Marjorie Almario-Magdadaro
Mindanao State University- Iligan Institute of Technology
How to Cite:
Magdadaro, M. A. (2023). Piling pook-pangalang Higaunon: Mga kabilin sa pagsilip sa sinaunang pamayanan sa Iligan. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 2(1), 15–36. https://doi.org/10.64303/neu-urc-kaningningan-2023-PiPoPaHiKa
Abstrak
Madalang mabasa sa mga batis-kolonyal ang mga sinaunang pamayanan sa bansa, kahit pa ang sa lungsod ng Iligan kung saan ang mga Higaunon ang kinikilalang unang pangkat etnikong nanirahan dito. Sila rin ang unang nagpangalan sa ilan sa mga pook ng Iligan kung kaya, layunin ng papel na masuri ang mga piling pook-pangalan batay sa kanilang konteksto at masilip ang sinaunang pamayanan sa Iligan gamit ang kabilin ng mga Higaunon.
Ang onomastikong pag-aaral na ito ay gumamit ng etnohistorikal na pamamaraan sa pagkalap ng mga datos mula sa larang at artsibo, kabilang na ang pakikipanayam, ginabayang talakayan, at pagsusuri sa mga naririyang dokumento, upang maipaliwanag ang mga sumusunod na suliranin ng papel:
1. Ano ang kaugnayan ng mga pook-pangalan sa pagdungaw sa nakaraan?
2. Bakit maituturing na kabilin ng mga nakaraang Higaunon ang mga pook-pangalan sa Iligan?
3. Papaanong pinapalitaw at inilalarawan ng mga piling pook-pangalan ang sinaunang pamayanan ng mga Higaunon?
4. Papaano mapapangalagaan ang mga katutubong pook-pangalan bilang kabilin sa gitna ng pagbabago ng panahon at lipunan?
Ang pagtatampok at pagsusuri sa mga piling pook-pangalan ng mga Higaunon ay nagpapatibay sa kahalagahan at kabuluhan nito sa pagsasalamin sa ilang aspekto ng kanilang sinaunang pamayanan, katulad ng kabuhayan, kapaligiran at kasaysayan. Napatunayan din ng papel ang historikal na kagamitan ng mga pook-pangalan sa patuloy na pagsusumikap na mabuo at lubos na maunawaan ang kalinangan at kasaysayan ng mga bayan sa Pilipinas sa tulong ng mga di-tala o di-kumbensyunal na batis. Isinusulong din ng pag-aaral na ito ang pagpapanday ng mga simulain o batas na mangangalaga sa mga pook-pangalang Higaunon mula sa mga panlipunang pagbabago na bubura sa kanila bilang kabilin ng nakaraan na durungawan ng kasalukuyang henerasyon.
Mga Susing Salita: Pook-Pangalan, Higaunon, Iligan, Kabilin, Sinaunang Pamayanan
Panimula
Ang Iligan, isang lungsod na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Mindanao, ay kasalukuyang tahanan ng iba’t ibang pangkat-etniko na bahagi ng kaniyang kasaysayan at kalinangan. Patuloy na hamon sa mga lokal na historiador na maisalaysay sa kabuuan ang mga ito dahil na rin sa kakulangan o kawalan ng mga talaang pagkukunan ng mga datos. Higit itong balakid sa mga lipunang oral katulad ng mga pangkat-etnikong Higaunon, na tradisyunal na pinaniniwalaang nagtayo ng sinaunang pamayanan sa lungsod at ngayon ay karamihang nasa kabundukan ng Iligan.
Ayon sa mga naunang pag-aaral, ang unang pamayanan ng mga Higaunon ay nagsimula sa Bayug, na isang maliit na isla sa baybayin ng Iligan. Ang huli ay naging visita ng mga mananakop na Espanyol at naitatag bilang pueblo noong 1838 (Tangian 2010); lumago bilang isang Katolikong pamayanan na may mainam na lokasyon upang magsilbing tanggulan at daungan (Hamm 1980) na nabago ang pisikal at demograpikal na katangian pagdating ng mga Amerikanong mananakop (Acut 1989). Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga kaalamang bunga ng mga pananaliksik na nakatuon sa panahon ng pananakop sa Iligan. Ang mga sumunod na mga akda nina Leonor BuhionEnderes (w.p.) at Evelyn Jamboy (1985) naman ay nakasentro sa mga mahahalagang kaganapan sa Iligan sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang papel ng lungsod sa kilusang gerilya na kumakalaban sa mga Hapones. Inilalarawan naman nina Geoffrey Salgado (2000) at Neil Azcuna (2014) ang industriyalisasyon at urbanisasyon ng Iligan sa panahon ng kasarinlan. Ang mga ito ay nagsasalaysay at naglalarawan sa daloy ng kasaysayan ng Iligan – mula sa panahong kolonyal hanggang sa kasalukuyan. Ngunit limitado ang pagtalakay dito sa pamumuhay ng mga Higaunon ng Iligan. Kaya naman, ninanais ng kasalukuyang pag-aaral na makapag-ambag sa corpus ng kaalaman, sa pamamagitan ng pagsilip sa sinaunang pamayanan ng mga Higaunon, sa pamamagitan ng kanilang mga pook-pangalan.
Ang Iligan ay binubuo ng 44 na barangay na ang ilan sa mga pookpangalan nito ay hango sa salitang Higaunon. Sapagkat ang mga Higaunon ay kasalukuyang naninirahan sa mga liblib na lugar ng Iligan, ang mga pookpangalan na kanilang nilikha at ngayon ay ginagamit na pantawag sa ilang mga barangay, ang itinuturing ng papel na isa sa mga Kabilin ng mga Higaunon sa Iligan. At bilang kabilin, ang mga pook-pangalan ay pinaninindigan ng papel na ito, na makahulugan, makabuluhan at makatutulong upang mapalitaw ang ilang mga nakakubling bahagi ng kasaysayan ng Iligan. Sila ang pagbabatayan sa paglalarawan ng sinaunang pamayanan ng mga Higaunon na hindi tuwirang nabanggit sa mga dokumentong kolonyal. Lalo pa at ang kasaysayan ay hindi lamang nakatali sa mga dokumento (Villan 2018), patutunayan ng papel na ito, na ang pagsasakonteksto ng mga pook-pangalan ay isang mahalagang batis at lapit sa pagsasakasaysayan.
Kaya naman, narito ang mga katanungan ng pananaliksik, alinsunod sa pangkalahatang layuning nabanggit:
1. Ano ang kaugnayan ng mga pook-pangalan sa pagdungaw sa nakaraan?
2. Bakit maituturing na kabilin ng mga nakaraang Higaunon ang mga pookpangalan sa Iligan?
3. Papaanong pinapalitaw at inilalarawan ng mga piling pook-pangalan ang sinaunang pamayanan ng mga Higaunon?
4. Papaano mapapangalagaan ang mga katutubong pook-pangalan bilang kabilin sa gitna ng pagbabago ng panahon at lipunan?
Upang matugunan ang mga nabanggit na problema ng pananaliksik, narito ang mga hakbang na siyang batayan ng balangkas ng papel:
1.Talakayin ang onomastiko bilang kaugnay na disiplina at ang pokus nitong pagpapangalan ng pook at kung papaano itong kaagapay sa pagpapaliwanag ng kasaysayan.
2. Bigyang-kahulugan ang konseptong kabilin sa ilalim ng konseptong palanublion at ipaunawa kung bakit naging kabilin ang mga pook-pangalan gamit ang mga salik pangkasaysayan.
3. Suriin ang mga pook-pangalan at ilarawan ang mga konseptong nakapaloob dito sa pagpapaliwanag sa kapaligiran, kabuhayan ng mga Higaunon, at kasaysayan ng Iligan sa pangkalahatan.
4. Magbigay-mungkahi ng mga hakbang upang masinop at mapangalagaan ang mga pook-pangalan bilang mga kabilin ng pangkat Higaunon sa Iligan.
Ang Kaugnayan ng Onomastiko sa Kasaysayan
Onomastiko ang tawag sa disiplinang nakatuon sa pag-aaral ng kahulugan at kahalagahan ng pangalan at pagpapangalan. Ang pagpapangalan ay pagkilala, pagsasabuhay at pag-aangkin. Ang kawalan ng pangalan ay nangangahulugang kawalan ng kahalagahan; ang tao, bagay o pook, ay hindi napansin, hindi nakita, hindi nabuhay at hindi naranasan (Algeo & Algeo 2000). Kaya ang pangalan ay isang marka na may nakapaloob na konsepto o mensahe (Helleland 2012).
Ang onomastiko ay higit na may malaking kaugnayan at katuturan sa pag-aaral ng tao, ng kaniyang gawain, at lipunan. Sa mga sangay ng aghampanlipunan tulad ng antropolohiya, matutukoy ang kaurian ng lipunan at kultura, kung ito ba ay matrilineal o patrilineal, sa pamamagitan ng pagsusuri sa namamayaning pangalan ng kultura o angkan. Sa sosyolohiya, ang istilo sa pagpapangalan ng mga tao, ay sumasalamin din sa tradisyon at pagpapahalaga ng lipunan sa iba’t ibang panahon. At sa kasaysayan na partikular sa pangalang pantangi ng tao, pook at pangyayari, ito ay pagkakakilanlan at pagpapatunay ng katotohanan (Algeo & Algeo 2000).
Ang pook at pangalan ay magkaugnay. Toponimiya (toponymy) ang subdisiplinang nakapokus sa pag-aaral ng mga pook-pangalan o place names (Alfonso 2017). Nagmula sa mga Griyegong katagang topos (pook) at onoma (pangalan), ang toponym o pook-pangalan ay itinuturing na mayaman na batispangkasaysayan. Nakapaloob dito ang kasaysayan ng pamayanan, kultura at ang pagkakakilanlan ng mga pangkat na may kaugnayan dito. (Helleland 2012). Malimit din, ang mga pook-pangalan ay nagsisilbing katagang kumakatawan sa pisikal na kaanyuan ng nakaraan (Ibid). Ang isang pook, tao o pangyayari na walang pangalan ay nagpapahiwatig ng kawalan ng puwang sa kasaysayan. Ang pangalan ay susi at tanda (Algeo & Algeo 2000). Ang bawat kahulugan at kuwento sa likod ng pook-pangalan ay nakasalalay sa konteksto; ito ay magkakaiba sa iba’t ibang indibidwal at iba’t ibang pangkat ng tao (Helleland 2012).
Para sa onomastikong pag-aaral na ito na nakatuon sa mga katutubong pook-pangalan na wari sa salita ng mga Higaunon, ang pagpapakahulugan ay ibinatay sa konteksto ng kanilang pamayanan sa Iligan. Ang mga Higaunon ang kinikilala ng lungsod bilang isa sa mga pangkat-etnikong unang nanahan, luminang sa ilang pook ng Iligan at nagpangalan sa mga ito. Ang mga pookpangalan ay magsisilbing batis-pangkasaysayan at pangkalinangan sa kadahilanang:
The fact which a place name is an intangible evidence that stoes context of the past in it, its deconstruction, in all possible means, is vital for a community or society that does not have any written record of its past…(Alfonso 2017).
Para sa pagsasakonteksto, 12 Higaunon ang nagbahagi ng pagpapakahulugan ng mga piling pook-pangalan na nagmula sa kanilang salita sa pamamagitan ng mga personal na panayam at ilang ginabayang talakayan. Ang mga kalahok ay masusing pinili na ang ilan ay may mataas na katungkulan sa pamayanan katulad ng datu at baylan, habang ang iba ay nagbigay-balidasyon sa mga pangunahing datos ng papel. Parte rin ng etnohistorikal na pamamaraang ito ang pagsilip sa dokumentong pampuno sa ilang diskusyon ng papel (Jocano 1994). Ang mga datos mula sa larang ay kinalap mula Agosto-Nobyembre 2013, habang ang mga artsibong kaalaman naman ay idinagdag noong 2018.
Mga Piling Pook-Pangalan Bilang Kabilin ng Pamayanang Higaunon sa Iligan
Binukid ang tawag sa salita ng mga pamayanang Higaunon na matatagpuan sa Hilagang Mindanao, kabilang na ang lungsod ng Iligan. Nabibilang ito sa Manobo, isang grupo ng mga wika sa Mindanao (Jocano 1994). Ayon sa talahuluganang Manobo, ang katagang bilin ay nangangahulugang “to hand down to succeeding generations” (Elkins 1968).
Sa konsepto ng panubliong bahandi ni Vicente Villan (2017), ang kabilin ay isang uri ng pamanang-yaman na laganap sa Kabisayaan ng Visayas at Mindanao. Ito ay tumutukoy sa mga bagay, paniniwala, o pagpapahalaga na isinubli, iniwan, ipinahiram o ipinagkatiwala. Ang panubliong bahandi o pamanang-yaman ay may tatlong larangan: (1) pagkabutang (kayamanan at pag-aari), (2) surundon (paniniwala at pananagutan), at (3) pamatasan (halagahin, kaasalan, gawi, at kilos). Ang mga ito ay mga “makahulugan, makatuturan at makabuluhang bagay, karakter, asal, at iba pang halagahin sa sinaunang lipunan ng Pilipino” (Villan 2017). Ang mga pinagmulan nito ay ang ating mga ninuno kaya ang mga kabilin o isinubli nila ay nararapat na ingatan, pahalagahan, at pagyamanin, sa kasalukuyan. Ang mga pagkabutang, surundon, at pamatasan ay hindi pagmamay-ari ng huli, kundi ay mga tagasunod, tagapanatili at tagapagtaguyod lamang.
Batay sa konseptong panubliong-bahandi, ang ilan sa mga pookpangalan ng Iligan ay maituturing na mga subli o kabilin ng mga Higaunon sa lungsod. Ang mga Higaunon ay isang pangkat-etnikong Lumad na kinikilala ng mga naunang pag-aaral bilang unang nagtayo ng sinaunang pamayanan sa mga estratehikong lugar ng Iligan – sa mga tabing-dagat at tabing-ilog nito, partikular na sa Bayug na isang maliit na isla ng Iligan, may 3.7 km. ang layo mula sa bayan (Tangian 2011). Ayon pa kay Datu Eladio Sangcoan, ang mga Higaunon ay nanirahan din sa mga burol ng lungsod, katulad ng Buhanginan, na kanilang ilihan laban sa mga mangangayaw. Ang mga Higaunon din ay nakilala batay sa kanilang pisikal na lokasyon. Tinatawag silang “taga-bukid” (mountain people) lalo na ng mga “taga-baybay” (coastal people) (Acut 1989). Ang kanilang paninirahan at paglinang sa mga lugar ng Iligan ay nagbunga ng pagpapangalan sa mga ito. Sa pagtukoy ni Datu Eladio na sinusugan ng iba pang Higaunon, ang ilan sa mga pook-pangalan na ito ay ang mga sumusunod: Iligan, Bayug, Rogongon, Dalipuga, Hinaplanon, Mandulog, Tibanga, Tambo, Tubod, Tambakan, Bonbonon, Kabaksanan, Buhanginan at iba pa.
Ngunit ang kanilang pamamalagi sa baybayin at kapatagan ng Iligan ay hindi nagtagal bunsod ng mga kaganapang pangkasaysayan na nagtulak sa kanilang umakyat sa kabundukan ng Iligan at doon pumirme. Sa kasalukuyan ang mga Higaunon ay cultural minority ng lungsod. Ang mga Higaunon ay may 1.69% sa kabuuang populasyon ng Iligan (PSA 2015). Papaano nga ba na-displaced at na-minoritized ang pangkat-etnikong ito sa lungsod?
Ang pandarayuhan sa Iligan ang isa sa mga mahahalagang salik na makakapagpaliwanag ng pagliit ng bilang ng mga Higaunon sa Iligan at kanilang paninirahan sa mga kabundukan nito. Mga ika-labingpitong daang taon, dumating ang mga mananakop na Espanyol at nagmisyon sa Bayug, sa pangunguna ng Rekoletong si Padre Juan de San Nicolas. Mauunawaang ang Bayug sa panahong ito ay sinaunang pamayanan ng mga Higaunon, na pinatutunayan ng mga misyonerong nag-ulat na sila ay tinanggap ng pinunong si Dolomayor o Dolomoyon. Ang kahulugan ng pangalan ay “kaduda-duda”, na marahil ay sumasalamin sa damdamin ng mga dayuhan patungkol sa datu (Paredes 2013). Sapagkat si Dolomayor, bukas sa pagbibinyag sa kaniyang mga nasasakupan sa Katolisismo, ay tumangging yumakap sa nasabing relihiyon. Tinulungan pa rin ni Dolomayor ang mga dayuhan sa kanilang pagsalakay sa Lanao (De Jesus 1681).
Tinanggap man ng sinaunang pamayanan sa Bayug ang pagdating at pagkontrol ng mga dayuhan sa Iligan, marami sa kanila ang tumangging magpasakop sa imperyo ng Espanya. Mula sa Bayug ay binaybay ng mga Higaunon ang tabing-ilog ng Mandulog at inakyat ang kabundukan ng Iligan, patungo sa kinaroroonan ng kasalukuyang Rogongon (Tangian 2011). Sa pamumundok nila nag-ugat ang pagtawag sa kanila sa kasalukuyan na mga taga-bukid. Mayroon din namang nanatili sa ilalim ng pananakop ng mga Kastila at niyakap ang bagong pananampalataya. Pinatutunayan ito noong taong 1727 na may nai-ulat na isang katutubo ang bininyagang Basilio Virtudes Tamparong at itinalagang maestre de campo indigeno ng Iligan (Paredes 2013). Ayon kay Rodil (2013), ang mga katutubong nabinyagang mga Katoliko ay tinatawag na mga Indigenous Christians ng Iligan o ang mga kasalukuyang Iliganon. Ito rin ang tawag sa mga Mëranáw na nabinyagang mga Katoliko (Acut 1989).
Larawan 1
Pueblo ng Iligan sa Panahon ng Pananakop ng mga Español

Ang pueblo ng Iligan na itinatag noon 1838 na may Katolikong pamayanang pinoprotektahan ng isang muog na gawa sa bato. Ito ay nakatayo sa tabi ng Ilog Iligan. (Bernad 1968)
Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, isinagawa nila ang pinakaunang siyentipikong sensus noong 1903. Lumabas na may 3,269 katao ang Iligan at noong 1918, tumaas ito sa bilang na 4,669—2,459 lalaki at 2,210 babae. Lahat sila’y sinasabing mga Katoliko. Ang natitira’y mga Aglipayano (109 katao) at Muslim (152 katao) (Acut 2012). Pero nasaan sa mga bilang na ito ang mga Higaunon?
Nabanggit ni Navidad (1995) na ang mga Higaunon ay nanatili sa kabundukan ng Iligan at tinatawag na taga-bukid. Sa panahon ng kapistahan ng Iligan, ang mga taga-bukid ay bumababa sa lungsod upang sumali sa pagdiriwang, na may dalang aning-bukid para sa patron ng mga Katoliko. Diumano, ang mga Higaunon at Mëranáw mula sa Lanao ay nakikisaya at nakikisayaw. Kalaunan, ang kanilang ritwal na sayaw sa panahon ng kapistahan sa Iligan ay nakilala sa tawag na diyandi.
Sa kasalukuyan, ang Rogongon na makikita sa kabundukan ng Iligan ang kinikilalang kanlungan ng pangkat Higaunon sa lungsod. Nakapagtala ito ng 5,786 katao noong 2015, hindi binanggit ng sensus kung ang lahat ay mga Higaunon. Samantala, ang kabuuang populasyon ng Iligan ay 342, 612 (PSA 2015). Karamihan sa kanila ay inilarawang nagmula sa pangkat Bisaya, Mëranáw at Kolibugan ayon sa ulat na nagkalat at naninirahan sa apatnapu’t apat (44) na barangay ng Iligan. Ano ang bakas ng mga Higaunon sa lungsod ng Iligan na minsan ay kanilang kapookan? Walang iba kundi ang mga pookpangalan na nananatili maging sa kasalukuyan. Ang mga pook na binigyangpangalan ng mga Higaunon ay ginamit na kasalukuyang pantawag sa ilang barangay ng Iligan. Sila ay nagsisilbing kabilin ng mga Higaunon sa Iligan na tanda ng kanilang sinaunang pamayanan sa lunsod. Tingnan ang mga pookpangalang Higaunon na ito sa Talahanayan 1 sa ibaba.
TALAHANAYAN 1
Mga Bumubuong Barangay ng Iligan
| PANGALAN NG BARANGAY | BILANG NG POPULASYON |
| Abuno | 5,423 |
| Bonbonon | 1,786 |
| Bunawan | 2,218 |
| Buru-un | 15,164 |
| Dalipuga | 19,721 |
| Digkilaan | 5,208 |
| Hinaplanon | 12,346 |
| Kabacsanan | 2,123 |
| Kiwalan | 7,464 |
| Mahayhay | 9,179 |
| Mainit | 2,588 |
| Mandulog | 3,867 |
| Maria Cristina | 11,383 |
| Palao | 9,600 |
| Poblacion | 3,470 |
| Puga-an | 7,460 |
| Rogongon | 5,786 |
| Santa Elena | 9,735 |
| Santa Filomena | 6,615 |
| Suarez | 16,657 |
| Tambacan | 17,616 |
| Saray-Tibanga | 10,171 |
| Tipanoy | 14,730 |
| Tominobo Proper | 8,780 |
| Tominobo Upper | 3,429 |
| Tubod | 31,913 |
| Bagong Silang | 6,978 |
| Del Carmen | 8,423 |
| Dulag | 1,216 |
| San Miguel | 4,955 |
| Santiago | 8,814 |
| Santo Rosario | 2,174 |
| Tibanga | 9,595 |
| Acmac | 6,471 |
| Ditucalan | 3,385 |
| Hindang | 913 |
| Kalilangan | 1,442 |
| Lanipao | 2,759 |
| Luinab | 8,603 |
| Panoroganan | 4,806 |
| San Roque | 4,740 |
| Ubaldo Laya | 11,950 |
| Upper Hinaplanon | 5,464 |
| Villa Verde | 5,498 |
| KABUUAN: ILIGAN | 342,618 |
Apatnapu’t apat na barangay ng Iligan kabilang na ang 12 barangay na nagmula ang pangalan sa salitang Binukid ayon sa mga Higaunon (PSA 2015).
Mga Piling Pook-Pangalan: Kabilin ng Higaunon, Durungawan ng Kanilang Sinaunang Pamayanan
Hindi man nakapag-iwan ng mga talaang pangkasaysayan ang mga Higaunon sa Iligan kabilang sila sa pangkalahatan na ekspresibo at oral na lipunan, ang mga bakas ng kanilang pamayanan at pamumuhay ay makikita sa mga pook na markado ng kanilang mga salita. Sa apat napu’t apat (44) na mga barangay na bumubuo sa Iligan, ilan dito ay mga salita ng mga Higaunon. Ano ang ipinapahiwatig na mensahe ng mga pook-pangalang ito?
Sa bahaging ito, ang mga Higaunong pook-pangalan ay isasakonteksto at susuriin upang makapagbigay-unawa tungkol sa kanilang sinaunang pamayanan. Maraming mga pangyayari sa nakaraan na nakaukit lamang sa gunitang-bayan (Medina 1994), lalung-lalo na sa mga lipunang oral katulad ng mga Higaunon. Ito ay nakaukit lamang sa kamalayan at nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon. Kabilang na rito ang mga nakapaloob sa mga pookpangalan na magsisilbing durungawan ng kanilang nakaraan.
Sa mga pook-pangalan na binanggit na hinango mula sa mga Higaunon, walo (8) lamang dito ang bibigyang-diin at tatalakayin. At ito ang mga sumusunod: Kiwalan, Dalipuga, Mandulog, Tibanga, Hinaplanon at Rogongon na naging pantawag sa ilang barangay at ang Bayug at Tambo, na mga pook na makikita sa barangay Hinaplanon. Tingnan ang Larawan 2 para sa kanilang kinaroroonan sa lungsod ng Iligan.
LARAWAN 2

Ang mga barangay na may pook-pangalang Higaunon na susuriin ng pag-aaral na ito. Ang Bayug at Tambo ay mga pook na bahagi ng barangay Hinaplanon
Batis: exploreiligan.blogspot.com (Nobyembre 10, 2018)
Kiwalan, Dalipuga, at ang Tradisyong Pangayaw ng mga Higaunon
Ang Kiwalan ay pangalan ng isang barangay sa Iligan. Makikita ito sa look ng huli, sa may kanlurang bahagi. Ayon sa pagsasalaysay ni Datu Eladio Sangcoan (panayam 2013) na isang baylan, ang Kiwalan ay katutubo na hinango sa karanasan ng pangangaso ni Datu Lungkayaw. Ayon sa kuwento:
Ang istorya ani, si Apo a Lungkayaw, saunang panahon diha man sila anang buwanginan nagpuyo, kanang ilang giingun na city hall karun, diha mana ilang kota! Kay nagkota mana sila sauna…o dayun, nag-ilig sila dre sa baybay, kaning kiwalan aduna kiniy mga talinis na bagakay nga galabtik para sa mga mu-agi na baboy dinha…pag-adto nla dire, aduna may baboy gilapsan sa bagakay. Kato nga baboy, dakug ulo siya unya niwang unya nang-ana (nanggawas) na ang bangkil. Kaning lugara wa pani ginganlag kiwalan, dagsaanan pani sa balud. Dayun duna man kunoy migimaw na tawu – mihiwal kalit lang, ingun siya…ayaw mu pagkumpyansa, ihawa na ninyu ng baboy, ang makita ninyu sa ginhiwaan, kuhaun ninyu kay adunay daku kayung kapuslanan na sya, ingun sa tawu. Kay pag-bantay kamu kay tali-abut na karun ang mga ikugan, katong mga tawung dili madutlan…mao na karung gitawag nig hiniwalan o giniwalan katong tawu nga migimaw nga kalit… (Datu Eladio Sangcoan, panayam, 2013)
Malayang Salin:
Ayon ito sa kuwento ni Datu Lungkayaw na nagkuta dati sa Buwanginan, na ngayo’y kinatatayuan ng City Hall. Pumapanaog sila sa baybayin, sa Kiwalan, na may mga bitag na matutulis upang makahuli ng baboy-ramo. Sa pagpunta nila, nakita nilang may nahuli na mapayat at lumalabas ang pangil. May taong lumabas na nagpayo sa kanila na katayin na agad ang nahuli at gamitin ang mga pangil. Sinasabi ng banyaga na may nakaambang panganib sa kanila, ang mga mangangayaw na Ikugan. Kaya tinawag na Hiniwalan o Giniwalan, dahil sa taong biglang dumating…
Tila pinagtibay naman ni Datu Lito Morano ang pagpapaliwanag ng baylan sa salitang-ugat ng Kiwalan bilang giniwalan o lagusan (panayam 2013). Ayon sa kaniya, “Gikan na siya sa pulong na hiwalan nga nagpasabot nga guwaanan. Kay kiniadto mao na diarang dapita muguwa ang mga taga-bukid paingun sa pangayawan…” (Malayang salin: Nanggaling ito sa katagang Hiwalan na nangangagulugang labasan.
Dati, sa pook na iyan lumalabas ang mga nagmumula sa bundok na pumapanaog patungong pangayawan…).
Ang Giniwalan, Hiniwalan, o Hiwalan, na binabanggit sa itaas na pinagmulan ng pook-pangalang Kiwalan, ay may salitang-ugat na “guwa” na nangangahulugang: to go out of something or someplace (Elkins 1968) Sa talaan ng panlapi ng mga Higaunon, ang -in ay nagpapahayag ng pangyayari sa nakaraan, at ang hulaping -an, ay tumutukoy sa pook (Echor & Mata 1999). Samakatuwid, ang Giniwalan ay tumutukoy sa isang pook na labasan o lagusan ng mga Higaunon sa kanilang paghahanap-buhay katulad ng pangangaso o pagpangayaw. Pero papaano naging Kiwalan ang Giniwalan?
Maaaring makapag-aalay ng kapaliwanagan sila Barber at Berdan (1998) sa pag-iral ng mistake names sa pagpapangalan ng mga pook. Ayon sa kanila:
Sometimes, the name of a place is misunderstood, misinterpreted or mistranscribed; when the error becomes embedded into the name, we have mistake names…place names may often be spelled differently by different writers…shifts in spelling are also frequently associated with shifts in pronunciation, especially across languages: “Caresso Creek” derives from Spanish carrizo (reed) and “Oregon” from French ouragan (hurricane). In an attempt to mold an existing name into their own language, individuals may wildly reinterpret names (p.118).
Ang mga tinurang ito nina Barber at Berdan (1998) ay makatotohanan kung susuriin ang mga naitala ng mga mananakop na Espanyol hinggil sa Giniwalan bilang isang daungan sa Hilagang Mindanao:
Puertos. El de punta Sipaca, en la parte N. de Mindanao, el de Quigualang, en la bahia de Iligan, entre los puntos Salumbal y Minor, el Maigo a la entrada de la ensenada de Misamis, y el que se halla entre las puntas Blanca y Maralag… (De la Cava 1876). (Malayang salin: Mga bantilan. Ang una ay sa Sipaca, sa hilagang bahagi ng Mindanao, ang isa ay Quigualang, sa look ng Iligan, sa pagitan ng Sambal at Minor, ang Maigo papasok sa Misamis, at nasa pagitan ng Puti at Maralag).
Sinusugan ito ni Jose Montero y Vidal na binaybay ang Giniwalan ng mga Higaunon bilang Quiualang, “Puertos.—El de punta Sipaca, en la parte N. de Mindanao, el de Quiualang, en la bahía de Iligan, entre Salimbal y Minor; el Maigo, á la entrada de la ensenada de Misamis, y otro entre las puntas Blanca y Maralag…” (Montero y Vidal 1888).
Malinaw na makikita ang pabagung-bagong pagbabaybay sa bantilang makikita sa Iligan na kanilang una nilang isinulat na Quigualang (de la Cava 1876), na naging Quiualang (Montero y Vidal 1888). Sa kasalukuyan, ito ay tinatawag na Kiwalan na nananatiling pook-daungan ng mga pribadong pagawaan na makikita sa nasambit na barangay.
Bukod sa Kiwalan, ang katabing barangay nito na Dalipuga, ay inaangkin ding nanggaling sa salitang Higaunon. Sinasabi ni Datu Eladio Sangcoan na ito ay nag-ugat sa “puga” na isang uri ng matibay na punong-kahoy: “… sa dalipuga, kayu japon na nga pugá… pagtigbas nimu ana, muawas dayun ng iyang duga… mao ng dalipuga. Murag gatas na iyang duga… mao nay gahimuon namu sa mga karaan ug kalasag, lig-un na nga kahoy…” (Malayang Salin: Sa Dalipuga, kahoy iyan na pugá… kapag hinati iyan ay lumalabas iyong katas, kaya dalipuga. Parang gatas ang kaniyang katas… iyan ang ginagamit sa paggawa ng mga panangga kasi matibay siya na kahoy…)
Ang pagtukoy sa Dalipuga na ipinangalan mula sa isang punong-kahoy, ay taliwas sa salaysay ni Antonio Balala, sa pag-uugat sa Dalipuga batay sa kuwento ni Amay Tomasa. Ayon sa kaniya:
The second version is about the exploits of Amay Tomasa, descendant of the Alongay Clan who fought against the pirates and/or brigands. He was a defender and a hero of the local populace, feared by the brigands for single handedly defeating them in the ensuing battle of booby traps and martial arts skills. While the pirates retreated they heard the shout of Amay Tomasa saying “Dili ko ninyo mapuga” meaning “you cannot squeeze me.” That terrifying shout frightened the pirates and never again raided Dalipuga. The root word of Dalipuga came from that terrible shout “dili mapuga” and since then, it was known as Dalipuga (Daug 2012).
Sa pagbubuo mula sa sinuring pook-pangalang Kiwalan at Dalipuga, ang mga oral na tradisyon ay hindi man mapapatunayang historikal na kaganapan katulad ng mga kuwentong-bayan nina Datu Lungkayaw o Amay Tomasa, ngunit isinasaad ni Vansina (1985) na sila ay sumasalamin sa mga katutubong kagawian, kaugalian at kaisipan (Vansina 1985), katulad ng kagawiang pangangaso at tradisyong pagpangayaw na pinatutunayan ng gunitang nakapaloob sa mga pook-pangalan, na umiiral sa sinaunang pamayanan ng mga Higaunon. Ang mga bagay na ito ay hindi kailanman mababanggit sa mga batis-kolonyal katulad ng mga sinitas na inilarawan lamang ang pook ng Iligan bilang kanilang puerto o daungan.
Kaya naman, anu-ano ang ipinapahiwatig ng mga pook-pangalang Kiwalan at Dalipuga? Unang-una ay tungkol sa pangkabuhayang aspekto ng sinaunang pamayanan. Maliban sa pagsasaka na mga Higaunon (Tangian 2011), ipinapahiwatig ng naratibo ng Kiwalan ang gawaing pangangaso at tradisyong pagpangayaw. Sinasabi na ang mga Higaunon ay sinasalakay ng mga mangangayaw at pumapanaog din sa mga bundok upang mangayaw (Datu Lito Morano, panayam, 2013). Ito ang konteksto ng Kiwalan bilang labasan o lagusan. Ang Dalipuga rin ay tumutugma sa tradisyong pangayaw ng mga Higaunon. Ang kuwento tungkol kay Amay Tomasa at ang paggawa ng mga kalasag ay nagpapahiwatig ng pangangailangan ng sinaunang pamayanan ng proteksyon bilang tugon sa mga hamon ng kanilang kapaligiran.
Tambo, Mandulog, Tibanga, Hinaplanon at Bayug: Pagsasalamin sa Kapaligiran ng Sinaunang Pamayanan bilang Pinagkukunang-Yaman
Ang Tambo ay kataga ng mga Higaunon na ang ibig sabihin ay patag (Datu Eladio Sangcoan, panayam, 2013). Ang Tambo ay sitio ng barangay Hinaplanon na isang patag na pook malapit sa ilog at baybayin ng Iligan. Ayon kay Datu Lito Morano na nagbigay ng halimbawa kung papaano nila ginagamit ang “tambo” sa kanilang salita, “diya koy ta tambo” na nangangahulugang “punta tayo sa patag”.
Maliban sa anyong-lupa, may mga anyong-tubig din tulad ng mga ilog ang pinangalanan ng mga Higaunon. Ang Mandulog ay isa sa mga pangunahing ilog na dumadaloy mula sa kabundukan ng Iligan, patungong baybayin nito. Nag-ugat ito sa salitang dulog na ang ibig sabihin ay magkatabi o magkasanib (Datu Eladio Sangcoan, panayam, 2013). Ang mga magkatabing ilog na tinutukoy dito ay ang mga Ilog Kapai at Ilog Bayug (tingnan ang Mapa 2). Mula sa kabundukan ng Lanao del Sur ang Ilog Kapai. Mula naman sa kabundukan ng Lanao del Norte ang Ilog Bayug. Ang pagdulog o pagtatagpo ng dalawang ilog na ito sa Iligan ang dahilan kung bakit tinawag itong Mandulog ng mga Higaunon. Sa kasalukuyan, ang Mandulog ay pangalan ng Ilog at ng isa sa mga barangay sa Iligan. Tingnan ang Mapa 2 para makita ang pagdulog ng mga Ilog.
MAPA 2
Pagtatagpo ng Ilog Kapai at Ilog Bayug bilang Ilog Mandulog sa Iligan

Bukod pa rito, may iba pang pagpapaliwanag ang mga Higaunon sa pinagmulan ng salitang Mandulog. Ayon kay Alvin Cuntu: “…gikan na siya sa dinulugan, kay ang mga kahoy dirang dapita duol sa suba kay balay og mga putyukan… nga maoy kuhaan ug dugus…” (Malayang Salin: Galing siya sa pinagsaniban… dahil ang mga punong-kahoy na nakatayo malapit sa ilog ay may maraming bahay-pukyutan, na siyang pinagkukunan ng pulot…).
Ang dalawang pagpapaliwanag sa Mandulog ay magkaiba, ngunit kapansin-pansin na ang dinulugan ay may parehong salitang-ugat sa naunang salaysay – ang dulog. Pareho din silang tumutukoy sa pagsasanib, pagtatabi o pagtatagpo.
Ang mga kahulugan ng mga pook-pangalang Tambo at Mandulog ay nagbibigay-larawan sa pisikal na kapaligiran ng mga Higaunon. Ang mga kapatagan o katubigan ay mahalaga sa kanilang pamumuhay at madalas nila ito pinupuntahan bilang mga pinagkukunang-yaman. Matatandaang sinabi nina Algeo at Algeo (2000) na ang pagbibigay-pangalan sa pook ay nangangahulugang may mahalagang papel itong ginagampanan sa pamumuhay ng mga tao. Hindi ito nakapagtataka sa Mandulog at Tambo na karatig lamang ng Bayug na kinikilalang isa sa mga sinaunang pamayanang Higaunon sa Iligan. Ang Ilog Mandulog din ay dumadaloy mula sa kabundukan kung saan matatagpuan din ang kasalukuyang Higaunong pamayanan.
Maliban sa mga anyo ng kapaligiran, marami rin pook sa Iligan ang ipinangalan sa mga punong-kahoy at halaman. Ilan dito ay ang Tibanga, Hinaplanon, at Bayug.
Ayon kay Datu Eladio Sangcoan, ang Tibanga ay hango sa bangá na isang klase ng puno ng niyog. Sinasabi na sa pook na iyon, ay maraming bangá na pinagkukunan ng mga Higaunon ng tradisyunal na alak. Tinatawag nila ang lugar na bangahun o Tibanga. Samantala, ang Hinaplanon ay mula sa isang halamang-gamot na tumutubo sa tabi ng Ilog Mandulog. Pero sa tatlo, ang Bayug na ipinangalan mula sa isang punong-kahoy ang pinakakilala, sapagkat may paglalarawan dito ang ilang mga talaan. Ayon kay Elkins, “Bayug is a tall bamboo, Dendrocalamus merrillianus, of recent introduction in western Bukidnon (1968). Samantala, Si Brown ay may sumusunod na paglalahad:
Bayog – Pterospermum niveum vid, fiber plant, “…reaches a diameter of 60 centimeters. The leaves are alternate, hairy, oblique at the base, pointed at the tip, and 7 to 17 centimeters in length. The flowers are large, white, and fragrant. The fruit is oval, pointed, 6 to 8 centimeters long, splits into four or five segments, and contains winged seeds (1919)
Ang mga siyentipikong deskripsyon sa Bayug ay magkakaiba ngunit ang huli ang mas tugma sa paglalarawan ng mga Higaunon sa Bayug bilang namumunga at namumulaklak. Gayunpaman, ang dalawang pagpapakahulugan ay parehong tumutukoy sa Bayug bilang isang uri ng punong-kahoy. Sinasabing maraming punong-kahoy na Bayug sa tabi ng Ilog Mandulog, kaya ang pook na iyon ay tinawag na Bayug. Muli, idinidiin na batay ito sa konteksto ng mga Higaunon, sapagkat kung hihingan din ng pagpapaliwanag ang mga Dumagat (coastal people) ng Iligan, ay may iba rin silang kahulugan sa Bayug. Tugma ito sa naunang sinitas tungkol sa kahulugan ng mga pook-pangalan na nakasalalay sa konteksto – na ito ay magkakaiba sa iba’t ibang pangkat ng tao (Helleland 2012).
Ang mga pook-pangalang Tibanga, Hinaplanon at Bayug ay nagpapatunay lamang sa mayamang kapaligiran ng mga Higaunon. Nililinang nila ito bilang likas na pinagkukunan ng kanilang mga inumin, gamot at iba pang kagamitan. Nangangahulugan ito ng pagdepende ng mga Higaunon sa kalikasan, at pagpapahalaga nila dito bilang kakabit ng kanilang buhay.
Rogongon: Ang Paglikas sa Kabundukan ng Sinaunang Pamayanan
Ang pook-pangalang Bayug na tinalakay sa itaas, ay makasaysayan bilang isa sa mga sinaunang pamayanang Higaunon sa Iligan. Ito ay naitala sa mga ulat ng mga dayuhang misyonero noong mga ikalabimpitong daang taon. Ayon sa mga misyonerong Rekoleto sa Mindanao:
it had been decided by an intermediary chapter of the province of Filipinas, that our laborer should go to the district of Bayug and the vicinity of Lake Malanao (i.e., Lanao), as there were many people there and hope were entertained of gathering abundant fruit for the Church (De Jesus 1681)
Kaya naman, ang Bayug, ay naging visita ng Cagayan de Oro, kung saan nakabase ang mga misyonero, at hindi kalaunan ay naging kuta ng mga Kastilang sundalo. Mga taong 1639, matapos ang matagumpay na ekspedisyong militar sa Lanao, ang Bayug, maliban sa pagiging isang Katolikong misyon, ay nagsilbi ring lunsaran para sa mga layuning militar ng mga dayuhan (De Jesus 1681). Ayon pa sa paglalarawan ng mga misyonero, “…Captain Don Francisco de Atienza fortified the village of Bayug with stockades, left his adjutant to defend it and retired to his province of Caraga…” (De Jesus 1681).
Marahil ang mga kolonyal na kaganapang ito ang isa sa mga nagtulak sa pamayanang Higaunon sa Bayug na tuluyang iwan ang baybayin ng Iligan. may mga bininyagang Katoliko (De Jesus 1681; Combes 1667), marami pa rin sa mga Higaunon ang umiwas sa mga mananakop bilang kanilang pagtugon. Binaybay nila ang Ilog Mandulog, paakyat ng bundok. Tinawag nila itong Rogongon dahil sa malalakas na ugong na maririnig mula rito (Tangian 2011). Ang kulog o ugong ay “rugung” o “logong” sa salitang Higaunon (Elkins 1968). Ang Rogongon ang naging huling kanlungan ng mga Higaunon sa panahon ng pananakop sa Iligan. Kasalukuyan itong isa sa mga barangay ng huli, na may pinakamalaking teritoryo, kung saan may pinakamarami ring populasyon ng Higaunon. (Tingnan ang Larawan 3).
LARAWAN 3
Pamayanang Higaunon sa Barangay Rogongon, Iligan

Pook-Pangalan Bilang Kabilin ng Nakaraan at mga Pananagutan ng Kasalukuyan
Bilang mga isinubling bagay o kabilin, ang mga pook-pangalang nilikha ng mga Higaunon sa ilang bahagi ng Iligan ay may kaakibat na responsibilidad sa kasalukuyan. Sa mga pook-pangalan na ito nakaukit ang mga di-naitala at di-palasak na aspekto ng sinaunang pamayanan sa Iligan. Kaya marapat na ang mga pook-pangalan na ito ay bigyan ng pagpapahalaga. Ayon kay Villan (2017)
bilang may saysay na iniwang bagay, tradisyon at ugali, maituturing ito na isang panata ng pagtupad sa inaatang na responsibilidad ang paglikom, pagsinop, pangangalaga, pag-ingat at pagpapasundayag ng mga isinubling bagay sa kasalukuyang henerasyon… (p. 289)
Ang mga pook-pangalang Higaunon bilang kabilin ay mga tanda na nagpapaalala sa kasalukuyan tungkol sa sinaunang pamayanang Higaunon ng Iligan na bahagi ng kaniyang kalinangan at kasaysayan. Kaya naman, iminumungkahi ng papel na ito ang pagpapanday ng mga patakaran upang maprotektahan ang mga katutubong pook-pangalan mula sa pagbabago ng panahon at lipunan.
Ang mga makasaysayan at makahulugang mga pook-pangalan ay inilarawang “heritage at risk” (Alfonso 2017). Matagal nang suliranin ang kawalan ng pamantayan at patakaran sa pagpapangalan sa mga pook ng Pilipinas, kaya naman karaniwan lamang na pinapalitan ang mga ito kahit pa ang mga matatandang pook-pangalan. Ang patnubay ng National Historical Commission of the Philippines noong 2007, na nagkokontrol sa pagbabago ng mga pangalan ay nakatuon lamang para sa mga kalye (street) at pampublikong istruktura (structure). Bukod pa sa ito ay advisory lamang at walang kapangyarihan ang NHCP na makialam sa mga lokal na polisiya (Alfonso 2017). Kaya napapanahon lamang, lalo na sa Iligan, na manguna sa pagpapanday ng lokal na batas na magproprotekta sa mga pook-pangalang kumakatawan sa katutubo nitong kultura. Sa ganitong paraan, mapapanatili ang mga pamanang-yaman ng mga Higaunon sa kasalukuyang mamamayan sa Iligan, ang mga kabilin katulad ng mga pook-pangalan.
Ang pag-aaral na ito ay isang rin hakbang sa pagpapasundayag sa historikal na gamitan ng mga pook-pangalan bilang batis-pangkasaysayan. Samaktuwid, ang pangkalinangan at pangkasaysayang kahalagahan ng mga pook-pangalan ay sumasalungguhit din sa pangangailangang makapaglunsad ng mga simulain at gawaing magbubunga ng lokal na kamalayan na mangangalaga sa mga bakas na nagpapaalala tungkol sa ating mga ninuno at sa ating nakaraan. Sabi pa ni Villan (2017)
Ang halaga ng mga ito ay maging gabay para sa paglikha ng mga polisiya – pambansa man o maging larangang lokal- sa mga isyung may kinalaman sa pagbuo ng pambansang identidad na mahalaga tungo sa inaasam na pagpapatatag ng pamayanang pambansa ng mga Pilipino.. (p. 26).
Pangwakas
Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang masalungguhitan ang kabuluhan ng mga pook-pangalan sa pagsilip sa nakaraan, katulad ng sinaunang pamayanan ng mga Higaunon sa Iligan. Malinaw na nailatag ng papel na ang mga pook-pangalan ay mahalagang di-kumbensyunal na batis na mapagbabatayan ng mga detalyeng hindi mababasa sa mga talaan, lalo na yaong sulat ng mga dayuhan.
Ang mga Higaunon na kasalukuyang cultural minority ng Iligan ay madalang mabanggit sa mga batis kolonyal, na siyang pangunahing pinagkukunan ng mga datos ng mga historikal na pag-aaral. Kaya ang mga pook-pangalang Higaunon na kasalukuyang pantawag sa ilang barangay sa Iligan ang ginamit na batis bilang sila ang kabilin o mga isinubling bagay o mga bakas na iniwan ng mga Higaunon sa kasalukuyan.
Napatunayan ng pag-aaral na ito na ang mga oral na tradisyon na nakapaloob sa mga pook-pangalan ay makapaglalarawan ng pamumuhay ng sinaunang pamayanang Higaonun sa Iligan. Ang Kiwalan at Dalipuga ay kumakatawan sa mga gawaing pangangaso at pagpangayaw ng mga Higaunon. Ang Tambo at Mandulog naman ay naglalarawan sa pisikal na kaanyuan ng kanilang pamayanan at kapaligiran. At ang Tibanga, Hinaplanon at Bayug ay naglalahad ng paglinang at pagdepende ng pangkat-etniko sa kanilang kapaligiran bilang tugon sa kanilang pangunahing pangangailangan. Ang huli ay ang Rogongon na nagsasalaysay sa masalimuot na karanasan ng mga Higaunon sa pagdating ng mga mananakop. Ang pagkakaroon ng mga pangalan ng mga nabanggit na pook ay pagkilala sa kanilang kahalagahan sa pamumuhay ng mga Higaunon o may kaugnayan sa kanilang pamayanan.
Malinaw na ang mga pook-pangalan ay makahulugan at makabuluhan na makapag-aambag sa lokal na kaalaman tungkol sa sinaunang pamayanang Higaunon sa Iligan. Ang kondisyon ng mga Higaunon ay hindi tuwirang binabanggit ng mga kolonyal na batis, ngunit ang mga ito ay napalitaw sa pamamagitan ng mga pook-pangalang kabilin ng mga Higaunon.
Kaya naman, isinusulong ng pag-aaral na ito ang pangangalaga at pagsinop sa mga katutubong pook-pangalan sa Iligan, at sa buong bansa sa pangkalahatan, upang mapanatili ang kalinangan at kasaysayan na kanilang kinakatawan. Ang pagbabago sa mga matatanda o katutubong mga pangalan ng mga pook ay nangangahulugang pagbubura sa mga tanda at alaalang iniwan ng ating mga ninuno. Nararapat lamang na magpanday ng batas na magproprotekta sa mga ito.
Bilang pagtatapos, inirerekomenda ng papel na ito na pag-aralan pa ang iba pang mga pook-pangalan sa Iligan, at sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ang Iligan ay kilala bilang City of the Tri-People, kaya, ang pagtatampok sa iba pang mga pook-pangalan na halaw sa iba pang kultura ay isang paggunita at pagkilala sa iba pang pangkat na bumubuo sa kasaysayan at kalinangan ng lungsod. Mainam din na masiyasat ang iba pang kabilin ng mga Higaunon, maliban sa mga pook-pangalang tinalakay sa papel na ito, upang patuloy na mapasundayag at magunita sa kasalukuyan ang kanilang pamanang-bayan.
Sanggunian
Agoncillo, & Acut, P. (2012). Iligan before the Second World War (1900-1941). Iligan City Government Website. https://goo.gl/YeJXo9 (Retrieved February 14, 2018).
Alfonso, I. (2017). The state of Philippine toponymic heritage. In Pamanang Lokal: Essays on local heritage preservation (pp. xx-xx). KABANSA Publications.
Algeo, J., & Algeo, K. (2000). Onomastics as an interdisciplinary study. Names, 48(3-4), 265-274.
Almario, M. J. (2013). Ethnohistory of Iligan City through its old place names interpreted based on the Higaunon context (Master’s thesis). Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, Lanao del Norte, Philippines.
Azcuna, N. (2014). Urbanization of Iligan City (Master’s thesis). Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, Lanao del Norte, Philippines.
Baguio, D., Dizon, R., & Flores, L. (2010). The trilingual cultural dictionary. Iligan: Office of the Vice Chancellor for Research and Extension, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology.
Barber, R. J., & Berdan, F. F. (1998). The emperor’s mirror: Understanding cultures through primary sources. The University of Arizona Press.
Bernad, M. (1968). Father Ducos and the Muslim wars: 1752-1759. Philippine Studies, 16(4), 690-728.
Brown, W. H. (1919). Philippine fiber plants. Bureau of Printing.
Enderes, L. B. (2012). Japanese occupation in Iligan City (1942-1945). Iligan City Government Website. https://goo.gl/YeJXo9 (Retrieved November 10, 2018).
Cuntu, A. (2013a). Interview with Alvin Cuntu (45 years old, Higaunon from the lineage of baylan and datu of Barangay Rogongon) by Marjorie Joy Almario-Magdadaro. Kiwalan, Iligan City, Lanao del Norte, Philippines, October 5.
Daug, A. (2012). DODO: Glimpses of the life of Kag. Genubio M. Daug of Barangay Dalipuga, Iligan City (1948-2008) (Master’s thesis). Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, Lanao del Norte, Philippines.
De Jesus, L. (1681). The Recollect missions, 1625-40. In E. H. Blair & J. A. Robertson (Eds.), The Philippine Islands, 1493-1898; Volume XXXV (pp. 59-113). The Arthur and Clark Company.
De la Cava, A. (1876). Historia, geografica, geologica y estadistica de Filipinas. Imp. De Ramirez y Giraudier.
Echor, M., & Mata, H. (1999). Tense inflection in the Higaunon language (Bachelor’s thesis). Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, Lanao del Norte, Philippines.
Elkins, R. (1968). Manobo-English dictionary. Oceanic Linguistics Special Publications, 3, 1-36. http://www.jstor.org/stable/20019117 (Retrieved November 9, 2018).
Hamm, D. (1980). Spanish military and spiritual aggression in Northern Mindanao, 1596-1768. Dansalan Quarterly, 1(3), 169-178.
Helleland, B. (2012). Place names and identities. Names and Identities, Oslo Studies in Language, 4(2), 95-116.
Iligan City Government. (2012). City profile. Iligan City Government Website. https://goo.gl/A4nxXc (Retrieved February 14, 2018).
Iligan City Planning & Development Office. (2013). Administrative boundary map. Manuscript, Iligan City Planning & Development Office, Lanao del Norte, Philippines.
Jamboy, E. (1985). The resistance movement in Lanao, 1942-1945. OVCRE, MSU-IIT.
Jocano, F. L. (1994). Problems and methods in the study of Philippine indigenous ethnic culture. Asian Center, University of the Philippines-Diliman.
Medina, C. (2008). The Higaunon’s beliefs, rituals, and leadership in claiming ancestral domain. St. Paul University Quezon City Journal, 2(1), 67-97.
Medina, I. (1992). Some problems confronting place name research in the Philippines. The Journal of History, 36-37(1-2).
Montero y Vidal, J. (1888). Historia de la piratería Malayo-Mahometana en Mindanao: Jolo y Borneo. Imprenta y Fundicion de Manuel Tello.
Morano, L. D. P. (2013). Interview with Lito Datu Palagnao Morano (44 years old, Higaunon datu from Barangay Rogongon) by Marjorie Joy Almario-Magdadaro. Kiwalan, Iligan City, Lanao del Norte, Philippines, October 4.
Navidad, E. (1995). Diyandi: Alaala ng kahapon, panaad sa kasalukuyan at larawan ng tunggalian (Master’s thesis). University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Paredes, O. (2000). Discriminating native traditions among the Mindanao Lumad. In C. Macdonald & G. Pesigan (Eds.), Old ties and solidarities: Studies on Philippine communities (pp. xx-xx). Ateneo de Manila University Press.
Philippine Statistics Authority (PSA). (2015). Population of Region X – Northern Mindanao (Based on the 2015 Census of Population). https://goo.gl/NYSPwy (Retrieved February 13, 2018).
Rodil, R. (2003). A story of Mindanao in question and answer. MINCODE.
Salgado, G. (2012). Iligan: A history of the phenomenal growth of an industrial city (1950-1980). Iligan City Government Website. https://goo.gl/1pDMMM (Retrieved February 14, 2018).
Sangcoan, E. (2013a). Interview with Eladio Sangcoan (65 years old, Higaunon baylan from Barangay Rogongon) by Marjorie Joy Almario-Magdadaro. Rogongon, Iligan City, Lanao del Norte, Philippines, September 15.
Tangian, M. C. (2011). The Higaunon farm shifting cultivation and its ritual practices at Rogongon, Lanao del Norte. Mindanao Forum, 24(1), 99-119.
Tangian, M. C. (2010). Yligan como pueblo, 1838-1898. Mindanao Forum, 23(2), 23-49.
Vansina, J. (1985). Oral tradition as history. The University of Wisconsin Press.
Villan, V. C. (2017). Kahulugan, larangan at kabuluhan: Ang panubliong bahandi ng pangkat-etnikong Bisaya sa pag-aaral ng mga pamanang bayan sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 6(1), 272-299.

