Princess Fame I. Pascua
New Era University
How to Cite:
Pascua, P. F. I. (2022). Si Jose Rizal sa ugnayang Pilipinas-Indonesia: Pag-aaral ukol sa mga salik sa pagtingin ng lipunang Indones kay Rizal. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 106–115. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-URcsrJsupI-pusmSsPnLikR
Abstrak
Si Jose Rizal ay inilalarawan bilang may estilong diplomatiko sa pakikipaglaban. Ito ay naging inspirasyon ng mga Indones sa pagpapaunlad ng kanilang diwang makabayan, pagsulong sa kanilang laban para sa kalayaan, at sa pagtatamo ng Indonesia ng kabansaan. Si Rizal ay naging tampok sa kanilang diplomasya at pakikipag-ugnayan sa Pilipinas. Makikita rin sa iba’t ibang aspeto ang naging dulot na inspirasyon ni Rizal sa mga Indones. Ang mga pagtatampok namang ito ay sinikap ding mabigyang resiprokasyon ng mga Pilipino. Ang pagtingin ng mga Indones kay Rizal, batay sa isinagawang pananaliksik, ay kinakitaan ng mga salik partikular ang pagtingin ni Tan Malaka kay Rizal, pagkabatid sa mga salitang Arabiko gayundin sa kaalaman sa pagsasalin. Ang mga salik na nabanggit, gayunpaman, ay inirerekomenda ng pag-aaral na ito na magawan pa ng balidasyon sa mga mamamayang Indones partikular ang ukol sa tuwirang kinalaman, kalawakan ng kamalayan, at/o interpretasyon ng kanilang kapuwa Indonesia kay Rizal at/o kaniyang mga akda.
Mga Susing Salita: Jose Rizal, Pilipinas, Indonesia, diplomasya
Panimula
Marami sa mga bayani ng Pilipinas ay itinuturing na bayani dahil sa paggamit ng lakas/dahas upang ipagtanggol ang bayan (hal. Bonifacio, Luna, G. del Pilar). Samantala, si Jose Rizal bilang bayani ay kaibayo ng mga naunang nabanggit. Imbes na gumamit ng dahas, gumamit siya ng mapayapang pamamaraan gaya ng pagsulat ng mga nobela, paglikha ng sining, at pagtuon sa kultura upang pag-alabin ang diwang makabayan ng mga Pilipino—isang estilong diplomatiko sa pakikipaglaban (Acido-Muega 2020). Si Rizal ay inilalarawan din bilang may diplomatikong pananalita kahit siya’y nagsasalita sa harap ng kaniyang mga kababayan habang sila ay nasa bansa ng mga “kaaway” (Cabrera w.p.). Kung tutuusin, may pananaliksik na nagsasabi na maging ang Rebolusyong Pilipino sa kapanahunan ni Rizal ay nangailangan ng “foreign service” [kabilang ang diplomasya] upang matamo ang mga sumusunod na layunin: Matawagan ang mga nasa labas ng bansa na maaaring may simpatya sa mga rebolusyonaryo; makapagtipon ng suportang materyal at moral; at makapagpadala ng mensahe sa labas ng bansa tungkol sa kanilang pag-iral at pangangailangan para sa pagkilala sa kanilang lehitimo at legal na personalidad (de Viana 2015, 49).
Namatay man si Rizal na hindi pa natamo ng Pilipinas ang kabansaan, kung kaya’t wala pa rin noong opisyal na diplomatikong pakikipag-ugnayan, bukod sa estilo at kagawiang diplomatiko na nabanggit sa itaas, makikita rin ang pagsangkot kay Rizal sa maraming opisyal na gawaing diplomatiko nang ang Pilipinas ay naging isa nang bansa. Patunay rito ang pagkakaroon ng mga bantayog ni Rizal sa apat na kontinente ng mundo—ang Asya, Europe, Hilagang Amerika at Timog Amerika—gayundin ang mga plake, palatandaang pangkasaysayan sa mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa, sa mga natatanging lugar sa ibayong dagat kung saan may mga komunidad ng mga Pilipino, maging sa mga sentrong pang-edukasyon (Roda 2016) gaya ng Sentro Rizal (Caluen 2018).
Si Jose Rizal sa Ugnayang Pilipinas-Indonesia
Ang ugnayang Pilipinas-Indonesia ay hindi nagpahuli sa mga gawaing diplomatiko na may pagsangkot kay Rizal. Bilang ilang halimbawa, sa konsulado (Official Gazette, Philippines 2011) at embahada ng Pilipinas sa Indonesia ay may paggunita ng kamatayan at kadakilaan ni Rizal (Department of Foreign Affairs, Philippines 2022); isang bantayog naman ni Rizal ang itinayo sa Bitung City, North Sulawesi, Indonesia noong 1999 bilang tanda ng pagkakaibigan ng Bitung City at Davao City, Pilipinas (Elisabeth 2008, 59) o ng Kasunduang “Sister City” (1993) ng dalawang lungsod na nabanggit (Victoria 2021).
Ngunit dagdag pa rito, ang mga Indones ay masasabing may higit sa karaniwang pagkilala kay Rizal lalo’t pagkabalita pa lang ng kamatayan ni Rizal, Enero 1897 sa Indonesia, ginamit ng mga nasyonalistang Indones ang mga ideya ni Rizal bilang tuntungan ng kanilang pakikibaka laban sa mga Dutch (Nery 2011 sa Victoria 2021). Maging sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Indonesia, sinasabing ang mga rebolusyonaryong Indones bago sumabak sa mga labanan para sa kalayaan ay sinasambit ang tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal na isinalin sa Bahasa Indonesia ni Rosihan Anwar noong 1944 (Severino 2019).
Sa panahon naman matapos ang digmaan at kolonisasyon sa Indonesia, nagkaroon si Tjetje Yusuf ng pagsasalin mula Ingles patungong wikang Indones ng Noli Me Tangere (Noli) (1975) at El Filibusterismo (Fili) (1994). Si Yusuf ay naglathala rin ng talambuhay ni Rizal (1978). Mayroon ding nalimbag na teksbuk na pinamagatang Filipina: Negara Tanah Air Patriot Pujangga Jose Rizal (Pilipinas: Inang Bansa ng MakabayangMakatang si Jose Rizal). Nariyan din ang mga kumperensya (1995 at 1997) bilang pagkilala kay Rizal na “pahlawan Melayu” (bayaning Melayu) at “first Malayan” (Victoria 2021). Ang mga nabanggit ay hindi lamang pagpapahalaga ng mga Indones kay Rizal kundi mahahalagang sangkap sa pagpapabuti ng ugnayang Pilipinas-Indonesia.
A. Wika, Pagsasalin at Pag-aaral sa Salin
Masasabing nag-ambag ang mga sulatin ni Rizal sa pagpapayabong ng wikang Indones sa pamamagitan ng pagsasalin dahil ang gawaing ito ay nagsanga pa ng mga pag-aaral sa salin. Halimbawa, ang Noli na isinalin ni Yusuf sa wikang Indones ay inaral ni Joss Wibisono, isang manunulat din na Indones. Gayundin ang Mi Ultimo Adios na isinalin ng ‘jurnalistang’ si Anwar sa wikang Indones ay inaral ng Pilipinong mamamahayag na si John Nery. Sa pag-aaral ni Wibisono, isa sa naging tampok ay ang paghalip ni Yusuf sa mga partikular na materyal ng kultura. Halimbawa, ang pagsasalin ng “sinigang” [lutuin sa Pilipinas na may sabaw] patungong “pindang” (isang uri ng preserbasyon ng isda sa Indonesia sa pamamagitan ng asin); gayundin ng “salakot” [pambabaeng panlilim sa ulo at katawan sa Pilipinas] patungong “tudung” (pantakip sa ulo sa Indonesia) (Wibisono 2017 sa Victoria 2021). Sa pag-aaral naman ni Nery, isa sa naging tampok ay ang pagsalin ni Anwar na “Selamat tinggal, Tanah kupuja; Daerah pilihan, surya Selatan” na ang ibig sabihin ay “Paalam na, sintang tinubuan; Hinirang na lupain, sa araw ng Katimugan” (Asia Raya 1944 sa Victoria 2021)–Katimugan imbes na “Silangan.” Ngunit dahil ang teksto ng Mi Ultimo Adios ay hindi na mula sa wikang Español ni Rizal isinalin, bagkus mula na sa wikang Ingles, ayon kay Nery, marahil mas nakapukaw ang tula ni Rizal kay Anwar at mga kapuwa Indones dahil sa kakaibang salin ng bersyong Ingles na maaaring tumutukoy sa Indonesia (Nery 2011 sa Victoria 2021).
Bagama’t walang tuwirang rekomendasyon ang mga aral sa salin (halimbawa kung kailangan bang hanapan ng mas malapit na tumbasan o panatilihin ang orihinal), ang pagbibigay-pansin sa mga detalyeng kultural na gaya ng mga nabanggit ay masasabing isa pang hakbang paabante mula sa inumpisahang pagsasalin. Maaaring sabihing ang nangyaring pagsasalin sa mga sulatin ni Rizal ay “conscious translation” at/o “applied translation.” Ang mga nagsalin ay malay sa kapangyarihan ng salin kung saan naipalabas na si Rizal ay tila may pagkabatid sa kulturang Indones at sa damdaming kaakibat o isinasagisag ng mga salita sa Indones. Nagawa ng mga nagsalin na magkaroon ng saysay sa partikular na grupo ng tao–mga Indones–ang mga isinaling sulatin ni Rizal.
B. Iskolarsyip at Nasyonalismo
Bukod sa pagsasalin at pag-aaral sa salin, masasabing nag-ambag din sa nasyonalismong Indones si Rizal. Nabanggit sa unahan kung paano naging inspirasyon si Rizal sa mga pakikipagbaka ng mga Indones laban sa kolonisasyon. Ang paraan naman ng pakikibaka ni Rizal ay malaong sinaliksik ng mga Indones sa kontemporaryong panahon sa pamamagitan ng pormal at mas mataas na edukasyon; samakatuwid, nakapag-ambag rin sa pagpapayabong ng iskolarsyip.
Unang halimbawa rito ay ang pagkakaroon noong 2011 ng masteradong tesis ni Dita Putri Prameswari ng Universitas Indonesia (UI) na pinamagatang “Jose Rizal dan Propaganda Kelompok Reformasi Filipina, 1882-1896” (Si Jose Rizal at ang Grupong Propaganda [sa] Repormasyong Pilipinas, 18821896). Sinuri ng tesis ang papel na ginampanan ni Rizal sa pagsulong ng Kilusang Propaganda mula 1882 hanggang 1896. Tiningnan din kung paanong nakatulong si Rizal sa pagbuwag ng ugnayang kolonyal na pamahalaan at ng praylokrasya (Prameswari 2011 sa Victoria 2021).
Ikalawa naman ay ang 2011 skripsi (tesis undergradweyt) ni Samad sa ilalim ng Programang Pagtuturo ng Kasaysayan ng Universitas Sanata Dharma sa Yogyakarta na pinamagatang “Peranan Jose Rizal Dalam Pergerakan Nasionalisme Filipina” (Ang Papel ni Jose Rizal sa Kilusang Nasyonalismo sa Pilipinas). Para kay Samad, si Rizal ay ang “pioneer” ng kilusang nasyonalista sa Pilipinas hindi lamang dahil sa kaniyang mga sulatin kundi na rin sa pagtatag niya ng La Liga Filipina. Gumamit si Rizal ng ‘Politik diplomasi’ (Pamumulitikang diplomatiko) upang ipaglaban ang karapatan ng Bayang Pilipinas [mula] sa pamahalaang Español. Kaniya ring tinalakay ang mga impluwensya ni Rizal sa pagkilos nina Bonifacio, Aguinaldo, at Quezon (Samad 2011 sa Victoria 2021).
Ikatlo ay ang 2013 skripsi (tesis undergradweyt) ni Anggita Tiana Rachmawati sa ilalim ng Programang Pagtuturo ng Kasaysayan ng Universitas Negeri Yogyakarta (UNY) na pinamagatang “Perjuangan Jose Rizal Menuntut Reformasi Kebijakan Spanyol di Filipina Tahun 1883-1896” (Ang Pakikibaka ni Jose Rizal sa Pangangampanya sa Reporma ng Kapangyarihang Español, 18831896). Ipinaliwanag ni Rachmawati na ang repormismo ni Rizal ay hinubog ng kaniyang sitwasyon at ang kaniyang pakikibaka ay nakaugat sa pagsulat niya ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Sa kaniyang pananaw, nakita ni Rizal na matagal na panahong mababa ang pagtingin sa mga Pilipino at mula rito ay naging malinaw ang kaniyang misyon na buwagin ang diskriminasyon. Subalit nanatili pa rin si Rizal sa kaniyang repormistang adyenda sapagkat sa pananaw ni Rachmawati, hindi radikal ang mga pakikibaka at pagkilos ni Rizal, kasama na rito ang La Liga Filipina (Rachmawati 2013 sa Victoria 2021).
Sa pagpapaksa kay Rizal sa mga tesis (undergradweyt at masteral) ng mga Indones, nagkaroon din ng pagpapaksa si Victoria (2021) tungkol sa kontemporaryong pagtingin ng mga Indones kay Rizal. Samantala, bunsod ng pagkakaroon ng bantayog ni Rizal sa Bitung, nagkaroon din ng pagpapakilala sa isa sa mga bayani ng Indonesia sa mga Pilipino, si Sam Ratulangi, sa pamamagitan ng pagpapatayo ng bantayog ni Ratulangi sa Davao (Victoria 2021). Ang kilusang ito ng makabayan at intelektuwal na palitan ay dagdag na naman sa pagpapabuti ng ugnayang Pilipinas-Indonesia.
Salik sa Pagpapahalaga ng Lipunang Indones kay Rizal
Maaaring itanong kung bakit ganito na lamang ang pagkilala at pagpapahalaga ng mga Indones kay Rizal at/o mga bagay na may kinalaman sa kaniya. Sa isang tala, sinasabing ang isa sa bayani ng Indonesia mismo, si Tan Malaka (1897-1949), na halos buong buhay niya’y naghangad ng kalayaan ng Indonesia, ay tagahanga ni Rizal at ibinilang si Rizal na puro o katutubong Indones (dahil sinasabing kabilang ang Pilipinas sa Indonesia Raya o “Greater Indonesia”) (Severino 2019). Masasabing mahalagang salik ito upang mapukaw ang interes ng mga Indones tungkol kay Rizal.
Ngunit bukod dito, ang “Rizal” ay pawang napakamalapit sa puso lalo ng mga lipunang karaniwan ang mga salitang Arabiko, gaya ng Indonesia. Malapit ang “Rizal” (ricial: greenfield) sa salitang Arabikong “risala” (message) at “rijal” (men) na maaaring dahilan kung bakit marami ring may pangalan na Rizal sa Indonesia. Hindi mahirap isipin kung babalikang may mga hiram na salita rin talaga sa Arabiko ang mga wika sa Pilipinas gaya ng Tagalog. Halimbawa, salamat (salam: peace), hukom (hukm: judgment), at Manila (amanillah: blessing from God) (Wadi 2009). Ang Pilipinas ay matatandaang nadominahan din ng mga Muslim (Bara w.p.), na gumagamit ng wikang Arabiko, bago dumating ang mga Español at patuloy na maraming komunidad ng mga gayon sa iba’t ibang panig ng bansa partikular sa Maynila (Aguilar 1987, 150), hindi lamang sa Mindanao. Bukod sa muling pagsasaayos ng mga palasyo ng mga Sultanato sa Pilipinas upang muling matutunan ang ugnayang panlabas ng mga Pilipino (Tort 2018) lalo sa katimugang bahagi ng rehiyon, mapapaigting pa ito sa pamamagitan ng kawing sa pagitan ni Rizal at ng wikang Arabiko.
Pagdako naman sa wika at nasyonalismo, ayon kay Benedict Anderson (1991 sa Iwamoto w.p., 100) ang pag-iral ng komunidad o nasyon ay karaniwang nasasaisip o nasa imahinasyon sa pamamagitan ng wika, at dahil dito binibigyang-diin ang papel ng wika sa pag-isip at paglikha ng kabansaan o nasyon…epekto nito partikular ang pagkakaisa. Si Rizal, bagama’t nagsasalita ng mga banyagang wika, ay nagwika kay Blumentritt na kahit ang wikang Español ay sinasalita ng maraming tao, ang Tagalog ay mahusay gaya ng ibang wika dahil sa yaman nito sa salita kaugnay sa damdamin at kilos tungkol sa pang-araw-araw na buhay (The Local Government Review 1949, 518). Kaugnay sa paggamit ni Rizal ng wikang Tagalog na kaniyang pinupuri at ng kaniyang kasanayan sa pagsasalin, sinalin niya mula Aleman patungong Tagalog ang “Wilhelm Tell” ni Friedrich Schiller (Batnag w.p.; Ocampo 2015). Gayundin, noong 1886 nakumpleto ni Rizal ang pagsasalin sa Tagalog, mula wikang Aleman, ng limang (5) kwentong pambata ni Hans Christian Andersen gaya ng mga sumusunod: “The Fir Tree” (Ang Punong Pino), “Thumbelina” (Si Gihinlalaki), “The Ugly Duckling” (Ang Pangit na Sisiw na Pato), “The Angel” (Ang Sugo), at “The Little Matchgirl” (Ang Batang Babaeng May Dalang Sakafuego). Ang mga saling ito ay ipinadala ni Rizal sa Pilipinas bilang regalo para sa kaniyang mga pamangkin nang sa gayon ay malaman ng mga ito kung ano ang mga binabasa ng mga bata sa Europe (Soliman 2018). Dagdag pa sa kaniyang layunin, ibinahagi ni Rizal sa sulat kay Blumentritt na ang pagsasalin niya ng mga akda ni Andersen ay isang “ehersisyo tungo sa pagpapaulad ng ortograpiyang Tagalog” (o pamantayan sa pagbaybay ng wika) nang sa gayon ang mga kabataan ay hindi mahirapan magbasa (Ladrido 2018). Sa pananaw naman ng historyador [na nag-aaral tungkol kay Rizal] na si Ambeth Ocampo, hindi lamang ito pagsasalin ng mga teksto ngunit pagpapaabot din ng tungkol sa isang bahagi ng pagkatao, hindi lamang ni Andersen bagkus, pati ni Rizal (Soliman 2018), partikular sa pananaw ni Rizal ukol sa wika at sa papel nito sa pagbuo ng isang bansa.
Sa obserbasyon ni Ocampo (2015), karamihan sa mga kwentong pambata na isinalin ni Rizal ay patungkol sa mga maliliit na tao sa lipunan. Ang kwentong “Ang Pangit na Sisiw na Pato” ay may kinalaman sa transpormasyon (papunta sa magandang anyo) samantala ang kwentong “Si Gihinlalaki” ay may kinalaman sa paghulagpos sa abang kalagayan at kapalit nito ay ang maligayang wakas. Ang pagsasalin naman ng “Ang Punong Pino” at “Ang Batang Babaeng May Dalang Sakafuego” ay hinihinuha ni Ocampo na may kaugnayan sa naging karanasan ni Rizal sa Europe partikular ang pagkahabag niya sa isang nanlilimos na naikuwento niya sa kaniyang pamilya sa pag-asang may mapulot na aral mula rito. Sa parehong sitwasyon ng mga literatura, salin man o sariling akda, hinihinuha ni Ocampo na ang pagsulat ni Rizal ng Noli ay isang paraan din upang magbigay-aral sa kaniyang mga kababayan tungkol sa kabansaan.
Kaugnay sa pagigigng isang bansa, ang pangangailangan para sa komunidad ng komunikasyon ay una bago ang mga taong may soberanya ay maglagay ng lehitimisasyon sa gobyerno (Wright 2012, 59). Sa kaso ng Pilipinas, wikang Español ang kailangan para sa komunikasyon sa partikular na grupo sa lipunang Pilipino, gayundin sa mga kolonisador. Dahil dito, ang Noli at Fili, sa kabila na naisulat sa wikang Español, ay itinuturing ng marami na pundasyonal na teksto ng nasyong Pilipino (Sales 2019, 39) at marahil ay gayundin ang ibang nasulat ni Rizal kaugnay sa nasyong Indones. Bagama’t hindi sa wikang Tagalog o Español nagmula ang salin patungong Indones, bagkus ay sa wikang Ingles, masasabing lalo pang naging mabisa ang ginawang pagsasalin. Gaya halimbawa ng salin sa Ingles ng Noli ni Leon Ma. Guerrero, isang diplomatikong Pilipino, na naging tanggap kahit ng mga paaralang sektarya (Testa-de Ocampo 2011, 516). Ngunit sa bandang huli, ang kapangyarihan ay nananatili sa tagasalin sapagkat naipaaabot ang mga banyagang kultura at identidad sa mga lokal na mambabasa (Gillberg 2016, 5) malayo man ito o malapit sa kanilang karanasan. Ang mga halimbawa ni Rizal sa aspeto ng wika at pagsasalin, sa kabuuan, ay masasabing mahusay na halimbawa sa mga Indones sa pagsulong ng nasyonalismo.
Buod, Rekomendasyon at Pangwakas
Si Rizal, may diplomatikong lapit sa pakikipag-ugnayan at pakikipaglaban. Ang uri ng pakikipaglaban niyang ito ay naging inspirasyon sa pagpapaunlad ng diwang makabayan at pagsulong ng laban ng mga Indones para sa kanilang kalayaan, bagama’t hindi natularan ang diplomatikong estilo. Gayunpaman, sa pagtatamo ng Indonesia ng kabansaan, si Rizal ay naging tampok sa kanilang diplomasya at pagkikipag-ugnayan sa Pilipinas. Bukod pa rito, makikita pa ang naging mabuting dulot ng inspirasyon nila kay Rizal lalo sa aspekto ng pagsasalin at iskolarsyip na lalong nakapagpayabong ng ugnayang Pilipinas-Indonesia. Ang pagsisikap sa panig ng mga Indones ay sinikap ding mabigyang resiprokasyon ng mga Pilipino.
Ang mabuting turing ng mga Indones kay Rizal ay masasabing dahil na rin kay Malaka, bayani ng Indonesia, na tagahanga ni Rizal at inari siya bilang kapuwa Indones. Gayundin, magaan ang pagkakawing ng pangalang Rizal sa mga salitang Arabikong gamit ng mga Indones. Samantala, ang Tagalog na wikang kinamulatan ni Rizal ay mayroon ding mga hiram na salita mula sa wikang Arabiko. Masasabi ring naging mahusay na halimbawa sa mga Indones si Rizal sa paggamit ng sarili at banyagang wika, sa pamamagitan ng pagsasalin, sa pagsulong ng nasyonalismo.
Ang mga salik na nabanggit, gayunpaman, ay nangangailangan pa rin ng malaong pag-aaral partikular ang balidasyon ng mga ito sa panig ng mga Indones. Sa pananaliksik sa hinaharap maari pang tingnan kung gaano ang tuwirang epekto o relasyon sa pagkilala kay Rizal ng mga Indones kay Malaka bilang tagahanga ni Rizal. Maari ring sipatin ang lawak ng kamalayan ng mga mamamayang Indones sa pag-uugnay sa ‘Rizal’ sa ibang mga salitang Arabiko o Indones. Gayundin, mahalagang mapagtuunan ang interpretasyon ng mga mamamayang Indones sa ginawang salin ng kanilang mga kababayan sa mga akda ni Rizal.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasalin ng Noli, Fili, atbp. sa iba’t ibang mga wika. Nariyan ang salin ni Prof. Dott. Vasco Caini (manunulat at tagapagsalin na Italyano) ng Noli (2003), Fili at anim na iba pang akda ni Rizal sa wikang Italyano. Ang mga gawang ito ay kinilala ng panig ng Pilipinas sa pamamagitan ng Knights of Rizal (KOR)-Firenze Chapter (KOR Firenze 2019). Nariyan na rin ang salin ng Noli (2019) at Fili (2020) sa wikang Dutch ni Gerard Arp (manunulat, tagapagsalin, at tagapaglathala na Dutch) at ito’y sinabayan din ng paggunita ng Ugnayang Pilipinas-Netherlands ng Embahada ng Pilipinas sa Hague, Netherlands (Department of Foreign Affairs, Philippines 2020). Ang mga ito ay ilan sa bakas para masabing ang pagsasalin ng mga akda ni Rizal ay magiging masigla pa sa malapit na hinaharap.
Panghuli, at bilang susog sa sinasabing estilo at kagawiang diplomatiko ni Rizal, masasabi rin na siya ay nakapagsagawa sa kaniyang kapanahunan ng kung tawagin ngayo’y “people-to-people (P2P) diplomacy” o isang anyo ng diplomasya na intensyonal, politikal, batay-sa-komunikasyon na pakikipag-ugnayan sa mga grupo ng tao, pampubliko (labas sa pribadong) interes na naglayong magkaroon ng implikasyon sa polisiya ng ugnayang panlabas (Ayhan 2020) ng bansang kaniyang nilulunggati. Magkaganito, nakakatuwang isipin ang ideya ng ‘bayaning embahador’ para kay Rizal. Ito’y sapagkat nangyayari o mayroon na rin na ganito sa kasalukuyan. Halimbawa, dito na lamang sa bansa, si Fidel V. Ramos, na dating Pangulo at itinuturing ding isang bayani (McFadden 2022; Terrada 2016), ay hinirang ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte noong 2016 na maging “special envoy” sa Tsina (Ramos 2016). Ngunit ang higit pang nakamamangha sa sitwasyon ni Rizal ay sa kabila ng kaniyang kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, masasabing naitataguyod pa rin niya ang diplomasya, hindi lamang para sa ugnayang Pilipinas-Indonesia kundi maging sa ugnayan ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
Sanggunian
Acido-Muega, M. (2020, December 29). Jose Rizal’s diplomatic fighting style. Manila Standard. https://manilastandard.net/lifestyle/arts-life/343177/jose-rizal-s-diplomatic-fighting-style.html
Aguilar, C. T. (1987). The Muslims in Manila prior to colonial control. Sojourn: Journal of Social Issues in Southeast Asia, 2(1), 150–158.
Ayhan, K. J. (2020, March 12). A typology of people-to-people diplomacy. United States Center for Public Diplomacy. https://uscpublicdiplomacy.org/blog/typology-people-people-diplomacy
Bara, H. (n.d.). The history of the Muslim in the Philippines. National Commission for Culture and the Arts. https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-communities-and-traditional-arts-sccta/central-cultural-communities/the-history-of-the-muslim-in-the-philippines/
Batnag, A. E. (n.d.). Translation in the Philippines. National Commission for Culture and the Arts. https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-disseminationscd/language-and-translation/translation-in-the-philippines/
Cabrera, A. B. (n.d.). Rizal for the new year: Rebellious, amid revelry. PwC Philippines. https://www.pwc.com/ph/en/as-easy-as-abc/column/rizal-for-the-new-year.html
Caluen, R. J. (2018, May 31). Sentro Rizal opens in Toronto. Philippine Daily Inquirer. https://usa.inquirer.net/12619/sentro-rizal-opens-toronto
Department of Foreign Affairs, Philippines. (2020, February 13). Philippine Embassy in The Hague, Knights of Rizal Dutch translation of El Filibusterismo. https://dfa.gov.ph/dfa-news/news-from-our-foreign-service-postsupdate/25932-ph-embassy-in-the-hague-knights-of-rizal-dutch-translation-of-el-filibusterismo
Department of Foreign Affairs, Philippines. (2022, January 3). Philippine Embassy in Indonesia remembers Rizal’s martyrdom. https://dfa.gov.ph/dfa-news/events/rizal-day-2020/30004-ph-embassy-in-indonesia-remembers-rizal-s-martyrdom
De Viana, A. V. (2015). The development of foreign service during the revolutionary period and the Filipino-American war (1896–1906): A story of struggle from the formation of diplomatic contacts to the Philippine Republic. The Antoninus Journal, 2, 19–52.
Elisabeth, A. (2008). The role of the Philippines in the BIMP-EAGA growth triangle and the dynamics of ASEAN political economy (PhD thesis). University of Wollongong.
Gillberg, T. (2016). Power in translation: Bringing Japan to the West (Master’s thesis). University of Gothenburg.
Iwamoto, N. (n.d.). The role of language in advancing nationalism. http://human.kanagawa-u.ac.jp/kenkyu/publ/pdf/syoho/no38/3803.pdf
KOR Firenze. (2019, September 9). Philippines recognizes Italian translator for translating Rizal’s complete works. https://kor-florence.org/news/philippines-recognizes-italian-translator-for-translating-philippine-hero-rizals-complete-works/
Ladrido, P. (2018, October 5). This book reveals 5 things you never knew about Jose Rizal. CNN Philippines. https://www.cnnphilippines.com/life/culture/literature/2018/10/5/jose-rizal-andersen-tales.html
McFadden, R. D. (2022, July 31). Fidel Ramos, Philippine president who broke with Marcos, dies at 94. The New York Times. https://www.nytimes.com/2022/07/31/obituaries/fidel-v-ramos-dead.html
Ocampo, A. R. (2015, December 18). Rizal’s letters and translations of fairy tales. Philippine Daily Inquirer. https://www.pressreader.com/philippines/philippine-daily-inquirer-1109/20151218/281792807980108
Official Gazette, Philippines. (2011, January 5). PHL Consulate General in Manado commemorates 114th martyrdom anniversary of Dr. Jose Rizal. https://www.officialgazette.gov.ph/2011/01/05/phl-consulate-general-in-manado-commemorates-114th-martyrdom-anniversary-of-dr-jose-rizal/
Ramos, F. V. (2016, October 11). Breaking the ice in the South China Sea. Project Syndicate. https://www.project-syndicate.org/commentary/improving-china-philippines-relationship-by-fidel-v–ramos-2016-10
Roda, R. M. (2016, December 26). Monuments and memorials to Jose Rizal around the world. Philippine Daily Inquirer. https://lifestyle.inquirer.net/248798/monuments-memorials-jose-rizal-around-world/
Sales, M. J. (2019). Translation (in/of/as) history: Toward a model for historicizing translation in Hispanic Filipino literature. Translation & Interpreting, 11(2), 32–45.
Severino, A. (2019, December 28). A hero of a free Asia: Why Indonesians admire Jose Rizal. Esquire Magazine. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/rizal-indonesia-a2416-20191228
Victoria, F. P. F. (2021). Ilang mga tala sa mga kontemporaryong pagtingin kay Rizal mula sa Indonesia. Rizal@160 (Webinar).

