakaw na mula sa labas patungo sa loob (panloloob), mayroon ding pagnanakaw/ pag-agaw na mula sa loob papunta sa labas. May terminong ‘ibinahay’ o ‘kabit’ (kalaguyo) ng asawa; ngunit umuuwi pa rin ang asawa na nagsagawa ng ‘pagkaliwa’ (paglihis/ pagliko) sa orihinal na bahay. Ang salitang ‘kabit’ naman ay isang terminong may kinalaman sa ‘ugnayan’ sa pagitan sa dalawang tao, gayundin ang koneksyon nito sa isang bahay at/o mag-anak, na hagip pa rin sa sinasabi ni Blunt at Varley na “alienation…intimately tied to a sense of self” lalo na kung ang ugnayang ito ay ‘magkabunga’ o magka-anak. Mayroon ding terminong ‘sumakabilang bahay’ kung saan iiwan ng kumaliwa ang kanyang asawa, anak, at kanilang bahay patungo sa kanyang kabit at bahay nito. Kung may maging anak sa ibinahay/ kabit dahil sa pagkabilang bahay, magkakaroon ng kung tawagin ay ‘anak sa labas’ o anak sa kinaligawan [niligawan; ligaw/ lihis sa tuwid na landas?] o anak sa kaagulo (agulo o kasintahan, mangingibig) ayon kay William Henry Scott (Javier 2018), samakatuwid, anak sa ibang babae/ lalake. May pagkakataong ang anak sa labas ay hindi kinikilala, itinatatwa, o itinatakwil. Isang paraan ng pagtatakwil ay pagiging eksilo sa malayong lugar (Salazar 1999).

Kabaligtaran naman ng konsepto ng anak sa labas ang isa pang uri ng ‘other’ ngunit inaari (samakatuwid, hindi iba; mapupunta sa loob ng bahay at/ o mag-anak). Ayon din kay Blunt & Varley (2002), “home invokes a sense of place,..belonging…is intimately tied to a sense of self.” Ilang halimbawa nito ay ang mga sumusunod: ‘inaanak,’ ‘pamangkin,’ at ‘ampon.’ Ang mga ito ay hindi iniluwal ng partikular na maybahay o mag-asawa, samakatuwid may iba itong mga magulang. Ang ‘inaanak’ (godchild), sa kasal, sa kumpil at/o sa binyag, ay inaari sa pamamagitan ng pananampalataya o prosesong espiritwal (o legal, kung kasal na sibil) at mula roon ay magiging ‘hindi iba’ o ituturing na parang tunay na anak. Kaugnay nito, magkakaroon ng konsepto ng ‘kinakapatid’ sa pagitan ng anak at inaanak ng partikular na mag-asawa. Ang mga magulang naman na may inaanak ay tatawaging ‘ninong’/ ‘ninang.’ Ang sistemang ito ng ‘compadrazco’ [sa pagitan naman ng ninong/ ninang at magulang ng inaanak] ay pinapaging ‘quasi-relatives’ ang dalawang partido [mag- anak] at ito ay nagreresulta sa mas malalim at malapit (intimate) na relasyon sa pagitan nila (Sagut 2009).

Ang salitang ‘pamangkin’ (binabakas na nag-ugat sa salitang ‘angkin’ o pinaikling ‘parang akin’?) ay anak ng kapatid ng alinman sa mag-asawa. May pagkakataon naman na ang pamangkin ay ginagawang inaanak, bagay na nagpapatibay din ng relasyon sa pagitan ng tio/ tia at ng pamangkin. Gayundin, sa sinaunang katawagan, ‘amain’ ang tawag sa lalakeng kapatid ng mga magulang (uncle). Interesante ring bigyang pansin na amain din ang tawag ng anak sa sumunod na asawa ng magulang na babae sa oras na ito ay mabalo at mag-asawa na muli (stepfather); gayundin amain ang tawag kung minsan sa mga ninong (godfather). Masasabing ang amain sa kabuuan ay ‘tumatayong ama’.

Mayroon ding konsepto ng ‘ampon’ na sa pamamagitan naman ng prosesong pormal o legal (partikular ang pagkakaloob ng apelyido ng ama) ay itinuturing nang gaya ng tunay na anak. Ang ampon ay magiging isang kasambahay hindi lang dahil sa pagkaulila nito sa biolohikal na magulang; maaari ring walang kakayahan ang mga magulang [sa dahilang pisikal, pinansyal, atbp.] ayon sa Republic Act No. 8552 o Domestic Adoption Act of 1988 (Blanco & Panao 2019). Dagdag pa, ang ampon ay nagiging ‘ampon na buo’ kung ito ay maging tanging tagapagmana [pagkakalooban ng mana ng mag-asawang umampon] (Javier 2018). Nagkaroon ng ‘ampon na buo’ lalo noong panahong Amerikano nang magkaroon ng batas sa Pilipinas tungkol sa pag-aampon (Act No. 3094, 16 Marso 1923 at malaon ay nagkaroon din ng New Civil Code of the Philippines noong 30 Agosto 1950 na kinapapalooban ng probisyon tungkol sa pag-aampon) na nagsasabi na tanging ang mga mag-asawang walang anak ang maaari lamang mag-ampon (Balanon 1989). Samantala, may mga pagkakataong ang mga pamangkin ay inaampon din (sa mga pagkakataong naulila sa magulang), samakatuwid, magiging kasambahay. Isa pa sa sitwasyon ng pag-aampon ay ang pag-aampon ng anak sa labas (upang mapagkalooban ng apelyido, gayundin, magiging kasambahay). Upang maging ‘ hindi iba’ ang anak sa labas, batay sa pagkakasundo ng mag-asawa o mag-anak, aariin ito bilang lehitimong anak sa pamamagitan ng prosesong legal. Ganito rin ang ginagawa sa ibang ‘anak sa pagkadalaga’/ ‘anak sa pagkabinata.’ Sa magkakaibang sitwasyong nabanggit (anak sa labas, inaanak, pamangkin, ampon), makikita naman ang loob-labas ay relatibo sa ugnayan.

Ang inspirasyon ng pagtalakay tungkol sa taumbahay, iba, at hindi iba, ay hango sa sitwasyon ng pamilya de los Santos (Tiago, Pia, Maria Clara) ng Noli. Ang salaysayin tungkol sa kanila ay mababasa mula pa sa Kabanata VI: Kapitan Tiago (Rizal 1887). Si Doña Pia Alba ang, maybahay ni Kapitan Tiago na, siyang nagluwal kay Maria Clara. Inaring anak ng mag-asawang Pia at Tiago habang lingid na si Maria Clara ay talagang anak ni Doña Pia kay Padre Damaso. Anak dahil dala ang apelyido ni Kapitan Tiago, ngunit sa sentido si Maria Clara ay anak sa labas. Sa pagkamatay ni Doña Pia dahil sa lagnat na dumapo matapos ang kanyang panganganak, tumayong ina at nag- alaga kay Maria Clara si Tia Isabel, samakatuwid inaring anak ni Tia Isabel ang kanyang pamangkin. Samantala, si Maria Clara ay inaanak sa binyag ng biolohikal na ama niyang si Padre Damaso, samakatuwid naging ninong. Si Maria Clara bilang halimbawa, makikita kung paanong ang kanyang karakter ay anak at anak sa labas ni Doña Pia; anak at ampon Kapitan Tiago; pamangkin at ampon ni Tia Isabel; gayundin, inaanak at anak sa pagkabinata ni Padre Damaso.

Ang Loob-Labas ng Bayan

Hawig sa bahay, ang bayan ay may taumbayan na umuukupa. Mayroon ding masasabing hindi taga-bayan, ibig sabihin, iba. Ngunit upang maging litaw ang kaibahan, maaaring tukuyin ang mga mula sa ibayong dagat na dayuhan. Mula ang ‘ibayong dagat’ sa salitang ‘ibayo’ na ilan sa maraming ibig sabihin ay ‘kasalungat/ kalaban’ gayundin ‘katapat/ katulad’ (tagalog- dictionary.com, 2020).

Sa ibayong dagat nagmula ang mga dayuhang ‘banyaga’ o mga mangangalakal na nagtitinda at bumibili mula sa kanilang mga sakayan. Ang kanilang mga paninda ay ipinagbabanyaga. Ito rin ang tinutukoy na kaalyado ng mga pamunuan at ng mga katutubong Pilipino ng mga baybaying bayan. Ang mga pamunuan ng baybaying bayan/ baybaying pamunuan naman ay may kaugnay na iba pang sentro ng kalakalan sa labas ng bayan. Kadalasan, may isang makapangyarihang banyagang sentro na kaalyado nito. Ang sistema ng pagpapalitan ng kalakal ay nakabatay dito sa baybaying pamunuan na inaapawan ng ilog at ang ugnayan nito sa isang makapangyarihang banyagang estado sa pamamagitan ng dagat (Abrera et al. 2005). Samantala, ang Ma-i [tumutukoy sa bahagi ng ngayo’y Pilipinas] ay unang nabanggit ng mga intsik [Tsino] noong 977 MK kaugnay sa pakikipagkalakal. Ang pagpapakilala ng mga taga-Borneo ng Ma-i sa mga intsik [Tsino] ay nagpapahiwatig [din] na may ugnayang komersyal [pangkalakalan] na ang Ma-i sa kaharian ng Borneo (Abrera et al. 2005) at gayundin ng ugnayang komersyal sa pagitan ng Ma-i at Tsina, nang mabanggit ng mga intsik ang Ma-i.

Hindi rin miminsan ang pagbanggit sa mga intsik sa Noli (Rizal 1887) na may tindahan (Kab. VI: Kapitan Tiago), nangagtitinda (Kab. IV: Erehe at Filibustero), bumibili (Kab. X: Ang Bayan), at namumuhunan (Kab. XXVI: Ang Vispera ng Fiesta). Sa Fili naman ang mga intsik ay may dalang kalakal (Kab. I: Sa Cubierta), samakatuwid, mangangalakal (Kab XVI: Ang mga Kapighatian ng Isang Intsik). Sa mga nobela, sila ang halimbawa ng mga umiral na banyaga sa mga kabayanan sa kabila ng pagkakaroon ng mga dayuhang mananakop na hindi nila kalahi. Samantala, mayroon ding mga banyaga na napakasal sa mga katutubo bunga ng magandang samahang komersyal.

Galing din sa ibayong dagat ang mga dayuhang ‘mananakop.’ Hindi nalalayo sa mga dayuhang banyaga, ang mga mananakop ay mayroon ding layuning mangalakal kung bakit nananakop. Ang salitang mananakop, samantala, ay may salitang ugat na ‘sakop’ na bukod sa umookupa ng lugar, ang sakop ay may kinalaman sa kapangyarihán (make things happen), maging sa kapangyarihan (power). Sa isang bahay, ang sakop ay ‘kapangyarihán’ sa mag-anak o indibidwal (Sagut 2009). Halimbawa nito ay ang relasyong pangkapangyarihan (power relations) ng nanay at tatay, bilang babae at lalake, [na may kinalaman] sa paggamit ng corporal punishment. Gamit ang patriyarkal na konsepto ng machismo ay tinitingnan kung paano nakakaapekto ang kasarian, ng mga magulang at ng mga anak, sa paggamit ng corporal punishment (Parugrug 2015) kung saan ang implementasyon nito ay karaniwang nasa tatay. Maaari namang maipakita ang kapangyarihán at kapangyarihan ng tatay sa mga anak sa mga pangunahing desisyon, halimbawa, sa pag-aaral (pipiliing paaralan at/o kurso), pagtatrabaho (kung saan at/o ano) at/o pagpapakasal (kung sino at/o paano). At dahil hindi mananatili na ang isang bahay ay naglululan lang ng magulang at anak (pamilyang nukleyar), may pagkakataong nagiging pamilyang ekstendido, nagkakaroon din ng konsentrasyon ng kapangyarihán at may hindi sinasakop o pinasasangkot. Halimbawa, ang in-laws (hal. manugang) ay kadalasang hindi pinasasangkot (labas; sa ekspresyon: ‘labas kayo sa usaping ito, huwag kayo makialam!’) ng kung sinong nasa kapangyarihan, kahit pa kasamang nakatira sa bahay. Mula rito, masasabing ang maging taga-loob o taga-labas ng isang lugar, halimbawa sa bahay, ay relatibo sa sakop.

Sa pagkakataong malawak na ang pinag-uusapan, hindi na lamang kapangyarihan sa indibidwal/ mag-anak kundi maging sa mga bayang sinakop sa iba’t ibang panig ng mundo, gaya halimbawa ng pananakop ng Espanya sa iba’t ibang panig ng mundo ilan daang taon mula bago mag-1500. Gaya ng nabanggit, may kaakibat na pangangalakal ang dahilan ng pagsakop; ngunit ang konsepto ng mananakop ay hawig sa konsepto ng manloloob. Ang manloloob ay magnanakaw ng pagmamay-ari (ari/puri o ari-arian). Ang mga ito ay sumasalakay (habang walang tao) o pumapasok nang walang paalam (at nanakit, humahalay, at/ o pumapatay) para makuha ang kanilang gusto (hal. puri, yaman). Minsan ay tinatawag ding masamang loob kaya sila ay kalaban (ibayo= kalaban) (Pascua 2022). Mapapansin na ang mga banyaga, bagama’t sa ibayong dagat din nagmula, hindi sila gumagamit ng kapangyarihan. Samakatuwid ang mga banyaga ay mga mabubuting loob kaya sila ay kaibigan (ibayo = katulad).

Sinabing nangyari ang panloloob [pananakop] sa panahon ng pagdating ng mga Kastila [Espanyol] sa kapuluan ng [ngayo’y] Pilipinas dahil na rin sa pakay nilang sairin ang likas na yaman nito (Orillos- Juan 2010). Ang mga likas na yamang kukunin ay yaong ilalahok sa kalakalan. Sinasabing kakaiba ang paraan ng pagsakop [panloloob] sa Pilipinas ng mga Kastila [Espanyol] sa paraan ng pagsakop ng mga Portuges, Ingles, o Olandes sa ibang bayan ng Timog Silangang Asya. Para mangyari ang panloloob, litaw sa kamalayan nila na kailangang baguhin ang mismong pagkatao ng mga katutubo sa paraang ibahagi ang sibilisasyon. Ang kahulugan ng sibilisasyon para sa mga Kastila [Espanyol] ay ang paninirahan sa pueblo [kolonya na] pagpapasailalim sa Hari ng Espanya at [sa Papa ng Iglesia Katolika Apostolika Romana para sa] pagiging isang Kristiyano (Abrera et al. 2005).

Ang dating bayan [ng taumbayan] ay ginawang mga pueblo [bayan ng mga mananakop] na ang pagkakaayos ay nasasalalay sa plaza bilang sentro kung saan nakatayo ang simbahan, munisipyo at bahay ng mga kolaborador na pamilyang maginoo (Salazar 2004). Ngunit bago mangyari ang pagtatatag ng pueblo, mayroong proseso na kung tawagin ay reduccion at ito ay ipinaliwanag nina Abrera et al. (2005) gaya ng mga sumusunod:

Ang salitang reducir [salitang ugat ng reduccion] ay ang termino na ginagamit upang tukuyin ang pagpapalipat ng tirahan ng mga katutubo sa isang pamayanang may kaayusang kolonyal, ang plaza complex, at sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo [Katolisismo].

Sa paggamit ng salitang reducir, bukod sa pagpapalipat ng mga tao sa isang lugar na may kaayusan, kasama nito ang pagtatayo ng isang komunidad para sa mga katutubo at ang pagpapalaganap ng ‘tamang’ paniniwala, ang Kristiyanismo [Katolisismo], ang pagbibihis nang ‘tama,’ nakabalot ang buong katawan, sasailalim sa ‘tamang’ pamahalaan—sasailalim sa Diyos at sa representasyon ng Diyos sa mundo—[Papa ng Katolika at] ang Hari ng Espanya. Sa pagtatayo ng isang komunidad na may kaayusang kolonyal, ang ninanais ng Kastila [Espanyol] ay gawing gaya nila ang katutubo: sa isipan, sa paniniwala, sa kalooban.

Ang reduccion [gayunpaman] ay isang drama ng hagipan, hagiran, takbuhan at habulan ng mga misyonero at mga Subanun [katutubo]…biglang tumakas mula sa isang pamayanan [ang mga katutubo bilang] pagtanggi nila sa napiling lugar ng misyonero sa Nueva Reus [na paglipatan sa kanila]. Ipinapakita ng halimbawang ito na ang kolonisasyon ay hindi isang simpleng pagsakop ng isang mas makapangyarihang bansa [mananakop] sa katutubong kultura [ng taumbayan]. Sa pinakaugat ng kolonyalismo, ang reduccion, [gayunpaman] hindi [na] ganap ang [lubos o ganap na] pagpapalit ng pagkatao na nais isagawa nila sa katutubo. Maaaring nabago ang pisikal na anyo sa pueblo ngunit ang buod ng batayan nito ay ang katutubong kultura pa rin.

Sa pamamagitan ng proseso ng reduccion ay inilipat ang tirahan ng mga katutubo (tao/ populasyon) mula sa nakahilera at nakapulutong na mga bayan (Orillos-Juan 2010) patungo sa plaza, komunidad na may kaayusang kolonyal. Bagama’t tinatawag ding sentro ng pueblo ang plaza ay hindi ito kagaya ng konsepto ng sentro ng mga bayang nakapulutong. Ang sentro ng bayang nakapulutong ay sagana sa likas na yaman, samantala ang sentro ng pueblo ay puro gusali, salat sa likas na yaman. Masasabing ang lokasyon nito ay karaniwang nasa patag na lugar/ kapatagan, kabaligtaran ng bundok. Kung salat sa yaman, maaring hindi malapit sa ilog, dahilan para masabi ring hindi mataba ang lupa ng kapatagang lokasyon. Ang mga bayan (ng taumbayan) ay nagambala at naantala. Samantala, ang pagkakaroon ng mga pueblo (ng mananakop) mula Espanya hanggang sa sinakop/ kolonyang tinawag ng mga Espanyol na Pilipinas ang siyang nagpatuloy at namayagpag; kaya ganoon na rin lamang namayagpag ang kahirapan, dahil salat sa likas na yaman ang mga pueblo. Ayon kay Sack (1993), ang mga lugar ay maari man ding hubugin o sirain o palayain ang tao, depende sa kung sino ang bumuo at nag-organisa ng lugar. At sa pagkakataong ito na binuo ang pueblo sa pamamagitan ng reduccion, ang nag-organisa ay ang mga mananakop na Espanyol. Samantala, ang nasira/ nasikil o nabilanggo sa lugar na ito ay ang taumbayan na tinawag ng mga mananakop na mga ‘indio.’

Gaya sa paunang banggit, hindi naging madali ang pagtatatag ng pueblo sa pamamagitan ng reduccion sapagkat pagtakas ang naging unang reaksyon ng taumbayan. Gaya halimbawa sa Cabalian, Limasawa, Camiguin, at Butuan noong 1565, ang mga katutubo ay agad na tumakas pagkarating ng mga Espanyol. Gayundin sa Sugbu, ang mga Sugbuanon ay tumangging tanggapin sila nang mapayapa kung kaya’t sina Legazpi ay gumamit ng mga kanyon, dahilan upang ang mga katutubo ay magpulasan/ magtakbuhan patungo sa mga burol at iwan ang kanilang mga bahay na nasusunog (Arcilla 1998). Kung mapapansin, may nabanggit sina Abrera et al. na mga taong ‘hindi naganap ang pagpapalit [pagbabago] ng pagkatao’ sa kabila na nabago ang pisikal na anyo ng bayan at naging pueblo. Sila itong mga ‘nakatakas’ na mga taumbayan mula sa mga mananakop. Samantala, may mga ‘naiwan’ pa ring mga tao sa pueblo (mga nasira/ nasikil/ nakulong atbp.)—ang mga ‘nabago ang pagkatao.’ Sila ang may engkuwentro mismo sa [mananakop]…na nagbigay sa kanila [katutubo] ng bagong anyo, samakatuwid, sumailalim sa transpormasyon (Almario 2008).  Ayon kay Covar (2015), ang palatandaan na nabago ang pagkatao ay naipapahiwatig sa pamamagitan ng pagbabago ng damdamin, isipan, kilos, gawa, pati na sa wika. Sa pamamagitan ng sistemang pueblo, nasira ang ugnayan ng dating pinuno at ng bayan, ang pinuno ay nabago dahil naging kasangkapan ng mga kolonisador [mananakop] sa reduccion, at natiyak ang ‘kontrol’ [paglupig/ pasisikil/ pagbilanggo] ng mga kolonisador [mananakop] sa taumbayan (Abrera et al. 2005).

Sa Noli at Fili ay walang pagbanggit ng salitang mananakop (marahil sa kaselanan nito para sensura ng kapanahunan) ngunit sa Fili ay may pagbanggit ng salitang dayuhan at manlulupig. Bukod pa rito, ang karakter na si Simoun ay nagsambit ng mga salita upang labanan ang pagbabago ng pagkatao, partikular sa isipan at wika na gaya ng sinasabi ni Covar. Ani Simoun, “ang wika ay siyang pag-iisip ng bayan…[imbes na pag-aralan ang salitang Espanyol] pag-aralan ninyo ang inyo [sariling wika], inyong pakalatin, bayaang mamalagi sa bayan ang sariling pag-iisip, sa pagnanasang maging lalawigan [ng Espanya] ay ipalit ang hangad na maging isang bansa…sa paghahakang sumasalilo ay paghahakang malaya, ni sa hilig ni sa salita ay huwag…ipagpalagay ng tagarito na sila’y [Espanyol] kababayan kundi manlulupig magpakailanman, dayuhan, at sa malao’t madali’y tatamuhin ninyo ang inyong kasarinlan.” Dagdag pa, “ang pag-ibig sa bayan ay magiging pagkakasala sa mga bayan lamang ng manlulupig sapagkat ang pagnanakaw [panloloob] naman ay lalagyan [nila] ng isang mainam na pangalan; ngunit kahit maging wastong-wasto [‘maitama’, mabago] na ang katauhan ay magiging isang kabanalan din ang pag-ibig sa tinubuan, sa mga bayang sakop, sapagkat sa lahat ng sandali’y may kahulugan [ang] pag-ibig sa katwiran, pag-ibig sa kalayaan” (Rizal 1891, Kab VII: Si Simoun).

Dagdag pa ng pagsasalaysay sa Fili (Rizal 1891), “sino ang dayuhang [prayle] iyon upang magkaroon ng karapatang makapag- ari sa kanyang mga lupain [lupain ni Tales]? Nabaluktod baga ang isa man sa mga daliri niya sa pagbunot ng isang ugat man lamang na nanuod doon?” (Kab. IV: Si Kabesang Tales). Sa isang idiomatikong ekspresyon naman, upang ilarawan ang pagpahamak ni Juanito Pelaez kay Placido Penitente habang recitation sa klase, sinasabing “huwag tumanggap ng isa mang dayuhan upang huwag masalakay [malooban]” (Kab. XIII: Ang Aralan ng Pisika). Sa pagtatanghal naman ni Mr. Leeds, may binanggit ang espinghe tungkol sa mga “nagnakaw ng kapangyarihan… sa tulong ng pandaraya… inilubog ang bayan sa kamangmangan at sa pagsisiil. Ang mga manlulupig ay nanghahawak sa kanila [sa mga mangmang at siniil sa bayan]… kinanlong sila’t pinayaman, at ang ilan ay hindi lamang umalinsunod sa kanilang maibig kundi naging tagaganap nila” (Kab. XVIII: Mga Kadayaan).

Buod at Pangwakas: Pamanang Intelektwal Noli Me Tangere at El Filibusterismo

Sa tulong ng Noli at Fili, nagkaroon ng mga kongkretong kasagutan kung paano nagiging relatibo ang loob-labas. Ang loob-labas ay relatibo sa okupasyon. May iba’t ibang uri ng okupasyon. Maaring inuukupahan dahil sa iyo mismo ito, ipinauukupa na may pahintulot, o inuukupa nang walang pahintulot. Kaugnay dito, mayroon ding loob- labas na relatibo sa upa. Ang upa ay isang paraan ng lehitimisasyon ng okupasyon lalo kung sa lugar na hindi sariling pag-aari (halimbawa sa bahay). Samakatuwid, sa pagkakaroon ng upa ay masasabi ring ito ay pagbibigay pahintulot ng okupasyon o pagpasok. Interesante naman ang kalagayan ng katulong o kasambahay kung saan ang paglagi niya sa isang bahay ay relatibo rin sa upa, ngunit imbes na siya ang magbigay (gaya ng nangungupahan) ay siya ang binibigyan. Kung wala namang upa ngunit may pahintulot, ang loob-labas ay relatibo sa ugnayan. May ganito ang sitwasyon lalo ng mga anak sa labas at ampon. Samantala, kung walang upa at wala ring pahintulot, ang mga gumagawa nito ay masamang loob. Ang ganito ay loob-labas na relatibo sa sakop. Bagama’t hawig ito sa loob-labas na relatibo sa okupasyon, ang pinag-uusapang kapangyarihan dito ay ang pananaig ng umokupa nang walang pahintulot; bukod dito, babaguhin pa ang pagkatao ng may-ari. Ganito ang ginawa ng mga mananakop.

Diagram 1.

Ang Loob-Labas Relatibo sa Okupasyon, Upa, Ugnayan, at Sakop

Napakarami na ring pagkakataon na naipakita ng mga nobelang Noli at Fili ang kanilang halaga sa lipunang Pilipino (at/o lipunan sa labas nito). Kahit si Resil Mojares noong 1983 pa, sa kanyang kasaysayan ng nobela, ay sinasabing ang mga nobela pa rin ni Rizal ang “pinakaimportanteng akdang pampanitikang sinulat ng isang Pilipino” (Almario 2008) sapagkat ang kanyang mga gawa ay itinangi sa iba’t iba ring panahon (Tugano 2021). Ngayon, ang tulong ng Noli at Fili sa pagsagot sa mahalagang katanungan ay isa na naman sa hindi mapasusubaliang pamana nito sa kaalamang panlipunan.

At kung may pamanang intelektwal ang Noli at Fili, gaano ito kahalaga? Sa Noli (Rizal 1887), sinasabing ang pamana ay “pamana ng kaginhawahan” at ito ang yaman ng taong tumanggap nito (Kab. XVI: Sisa). Wika pa ni Pilosopo Tasio kay Don Filipo, “Tingnan po ninyo ang kabataan ngayon! Sila’y nangag-aaral ng Historia [Kasaysayan], Geograpiya, Literatura [Panitikan]…ang kanilang minana’y malawak na daigdig” (Kab. LIII: Il Buon Di Si Conosce Da Mattina). Ngunit bilang paalala ng isang saserdote kay Ibarra, “huwag mong kalimutang bagama’t pag-aari ng sangkatauhan ang karunungan, minamana lamang ang karunungang iyan ng mga taong may puso” (Kab. VIII: Mga Alaala).

Sanggunian

Abrera, M. B. L., et al. (2005). Kasaysayang bayan: Sampung aralin sa kasaysayang Pilipino. ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Alejo, A. E. (2018). Loob as relational interiority: A contribution to the philosophy of the human person. Journal of the Global South, 6(1), 29–53.

Alfaro, M. R. L. A. (2022). Teodoro Asedillo: Bandido o bayani? In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Almario, V. S. (2009). Si Rizal: Nobelista (Pagbasa sa Noli at Fili bilang nobela) (2nd ed.). University of the Philippines Press.

Alvero-Boncocan, R. (2022). Vagamundas, indocumentadas, at mujeres públicas: Mga babaeng sangkot sa krimen sa Maynila sa huling hati ng dantaon 19. In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Apigo, V. J. D. (2022). Pamahalaang munisipal ng Imus sa panahon ng ladronismo, 1901–1906: Mga hamon, hakbang, at posisyon. In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Aquino, C. C. (2004). “Kapwa,” “kapatiran,” and “bayan” in Philippine social science. Asian Journal of Social Science, 32(1), 105–139.

Arcilla, J. S. (1998). An introduction to Philippine history. Ateneo de Manila University Press.

Asuncion, R. J. A. (2022). Rufino: Isang taong labas sa Ilaya, Dapitan, 1882-1886. In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Atienza, A. J. (2022). Ang babaying lalaki: Ang babaeng tulisan sa nobelang “Ang Buhok ni Ester” (1914-1915) ni Aurelio Tolentino. In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Balanon, L. G. (1989). Foreign adoption in the Philippines: Issues and opportunities. Child Welfare, 68(2), 241–254.

Baldo, J., & Quirante, R. J. (2011). Utang na loob: The Ilonggo perspective. https://d1wqtxts1xzle7.cloudfront.net/52162354/Baldo___Quirante_2011_Utang_na_Looblibrepdf?Expires=1680598279&Signature=Eo5HJi2gZazZ~Q~z~1DD4MrAYHFbhwlGJALcR~wcOtmf8D6AU6UEE~hN9bvrXvULa90wmfM7F~cO3gwDQRPAvr1~bMdAjbwtZAlNa98LN5Y4sYk8FFN5RR7GAuCBKniTTozMnlTkRh7NHGv6T0oq9MlmXRD24Znq8ZgcuoCT~tjV8Pf2GrxBPUI1gxVAe9HHCs1cEjYfgd5f30YlMN5vpv5QNun3GmD7NkS31ZDZG0lvOiubaiEK3tIH2rf4OYSbk5nZZZE~4Uc0pOtNakIC-3iGKk4vht706zDtIknTEQyo45X8CYFR3cY4LNprvXnSikOFqj7oak7eOC-Px1aQ__&Key-Pair-Id=APKAJLOHF5GGSLRBV4ZA [Visited April 4, 2023]

Bankoff, G. (1998). Bandits, banditry and landscapes of crime in the nineteenth-century Philippines. Journal of Southeast Asian Studies, 29(2), 319–339. https://doi.org/10.1017/S0022463400007475

Banlaoi, R. C. (2006). The Abu Sayyaf group: From mere banditry to genuine terrorism. Southeast Asian Affairs, 247–262.

Baquiano, M. J., & Dans-Lopez, G. (2011). Dimensions of loob: Can politicians be used as exemplars? Philippine Journal of Psychology, 44(2), [page numbers].

Bhatia, M. V. (2005). Fighting words: Naming terrorists, bandits, rebels and other violent actors. Third World Quarterly, 26(1), 5–22. https://doi.org/10.1080/0143659042000322874

Blanco, D. V., & Panao, R. A. (2019). Caring for the orphan in the Philippines: A policy-capacity review. Child & Youth Services, 1–28. https://doi.org/10.1080/0145935X.2018.1551723

Blunt, A., & Varley, A. (2002). Geographies of home. Cultural Geographies, 11(1), 3–6. https://doi.org/10.1191/1474474004eu289xx

Bolata, E. J. V. (2022). Lunas ng taong-labas sa kontemporaryong panahon: Ang tawak at tandok ng Marinduque. In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Cabal, T. M. Z. (2008). Experience of kagandahang loob among the youth (Bachelor’s thesis). De La Salle University.

Clarke, M. (2015). Xinjiang from the ‘outside-in’ and the ‘inside-out’: Exploring the imagined geopolitics of a contested region. In A. Hayes & M. Clarke (Eds.), Inside Xinjiang: Space, place and power in China’s Muslim far northwest (pp. [insert page numbers]). Routledge. https://doi.org/10.4324/9781315770475

Conde, D. R. G. (n.d.). Pinto at loob: Kapitbahay concepts in exclusive and non-exclusive residential communities. Retrieved April 5, 2023, from https://d1wqtxts1xzle7.cloudfront.net/31982349/Deirdre_Condes_Final_Paper-libre.pdf?Expires=1680598504&Signature=WbwaiWgUUF2RkJJ7upiWS7dw~ptTK9AaghqQcmo4vEEgTLxI-sXmu~p6~fIC9vvS3kbeYZ0hm5R3imajfzEnWZkt9DQ4xCPZ6WOtnJrA6KTzSiVntTzLcf9biNVyZYdW5ChTE~h5eMpaUFFs2e4WPDxxlkk~20pe01zZjjO2NDHnYLctls548MQ3shJL4T2L0pTW6MKGf5XKq6rmMdE39ls1NF1mn64ZijuMffkH~rDwQi8RdXw79djFEIYOai0syJhOVt86CcO6EltL892JjX2A~WcAQfIsZI2uS0yDhdNrNzvIqxEw7XTSoauWNKHCaoHvBsQYC8yyStcx~w__&Key-Pair-Id=APKAJLOHF5GGSLRBV4ZA

Covar, P. R. (2015). Kaalamang bayang dalumat ng pagkataong Pilipino. Daluyan, 79–90.

Cruz, C. E. O. (1998). The concept of Filipino loob: Implications to philosophy of education (Master’s thesis). De La Salle University.

de Castro, L. D., & Sy, P. A. (1998). Critical care in the Philippines: The “Robin Hood Principle” vs. kagandahang loob. Journal of Medicine and Philosophy, 23(6), 563–580. https://doi.org/10.1076/jmep.23.6.563.2556

de Castro, L. (1999). Kagandahang loob: Love in Philippine bioethics. Eubios Journal of Asian and International Bioethics, 9(2), 39–40.

Author unknown. (2000). Kagandahang loob: A Filipino concept of feminine bioethics. In Globalizing feminist bioethics. Routledge.

del Pilar, G. E. H. (2017). The development of the Masaklaw na Panukat ng Loob (Mapa ng Loob). Philippine Journal of Psychology, 50(1), 103–141.

Galano, C. P. (2017). Ang loob at pakikipagkapwa sa kagandahang-loob: Pagsusuri sa pagpapakahulugan at mga pagpapahalaga ng kabataan. DIWAE-Journal, 5, 108–125.

Gealogo, F. A. (1990). Ang mga taong-labas, ang kabayanihan at ang diskurso ng kapangyarihan at kasaysayan. Diliman Review, 38(1), 123–136.

Gonzales, R. A. (1995). The development of the iskala ng pakikiisang-loob (Master’s thesis). De La Salle University.

Hobbs, J. J. (2007). Fundamentals of world regional geography. Thomson Brooks/Cole.

Ileto, R. C. (2022). Pagbubuklod ng taong-bayan at taong-labas. In Ang taong labas: Ang tulisan, remontado, at vagamundo sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Javier, R. E., Jr. (2018). Anak, mag-anak at magkakamag-anak: Mula sa pagmamalay hanggang sa pagwawalay. Humanities Diliman, 15(2), 61–92.

Kaut, C. (1961). Utang na loob: A system of contractual obligation among Tagalogs. Southwestern Journal of Anthropology, 17(3), 256–272.

Lanaria, L. L. (2014). Kapwa in pamilya rooted in loob of divine image: Thoughts from a Filipino Catholic theologian. Religions: A Scholarly Journal, 1, Article ID [if any].

Lasco, G., Tan, M. L., & Yu, V. G. (2023). ‘Loob’ and ‘labas’: Spatial constructions of safety and risk amid the COVID-19 pandemic in the Philippines. Health & Place, 79. https://doi.org/10.1016/j.healthplace.2022.102929

Kawashima, M. (2006). The uprisings of the “fearsome ruler of Lanao:” Banditry and the internalization of violence in a southern Philippine Muslim society during the 1930s. In Popular movements and democratization in the Islamic world. Routledge.

Matienzo, R. A. E. (2017). Ang pagkilos ng pananampalataya at utang na loob: Si Hornedo sa etnograpiya ng popular na paniniwala. Kritike, 11(2), 54–69.

Medina, I. R. (1984). La Madre de los Ladrones: Tulisanismo in Cavite in the 19th century. Philippine Social Sciences Review, 48(1–4), 215–289.

Medina, I. R. (2001). Banditry in Cavite during the Spanish and American periods. In Ang Kabite sa Gunita: Essays on Cavite and the Philippine Revolution (pp. [insert page numbers]). Quezon City: University of the Philippines Press.

Moratilla, N. C. A. (2022). Aang loob bilang labas: Isang pagbasa sa “Selda Dos: Manila City Jail” ni Bobby Villagracia. In Ang Taong Labas: Ang Tulisan, Remontado, at Vagamundo sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Orillos-Juan, M. F. Y. (2010). Ang inspeccion general de montes at pagpapalawak ng estadong kolonyal na Espanyol noong huling hati ng Dantaong 19. Malay, 22(2), 75–84.

Paredes-Canilao, N. (2012). Sa loob ang kulo: Speaking the unconscious in the transformations of a Filipino proverb. In Re(con)figuring Psychoanalysis (pp. [insert page numbers]). Palgrave Macmillan.

Parugrug, S. G. (2015). Nanay, tatay: Ang impluwensya ng kasarian sa paggamit ng corporal punishment sa loob ng tahanan (Unpublished manuscript). Department of Social Sciences, University of the Philippines Manila.

Pascua, P. F. I. (2022). Ang loob, labas at bakod ng bayan: Isang pag-aaral sa heokultura tungo sa pag-unawa sa pag-iral ng mga taong-labas. In Ang Taong Labas: Ang Tulisan, Remontado, at Vagamundo sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Pelorina, R. N. (2022). Ang taong-labas at ang himagsikan sa Masbate, 1898–1900. In Ang Taong Labas: Ang Tulisan, Remontado, at Vagamundo sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino (pp. [insert page numbers]). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Resurreccion, R. R. (2007). Malasakit, pakikipagkapwa, at kalinisang loob: Mga pundasyon ng kagandahang loob. Malay, 19(3)

Reyes, J. A. (2013). Loob at kapwa: Mga unang hakbang patungo sa isang Pilipinong birtud-etika gamit si Sto. Tomas de Aquino. Asian Perspectives in the Arts and Humanities, 3(2), 1–26.

Rizal, J. P. (1887). Noli Me Tangere (P. Poblete, Trans.). [Original work published 1887]

Rizal, J. P. (1891). El Filibusterismo (P. Mariano, Trans.). [Original work published 1891]

Rungduin, T. T. (2014). Exploring sama and gaan ng loob in the workplace: Finding connections in work tasks and professional relationships. International Journal of Research Studies in Psychology, 3(5), 73–98. https://doi.org/10.586/ijrsp.2014.918

Sack, R. D. (1993). The power of place and space. Geographical Review, 83(3), 326–329.

Sagut, J. C. (2009). Communion of being: An act of transcending toward the “other.” Philippiniana Sacra, XLIV(130), 117–127.

Salazar, Z. A. (1999). The exile in Philippine history. Asian and Pacific Migration, 8(1–2), 19–59. https://doi.org/10.1177/011719689900800103

Salazar, Z. A. (2004). Kasaysayan ng kapilipinuhan: Bagong balangkas. Lungsod Quezon.

Sobritchea, C. I. (1984). Bandity in Cavite during the post World War II period. Asian Studies, 22–24, 10–27.

Tagalog-Dictionary.com. (2020). Ibayo. Retrieved October 10, 2020, from https://www.tagalog-dictionary.com/search?word=ibayo

Tiangco, J. A. N. Z. (2005). Understanding the Filipino philosophy of resiliency: Katatagang-loob and its phenomenological considerations. In Filipino Cultural Traits: Claro R. Ceniza Lectures. Council for Research in Values and Philosophy.

Tugano, A. C. J. (2020). Sakit ng loob, sakit ng labas: Pagtutumbas sa mga neolohismong umusbong sa kontemporanidad ng COVID-19 tungo sa pag-unawa ng kasaysayan ng ketong sa patolohiyang Pilipino. Katipunan Journal, 6(1), 132–181.

Anonymous. (2021). Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal Bilang Mga Post-Kolonyal na Babasahin: Isang Paglalarawan sa Umusbong na Kultura ng Pagtuturo at Pagkatuto sa Mga Piling Paaralan sa Lungsod ng Marikina, Metro Manila. Kawing, 5(1), 11–54.

Vec, M. (2016). Inside/Outside(s): Conceptualizations, criteria, and functions of a dichotomy in nineteenth-century international legal doctrine. In G. Hellmann, A. Fahmeir, & M. Vec (Eds.), The Transformation of Foreign Policy: Drawing and Managing Boundaries from Antiquity to the Present. Oxford. https://doi.org/10.1093/acprof:oso/9780198783862.003.0004

Villan, V. C. (2022). Ati, Bukidnon, at agraviados: Ang taong-labas at paglikha ng panghimagsikang tradisyon sa isla ng Panay. In Ang Taong Labas: Ang Tulisan, Remontado, at Vagamundo sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino. ADHIKA ng Pilipinas, Inc.

Wirth, C. (2021). Securing the seas, securing the state: The inside/outside of ‘Indo-Pacific geopolitics’. The Asia-Pacific Journal, 19(4). https://apjjf.org/2021/3/Wirth.html

Worthman, C. M. (2011). Inside-out and outside-in? Global development theory, policy, and youth. Ethos, 39(4), 432–451.

1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading