Alicia C. Esguerra
Bulacan State University
How to Cite:
Esguerra, A. C. (2024). Ang Singkaban bilang pamanang bayan ng lalawigan ng Bulacan: Tuon sa pampamahalaan at pansibikong larangan. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 3(1), 29–55.
Abstrak
Ang singkaban bilang pamanang bayan ay nagpapakita ng katutubong kaugalian ng mga Pilipino. Mula sa malikhaing paggawa ng mga arkong kawayan na ipinapalamuti sa mga lansangan, plaza, simbahan, at gusaling pampamahalaan tuwing may pambayang pagdiriwang. Ang singkaban ay nagsasalamin din ng higit na malalim na danas at pakahulugan ng kultura at kaugalian ng mga katagalugan sa lalawigan ng Bulacan sa Gitnang Kapatagang Luzon.
Layunin ng papel na ito na una, alamin ang kahulugan ng singkaban bilang sining-bayan sa lalawigan ng Bulacan; talakayin kung paanong ang singkaban bilang pagtatanghal-bayan ay magagamit sa pag-unawa ng kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog; at suriin ang praktikang kultural ng singkaban bilang sining-bayan sa lipunanang Bulakenyo kaugnay sa pag-unawa ng umiiral na kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog. Nakatuon ang pag-aaral sa pampamahalaan at pansibikong larangan. Naisakatuparan ang mga layuning ito sa pamamagitan ng pag-hahalungkat ng mga batis mula sa mga nalikhang sining, panitikan, kuwentong-bayan, nobela, diccionario at vocabulario, maging ng mga sekundaryang lathalain na nagtataglay ng impormasyon, pakahulugan, kahalagahan at pagiging bahagi ng singkaban sa kultura at kakanyahan ng mga Bulakenyo. Ginamit din ang digital ethnography bilang metodo sa paglikom ng mga impormasyon mula sa mga virtual na panayam, dokumentaryo, at mga artikulo mula sa social media tulad ng Facebook at blogs. Inaasahan na higit na maunawaan ang singkaban bilang katutubong kaugalian at pamanang bayan na maipagmamalaki hindi lamang ng mga Bulakenyo ngunit maging ng sambayanang Pilipino.
Mga Susing Salita: Pamanang-bayan, Sining-bayan, Sinaunang sining, Likhang-bayan, Singkaban, Pamanang Lahi
Panimula
May malalim na kaugatan sa kulturang Pilipino ang konsepto ng pamana. Sa katunayan, sa iba’t ibang panig ng bansa ay buhay ang kaisipang ito bagama’t iba’t iba ang katawagan ayon sa salitang gamit sa isang pamayanan. Halimbawa, ang Tagalog na salitang pamana ay katumbas ng salitang tawid sa rehiyon ng Ilokos, kabilin sa parteng Visayas, at fusaka sa Mindanao (Villan 2020). Iba’t iba man ang ginamit na mga salita ngunit iisa ang lamang ang kahulugan: pagsasalin, paglilipat sa iba, pagpapasa, pag-subli, pamana. Sa naunang pag-aaral ni Villan (2017), kaniyang dinalumat ang konsepto ng pamana na mahihinuha mula sa mga taal na mga salitang subli, panublion, at surundon. Ayon pa sa kaniya, ang subli ay tumutukoy sa ipinahiram na obligasyon na syang nagiging tulay at daluyan ng pagsasalubungan ng ugnayan sa pagitan ng nakaraan at ng kasalukuyan (Villan 2017). Idinagdag pa niya na ang subli ay maaaring tumukoy sa nga nakikita/nahahawakan o di nakikita/di nahahawakan na mga pamana ng ating mga ninuno (Villan 2017). Ito rin aniya ang katagang pinagmulan ng pangkulturang konsepto na panublion na tumutukoy naman sa pamana o mga bagay na iniwan ng lumisan, gaya ng mga kaloob, kakayahan, paniniwala, mga gawi at tradisyon na naipapasa mula sa lumipas na panahon, tungo sa kasalukuyan at maging sa hinaharap.
Mahihinuha na ang konsepto ng subli at panublion ay tumutukoy sa kabuuan ng pamanang-lahi na nagtataglay ng gunitang-bayan, mga alaala, rekoleksyon at mga guning- diwa na nakahabi sa mga saysay, salaysay, kuwento, saloobin, at mga kapahayagang sumasariwa sa mga halagahing panlipunan na mahalaga sa pag- iral, pagbubuklod at pagkakaisa ng mga mamamayan sa pamayanan at lipunan. Ang mga pamanang lahing ito ay tumutukoy din sa mga pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksyon na siya namang pinagmumulan ng mga panlipunang proseso na sumasalamin sa damdaming bayan, kaloobang bayan, at diwang bayan na nagbubunga ng paglilingkod sa bayan. Bukod pa rito, may pananagutan ang pinamanahan sapagkat sa diwa ng subli, ang pamana ay pahiram lamang. Ang tao o mga tao sa isang lipunan na pinagsalinan ng mga pamanang-bayan ay may gampanin, pananagutan at katungkulan na dapat ingatan, alagaan, tangkilikin at pagyamanin ang mga subli o pamana upang ito ay maitawid mula sa nakalipas patungo sa hinaharap ng sa gayon ay magkaroon ng pagpapatuloy hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Ganiyan din ang depinisyong ibinigay ng National Commission of Culture and the Arts (NCCA) patungkol sa pamanang bayan. Ayon sa NCCA (2013), ang pamanang-bayan ay tumutukoy sa kabuuan ng mga pangkalinangang likha at pagmamay-ari ng mga Pilipino, na pinagyaman at iningatan mula pa sa panahon ng ating mga ninuno at ipinapasa sa mga susunod na salin-lahi upang magpatuloy at maingatang hindi mawaglit sa kamalayan at gunita ng bayan. Ito ay nahahati sa tangible o nahahawakan/ nakikitang uri, at intangible o di-nahahawakan/ di nakikitang uri ng pamanang pangkalinangan. Kabilang sa una ang mga ekspresibong likhang sining gaya ng eskultura, pinintang larawan, potograpiya, mga kasuotan, muwebles, alahas, bahay at iba pang artifacts na nalikha buhat sa mayamang hiraya at pagkamalikhain ng mga Pilipino. Ang mga intangible o di- nahahawakan na mga pamanang bayan naman ay tumutukoy sa mga tradisyon, paniniwala, kasanayan at kagawian, at ang pagsasalarawan nito tulad ng sayaw at pagtatanghal, paglalahad ng mga damdamin sa pamamagitan ng awit, tula, balagtasan, at iba pa. Tumutukoy rin ito sa mga kaalaman gaya ng pagluluto, mga ritwal, mga laro, at mga tradisyonal na paraan sa paglikha ng mga kagamitan, at iba pang uri ng mga praktikang sining na ginagamit sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa isang partikular na pook.
Sa kabilang banda, ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ay may inilabas na sariling depinisyon ng pamana. Ayon sa depinisyon:
“Ang pamanang pang-kalinangan ay tumutukoy sa mga kasangkapan o artifacts, kagamitan, mga gusali, monumento, museo at mga pook na nagpapakita ng kasaysayan, sining, at mga panlipunang halagahin, kasama ang mga pang-estetiko, etnolohikal, antropolohikal, at pang-agham na may kaugnayan sa isang partikular na lipunan. Kabilang sa mga ito ang mga nakikita at di-nakikita, at mga nahahawakan at di-nahahawakang pamanang nakaukit sa kalinangan ng mga tao sa isang komunidad.” (UNESCO 2009; malayang salin sa Filipino ng may-akda mula sa orihinal na ginamit na wikang Ingles.)
Masasabing mababaw o superpisyal lamang ang depinisyong bigay ng UNESCO, na bagama’t malaki ang sakop ng kategorya ng pamana na nagbubuklod sa malawak na kategoryang panlipunang kasaysayan, sining, estetiko, etnolohikal, antropolohikal at agham, ay tumutukoy lamang sa mga panlipunang halagahin. Sa pagdalumat ni Villan ng konsepto ng subli at panublion na unang binalutbot ng mga Kastila at Amerikanong misyonero sa Pilipinas noong ika-18 hanggang ika-20 dantaon, mapagtatanto na sa kamalayang Pilipino ay may higit na malalim na halaga at kaisipan ang pamana. Ito ay hindi lamang tumutukoy sa mga bagay na ipinamana ngunit kakikitaan din ng pagpapahalaga at responsibilidad na pagyamanin at ipasa sa susunod na salin-lahi upang magpatuloy ang kaalaman at kamalayang pambayan.
Samakatuwid baga, ang mga pamanang-bayan ay mabisang hugpungan sa pagkatanto at pag-unawa sa kaisipan, damdamin, halagahin at pananaw sa buhay ng mga taong naninirahan sa isang komunidad. Ayon kay Villan (2020), ang pamanang-bayan ay bukal na maaaring pagsalukan ng higit pang kaalaman na hindi nakatali sa metodo at kaisapang dayuhan. Sa mga pamanang-bayan higit na mauunawaan ang tunay na pagkaka-kilanlan at identidad ng mga tao at mga kalakarang panlipunan. Mayamang repositoryo ito na naglalaman ng mga gunitang-bayan na sumasalamin sa katauhan ng mga Pilipino.
Mga Katanungan, Layunin, Metodo at Batis ng Pag-aaral
Sa papel na ito ay tatalakayin kung paanong ang singkaban bilang sining-bayan sa lalawigan ng Bulacan ay susi sa pag-unawa ng kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog sa Gitnang Kapatagang Luzon. Tatangkaing sagutin ang mga sumusunod na mga ispisipikong katanungan:
- Ano ang sining-bayan at maipapaloob ba rito ang singkaban ng lalawigan ng Bulacan?
- Paanong ang singkaban bilang sining-bayan ay magagamit sa pag-unawa ng kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog sa Gitnang Kapatagang Luzon?
- Bakit mahalagang suriin ang singkaban bilang sining-bayan sa lipunang Bulakenyo kaugnay sa pag-unawa ng kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog sa Gitnang Kapatagang Luzon?
Upang tugunan ang mga nabanggit na mga ispisipikong katanungan, matutunghayan naman sa ibaba ang mga tiyak na layunin ng pag-aaral:
- Mapag-alaman ang kahulugan ng sining-bayan at kung nakapaloob ba rito ang singkaban ng lalawigan ng Bulacan;
- Talakayin kung paano ang singkaban bilang sining- bayan ay magagamit sa pag-unawa ng kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog sa Gitnang Kapatagang Luzon; at
- Suriin ang praktikang kultura ng singkaban bilang sining-bayan sa lipunang Bulakenyo kaugnay sa pag-unawa ng umiiral na kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog sa Gitnang Kapatagang Luzon.
Ang mananaliksik ay gumamit ng metodong etnograpiyang digital o digital ethnography sa pagkalap ng mga impormasyong makakatulong sa pagtalakay ng tema ng papel. Ang etnograpiyang digital ay bagong umuusbong na kaparaanan sa etnograpiya na ang layon ay dalumatin ang mga penomenong dulot ng makabagong paraan ng pakikipagtalastasan gamit ang teknolohiya (Kaur- Gill at Dutta 2017) partikular na ang mga tinatawag ngayong social media platforms. Ang social media sites gaya ng Facebook at YouTube ay mga makabagong espasyo kung saan malayang nakakapag-usap ang mga tao at kung saan ang impormasyon ay ibinabahagi nang walang bayad ng mga lumilikha ng mga kaalaman o ang mga tinatawag na content creators. Ang mga espasyong ito ay nagsisilbing platform upang makapag-palitan ng kaalaman, maitanghal ang mga kalinangan at higit na mapayabong ang katauhan, paniniwala at pakikipag- kapwa (Kaur- Gill at Dutta 2017). Ang mga ito ay mayamang batis ng mga kaalaman na maaaring gamitin upang higit na mapalawak ang diskurso ng singkaban.
Ang mananaliksik ay naghanap ng, at sumali sa mga Facebook Group na may kinalaman sa kalinangan sa lalawigan ng Bulacan, at mga Facebook page na may kinalaman sa singkaban. Sinundan ang talakayan ng mga miyembro, ang mga post at mga komento. Mula rito ay natunton ang iba pang mga taong sa tingin ay makakapag- dagdag ng impormasyong hinahanap. Ito rin ang naging paraan upang sila ay makilala, makausap at makapanayam upang higit na maunawaan ang mga pananaw at saloobin tungkol sa kalinangan ng Bulakan sa pangkalahatan, at partikular na sa singkaban. Bukod pa rito ay naging mayamang batis din ang mga lumang Facebook post at mga artikulo sa dyaryo na nakalathala online tungkol sa Singkaban Festival ng Bulacan. Nakatulong din ang mga lumang sipi ng programa sa pagdiriwang ng Singkaban, mga larawan at mga tala ng pulong ng mga komite para sa festival na ito na matatagpuan sa Panglalawigang Aklatan ng Bulacan.
Maliban sa pagkuha ng impormasyon mula sa World Wide Web partikular na sa social media at blogs, nagkaroon din ng personal na panayam sa isang masasabing paham ng kalinangang Bulakenyo. Bukod dito ay nagkaroon din ng virtual na komunikasyon sa mga informant na hiningian ng mga dagdag na impormasyon, bagama’t ito ay sa pamamagitan lamang ng sulatroniko at chat. Pinagkuhanan din ng mahalagang mga impormasyon ang mga dokumentaryo na mapapanood sa YouTube. Ang mga datos na nakalap mula sa mga ginawang personal na panayam, at virtual na pakikipagtalastasan sa ilang manggagawang pang kultura at mga may hilig sa kultura mula sa Malolos, Marilao, Paombong, at Hagonoy ay naging mayamang impormasyon para sa papel na ito. Nakatulong din nang malaki ang mga dokumentaryo tungkol sa singkaban kung saan ay kinapanayam ang mga anak at apo ni Mang Kiko na siyang unang nagpalaganap- pangkomersyo sa paggawa ng singkaban kung kaya’t ito ay masasabi na ring industriya at kabuhayan sa bayan ng Hagonoy.
Sa papel na ito, ang pagtatampok sa singkaban ay nakatuon lamang sa (1) pansibikong larangan – ang pagpapayabong ng singkaban sa kalipunan ng mga tagapangalaga at tagapagtaguyod nito; at (2) pampamahalaan – ang mga pagdiriwang na inilulunsad ng pamahalaan na may kinalaman sa pagsusulong ng singkaban.
Balangkas na Teoretikal sa Pag-aaral
Ginamit sa pag-aaral na ito ang balangkas teoretikal na epistemolohiyang panlipunan (EP) na halaw sa sinulat ni Vicente Villan (2020). Ang EP ay isang larang sa pilosopiya na magagamit sa pagsisiyasat sa kontekstong panlipunan upang makatuklas ng bagong kaalaman sa pag-unawa sa lipunan at makalikha ng bagong kaalaman (Villan 2020). Makikita sa larawan (Pigura 1) na ang epistemolohiyang panlipunan ay nakaangkla mula sa kalinangan at kasaysayan na siya namang pinanggagalingan ng pamanang lahi na makikita sa mga ekspresibong kultura gaya ng sining-biswal, tradisyong oral o nakasulat, at mga pagtatanghal (Villan, 2020). Dagdag pa niya na ang iba’t ibang uri ng pamanang lahi ay mayamang batis na maaaring pagsalukan ng mga bagong kaalaman at pag-unawa sa mga kalakarang panlipunan (2020).
PIGURA 1
Balangkas ng Epistemolohiyang Panlipunan

Pinanggalingan: Villan, V.C. (2020). Gunitang bayan at salaysaying bayan: ang pamanang- lahi sa pag-unawa ng kalakarang panlipunan at produksiyong pangka-alaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, Tomo 5.
Ang Kahalagahan ng Kawayan sa Lipunang Pilipino
May iba’t ibang praktikal na gamit din sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino ang kawayan. Karaniwan itong ginagawang poste, hagdan, dingding, at sahig ng bahay-kubo, ang tradisyonal na tirahan ng ating mga ninuno. Sa loob ng bahay ay makikita ang mga tradisyonal na gamit na gawa sa kawayan gaya ng baso, sandok at tabo, na madalas ay makikita sa mga banggerahan na yari rin sa kawayan. Ito ay ginagamit din bilang panggatong sa pagluluto ng pagkain tulad ng ginulay na labong na mula sa usbong ng kawayan. Sa labas ng bahay ay makikita ang kawayan na ginagawang bakod, o dili kaya ay balag na ginagapangan ng mga halaman at mga tanim na gulay. Mahalagang bagay din ang gampanin ng kawayan sa pangkabuhayan ng mga Pilipino. Karaniwang gamit ito ng mga mangingisda sa paggawa ng baklad at balsa; ginagamit ito bilang busog, pana at sibat sa panghuhuli ng mga maiilap na hayop sa kagubatan. Ginagamit ding itong materyales sa paggawa ng araro at karetela na hinihila ng kalabaw na tunay na mahalaga para sa mga mambubukid na karaniwan ay namamahinga sa lilim ng mga kawayan sa kaiinitan ng araw.
Tayong mga Pilipino ay may itinuturing na tradisyonal na sayaw na tinatawag na tinikling kung saan ang mga mananayaw ay mahusay na lumulukso sa pagitan ng pinag-uumpugang mga kawayan. Bukod dito ay ang mga sayaw na singkil sa Maranao at subli sa Batangas na ang pangunahing instrumento ay kawayan (Ramirez, 1996). Mayroon ding tradisyonal na laro ang mga Pilipino na tinatawag na palo-sebo kung saan ang mga kalahok, kadalasan ay mga kabataan, ay nagpapagalingan upang akyatin ang banderitas na nasa tuktok ng nakatayong kawayan na pinahiran ng langis ng niyog ang katawan upang maging madulas at mahirap akyatin liban sa mga buo ang loob at maabilidad upang makamit ang premyong naghihintay sa itaas. Sa mga piging ay bahagi ang paghahain ng lechon kung saan ang kinatay na baboy o baka ay niluluto ng dahan-dahan sa mainit na baga habang nakatuhog sa kawayan. Sa isang imbentaryo ng mga katutubong instrumentong pang-musika, nabanggit ni Manuel (1976) ang ilang mga instrumentong yari sa kawayan na ginagamit ng ating mga katutubo. Ilan sa mga halimbawa ay ang ufit at kulibet na hawig sa gitara na ginagamit ng mga Kalinga. Ang mga Negrito ng Bataan at Zambales ay may tinatawag na barimbo, isang uri ng plauta, at tabungbung na nahahawig sa gitara. Ang mga Bukidnon ay may instrumentong tinatawag na tangkol na yari din sa kawayan at nahahawig din sa gitara. Maaaring ibilang din dito ang tanyag na organ na yari sa kawayan sa Las Piñas.
Tunay na ang kawayan, bagama’t isang uri ng damo lamang, ngunit gaya ng puno ng niyog, ay masasabing biyayang kaloob ng langit para sa ating mga Pilipino. Mahalaga ang papel ng kawayan sa buhay ng mga Pilipino kung kaya’t bahagi rin ito maging sa mga awiting-bayan at kundiman gaya ng Lawiswis Kawayan. Maging sa pilosopikal na pananaw at halagahin ng mga Pilipino ay bida rin ang kawayan. Tulad halimbawa ng pangaral ng ating mga magulang na ano mang estado sa buhay ang marating, dapat ay manatiling mapagpakumbaba, gaya ng kawayan na habang ito ay tumatayog ay lalong yumuyuko at nagpapakumbaba. Ang kakayahan ng kawayan na sumabay sa ihip ng hangin, ano mang lakas nito, ang siyang nagpapatatag upang manatili itong nakatayo sa kabila ng mga bagyo at unos na dumarating. Ito ay positibong pagtingin sa buhay na sa kabila ng ano mang sigwa, kailangang matuto tayong sumabay sa hamon ng buhay.
Sa lalawigan ng Bulacan ay may dalawang bayan na ang pangalan ay halaw sa kawayan, ang Meycauayan at ang Bocaue. Ang Meycauayan ay literal na nangangahulugang “may kawayan” na nagpapahiwatig sa presensya ng mga kawayan sa bayang ito. Ayon sa kuwentong-bayan na inilahad ni Alfredo German (1992), noong unang panahon diumano ay may dalawang pinuno, sina Sultan Yantok at Raja Sugod. Si Sultan Yantok ay malupit na pinuno samantalang si Raja Sugod ay mapagmahal sa kanyang mga nasasakupan. Isang araw ay hinamon daw ni Sultan Yantok si Raja Sugod sa isang labanan upang patunayan kung sino ang higit na mahusay na pinuno. Bagama’t ayaw ay napilitang tanggapin ni Raja Sugod ang hamon. Nang makita ni Raja Sugod na marami na sa kanyang mga kawal ang nalupig sa labanan, ipinasya niyang magtago siya at ang kanyang mga kawal sa may kawayanan. Walang matanaw ang kanilang mga kaaway. Napilitang pasukin ng mga kawal ni Sultan Yantok ang mga makakapal na kawayanan subalit sila ay nabigo at sa halip ay nagkasugat-sugat ang kanilang mga katawan dahil sa mga matitinik na sanga ng mga kawayan. Dahil dito, naligtas ang buhay ni Raja Sugod at ng kanyang mga kawal at di na sila muling ginambala ng kalabang Sultan. Simula noon, ang lugar na maraming kawayan ay tinawag na May Kawayan at ng lumaon ay naging Meycauayan. Bagama’t madalang na ang mga kawayan sa ngayon, nananatili sa gunita ng mga Meycauayenyo ang kawayan na siyang pinanggalingan ng pangalan ng kanilang bayan.
Ang bayan naman ng Bocaue ay nagmula sa isang uri ng kawayan na tinatawag na bokawe. Ito ay isang uri ng kawayan na maliit ngunit matibay. Gayon na lamang ang pagkilala ng bayan ng Bokawe sa uri ng kawayang pinanggalingan ng pangalan nito kung kaya’t maging ang himno ng bayan ay may pamagat na Kawayang Bokawe na sinulat at nilapatan ng himig ni G. Justino S. David Jr., isang kompositor na tubong-Bocaue, noong 1977 (German 1992). Tunay na mahalaga ang mga kawayan sa lalawigan ng Bulacan kung kaya’t maging sa tatak ng lalawigan (provincial seal) ay binigyang pugay ang kawayan. Makikita sa larawan (Larawan 1) ang selyo na inilunsad noong 1959 ng dating Bureau of Post na ngayon ay mas kilala sa tawag na Philippine Postal Corporation. Sa gitna ng selyo ay makikita ang limang kawayan na tila hugis kalasag. Sa loob ng kalasag ay makikita ang tatlong mahahalagang lugar sa kasaysayan ng Bulacan: ang mga bulubundukin ng Kakarong de Sili sa Pandi at ng Biak na Bato sa San Miguel kung saan inilunsad ang Una at Ikalawang Republika sa Bulacan. Sa gitnang bahagi ay makikita ang Simbahan ng Barasoain kung saan pinasinayaan ang Konstitusyon ng Malolos at siyang naging luklukan ng kapangyarihan ng Unang Republika. Sa ilalim na bahagi ay ang tatlong bulaklak ng sampagita na sumisimbulo sa tatlong Republika na naitatag sa Bulacan: ang Republika ng Kakarong sa Pandi, Republika ng Malolos, at ang Republika ng Biak- na-Bato sa San Miguel. Ayon sa bagong Provincial Administrative Code ng Bulacan o NEPAC (2007), ang mga kawayang nasa selyo ay ang mga “Kawayang Bocaue” o kilala rin bilang “kawayang bansot” na siyang ginawang mga sandatang sibat at lanseta ng mga Katipunerong Bulakenyo laban sa mga Espanyol noong panahon ng Digmaang Pilipino laban sa Espanya. Ang mga kawayang ito ay sumasagisag din sa katatagan ng mga Bulakenyo (NEPAC, 2007).

LARAWAN 1
Selyo ng Lalawigan ng Bulacan, 1959
Pinanggalingan: Philcovex (2013). 1959 Bulacan Province Seal http://philphilately. blogspot.com/2013 /01/1959-bulacan-province-seal.html
Ganoon kalaganap ang mga kawayan sa buong lalawigan kung kaya’t ito ay naging bahagi na ng pang araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan. Bukod sa mga nabanggit sa itaas na gamit at saysay ng kawayan, ito rin ay naging ekspresyon ng sining at kalinangan sa lalawigan, na masasabing isang tunay na pamanang bayan.
Mula sa malikhaing kaisipan at mahusay na mga kamay ng ating mga ninuno ay nakalikha ng gawang sining mula sa mga pangkaraniwang puno ng kawayan. Ito ay ang singkaban. Ang singkaban ay tumutukoy sa malikhaing paggawa ng mga kinayas na arkong kawayan na ipinapalamuti sa mga lansangan, plaza, simbahan, at gusaling pampamahalaan tuwing may pambayang okasyon o dili kaya ay kapag may espesyal na okasyon katulad ng pagbisita ng mga mahahalagang tao kaalinsabay ng paggunita sa isang makasaysayang kaganapang pambayan.
Ang Singkaban Bilang Sining-Bayan sa Lalawigan ng Bulacan
Ang singkaban ay tumutukoy sa sining-bayan na pagkakayas ng mga arkong kawayan (singkaban) upang makalikha ng mga palamuti at dekorasyon. Ang mga unang tala tungkol sa singkaban ay matatagpuan sa talasalitaan nina Padre Juan Noceda at Padre Pedro de San Lucar (1754). Ang “sincaban” ay may katumbas na pariralang “labores en las cañas” sa wikang Espanyol. Ayon naman kay Pedro Serrano Laktaw (1914), ang singkaban sa wikang Kastila ay “pagoda de caña” at “arco de caña” na may katumbas na kahulugan sa wikang Pilipino na pagoda o arko na yari sa kawayan. Ito ay tulad ng depinisyong ibinigay ng dalawang prayle sa kanilang vocabulario (Noceda at San Lucar, 1754). Ipinapakita sa dalawang salin sa wikang Kastila (Noceda at San Lucar, 1754; at Laktaw, 1914) na walang katumbas na iisang salita sa wikang Kastila ang salitang singkaban. Dahil dito ay maaaring masabi na ang salitang ito ay isang taal na salitang Tagalog. Interesanteng malaman din na ayon kay Laktaw (1914), ang singkaban ay kasing-kahulugan ng mga salitang bunkal, pagbunkal, bunkalin, halunkat, halukay, halughog, kalkal, unkat at balutbot o escrudinar sa wikang Kastila, at scrutinize sa wikang Ingles. Ang mga salitang bunkal, pagbunkal at bunkalin ay karaniwang tumutukoy sa gawain ng mga magsasaka na pagbunkal ng lupa upang ito ay tamnan. Sa kabilang dako naman, ang mga salitang halunkat, halukay, halughog at kalkal ay tumutukoy sa paghahanap o paghahagilap ng nawawalang bagay o kagamitan. At sa huli, ang mga salitang unkat at balutbot ay may kinalaman sa gawaing pang- kaisipan tulad ng pag-unkat ng kasaysayan at pagbalutbot ng mga sitwasyon o kaganapan upang lubos na maunawaan. Sa halimbawa na ibinigay ni Pedro Serrano Laktaw sa kanyang diksyonaryo, ginamit nya ang pariralang Kastila na “revolver en la mente” na may salin sa wikang Ingles na “stir in the mind”. Samakatuwid, maaari nating sabihin na ang taal na pakahulugan ng mga sinaunang Pilipino sa salitang singkaban ay may kinalaman sa pagsasaliksik, pag-uungkat, o pagbubungkal ng kaalaman (Martin, 2022).
Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa bansa, ang singkaban bilang kalinangan sa paggawa ng mga dekorasyong gamit ang kawayan ay isinangkap sa mga pagdiriwang ng simbahang Katoliko. Sa Kabanata XXVII na pinamagatang La Vispera de la Fiesta o Ang Bisperas ng Kapistahan, sa nobelang Noli Me Tangere na likha ng ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal (1887), ay nakasulat ang mga ganitong tala:
En las calles, de trecho en trecho, se levantan caprichosos arcos de caña labrada de mil maneras, llamados sinkaban, rodeados de kaluskus…
Ito ay isinalin ni Pascual Poblete (1909) sa wikang Tagalog:
Nangangatayo sa mga daan, sa layong halos nagcacatuladtulad, ng maiinam na mga arcong cawayang binurdahan sa libolibong paraang tinatawag na sincaban, at naliliguid ng mga caluscus…
At sa makabagong salin sa wikang Filipino:
Naka-tirik sa mga lansangan ang mga arkong kawayan na pinalamutian ng mga kulot-kulot na kinayas na kawayan na kung tawagin ay kaluskos o singkaban.
Sa paliwanag ni Lacson-Locsin (1996), ang kaluskos ay mga kinayas na balat ng kawayan na pinanatiling nakakabit na tila mga kulot na palamuting nakapalibot sa mga bumbong nito na siyang nagbibigay rikit at sining sa mga poste ng singkaban o arkong kawayan. Bukod sa mga kaluskus na nakapalibot, ay may iba pang mga palamuting ikinakabit sa arko tulad halimbawa ng mga dahon ng anahaw, mga sariwang bulaklak, palapa ng saging at mga dahon ng niyog na nilagyan ng artisitikong disenyo na nakakapag-paganda sa isang simple at payak na kawayan.
Sa mga siniping tala na halaw sa nobela, makikita na ang konsepto ng singkaban ay buhay na buhay sa kulturang Pilipino maging noong ikalabing-walong daantaon gaya ng naitala (Noceda at San Lucar, 1754). Katulad ng paglalarawan sa nobela, mahihinuha na ang singkaban ay arkong kawayan na itinatayo sa magkabilang bukana ng baryo, at sa pintuan ng patyo ng bisita bilang bahagi ng gayak ng isang nayon sa tuwing magdaraos ng pagdiriwang. Para sa pananaw ng mga Pilipino, ang singkaban ay hudyat ng pagsisimula ng masayang kaganapan na puno ng mga awitan sa saliw ng nakaaaliw na musika, pagpipiging, sayawan at halakhakang nakahahalina- mga tipikal na kaganapan sa mga pamayanan tuwing sumasapit ang panahon ng pagdiriwang.
Ang arkong kawayan ay ipinangsasalubong din sa mga pambayang panauhin at kadalasang makikita bilang dekorasyon sa harap ng gusali ng pamahalaang bayan. Ayon kay Corpus (2008), ang konsepto ng mga arkong kawayan ay nagmula sa Europa. Tulad halimbawa ng Arch of Constantine I sa Roma, Arc de Triomphe sa Pransya, at Arch de Triomf sa Espanya (La ComÈdie de Vanneau, 2020) kung saan ang Emperador at mga kawal na nagwagi sa digmaan ay ipinaparada sa kalsada upang itanghal at parangalan habang dumaraan sa ilalim ng mga Arko ng Tagumpay.
Nang pasinayaan ang Republica Filipina sa Malolos noong Enero 23, 1899, isang arko ng tagumpay rin ang itinindig sa harapan ng Casa Real, pagbaba ng Tulay ng Tampoy patungong Barasoain. Sa makasaysayang arkong ito dumaan ang mga Kinatawan ng Kongreso, mga sundalo at panauhin, at ang karwahe ni Hen. Emilio Aguinaldo na Pangulo ng Unang Republika. Naging tampok din ang pagdaan ng karosang may lulang dilag na sumisimbulo sa Inang Bayan (Corpus, 2008).
Nagkaroon din ng pagtatangkang magtayo ng Arkong Pang-alaala (Commemorative Arch) para sa pagtatapos ng Komonwelt sa Pilipinas. Ayon kay Alcazaren (2021), nagkaroon ng planong magpatayo ng Arkong Pang-alaala sa pangunguna ni Jorge B. Vargas, na noon ay pangulo ng Samahan ng mga Alumni ng Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines o UP) at ito naman ay sinuportahan hindi lamang ng komunidad ng UP kundi maging ni Pangulong Manuel
L. Quezon at ng Pambansang Asemblea. Noong Setyembre 5, 1938 ay nilagdaan ni Pangulong Quezon ang Batas Komonwelt Bilang 398 na nagpapatibay at sumusuporta sa panukalang ito. Ang Pambansang Alagad ng Sining na si Guillermo Estrella Tolentino (1890-1976) na alumni ng UP at tubong Malolos, ang siyang napiling mag-desenyo at bumuo ng arkong ito. Inilarawan ni Flores (2018) ang maquette o modelo ng arkong pang-alaala sa ganitong mga kataga:
“Sa sariling paliwanag ni Tolentino sa disenyo ng maquette ng arkong pang-alaala: ‘Ang iba’t ibang mga pigura ng mga tao na siyang bumubuhat sa arko ay naglalarawan ng bayanihan kung saan ang mga magkakapit-bahay ay tulung-tulong na bumubuhat sa bahay-kubo upang ito ay ilipat sa bagong kalalagyan nito. Gayon din naman, ang arkong ito ay sumasagisag sa bagong tatag na pamahalaan na sama samang binubuhat ng sambayanang Pilipino mula sa isang mabuway na lugar tungo sa isang permanente at matatag na pundasyon ng Republika ng Pilipinas. Bukod pa
sa bayanihan, ang arkong ito ay naglalarawan din sa ating tradisyonal na arkong kawayan na tinatawag na singkaban.’” (Flores 2018; akin ang salin).
Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, natigil ang pagpapatayo ng proyektong ito hanggang sa tuluyan nang nabaon sa limot at hindi na ito naisakatuparan pa. Ang maquette o modelo ng Commonwealth Commemorative Arch ay kasalukuyang nasa National Museum of Fine Arts sa Maynila bilang donasyon ng Security Bank, kasama ang ilan pang mga busto at likhang-sining ni Tolentino (Soliman 2022).
Ang pansibikong pagdiriwang ng singkaban sa panahong kasalukuyan
Taon-taon ay ipinagdiriwang sa lalawigan ng Bulacan ang Pista ng Singkaban (Singkaban Fiesta o Singkaban Festival) na itinuturing na “ina” ng mga Kapistahan sa Bulacan sapagkat ito ay ipinagdiriwang at nilalahukan ng lahat ng bayan ng lalawigan. Ito ay ginaganap mula ika- 8 hanggang ika-15 ng Setyembre na isang Pista Opisyal sa pag-alaala sa Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos na ginanap sa makasaysayang simbahan ng Barasoain noong Setyembre 15, 1898. Ayon kay Alfonso (2008), ang kasalukuyang Singkaban Festival ay nagsimula noong 1987 nang ito ay kilala pa bilang Linggo ng Bulacan. Ang pagdiriwang ng Linggo ng Bulacan ay panukala ni G. Benjamin Basilidez Bautista, na noon ay nanunungkulan bilang tagapagpaganap ng Bulacan Tourism Council. Layunin ng pagdiriwang na dakilain ang natatanging kasaysayan, kalinangan, at kalikasan ng lalawigan. Ayon naman kay G. Armando Sta. Ana (w.a., 2009), ang Singkaban Fiesta ay naging tema sa pagdiriwang ng Linggo ng Bulacan noong 1998 kasabay ng pagdiriwang ng ika-isandaang taon ng Kalayaan ng bansa.
Mula noong 2005, ay opisyal nang ginamit ang pamagat na Singkaban Fiesta bilang pangalan ng taunang pagdiriwang ng Linggo ng Bulacan sa buong lalawigan. Ang salitang singkaban sa titulong Singkaban Fiesta ay tumutukoy sa tatlong mga salita: “sining”, “kalinangan” at “Bulacan”. Ito ay base sa ideya ni G. Sta. Ana at ni G. Rene de los Reyes ng Kagawaran ng Turismo, sa tulong na rin nina Mel Aquino at Jo Clemente ng Bulacan Tourism Council, at ni Jaime Corpus ng Center for Bulacan Studies (Alfonso, 2008). Nangangahulugan na ipinagdiriwang at itinatanghal sa taunang panlalawigang pista na ito ang iba’t ibang mga sining at ekspresyon ng kalinangan sa lalawigan ng Bulacan. Kabilang sa mga taunang gawain tuwing Singkaban Fiesta ay ang pagtatanghal, pag-eksibit at workshop ng iba’t ibang mga katutubong sining sa Bulacan. Kasama rin sa pagdiriwang ang pagtatanghal ng iba’t ibang produktong ipinagmamalaki ng 24 na bayan, gaya ng kalutong Malolenyo, halamanan ng Guiginto, minasa ng Bustos at iba pang mga gawain at likhang sining na nagpapakita ng tradisyon, galing, pagkamalikhain, at kalinangan ng mga Bulakenyo. Subalit ang pinakatampok sa isang linggong pagdiriwang na ito ay ang Gawad Dangal Lipi, isang natatanging pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga natatanging mamamayan na nagpakita ng husay sa iba’t ibang larangan (Alfonso, 2008).
Manlilikha ng Singkaban sa Bulacan
Si Francisco Sebastian Eligio na kilala sa tawag na Mang Kiko, isang taal na taga-Hagonoy, ay kilala sa paggawa at pagtaguyod ng likhang sining na arkong kawayan na kung tawagin ay singkaban. Siya ay isinilang sa Santa Monica, Hagonoy, Bulacan noong ika- apat ng Disyembre 1925. Pang-apat siya sa walong mga anak nila Crispulo “Tata Pulo” Eligio at Rita Sebastian. Natutuhan ni Mang Kiko ang ganitong likhang sining sa kanyang ama. Kilala si Tata Pulo sa paggawa ng singkaban noong araw. Sa tuwing may mahahalagang pambayang pagdiriwang, lagi siyang naaanyayahan upang gumawa ng singkaban. Marami siyang naging anak pero isa lamang ang pinalad na makamana ng kanyang galing at husay sa paglikha ng singkaban.
Bata pa lamang si Mang Kiko ay kinakitaan na siya ng husay sa praktikang sining at paglikha ng mga kagamitan sa bahay tulad ng sandok mula sa bao ng niyog, salaan mula sa kawayan, palu-palo na yari sa kahoy at walis tingting mula sa dahon ng niyog (Corpus, 2022). Mula pagkabata, sa tuwing may mahahalagang kaganapan sa kanilang nayon, ay katulong siya ng kaniyang ama sa pagkayas ng kawayan para sa gagawing singkaban na siyang pangunahing palamuti na tampok sa pagdiriwang. Ayon sa kanya, kinagisnan na niya na ang mga nakatatanda ang pangunahing gumagawa ng singkaban (Corpus, 2022).
Patuloy na nahasa si Mang Kiko sa paggawa ng singkaban na hanggang siya ay nagkaroon na rin ng sariling pamilya ay siya na mismo ang gumagawa at sumasali sa mga patimpalak sa pagandahan ng likhang singkaban. Natuto rin siyang gumawa ng sarili at orihinal niyang mga disenyo ng singkaban. Ayon kay Mang Kiko, kahit siya ay nakahiga na upang matulog sa gabi o dili kaya ay kapag naalimpungatan sa madaling-araw ay agad siyang bumabangon upang iguhit ang disenyong biglang pumasok sa kanyang isip at imahinasyon (Corpus, 2022). Dahil sa husay at galing ni Mang Kiko sa paglikha ng magaganda at masinsin na mga singkaban, kinilala ang kanyang mga likhang singkaban at naitampok ito sa maraming okasyon tulad noong Philippine Centennial Independence Day Celebration noong 1998. Naitampok din ang mga likhang singkaban ni Mang Kiko sa Wow Philippines sa Intramuros noong 2001, ika-100 taon ng pagkakatatag ng Manila Hotel noong 2012, ika-100 taon ng pagkakatatag ng Unibersidad ng Pilipinas noong 2008, at tuwing sumasapit ang Linggo ng Bulacan (Corpus, 2022).
Dahil sa angking galing at husay ni Mang Kiko, umani sya ng iba’t ibang mga parangal bilang natatanging manlilikhang bayan ng ating bansa. Ilan sa mga parangal na kanyang nakamit ay mula sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, Kagawaran ng Turismo, Unibersidad ng Pilipinas, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, at Pamahalaang Bayan ng Hagonoy.
Nang pumanaw si Ka Kiko noong 2012 sa edad na 87, hindi naputol o huminto ang sining ng paggawa ng singkaban. Ang anak ni Mang Kiko na si Emiliano, at apo na si Jeffrey, ay ang ikatlo at ika-apat na henerasyon ng pamilya Eligio na nagpapatuloy sa paglikha ng matandang sining na ito. Sa isang panayam kay Mang Emil, nabanggit nya na ibinilin sa kaniya ng kaniyang ama na siya ang magpatuloy sa paggawa ng singkaban. Namana niya sa kanyang yumaong ama ang kahusayan at pagkamalikhain sa paggawa ng mga kaluskos at mga balukaykay na syang idinidisenyo sa mga arko upang lalong mapatingkad ang ganda nito. Ayon naman kay Jeffrey Eligio, bata pa lamang siya ay sumasama na siya tuwing may pagawaing singkaban sa kanilang bayan. Sa pamamagitan ng panonood sa mga artisan habang sila ay gumagawa, unti-unting natutuhan ni Jeffrey ang sining na ito at ito na ngayong ikinabubuhay ng kanyang pamilya. Ayon sa kaniya, ituturo niya rin sa kaniyang mga anak ang sining na ito upang patuloy na maitawid sa susunod na henerasyon ang pamanang- sining na ito ng kanilang mga ninuno.
Buhay din ang sining ng paggawa ng singkaban sa Lungsod ng Malolos na siyang kabisera ng lalawigan ng Bulacan, partikular sa mga baranggay ng Barihan, Santisima Trinidad at Pinagbakahan, tuwing sasapit ang kapistahan. Ayon kay Cunanan (2016), ang Malolos singkaban ay kakaiba sapagkat ito ay may kombinasyon ng puti at luntiang kulay na mula sa balat ng murang kawayan, kaya’t kung titingnan ay dalawang magkahalong kulay, puti at luntian, kumpara sa maputing singkaban ng Hagonoy. Simple rin ang disenyo nito, at walang gaanong palamuting balukaykay sa arko. Isa pang ipinagka-iba ng singkabang Malolos ay ang pinong pagkaka-kayas ng mga kaluskos ng kawayan na tinatawag na borlas yamuyam. Maging ang disenyo ng balantok ay kakaiba sapagkat ito ay paikot na parang spiral sa katawan ng kawayan. Bagama’t ang singkaban ay isang industriya na sa Hagonoy, kung saan ay inuupahan ang mga artisans doon upang gumawa ng arkong kawayan, sa Malolos ay nananatiling palusong ang kalakaran.
Si G. Pedro Dayao, ng Malolos ay isa sa mga nangunguna sa grupo ng mga nasa 20 kalalakihan na patuloy na gumagawa ng singkaban. Ayon sa kaniya ay natutuhan niya ang sining na ito mula sa kaniyang lolo, noong siya ay 18 taong gulang pa lamang. Ngayon, si Tata Pedro ay nasa higit 80 taong gulang na, ipinagpapatuloy pa rin niya ang tradisyon na nagsimulan mahigit isang daang taon na ang nakakalipas. Patuloy siya sa paglikha ng singkaban at sa pagtuturo nito sa mga kabataan upang matiyak na magpapatuloy pa rin ang sining na ito sa mga susunod pang henerasyon ng mga Malolenyo.
Singkaban: Pag-Unawa ng Kulturang Panlipunan at Kakanyahang Tagalog
Sa bahaging ito ay hihimayin ang kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog na nakapaloob sa konsepto ng singkaban (tingnan ang Talahanayan 1). Nagmula ang mga ideyang ito sa mga nakalap na paglalarawan patungkol sa singkaban mula sa mga panayam na virtual, dokumentaryo, Facebook posts, aklat at magasin. Hinati sa tatlong kategorya ang mga konseptong nakalap: gamit ng singkaban, katangian ng likhang-sining na ito, at kultura at halagahing ipinapakita.

TALAHANAYAN 1
Gamit, Paraan ng Paggawa, Kultura, at Halagahin
Ang isa sa pinag-uukulan ng singkaban ay ang mga okasyon at pagtitipong pang-sibiko. Madalas itong makita na nakatirik sa mga gusaling-pampamahalaan lalo na tuwing may espesyal na okasyong pambayan na dadaluhan ng mga matataas na tao sa lipunan. Ito ay pagpapahayag ng pagbibigay parangal sa mga panauhin, at pagbubunyi ng bayan sa mahalagang okasyon. Sa makabagong panahon, ginagamit na rin ang singkaban bilang palamuti sa mga bulwagan, entablado at mga gusaling pang-komersyo. Pagpapatunay ito na ang singkaban na isang matandang sining ay may saysay at kabuluhan pa rin maging sa kasalukuyang makabagong panahon.
Subalit hindi madaling gawin ang singkaban. Nagsisimula ito sa pagkalap ng mga kawayan. Hindi basta-basta ang materyales na gagamitin, kailangan ay sariwang kawayan ang gamitin upang ito ay madaling baluktutin at kayasin. Kailangan ng pag-plano sa kung anong disenyo ang nababagay ayon sa okasyon. Kailangan ng tamang pagsukat sa laki at taas ng arko ayon sa lugar na pagtitirikan at gamit nito. Kapag buo na ang planong disenyo, sisimulan na ang pagpuputol at pagkakayas ng kawayan upang maka-likha ng iba’t ibang disenyo ng balukaykay na siyang gagamiting mga palamuti sa arko.
Nakaakibat din sa singkaban ang balukaykay na tinatawag ding bulaykaykay ayon kay Bautista (2002). Ito ay mga pira-pirasong kawayan na kinayas at pinagdudugtong at pinagsasala- sala upang makabuo ng iba’t ibang disenyo, gaya ng abaniko, bulaklak, paru- paro, tutubi, korona at iba pa. Matapos ang pagkayas at pagbuo ng iba’t ibang disenyo ng balukaykay, ang mga ito ay ilalagay sa arko upang magsilbing palamuti. Pagkatapos ay ititirik ang arko sa lugar na laan para rito. Pinagtutulungang gawin ito ng mga kalalakihan na di kukulangin sa sampung katao. Maingat ang pamamaraan nito at kailangang siguruhin na magiging matatag ang pagkakatayo nang hindi ito mabuwal o bumagsak.

LAR AWAN 2
Iba’t ibang disenyo ng mga balukaykay na palamuti sa singkaban
Larawang kuha ng may-akda mula sa Bulwagang Gat Blas F. Ople, Malolos, Bulacan
Kulturang Panlipunan, Kakanyahang Pilipino
Ang paraan ng paglikha ng singkaban ay mabusisi at nangangailangan ng paulit-ulit na pagkayas hanggang sa mabuo ang arko. Pinagbubuhusan ito ng panahon upang makabuo ng isang magandang likhang sining na maipagmamalaki. Walang puwang ang pagka-inip, sa halip ay tuloy- tuloy sa paggawa hanggang sa ang payak at pangkaraniwang kawayan ay maging isang magandang likhang sining. Naglalaan ang mga manlilikha ng panahon upang gawin ang kanilang proyekto. Nagpapatuloy sa kabila ng nakaka-bagot at paulit- ulit na pagkayas ng kawayan. Hindi tumitigil sa kabila ng pagod. Ang mga ugaling ito ng manlilikha ng singkaban ay mga di nakikitang sangkap para sa isang maganda at kalugod- lugod na produktong bunga ng pagsisikap.
Mula sa singkaban ay mahihinuha natin ang anim na kulturang panlipunan at kakanyahan ng mga Pilipino sa pangkalahatan, at ng mga Bulakenyo sa partikular. Ito ay ang pagkamalikhain, pagtitiyaga, katatagan, pakikipag-kapwa, pananagutan at pagkakaisa.
Pagkamalikhain. Sa malikhaing imahinasyon ng mga Bulakenyo, ang konsepto ng arko ng tagumpay na yari sa bato at marmol mula sa Europa na dinala ng mga Kastila sa ating bayan ay isinalin ng ating mga ninuno sa kawayan at tinawag itong singkaban (Almario, 2002). Ang pagiging malikhain ay lutang na lutang sa kung paanong ang simple at pangkaraniwang damo ay naging likhang sining na siyang tampok sa tuwing may pagdiriwang.
Pagtitiyaga. Ang sabi ng ating mga ninuno ay pag walang tiyaga, walang nilaga. Ang mga manlilikha ng singkaban ay kakikitaan ng pagtitiyaga mula sa paghahanap ng mga gagamiting kawayan, hanggang sa pagputol at pagkayas nito, hanggang sa ito ay maging isang ganap na arkong napapalamutian ng mga borlas at balukaykay. Ang ugaling ito ay taglay pa rin ng mga Pilipino na nagsusumikap upang makamit ang kaginhawaan para sa mga mahal sa buhay.
Katatagan. Ang singkaban ay simbolo ng katatagan ng mga Pilipino. Tulad ng kawayan na nanatiling matatag sa gitna ng bagyo, ang mga Pilipino ay nanatiling matatag sa kabila ng pananakop ng mga dayuhan sa ating bayan. Natutong sumabay sa ihip ng malakas na hangin at nanatiling nakatindig sa kabila ng kahirapan. Maging sa makabagong panahon, maraming Pilipino ang nangangayaw sa ibang bayan upang makamit ang kaalwahan ng buhay (Villan, 2022). Nagtiis na malayo sa pamilya, baon ang katatagan ng loob at tapang, sa pag- asang ang kapalit ay masagana at mas maayos na pamumuhay.
Pakikipagkapwa. Bahagi ng kamalayang Pilipino ang pakikipagkapwa tao. Ito ay nangangahulugan ng pakikisama at pakikiisa sa kapwa. Ang kulturang ito ay makikita sa paglikha ng singkaban. Ayon kay Mang Kiko, mahalaga ang pakikisama sa mga taong nagpapagawa ng singkaban. Bahagi ng pakikisama ay ang paggawa ng tapat, may kaayusan at kagandahan, upang ang mga customer ay hindi magsawang lumapit upang muling magpagawa. Kailangan din ng pakikisama sa kapwa manggagawa upang maka-tiyak na maayos at matagumpay ang kanilang ginagawa.
Pananagutan. “Hindi pwedeng basta na lang, kailangang gandahan mo ang gawa,” iyan ang mga katagang paalaala ni Mang Kiko na taglay sa gunita ng kanyang anak na si Mang Emil, ikatlong henerasyon ng pamilya Eligio na gumagawa ng singkaban. Kailangang magaan ang hagod sa pagkayas ng kawayan. Kailangan ng tiyaga, kung limang metro ang poste, ay limang metro din ang kayas. Pagpapakita ito ng pananagutan, sa nagpagawa, na buong katapatang gagawin ang singkaban ng may kahusayan di man bantayan. Pananagutan din ito sa publiko upang mapanatili ang kaluguran sa singkaban bilang bahagi ng pagdiriwang ng bayan. Higit sa lahat ay pananagutan ito sa sarili bilang manlilikha, na ipagpapatuloy ang paglikha ng sining na ito sa paraang nakagisnan at namana sa mga ninuno.
Pagkakaisa. Ang singkaban ay isang communal art. Ibig sabihin, ito ay nalilikha sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong at sama- samang paggawa. Ito rin ang kaisipan sa likod ng bayanihan. Gaya ng sama-samang pagbuhat ng bahay- kubo, gayon din ay sama-samang pagkayas at pagbuhat ng nabuong arko upang ito ay maitindig at maitanghal ang kagandahan. Likas sa mga Pilipino ang konsepto ng pagkakaisa at bayanihan. Binigyang buhay ito ng pinintang larawan ng mga alagad ng sining na gaya nina Francisco “Botong” Reyes at Fernando Amorsolo, at ng eskultor na si Guillermo Tolentino sa kanyang dinisenyong Arko ng Commonwealth. Sa makabagong panahon ay buhay pa rin sa kamalayan ng mga Pilipino ang diwa ng bayanihan at pagdadamayan, gaya ng mga nagsulputang mga community pantry noong panahon ng pandemya.
Ang mga kaugaliang ito na ipinapakita sa paglikha ng singkaban ay di lamang eksklusibong kaugalian ng mga Bulakenyo. Sa halip ay sumasalamin ito sa kamalayan at kaluluwa ng bawat Pilipino. Bagama’t taal na likhang sining ng mga mamayan ng Bulacan ang singkaban, ang mga halagahin at paniniwala sa likod ng pambayang- sining na ito ay tunay sa lahat ng Pilipino hindi lamang sa Gitnang Luzon kundi sa buong bansa.
Ang singkaban ay maituturing na isang ephemeral art, hindi permanente, hindi nagtatagal, panandalian lamang. Ngunit sa kabila nito, ay patuloy pa rin itong ginagawa ng mga manlilikhang gaya ni Mang Kiko, Mang Emil, Ka Pedro at Jeffrey. Sa isang panayam kay Mang Kiko noong siya ay nabubuhay pa ay sinabi niya na hangga’t hindi bumibitiw ang mga Pilipino sa katutubong likhang sining, hindi mawawala ang sining na singkaban. Ang singkaban ay isang sining na buhay sa ating kaluluwa at hindi ko ito tatalikuran (Cultural Center of the Philippines, 2008). Patuloy pa ring tinatangkilik ng taong-bayan ang likhang sining na ito gaya ng sinabi ni Mang Kiko. Nagpapaka- hulugan na liban sa materyal na gamit ng singkaban bilang palamuti tuwing may pagdiriwang, ito ay may mas malalim na halagahin na buhay na buhay sa gunita ng mga mamamayan magpahanggang ngayon. Mga halagahing namana natin sa ating mga ninuno kung kaya’t nananatiling buhay sa ating mga gunita.
Ang Kahalagahan ng Singkaban Bilang Ekspresibong Kultura sa Lipunang Tagalog
Ang pamanang-lahi ang sagisag ng napakahalagang paglingon upang gunitain ang nakaraan, ang kanunuan, at mga halagahing panlipunan na mahalaga sa kanilang pag-iral. Bilang pangkalinangang ekspresyon at panlipunang produksiyon, maituturing ang pamanang- lahi bilang manipestasyon ng mga panlipunang proseso, imbakan ng damdaming-bayan, kaloobang-bayan, diwang-bayan, at paglilingkod (Villan, 2020).
Ayon sa NCCA, ang singkaban ay isang katutubong likhang bayan na maihahanay sa paghabi ng mga tela at banig, paglilok, paglikha ng tradisyonal na bangka at iba pa. Sa pagtalakay ng singkaban bilang ekspresibong kultura ng Bulacan, ay nawari ang dalawang anyo nito bilang pamanang bayan. Ang singkaban ay parehong materyal at di materyal na pamana ng ating mga ninuno.
Bilang isang materyal na sining bayan o artifact, ang singkaban ay tumutukoy sa arkong kawayan at iba’t ibang anyo na nalikha gamit ang mayamang imahinasyon at mahuhusay na mga kamay ng mga Bulakenyo. Ang tradisyon sa paggawa ng singkaban tuwing may mahalagang pagdiriwang, at ang kakanyahan sa paggawa ay naipapasa sa bawat henerasyon sa pamamagitan ng patuloy na paggawa hanggang sa kasalukuyang panahon. Bagama’t itinuturing na isa lamang ephemeral o panandaliang likhang-sining, kakakitaan pa rin ng patuloy na pagtangkilik, patunay na nakaukit sa kamalayang bayan ang pagpapahalaga sa likhang sining na ito.
Bilang isang sining bayan at di-materyal na pamana, ang singkaban ay kinapapalooban ng mga abstraktong bagay na higit na nagpapa- tingkad sa pagiging pamanang-bayan nito. Ito ay kinapapalooban ng mga tradisyon, kaugalian at mga pinahahalagahan ng pamayanan mula pa man sa malayong nakaraan hanggang sa kasalukuyan. Ang mga hindi nahahawakan na pamanang pangkalinangan ay tumutukoy sa mga tradisyonal na kaalaman at kasanayan, mga pamanang yaman na hindi mananakaw subalit may tangka ng paglaho kung hindi maituturo at maipapasa sa iba. Ayon kay Alombro (2020), ang kahalagahan ng mga hindi nahahawakan na pamanang bayan ay hindi palaging nakahabi sa pisikal na manipestasyon nito. Sa halip, ang halaga ay makikita sa pag-unawa ng mga panlipunang kakayanan, pagpapakahulugan at pagpapahalaga. Ito rin ay may kinalaman sa pang-kabuhayang elemento lalo pa’t kung ang mga kaalaman at kakayanan ay nagagamit sa pagtustos sa pang araw-araw na pangangailangan. Tulad ng pamanang materyal gaya ng ari-arian na isinasalin ng mga magulang sa kanilang mga anak upang magamit sa pagpapatuloy ng pamumuhay, ganon din naman ang pamanang-bayan na kaalaman at kasanayan ay maaari ring pagkunan ng ikabu-buhay ng mga taong napag-manahan nito. Sa ganitong kaisipan lubos na mauunawaan ang halaga ng pamanang-bayan , ito ay mga pamana upang maipag-patuloy ang buhay at pagkatao ng mga mamamayan ng isang bayan. Ayon kay Cabangon (2022), ang pag-unawa sa sining- bayan ay mahigpit na nauugnay sa pagtalakay sa loob at pagkatao ng mga lumikha. Sa singkaban natin mababakas ang pagkatao at identidad ng mga manlilikha nito na sumasagisag sa mga gunitain at halagahing panlipunan na mahalaga upang higit na maunawaan ang saloobing bayan (Villan, 2020).
Mahalagang matukoy ang katuturan ng singkaban bilang parehong materyal at di-materyal na pamana upang higit na masipat ang lalim ng konseptong ito sa kamalayan ng taong-bayan partikular sa lalawigan ng Bulacan. Ayon kay Alombro (2020) ang pamanang bayan ay isang kalakarang panlipunan, at ang konsepto ng pamana ay higit na naka-ugat sa mga abstraktong kaisipan na syang pinag-uugatan ng paglikha, gunita, pagkakakilanlan, pook at kaibahan. Nangangahulugan ito na higit sa artifact, mas dapat pagyamanin ang mga halagahin, damdamin at gunitang nakapaloob sa proseso ng paglikha na syang tunay na katuturan ng pamanang-bayan.
Konklusyon
Sa papel na ito ay tinangkang tuklasin kung paanong ang singkaban bilang sining-bayan sa lalawigan ng Bulacan ay susi sa pag-unawa ng kulturang panlipunan at kakanyahang Tagalog. Gamit ang lenteng epistemolohiyang panlipunan ni Villan (2020), naipakita ang ang ekspresibong kultura gaya ng likhang sining na singkaban ay maaaring gamitin bilang batis na mapagsasalukan ng kaalaman at mas malalim na pag-unawa sa kalinangan at kalakarang panlipuann ng isang pook, na makatutulong sa pag-dukal ng bagong kaalaman.
Binalutbot sa papel na ito ang kahulugan ng singkaban bilang sining-bayan at kung paano ito maaaring gamitin sa pagdalumat ng kulturang panlipunan. Napag-alaman na ang singkaban bilang pamanang bayan ay katutubo sa Bulacan at ito ay nagpapahayag ng mas malalim na pakahulugan sa damdamin, halagahin at kaugalian ng mga Pilipino.
Nakapag-ambag ang papel na ito sa pagpapalalim ng diskursong singkaban na hindi lamang isang sining bayan ngunit isang salamin din na nagpapakilala sa identidad ng mga Bulakenyo.
Sanggunian
Alcazaren, P. (2021, October 19). Forgotten triumphs. City Sense, Philippine Star.
Alfonso, I. C. B. (2008). Singkaban Festival: Linggo ng Bulacan. DB Mag: Opisyal na publikasyon ng Bahay Saliksikan ng Bulacan, Bulacan State University, 3(4), 23–28.
Almario, V. S. (2002). Bulacan: Lalawigan ng bayani at bulaklak. Malolos: Pamanang Bulacan Foundation.
Alombro, N. C. (2020). Duniya as heritage: Understanding the Teduray’s notion of space and identity. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 5, 79–95.
Amtalao, J. A., & Lartec, J. K. (2015). Ang wika ng Sillag Festival bilang daluyan ng kultura at identidad ng mga Ilokano. Malay, 27(2), 69–89.
Bautista, B. B. G. (2002). Kalinangan. In V. S. Almario (Ed.), Bulacan: Lalawigan ng bayani at bulaklak (pp. 67–113). Malolos: Pamanang Bulacan Foundation.
Brigino, R. (2020). [Isang virtual na panayam patungkol sa singkaban]. In Tuloy po kayo!: Kuwento ng mga manlilikha [Documentary]. National Commission for Culture and the Arts, Intramuros Administration, & House of Representatives, Tanggapan ni Sen. Loren Legarda. https://youtu.be/pkPpgPxjscU
Cabangon, M. A. V. (2022). Kubol: Sining at panata sa bayan ng Macalelon, Quezon. Likhaan 15: The Journal of Contemporary Philippine Literature.
Corpuz, J. S. (2008). Singkaban: Arko ng sining at tagumpay ng mga Bulakenyo. DB Mag, 2(4), 23–26.
Corpuz, J. S. (2022). Mang Kiko: Manlilikha ng singkaban, bayani ng sinaunang sining. Daloy Likha, 1(3), 66–68.
Corpuz, J. S. (2022, October 23). [Personal interview]. Bahay Makabayan ng Marilao.
Cunanan, C. (2016, May 5). Singkabang kawayan, Malolos version [Facebook post]. Advocates for Heritage Preservation (AHP). https://www.facebook.com/groups/advocatesforheritagepreservationphilippines
Eugenio, D. L. (2001). Philippine folk literature: The myths (2nd ed.). Quezon City: University of the Philippines Press.
Flores, P. (2018). Other worlds: The native, the national, the non-objective. Journal of Taiwan Fine Arts Museum, 35, 27–43.
German, A. M. (1992). Ang Bukawe noon, ngayon at bukas. Malolos: Jeanmar Printing Press.
Gill, S. K., & Dutta, M. J. (2017). Digital ethnography. In The International Encyclopedia of Communication Research Methods. https://doi.org/10.1002/9781118901731.iecrm0271
La Comédie de Vanneau. (2020). These Arc de Triomphe around the world… and in Montpellier? https://www.lacomediedevanneau.com/arc-de-triomphe-montpellier/
Laktaw, P. S. (1914). Diccionario Tagalo-Hispano. Manila.
Manuel, E. A. (1976). Toward an inventory of Philippine musical instruments. Asian Studies, 14(1), 1–72.
Martin, P. T. (2022, October 16). [Personal communication via Facebook].
National Commission for Culture and the Arts. (2013). Implementing Rules and Regulations of R. A. 10066. https://www.officialgazette.gov.ph/2013/03/07/implementing-rules-and-regulations-of-republic-act-no-10066/
Noceda, J., & de San Lucar, P. (1754). Vocabulario de la lengua Tagala, trabajo por varios sugetos doctos y graves: ultimamente añadido, corregido y coordinado. Manila: Nicolas dela Cruz Bagay.
Ramirez, A. R. (1995). The role of bamboo on the social, cultural and economic life of Filipinos. In Bamboo, people and the environment: Proceedings of the 5th International Bamboo Workshop and the 6th International Bamboo Congress. Ubud, Bali, Indonesia.
Ramos, B. (2005). Sining at kalinangan ng Bulacan, higit sa pisikal na kaunlaran. In Singkaban Fiesta, Linggo ng Bulacan: Aklat Pang-Alaala.
Rizal, J. P. (1887). Noli Me Tangere (Isinalin sa Tagalog ni P. H. Poblete). Sta. Cruz, Manila: Limbagan ni M. Fernandez. Project Gutenberg. https://www.gutenberg.org/cache/epub/20228/pg20228-images.html#XXVI
Rizal, J. P. (1887). Noli Me Tangere (Isinalin sa Ingles ni Ma. Soledad Lacson-Locsin; pinamatnugutan ni Raul L. Locsin). Lungsod ng Makati: The Bookmark, Inc.
Sangguniang Panlalawigan. (2007). New Provincial Administrative Code of Bulacan.
Cultural Center of the Philippines. (2008). Hiyas: Mga sinaunang sining ng Bulacan.
Singkaban logo. (2009, August 30). http://yajooh.blogspot.com/2009/08/singkaban-logo.html
Soliman, M. A. P. (2022, September 28). Security Bank donates sculpture to National Museum. BusinessWorld. https://www.bworldonline.com/arts-and-leisure/2022/09/28/476924/security-bank-donates-sculptures-to-national-museum/
UNESCO. (2009). The 2009 UNESCO framework for cultural statistics. Quebec, Canada.
Villan, V. C. (2013). Ilub, unung at amok: Pag-unawa sa katatagan ng buut ng mga bayani sa himagsikang Pilipino sa Panay, 1896–1898. Diwa e-Journal, 1(1), 58–92.
Villan, V. C. (2017). Kahulugan, larangan at kabuluhan: Ang panubliong bahandi ng pangkat-etnikong Bisaya sa pag-aaral ng mga pamanang bayan sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik e-Journal, 6(1), 272–299.
Villan, V. C. (2020). Gunitang bayan at salaysaying bayan: Ang pamanang-lahi sa pag-unawa ng kalakarang panlipunan at produksiyong pangkaalaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 5, 238–258.
Villan, V. C. (2022). Ang pangkalinangang subersyong geopolitikal at pagsipat kay Jose Rizal sa diskurso ng pamana sa kasaysayang Pilipino. Kaningningan: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(2), 41–73.

