Fame I. Pascua
New Era University
How to Cite:
Pascua, F. I. (2023). Paglunsad, pag-unlad, at pagkasiyudad ng Taguig: Tungo sa pag-unawa sa pagiging isang “probinsyudad.” NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 2(1), 96–107. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2023-PaPaPaTaTu
Abstrak
Ang pananaliksik na ito nilayong alamin kung anong pagkasiyudad mayroon ang Taguig at kung naaangkop ba na tawagin itong ‘probinsyudad.’ Nirebisa ang ilang “urban theories” kaugnay sa mga siyudad sa Timog Silangang Asya, gayundin ng mga konsepto ng pag-unlad, kasabay ng pagbalik-tanaw sa ilang tampok na karanasan ng Taguig mula sa pagiging pamayanan nito hanggang sa pagiging siyudad. Sa pagsusuri, lumalabas na ang Taguig ay nagtaglay ng mga nirebisang “urban theories” sa partikular na mga panahon, ibig sabihin walang isang teoryang makakapagbigay paliwanag sa kinapaging siyudad nito sa kasalukuyan. Gayunpaman, hindi pa rin ito sapat na batayan upang ang Taguig ay ipakilala bilang ‘probinsyudad.’
Mga Susing Salita: Taguig, pag-unlad, siyudad, probinsyudad
Panimula
Bago ang 1587, sinasabing ang Taguig ay tahanan [o pamayanan] ng mga taga-giik [ng palay] (National Capital Region Situationer Report 2004; Pagtakhan 1963). Noong 1587, ito’y kinilala bilang pueblo at opisyal na tinawag na “Taguig” (National Capital Region Situationer Report 2004). Pagdating ng 1900, kinilala ang Taguig (noo’y binabaybay na “Tagig”) bilang isang karapatdapat at nagsasariling bayan sa ilalim ng General Order No.40 (Pagtakhan 1963; Tinig ng Nayon 1979). Pagsapit ng 2004, ang Taguig ay naging siyudad; pinanauli sa baybay na gaya noong 1587 ngunit tinatawag nang “Taguig City” na hanggang sa kasalukuyan (National Capital Region Situationer Report 2004). Mapapansin ang Taguig ay nagsimula bilang “pamayanan,” sunod naging “pueblo,” sunod “bayan,” hanggang naging “city.” Masasabing malaki ang kinalaman ng sosyo-ekonomikal at politikal na pag-unlad ng pook para magpalit at tumaas ang estado nito (Pascua, 2013).
Gayunpaman, mula nang naging “Taguig City” (2004) ipinakilala itong ‘probinsyudad’ (Guia 2012; Rayos 2013) ilang taon malaon (2011), partikular sa panahon ng panunungkulan ni Mayor Lani Cayetano. Kung bakit probinsyudad, sinasabing sa Taguig ay nagtatagpo pa rin ang katangian ng “probinsya” gayundin ng “siyudad” (Rayos 2013). Kung ganito, tila may “dual identity” ang Taguig. Inilarawan naman ito ng isang blogger bilang “kakatwa”/ [ngunit] “natatangi” (The Urban Roamer 2021) sa paraang ang Taguig lamang ang tinatawag na ‘probinsyudad’ sa kalipunan ng mga bayan na dating sakop ng probinsya Rizal at malao’y naging sakop ng Metro Manila at naging mga siyudad. Dahil dito, nagkaroon ng pagsisikap na mag-apuhap ng pag-aaral tungkol sa mga siyudad upang malaman kung anong pagkasiyudad mayroon ang Taguig at kung naaangkop ba na tawagin itong “probinsyudad.”
Isa sa nasaliksik ay ang pag-aaral ni Robert Reed tungkol sa mga siyudad sa Timog Silangang Asya (TSA), kung saan ang Taguig ng Pilipinas ay kabilang. Ang pag-aaral ni Reed (1972) ukol sa mga siyudad sa TSA ay nagmungkahi ng konsepto ng “indigenous city” na mauuri sa dalawa: (1) “coastal city” at (2) “indigenous [inland] sacred city” partikular bago ang pananakop. Gayunpaman, si Reed rin mismo ang nagsabi na ang Pilipinas ay natatangi sa TSA dahil diumano’y walang “indigenous city” sa panahon bago ang pananakop. Mayroon ding “urban theories” na nabanggit si Reed. Ayon sa kaniya, samantala, ang mga ito ay hindi sapat na batayan na kalungsuran sa TSA. Sa kabila nito, minabuting rebisahin ng pag-aaral na ito ang ilang “urban theories” na para kay Reed ay hindi sapat na batayan ng kalungsuran ng TSA gaya ng mga sumusunod: (1) “city-size distribution” kung saan mas maunlad ang isang siyudad kumpara sa iba depende sa literal na kalakihan nito (sa teritoryo at/o sa populasyon, at malao’y indikasyon din ng kakayahang sosyo-ekonomiko); (2) “notion of parasitic and generative cities” kung saan papel ng malalaking siyudad ang maging parasitiko sa mga papaunlad pa lang (parasitiko sa yamang-likas at yamang-tao); (3) “overurbanization” na nagdudulot ng kawalan ng trabaho, kawalang-kapayapaang panlipunan, atbp, samakatuwid, miserableng pamumuhay at masamang kondisyon sa paghahanapbuhay; (4) “urban origins and evolution” kung saan nagbabago at lumalawak ang papel ng siyudad patungong rehiyonal [at global] na antas.
Dagdag na rin sa nirebisa ay ang pagkakaroon ng mananakop na Espanyol at/o Amerikano sa Pilipinas (at hindi sa ibang bahagi ng TSA). Ito ay dahil naman sa ginawang pag-aaral ni Cullinane (1982) sa pagkasiyudad ng Cebu kung saan binigyang-diin ang papel ng Katolisismo (mula sa panahon ng mga Espanyol) sa ikinapaging siyudad nito o “colonial city” sa partikular. Ang pagrebisa ay sa pag-asang makapaggiya ito, kung hindi man mula dito ay mahanap ng kasagutan, kung anong pagkasiyudad mayroon ang Taguig at kung naaangkop ba na tawagin itong ‘probinsyudad.’ Sa pagrebisa, hinanap din sa kung saang yugto ng kasaysayan ng Taguig nakita ang bakas ng mga nabanggit na teorya. Samakatuwid, may inilagay na peryodisasyon para sa kaayusang pampananaliksik, hindi buong kasaysayan o kasaysayan mismo ng Taguig ang nais itampok kundi upang makita kung kailan naganap ang bakas ng iba’t ibang teorya.
Paglunsad at Pag-Unlad ng Taguig (-1587; 1588-1945)
Sa pag-aaral nila Alejandro & Yuson (2000), sinasabing isa sa pinaghanguan ng salitang taguig ay “tag-ig” o pinaikling “taga-tubig” dahil na rin sa lokasyon at posisyon nitong nakaharap sa Laguna de Bai at dinadaluyan ng iba’t ibang anyong tubig. Ilan sa mga barangay sa Taguig ay naipangalan mismo sa mga anyong tubig gaya ng mga sumusunod: Bambang, Ibayo, Napindan, Ususan, at Wawa. Samantala, ang Taguig ay mayroon ding intensibong pagsasaka ng palay kung kaya’t ito’y pamayanan ng mga “taga-giik” [ng palay] bago pa dumating ang mga mananakop na Espanyol (Pagtakhan 1963; National Capital Region Situationer Report 2004). Ayon kay Medina (1994), sa panahong pre-kolonyal, kung saan naroon ang mga bahayan o isang pamayanan, may pag-unlad. Ang 1587 naman ang itinakda ng mga Espanyol bilang taon ng pagkakatag ng Taguig bilang pueblo na sumailalim sa reduccion. Ito ay sa kabila na nakatindig pa si Juan Basi hanggang 1588 upang pangunahan ang pagtataboy sa mga Espanyol sa Taguig hanggang sa tuluyan itong mabigo dahil sa pagkakanulo (Saluria 2023; Philippine Daily Inquirer 2002). Sa kabila ng kolonisasyon, nagpatuloy ang pagsasaka sa Taguig. Sa isang tala noong ika-19 dantaon sinasabing sa Taguig ay may matatagpuang pinakamagandang uri ng bigas. At kahit naging bayan na (1900) at sakop na probinsya ng Rizal (1901-1945) ay nagpatuloy pa rin ang pagsasaka sa Taguig (Saluria 2023). Mula 1916 hanggang 1942, isa din sa naging kaabalahan sa Taguig ay ang pagsasaka sa bukiring nasa loob ng Fort McKinley (Pagtakhan 1963). Ang ilang talang nabanggit ay masasabing bakas sa Taguig ng “indigenous city” (kapwa ng “coastal city” at “indigenous [inland] sacred city”).
Tinaglay naman ng Taguig ang mga elementong mahalaga sa kolonisasyon— sapilitang pagtatrabaho, Kristiyanismo [simbahang Katoliko], at base ng mga sundalo (Camagay 1994). Mayroon nito lahat, hindi sabay-sabay na napasimulan, sa Taguig. Hindi maipapatayo ang simbahan ng Santa Ana at ang plaza ng mga Espanyol kung walang sapilitang pagtatrabaho, at maaring gayundin ang Fort McKinley ng mga Amerikano sa Bicutan, Taguig noong 1902—ilang taon matapos ng pakikipaglaban ng mga Taguigeno noong 06 Pebrero 1899 (Philippine Daily Inquirer 2002), panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Nagkaroon naman ng kung tawagin ay “chartered cities” noong Panahong Commonwealth at panahon pagkatapos (dekada ‘50) ngunit hindi pa dito napabilang ang Taguig. naririto na nga ang mga elemento ng isang “colonial city,” ang Taguig ay naging siyudad ilang dekada pa pagkatapos ang kasarinlan ng Pilipinas noong 1945.
Pagdating naman sa aspekto ng pag-unlad na sinusundan ang ideya ni Medina na: kung saan naroon ang pamayanan ay may pag-unlad, interesante ring tingnan kung paano nagkaroon ng pook (malao’y barangay) na bahagi ng Taguig na ang ngalan ay Tipas. Sinasabing ang mga unang taong bumuo ng populasyon nito ay mga taga-Pasig na minsa’y di nasiyahan sa pamamalakad ng kanilang punongbayan. Upang umiwas sa mahigpit na pasunod, ang mga ito’y lumipat sa isang pook na sakop ng Taguig at iniwan ang dati nilang pook, sa ibang sabi sila ay “tumipas” (umiwas; tipas = iwas) sa panahon ng Espanyol (Pagtakhan 1963; National Capital Region Situationer Report 2004). May tala rin na nagsasabi na ang Muntinlupa ay naging bahagi ng Taguig (Camagay 2004) sa pagitan ng taong 1905 at 1918 (muntinlupacity.gov.ph 2023) na sakop ng panahong Amerikano, isa pang dahilan upang ang populasyon sa Taguig ay maragdagan pa ng bilang. May dalawang mensahe ang nais iparating ng pangyayaring ito: una, ang pag-unlad na naipapakita sa pamamagitan ng pamayanan ay hindi lamang sa panahong pre-kolonyal kundi maging sa panahong kolonyal; at ikalawa, maaring magsilbi itong bakas ng teoryang “city-size distribution.”
Gayundin, sinasabi ni Medina (1994) na kung saan naroon ang pagabanteng teknolohikal ay naroon ang pag-unlad. Ilan sa mga kategorya ng teknolohiya ay may kinalaman sa transportasyon, behikulo, at enerhiya. Samakatuwid, maging ang pagkakaroon ng pook (at malaon ay barangay) na Calzada ang ngalan ay indikasyon ng pag-unlad na nakabatay sa pag-abanteng teknolohikal (dahil sa pagkadagdag ng sistema ng transportasyon sa lupa, bukod pa sa tubig) gayundin ang pagkakaroon ng daang-bakal sa Taguig (kasama ng ilan pang bayan sa palibot ng Laguna de Bai) na ang pahintulot sa Manila Suburban Railways sa paglalatag nito ay naibigay taong 1907 (Alejandro & Yuson 2000). Gayundin, sa pagitan ng 1916 at 1942 sinikap na gawing provincial road ang karamihan sa mga lansangan sa Taguig at isaayos ang pailaw ng MERALCO (Pagtakhan 1963).
Pagtuloy na Pag-Unlad ng Taguig (1946-1975; 1975-2004)
Rehabilitasyon at rekonstruksyon ang kinailangan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa Taguig, kasama na dito ang pagsasaayos/ paggawa ng mga daanan maging ng pagpanli ng mga nasirang tulay na kahoy at muling pagsasaayos ng napasabog na kongkretong tulay. Pagkalipas ng isang dekada (1946-1956), suliranin naman ng Taguig ang kalinisan ng tubig na ginagamit sa araw-araw, gayundin ang ukol sa kalinisan ng mga palikuran at mga pusali, at sa wastong pagtatapon ng basura—suliranin lalo’t kung nagsama-sama ay sakit na malakas makapamuksa ng buhay (Pagtakhan 1963). Mula din noon, naging karaniwan ang pagkakaroon ng “squatter” sa Taguig, gaya sa ibang karatig lugar (Gotiangco 2010). Lahat ng uri ng “squatter”—sa tabing-ilog, tabing-dagat, tabing-riles, tabing-mayaman (gilid ng “village” o “gillage”) (Alcazaren, Ferrer & Icamina 2010)—mayron ang Taguig, maging ang kaakibat na suliranin sa pagkakaroon nito, partikular ang karumihan at pagkakasakit. Sa kabila ng pagsasapormal ng mga lugar na panirahan ay patuloy pa ring makikita ang pagiging impormal ng pamumuhay ng mga tao (tignan ang pagkakaiba ng pormal at di pormal na panirahan sa talahanayan at larawan sa ibaba). Kapag maghahagilap naman ng balita tungkol sa Taguig pawang tungkol sa mga pagpatay, panggagahasa, droga at mga kauri nito ang karaniwang tatambad. Dahil dito, naihanay lamang sa mga Fourth Class Municipalities ng probinsya Rizal noong 1956 (Salonga sa Saluria 2023).
| FORMAL | VS | INFORMAL |
| URBAN FEATURES | ||
| ORGANIC | URBAN PATTERN | RIGID |
| INCREMENTAL | GROWTH | PLANNED |
| FRAGMENTED | STREET | GRIDDED |
| OPPORTUNISTIC/ RESIDUAL | OPEN SPACE | IMPOSED |
| SPORADIC | LANDSCAPE | DESIGNED |
| ARCHITECTURE | ||
| MIXED USE | USES | SEGREGATED/ SINGLE USE |
| VARIES | HEIGHT | MONOTONOUS |
| NO STANDARD/ VARIES | OPENINGS | FOLLOWS STANDARD |
| RECYCLED | BUILDING MATERIAL | NEW |
| CLUSTERED | HOUSING PROFILE | CLUSTERED/ GRIDDED |
| LABORERS, SERVICE INDUSTRY PROVIDERS, UNEMPLOYED | RESIDENT PROFILE | PROFESSIONALS, ENTREPRENEURS, ACADEMICIANS |
| INFRASTRUCTURE | ||
| UNDEFINED | STREET TYPES | DEFINED |
| SHARED OR NONE | WATER SUPPLY/ SEWAGE | INDIVIDUAL |
| UNPLANNED/ILLEGAL | ENERGY SUPPLY/ CABLE | INDIVIDUAL |

Larawan: (kaliwa) ang naging balangkas ng mga panirahan dahil sa di pormal na pamumuhay; (kanan) ang komunal na espasyo na nakatayo sa ibabaw ng ilog Pasig (Alcazaren, Ferrer & Icamina 2010)
Pagsapit naman ng 1956, sinabing nagbago ang ihip ng hangin para sa Taguig, partikular nang maging mayor si Monico Tanyag. Sa loob ng 19 taon ng kaniyang panunungkulan ay naging sentrong industriyal at komersyal ang bayan (Tinig ng Nayon 1979). Samantala, sa datos na nailimbag noong 1968, napabilang pa rin ang Taguig (kasama ng Cainta, Las Pinas, Marikina, Montalban, Morong, Paranaque, San Mateo, at Tanay) sa listahan ng mga bayan sa Rizal na nakakapagprodyus ng maraming palay. At mula Fourth Class Municipality noong 1956, naging Second Class Municipality ang Taguig noong fiscal year 1969-70 na may kulang kalahating milyong kita. Naging First Class Municipality naman ito nang kumikita na ng mahigit isang milyon at kalahati (1.5M) bunsod na rin ng presensya ng malalaking industriya gaya ng Elizalde Steel Corporation, The Novelty Philippines, at Greater Manila Garment, Scion Steel, Tayabas Oil, atbp. Ito ay sa harap ng pagpapatuloy ng mga trabahong nakasentro sa pagsasaka, pangingisda, pagbabalut, pag-aalaga ng mga hayop, pagsasawali, atbp (Saluria 2023).
Sinasabing may global na konsepto ng pag-unlad na nagsimula noong dekada ‘60. At sa iba’t ibang dekada mula noon ay nag-iiba-iba rin ito ng tema. At sa patuloy nitong pagbabago, ang Pilipinas ay isa sa napakaraming bansang nagpipilit na makaagapay dito. Noong dekada ’60 nariyan ang pagunlad na inuugnay sa kondisyon ng ekonomiya ng isang bansa kung saan kapag mas mataas ang “gross domestic product” (GDP) ay mas maunlad ang ekonomiya, samakatuwid may pag-unlad (McGregor 2008). Isa sa nakapagpapataas na GDP ay ang pagpapatayo ng mga imprastraktura kaya naman maraming bansa ang nagsikap mamuhunan, at mangutang, para rito. Samantala, pagdating ng dekada ’70, sa Timog Silangang Asya (TSA) pa lang ay maraming halimbawang patunay na ang pamumuhunan sa imprastraktura, gaya ng may kinalaman sa transportasyon, ay hindi nakapagpababa ng antas ng kahirapan [di nakapagpataas ng GDP] ng mga bansa dahil sa kakulangan sa angkop na estratehikong pagpaplanong pantransportasyon ng mga marami sa mga bansa (Leinbach & Sien 1989). Dahil dito, mas pinagtuunan ng pansin sa dekadang ito ang epekto ng mga imprastraktura sa pangunahing pangangailangan ng mga tao sa lipunan kung saan mas mabuti ang epekto, mas may pag-unlad.
Ngunit may mga pumuna pa rin na ang diskursong pag-unlad ay ginagamit lamang ng mga maunlad na bansa upang muling isaayos ang mga papaunlad ng mga bansa ayon sa interes ng nauna. Ang mga tao na nagtataguyod ng teoryang ito ay nananalig sa mga institusyon ng lipunan gaya ng mga “social movements” sa paniniwalang makapagbibigay ito ng kinakailangang puwang kung saan ang mga tao ay maaring makapagpahayag at makapagbukas ng katutubong alternatibo sa pag-unlad (pag-unlad na ayon sa mga taong nasa labas ng partikular na lipunan na gustong paunlarin) (McGregor 2008). Dahil dito, noong dekada ’80 higit na kinatigan ang ideya ng pag-unlad na mula sa ibaba (“development from below”). Gayunpaman, sa mga huling taon ng dekada ’80 matindi pa ring pinaniniwalaan na para matamo ang potensyal na pag-unlad ay kailangan na mapagbuti ang transportasyon (Leinbach & Sien 1989). Nagtuloy-tuloy naman ang pagpapatayo ng mga imprastrakturang pantransportasyon na sinisikap na maging maka-tao ang oryentasyon. Sa huling bahagi ng ika-20 siglo [o dekada ’90] pinalawak na ang konsepto ng pag-unlad na kasama ang panlipunan, kultural, politikal, at pangkalikasang alalahanin at kondisyon. Dagdag pa rito ang pagtataguyod ng proseso ng pagdedesisyon na pangungunahan ng mga taong patutungkulan ng pag-unlad kaysa ng mga eksperto ng pag-unlad na labas o di kabilang dito (McGregor 2008). Ngunit sa kabila ng lahat ng ito na paulit-ulit na pagmomodipika ng global na konsepto ng pag-unlad, di pa rin nalubos ang layunin nito na maibsan ang kabalintunaang hatid ng sinasabing pag-unlad.
Kung sa TSA, iba-iba ang tinuturong dahilan kung bakit hindi nagtagumpay sa rehiyon ang iba’t ibang batayan ng pag-unlad. Ito ay ang mga sumusunod: (1) global na relasyong pangkalakalan, (2) patakaran ng gobyerno sa nasyonal (McGregor 2008) at (3) pangsiyudad na antas (Rimmer & Dick 2009), at (4) ang estadong “world city” [global city] ng piling siyudad (McGregor 2008). Nakalulungkot isipin na sa kabila na may bahagi na ng Taguig ang tinatawag na “global city” ay lalong di maiibsan ang kahirapan dahil ito mismo ang sanhi.
Samantala, bilang resulta naman ng pagtugon sa global na hamon, partikular pagpasok ng dekada ‘70 sinasabing ang Metro Manila ay nagdanas ng matinding pag-unlad (Storey 1998). Taong 1972 nang isagawa ang Integrated Reorganization Plan at bilang dulot nito ang Bicutan, Taguig ay nahati sa anim na bagong mga barangay. Ilan pa sa pagbabago sa pagtatapos ng nasabing taon, sa bisa ng Presidential Decree 86-A, ay ang pagkakaroon ng dalawang barangay sa loob ng Fort Bonifacio (dating Fort McKinley)—ang (1) Post Proper Northside at (2) Post Proper Southside. Pagkatapos nito, taong 1975, naging bahagi na ng Metro Manila ang Taguig sa bisa ng Presidential Decree 824 (National Capital Region Situationer Report 2004). Sa paglipat ng Taguig patungong Metro Manila, naging pangalawa ito sa may pinakamababang per capita revenue (Caoili 1999 sa Saluria 2023).
Sa huling taon naman ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos, 1986, idineklara nito na ang Fort Bonifacio ay bahagi ng Makati sa pamamagitan ng Proclamation No. 2475 (Saluria 2023). Pagdating naman ng 31 Enero 1990, sa pamamagitan ng Proclamation No. 518 inatas ang pagsasaayos ng mga lupa sa Fort Bonifacio at napapaloob na sa sakop ng Makati. Pitong barangay sa loob ng kampo ang napatituluhan sa [ilalim ng] Makati gaya ng sumusunod: Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Comembo, Pembo, at Pitogo. Ang Post Proper Northside at Post Proper Southside lamang ang natirang lehitimong sakop ng Fort Bonifacio. Ngunit nang mabuo ang Bases Conversion Development Authority (BCDA), dito nagsimula ang bangayan ng Taguig at Makati [ukol sa] kung sino ang maysakop sa dalawang barangay na naiwan. Kaso ng “land dispute on territorial jurisdiction” ang isinampa noong 1993 sa ilalim ni Hukom Armi Elma ng Regional Trial Court (RTC) 135. Ito ay sa panahon ng mga alkaldeng sina Jejojamar Binay (Makati) at Ricardo Papa Jr. (Taguig). Noong 07 Pebrero 1995, ibinaba ni dating Pangulong Fidel Ramos ang Special Patent No. 3595 na naging batayan sa pagbibigay ng mga Original Certificate of Title (OCT) No. SP-001 sa ilalim ng Fort Bonifacio Development Corporation (FBDC), ang “landholding arm” ng BCDA. Isinasaad sa “survey plan” na Taguig ang may hurisdiksyon surveyed area. Ipinapakita sa titulong OCT SP-001 na lahat ng lugar na inilipat sa pangalan ng FBDC ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Taguig. Isa ito sa mga puntong nagpahina sa kaso ng Makati. Samantala noong Hunyo 1999 naman, nagbaba muli ng Special Patent 3595-A si dating pangulong Joseph Estrada na bumabalewala sa Special Patent 3595 na nagpanumbalik sa dalawang barangay (Post Proper Northside at Post Proper Southside). Gayunpaman hindi naipatupad ang nabanggit na Special Patent kung kaya’t nabinbin ang pagbibigay ng “implementing guidelines” ng Executive Secretary. Nanatili ang paghahabol ng Makati sa bahagi ng Fort Bonifacio batay na rin sa sertipikasyon na ibinigay ng Commission on Election (COMELEC) na lahat ng residente ng mga nabanggit na barangay ay lehitimo at rehistradong botante sa Makati, gayundin sa Census of Population and Housing ng National Statistics Office (NSO) na mga residente ng barangay ay kabilang sa Makati (Rullan 2001). Ngunit para sa Taguig, ang pananaig ng korte sa pagdeklara na ang Fort Bonifacio ay bahagi ng Taguig ang naging inspirasyon nito upang isulong ang pag-unlad (Hicap 2004).
Samantala, marami na sa mga lokal na pamahalaan ang nagkaniya-kaniya sa pagbuo ng “master plan” para sa kani-kanilang siyudad na ipinag-walang-bahala ang Metro Manila Commission Plan (Homnett & Forbes 2011). Anong imahe ng Taguig ang itinaguyod ng mga mayor nito mula noong dekada ‘90? Si Mayor Isidro Garcia (1995-2001) ay kinilala bilang “Most Outstanding Local Chief Executives in Metro Manila” at nagawaran din ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ng “Bayani ng Maralita Award.” Kaugnay nito, masasabing si Mayor Garcia ay may pagtutok na maibsan ang karalitaan (karalitaan na higit na katangian ng siyudad kumpara sa probinsya). Kung ang pangkalikasang alalahanin ang pag-uusapan, bago matapos ang dekada ‘90 isa ang Taguig sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, kasama ng Quezon City at Marikina, na sinasabing nakakapagpakita ang malakas na liderato upang paunlarin ang “risk management strategies” at mapagsama-sama ang pwersa ng gobyerno, negosyo, at komunidad upang tumugon sa mga kalamidad (Manila Bulletin 1997). Pagsapit naman ng ika-21 siglo, ang Taguig ay itinuring ng Philippine National Police (PNP)-Traffic Management Group bilang pinakaligtas na lugar sa Metro Manila laban sa pagnanakaw ng mga sasakyan (Frialde 2003) (kaligtasan na higit na katangian ng probinsya kumpara sa siyudad). Sa panunungkulan naman ni Mayor Lani Cayetano ay nais ipakilala ang Taguig bilang ‘probinsyudad’ mula taong 2011.
Pag-Unlad at Pagkasiyudad ng Taguig (2004-kasalukuyan): Pagsusuri at Konklusyon
Pangunahin sa tinguhin ng pananaliksik ay kung anong pagkasiyudad mayroon ang Taguig at kung naaangkop ba na tawagin itong ‘probinsyudad.’ Maaring sabihing isang naudlot na “indigenous city” ang Taguig. Kung hindi nasakop ng Espanya ang Pilipinas, maaring naging “[coastal o] maritime city” dahil heograpikal na kalapitan at/ pagkakaroon nito ng iba’t ibang anyong-tubig na dako ng kabuhayang pangingida; o di kaya’y “[indigenous] inland sacred city” dahil simula pa lang ay mayroon na itong intesibong pagsasaka. Partikular sa pagsasaka, naitala pa ang Taguig bilang isa sa mga bayan sa probinsya Rizal na may pinakamaraming napoprodyus na palay noong 1968, ilang taon bago ito mapabilang sa Metro Manila. Anim na buwan naman bago maging siyudad ang Taguig noong 2004, inilarawan pa rin ang ekonomiya nito na may bahaging agrikultural (Hidalgo 2004).
Samantala, maibibilang bang “colonial city” ang Taguig kung di naman ito talaga naideklarang siyudad sa panahon ng kolonisasyon? Sa maraming pagbabago sa rehiyon, di maitatanggi na mahalagang salik ang kolonisasyon, di lamang sa Pilipinas kundi maging sa TSA. Ngunit dahil ang pagdanas ng kolonisasyong Espanyol ay masasabing natatanging karanasan ng Pilipinas bilang bahagi ng TSA, bukod sa pisikal na kaayusan gaya ng pagkakaroon ng plaza, simbahan o iba pang arkitektura ay tinignan din ang proseso at dinamikong naganap sa pagitan ng relasyon ng kolonyal na kapangyarihan at ng lipunan ng malao’y magiging siyudad. Ang simbahang Katoliko na hindi nakahiwalay sa pamahalaang kolonyal ay may naging papel sa Taguig partikular sa pagdagdag ng populasyon mula nang madagdag ang Tipas o mga tumipas mula Pasig). Isang interesanteng bagay pa ang naganap noong 2006, dalawang taon mula nang naging siyudad ang Taguig, at ang isang barangay ng Paranaque, ang San Martin de Porres ay nais maging bahagi ng Taguig City (Fernando 2006). Ang ganitong mga pangyayari ay maisasaalang-alang kung ang pag-uusapan ay ang teorya ng “city-size distribution.”
Samantala, ang “over-urbanization” ay higit na makikita sa Taguig sa panahon matapos ang panahong kolonyal (1946-kasalakuyan). Matingkad na katangian nito ay ang “squatting” kung saan nakakawing ang iba’t iba pang panlipunang suliranin. Noong 2004, nangunguna ang Taguig sa Metro Manila pagdating sa impormal na panirahan… dahil sa mga manggagawa ng mga industriya sa Lower Bicutan at sa natural na paglaki ng populasyon [ng siyudad] (Hidalgo 2004). Pilit naman itong sinusolusyunan sa pamamagitan ng programa sa pabahay ng pamahalaan ng siyudad gaya ng Family Townhomes at pakikipagtulungan sa Gawad Kalinga (Philippine Graphic 2008) gayundin ng iba pang pamamaraan gaya ng pagsisiguro na 70% ng mga empleyado sa mga pribadong sektor ay mga galing [o mamamayan] ng Taguig o kung hindi ay may kauukulang multa kada tao kada taon— patakarang katulad sa Singapore (Diao 2008). Indikasyon din ang problemang ito ng sintomas ng “notion of parasitic and generative cities” kung saan may pagdepende ang Taguig sa yamang-tao na galing sa labas ng teritoryo ng siyudad. Ang “urban origins and evolution” ay unti-unti namang nararamdaman habang ang Taguig ay nakikilala na sa Asya dahil sa Bonifacio Global City (BGC) na nasa teritoryo nito. Ang 440 hektaryang BGC ay inisyal na kinilala bilang “largest urban renewal development in Asia” (Rafols 2007).
Batay sa isinagawang regrebisa ng mga teorya at pagsusuri batay sa danas ng Taguig, ang pananaliksik ay nakabuo ng ilang konklusyon. Una, magsisimula lahat sa proseso ng pag-unlad. Maaring may pagunlad ngunit maaring walang siyudad. Ngunit ang pagiging siyudad ay hindi maaring walang pag-unlad. Ikalawa, anong pag-unlad ang naganap sa Taguig? Sa Taguig malakas na katangian ng pag-unlad ang (1) paglaki ng populasyon at (2) pag-abante ng teknolohiya gaya ng binabanggit ni Medina sa kaniyang pag-aaral tungkol sa pagunlad. Ikatlo, pagdating naman sa konsepto ng “indigenous city” ay magsisilbi na lamang na pagpapaalala sa potensyalidad ng pagiging siyudad ng mga bayan sa Pilipinas bago ang kolonisasyon. Samantala, ang mga apat teoretikal na batayan na di sapat para kay Reed (para maipaliwanag ang pagkasiyudad ng mga siyudad sa TSA) ay muling binisita at napagtantong ang mga katangian ng mga ito ay higit na makikita sa kolonyal at matapos ang kolonyal na panahon sa Taguig. Ikaapat, anong uring siyudad ang Taguig? Batay sa ginawang pagrebisa ng mga “urban theories” maaring sabihing ang pagkasiyudad nito ay kombinasyon ng iba’t ibang uri ng siyudad na umiral sa TSA ngunit wala pang sapat na masaliksik upang mapagsaligan ng konsepto ng ‘probinsyudad’ para ikapit sa Taguig.
Sanggunian
Alcazaren, P., Ferrer, L., & Benvenuto, I. (2010). Lungsod Iskwater: Evolution of informality as a dominant pattern in the Philippine cities. Anvil Publishing.
Alejandro, R. G., & Yuzon, A. A. (2000). Pasig: River of life. R.G. Alejandro and Unilever Philippines, Inc.
Camagay, M. L. T. (1994). Ang papel ng mga siyudad/lungsod sa kasaysayan ng Pilipinas: Isang paglilinaw. The Journal of History, 38–39(1–2), 9–19.
Camagay, M. L. T. (2004). Kasaysayan ng Muntinlupa. Muntinlupa City Government.
Cullinane, M. (1982). The changing nature of Cebu urban elite in the 19th century. In A. McCoy & E. de Jesus (Eds.), Philippine social history (pp. 251–296). Ateneo de Manila University Press.
Diao, E. (2008). Mayor Tinga brings Taguig into the 21st century. Philippine Graphic, 18(50), 26–28.
Fernando, J. (2006, May 16). Parañaque acts on territorial row with Taguig. Manila Bulletin, p. 4.
Frialde, M. (2003, October 29). Taguig still safest place for vehicles. Philippine Star, p. A22.
Gotiangco, G. Jr. II. (2010). Tundo, 1946–2000: Sosyo-ekonomikong sulyap sa isang makasaysayang distrito. In L. D. C. De Viana (Ed.), Manila: Selected papers of the 18th Annual Manila Studies Conference, August 23–24, 2009 (pp. 161–177). Manila Studies Association, Inc. and NCCA Committee on Historical Research.
Guia, J. (2012, October 22). Taguig City: Metro Manila’s probinsyudad. Vigattin Tourism. https://www.vigattintourism.com/tourism/articles/Taguig-City-Metro-Manilas-ProbinSyudad
Hicap, J. (2004, September 5). 2020 vision for Taguig. Sunday Times Magazine, B1–B2.
Hidalgo, A. (2004, June). Rising from obscurity. Regional Markets Adviser, 5–7.
Homnett, S., & Forbes, D. (Eds.). (2011). Planning Asian cities: Risks and resilience. Routledge.
Leinbach, T. R., & Sien, C. L. (1989). South-East Asian transport: Issues in development. Oxford University Press.
Manila Bulletin. (1997, April 25). 410th founding anniversary of Taguig. Manila Bulletin, p. 44+.
McGregor, A. (2008). Southeast Asian development. Routledge.
Medina, I. R. (1994). Ang urbanisasyon ng lalawigan ng Kabite. The Journal of History, 28–39(1–2), 20–39.
Muntinlupa City Government. (2023). History [of Muntinlupa]. https://muntinlupacity.gov.ph/history/
National Capital Region Situationer Report. (2004).
Pagtakhan, J. (1963). Ang Tagig at ang kaniyang kasaysayan. Cacho Hermanos Co.
Pascua, F. I. (2013). Ang toponyms at ang patakara’t sitwasyong pangwika: Isang pag-aaral sa kaso ng Taguig. Paper presented at the 18th Young Scholars’ Conference on Philippine Studies in Japan.
Philippine Daily Inquirer. (2002, April 25). Taguig history: A patriotic past, a progressive future. Philippine Daily Inquirer, p. A7.
Philippine Graphic. (2008). As the city celebrates its 421st anniversary, Taguig: Building a world-class future from a glorious past. Philippine Graphic, 18(50), 22–25.
Rafols, L. M. (2007). Bonifacio Global City: City within a city. Cruising, 9(5), 32–37.
Rayos, M. (2013, February 14). Taguig: Where the province meets the city. JIL Worldwide. https://jilworldwide.org/ilovepinas/taguig-where-the-province-meets-the-city/
Reed, R. R. (1972). The primate city in Southeast Asia: Conceptual definitions and colonial origins. Asian Studies Journal, 10(3), 283–320.
Rimmer, P. J., & Dick, H. (2009). The city in Southeast Asia. National University of Singapore Press.
Rullan, M. (2001, April 17). Fort Bonifacio, sakop ng Makati o Taguig. Kabayan, p. 5.
Saluria, J. (2023). Ang bayan ng taga-giik: Isang kasaysayang pampook. Bagong Kasaysayan, Inc.
Storey, D. (1998). Housing the urban poor in Metro Manila. Philippine Studies, 46, 267–292.
The Urban Roamer. (2021, February 5). Taguig’s Santa Ana and the ‘Probinsyudad’ feels. https://www.theurbanroamer.com/santa-ana-taguig-probinsyudad/
Tinig ng Nayon. (1979). Growth of a historical town: Progress report of Mayor Levi B. Mariano, August 4, 1976–March 29, 1979 in commemoration of the 79th Foundation Day of Taguig, Metro Manila. Tinig ng Nayon.
Yulo, E. C. (2002). Katutubong pagkawari sa mga pook pangalan ng lalawigan ng Batangas at Laguna (Master’s thesis, Unibersidad ng Pilipinas).

