Vicente C. Villan
UP Departamento ng Kasaysayan
How to Cite:
Villan, V. C. (2022). Ang pangkalinangang subersyong geopolitikal at pagsipat kay Jose Rizal sa diskurso ng pamana sa kasaysayang Pilipino. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 39–67. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-uRCapsGatPKJrsdnPsKP
Abstrak
Hugot mula sa ideyang geopolitikang pangkalinangang subersyon, tatangkaing uunawain sa papel na ito ang naging hakbanging kolonyal ng mga Español at Amerikano sa kanilang ginawang pananakop sa Pilipinas. Ito’y bagamat may subersyon ding isinagawa si Jose Rizal sa kolonyalismo, hindi nangangahulugang pagtutuunan sa papel ang nasabing paksa upang higit na makita ang naging hakbanging kolonyal ng mga mananakop sa Pilipinas.
Gamit ang lapit na singkroniko at diakroniko, sisipatin sa gagawing pag-aaral ang materyal na kulturang pinagkaugatan ng ginawang pangkalinangang subersyon kay Jose Rizal ng mga mananakop. Uunawain sa ginawang pananaliksik ang naging saysay niya sa loob ng pangkalinangang pamana at sagisag na panlahi ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng pagsasawalang bisa at pagpapahina sa damdaming bayan o nasyonalismong isinasagisag ni Rizal, nagtagumpay ang mga Amerikano na demoralisahin iyon gamit ang kinagisnang ideya sa pamana.
Sa pagsusuri, ang panlipunang halagahin mula sa pangkalinangang pamana sa anito ang ginamit ng kolonyal na estadong Español para sa mitipikasyon o pagsasaalamat tungkol sa kapangyarihan ng ikonograpiyang panrelihiyon. Iniangkas ng mga Español ang kanilang dala-dalang santo sa naririyang pumapaimbulog na gawain sa pag-aanito upang saklutin mula rito ang espiritwal na kapangyarihan sa loob ng kalinangan at lipunang Pilipino. Sa ganitong diwa, tinularan ng US ang kanilang ideyang sekular gamit ang pagbabantayog o pagtatag ng monumento para kay Rizal upang maisingkaw rito ang pagkauhaw sa edukasyon ng mga Pilipino. Naging daan ang pangkalinangang subersyong ito para dominahin ng US ang larang na intelektwal sa Pilipinas gamit si Rizal bilang geopolitikal na pananagisag.
Nilalayon ng papel na ito sa pangkalahatan na tayahin ang praktikang geopolitikal ng imperyalistang kapangyarihan. Mag-aambag sa madaling salita sa partikular ang pag-aaral hinggil sa pagpapalawak, pagpapayabong, at paglalaman sa pampamanang pag-aaral (Heritage Studies), pagpapalawig sa diskursong Rizal (Rizal Discourse), at pagpapaunlad ng historiograpiyang Pilipino (Philippine Historiography).
Mga Susing Salita: Geopolitika (Geopolitics), Pangkalinangang Subersyon (Cultural Subversion), Pampamanang Pag-aaral (Heritage Studies), Geopolitikal na pananagisag (Geopolitical symbol), at Diskursong Rizal (Discourses on Rizal)
Panimula
Sadyang nakaugnay sa geopolitika ang tema o isyu sa pangkalinangang subersyon. Sa pamamagitan ng panlipunang teknolohiya sa paglilimbag, mabisang naisasagawa ang mga ito ng mga mananakop upang ang kolonyal na interes ay maipagwagi mula sa nais sakuping mamamayan (Moore, 1994). Tanggap ng marami na ang sinasabing imbensyon sa panlipunang teknolohiya tulad ng binabanggit na palimbagan o tradisyonal na midya ay nilikha bunsod ng pangunahing layuning magpabatid, magbalita, at makapagturo sa madla (Gangliano 2012). Sa bisa ng nabuong kaalamang pangmadla, istratehikong nailalagay sa seguro ng mga mananakop ang kanilang interes sa adbentahe o nakalalamang na posisyon (Gökmen, 2010).
Ngunit ano nga bang uri ng kaalamang pangmadla mula sa bayan ang binibigyang pansin ng mga mananakop – Español at sa partikular, ang mga Amerikano? Ano ang ginamit nilang kultural na materya sa kanilang itinataguyod na pangkalinangang subersyon upang gawing mabisang sangkap para sa kanilang geopolitika at makamit yaong inaasam na adbentahe o nakahihigit na posisyon? Totoo nga kayang nasa ikagagaling ng madla ang kaalamang kanilang ipinabatid, ibinalita, at itinuro sa mamamayan gamit ang teknolohiya ng paglilimbag? Masasabi ba nating ang imbensyong binabanggit sa paglalathala para sa pagkalap, pag-ipon, at pagpamumudmod para sa maramihan at malawakang produksyon ng impormasyon ay pag-usad patungo sa pagkamit ng minimithing progreso o pag-unlad? May mabuti nga kaya itong naidudulot sa kinagisnang anyo ng pagpapadaloy ng kaalamang pangmadla sa kabuuan na naghugpong, bumuklod, at nagsasama-samang pangkating etniko sa kapuluan?
Upang tugunin ang naturang mga katanungan sa unahan, gumawa ang may-akda ng pag-aaral na ito ng pangkalahatang tanong upang magsilbing gabay na diwa ng pag-aaral at magsisilbing angklahan na rin para sa pagbalangkas ng pangkalahatang layunin: papaano sisipatin gamit ang ideyang pulitikal na pangkalinangang subersyon upang unawain ang mga hakbanging kolonyal sa pagsasawalang bisa at pagpapahina sa damdaming bayang sinasagisag sa pasimula ng mga ikonograpiyang panrelihiyon tulad ng mga santo at pagdaka’y si Gat Jose Rizal na ipinagtayo ng monumento? Para mahimay at masipat ang mahalagang ideya sa nasabing pangkalahatang katanungan, nilalayon ng papel na ito sa pangkalahatan na tayahin ang gamit ng pangkalinangang subersyon kaugnay sa hakbanging kolonyal na pagsasawalang bisa at pagpapahina ng mga Español at pagkaraka’y mga Amerikano sa damdaming bayan o nasyonalismong isinasagisag ni Rizal.
Para matugunan ang sentral na katanungan at makamit ang pangkalahatang layunin, hihimayin ng may-akda sa pag-aaral na ito ang paksa sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga sumusunod na tiyak na layunin:
• Maipook na sa bisa ng pamana makikita ang susing konsepto at kontekstong pangkalinangang subersyong geopolitikal na kakasangkapanin para unawain ang pangkalinangang subersyon sa Pilipinas;
• Masipat na sa pamamagitan ng organikong konsepto ng pamana naisakatuparan ang pangkalinangang subersyong itinaguyod ng mga Amerikano sa bansa at nagpawalang bisa sa sagisag ng damdaming bayan o nasyonalismong kinakatawan ni Rizal; at
• Masiyasat ang pagpapatuloy na gamit at diwa ng pamana sa larangang pangkalinangan, pangkasaysayan, at pag-unlad na itinaguyod ng pamahalaan sa panahon ng Republikang Pilipino.
Nahahati sa tatlong bahagi ang papel na ito: 1. Mula Anito Tungong Santo: Ang Konteksto ng Pangkalinangang Subersyon at Pagtatawid ng Geopolitikal na Interes ng mga Español; 2. Mula Santo Tungong Monumento: Ang Pangkalinangang Subersyon sa mga Santo at Pagtatawid ng Geopolitikal na Interes ng mga Amerikano Gamit si Rizal; at 3. Mga Monumentong Pilipino: Pag-unawa sa Pangkalinangang Subersyong Isinasagisag ni Rizal sa Kontemporaryong Panahon.
Tatalakayin sa unang bahagi ng akda ang kontekstong pangkasaysayan ng subersyong pangkalinangan gamit ang kinagisnang pamana ng mga katutubo sa anito upang ipadaloy mula rito ang ideyang geopolitikal na pang-unibersal tulad ng kaligtasan na makikita o nasasaad sa Inter Caetera. Isa itong Papal Bull na inilabas noong ika-4 ng Mayo 1493 ni Pope Alexander VI. Ginawang saligang dokumento kapuwa ng España at US ang nasabing kasulatan upang manakop sa iba’t ibang lupalop ng daigdig (The Doctrine of Discovery, 1493).
Sa Pilipinas, sa pamamagitan ng pamanang pangkalinangang ginamit ng mga Español ay naging daluyan ng kanilang ideya ang kaligtasang nabanggit mula sa tradisyon ng pag-aanito ng mga etnolinggwistikong grupo sa kapuluan. Kanilang itinawid sa pamamagitan ng perpormatibong karakter o anyo ng kultura sa pag-aanito ang dala-dala nilang ideya ukol sa mga santong Europeo (Luna, 2020; Omamalin et al., 2016).
Samantala sa ikalawang bahagi naman, dahil sa ginawang daluyan ng mga Español ang anito para maipasok sa kamalayan ng mga katutubo ang ideyang unibersal tulad ng kaligtasan gamit ang kanilang mga santo (Omamalin et al., 2016), ay ang pagpapatuloy ng pangkalinangang subersyon sa panahon ng mga Amerikano (Constantino, 1969). Nahayag naman sa pamamagitan ng pagsakay sa ideya ng katimawaan ng mga Pilipino gamit ang paglikha ng monumento kay Rizal (1913) ang katuparan sa pangkalinangan subersyon ng mga Amerikano para sa kanilang interes. Dahil sa matingkad na pagsasa-anito ng mga Pilipino kay Rizal na makikita sa pagkakaroon ng mga bantayog sa Daet, Camarines Norte sa Luzon (1898) at pagsasamonumento naman kay Rizal sa Capiz (1911) at Iloilo (1917) sa Kabisayaan, tatalakayin sa ikalawang bahagi ang mga tala hingggil sa naging aksyon ng mga Amerikano upang igiit ang kanilang bersyon ng pangkalinangang subersyon kay Rizal mula sa paglikha ng lalawigang isinunod sa kaniyang pangalan, pagbuo ng monumento sa Luneta, paggamit sa kaniya bilang sagisag-ideya nila ng edukasyon para sa pagsasatimawa ng mga Pilipino mula sa pagsasamantala ng mga Español, at pag-iral ng mga kosmopolitanisadong ilustrado (Act No. 137, June 11, 1901, Luneta, Sutherland, 1953). Sa bisa ng pampublikong edukasyon, ang pangkalinangang subersyon ng mga Amerikano gamit ang monumento bilang kolonyal na santo at anito sa panahon ng mga Amerikano, matagumpay na naisulong ang kanilang geopolitika sa Pilipinas.
Habang tatalakayin naman sa ikatlong bahagi ng papel ang pagtaya sa naging bersyon ng Republikang Pilipino hinggil sa umiiral na pangkalinangang subersyon gamit ang pagpapatuloy ng kaparaanang Amerikano ng pagtatatag ng mga daan, gusali, at pagsasabatas ukol sa pamana ni Rizal sa lipunan at kasaysayan. Sa pamamagitan ng maalab na damdamin sa nasyonalismo, nagamit ito ng estado upang bigyang lehitimasyon ang kaniyang pag-iiral sa pamamagitan ng pagsasabatas ukol sa panukalang paggunita kay Rizal noong 1953, at pagbuo ng batas ng kursong Rizal pagsapit naman ng 1956. Ngunit nais na linawing nakatuon lamang sa pagsipat, pagsiyasat, at pag-unawa sa subersyong geopolitikal ng US at pakikipagtulungan ng mga estadong Pilipino iinog ang talakayan. Bagama’t kinikilalang mahalagang makita rin dapat ang pagtugon ng mga ahensyang Pilipino sa harap ng pangkalinang hamong geopolitikal na ito at maging yaong ginawa ring subersyon ni Rizal sa ipinairal at iginiit na kolonyal na kulturang Español, hindi na muna ito pagtutuunan ng pansin sa sanaysay dahil sa limitasyon ng espasyo at pagbibigay konsiderasyon na rin para sa ikaayos ng sanaysay. Sa huli ay magkakaroon ng konklusyon ang pag-aaral.
I. Mula Anito Tungong Santo: Ang Konteksto ng Pangkalinangang Subersyon at Pagtatawid ng Geopolitikal na Interes ng mga Español
Upang matukoy na sa bisa ng pamana makikita ang susing konseptong pangkabihasnan at kategoryang pangkasaysayan na kakasangkapanin para unawain ang ugat ng pangkalinangang subersyon sa Pilipinas sa panahong Español, ikinabit ang pagtalakay sa bahaging ito ng papel sa konsepto ng geopolitika na yumabong mula noong huling bahagi ng ika-19 siglo hanggang sa huling bahagi rin ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil yugto ito ng tinatawag ng mga historiador na pagyabong ng mga institusyong imperyalista at mga samahang itinatag ng maykapangyarihan para magbigay katuwiran sa Kanluraning ekspansyonismo, taong 1899, sa pagkatukoy ni Rudolf Kjellen ng Germany ay isinilang ang klasikal na uri ng geopolitika na nagbibigay pansin sa kaganapang may kinalaman sa teritoryal na pagtuklas. Pangunahin sa mga manlalarong kapangyarihan para sa kaganapan ng pagtuklas na teritoryal ay kinabibilangan ng Great Britain, Germany, Russia, at US na sumunod sa naunang manunuklas-teritoryal na Español at Portuges. Gayunman, bagama’t ang pag-angat ng geopolitika bilang isang disiplina ay noon lamang napansin sa taong 1899. Malinaw na ang konsepto, diskurso, larangang pangkaalaman, at panlipunang kaganapang geopolitikal ay matagal nang nakaugat, umiiral, at nangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Bunsod marahil ito sa likas at di-mapaghihiwalay na relasyon ng estado sa kaniyang kinaroronang pook. Isang natural na kaganapang nag-iisip, lumilinang, at nag-aaral ang estado ng mga pamamaraan upang pakikinabangan ang kanilang kinaroroonang pook at sipatin ang advantage position nito para ipahayag ang kaakibat na interes na pang-espasyo at identidad na pampulitika na ating mababanaagan sa siping ito: “Kaya’t sa buong daloy ng pag-aaral na ito, tinatayang ang geopolitika ay isang pang-intelektwal na tradisyon, isang kapahayagan ng pang-estadong interes, at sa huli ay isang kapahayagan ng kakaniyahang pampulitika” (Gökmen, 2010).
Dahil nga sa likas na kalakarang panlipunan at kaganapang pangkasaysayan ang geopolitika sa daigdig, ang naratibong kaakibat ng pang-intelektwal na tradisyon sa loob ng imperyal na estado ay umiinog sa pagtatagisan ng mga namiminuno na isabuhay ang likas na gawaing geopolitikal para sa pagtuklas na teritoryal. Masisipat natin ito mismo sa naging pahayag ni Semra Ranâ Gökmen (2010) na: “Sa huli’t huli ang kasaysayan ng daigdig ay salaysay ng mga nagtatagisang autoridad para sa kapangyarihan upang umorganisa, makapanakop, at makapaghari ng espasyo”.
Sentral na tuon samakatuwid sa gawaing geopolitikal para sa pagtuklas na teritoryal ang makapanakop at makapaghari sa nais na gapiing pook-pamayanan. Ito ang sadyang malimit na nilalaman ng mga naratibong pangkasaysayan sa daigdig. Samantala, higit na naging malinaw ang di nagmamaliw na kalikasan sa pangteritoryal na pagtuklas para umorganisa, manakop, at makapaghari ng espasyo na pinaniniwalaang nakakabuti sa mananakop at nagtatadhana naman sa kabilang banda ng mga di-maunlad o maliliit na komunidad saan mang lupalop ng daigdig. Ito ay upang sila ay pumailalim sa mas malalakas na kapangyarihan kagaya ng nasasaad: “Sang-ayon sa organikong teorya ng estado, pagkat ang bawat estado ay isang buhay na organismo, ang paglago ay isang likas na kaganapang pang-estado at ang estadong may kalikasan sa pagyabong ay natutulak para sakupin ang di gaanong matagumpay at mga maliliit. Kaya’t nasusukat [niya] ang pag-unlad ng estado sa pamamagitan ng pagpapalawak at ang binabanggit na paglawak at pampulitikang pag-unlad ay nakakabuti para sa estado sapagkat nakakaragdag ito para sa kaniyang kalakasan” (Gökmen, 2010).
Sa kasaysayan, tulad ng nalalaman natin ang Portugal at España ang unang lumunsad ng geopolitikal na aksyon kung saan dahil dito sila ay lumago, yumabong, at lumakas. Sa pamamagitan ng Inter Caetera na binabanggit sa unahan ay siyang kinasaligan ng kapangyarihang geopolitikal ng dalawang binanggit na imperyal na estado. Ito ang naging daan upang ang kanilang teritoryal na gawain sa pagpapalawak at pagpapalakas ay naisakatuparan. “… anumang lupain na hindi tinatahanan ng mga Kristiyano ay magagamit upang “tuklasin,” “angkinin,” at “linangin” ng mga pinunong Kristiyano at ipinahayag na “ang pananampalataya ng mga Katoliko at ang relihiyong Kristiyano ay dadakilain at ipalaganap sa lahat ng dako, kung saan ang kapakanang pangkaluluwa ay marapat pangalagaan at gagapiin yaong mga barbarong bansa para sa pananampalataya.” (The Doctrine of Discovery, 1493).
Hindi lang ang kapakanang pangkaluluwa o ang kaligtasan ng sinakop na mamamayan kung gayon ang nais diumanong ipagwagi mula sa kasamaan kundi pati na rin mismo ang pamumuhay na barbaro ay tahasang itatakwil upang paghariin ang uri ng pananampalatayang Español sa Pilipinas. Sa pagsasakatuparan nito, mariin ang kautusan sa pamamagitan ng ganap na pagsunod, may maalab na kasipagan upang susundin ang nabanggit na atas mula sa Papa ng Roma. Ito ay upang turuan at sanayin ang mamamayan sa loob at labas ng Simbahang Katoliko na magkaroon ng mabuting asal sa ilalim ng pamantayang moral na itinataguyod ng simbahan. Ganito ang ating matutunghayan ukol sa naging utos sa monarkiya sa pananakop: “Bukod dito, ipinag-uutos namin sa iyo sa bisa ng banal na pagsunod na, gagamitin ang lahat ng nararapat na pagsusumikap sa lugar, tulad ng ipinangako mo rin—ni hindi namin pinagdududahan ang iyong pagsunod dito alinsunod sa iyong katapatan at maharlikang kadakilaan ng espiritu—dapat kang humirang sa nabanggit na mga lupain at mga isla na karapat-dapat, may takot sa Diyos, natuto, may kasanayan, at may karanasan, upang turuan ang mga nabanggit na naninirahan at residente…” (The Doctrine of Discovery, 1493).
Ngunit papaano nga ba ang mabisang kaparaanan sa panggagapi sa mga itinuturing nilang mga barbarong mga bansa para maipagtagumpay ang pananampalatayang itinataguyod nang sa gayon ay magkakapuwang sa mamamayan ang inilalakong ideya ng kaligtasan? Malinaw ang punto sa talang ating sinipi na sa pamamagitan ng inaasam na pagdadakila at pagpapalawak ng pananampalataya kaugnay ng itinataguyod na pangangalagang pangkaluluwa ito maisasakatuparan. Ngunit sa kabuuan, paano nga ba nahahayag o ano ang manipestasyon ng geopolitika sa kinauukulang teritoryo? Ano ang karakter ng pagsasakatuparan nito upang mapakinabangan ng imperyal na estado ang geopolitika para sa kanilang advantage position? Si Mauricio Diagama Durán (2020) ay may interesanteng pahayag sa bagay na ito: “Ngunit ang katotohanan ay nagkaroon ng kalituhan sa pagitan ng teoretikal na istraktura (geopolitics bilang isang hanay ng mga ideya), ang metodolohikal na istraktura (geopolitics bilang isang paraan ng pagsusuri) at ang praktikal na aplikasyon nito (geostrategy).”
Isang paglilinaw samakatuwid ang sipi sa unahan upang sipatin ang usapin sa geopolitika na tumutukoy hindi lamang sa klasikal na pakahulugan dito bilang isang larang ng kaalaman na nakakahon para sa salaysay ng gawain ng imperyal na estado para sa pagtuklas, pag-angkin, pagkontrol, at pag-aari ng likas yaman, kundi sa pag-alam higit sa lahat sa kung papaano ang operasyon ng maykapangyarihan gamit ang kultura bilang kasangkapan sa paggagapi o panunupil sa umiiral at matatag na kultura ng mga nasasakupan. Sa naging pahayag ni Kimitaka Matsuzato (2010), binigyang linaw niya ang ganito: “Sa halip, ang geopolitikal na kultura ay nakatuon sa mga independiyenteng aktor, kabilang ang mga substate, na bumubuo ng burukratikong pulitika na halos hindi nakokontrol ng iisang punong-tanggapan. Sa kabilang banda, ang pag-unawa sa kultural na geopolitika ng kultura bilang isang operational na mapagkukunan ay nakikilala ito mula sa nangingibabaw na posisyon… na kadalasang tumutukoy sa kultura at binubuo ng hindi nababagong kaugalian…”
Malinaw sa ating sinipi na mahalaga ang pag-unawang pangkultura sa geopolitika sapagkat sa operasyon ng panggagapi at panunupil, nagiging batis ito para makita ang umiiral at di-natitinag na kaugalian ng mga tao o sakop. Dahil sa hindi nga ito nababagong kaugalian ng mga taong sakop, upang kasangkapanin ang nasabing pag-uugaling nagpapatuloy sa loob ng lipunang Pilipino na walang iba kundi ang kanilang pamanang kultural na sa simula ay nasa larangang espiritwal. Ito kung gayon ang praktika ng mga etnolinguistikong pangkat sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pamanang pangkalinangang ginamit ng mga Español, naging daluyan ng kanilang ideya ng kaligtasang nabanggit sa unahan ang tradisyon ng pag-aanito upang itawid sa pamamagitan nito ang dala-dalang ideya nila ukol sa mga santo (Manabat, 2011; Hanks, 2011; Villan, 2013; Duran, 2020; Omamalin et. al, 2016).
Sa naging pag-aaral ni Roger Mucchielli (1976) masisipat natin kung ano at para saan pumapatungkol ang gamit ng pangkalinangang subersyon (Moore, 2019) ng mga mananakop sa pinagkaka-interesang lipunan o teritoryo. Ipinaliwanag niya ang ganito: “…sapat na kinukonsidera bilang paghahandang pagkilos na isinasagawa lamang para sa layuning magpawalang bisa at magpahina ng establisadong kapangyarihan at magdemoralisa sa mamamayan (Gangliano, 2012).
Malinaw sa naging paliwanag ni Mucchielli at sinitas ni Gangliano na isang preparasyon para sa pagkilos ang pangkalinangang subersyong ating pinapaksa para maisakatuparan ang layuning ipawalang bisa at lugmukin ang umiiral na establisadong poder sa nadatnang lipunan at teritoryong nais na papaghinaing loob ng mamamayan. Kung papaano pa nasabi ng naturang pantas o iskolar na tumatayo ang pangkalinangang subersyon bilang paghahanda sa layuning binabanggit, binigyang diin niyang “gumaganap ang pangkalinangang subersyon sa opinyong pampubliko sa pamamagitan ng banayad at sopistikadong pananangkapan.” (Gangliano, 2012). Ngunit papaano ang sinasabing banayad at sopistikadong kaparaanan sa pananangkapan nangyayari sa loob ng nais demoralisahing lipunan o teritoryo? Isinaad pa niyang “…ang subersyon ay partikular na ipinatutupad sa pamamagitan ng propaganda na ang tunguhin ay di-makatuwirang dimensyon sa nais tudlaing kaisipang isinasagawa sa bisa ng paglalathala kung saan sa pamamagitan niyaon ang subersyon ay naipapasa nang malawakan sa madla upang impluwensyahan sa pamamagitan ng paglason ng kaisipan gamit ang pagpapalaganap ng maling Impormasyon para sa layuning hikayatin ang pinakatarget nang sa gayo’y makakalikha ng mapinsalang desisyon at sa huli, sa pamamagitan ng dis-impormasyong ang tanging layon ay walang iba kundi ang magmanipula sa damdamin ng mamamayan…” (Gangliano, 2012).
Ilan ito sa matitingkad na mga saloobing pangmamamayang nais na mabuo o mamanipula ng mga mananakop sa loob ng itinutudlang lipunan o teritoryo gamit ang binabanggit na pangkalinangang subersyon na itinatampok ni Gangliano. Ibig sabihin, nais ng mga mananakop sa pamamagitan ng pangkalinangang subersyon na ipatanggap sa mga Pilipino na walang saysay o ano mang silbi pa ang mga pagkilos na gagawin sa pamamagitan ng pagtataguyod o pagsama para makiisa sa alin mang kilusang lumalaban halimbawa sa mga mananakop sa pamamagitan ng diumano anilang kawalang nalalaman sa batas, nagtataguyod ng di-sibilisadong digmaan, ngunit pinapatawad ng pamahalaan (Roosevelt, 1902). Nais nilang idiin sa atin na walang kakayahan ang mga pinuno at mga institusyong umiiral na kanilang nadatnan sa Pilipinas anupa’t di umaangkop diumano sa sibilisadong pamumuhay at lihis sa landas ng pag-unlad dahil tiningnan nila iyon bilang atrasado, at walang direksyon. Sa pamamagitan ng missionary spirit ng mga Amerikano, ang gawain para magtaguyod ng mabuting balita para sa unibersal na edukasyon, karapatan sa malayang pamamahayag, karapatang pantao, pampublikong kalusugan at sanitasyon, at modernong pamamahala ay naisakatuparan sa Pilipinas (Hunt, 1956). At saka’t sakali ngang may bumabangong mga pagkilos laban sa pinaiiral na pamahalaan, tinitingnan iyon bilang mga iligal na kilusan at kalaban kung gayon ng kapayapaan, kaunlaran, at sibilisadong uri ng pamumuhay (Ochosa, 1995; Gonzalez, 2020; Report of the United States Philippine Commission to the Secretary of War, 1901; Gangliano, 2012; Dacumos, 2015; Chartier, 1989; Herrera, 2015; Tucker, 2016)
Samantala, kapansin-pansin sa kabilang banda ang pamanang bayan na sumasaklaw kapuwa sa tangible at intangible na larangan ang siyang nagtatakda sa kung ano ang tinatawag na ka-Pilipino-han sa ngayon. Sa lente ng epistemolohiyang Panlipunan (EP), masisipat na ang pangkalinangan at pangkamalayang konteksto ng ka-Pilipino-han na kongkretong makikita sa naririyang pangkalinangang ikonograpiya, at nakapagpapasiglang naratibong makukuha mula sa binabanggit na pamanang bayan (https://ncca.gov.ph/ about-culture-and-arts/articles-on-culture-and-arts/cultural-heritage). Dahil sa ang lahat ng uri ng mga pamana ay nagtataglay ng pangkalinangang pananagisag, at mga salaysaying bayang nakapaloob sa mga ito (Bautista, 2006; Villan, 2020). Sa mga pangkalinangang ikonograpiya isang tanggap na katotohanan na mayroon itong sangkap o batayang materya, may dala-dalang pananagisag, at nagagamit kung gayon sa pag-unawa, at paglikha ng ating pagiging-Pilipino at pagka-Pilipino. Sa ganito ring rason, bilang nakapagpapasiglang naratibo, ang danas na masisipat mula rito, gunitang dala-dala, at salaysaying nakapaloob ay walang dudang saligan nga ang pamanang bayan mula sa lente ng epistemolohiyang panlipunan ng paglikha ng bagong kaalamang pangkasaysayan (Villan, 2020). Alalaong baga, ang lahat ng pamanang bayan ay saligan o batayan ng pragmatikang kaalaman na nagagamit para unawain ang mga kalakarang panlipunan, kaganapang pangkasaysayan, at inaasam na kauswagang panlipunan (tingnang muli ang dayagram 1)
Dayagram 1

Isa sa halimbawa ng pamanang bayan na maitatampok bilang saligan o batayan ng pragmatikong kaalaman, ibig sabihin ang kaalamang may tiyak na saysay sa lipunan sa sinaunang panahon ay ang anito ng Cebu (Bautista, 2006) na ipinagbubunyi ng mamamayan sa pamamagitan ng alay-sayaw na tinatawag na Sinulog (Omamalin et al., 2016; Luna, 2020). Ang alay-sayaw o Sinulog para sa pinagpipitaganan nilang anito ay ginagawa ng mga Cebuano sa matagal nang panahon dahil sa kanilang pananalig na sa pamamagitan ng nasabing pasundayag-bayan sila’y maiaadya sa mga pagkakasakit, masamang espiritu, at higit sa lahat mabigyan ng mabuting kapalaran sa buhay. Layon din nitong handogan, purihin, at dalanginan (Inocian, 2017) ang mga anitong naging santo pagdating ng mga mananakop. Noong dumating sina Fernando Magallanes sa Cebu noong 1521 kasama ang may 300 katao, bilang pagpapakita ng kagandahang loob, ipinagkaloob niya kay Amihan (paglaon matapos mabinyagan ay tinawag na Reyna Juana) ang Sto. Niño sa harap ng 800 mamamayan ng nasabing lungsod (Bautista, 2006; Bautista, 2006). Pagsapit ng 1565 nang dumating naman si Miguel Lopez de Legazpi sa Cebu, natuklasan ng isang sundalong kasamahan ang isang kahon na naglalaman ng imahen ng Sto. Niño. Ayon pa sa tala, ang nasabing imahen ay naliligiran ng maliliit na mga anito at mga bulaklak. Sinasabing sa loob lamang ng 44 taon matapos ang pagdating ni Magallanes, may naganap nang ilang pagbabago sa alay-sayaw Sinulog at pagbubunyi sa Sto. Niño ngunit ang pagbabagong iyon ay elaborasyon lamang kung tutuusin sa pundamental na praktika ng pag-aanito ng mga Cebuano (Balbas, 2019). Ibig sabihin, pagpapatuloy lamang kung gayon ang inaalay na prusisyon o pasundayag-bayan sa Sto. Niño ng pag-aanito ng mga Cebuano. Nakatuntong o nagmula samakatuwid sa manang-anito ang pinagsublian o pinagtawiran ng imaheng Katoliko ng mga Español sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng ganitong subli o mana (Villan, 2016), naitawid ng mga Español ang spritual conquest sa kapuluan na naging sandigan paglaon sa mabilis na kolonisasyon ng mga “Indio” sa malaking bahagi ng kapuluan (https://exhibits.lib.utexas. edu/spotlight/a-new-spain/feature/spiritual-conquest; Ponteras, 1979; Gutierrez, 1995; Arreza, 2000).
Ngunit ano nga ba ang kongkretong katibayan sa pagiging makapangyarihan ng Sto. Niño o ng lahat ng uri ng mga pamana kung pag-uusapan ang pragmatikang panlipunan sa panahong kolonyal? Paano nagamit ng mga mananakop na mga Español ang kalinangan sa pag-aanito para maisulong ang praktika ng kanilang geopolitika sa Pilipinas? Dahil sa umiiral na kamalayang bayan ukol sa pinaniniwalaan nilang pagliligtas ng mga anito, ang pangkalinangang subersyon ng mga santo bilang pagpapatuloy ng kinagisnang pananampalataya sa magagawa ng anito. Ito ay ang kaganapan diumano nang pagkakaligtas ng bayan mula sa mga nakaambang panganib na dulot ng tatlong malalakas na pagsabog ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas (Hangrove 1997, 24). Sinasabing ang naganap na tatlong malalakas na pagsabog ng bulkang naitala sa kasaysayan ay naganap noong 1611, 1754, at 1911. Ang pangalawa ang pinakamalupit na naganap mula ika-15 Mayo hanggang ika-25 Setyembre. Bawat pagsabog ng nasabing bulkan ay hindi lamang basta nagwawasak ng kaayusang topograpikal at struktural, kundi kumikitil pati na rin ng buhay, ginhawa, at dangal (Villan, 2009; Villan, 2017; Mariano & Infante, 1995; Meredith, Lawrence & McDonald, 1995; Villan, 2009).
Sa kabuuan, malinaw sa talakayan na ang anito bilang pangkalinang pamana ang sumasagisag sa damdaming bayan ukol sa kolektibong pagpapahalaga ng mga etnolinggwistikong grupo sa ideya ng kaligtasan—buhay, ginhawa, at dangal—mula sa mga panganib na pangkalikasan (mga sakuna tulad ng pagsabog ng bulkan, mga pagbaha, at iba pa), panlipunan (pangangayaw Moro, pananalakay ng mga Dutch, Ingles at iba pa), at espiritwalidad (engkanto at iba pang masamang espiritu). Klaro mula sa talakayan na sa pamamagitan ng pananagisag sa mga anito, isinakay ng mga Español ang kanilang dala-dalang santo bilang tawiran, tulay, at dugtungan ng damdaming bayan ukol sa dala ring pang-unibersal na ideyang Español ng kaligtasan sa ilalim ng pananampalatayang Katoliko. Ito ay upang iadya rin, tulad sa prekolonyal na hinuhang katutubo, ang nauukol sa kaligtasan diumano ng kaluluwa kapuwa sa temporal at espiritwal na larangan. Sa pagsapit ng pananakop-Amerikano, ang pagpapaloob ng bayan kay Rizal sa katutubong pananampalataya bilang sagrado, at kayumangging Kristo o Kristong Pilipino (Brillantes, 2005; Ocampo, 2011) ay malinaw na katibayan ukol sa subersyon sa kabilang banda ng mga Pilipino kay Rizal bilang sagradong nilalang at kung magkagayun nga’y kailangang ipapaloob din ng mga Amerikano sa kanilang pangkalinangang subersyon sa kaniya bilang sekular na santo upang ipagwagi ang kanilang geopolitikal na simulain sa Pilipinas. Lumilitaw kung gayon sa ganitong pagpapaliwanag na si Rizal sa pangkalinangang geopolitikal ng mga Amerikano bilang sekular na santo ay siya namang sekular na anito at santo sa kabilang dako sa panahon ng pag-iral ng Republikang Pilipino.
II. Mula Santo Tungong Monumento: Ang Pangkalinangang Subersyon sa mga Santo at Pagtatawid ng Geopolitikal na Interes ng mga Amerikano Gamit si Rizal
Malinaw sa talakayan sa unahan kung papaano ginawang daluyan ng mga Español ang anito para maipasok sa kamalayan ng mga katutubo ang ideya nila ng kaligtasan gamit ang santo. Sa panahon naman ng pananakop ng Estados Unidos ay nagpatuloy ang pangkalingang subersyon sa pamamagitan ng pagtuntong o paggamit nila sa pagpapahalaga ng mga Pilipino sa santo at iba pang kinikilalang sagradong bagay upang angkinin si Rizal bilang sekular na santo. Ang santo at iba pang kinikilalang sagradong bagay at kinikilala rin ng pag-aaral na ito bilang kolonyal na anito ay nagpapatuloy hanggang sa pananakop-Amerikano. Kinasangkapan ng mga Amerikano si Rizal upang maipagwagi ang kanilang geopolitika sa Pilipinas (I.E.F.Y.S., 1928). Ang malakas na kamalayang bayan ukol sa pagiging Kristong Pilipino ni Rizal (Ocampo, 2011), at maging yaong ginawang pagsasabantayog at pagpapangalan ng pook sa kaniya ng mga rebolusyonaryo sa pasimula nito sa Daet at pagdaka’y sa Kabisayaan at Kamindanawan, ang naghawan ng landas para sa Estados Unidos na gamitin si Rizal bilang tawiran o daluyan ng kanilang geopolitikal na interes sa kapuluan (Act No. 243, 1901; Act No. 137, 1901).
Katunayan, apat na buwan lamang matapos bumagsak ang Manila sa kamay ng mga Amerikano noong 13 Agosto 1898, sa pamumuno nina Lt. Col. Ildefonso Alegre at Lt. Col. Antonio Sanz ng Revolutionary Army at sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mamamayan ng Daet, Camarines Norte, kanilang itinatag ang bantayog o monumento ni Rizal sa nasabing kabiserang bayan. Pinasinayaan ito noong ika-30 ng Disyembre 1898.
At dahil batid ng US ang saysay ni Rizal sa memorya o kamalayang Pilipino, sa loob lamang ng mahigit dalawang linggo matapos mapaslang si McKinley, ang pagkaupo ni Theodore Roosevelt, ang naghawan ng landas upang gamitin ang di-nagmamaliw na gunita at sagisag ng bayani sa pagkakaisa, paglilingkod bayan, at pagpapahalaga sa edukasyon. Upang silang mga bagong mananakop ay mapalapit sa loob ng mga Pilipino, isinagawa ng US ang pangkalinangang subersyon upang gamitin si Rizal para sa kanilang geopolitikal na simulain sa bansa. Nasilip ni Pablo Trillana III ang pailalim na paggamit ng mga Amerikano kay Rizal upang maisakatuparan ang nasabing interes ng US sa bansa. Sinabi ni Trillana (2015) ang ganito: “Bumaling ang mga Amerikano sa alaala ni Rizal, hindi dahil sa iginagalang nila siya, kundi dahil kailangan nilang ipagmapuri ang kanilang sarili sa mga Pilipino. Kailangan nila ng pampublikong simpatiya. Pagsapit ng Setyembre 28, 1901 ang US Philippine Commission ay nagpatupad ng Act 243. Ang layunin nito ay magtayo ng isang alaala bilang parangal kay Rizal sa Luneta. Lumikha ito ng isang komisyon upang isagawa at makalikom ng mga pondo para sa proyekto sa pamamagitan ng sikat na subskripsyon.”
Malinaw sa naging pahayag ni Trillana ang katibayan sa paggamit ng US ng pangkamalayang sagisag ni Rizal sa bayan upang magsilbing tawiran nila ng kanilang simulaing geopolitikal gamit ang pangkalinangang subersyon sa naging saysay niya sa damdamin ng mga Pilipino. Bilang sagisag ng pagkakaisa, pagmamahal, at paglilingkod sa bayan na handang ihandog ang sarili at taglay ang kawalang takot na harapin kahit na ang kamatayan. Ang pagkakasilip ng Estados Unidos sa kamalayang ito ng mga Indio kay Rizal ang naging sanhi upang gawing angklahan siya ng kanilang pangkalinangang subersyon. Ang ganitong diwang bayan ng mamamayang Pilipino para kay Rizal ay makikita mismo sa maraming tala ng kasaysayan (Rouvier, 1899). Dahil dito, noong ika-28 Setyembre 1901, naglabas ang US ng Act No. 243 na binabanggit ni Trillana sa unahan upang pagtibayin ang pagsabantayog sa dakilang bayani: “Sapagkat, iminungkahi na magtayo ng monumento kay Jose Rizal, ang makabayan, manunulat, at makata ng Pilipinas, sa Luneta, sa lungsod ng Manila, at ang gastos sa pagkakaroon nito at pagpapatayo ng naturang monumento ay babayaran mula sa isang pondong nalikom sa pamamagitan ng pampublikong subskripsyon; at Sapagkat, kinakailangan sa pagsasakatuparan ng panukalang ito na dapat magkaroon ng pagkakaloob ng binubuong awtoridad ng karapatang magtayo ng monumento sa pampublikong lupain na kilala bilang Luneta (Act No. 243, 1901)
Magkagayunman, katulad ng ating nalalaman, may nauna nang batas ang US upang ipagmapuri ang kanilang sarili para sa pagsupil ng damdaming bayan o nasyonalismo na isinasagisag ni Rizal. Noong ika-21 ng Agosto, dalawang araw pagkatapos ipinagdiwang ang ika-40 kaarawan ng kapanganakan ni Rizal, sa bisa ng Act No. 137 ng First Philippine Commission opisyal na itinatag ng mga Amerikano ang lalawigan ng Rizal. Ang pang-alaalang lalawigang ito ng Rizal ay binubuo ng 29 munisipalidad, at 17 munisipalidad mula sa dating lalawigan ng Manila (Caloocan, Las Piñas, Mariquina (Marikina), Montalban (Rodriguez), Muntinlupa, Navotas, Novaliches, Parañaque, Pasig, Pateros, Pineda (Pasay), San Felipe Neri (Mandaluyong), San Juan del Monte (San Juan), San Mateo, San Pedro Macati (Makati), Taguig, Tambobong (Malabon); at 12 pa mula sa Politico-Militar District ng Morong (Angono, Baras, Binangonan, Cainta, Antipolo, Cardona, Jalajala, Morong, Pililla, Tanay, Taytay, at Teresa).
Sa gayong batas, simboliko hindi lang ang paggamit ng US kay Rizal bilang tawiran ng kanilang geopolitikal na simulain sa daigdig, kundi sa lenteng administratibo sa kolonya, ang pagsasanib ng mga bayang nasa dating lalawigan ng Maynila at distrito pulitikal ng Morong ay nagpapahiwatig ng kahalagahan ni Rizal sa simulain ng US na pag-isahin ang diumano’y puta-putaki o nagkakaniya-kaniyang mga bayan sa kapuluang Pilipinas. Isang pailalim na magpapadaloy ng mensahe sa pagiging atrasado, di-nagkakaisa, at kawalang kaunlarang rehiyon sa mundo
Magkagayunman, hindi lamang sa pamamagitan ng pag-alaalang hakbangin kay Rizal ipinakita ng US ang kanilang ginawang pangkalinangang subersyon gamit ang sekular na anitong si Rizal, kundi pati na rin ang paggamit ng edukasyon kung saan nakilala ang bayani. Ayon sa ulat, ika-23 Agosto 1901, ikalawang araw matapos mapasinayaan ang bantayog ni Rizal sa Daet, Camarines Norte dumaong sa Maynila ang USS Thomas na pinaglululanan ng mga gurong Amerikano ang naging hudyat para sa subli o pamanang intelektuwal sa mga Pilipino (Villan, 2017). Pagsapit ng ika-26 Agosto 1903, sa bisa naman ng proyektong pensionado (Act No. 854), ang may 104 kabataang Pilipino ay siyang naging binhi ng Amerikanisasyon ng kaalaman sa Pilipinas (Sutherland, 1953). Sa naging nilalaman ng nasabing batas, sinasabing “Sa bawat dibisyon ng paaralan sa kapuluan, ang mga pagsusulit upang makakuha ng listahan ng mga mag-aaral na pinakamahusay na kuwalipikadong tumanggap at kumita sa pamamagitan ng kurso ng pagtuturo at edukasyon sa Estados Unidos ay gaganapin sa ilalim ng direksyon ng mga superintendente ng dibisyon sa o bago ang tatlumpu’t isa ng Marso sa bawat taon pagkatapos nito. Ang mga kandidato para sa pagsusulit ay dapat na mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan at mga katutubo ng kapuluang Pilipinas, na may mabuting moral na katangian, malusog na pisikal na kondisyon, at hindi bababa sa labing-anim o higit sa dalawampu’t isang taong gulang” (Act No. 854, 1903).
Samantala, bilang pagpapalawig ng interes para sa subli o pamanang intelektwal ng mga Amerikano gamit si Rizal bilang pananagisag na geopolitikal, higit na napagtibay naman ang popular na edukasyong US sa bansa sa bisa ng ipinatupad na Gabaldon Law of 1907 (Act 1801) – ang naging daan paglaon sa pagkakatatag ng mga pampublikong paaralan sa bansa. “Sa pamamagitan nito ay inilalaan, mula sa anumang pondo sa Insular Treasury na hindi inilaan sa ibang paraan, para sa pagtatayo ng mga bahay-paaralan na gawa sa matibay na materyales sa mga baryo, ang halagang isang milyong piso, kung saan magkakaroon ng panggastos sa unang araw ng Enero, labinsiyam na raan at walo, ang kabuuang dalawang daan at limampung libong piso, at karagdagang dalawang daan at limampung libong piso ay dapat ding magagamit para sa paggasta sa unang araw ng Enero ng bawat isa sa tatlong taon kaagad pagkatapos noon…”
Liban sa pang-alaalang lalawigan kay Rizal at ang paglikha ng mga batas para sa kaniyang gunita ay mahalagang mapansin na ang pangkalinangang subersyon ay hindi lamang gumagamit ng umiiral na halagahin o kamalayang bayan, at paggamit ng mga batas para sa lehitimisasyon ng kultura o proseso sa kulturalisasyon, kundi pati na rin higit sa lahat ng pamanang bayan sa anyo ng pagsasabantayog sa bayani. Ang kapangyarihan ng sining biswal na magpapaalaala o magpapagunita sa isang imahe o larawan sa konteksto ng sakramentalisasyon mula anito tungong santo, at mula santo patungong monumento ay mga katibayan sa kongkretong pangkalinangang subersyon upang maigiit ang kolonyal na halagahin para sa pagbuo ng pampublikong opinyon—kalayaan, karapatang pantao, kasarinlan, kapayapaan, kaayusan, edukasyon at iba pa—na sadyang pakikinabangan ng mga mananakop-Amerikano. Sa tala ng kasaysayan, ika-28 ng Setyembre 1901, ang pagkabalangkas ng Estados Unidos sa Pilipinas na Philippine Commission (Act No. 243) upang magtatag ng bantayog ni Rizal para sa layuning “to commemorate the memory of José Rizal, Filipino patriot, writer and poet.” Sa pamamagitan nito, binuo ang lupon na mangunguna para sa paglulunsad ng pandaigdigang paligsahan para sa disenyo sa pagitan ng mga taong 1905 hanggang 1907. Nilahukan ito ng karamihan mula sa Europe at Estados Unidos. Pinagwagian ang nasabing kompetisyon ni Carlos Nicoli of Carrara (Italy) sa pamamagitan ng kaniyang scaled plaster model na pinamagatang “Al Martir de Bagumbayan.” Ang kontrata sa paglikha naman para sa iskultura ay napunta sa nagwaging tagapanukalang si Richard Kissling. Napasinayaan ang monumento ni Rizal noong ika-30 ng Disyembre 1913, bilang paggunita sa ika-52 taong kapanganakan niya at ika-17 taon naman ng paggunita sa kaniyang kamatayan. Pinatingkad din nito ang agendang pulitikal na “Filipinization Policy” ni Gobernador Heneral Francis Burton Harrison.
III. Mga Monumentong Pilipino: Pag-unawa sa Pangkalinangang Subersyong Isinasagisag ni Rizal sa Kontemporaryong Panahon
Sa bahaging ito ng papel ay tatalakayin naman ang nauukol sa pagtaya hinggil sa naging bersyon ng Republikang Pilipino kaugnay sa umiiral na pangkalinangang subersyon. Sa bisa nang pagpapatuloy ng kaparaanang Amerikano ng pagtatatag ng mga daan, gusali, at pagsasabatas ukol sa pamana ni Rizal sa lipunan at kasaysayan (Report of the United States Philippine Commission to the Secretary of War (From December 1, 1900 to October 15, 1901) 1901, 60-72; Fourth Annual Report of the Philippine Commission 1903, 57-58), ating masisipat ang ginawang hakbang ng Republikang Pilipino sa stratehikong gamit ng kultura para sa pagbuo at pagpapatatag ng nasyon-estado. Ipinagpatuloy lang din kung tutuusin ang pangkalinangang subersyong ito ng mga Amerikano kay Rizal (Quibuyen, 2008), upang tulad ng mga mananakop, ay maipagmapuri nila ang kanilang mga sarili bunsod ng pagiging may saysay—ibig sabihin ang pagkakaroon ng kahulugan, katuturan, at kabuluhan—ni Rizal hindi lang bilang sagisag ng lahing Pilipino, kundi ayon pa kay Ferdinand Blumentritt, ay “ang pinakatanyag sa kaniyang lahi at pinakadakila sa Lahing Malayo” (Brillantes, 2005). Binigyang diin ang ganitong kadakilaan ni Rizal at paggamit sa kaniya ng marami sa loob ng lipunang Pilipino. Sinabi ni Gregorio Brillantes na: “Ang makabayan gayundin ang mga relihiyosong kaguluhan, hindi na kailangang sabihin, ay nagbibigay sa isang tao na walang kakayahang gumawa ng kakaiba, ang pribilehiyo ng mahinahong pag-iisip; si Rizal ay inilagay sa parehong antas ni Kristo—at ang mga dakilang lider ng relihiyon ng sangkatauhan. Matatawa siya sa napakataas na kalokohan, isang magandang target para sa pangungutya gaya ng Noli. Bumuntong-hininga rin siya—hindi siya palaging solemne na pinagkakaabalahan ng ilang Rizalista— sa mga pulitiko na nag-aangkin sa kaniya para sa kanilang sarili, na ginagamit ang kaniyang pagkakahawig at maginhawang mga pag-uulat mula sa kaniyang mga gawa para sa kanilang mga pampulitikang patalastas (Brillantes, 2005).
Malinaw ang daluyong na pagkilala kay Rizal mula sa iba’t ibang sektor sa lipunang Pilipino. Sumasaklaw ito kapuwa sa mga makabayan at pangrelihiyong hanay na ayon pa kay Brillantes ay naglikha ng makabayan at “panrelihiyong kaguluhan” na humantong sa pagbantayog sa kaniyang kadakilaan, kumilala sa kaniya bilang Kristo (Ocampo, 2011), pag-aangkin sa kaniyang taglay na katangian ng mga pulitiko, at pagpapatanyag ng kanilang mga sarili sa harap ng madla o kababayan.
Kaugnay sa paglikha at halaga ng pragmatikang pangkasaysayan o ang pagbibigay saysay kay Rizal sa panlipunang pag-unlad, marapat alalahaning palagiang ang kasaysayan bilang isang larangan ng kaalaman sa Agham Panlipunan ay nakatuon ang atensyon parati sa pagbibigay kahulugan, pagsasakatuturan, at pagsasakabuluhan sa mga saysay na mga kalakarang panlipunan at kaganapang pangkasaysayan na pawang nakukuhang lahat mula sa mga tekstwal at di-tekstwal na mga batis pangkasaysayan. Malinaw ito sa tinuran ni Floro Quibuyen hinggil sa sinasabi niyang “paglikha ng sambayanan” o ang idiniin niyang “pagbuo ng pampublikong kamalayan” upang supilin at gapiin aniya ang mamamayan sa kanilang umiiral at nagpapatuloy na diwa o damdamin kay Rizal bilang sagisag ng pakikibaka (Quibuyen, 2008). Alalaong baga, ang pagtitiyak ng praktikal na gamit ng pangkalinangang pamana, sa partikular, ang pagsasakabuluhan sa pamanang lahi tulad ng ginawang pagpapatuloy ng Republikang Pilipino para sa pangkalinangang subersyon kay Rizal pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At dahil si Rizal ay sumasagisag sa kamalayang bayan ng pakikibaka para kay Quibuyen (Quibuyen, 2008) para sa kaloobang bayan naman na tinukoy ni Vicente Villan (2009), istratehikong anyo ng pangkalinangang pamana si Rizal na magagamit ng makakaliwang grupo anupa’t pagpihit papalayo sa kaaway ng estado ang naging kaabalahan kapuwa ng estadong US at Republikang Pilipino. Sa madaling salita, si Rizal ay ginawang tulay o tawiran ng hegemonikong kapangyarihang nagtutulungang Amerikanoelit para maisaktuparan ang geopolitikal na interes ng US sa Pilipinas. Para sa mga Pilipino elit na may hawak ng poder ng kapangyarihan sa ilalim ng Republika, ginamit nila ang ideya ng nasyonalismo upang ilaan si Rizal sa gayong simulain para sa subersyon ng kanilang damdaming bayan (Quibuyen 2008, 298-299). Kitang kita natin ito noong ika-10 Agosto 1954 nang inilabas ni Pangulong Ramon Magsaysay ang Executive Order 52 na naglalayon upang ipihit papalayo sa pakinabang na maaaring anihin ng kaaway ng estado at maagang mapaghandaan na rin ang napipintong paggunita at pagdiriwang para sa ika-100 taong kapanganakan ni Rizal:
SAPAGKAT, ang ika-19 na araw ng Hunyo ng 1961 ay magiging Unang Sentenaryo ng kapanganakan ni Jose Rizal, apostol ng nasyonalismong Pilipino, martir at bayani;
SAPAGKAT, malugod na inialay ni Jose Rizal ang kaniyang buong buhay upang matiyak para sa kaniyang mga kababayan ang mga pagpapala ng indibidwal na kalayaan at mabuting pamahalaan;
SAPAGKAT, sa pamamagitan ng kaniyang walang humpay na paggawa ay pinayaman niya ang ating kultural na kakaniyahan at sa gayo’y pinahusay niya ito sa mata ng mundo at sa pamamagitan ng pagtatanggol sa ating mga karapatan at dignidad bilang isang lahi hanggang sa pag-aalay ng kaniyang buhay, binuklod niya ang sambayanang Pilipino sa isang magkakasamang bansang puno ng karaniwang pambansang mithiin;
at SAPAGKAT, sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin ay ipinakita niya sa atin kung ano ang dapat gawin ng isang tunay na Pilipino at, samakatuwid, tungkulin ng Pilipinas na ipalaganap ang kaniyang mga ideya at mithiin sa pribado at pampublikong buhay para tularan ng kaniyang mga kababayan at ng lahat ng mga tao… (Executive Order No. 54, s. 1954).
Malinaw na tulad ng mga Amerikano, na sa halip na salungain ang maningning na pangalan ni Rizal tulad ng ginawang pagpapangalan ng lugar na sunod sa pangalan ni Rizal, paglikha ng mga monumento, at mga kapistahang inilaan sa kaniya, ang Republikang Pilipino lalo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ramon Magsaysay ay bumaling din sa popularidad ni Rizal sa sambayanang Pilipino. At dahil ang nasabing Pangulong Magsaysay ay maigting, masigasig, at matatag na kaalyado ng US, hindi lang mahalagang sundan para sa kaniya ang ginawang subersyon nila kay Rizal, kundi ang pagyakap ng estado mismo sa nasabing bayani ay singkahulugan na rin na kadamdamin ng pamahalaan ang sambayanang Pilipino. Sa ganitong mahusay na pangangasiwa sa pangkalinangan at panlahing pamana, gamit ang kapangyarihang taglay ng estado sa pagsasabatas at pagpapatupad ng nilalaman nito, nagtagumpay ang Republikang Pilipino na saklutin ang pananagisag ng bayan kay Rizal upang ang istratehikong gamit ng kultura ay epektibong magpapasunod sa taumbayan.
Alalahanin nating ang taumbayan na kumakanlong, kumupkop, at nag-aaruga ng gunita para sa salaysaying bayan ni Rizal (Villan, 2020) ay maaaring gamitin ng kalaban ng estado – ang komunismo o makakaliwang grupo – na nasa kasalukuyan noon ng pagpapalakas ng kanilang hanay sa Pilipinas at iba pang lupalop ng daigdig. Magkakapit bisig ang Republikang Pilipino at ang US sa pagsupil sa elemento ng makakaliwang grupo upang matiyak ang geopolitikal na interes ng mga Amerikano sa Asya at buong daigdig. Hayag na hayag ito sa pagtatampok sa importansya ng buhay ni Rizal na inihandog niya alang-alang sa kalayaan, karapatang pang-indibidwal, simulain sa pagkakaisa para sa pagkamit ng pambansang mithiin, at marapat na gawin at tupdin ang tungkulin ng pagkamamamayan tulad ni Rizal sa larangan man ito na pampribado at pampublikong pamumuhay. Sa madaling salita, ang nasabing mga panlipunang halagahin kaugnay sa ating pagkamamamayan ay sumasapol sa ipinalalaganap na ideya ng komunismo na binabaka ng estadong Pilipino at imperyal na pamahalaang US sa kasagsagan ng tunggaliang geopolitikal sa panahon ng kairalan ng Cold War. Ibig sabihin, mainam na sandata ng paglupig, pagsupil, at pagpapahina ng damdaming bayan ang pangkalinangang subersyon sa kultural at pampamanang sagisag ng estadong Pilipino kay Rizal upang paghugpungin ang kolektibong damdaming bayan papalayo sa diwa ng kaloobang bayan, ugnayang panlipunan, at paglilingkod bayan para sa ikapagtitimawa ng sambayanang Pilipino. Ang naganap na pagpihit ng damdaming bayan sa isinasagisag ni Rizal patungo sa pang-unibersal na ideyang geopolitikal na kalayaan, karapatang pantao, at pambansang mithiin ng dekolonisadong bansa tulad ng Pilipinas ay matalas na sandatang pangkamalayan para salungain, wasakin, at gibain ang ideolohiyang komunismo na sumasalungat sa pundamental na deklarasyon ng United Nations ukol sa kalayaan at karapatang pantao (Universal Declaration of Human Rights). Ganito ang nakikita at nauunawaan sa kasaysayan na lumilingon sa nakaraan at nagbabakas ng kaalamang pangkasaysayan upang magtampok ng halagahing panlipunan para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Bilang larangan ng kaalaman, mayroon itong apatang antas kasaysayan upang makita ng kinauukulan ang kontekstwal—selektibo at subhektibong—anyo ng kaalamang pangkasaysayan na makikita sa dayagram 2: (1) makapagwaring kaalamang pangkasaysayan; (2) makapagkahayag na kaalamang pangkasaysayan; (3) makapagtayang kaalamang pangkasaysayan; at (4) makapagteoretisang kaalamang pangkasaysayan (tingnan ang Dayagram 2).
Dayagram 2 Kahulugan, Katuturan, at Kabuluhang Pangkasaysayan

Tumutukoy ang una sa uri ng kaalamang pangkasaysayan na bunga ng ating personal na danas at natatanging konteksto kaugnay ng kalakarang panlipunan at kaganapang pangkasaysayan sa isang partikular na dako at panahon na pinagkapookan ng naisaprosesong implisitong kaalaman—na taliwas kung tutuusin sa pormal, kodipikadong kaalamang pangkasaysayan—kaalamang pangkasaysayan na sadyang may kahirapang maisalin o makatas sa pamamagitan ng pasulat o pasalita mang anyong pagsasakaysayan. Kung bakit sapagkat ito ay naglalaman ng pansariling danas at nagtataglay kung gayon ng mga madamdaming salaysay o naratibo sa aktor o tagaganap ng kasaysayan.
Samantala, ang pangalawa naman ay ang uri ng kaalamang pangkasaysayan hinggil sa isang partikular na pangyayari o facts na malimit ay nakukuha mula sa tradisyonal na batis pangkasaysayan. Ang deskriptibong kaalamang pangkasaysayan ay tumutukoy sa kakayahan ninumang makapagtukoy, kilalanin, at makapagsalarawan ng kalakarang panlipunan at kaganapang pangkasaysayang pinapaksa sa pamamagitan ng heuristikong kaparaanan sa pagsisiyasat.
Samantala, ang ikatlo naman ay tumutukoy sa mapanuring pamamaraan ng pagsasakasaysayan na kinapapalooban ng lohikal na pangangatuwiran. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng kaalamang pangkasaysayan, tinitingnan na ang lahat ng katotohanang pangkasaysayan ay maaaring mapag-alaman sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga kahulugan mula sa nakapaloob na mga salita o mga konsepto sa paksang pinag-aaralan. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga kahulugan ng mga salita o konsepto ay higit na mapalalim ang pagsisiyasat sa epistemolohikal at ontolohikal na pundasyon ng disiplinang pangkasaysayan.
Habang sa ikaapat naman, tumutukoy ang teoretikal na kaalamang pangkasaysayan sa uri ng kaalamang pangkasaysayan kung saan ang pagkakatuto ay nakakamit kahit walang kaakibat na praktikal na gamit. Ibig sabihin, likas na katangian ng ganitong uri ng kaalaman ang pagsisikap na unawain kung bakit may umiiral na kalakarang panlipunan at kaganapang pangkasaysayan sa isang lipunan o teritoryo. Kaugnay ng kaalamang pangkasaysayang teoretikal ang mga ideyang pangkasaysayan tulad ng ispekulatibo, pilosopikal, hipotetikal, konseptwal, intelektwal, akademiko, at conjectural. Sa ibang salita, ang teoretikal na kaalamang pangkasaysayan ay gumagabay sa atin kung ano ang marapat na pangangatuwirang pangkasaysayan, kaparaanang pangkasaysayan, at ang ideya o kaisipang pangkasaysayan.
Gayunman, tangi sa nakagawiang anyo o antas ng binabanggit na kaalamang pangkasaysayan ay ang kaalamang pangkasaysayang may praktikal na gamit sa konteksto ng panlipunang pag-unlad, pagtuturo-at-pagkakatututong pangkasaysayan, at pamamahalang pangkomunidad para sa kauswagan. Sa dayagram 3, matutunghayan ang halimbawa ng praktikal na gamit ng kaalamang pangkasaysayan na nakatuon sa pananangkapan ng nasyon-estado sa pamanang-bayan. Tulad ng ating nakikita, ang pagpapasundayag pangkalinangan sa inilakip na dayagram ay magiging posible lamang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagmamapa ng ating tangible at intangible na kultura, pagtukoy sa mga provenance nito, pagsasakategorya, imbentaryo, at paggamit para sa pangkaunlarang inisyatiba.
Tulad nang sa panahon ng mga Español at Amerikano sa Pilipinas, ang aplikasyon ng pangkalinangang subersyon ng Republikang Pilipino ay kumasangkapan din ng pamanang bayan upang maitawid o maipadaloy patungo sa mamamayan ang nais na palaganaping kamalayan. Ang pagbuo ng pampublikong opinyon gamit ang cultural-institutional platforms ng sining-biswal tulad ng pagtatatag ng monumento, paglikha ng batas para sa lehitimasyon ng nais paiiraling uri ng pamamahala, at ang pagbuo ng burukrasya tulad ng kagawaran ng edukasyon, komisyong pangkultura, pangkasaysayan at katutubong mamamayan, at kagawaran sa turismo ay siyang kongkretong paglalagay sa adbentaheng posisyon upang pangibabawan ang mamamayan. Sa bisa nito, naipagpapatuloy ang halagahing panlipunan tulad ng pagpahinungod, pakikipagkapuwa, pagkamakabayan, pagkamakalikasan, kagalingan, at kahusayan (tingnan ang Dayagram 3).
Dayagram 3 Pagpapasundayag, Pag-aalaala, at Pagpapatuloy

Upang maisakatuparan ang gawaing pang-estado kaugnay ng pagpapasundayag na kultural na pampamana, ang pag-aalaala at pagpapatuloy ng mga halagahing panlipunan, ika-12 Hunyo 1956, apat na araw bago ang pagdiriwang ng ika-95 kaarawan ni Rizal at ika-60 paggunita naman ng kaniyang kamatayan, ay ipinatupad ni Pangulong Magsaysay ang Republic Act 1425 na nag-aatas sa kinauukulang sangay ng pamahalaan…
SAPAGKAT, ngayon, higit sa anumang panahon ng ating kasaysayan, kailangan ang muling pag-aalay sa mga mithiin ng kalayaan at nasyonalismo kung saan nabuhay at namatay ang ating mga bayani;
SAPAGKAT, nararapat na sa pagpaparangal sa kanila, partikular sa pambansang bayani at makabayan, si Jose Rizal, alalahanin natin nang may espesyal na pagmamahal at debosyon ang kanilang buhay at mga gawa na humubog sa pambansang katangian; SAPAGKAT, ang buhay, mga gawa at pagsusulat ni Jose Rizal, partikular ang kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ay isang palagian at nagbibigay-inspirasyong pinagmumulan ng pagiging makabayan kung saan ang isipan ng mga kabataan, lalo na sa panahon ng kanilang pagbuo at mapagpasyang mga taon sa paaralan, ay dapat palaganapin;
SAPAGKAT, ang lahat ng mga institusyong pang-edukasyon ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng, at napapailalim sa regulasyon ng Estado, at lahat ng mga paaralan ay inuutusan na bumuo ng moral na katangian, personal na disiplina, pansibikong budhi, at upang ituro ang mga tungkulin ng pagkamamamayan; Ngayon, samakatuwid,
SEKSYON 1. Ang mga kurso sa buhay, mga gawa at mga sinulat ni Jose Rizal, partikular ang kaniyang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ay dapat isama sa kurikulum ng lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad, pampubliko man o pribado: Sa kondisyon, na sa mga kursong pang-kolehiyo, ang orihinal o hindi na-sensora na mga edisyon ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo o ang kanilang salin sa Ingles ay dapat gamitin bilang mga pangunahing teksto.
Nilalayon ng ganitong Batas Republika 1425 kung gayon ang pag-aalay ng sarili para sa mithiing kalayaan, na pinaghandugan ng mga bayani ng kanilang buhay, pagmamahal at debosyon ng kanilang buhay at mga gawang humubog sa pambansang katangian ng bansa, pagkamakabayang dapat tularan ng mga kabataan, at upang makabuo mula rito ng moral na katangian, disiplinang pansarili, damdaming sibiko, at tungkulin sa pagkamamamayan.
Sa madaling sabi, isa itong malinaw na pagpapasundayag ng estado kay Rizal bilang pinaka-importanteng naimapang makasaysayang personalidad, isang makabuluhang pagtukoy sa kaniyang bilang sagisag na pamanang lahi, ang mahalagang papel na ginampanan niya sa pagbuo, pag-iral, at pananatili ng pambansang komunidad. Gayundin, nangangahulugan din ito na ang nasabing pagpasundayag ay isang akto ng pagkilala sa panig ng estado bunsod ng rekognisyon, pagturing, at pagdakila sa kaniya dahil sa umiiral na kamalayang bayan, pagbuo ng imahen sa kaniya bilang manunubos ng kalayaan, handog, at sakripisyo para sa katubusan ng bayan mula sa pagkaalipin, pagsasakasaysayan sa kaniya para sa saysay at pagsasakatuparan ng mithing paglaya para sa katimawaan, at pagsasakatuparan ng organikong kalooban ng bayan para sa buhay, ginhawa, at dangal.
Isang pagpapatuloy ito samakatuwid sa naririyan at taal nang panlipunang halagahin para sa kaligtasan ng bayan mula sa pagkaalipin o kadayukdukan ng pagkatao, kahirapan o kasalatan sa pangangailangan, at kamangmangan o pagkahikahos sa kaalaman. Samakatuwid, ang di nagmamaliw na pangkalinangang subersyon sa malawakang konteksto ng geopolitikal na simulain ng makapangyarihan ng mga susing manlalaro ng poder sa sandaigdigan ang Republikang Pilipino ay laging kaniig at kasangkot sa agos ng kasaysayan.
Konklusyon
Sa kabuuan, malinaw na ating nahimay at nasipat ang mahalagang ideya ukol sa pangkalahatang nilalayon ng papel na tayahin ang gamit ng pangkalinangang subersyon kaugnay sa hakbanging kolonyal ng mga Amerikano ng pagsawalang bisa at pagpapahina sa damdaming bayan o nasyonalismong sinasagisag ni Rizal sa pamamagitan ng ipinakitang ebidensyang pangkasaysayan tulad ng paglikha ng mga batas ukol sa pagkakaroon ng lalawigang Rizal (1901), simbolikong aksyong Amerikano ng pagsasanib-teritoryal ng distrito pulitiko-militar ng Morong at probinsyang Manila tungo sa iisang lalawigan na paglao’y tatawaging lalawigang Rizal, pagsusog sa diwang Rizal na nagpapahalaga sa edukasyon (Pensionado Act of 1903), at paggamit ng gunita o memoryang Rizal (Monumento sa Liwasang Luneta sa taong 1913). Nagpatuloy ang ganitong pangkalinangang subersyon gamit ang pamanang Rizal hanggang sa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang pakikinabangan ng estado ang damdaming bayan o nasyonalismong umusbong sa panahon ng digmaan. Ito ay upang maisulong ang pang-unibersal na ideya ng kalayaan, karapatang pantao, at mithiing pambansa na inilalako ng US sa daigdig. At dahil sa panahon din ito ng Cold War, naging mabisang kasangkapan ang pangkalinangang pamana kay Rizal upang mapigilan at masupil ang paglawak ng komunismo sa Pilipinas.
Sa pangkalahatan, malinaw sa talakayan na nakasalig kung gayon sa pundasyong geopolitikal, sosyolohikal, at kultural ang gawaing kolonyal ng pangkalinangang subersyon kay Jose Rizal. Sa ginawang pagsipat, natukoy natin na sa bisa ng pamana ay makikita ang mga susing konseptong pangkabihasnan at kategoryang pangkasaysayang kinasangkapan para sa pangkalinangang subersyon ng mga mananakop sa Pilipinas. Ating nasiyasat na sa pamamagitan ng organikong konsepto ng pamana ay naisakatuparan ang gayong pangkalinangang subersyon upang mapawalang bisa at mapahina ang sagisag na pinagmumulan ng kapangyarihang bayan mula anituismo ng mga pinunong bayan tungong santo, at mula santo patungong monumento ni Rizal – pawang nagamit sa pagsusulong ng kapakanan at kapakinabangang geopolitikal ng mga mananakop. Sinupil at ginapi ng pangkalinangang subersyon ng tambalang US-Pilipinas ang sagisag ni Rizal sa pakikibaka kung saan nagtagumpay silang ipihit ito bilang mabisang kasangkapan sa hegemonikong interes ng US at lehitimasyon ng kapangyarihang elit sa Pilipinas. Ang mahigpit na pakikiisa, pakikipagniig, at pakikipag-ulayaw ng Republikang Pilipino mula pa sa panahon ng pananakop ng US ay nanatiling si Rizal ang panulukang bato o monumentong pananagisag na geopolitikal na pangkapangyarihan gamit ang mga unibersal na ideya ng kalayaan, karapatang pantao, pagkamamamayan, at mithiing pambansa. Sa pamamagitan ng nasyonalismo na nagtataglay ng ideya ng pagtataguyod ng kaloobang bayan, ugnayang panlipunan, diwang bayan, at paglilingkod bayan, si Rizal ay nananatiling matibay, matatag, at di-mapihit na bantayog ng ideolohiyang US-elit sa kapuluan.
Sa madaling sabi, nakapag-ambag ang pag-aaral na ito upang bigyang lalim at laman ang pag-aaral sa pangkalinangang pamana, malantad ang hiwaga ng kalakaran at kaganapang geopolitikal, at hubdan kapanabay nito ang umiiral na balat-kayo ng diplomasyang US-Pilipinas.
Ibig sabihin, sa kabuuan ng papel, hindi pakay na tingnan ang mga ahensyang Pilipino kaugnay sa pakikiharap nito sa dagok at kapangyarihang geopolitikal sa bansa, ni talakayin man halimbawa ang naging katugunan ng mga Pilipino sa gayong mga hamong imperyal at pang-estado. Manapa malugod na inirerekomendang maaaring papaksain sa mga sumusunod na pag-aaral ang nauukol halimbawa sa gayong mga katugunan ng mga ahensyang Pilipino sa pag-iral ng pangkalinangang subersyong geopolitikal, at maging ang hayag na kalakaran at kaganapan sa subersyong Pilipino laban sa kolonyalismo.
Sanggunian
Act No. 137, June 11, 1901. An Act Extending the Provisions of the Provincial Government Act to the Province of Rizal. Supreme Court E-Library.
Act No. 243, September 28, 1901. A fund to be raised by public subscriptions, and prescribing as a condition the method by which such subscription shall be collected and disbursed. ICT Division of the Presidential Communications Operations Office (PCOO). Presidential Museum and Library.
Act No. 854, August 26, 1903. An Act Providing for the Education of Filipino Students in the United States and Appropriating for Such Purpose the Sum of Seventy-Two Thousand Dollars, In Money of the United States.
Arreza, R. M., O.S.A. (2000, May). Beginning of the Augustinian Order in the Philippines: A biography of Fr. Andres de Urdaneta, O.S.A. Augustinian: Interdisciplinary Journal of the University of San Agustin, 4(1), 1-18.
Bartholomew, R. E., & Reumschüssel, A. E. (n.d.). From out of the shadows: Moral panics and search for scapegoats. In American Intolerance: Our Dark History of Demonizing Immigrants. Amherst, NY: Prometheus Books.
Brillantes, G. C. (2005). Chronicles of Interesting Times: Essays, Discourses, Gems of Wisdom, Some Laughs and Other Non-Biodegradable Articles. Manila: Anvil.
Chartier, R. (1989). General introduction: Print culture. In R. Chartier (Ed.), The Culture of Print: Power and the Uses of Print in Early Modern Europe (pp. x–x). Princeton, NJ: Princeton University Press.
Balbas, J. H. P. (2019). History of Sto Niño. Retrieved from https://idoc.pub/documents/history-of-sto-nino-3no78zmw23ld
Bautista, J. (2006). The rebellion and the icon: Holy revolutions in the Philippines. Asian Journal of Social Science, 34(2), 291-313. https://www.jstor.org/stable/23654421
Constantino, R. (1969). Veneration Without Understanding. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies.
Dacumos, R. (2015). Philippine colonial education system. Philippine Colonial Education System. https://www.researchgate.net/publication/280610684_Philippine_Colonial_Education_SystemDOI:10.13140/RG.2.1.2507.7600
Executive Order No. 52, s. 1954. Creating the Jose Rizal National Centennial Commission (1954). Office of the President of the Philippines. [Executive Order Nos. : 1 – 100]. Presidential Museum and Library.
Duran, M. D. (2020). Geopolitical tools, concepts and ideas. World Geostrategic Insights. https://wgi.world/geopolitical-tools-concepts-and-ideyas/
Philippine Commission. (1903). Fourth Annual Report of the Philippine Commission. In Three Parts (Part 1). Washington, DC: Government Printing Office. https://books.google.com.ph/books?id=vmYSAAAAYAAJ&printsec=frontcover&source=gbs_ge_summary_r&cad=0#v=onepage&q&f=false
Gagliano, G. (2012). Cultural subversion and disinformation in the thought of Frans Van der Hoff and the Slow Food Movement. SAGE International; Strategic Advice and Geopolitical Estimates, 1-6.
Gökmen, S. R. (2010). Geopolitics and the Study of International Relations [Doctoral dissertation, Middle East Technical University]. Çankaya Ankara, TÜRKİYE: The Graduate School of Social Sciences.
Gonzalez, M. (2020). The colonial legacy of racism among Filipinos. Positively Filipino. https://www.positivelyfilipino.com/magazine/the-colonial-legacy-of-racism-among-filipinos
Gutierrez, L., O.P. (1995). The evangelization of the Philippines and the formative years of the Archdiocese of Manila (1565-1700). Philippiniana Sacra, 30(90), 373-424.
Hanks, R. R. (2011). Geopolitics. In Encyclopedia of Geography: Terms, Themes, and Concepts (pp. 168-171). Santa Barbara, CA: ABC-CLIO, LLC.
Herrera, D. (2015). The Philippines: An overview of the colonial era. Education About Asia: Online Archives. Association for Asian Studies. https://www.asianstudies.org/publications/eaa/archives/the-philippines-an-overviewof-the-colonial-era/
Hangrove, T. (1991). The Mysteries of Taal: A Philippine Volcano and Lake, Her Sea Life and Lost Town. Makati City: Bookmark, Inc.
Hunt, C. L. (1956, April-June). The ‘Americanization’ process in the Philippines. India Quarterly, 12(2), 117-130. https://www.jstor.org/stable/45071116
I.E.F.Y.S. (1928). The Capture of Manila: The Glorious History of August The Thirteenth, 1898 (P. G. Fernandez, Trans.). Quezon City: The Toyota Foundation – UP Press.
Inocian, R. B. (2017, March). The transition of Sinulog dance festival in the face of modernization. International Journal of Research – GRANTHAALAYAH, 5(3), 293-309. https://www.researchgate.net/publication/315794055_The_Transition_of_Sinulog_Dance_Festival_in_the_Face_of_Modernization
Luna, W. J. (2020). The Santo Niño de Cebu and stories of healing. The Beauty of Santo Niño de Cebu. https://thebeautyofsantoninodecebu.com/2020/01/28/the-santo-nino-de-cebu-and-stories-of-healing/
Manabat, J. (2011). Marian devotion and liturgy in the Church’s evangelizing mission in Asia. PAMISULU: An Interdisciplinary Journal of Theology and Philosophy, 1(1), 11-28.
Mariano, C., & Infante, V. (1995). Spanish Philippines (Rise and Fall, An Eighteenth Century Picture). Santander Investment.
Matsuzato, K. (2009, July). Cultural geopolitics and the new border regions of Eurasia. Journal of Eurasian Studies. https://www.elsevier.com/locate/euras
Matsuzato, K. (2010). Cultural geopolitics and the new border regions of Eurasia. Journal of Eurasian Studies, 1, 42-53. https://www.researchgate.net/publication/248617584_Cultural_Geopolitics_and_the_New_Border_Regions_of_Eurasia
Meredith, S., Lawrence, C., & McDonald, J. (1995). Description of the Fortress at Capis; capital of the province of Panay. In Spanish Philippines (Rise and Fall, An Eighteenth Century Picture). Santander Investment.
Meredith, S., Lawrence, C., & McDonald, J. (1995). Description of the Fortress of Nuestra Señora del Rosario in the port of Yloylo, capital of the province of Ogtong. In Spanish Philippines (Rise and Fall, An Eighteenth Century Picture). Santander Investment.
Moore, F. (2019). Cultural subversion. New Observations, 101, May/June 1994. http://eroplay.org/cultural-subversion/
Ocampo, N. (2011). Kristong Pilipino; Pananampalataya kay Rizal. Quezon City: Bagong Kasaysayan.
Ochosa, O. A. (1995). Bandoleros: Outlawed Guerrillas of the Philippine-American War, 1903-1907. Quezon City: New Day Publishers.
Omamalin, J., Gapol, J., Lagala, K. C., Lawas, A., Rangaysiso, V., & Inocian, R. B. (2016, August). The hermeneutics of the Gozos for Señor Santo Niño de Cebu. Asia Pacific Journal of Multidisciplinary Research, 4(3), 1-9.
Partridge, C., & Christianson, E. (2014). Introduction: A brief history of Western demonology. In The Lure of the Dark Side: Satan and Western Demonology in Popular Culture (pp. 1-33). New York and London: Routledge.
Ponteras, M. S. (1979). The religious influence on American policies in the Philippines, 1898-1916. Southeast Asia Journal, 11(1), 1-25.
Quibuyen, F. C. (2008). A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony, and Philippine Nationalism. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Republic Act No. 1425, June 12, 1956. An Act to Include in the Curricula of All Public and Private Schools, Colleges and Universities Courses on the Life, Works and Writings of Jose Rizal, Particularly His Novels Noli Me Tangere and El Filibusterismo, Authorizing the Printing and Distribution Thereof, and for Other Purposes. Official Gazette, 52(6), 2971.
Roosevelt, T. (1902). A proclamation. The Kahimyang Project. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1404/today-in-philippine-history-july-4-1902-roosevelt-granted-amnesty-to-filipinos-who-revolted-against-spain-and-continued-it-against-the-us
United States Philippine Commission. (1901). Report of the United States Philippine Commission to the Secretary of War (From December 1, 1900 to October 15, 1901). Washington, DC: Government Printing Office. https://books.google.com.ph/books?id=7tYtAAAAIAAJ&printsec=frontcover&source=gbs_ge_summary_r&cad=0#v=onepage&q&f=false
Rouvier, G. (1899). The War in the Philippines: As Reported by Two French Journalists in 1899 (E. Aguilar Cruz, Trans.). Manila: National Historical Institute.
Spiritual conquest. (n.d.). In A New Spain, 1521-1821. The University of Texas at Austin. https://exhibits.lib.utexas.edu/spotlight/a-new-spain/feature/spiritual-conquest
Sutherland, W. A. (1953). Not by Might: The Epic of the Philippines. Las Cruces, NM: Southwest Publishing House.
Tucker, M. (2016). Education, Eastern culture, and Western values. Education Week. https://www.edweek.org/leadership/opinion-education-eastern-culture-and-western-values/2016/07
The Doctrine of Discovery. (1493). A Spotlight on the Primary Sources by Pope Alexander VI. The Gilder Lehrman Institute of American History. https://www.gilderlehrman.org/history-resources/spotlight-primary-source/doctrine-discovery-1493
Trillana, P., III. (2015, September). The Rizal Monument: The spirit of the nation at its best. Business Mirror. https://businessmirror.com.ph/2015/09/22/the-rizal-monument-the-spirit-of-the-nation-at-its-best/
United Nations. (n.d.). Universal Declaration of Human Rights. https://www.un.org/en/about-us/universal-declaration-of-human-rights
Villan, V. C. (2009). Pintados: Mga Hukbong Bisaya sa Armadong Ekspedisyong Español sa Kapuluang Pilipinas, 1565-1898. University of the Philippines – Diliman, Quezon City.
Villan, V. C. (2017, May). Kahulugan, larangan, at kabuluhan: Ang panubliong bahandi ng pangkating etnikong Bisaya sa pag-aaral ng mga pamanang bayan sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 6(1), 272-299. https://ejournals.ph/article.php?id=11807
Villan, V. C. (2017). Pagdumalahan at kawanihan: Ang dalumat at kontekstong pangkalinangan ng paglilingkod bayan sa kasaysayang Pilipino. In L. Ranises & R. V. Palad (Eds.), Kagawaran: Mga Institusyon at Paglilingkod-bayan sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino, 1898-1946 (pp. 51-86). Quezon City: ADHIKA ng Pilipinas, Inc.
Villan, V. C. (2020). Gunitang bayan at salaysaying bayan: Ang pamanang bayan sa pag-unawa ng kalakarang panlipunan at produksyong pangkaalaman sa Pilipinas. Talas: Interdisiplinaryong Journal sa Edukasyong Pangkultura, 5, 238-258.

