Michael Charleston “Xiao” B. Chua
De La Salle University Manila
How to Cite:
Chua, M. C. B. (2022). BAGANI, 1892-1896: Mga aral mula kay Rizal para sa makabagong panahon ng lockdown. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 157-170. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-Urcb1892mMkRpasmPnLd189G
Abstrak
Ang papel ay paglalagom ng itinuturing na pinakamahalagang yugto ng buhay ni José Rizal—ang kaniyang pagkakatapon sa Dapitan, sa lente ng konseptong “bagani” ng ating mga ninuno. Sa pagbanggit sa ilang nauna nang pag-aaral ukol kay Rizal, ipinakita kung papaanong ang yugto sa Dapitan ay ang katuparan ng kaniyang mga layunin sa La Liga Filipina, na kaniyang isinabuhay kasama ang bayan. Sa lente ng kasalukuyang pandemyang COVID-19, makikita natin na tila naranasan din ni Rizal sa kaniyang pagkakatapon ang ilang bagay na ating dinaranas ngayon, na tila siya’y isang frontliner na nasa lockdown, inilagay sa kuwarentena, nag-homeschooling, nagkaroon ng lockdown sickness at namahagi ng ayudang pangkabuhayan sa mga mamamayan ng isang natutulog na bayan upang ito ay sumiglang muli. Nawa ay maging inspirasyon sa bayan na anuman ang hamon at mga balakid, walang makapipigil sa isang Pilipino na magsilbi sa bayan gamit ang kaniyang mga talento at manatiling liwanag ng katotohanan at kaalaman.
Mga Susing Salita: Bagani, wani, héroe, social entrepreneurship, progressive education, community development
Panimula
Sa mga madidilim na bahagi ng ating kasaysayan, may mga liwanag na lumilitaw upang maging inspirasyon, gabay, at halimbawa. Sa panahon na ito ng COVID-19 pandemic, na ang lahat ay tila nasa lockdown, ano ang maituturo sa atin ng kasaysayan at ng buhay ng ating mga bayani, partikular ang buhay ng ating national hero na si Dr. José Rizal?
Kaiba sa mga nailathala na, hindi ito libro na nagtataglay ng mga maliliit na detalye ng buhay ni Rizal sa Dapitan tulad ng Stories of Rizal’s Exile in Dapitan nina Diosdado G. Capino at Virginia M. Buenaflor, Dapitanon ni Noel G. Villaroman. Gayundin, iba rin ito sa artikulo na Rizal’s Legacy for the 21st Century: Progressive Education, Social Entrepreneurship and Community Development in Dapitan ni Floro C. Quibuyen na ikinukumpara ang mga ginawa ni Rizal sa mga makabagong mga konsepto na isinasabuhay ngayon sa edukasyon, negosyo, at gawaing pangkomunidad, ang aking papel na ito ay isang paglalagom ng mga nagawa ni Rizal sa Dapitan sa lente ng konseptong “bagani” kung saan si Rizal, ang héroe ay nakasama ng bayan sa Dapitan, at itinuring nilang isa sa kanila. Ito ay para sa pagkakaroon ng mas malawakang pananaw ng mga guro ng kasaysayan.
Ang unang kabanata ay tatalakay sa usapin ng pagpapakahulugan ng kabayanihan sa Pilipinas. Pagkatapos nito ay tatalakayin ang pagnanais ni Rizal na buuin ang La Liga Filipina, at kung papaano niya sinikap ito na ipatupad sa Dapitan. Gumagawa ang papel ng tindig na ito ang pinakamahalagang yugto sa buhay ni Rizal sapagkat naisakatuparan niya ang mga nais niya lamang gawin na inilagay niya sa kaniyang panulat. Sa paglalagom, titingnan ang kahulugan nito sa makabagong panahon lalo na sa karanasan natin nitong pandemya.
Depinisyon ng Kabayanihan
Sa aking palagay, mainam na balikan kung ano ba ang pakahulugan sa ating kultura ng kabayanihan. Makikita natin ito sa konsepto ng “Bagani.”
Sa sinaunang wikang Austronesian, ang salitang bagani na nangangahulugang “kawalang takot”, ay ni-reconstruct ng linguist na si Otto Dempwolf mula sa Tagalog na “bayani”, sa Malay na “berani” at sa Javanese na “wani”. Sa Javanese, ang “wani” ay may kinalaman sa pagtulong gamit ang sariling kakayanan/kahusayan sa pagsasaayos ng isang kabuuan o ng alinmang gawain. Samakatuwid, ang “wani” sa Austronesian ay “pagtulong at malasakit.” Kaya ang ginagamit natin na salita para sa empleyado ng pamahalaan ay “kawani” (Salazar, 1997).
Sa madaling salita, batay sa lahat ng ito, at sa inipong pakahulugan ng historyador na si Zeus Salazar sa salitang “bayani”, kabilang na ang mga kaugnay na salita at konsepto mula sa iba’t ibang lugar sa buong bansa, ang kahulugan ng “bayani” ay “isang nagkukusang makipagtulungan nang walang anumang bayad sa mga gawaing pangkomunidad” (Salazar, 1997, p. 4). Ang salitang bayani para sa Kabisayaan, “bagani”, ay nakaugnay sa konsepto roon ng mandirigma, sa ibang tawag “hangaway”, o “mangangayaw”. At dahil sila ay may mga tattoo o batek, ay tinawag ng mga Español at nakilala sila sa taguring mga “pintados.” Mas maraming batek, mas maraming naipanalong laban at nakapagbigay ng karangalan sa bayan. Kaya naman tinatawag nating “batikan” ang sinumang may kahusayan sa isang bagay (Pingul et al., 2019, pp. 39-62). Ang papel ng bagani sa lipunan ng ating mga ninuno ay sinalamin ng depinisyon na ibinigay ni E. Arsenio Manuel sa kaniyang pag-aaral sa mga Bagobo:
“The ‘bahani’ is the genteel and harsh knight of the village whose job is to right wrongs or perform revenge on account of another party after the performance of a ritual act. He may perform his duties either alone or with select companions under his command and responsibility. He does not serve, however, under any particular official nor villager. His services are available to any citizen, lowly or high, poor or rich, bloodkin or not. He cannot refuse to perform his office if approached…” (Manuel, 1973, p. 192).
Gayundin, ayon sa historyador na si Vicente Villan, lumalaban ang mga hangaway sa mga kalaban upang pangalagaan ang buhay, ginhawa, at dangal ng bayan. Nagsisikap sila na sanayin ang sarili sa digmaan, nagiging bihasa. Tutungo sila sa ibang bayan, mangangayaw o kakayaw—pupugutin ang ulo ng mga kalabang mandirigma. Naroon kasi sa ulo ng mga mandirigma ang gahum o kapangyarihan ng mga ito, at iuuwi ang mga ulong ito at mga kagamitang nakuha sa bayan upang magbigay ng ginhawa, at sa kanilang pagwawagi, nagbibigay sila ng dangal sa bayan. Hindi basta-bastang ginagawa ang pangangayaw ng mga bagani, nagsasagawa sila ng mga rituwal upang maging karapatdapat ang kanilang misyon. Kumbaga, dapat ito ay makatuwirang pagkilos upang itama ang isang mali. Makikita ito sa tradisyon ng pangangayaw ng mga bagani sa Kabisayaan (Villan, 2013a, pp. 73-110; Villan, 2013b, pp. 58-92; Villan, 2021, pp. 27-52;) at sa bogwa ng Ifugao (Reyes, 2011 at Amtalao at Demeterio, 2019).
Mayroong ding bayani sa aspektong pangkaisipan ayon sa mga nasa kabundukan ng Timog Palawan. Sa mga pinunong Pänglimaq, sa kaniyang husay sa paglutas ng mga kaso at kaalaman sa batas ay natatalaga bilang isang hukom. Sa gayon, napananatili niya ang kapayapaan. Bilang isang tao, ang Pänglimaq ay dapat simple, tahimik, napakaguwapo, at mapang-akit na lalaki na nabibiyayaan din ng mga kapangyarihang mahikal (Revel, 2008).
Sa mga epiko ng ating mga ninuno bago pa dumating ang mga mananakop na Español, ang bayani ay nagtataglay ng kakaibang “charm” sa kababaihan. Ang mga mandirigma ay mayroon ding espirituwal na aspekto, ang mga disenyo ng kanilang mga tattoo o fatek na nakukuha sa mga tagumpay sa labanan ay may kinalaman sa kanilang Bathala at anito tulad ng araw, ibon at ahas, at nagsisilbi ring anting-anting nila sa paniniwalang ang kanilang kapangyarihan ay nagmumula sa Bathala (Salazar, 2019). Kaya nga ang mga maestro ng eskrima sa Cebu ay kilala rin bilang mga manggagamot at mga espirituwal na tao, ngunit ang kanilang lakas ay nagmumumula lamang sa kalinisan ng kanilang budhi na nagpapatibay din ng kanilang kalooban (Go, 2009).
Ayon kay Villan, makikita na ang mga diwa ng mga bagani sa ating mga “expatriate Filipinos”: tumutungo sa ibang bayan o ibayong dagat, nagsasakripisyo at nakikipagsapalaran sa laban ng buhay, at pagkatapos noon, nag-uuwi ng buhay, ginhawa, at dangal sa bayan (Villan, 2021). Ito ang ginawa ng mga Ilokano na nakipagsapalaran noong unang bahagi ng ika-19 na siglo sa Hawaii upang magtanim ng pinya at nagbalik ng kaginhawahan sa kanilang mga pamilya (Quinto-Bailon, 1995). Kung tutuusin, konsistent ito sa naging hakbang ng pamahalaang na gawan ng bagong “branding” ang mga migranteng manggagawa ng pamahalaan na mga “bagong bayani” na nasalamin din sa kulturang popular tulad ng mga palabas at pelikula (Tugano, 2021).
Ang pagbibigay ng kalooban ng bayan, ang buhay, ginhawa, at dangal sa mga Dapitanon ay naging gawain ni José Rizal noong siya ay naroroon.
Bayani ba o héroe si Rizal?
Sa kaniyang pag-aaral, pinag-iiba ni Salazar ang konsepto ng “héroe” ng Kanluraning mga kultura at ang ating “bayani.” Ayon sa kaniya:
Ang pinakabuod ng lahat ng pagkakaibang ito ay makakatas sa indibidwalismo at preokupasyon ng héroe sa sariling “persona,” kung ihahambing sa bayani na nakapaloob sa kaniyang sariling grupo at nakatuon lamang at tangi sa pagpapaibayo ng interes ng grupo … Ang kilos naman ng bayani ay batay sa ugaling bayan, kung saan mas pinahahalagahan ang pagpapakita ng kababaang-loob at ang pagiging katulad lamang ng ibang kasama (Salazar, 1997 pp. 36, 39).
Tunay nga na para kay Salazar, mas maituturing na Kanluraning “héroe” si Rizal kaysa isang katutubong “bayani.” Bagama’t si Rizal ay isang Pilipino, siya ay nagkaroon ng kanluraning kaisipan dahil sa kaniyang Europeong edukasyon. At dahil elit si Rizal, hindi siya nakasama ng bayan lalo na sa panahon ng himagsikan. Siya ay namukod tangi at naging indibidwalista. Hindi katulad ni Andres Bonifacio na bagama’t nakilala sa kaniyang kagitingan bilang Ama ng Himagsikan at Unang Pangulo ng Pambansang Pamahalaang Mapanghimagsik, ay nakasama ng bayan sa pakikibaka at nakapaloob sa kultura ng bayan (Salazar, 1997, p. 39).
Ngunit paano kaya maipapaliwanag ang pagturing ng marami na nasa bayan kay Rizal bilang isang bayani? Ni hindi namumutawi sa kanilang bibig na si Rizal ay isang héroe. Para sa akin, ang diskursong akademikong héroe o bayani ay balido dahil nagpapakita ito ng kalikasan mismo ni Rizal o ng kaniyang pinagmumulan, pero hindi nito saklaw ang pagtingin sa kaniya ng bayan.
Inangkin nga si Rizal ng ilang bahagi ng bayan bilang isang Panginoon, Propeta, at maging Bayani na makikita sa mga grupong milenaryan. Ibig sabihin, maaaring angkinin si Rizal ng bayan bilang isang “bayani” at iba pa ngang papel (bilang tagapagligtas o Kristong Kayumanggi sa mga Pilipinong Rizalista (Covar, 1974; Ileto, 1979; Alaras, 1988; Ileto, 1998; Ocampo, 2011; Chua, 2018) batay sa kanilang pagbasa sa kaniyang naging buhay at mga halimbawa.
Kumbaga, batay sa pagtalakay ni Villan sa mga lakbay-aral tungkol sa buhay ni Rizal, puwede rin namang basahin ng bayan si Rizal bilang isang teksto mismo, na imbes na mga sulatin at kaisipan ni Rizal na nakasulat sa wikang Español ang kanilang binasa, binasa nila mismo ang kaniyang buhay.
Sa aking pagtalakay, hindi nawawala ang pagka-héroe ni Rizal. Mapapansin ito sa patuloy kong pagtawag sa kaniya bilang National Hero sa Wikang Ingles imbes na isang pambansang bayani. Ngunit nais ko lamang kilalanin ang pagkilala sa kaniya ng bayan at magbigay ng paliwanag na minsan sa Dapitan, si Rizal ay isang preso, isang “destierro” (ipinatapon) sa Dapitan. Bagama’t madalas mag-astang don at kanluranin, siya ay katulad din ng bayan, inapi sa panahon ng kolonyalismo, nilagay sa limbo. At dahil dito, ang cosmopolitan at modernong si Rizal ay nakipamuhay sa bayan, naging isa sa bayan sa gitna ng kagubatan at nakapiling ang bayan.
La Liga Filipina: Ang Pangarap na Bansa ni Rizal
Mayroong mga nagsasabi na hindi dapat gawing National Hero si Rizal dahil wala naman siyang konsepto ng bansa dahil bilang isang propagandista, nais niyang mapasailalim ang Pilipinas sa mga Español (Hispanization). Ngunit tulad nang nabanggit na ng maraming mga pag-aaral, istratehiya lamang ito o isang hakbang, upang ang paglaya ay maging graduwal, unti-unti at hindi madugo (Quibuyen, 1999; Schumacher, 1997; Gillego, 1990). Ngunit, dahil nakikita na niyang hindi makikinig ang España sa mga pakiusap na reporma sa kabila ng kanilang mga gawain at ang paglalathala nila ng pahayagang La Solidaridad, nagpasya si Rizal na bumalik sa kaniyang sariling bayan, “Ang parang na paglalabanan ay ang Pilipinas” (Rizal, 1891, p. 596).
Sinalubong ng pamilya Rizal na magkakasama ang Bagong Taon ng 1892 sa Hongkong: Si Jose, ang kaniyang ama, ina, kapatid na si Paciano, at iba pang mga kapatid na babae. Nagkaroon na rin siya ng klinika roon bilang isang optalmologo, ang isa sa pinakauna, kung hindi ang pinakauna sa Timog Silangang Asya. Kumbaga, si Rizal noon ay maituturing na isang Overseas Filipino Worker sa wika ng kasalukuyan (Ocampo, 2011a). Ngunit sa kabila nito, tila nasa ibang lugar ang isip ni Pepe.
Isinulat niya ang saligang batas ng La Liga Filipina o L.F. at dala-dala niya ito sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas. Ayon kay Floro Quibuyen, kung nais makita ang konsepto ng bansa ni Rizal, makikita ito sa mga layunin ng saligang batas na ito, “(1) Pisanin ang lahat ng A.*** (Arkipelago) sa isang catipunang malagô, masicap, at i\isa ang loob.” Samakatuwid, ang samahan ay nagnanais na pagkaisahin ang buong kapuluan upang maging isang katawan, hindi bilang isa na namang organisasyon (dahil nga organisasyon na sila), kundi bilang isang bansa.
At anong klaseng bansa? Ayon din sa mga layunin ng Liga, “(2) Damayan sa balang sacunâ at cailangan sa buhay; (3) Másaquitan sa anomang ligalig at calapastanganan; (4) Pasulungin ang pag-aaral, ang pagtatanim at ang comercio; (5) Pagsasanay at pagcacapit ng mga bagong palacad (reporma)” (Rizal, 1892, p. 91). Pansinin, na para kay Rizal ang pagkabansa ay nagsisimula sa grassroots, sa bawat mabuting gawa sa kapuwa, pagtutulungan at pagkakaisa ng bawat isang Pilipino. Ayon kay Quibuyen, maaaring nakuha ni Rizal ang kaniyang konsepto ng bansa sa mga sulatin ng Alemang pilosopo na si Johann Gottfried von Herder: Ang pagkabansa ay hindi nakabatay sa dugo kundi sa pagkakaroon ng isang damdaming kultural at moral ng mga mamamayan nito (Quibuyen, 1999, pp. 7-8). Isinulong din ni Rizal sa dulo ng mga layunin ng Liga ang isang simple ngunit mahirap na maatim na pangarap ng lahat, “Unus instar ómnium”—Ang isa ay tulad ng lahat, o pagkakapantay-pantay.
Sa madaling salita, ang bisyon ni Rizal ng bansang Pilipinas ay isang mamamayang nagdadamayan, nagkakapatiran, at nagbabayanihan. Ayon kay Salazar, ang bayanihan ay nagmula sa salitang “bayani” (hindi “bayan” na ang pinagmulan naman ay salitang “bahayan” o maraming bahay), na nagmula naman sa Austronesyanong “wani,” na ang kahulugan naman ay paglilingkod sa kapuwa (Salazar, 2022).
Dala-dala niya ang Saligang Batas na ito at ang kaniyang mga adhikain nang umuwi siya sa Pilipinas. Noong 27 Hunyo 1892, sinubukan niya ang bagong riles na ginawa ng kaniyang karibal, ang asawa ni Leonor Rivera na si Inhinyero Charles Henry Kipping, at upang kausapin ang ilang mga tao sa Malolos, San Fernando, at Tarlac. Ilan sa kaniyang mga kinausap sa Pampanga ay sina Don Cecilio at Tiburcio Hilario. Sa bahay ni Don Evaristo Puno siya nagpalipas ng gabi sa Tarlac, Tarlac. Noong siya ay pabalik na, nakausap naman niya sa bapor sa Calumpit, Bulacan si Don Procopio Hilario na sa kalaunan ay magiging kasapi ng Katipunan (Soriano, 1996, pp. 9, 12, 35).
Kumbaga, nagsimulang mag-anyaya at mag-organisa si Rizal para maitatag na niya ang asosasyon sa gabi ng Linggo, 3 Hulyo 1892, sa bahay ng Mestisong Tsino na si Doroteo Ongjunco sa Kalye Ylaya, Tondo, Maynila. Kabilang sa pulong ng mga Makabayan at mason ang abogadong si Apolinario Mabini na noon ay tumatayo pa, ang bayaw ng propagandistang si Marcelo del Pilar na si Deodato Arellano, at ang bodegerong si Andres Bonifacio (Zaide and Zaide 2011, pp. 215-216).
Sa kasamaang palad, matapos ang tatlong araw, inaresto si Rizal noong 6 Hulyo. At matapos lamang ang ilang araw, ipinatapon siya sa tila dulo na ng Pilipinas noon, ang bayan ng Dapitan. Sa kabilang ibayo naroon na ang Sultanato ng Maguindanao.
Ipinatapon at Tila nasa Kuwarentina
Alas siyete ng gabi noong 17 Hulyo nang dumating si Rizal sa Dapitan, Zamboanga del Norte sakay ng bapor Cebu (Villaroman, 2018). Napakalungkot ng dalampasigan at madilim ang buong paligid. Tanging ang liwanag lamang ng kanilang gasera ang nagbibigay liwanag sa kapaligiran na puro damo! Marahil, nais ng mga Español na wasakin ang diwa ni Rizal. Sa mga indio, siya na ang pinakamaraming dako ng mundo na nalakbay, isang taong cosmopolitan, na ngayon ay tila ikinulong sa isang kahon sa isang probinsya!
Binukod si Rizal sa kaniyang nakagisnang mundo upang hindi niya maimpluwensyahan o mahawahan ang ibang tao ng kaniyang pagiging pilibustero, kaya naman makikita natin na siya ay itinapon at tila inilagay sa isang kuwarantena, isang kuwarantenang hindi medikal kundi pulitikal.
Sinalubong siya nina Capitan Don Ricardo Carnicero y Sanchez, Comandante Politico-Militar sa lugar, at ang cura parroco, ang Heswitang si Padre Antonio Obach. Pinili ni Rizal na tumira sa Casa Real, ang tahanan doon ni Carnicero (Capino at Villaflor, 1963, pp. 60-61). Magaling si Rizal, ginawa niyang matalik silang magkaibigan doon at bumili sila ng lupa sa tabi ng dagat (Zaide at Zaide 2011, pp. 220-221).
Sa kabila ng pagiging “on lockdown,” sinikap ni Rizal na maging produktibo. Kung hindi niya matupad ang kaniyang pangarap na konsepto ng nacion sa Dapitan, tila ipinatupad niya ito sa Dapitan. Tulad ng ginawa ni Axle Christien Tugano sa pagkukumpara sa COVID-19 at kasaysayan ng ketong (Tugano, 2020, pp. 132-181), lapatan natin ng ilang konsepto na ginamit natin noong pandemya ang mga ginawa ni Rizal sa Dapitan.
Homeschooling
Sa kaniyang lupaing iyon na tinawag niyang “Talisay,” gumawa siya ng kaniyang sariling bukirin, nagsaka, nagtatag ng paaralan para sa kaniyang mga pamangkin at mga bata sa Dapitan kung saan imbes na panglahatan ang mga leksyon, ang bawat hilig ng bata ay binibigyan ng konsiderasyon at pinayayaman (Villaroman, 2018, pp. 228-230). Kung tutuusin, malapit ito sa tinatawag na homeschooling na lumaganap noong pandemya. Bagama’t masasabing wala pang online mode at face-to-face pa rin ang klase, nasa home setup si Rizal at hindi sila marami.
Frontliner
Nagtatag din siya ng klinika para pagsilbihan ang mga mamamayan (Villaroman, 2018, pp. 66-67) kaya maituturing siyang isang frontliner.
At tulad ng mga doktor at nars natin noong pandemya na gumawa ng iba’t ibang paraan at solusyon sa kabila ng kakulangan sa mga kagamitan, ibang klase ang alaga na ibinibigay niya sa pasyente. Dahil limitado ang resources niya sa Dapitan, nagpapabili pa siya ng salamin sa Maynila sa kaniyang mga kapatid para sa kaniyang pasyente, at kung wala naman sa Maynila, ay magpapa-order pa sa Europe. Bagama’t hindi makapagsukat dahil sa limitadong kagamitan sa Dapitan, gagawin pa rin niya ang nararapat para sa kaniyang mga pasyente (de Ocampo, 1962, p. 55).
Kung kaya niyang gawin ay gagawin niya para sa kaniyang pasyente.
Lockdown Sickness
Mababasa sa depinitibong aklat ni Noel Villaroman na Dapitanon na tulad ng kahit na sino, si Rizal ay maraming mga tagpo na siya ay nagkaroon ng depresyon (Villaroman, 2018, pp. 254-256). Ang kaniyang kalungkutan ang masasalamin sa dalawang saknong ng tula ni Rizal na ito na “Mi Retiro.”:
Sa may kalawakan ng pampang ng tanak, lambuting buhangin,
Sa paa ng bundok na balot ng kulay na lunti sa tingin,
Ang natagpuan ko sa lupang sarili’y ampunan sa lilim
Niyong kakahuyan, at sa mga gubat… katahimikan din, Ang pamamahinga niyaring, tighaw sa panimdim….
Ang dagat, ah, ito ay siya nang lahat kung para sa akin,
Kung dumadaluhong magmula sa mga malayong pampangin; Sa akin, ang kaniyang ngiti kung umaga’y anyayang magiliw, At kung dapit-hapong ang pananalig ko’y parang nagmamaliw,
Siya ay may bulong na inihahatid sa akin ng hangin (Rizal, 1895).
Ilang beses niyang hiniling sa mga awtoridad na payagan siyang makasama ang kaniyang ina, mga kapatid, at pamangkin na pinagbigyan naman.
Dito natin makikita na tulad natin noong panahon ng lockdown, kung saan nagkaroon ang ilan sa atin ng mental health problems dahil sa hindi natin makahalubilo basta-basta ang ating mga mahal sa buhay, naranasan din ito ni Rizal.
Hindi Lamang Basta-basta Ayuda
Ngunit, marahil dahil nga sa kaniyang kalungkutan, ninais niyang lagyan ng “excitement” ang Dapitan. Tulad ng isang guro, nais niyang magturo ng lahat ng kaniyang ginagawa. At ang kaniyang kapaligiran ang ginawa niyang “pedagogical tool.” Nagpatayo siya ng mga bahay na may iba’t ibang hugis sa kaniyang “Talisay”—parihaba, parisukat (cuadrada), octagon (redonda). At nang bisitahin siya ng kaniyang paboritong guro sa Ateneo Municipal de Manila na si Padre Francisco de Paula Sanchez, S.J., gumawa sila ng isang relief map ng Mindanao sa plaza ng Mindanao. Muli, isang guro na nais magturo sa madla (Ocampo, 2011b). Sa Rizal Park Luneta ngayon, tila nakumpleto ang gawain na nasimulan ni Rizal dahil magkakaroon ng relief map ng buong Pilipinas: Mindanao, Visayas, at Luzon.
Nang makita na umakyat ng burol ang mga Dapitanon upang mag-igib ng tubig, nag-inhinyero pa si Rizal at gumawa ng kanal upang bumaba ang tubig sa ibaba at nang madaling makaigib.
Hindi lamang siya naging agrikultor sa Dapitan, lumikha siya ng kooperatiba ng mga mangangalakal ng abaka na tinawag niyang Sociedad de Agricultores Dapitanos (SAD). Sumulat si Rizal sa kaniyang bayaw na si Maneng, asawa ng kaniyang kapatid na si Saturnina (Neneng) na humihiling na padalhan siya ng mga lambat upang magturo ng makabagong pangingisda sa mga Dapitanon at kumite na rin. Nasa tabi man sila ng dagat, makaluma pa rin ang pamamaraan ng mga Dapitanon sa pangingisda, hiniling na rin niya na ipadala ang dalawa nilang kakilala sa Calamba upang tumulong sa kaniya na mangisda dahil malaki raw ang maaaring makuhang kita roon (Villaroman, 2018, pp. 55-56). Sa hinuha ni Ambeth Ocampo, maaaring noong dumating ang mga lambat ay napagtanto niya na hindi rin naman siya marunong mangisda kaya humiling na siyang magpadala nang magtuturo sa kanilang mangisda (Abella, 2012). Walang kumagat sa offer na ito ni Rizal.
Kumbaga, hindi basta-bastang ayuda ang ibinigay ni Rizal para makakain ang mga tao, binigyan niya ito ng mga kaalaman upang patuloy na ma-ayudahan nila ang kanilang sarili.
Paglilibang-libang
Kapag ikaw ay nasa kuwarantena, kailangan mo rin ng pampalipas oras.
At hindi pa nagkasya roon si Rizal, nangolekta rin siya ng mga iba’t ibang species ng mga hayop at insekto. Ito naman ay pinadadala niya sa mga kaibigan niyang eksperto sa Europe na sa kanilang pagsusuri, bagong tuklas pala ni Rizal ang ilan sa mga ipinadala at dahil dito ay ipinangalan na ang mga ito sa kaniya—Draco rizali, isang butiki, Rhacophorus rizali, isang palaka, at Apogonia rizali, isang salagubang (Capino at Buenaflor, 1963, pp. 126-129). Sa kabila ng lahat, nakatagpo pa ng pag-ibig: si Josephine Bracken!
Ayon kay Floro Quibuyen, kung may saysay si Rizal para sa ika-21 siglo, masusumpungan ito sa mga ipinamana niya sa Dapitan, ang mga bagay na pinag-uusapan ngayon ay nagawa na niya noon pa: progressive education, social entrepreneurship, at community development (Quibuyen, 2011, pp. 18-23).
Kaya naman, nang iwan niya ang Dapitan noong 31 Hulyo 1896, nagiiyakan ang mga tao. Iniwan niya ang Dapitan na mas makulay, maunlad, at exciting. Kahit na madalas na tila hindi napapansin, ang mga taon ni Rizal sa Dapitan ang pinakamahalagang yugto ng kaniyang buhay kung saan siya ay pinakaproduktibo. Mga nagawa marahil ni Rizal kung binigyan siya ng pagkakataong maging lingkod-bayan sa isang malayang Republika, na tila isang “one-man NGO.”
Paglalagom: Si Rizal sa Makabagong Panahon
“Héroe” man o bayani, anuman ang ituring kay Rizal, makikita pa rin sa kaniyang ginawa sa Dapitan ang bukal na diwa ng “bagani” na nagmula sa “wani,” ang paglilingkod nang walang pag-iimbot. Pagpapakita rin ito na ang kabayanihan ay hindi dapat malimita sa isang uri lamang sa loob ng bayan o hindi lamang naipapakita sa isang anyo lamang tulad ng paghawak ng sandata, kundi sa kagitingan na harapin ang mga mahirap na sitwasyon, na makapaglingkod pa rin sa kabila ng lahat.
Si Rizal, tulad natin, ay taong pinanghinaan din ng loob, subalit nilampasan niya ito upang gawan ng social engineering ang isang maliit na bayan upang mas maging “exciting.” Maraming nagawa sa kabila ng kaniyang mga kalungkutan at panghihina. Mahalaga ang panahong Dapitan ni Rizal sapagkat bilang isang tao ay nabigyan niya ng kapangyarihan, ng liwanag ang kaniyang bayan.
Naipakita ni Rizal sa Dapitan kung ano ang kaniyang gagawin kung nabigyan siya ng pagkakataon na maging lingkod-bayan, kumbaga naipakita niya ang katangian ng isang bagani, na nagsisilbi sa bayan nang walang maliw. Samakatuwid, maaaring sabihin na ito ang pinakamahalaga sa kaniyang kasaysayan.
Hindi ba at ito rin ang ipinakita ng bayan sa maraming panahon ng ating kasaysayan? Hindi ba at ito rin ang pinakita natin sa maraming panahon ng kadiliman at agam-agam sa ating kasaysayan? Hindi ba at ito rin ang ipinakita ng ating mga frontliners sa gitna ng pandemyang COVID-19?
Bilang tagapagsalita ng ika-56 na Dr. Jose P. Rizal Memorial Lecture para sa Philippine Medical Association noong ika-29 na Dr. Jose P. Rizal Memorial Award noong 9 Setyembre 2020, aking tinalakay ang saysay ni Rizal sa panahon ngayon ng pandemya:
Sa panahon ngayon, ang ating Noli Me Tangere… ang kanser ng lipunan ang sumisikil sa ating Kalayaan at kaginhawaan ng bayang ito. Ang pandemya at iregularidad sa ating health care system. Marami sa inyo ang tumugon sa tawag ng panahon upang maglingkod nang higit pa sa inyong tungkulin.
Alam ninyong nakasalig sa inyo ang bayan. Salamat at hindi ninyo kami iniiwan. Salamat at tulad ni Rizal, inaalay ninyo ang inyong mga talento at kakayahan sa kabila ng panganib.
Aming medical professionals… Minamahal naming frontliners, salamat at tulad ni Rizal, bukas ang inyong mga mata.
Salamat at hindi ninyo iniiwan ang bayan. Salamat sa inyong pagpapakatao sa panahon ng pagkakawatak-watak at pag-aawayan. Magpakatatag po kayo, kailangan namin kayo. Ipinapanalangin namin kayo lagi-lagi. Ang paggawad natin ng 29th Jose P. Rizal Memorial Awards ngayong araw na ito ay hindi lamang parangal sa ating National Hero, kundi ating parangal sa bawat Pilipinong doktor na makatao at may malasakit.
Saludo po ako sa inyo, mga mahal naming frontliner, mga kababayan kong doktor, maraming salamat po sa serbisyo ninyo sa bayan (Chua, 2020).
Ang pagkabuo ng bansa ay tagumpay na maituturing ng ating mga bayani. Ngunit hindi natatapos ang maraming hamon na nagbabadyang mga kadiliman.
Ang liwanag ng tagumpay ay masusumpungan sa bawat hamon, ngunit mangyayari lamang kung tayo ay makikipagkapuwa-tao. Walang liwanag kung walang pakikipagkapuwa-tao. Tayo ang liwanag na iyon.
Sanggunian
Abella, P. (Director). (2011). The first hero [Film documentary]. Maestro Films Foundation.
Alaras, C. R. (1988). Pamathalaan: Ang pagbubukas sa tipan ng Mahal na Ina. Bahay- Saliksikan ng Kasaysayan.
Amtalao, J., & Demeterio, F. P. III. (2019). Bogwa: Kultural na paghuhukay sa oral na tradisyong Ifugao. Malay, 31(2), 84-102.
Bailon, R. Q. (1995). Pares-Pares: Ilokos-Hawaii connection. Diliman Review, 44(4), 32-37.
Capino, D. G., & Buenaflor, V. M. (1963). Stories of Rizal’s exile in Dapitan. Manlapaz Publishing Co.
Covar, P. R. (1974). Ang pagtanggap ng samahang milinaryan kay Gat Dr. José Rizal. In P. M. Cruz & A. B. Chua (Eds.), Himalay: Kalipunan ng mga pag-aaral kay José Rizal (pp. 426-442). Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.
Chua, M. C. B. (2018). Kabundukan bilang bukal ng kapangyarihan: Mga piling kaisipan ng mga kapatiran sa Bundok Banahaw. In L. R. C. Ubaldo (Ed.), Shuntung: Mga kabundukan sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. 145-154). ADHIKA ng Pilipinas, Inc.
Chua, M. C. “Xiao” B. (2020, September 9). Rizal: Ang Pilipinong doktor bilang makatao (Rizal: The Filipino doctor as humanitarian). 56th Dr. Jose P. Rizal Memorial Lecture para sa Philippine Medical Association, ika-29 na Dr. Jose P. Rizal Memorial Award. [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=kk0aR2HRdHI&t=185s
De Ocampo, G. (1962). Dr. Rizal: Ophthalmic surgeon. Geminiano de Ocampo.
Go, K. (Writer & Director). (2009). Eskrimadors [Film]. Pointsource Films.
Gillego, B. H. (1990). Requiem for reformism: The ideas of Rizal on reform and revolution. Wall Street Communications and Marketing, Inc.
Ileto, R. (1979). Pasyon and revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910. Ateneo de Manila University Press.
Ileto, R. (1988). Filipinos and their revolution: Event, discourse, and historiography. Ateneo de Manila University Press.
Manuel, E. A. (1973). Manuvu’ social organization. University of the Philippines Press.
Ocampo, A. R. (2011a, January 14). Rizal as OFW. Philippine Daily Inquirer. https://www.pressreader.com/philippines/philippine-daily-inquirer-1109/20110114/283192964813142
Ocampo, A. R. (2011b, November 15). Rizal as teacher and pupil. Philippine Daily Inquirer. https://opinion.inquirer.net/17329/rizal-as-teacher-and-pupil
Ocampo, N. (2011). Kristong Pilipino: Pananampalataya kay Jose Rizal. Bagong Kasaysayan.
Pingul, A. L., Pontemayor, F. B., & Nuncio, R. V. (2019). Becik, batik, betik: Pagpapatúloy ng mga simbolismo ng lahing Austronesyo sa pagbabatik/pagtatatu sa Pilipinas at Malaysia. Hasaan Journal, 5(1), 39-62.
Quibuyen, F. C. (1999). A nation aborted: Rizal, American hegemony, and Philippine nationalism (2nd ed.). Ateneo de Manila University Press.
Quibuyen, F. C. (2011). Rizal’s legacy for the 21st century: Progressive education, social entrepreneurship and community development in Dapitan. Social Science Diliman, 7(2), 1-29.
Revel, N. (2008). Heroic characters as model of leader in Philippines oral epics. In Индонезийцы и их соседи. Festschrift Е.В. Ревуненковой и А.К. Оглоблину (pp. 174-199). St. Petersburg: МАЭ.
Reyes, J. T. (2011). Ginhawa mula sa patay: Isang pag-aaral sa kahalagahan ng katawagan sa bogwa at pangangayaw sa mga Ifugao at Kankanay. In ISIP: Mga Kaisipan sa Sikolohiya, Kultura at Lipunang Pilipino (Gaan at Gana sa Buhay: Sikolohiya ng Sarap, Ligaya, at Ginhawa) (Vol. 1, pp. 237-239). Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Rizal, J. P. (1891, October). Buhat kay Rizal para sa mga Pilipinong nakatira sa Barselona. In Pakikipagsulatan sa mga kasama niya sa pagpapalaganap (pp. 595-596). Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni José Rizal.
Rizal, J. P. (1892). Estatutos de la Liga Filipina. In E. de los Santos (Ed.), Proceso del Dr. José Rizal Mercado y Alonso (pp. 85-95). Cultura Filipina. https://www.gutenberg.org/files/42065/42065-h/42065-h.htm
Rizal, J. P. (1895). Ang kinaligpitan ko (Mi retiro). In Mga tula ni Rizal. Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni José Rizal.
Salazar, Z. A. (1997). Si Andres Bonifacio at ang kabayanihang Pilipino. In Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas (Vol. 2). Palimbagan ng Lahi.
Salazar, Z. A. (2019, March 18). Preliminaryong pagsusuri sa representasyon/pag-aanyo ng tatlong liktao sa Butuan Heritage Museum sa Lungsod Antipolo. Professorial Lecture sa Kasaysayan at Antropolohiya, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Salazar, Z. A. (2022, March 31). Personal na talastasan.
Schumacher, J. (1997). The propaganda movement 1880-1895: The creation of a Filipino consciousness, the making of the revolution. Ateneo de Manila University Press.
Soriano, R. H. (1996). A shaft of light (Revised edition). Printon Press.
Tugano, A. C. (2020). Sakit ng loob, sakit ng labas: Pagtutumbas sa mga neolohismong umusbong sa kontemporanidad ng COVID-19 tungo sa pag-unawa ng kasaysayan ng ketong sa patolohiyang Pilipino. Katipunan Journal, 6(1), 132-181.
Tugano, A. C. (2021). Representasyon ng kababaihang manggagawang Pilipino sa Europe batay sa pelikulang Pag-ibig na Milan (2004) at Barcelona (2016) ni Olivia Lamasan. Bisig Journal, 3(1), 43-72.

