Ilang mga Tala Tungkol sa mga Kontemporaryong Pagtingin Tungkol kay Rizal mula sa Indonesia

Ferdinand Philip F. Victoria
Mentari Intercultural School Jakarta

How to Cite:
Victoria, F. P. F. (2022). Ilang mga tala tungkol sa mga kontemporaryong pagtingin tungkol kay Rizal mula sa Indonesia. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 90–105. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-URc-imTtsmkPtkRmsI

Abstrak

Layunin ng pag-aaral na ito ang talakayin ang mga kontemporaryong pagtingin tungkol kay Jose Rizal ng mga manunulat at iskolar na Indones. Mula sa pagsipat na isinagawa gamit ang mga online na batis, masasabi na ang kasalukuyang antas ng kontemporaryong iskolarsyip tungkol kay Rizal sa Indonesia ay limitado lamang. Gayunpaman, nanatili pa rin ang kasalukuyang interes kay Rizal sa mga mambabasa ng panitikan dahil sa pagkakilanlan sa mga akda ni Benedict Anderson. Bibigyang-pansin ng artikulo ang mga naturang pagaaral na ito at tatalakayin ang posibilidad ng pagyabong ng bagong talastasan tungkol kay Rizal at ugnayang Pilipinas-Indonesia sa hinaharap.

Mga Susing Salita: Jose Rizal, Pilipinas, Indonesia

Panimula

Ano ang mayroon sa isang pangalan? Hindi kaila sa atin na ang pangalan at ideya ni Jose Rizal ay kilala sa buong Pilipinas at sa iba’t ibang dako ng daigdig, kasama na ang Timog-Silangang Asya. Sa katunayan, dalawang kumperensya sa Malaysia at Indonesia ang isinagawa noong 1995 at 1997 bilang pagkilala kay Rizal di lamang bilang pahlawan Melayu (bayaning Melayu) kundi rin ayon sa pulitikong Malaysian na si Anwar Ibrahim: the first Malayan (Curaming 2017, 327). Ngunit higit pa rito, ang pagkakilanlan kay Rizal bilang isang personalidad ay patuloy na nananatili sa Indonesia at Malaysia. Isang halimbawa ay ang isang country series na teksbuk na nagpapakilala sa Pilipinas na pinamagatang Filipina: Negara Tanah Air Patriot Pujangga Jose Rizal (Pilipinas: Inang Bansa ng Makabayang-Makatang si Jose Rizal (Mangandaralam 1993). Ngunit ang katangi-tanging halimbawa ay ang mga taong may pangalang Rizal–bilang paunang pangalan o sa kaso ng pamilya ng dating estudyante ng awtor, bilang apelyido (Rizal 2020). Bagama’t sinasapantaha ng iskolar na si Julkipli Wadi na ang patuloy  na paggamit ng pangalang Rizal sa Malaysia at Indonesia ay dahil mga posibleng Arabong salitang ugat na bigas (roz), mga lalaki (rijal) o sugo (risala), hindi niya nabanggit ang mga kaso ng mga Indones na may pangalang Jose Rizal/Yose Rizal/Rizal o ang kanilang mismong pag-amin na kinuha ang kanilang pangalan mula sa Pilipinong bayani (Wadi 2009; Nuraini 2020; Robles 2014).

Subalit nangangahulugan ba na ang pamilyarisasyon ng pangalang Rizal ay katumbas sa interes ng mga Indones sa pagdalumat tungkol sa kaniyang pamana? Sinikap na sipatin ng pag-aaral na ito ang mga kontemporaryong pagtingin tungkol kay Jose Rizal ng mga manunulat at iskolar na Indones. Batay sa isinagawang sarbey ng mga online na batis ng awtor, masasabi na sa kasamaang-palad, ang kasalukuyang antas ng kontemporaryong iskolarsyip tungkol kay Rizal sa Indonesia ay limitado lamang sa iilang akda at halos walang pag-aaral na isinasagawa. Ito marahil ay bunga ng kakulangan ng geopulitikal at stratehikal na interes ng Indonesia sa Pilipinas kumpara sa mga ilang bansa sa rehiyon. Kung babalikan ang kasaysayan ng Indonesia, nakilalang lubos si Rizal ng mga nasyonalistang Indones sapagkat nagsilbi siyang isang huwaran ng mga kilusang nasyonalista sa kolonya. Kung anuman ang kasalukuyang interes tungkol kay Rizal, makikita ito sa mga mambabasa ng panitikan dahil sa naging papel ng mga akda ni Benedict Anderson na isinalin sa wikang Indones. Subalit hindi nangangahulugang dapat hayaang malimot ng mga Indones ang pamana ni Rizal. Bilang mga miyembro ng Nusantara o Dunia Melayu, marahil sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaigting ng ugnayang Pilipinas at Indonesia ay maaaring magkaroon ng posibilidad na muling payabungin ang bagong talastasan tungkol kay Rizal sa hinaharap.

Ang Pagkakakilanlan kay Rizal sa Indonesia: Isang Kasaysayan

Hindi kailanman nakatuntong si Rizal sa kolonya ng Hindia Belanda (Indones ng Dutch East Indies) sa kaniyang mga biyahe sa ibayong dagat. Ito ay sapagkat sa pakanlurang ruta patungong Europe galing Maynila ang kolonya ng Singapore ang siyang daungang ginagamit dahil sa kaniyang istratehikal na lokasyon sa Kipot ng Malaka. Ngunit sa kaniyang unang paglalakbay sa Europe ay nakakilala siya ng ilang mga Dutch na galing Batavia (ngayo’y Jakarta) na naging kasamang pasahero sa biyaheng Singapore-Marseilles. Gayunpaman, naging mulat si Rizal sa pagkakahawig ng karanasang kolonyal ng mga naninirahan sa Java. Nabasa niya noong 1888 ang nobelang Max Havelaar na isinulat ni Multatuli o Edouard Douwes Dekker. Sinasapantahang isa ito sa mga naging dahilan ng kaniyang Malay Turn at ang pagtaguyod ang lihim na grupong Redencion de los Malayos (Nery 2011, 56, 105). Inako rin niya na ang mga taga-Java na katutubo ay kalahi nang binisita niya ang display ng Hindia Belanda at kaniyang makausap ang mga ito sa Universal Exposition sa Paris noong 1889 (Curaming 2017, 331).   

Sa kabila nito iniulat ng dalawang kolonyal na pahayagan sa Hindia Belanda ang kaniyang kamatayan noong 16 Enero 1897 (Nery 2011, 109). Nasagap ng ilang mga kilalang nasyonalistang Indones ang mga ideya ni Rizal na ginamit nilang tuntungan ng kanilang mga pakikibaka laban sa kolonyalismong Dutch. Isinalaysay ng awtor na si John Nery sa kaniyang akdang Revolutionary Spirit: Jose Rizal in Southeast Asia ang mga naging pag-angking ginawa ng ilang mga nasyonalistang Indones upang isulong ang kanilang minimithing kalayaan mula sa pananakop.

Tila isang kabalintunaan na ang unang nakakilala ng potensyal na kahalagahan ng halimbawa ni Rizal sa nasyonalismong Indones ay ang mestisong inapong pamangkin (grandnephew) ni Multatuli na si Ernest Douwes Dekker. Siya ang isa sa tatlong nagtatag ng Indische Partij noong 1912 na partidong pulitikal na nagsusulong ng kalayaan ng kolonya. Noong 1913, nagplano siyang tumungo sa Pilipinas upang pag-aralan ito. Bagama’t sa huli ay di natuloy ang kaniyang patungo sa Pilipinas, nakasulat siya ng sanaysay na pinamagatang ‘Rizal’ na lumabas sa jurnal ng partido noong Mayo 1913. Inilarawan ni Dekker, na tila may pagkilala sa kanilang pagiging kapuwa mestizo, si Rizal bilang isang magiting na makabayang half-bloed o mestiso na tiningala ng kapuwa mestizo at katutubo bilang tagapagligtas at ibinuwis ang buhay upang palayain ang kaniyang bansa mula sa mapanikil na kaayusan at siyang magiging katiyakan na kapalaran ng ating bayan. Tulad ng magkapatid na Rizal, Aguinaldo at GomBurZa, aniya, darating din ang panahon na lalabas ang mga kabayanihan ng kaniyang mga kababayan (Nery 2011, 112-116).

Sa pagsiklab ng Digmaang Pasipiko at pagbagsak ng Hindia Belanda sa kamay ng mga Hapon, nagsilbing isang inspirasyon si Rizal sa mga nasyonalistang Indones, hindi dahil sa mga teorista kundi sa popularisasyong isinagawa ng isang jurnalista – si Rosihan Anwar. Noong 30 Disyembre 1944, nagkaroon ng isang live na pagbasa ni Anwar sa Radio Djakarta ng pinaikling bersyon ng Huling Paalam na kaniyang isinalin sa wikang Indones mula sa Ingles. Inilathala sa pahayagan ding iyon ang tula, kasama ng talambuhay at isang tula tungkol kay Rizal na malamang ay isinulat din ni Anwar. Sa pagpapakilala kay Rizal tinawag ni Anwar si Rizal bilang Pahlawan Kemerdekaan Filipina: Seorang geni Melayoe (Bayani ng Kalayaan ng Pilipinas: Isang Henyong Malayo) (Asia Raya 1944, 2).

Masasabing nagkataon lamang ang interes ni Anwar tungkol kay Rizal. Bagamat naipakilala na si Rizal ng kaniyang guro sa kasaysayan noong 1940, napukaw muli ang kaniyang interes nang nakatagpo siya ng isang aklat na antolohiya o potpourri sa Aklatang Sentral ng Jakarta noong 1944. Kaniyang natagpuan sa aklat ang litrato ni Rizal, isang salaysay tungkol sa kaniyang pagkamatay, at ang bersyong tula sa wikang Español at Ingles. Isinalin ni Anwar ang tulang Ingles, nakapasa sa censor at siyang binasa sa radyo. Ang pinaikling bersyon na ito ng tula ay may iilang taludtod lamang at ginamit ang “Adios, Patria adorada” bilang pamagat. Kapansin-pansin na hindi kumpleto ang salin ng bersyong Anwar dahil ayon sa kaniya maging ang Ingles ay hindi rin kumpleto sapagkat ito ay marahil nakabatay sa pinaka-unang saling Ingles tula noong 1900. Subalit higit pa rito, ayon kay Nery, marahil mas nakapukaw nga ang tula ni Rizal kay Anwar at mga kapuwa Indones dahil na rin sa kakaibang salin ng bersyong Ingles na maaaring tumukoy sa Indonesia (Nery 2011, 143-147).

Selamat tinggal, Tanah kupuja
Daerah pilihan, surya Selatan

Paalam na, sintang tinubuan
Hinirang na lupain, sa araw ng Katimugan
(Asia Raya 1944, 2. Aking transkripsyon sa modernong Indones at salin)

Ayon kay Nery, ang paggamit ni Anwar ng salitang Daerah at Selatan (Katimugan at Bahagi) sa parehong linya ay hindi lamang nagpapatungkol sa katawagang Hapon para sa mga lupaing nasakop nito sa katimugan ng Hapon kundi dahil din sa heograpikal na lokasyon ng Indonesia (katimugan ng ekwador), madaling mapagkamalan ng mga mambabasa na kinakausap ni Rizal ang mga Indones (Nery 2011, 148).

Ipinaliwanag ni Anwar ang saysay ng pagpapahalaga kay Rizal. Inadhika ni Rizal ang kalayaan ng Pilipinas at sa loob ng maraming taon, kaniya itong ipinaglaban upang pukawin ang mga anak ng bayang Pilipino upang makibaka. Sa pagsisikap niya upang iangat ng katayuan ng mga katutubo, di lamang siya dapat ituring bilang bayaning Pilipino o Malayo kundi na rin ng Asya:

Inilah: bangsa yang tidak hendak ditindas, bangsa yang tahu akan kemerdekaan dirinya, bangsa yang sadar akan derajatnya dapat melahirkan putra-putranya dapat bangkit untuk menentang bangsa yang menindas bangsanya. Ini ditunjukan oleh bangsa Filipina, oleh bangsa India, bangsa Tionghoa, dan juga bangsa Indonesia dalam sejarahnya.

Ito [ang aral na matutuhan natin]: isang bansang hindi na magpapaapi, isang bansang mulat sa kaniyang kalayaan, isang bansang patuloy na nagluluwal ng mga anak-bayang lumalaban sa bansang yumuyurak ng kaniyang bansa. Ito ang ipinakita ng bansang Pilipinas, ng bansang India, ng bansang Tsina, at gayundin ng bansang Indonesia sa kaniyang kasaysayan.
(Asia Raya 1944, 2. Aking transkripsyon sa modernong Indones at salin. Tingnan din si Nery 2011, 154-155)

Ang saling tula ng Huling Paalam ay hindi nalimutan ng mambabasa. Sa pagputok ng labanan sa Surabaya noong Nobyembre 1945 sa pagitan ng mga Indones at Ingles, tumungo si Anwar sa naturang lungsod upang itala ang mga pangyayari. Ayon sa kaniya, natuklasan niyang nakalathala ang isang mas pinaikling bersyon ng kaniyang tula sa isang magasing binabasa ng mga batang sundalo (Nery 2011, 158-159). Marahil ay pinagkunan ng lakas ng loob ng mga kabataang sundalo ang panimulang linya ng tula sa kanilang pakikibaka. Inangkin na si Rizal ng kabataang Indones. Muling hinirang si Rizal bilang isang bayani ng lahat ng mga bansang inaapi at lumalaban sa nang-aapiî ng isang peryodikong Indones na Bakti noong 1946 na nagbalita tungkol sa independensya ng Pilipinas (Nery 2011, 168, 170). Ipinagpatuloy ni Pangulong Sukarno ang retorika ng pakikibaka ni Rizal at ng Pilipinas bilang simbolo ng anti-imperyalismo sa post-kolonyal na kaayusan. Gayunman para kay Sukarno, ayon kay Nery: Rizal, one of merdeka’s avatars, was merely an idea – but an idea that bursts rhetoricís walls. (Nery 2011, 188)

Ibang pananaw naman tungkol kay Rizal ang inilatag ni Tan Malaka, naging lider ng Partido Komunista ng Indonesia (PKI) mula 1921-1922 at nang lumaoy itinalagang kinatawan ng Comintern sa Timog-Silangang Asya. Di-tulad ni Dekker, nanirahan o nagtago sa Pilipinas si Malaka noong 1925 at 1927. Ang pananatili niya sa Pilipinas ang nagtulak din sa kaniya upang adhikain ang Pan-Malayanismo (Victoria 2020).

Sa katapusang kabanatang pinamagatang “Tungo sa Hardin ng Tao” ng kaniyang pilosopikal na akdang Madilog (Materyalismo, Dialektika at Lohika) na isinulat noong 1943 at nalathala noong 1951, dinalumat niya ang kaniyang pananaw tungkol sa kinalalagyan nina Rizal at Bonifacio sa kasaysayan ng mundo sa pamamagitan ng isang kuwento. Sa paggamit ng simbolismo ng dalawang bundok na siyang kumakatawan sa hirarkiya ng mga dakilang tao, ang maliit na bundok na sumisimbolo ng dakilang tao sa Indonesia Raya (Dakilang Indonesia) na kumakatawan sa Dunia Melayu (Mundong Malayo) kasama na ang Pilipinas at isang malaking bundok na kumakatawan sa mga dakilang intelektwal na may unibersalistang saklaw. Pinagtalunan ng isang Komisyon kung saan mas nababagay ang dalawa. May nagsabing ilagay si Rizal sa bundok internasyonal dahil sa kaniyang pagiging henyong unibersal dahil sa kaniyang mataas at malalim na talino sa lahat ng agham. May nagsabi namang ilagay si Andres Bonifacio sa bundok internasyonal sapagkat mas naunawaan niya ang kakayahan ng kapangyarihang proletaryo bilang tagasulong ng kasaysayan. Sa bandang huli, napagkasunduang ilagay ang dalawa sa tuktok ng bundok Indonesia Raya ngunit nakaharap sa bundok internasyonal. Ang unang dahilan ay magsisilbing inspirasyon ang dalawa para angatin ang inferiority complex ng mga nasa Indonesia Raya sapagkat wala pang Indones ang nakapapantay sa kanilang kadakilaan. Ang ikalawang dahilan ay:

Tanggap ng lahat ng kasapi na ang dalawang dakilang Indones na ito, kahit sapat sa Indonesia at Asya, ay hindi pa sapat para sa buong daigdig. Wala silang iniwang teorya o pundasyong bago para sa agham at lipunan sa pangkalahatan. (Salin ni Guillermo 2013, 97)

Muli niyang tinalakay ang kritisismong ito sa kaniyang 1948 na awtobiograpiyang Dari Penjara ke Penjara (Mula Bilangguan hanggang Bilangguan). Tinawag niyang ama ng bansang Pilipinas si Rizal na tulad nina Bonifacio, Aguinaldo at Mabini ay mga katutubong Indones na kung mayroon man, may kaunting dugong-halo o pagkamestiso (Nery 2011, 131). Nararapat klaruhin na ang paggamit ni Malaka ng ‘Indones’ ay katumbas ng Pan-Malayanistang kaisipan (Victoria 2020). Gayunpaman, para sa kaniya, si Rizal was no Marx or Lenin, nor even comparable to  … Dr. Sun Yat-sen sa hanay ng mga rebolusyonaryo sapagkat ang kaniyang pagkakahiwalay sa masa ay bumulag sa posibilidad ng kakaniyahan ng masa na maghimagsik.

A man of great intellect in many fields, a writer able to penetrate the consciousness of the masses, he nevertheless did not turn his powers to the situation, character, aims, and forces of the revolutionary movement. For Dr. Rizal, independence was contingent on the number of intellectuals and literates in the Philippines, on the strength of the colony’s industry, agriculture, and trade, and above all on the arms held by the masses for the seizure of power. It was beyond his ken that the dynamic of the revolution could give rise to unimagined forces, could confront arms superior in number and power, and could generate a real spirit everywhere, provided that the force of the masses had been gauged, awakened, and coordinated by an honest, aware, and disciplined leadership. His lack of contact with the masses (caused partly by the fact that he was always watched carefully by the government and the Spanish priests) means that experience did not open his eyes to these possibilities. Dr. Rizal remained an intellectual in relative isolation from the masses. (Tan Malaka 1991, 124, sinipi mula kay Nery 2011, 135)

Para sa kaniya, ang pagtanggi niya sa planong rebolusyon ni Bonifacio dahil sa kakulangan ng armas ang dahilan kung bakit itinuring niyang bagsak si Rizal sa sukatan ng isang rebolusyonaryo. Mali ang pag-iisip na ito sapagkat kung ang isang bayan o uri ay natutumbasan o lalampasan ang kalaban sa pagkakaroon ng armas, hindi ito matatawag na naaapi. Dagdag pa niya:

Neither equality nor superiority can be attained before the revolution, but only during or after it, if it is a real social and economic or national revolution organized in a disciplined fashion.  (Tan Malaka 1991, sinipi mula kay Nery 2011, 135)

Ang paghuhusgang ito ni Malaka ay binigyang kritisismo ni Nery sapagkat ang kakulangan din ng preparasyon para sa planong rebelyon ng PKI noong 1926 ang naging dahilan din ng kaniyang pagtanggi nang konsultahin siya ng mga kapanalig tungkol dito (Nery 2011,137).

Maging sa tetralohiyang Buru Quartet ng dakilang Indones na nobelistang si Pramoedya Ananta Toer ay nababanggit si Rizal at ang Rebolusyong Pilipino dahil na rin sa epekto nito sa umuusbong na nasyonalistang pag-isip sa kolonya (Nery 2011, 214-220). Gayunpaman, binigyang kritisismo rin ni Toer sa kaniyang ikalawang nobelang lumabas noong 1980 ang Anak Semua Bangsa (Anak ng Lahat ng Bansa) si Rizal na nabulag ng kaniyang ideyalismo sa isang paghahambing sa isang karakter na si Trunodongso:

But Rizal was even more pathetic than Trunodongso. When his comrades took up arms, he was still dreaming of the generosity of the Spanish governors of the Philippines, even after he was arrested and exiled. And a few days before he was executed he was still urging his fellow Filipinos who had taken up arms to stop fighting. He was more pitiful than Trunodongso. Him–Rizal! Truno was defeated because of his lack of knowledge, Rizal because he did not believe in what he knew in his intellectual conscience. (Sinipi mula kay Nery 2011, 227-228)

Magkagayunman,  nanatili ang interes tungkol kay Jose Rizal sa Indonesia. Noong 1975 inilathala ang salin ng Noli Me Tangere sa wikang Indones (Jangan Sentuh Aku) ni Tjetje (Cece) Yusuf (1927-?) na sinasapantahang ibinatay diumano na saling Ingles ng Noli ni Leon Ma. Guerrero (Wibisono 2018). Walang gaanong makuhang impormasyon tungkol kay Yusuf maliban lamang sa isa siyang manunulat ng mga maiikling akdang pangkasaysayan at pangedukasyon at noong 1978 nailathala ang isang talambuhay ni Jose Rizal (Yusuf 1978). Maliban pa rito ay naging awtor din siya ng isang komemoratibong akda para sa Embahada ng Indonesia sa Maynila noong 1969 (Lumabas ang salin niya ng El Filibusterismo noong 1994. Sa salin ng pamagat pa lamang na Merajalela Keserakahan ay marahil na ibinatay ito sa Reign of Greed ni Charles Derbyshire (Yusuf 1994). 

Bilang paglalagom ng bahaging ito, makikita na ang sinaunang pagtatanghal kay Rizal ng mga nasyonalistang Indones ay nakabatay sa paggamit kay Rizal bilang ehemplo at huwaran ng sakripisyo at kabayanihan na maaaring pagbatayan ng inspirasyon ng mga Indones sa kanilang pakikibaka para sa kalayaan, gaya ng mga akda nina Douwes Dekker, Anwar at maging si Pangulong Sukarno. Ang kritikal na pagtingin naman kay Rizal sa pananaw ni Tan Malaka ay ibinatay niya sa pagsusuri batay sa Marxistang lente ng rebolusyon habang labis na ideyalismo naman ang paghuhusga ni Toer kay Rizal sa kaniyang nobela.

Mga Kontemporaryong Pagtingin kay Rizal sa Indonesia

Kapag sasaliksin sa Internet ang mga akademikong pag-aaral kay Rizal ng mga Indones sa kasalukuyang panahon ay masasabing salat na salat. Ito marahil ay bunga ng kakulangan ng interes ng mga Indones sa Pilipinas bunga na rin ng mga limitasyong pagwika at interes pangekonomiko at stratehikal.

Ang iilang nakalap na pag-aaral ng mga Indones tungkol kay Rizal nitong nakaraang dekada ang tututukan sa bahaging ito. Bibigyang-pansin ang pagtalakay ng awtor na si Joss Wibisono at ilang mga online na tesis mula sa mga unibersidad.

A. Si Joss Wibisono, Benedict Anderson, at si Rizal

Pinagbalik-tanawan ni Wibisono ang mga ideya ni Benedict Anderson at ang pulitika ng pagsasalin ng mga akda ni Rizal sa Indonesia. Ang Amsterdam-based na si Wibisono ay nagtapos sa Universitas Kristen Satya Wacana, naging Visiting Researcher sa Center for Southeast Asian Studies ng Kyoto University sa bansang Hapon, isang kolumnista para sa opinion websites tulad ng tirto.id at gatholotjo.com, blogger, essayist, literary critic at isa sa mga naging tagapangasiwa ng programang pangradyo tungkol sa Indonesia para sa Radio Nederland. Siya ay bihasa sa wikang Dutch at Pranses (Joss Wibisono n.d., Wibisono 2018). Ang kaniyang pinakabagong aklat na lumabas noong 2020 pinamagatang Maksud Politik Jahat: Ben Anderson Tentang Bahasa dan Kuasa (Ang Kahulugan ng Masamang Pulitika: Si Ben Anderson tungkol sa Wika at Kapangyarihan) ay isang kritikal na pagsusuri ng mga akda ni Anderson (Dwitya 2020).

Naging interesado si Wibisono sa pagkakatuklas niya sa Noli sa anyo ng isang afterlife (aking hiniram ang katawagan ni Testa-De Ocampo 2011) nito sa saling Dutch ng Dutch-Indones na iskolar na si Abraham A. Fokker (18621927) at nilimbag ng Soerabajasch Handelsbad noong 1912, isang pahayagang pangkomersyo ng Surabaya, Katimugang Java. Aniya, nangangailangan pa ng mas malalim na pananaliksik upang kumpirmahin kung kaninong bersyon hinalaw ni Fokker ang salin at ang seryalisasyon nito sa naturang pahayagan.  Aniya, kung nabubuhay pa sana si Anderson (na namatay noong 2015) at natuklasan ang saling ito, maaari niyang usisain ang kalidad nito, ang pinaggalingan nito at ang bibigyang kritisismo mga rebisyong isinagawa tulad ng kaniyang dekonstruksyong isinagawa sa salin ni Leon Ma. Guerrero na ginawa sa kaniyang sanaysay na Hard to Imagine noong 1994 na muling lumabas sa antolohiyang Spectre of Comparisons (Anderson 2004).

Bagamat hindi niya ito sinuri nang mas malalim, napansin niyang iba ang pagkakasalin ng ilang mga bagay na nasa salitang Tagalog. Dalawang halimbawa ang kaniyang binanggit. Una, ang sinigang ay isinalin bilang pindang isang uri ng pamamaraan ng presebasyon ng isda sa pamamagitan ng asin sa Indonesia Ang ikalawa ay ang salitang salakot na isinalin bilang tudung na maaaring magpatungkol sa pantakip sa ulo. Ani Wibisono, ito marahil ay ikatutuwang analisahin ni Anderson (Wibisono 2017).

Sa kaniyang repleksyon sa akda ni Anderson, kaniyang binigyang-diin ang pagkamangha ng huli sa kakayahan ni Rizal na ilantad ang ‘el demonio de las comparaciones’ o ang paghahambing-hambing na isinasagawa ni Rizal sa kaniyang pagtingin sa mundo, na isa sa mga pinag-ugatan ng kaniyang nasyonalismo. Ang maaaring hindi mauunawaan ng mambabasang Indones ngayon, sa wari ni Wibisono, ay ang anti-klerikal na ugat ng nasyonalismong Pilipino na mababasa sa mga nobela ni Rizal. Kaniya ring natanto na kahit na inilimbag ang 1912 na edisyon sa Surabaya, malinaw rin na limitado rin ang mambabasa nito dahil sa wikang Dutch ito inisulat. Sa katunayan, lalabas lamang ang saling Indones noong 1975 ni Jusuf. Gayunman ay hindi isinaad ng tagasalin kung ano ang pinanggalingan ng salin maliban sa ito ay galing sa Ingles hindi tulad ng direktang salin daw ang bersyong Dutch mula sa orihinal (na walang binanggit na ebidensya).

Sa huling bahagi ng kaniyang sanaysay, kaniyang ipinaliwanag ang kapupulutang aral sa pagsasalin kay Rizal sa karanasang Indones sa pagsasalin. Binigyang kritisismo niya ang pagsasaling ginawa sa kumpilasyon ng Indones na kontemporaryo ni Rizal na si Raden Ajeng Kartini na unang ginawa ni Armijn Pane noong 1922 at ang kumpletong edisyon ni Propesor Sulastin Sutrisno noong 1979. Aniya, maraming suliranin ang mga saling ito kung kaya’t malaking tulong ang kritika ng pagsasaling ginawa ni Anderson kay Guerrero upang matanto kung ano ang tamang paraan ng pagsasalin ng aklat ni Kartini (Wibisono 2017).

Muli niyang inulit ang nauna niyang pagtalakay sa kaniyang artikulong lumabas sa sumunod na taon, bagamat idinagdag niya ang ilang obserbasyon tungkol sa artikulong lumabas sa konserbatibong pahayagang Bataviaasch Nieuwsblad (Pahayagang Batavia) noong 30 Disyembre 1936 na gumunita sa kamatayan ni Rizal. Kapansin-pansin ang aniya’y selektibang interpretasyong inilapat ng dyaryo tungkol kay Rizal: sapagkat hindi pa lubusang handa ang mamamayang pamunuan ang sarili, mas naisin ni Rizal ang makipagtulungan sa mga Español. Hindi rebolusyonaryo si Rizal kundi isang taga-suporta ng mga Español.  Malinaw kay Wibisono na binaluktot ang kanilang pagbasa kay Rizal upang iparating sa Indones na madla. Idinagdag pa niya na ang deskripsyong ginamit para sa Fili ay ang paghihirap na dinanas ng pakikibaka laban sa kapangyarihang Español gayong para kay Wibisono, malinaw ang patriotismo ni Rizal. Isinagawa ang manipulasyon na ito ng artikulo upang iparating ang mensahe na iwaksi ang rebolusyonaryong kaisipan upang bawasan ang suporta sa mga radikal na nasyonalistang Indones (Wibisono 2018).

Sa mga sulating ito ni Wibisono ay makikita natin ang kaniyang pagkakakilanlan kay Rizal sa mata ng kaniyang mga tagapamagitan at tagasalin, laluna si Anderson. Para sa kaniya, ang literaryong kritisismo na isinagawa ni Anderson sa salin ni Guerrero ay makatutulong sa mas malalim na pag-unawa sa pagitan ng mga kultura at maaaring kapulutan ng aral sa pagsasakritika ng mga pagsasalin ng mga teksto sa Indones.

B. Si Rizal: Ang Repormistang Tagapagpagalaw ng Kilusang Propaganda

Ang unang masteradong tesis na susuriin ay ang “Jose Rizal dan Propaganda Kelompok Reformasi Filipina, 1882-1896” (Si Jose Rizal at ang Grupong Propaganda [sa] Repormasyong Pilipinas, 1882-1896) ni Dita Putri Prameswari na mula sa Universitas Indonesia (UI) noong 2011. Si Prameswari ay kasalukuyang lektyurer sa UI at nagtuturo ng kursong Mamamayan at Bansa sa Timog-Silangang Asya (Kontak 2020)

Sinuri ng tesis ang naging papel na ginampanan ni Rizal sa pagsulong ng Kilusang Propaganda mula 1882 hanggang 1896. Tiningnan niya kung paanong nakatulong si Rizal sa pagbuwag ng ugnayang kolonyal na pamahalaan at ang praylokrasya at naimpluwensyahan ang mga Pilipino. Sa kabila ng pagpapatapon at pagkakakulong ni Rizal, ipinagpatuloy pa rin ang kaniyang ideya ng mga Pilipinong rebolusyonaryo, na isang tanda ng tagumpay ng Kilusang Propaganda (xiv-xv).

Ayon kay Prameswari, sumapi si Rizal sa Kilusang propaganda upang hamunin ang nananaig na kolaborasyon ng Simbahan at Kolonyal na pamahalaan. Natulak sulatin ni Rizal ang Noli sapagkat napagtanto niyang mas akmang sulatin ang kaniyang mga naranasan at naobserbahan tungkol sa nangyari sa kaniyang bayan habang siya ay bata pa at sariwa pa sa alaala kaysa sa pagdating ng katandaan. Ang kaniyang pagsusulat sa wikang Español ay hindi lamang nakapokus sa mga Español kundi na rin sa panggitnang-uring Pilipino. Ginamit ni Rizal ang kaniyang mga nobela upang mulatin ang mambabasang Pilipino na huwag hayaang ipagparaya ang lahat sa kolaborasyong Simbahan at Kolonyal na Estado sa mga mamamayang Pilipino. Sa kaniyang antagonistikong pagsasalarawan ng mga paring Español, binabalikan ni Rizal ang layunin ng sinaunang mga repormista na Pilipinisasyon ng kapariang sekular. Subalit maging ang sinaunang layuning ito ay mapapalitan ng grupong magtutulak sa kalayaan ng Pilipinas (43-101).

Isang Skripsi (Tesis Undergradweyt) para sa Programang Pagtuturo ng Kasaysayan ng Universitas Sanata Dharma sa Yogyakarta ang isinulat ni Samad noong 2011. Ito ay may pamagat na Peranan Jose Rizal Dalam Pergerakan Nasionalisme Filipina (Ang Papel ni Jose Rizal sa Kilusang Nasyonalismo sa Pilipinas). Para kay Samad, si Rizal ay ang pioneer ng kilusang nasyonalista sa Pilipinas hindi lamang dahil sa kaniyang mga sulatin kundi na rin ang pagtatag niya ng La Liga Filipina. Ginamitan ni Rizal ng ‘Politik diplomasi’ (Pamumulitikang diplomatiko) upang ipaglaban ang karapatan ng Bayang Pilipinas sa pamahalaang Español. Kaniya ring tinalakay ang mga impluwensya ni Rizal sa mga pagkilos nina Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo at maging sa Partido Nacionalista ni Quezon (38-53). 

Isa ring Skripsi sa Programang Pagtuturo ng Kasaysayan naman ni Anggita Tiana Rachmawati ng Universitas Negeri Yogyakarta (UNY) na lumabas noon 2013 ay pinamagatang “Perjuangan Jose Rizal Menuntut Reformasi Kebijakan Spanyol di Filipina Tahun 1883-1896” (Ang Pakikibaka ni Jose Rizal sa Pangagampanya sa Reporma ng Kapangyarihang Español, 1883-1896). Batay sa huling impormasyon, nagtuturo si Rachmawati ng Kasaysayan ng Indonesia sa isang Senior High School sa Yogyakarta (“Daftar Guru”). Ipinaliwanag ni Rachmawati na ang repormismo ni Rizal ay hinubog ng kaniyang sitwasyon at ang kaniyang pakikibaka ay nakaugat sa pagsusulat niya ng Noli at Fili. Sa kaniyang pananaw nakita ni Rizal na matagal na panahong mababa ang pagtingin sa mga Pilipino at mula rito ay naging malinaw ang kaniyang misyon upang buwagin ang diskriminasyon. Subalit nanatili pa rin si Rizal sa kaniyang repormistang agenda sapagkat sa pananaw ni Rachmawati, hindi radikal ang mga pakikibaka at pagkilos ni Rizal, kasama na rito ang La Liga Filipina (vii, 80-82).

Sa pagsipat ng tatlong tesis na isinulat, mababanaag ang ilang magkakahalintulad na tema. Una, sentral ang naging papel ni Rizal sa nasyonalismong Pilipino, mula sa pagiging pioneer ng nasyonalismo hanggang bilang sa tagapagbuwag ng kolaborasyong Simbahan at Estado. Ikalawa, malaki rin ang kreditong ibinibigay ng mga awtor sa Noli at Fili sa pagtataguyod ng reputasyon ng imahen ni Rizal bilang isang lider ng kilusang propaganda, at ayon kay Rachmawati, ay ang simula ng aktibistang yugto ni Rizal.

Gayunpaman, makikita rin sa mga pag-aaral na ito ang relatibong kasalatan sa lalim ng iskolarsyip tungkol kay Rizal sa Indonesia. Kung uusisaing maigi ang kanilang mga bibliograpiya, ang aksesibilidad sa mga bagong pananaliksik at batis primarya tungkol kay Rizal (noong 2010) at wika ang masasabing mga hamon. Kapansin-pansin din na walang nakaopen access na akademikong artikulo o tesis tungkol kay Rizal sa loob ng Indonesia mula 2013 hanggang ngayon.

C. Si Rizal bilang Simbolo ng Pagyabong ng Ugnayang Pilipinas at Indonesia?

Gaya ng nabanggit na sa itaas, naging kabahagi ang Indonesia sa pagpapalawak ng diskurso tungkol kay Rizal sa iba’t ibang larangan, mula sa mga pulitikal na sulatin ng mga Indones na lider ng kilusang nasyonalista hanggang sa pagkilala ng mga akademiko sa pamamagitan ng pagdaos ng internasyonal na kongreso kay Rizal noong 1997. Subalit masasabi rin na ginawang simbolo si Rizal upang paglapitin ang mga ugnayang lokal sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi lamang matatagpuan ang bantayog ni Rizal sa mga diplomatikong espasyo ng Pilipinas sa Indonesia. May bantayog si Rizal na matatagpuan sa Kalye Sam Ratulangi sa lungsod ng Bitung sa hilagang-silangang bahagi ng isla ng Sulawesi/Celebes. Kilala ang Bitung bilang isang lungsod-daungan at pinakamalaking lungsod sa probinsya ng Hilagang Sulawesi matapos ang kabiserang Manado.

Itinayo ang bantayog ni Rizal bilang resulta ng Kasunduang Sister City sa pagitan ng lungsod ng Bitung at Davao na pinirmahan noong 1993. Ang mga pumirma sa kasunduan ay sina Mayor Rodrigo Duterte (Davao) at Mayor Sinyo Harry Sarundajang (Bitung). Si Sarundajang ay naging Embahador ng Indonesia sa Pilipinas sa panahon ni Pangulong Duterte hanggang siya ay pumanaw noong Pebrero 2021 (Patung Dr. Sam Ratulangi 2021). Tuwing Araw ni Rizal ay binibisita ng staff ng Konsulado Heneral at nag-aalay ng bulaklak sa bantayog kasama ang Bise-Meyor ng Lungsod. Mga 50 kilometro ang layo ng Manado sa Bitung. Nabisita at nagbigay pugay ang pinuno ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Virgilio Almario noong 2016. Sa kabilang banda, ang bantayog naman ng Indones na bayaning Sam Ratulangi, na mula sa rehiyong iyon, ang siyang itinayo sa Freedom Park sa lungsod ng Davao. Tinangkang payabungin ang ugnayang Davao-Bitung sa pagpasinaya noong 2017 nina Pangulong Duterte at Joko Widodo ng Indonesia ng isang Roll-on-Roll-Off Ferry Service (RORO) na may rutang Davao-General Santos-Bitung ngunit ito ay nahinto noong 2020 dahil sa kakulangan ng interes (Pengoperasian Ulang Rute 2019).

Sa kabila ng kabataang edad ni Rizal, inialay niya ang kaniyang sarili hindi lamang upang ipaglaban ang katarungan para sa mga Filipino kundi na rin ìnagawang pag-alabin ang lakas ng loob ng mga kabataan sa iba’t ibang dako ng daigdig kasama rin ang Indonesia sa lungsod ng Bitung. Ang mga pananalitang ito ay nagmula sa bibig ng Bise-Mayor na si Maurits Mantiri sa kaniyang talumpati noong Rizal Day 2016 (Wawali Bitung2016). At sa kabila ng paghinto ng serbisyong RORO, nananatiling positibo pa rin ang pananaw at pag-asa ng naturang opisyal sa pagpapalawig ng ugnayang lokal. Aniya, ang pagkakaroon ng bantayog ng Pambansang Bayaning Pilipinong si Jose Protacio [sic] Rizal sa Bitung ay nagsisilbing inspirasyon sa mamamayan at nagtutulak upang itaguyod ang pakikipagtulungan sa pagitan ng lungsod ng Davao at Bitung, ani ni Mantiri sa kaniyang talumpati noong Rizal Day 2019 (Tentang Pahlawan 2020).

Ipinakikita ng naturang halimbawa ang isang pagtatangka upang gamitin ang saysay at alaala ni Rizal sa mga pampublikong espasyo upang paglapitin ang mga lokalidad. Sa kasong ito, pinaglalapit ang mga bayang matatagpuan sa magkabilang pulong hangganan ng kani-kanilang bansa na pinag-iisa ng karagatan bilang paraan upang pasiglahin ang palitang pangekonomiko ng mga naturang bayan sa rehiyon na tinitingnan ng parehong estado bilang periphery.

Konklusyon

Sinikap isarbey ng papel na ito ang samu’t saring mga pananaw ng mga Indones na manunulat, opisyal at akademiko sa loob ng higit 100 taon makalipas ang kamatayan ni Rizal. Kolumnista man o Komunista, taga-Bitung man, Jakarta o Yogyakarta, tinitingala at kinikilala si Rizal bilang simbolo ng potensyal ng indibidwal bilang tagapagpaganap sa entablado ng daloy pangkasaysayan. Kapansin-pansin din na maliban sa kritikang isinagawa ni Toer at ni Tan Malaka, na gamit ng huli ang Marxistang lente na masasabing halos pinangungunahan ang rebisyonistang artikulasyon ni Renato Constantino noong 1968, ang halos lahat ng sumipat kay Rizal ay may positibong pagkilala sa nagawa ni Rizal sa Pilipinas. Sa ilang mga instansya, ginamit ang mga positibong pagkilala tungkol kay Rizal bilang tuntungan upang paghambingin o dalumatin ang saysay at aral na maaaring magamit sa Indonesia. Para kay Dekker, nagsisilbing halimbawa sina Rizal at mga bayaning Pilipino upang maging huwaran ng kabayanihang Indones. Para sa kabataang Indones na sundalong nakabasa ng piling taludtod ng salin ni Anwar, ang pagiging ‘catchy’ ng “Selamat tinggal, tanah kupuja, Daerah pilihan, Surya Selatan” ay maaaring napagkunan ng lakas ng loob sa gitna ng unos ng Rebolusyong Indones. Para kay Malaka, sina Rizal at Bonifacio ay nagisisilbing mga pinakadakilang Indones sa kaniyang pagnanais na pag-isahin ang Indonesia Raya upang kabakahin ang kolonyalismo at imperyalismo. Para kay Wibisono, ang kritikal na pagsusuring isinagawa ni Anderson kay Rizal at kaniyang mga tagasalin ay maaaring kakitaan ng aral sa pag-usisa ng mga saling akda patungong wikang Indones. At para naman sa mga opisyal, nagsisilbing tulay si Rizal sa pagpapayabong ng mga ugnayang local sa mga rehiyong may sariling dinamikang pang-ekonomiya.

Gayunpaman, sa pagpapa-igting ng relasyon sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas, sa pakiwari ng may-akda ay napapanahon na muling bisitahin at palawakin ang akses tungkol sa kaalaman at saysay kay Rizal sa mundong ginagalawan ng mga Indones. Nakapasok na sa mainstream ang mga produktong Indones sa Pilipinas tulad ng Indomie Mi Goreng, Kopiko o Tolak Angin at ang Oishi naman sa Indonesia. Ang mayorya ng 4,000 populasyon ng mga Pilipinong naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan ay mga gurong nagtuturo sa mga paaralang may internasyonal na curriculum ay tumutulong sa paghahasa ng kakayahang pangkomunikasyon sa wikang Ingles. Unti-unti ring lumalaki (bago ang COVID-19) ang bilang ng mga dumarayong turistang Pilipino sa mga lugar tulad ng Bali. At banggitin pa na sumikat ang mga isinaling bersyon ng Anak at Please be Careful with my Heart sa Indonesia, napapanahon nang magsagawa ng mga inisyatiba upang muling pukawin ang interes tungkol sa Pilipinas. Kapansin-pansin, halimbawa, na ang mga bansang tulad ng Hapon o Korea ay may sariling program of study sa mga unibersidad tulad ng Universitas of Indonesia at Universitas Gajah Mada sa Yogyakarta gayong ang mga karatig-bansang tulad ng Pilipinas ay isinasama na lamang sa kursong tumatalakay sa Timog-Silangang Asya sa kabuuan o araling ASEAN. Sa palagay ng may-akda, ang pagpapalawig ng mga palitang intelektwal at pang-akademiko tungkol sa kasaysayan at kultura ng dalawang bansa ay magsusulong ng mas malapit na ugnayan. At marahil, nasa gitna ng lahat na ito, ay magsisilbing tulay si Rizal bilang tagapag-ugnay.

Sanggunian

Anderson, B. (2004). Spectre of comparisons: Nationalism, Southeast Asia, and the world. Verso.

Curaming, R. (2017). Rizal and the rethinking of the analytics of Malayness. Inter-Asia Cultural Studies, 18(3), 325–337.

Daftar Nama Guru SMAN 1 Kalasan. (2020). SMAN 1 Kalasan. Retrieved from https://bit.ly/3yK6Teo

Dwitya, G. (2020, April 29). Meneer Joss Wibisono dan Ben Anderson melawan Orde Bau (Si Ginoong Joss Wibisono at Ben Anderson laban sa mabahong kaayusan). Terminal. Retrieved from https://bit.ly/3fvxiFn

Guillermo, R. (2013). Tungo sa Hardin ng Tao: “Si Bonifacio ang pinakauna, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong Indonesia, oo, sa buong Asia na nanggaling sa, at edukado bilang, proletaryado, na nag-organisa ng mga proletaryo.” Social Science Diliman, 9(1), 87–121.

Joss Wibisono. (n.d.). Bacapetra.co. Retrieved from https://bit.ly/3c10oKt

Kontak Pengajar MK Pilihan. (2020). [Title translation: Mga Impormasyong Kontak ng mga Elektib na Kurso].

Malaka, T. (1991). From jail to jail (Vol. 1, H. Jarvis, Trans.). Ohio University Press. (Original work published 1948)

Mangandaralam, S. (1993). Filipina: Negara tanah air patrio pujangga Jose Rizal. Remaja Rosdakarya.

Nery, J. (2011). Revolutionary spirit: Jose Rizal in Southeast Asia. Institute of Southeast Asian Studies.

Nuraini, T. N. (2020, January 20). Mengenang Jose Rizal: Jurnalis, dokter Indonesia dirikan rumah sakit di Gaza. Merdeka.com. Retrieved from https://bit.ly/3yEcmDI

Patung Dr. Sam Ratulangi di Davao, Andil Dr. Sinyo Harry Sarundajang. (2021, February 19). Komentaren.net. Retrieved from https://www.komentaren.net/patung-dr-sam-ratulangi-di-davao-andil-dr-sinyo-harry-sarundajang/

Pindang. (n.d.). Kamus Besar Bahasa Indonesia. Retrieved from https://bit.ly/3fTDF46

Prameswari, D. P. (2011). Jose Rizal dan propaganda kelompok reformasi Filipina, 1882-1896 (Si Jose Rizal at ang Grupong Propaganda [sa] Repormasyong Pilipinas, 1882-1896) [Master’s thesis, Universitas Indonesia].

Rachmawati, A. T. (2013). Perjuangan Jose Rizal menuntut reformasi kebijakan Spanyol di Filipina tahun 1883-1896 (Ang Pakikibaka ni Jose Rizal sa Pangangampanya sa Reporma ng Kapangyarihang Español, 1883-1896) [Undergraduate thesis, Universitas Negeri Yogyakarta].

Rizal, Y. K. (2020, December 30). Personal communication.

Robles, R. (2014, June 19). This Indonesian made me proud to be a Filipino. Raissa Robles: Inside Philippine Politics and Beyond. Retrieved from https://bit.ly/3ubqqks

Samad. (2011). Peranan Jose Rizal dalam pergerakan nasionalisme Filipina (Ang Papel ni Jose Rizal sa Kilusang Nasyonalismo sa Pilipinas) [Undergraduate thesis, Universitas Sanata Dharma].

Sari, S. M. (2019, July 18). Pengoperasian ulang rute Bitung-Davao tunggu insentif. Bisnis.com. Retrieved from https://ekonomi.bisnis.com/read/20190718/98/1126126/pengoperasian-ulang-rute-bitung-davao-masih-tunggu-insentif

Tentang Pahlawan Nasional Filipina Jose Rizal, Mantiri: Semangat Kerjasama Davao dan Bitung. (2020, January 5). Tribun Manado. Retrieved from https://bit.ly/3wGGegF

Testa-De Ocampo, A. M. (2011). The afterlives of the Noli Me Tangere. Philippine Studies, 59(4), 495–527.

Tudung. (n.d.). Kamus Besar Bahasa Indonesia. Retrieved from https://bit.ly/3p0RzW9

Victoria, F. P. F. (2020). Notes on Tan Malaka’s Pan-Malayan views in his letter to Manuel L. Quezon. Jurnal Sejarah, 3(1), 63–86.

Wadi, J. (2009, August 4). Jose Rizal’s name. MindaNews. Retrieved from https://bit.ly/3hQ7ncQ

Wawali Bitung bangga dengan pahlawan dari Filipina ini. (n.d.). BeritaManado.com. Retrieved from https://beritamanado.com/wawali-bitung-bangga-dengan-pahlawan-dari-filipina-ini/

Wibisono, J. (2017). Mengagumi kegaguman Benedict Anderson terhadap Jose Rizal.

Wibisono, J. (2018, December 13). 3 tahun kematian Ben Anderson: Politik terdjemahan novel Jose Rizal & pemberitaannya di Hindia. Tirto.id.

Yusuf, T. (1994). El Filibusterismo (Merajalelanya Keserakahan). Dunia Pustaka Jaya.

Yusuf, T. (1969). In commemoration of the late Ki Hadjar Dewantara: The founder of the National Education Institution, Taman Siswa and the cornerstone layer of the Indonesian National Education, on his 80th birth anniversary, May 2, 1889-1969. The Embassy of the Republic of Indonesia.

Yusuf, T. (1978). Jose Rizal. Ares Lima.


1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading