Joseph A. Lopez
Far Eastern University
How to Cite:
Lopez, J. A. (2022). Mga lansangan at monumento: Ang paggunita kay Rizal sa mga pampublikong espasyo at lansangan. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 116-127. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-UrCMlamApkRsPeaL
Abstrak
Layunin ng pag-aaral na ito na ilahad at isaad ang pag-alala ng bayan sa pambansang bayani, si Jose Rizal sa pamamagitan ng pistang opisyal, mga monumento, at iba pang pag-alala sa kaniyang kabayanihan; mula sa mga unang sandali matapos ang kaniyang pagbitay sa Bagumbayan noong 1896 hanggang sa pangpangalan ng mga lugar at pagtayo ng mga monumento at bantayog sa kaniyang alaala.
Mga Susing Salita: Jose Rizal, public spaces, public commemoration, monuments
Panimula
Saan ka man mapunta, naroon si Rizal. Pagbukas mo ng iyong pitaka, naroon ang kaniyang mukha, sa baryang piso. Siya ay tanyag hindi lamang sa kasaysayan, ngunit sa ibang pamamaraan din, tila ba isang artistang namuhay ilang siglo na ang nakaraan. Naging pabalat siya ng posporo, tinitingala ng mga guro, ginagamit ng mga pulitiko sa kanilang mga talumpati at kampanya – nito lang, upang hikayatin ang mga Pilipino na magpabakuna na laban sa COVID-19 – at sinasamba ng iilan bilang Diyos na nagkatawang-tao, ang pangalawang Kristo ng Katagalugan (Ocampo 2011; Ileto 2016). Higit sa lahat, karamihan sa atin ay pamilyar sa kaniya bunga ng Batas Rizal (RA 1425) (Tugano 2021) na nagmamandatong ituro ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa mataas na paaralan, at ang kaniyang buhay at mga akda sa kolehiyo. Kung titingnan natin, tila may pangalawang buhay si Rizal, buhay matapos ang kamatayan bunga ng mga pagkilalang ito – life after death, ika nga.
Nais talakayin ng papel na ito ang mga sumusunod na katanungan:
- Bakit binigyan ng napakalaking pagkilala o papuri si Rizal — Rizal Law, bantayog, at lansangan? Ano ang dahilan ng pagbibigay-pugay at pag-alaala?
- Ano ang kahalagahan nito sa buhay ng mga Pilipino at sa susunod na saling-lahi?
- Bakit mahalaga ang pagkilala sa kaniya sa loob at labas ng bansa?
- Ano ang kahalagahan ng mga lansangan at bantayog sa kasaysayan ng isang bansa?
Jose Rizal, Isang Post-Mortem
Marami na ang naisulat sa buhay ng pambansang bayani, kasama na rito ang akda ni Leon Ma. Guerrero na The First Filipino. Pero mas mainam na simulan natin ang naratibo ni Rizal sa araw ng kaniyang kamatayan: ika-30 ng Disyembre, 1896. Matapos mahatulan ng parusang kamatayan ng hukumang-militar na lumitis sa kaniya, binaril si Rizal sa ganap na 7:03 ng umaga sa Bagumbayan, sa labas ng Intramuros. Matapos ang pagbitay, dinala ang kaniyang mga labi sa ospital ng San Juan de Dios sa loob ng lungsod. Palihim naman itong inilibing sa sementeryo ng Paco upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tagasunod nya. Subalit, makaraan ang ilang araw, ang kaniyang kapatid na si Narcisa ang nakadiskubre ng kaniyang libingan, at minarapat na lagyan ito ng isang krus at mga letrang R.P.J. (kabaliktaran ng kaniyang mga inisyal sa pangalan) upang ipahukay sa takdang panahon. Matapos ang dalawang taon, sa kalagitnaan ng kaguluhan sa pagitan ng mga Español, Amerikano, at ng mga Katipunero, ang mga labi ni Rizal ay hinukay mula sa kaniyang libingan sa Paco at inilagak sa isang sisidlan (urn) noong ika-17 ng Agosto, 1898 na siya namang iniuwi sa kanilang tahanan sa Binondo. Malamang sa mga panahong ito kinunan ang tanyag na litrato ni Doña Teodora Alonso na akay-akay ang bungo ng pambansang bayani (Fig. 1).

Fig 1 Si Doña Teodora Alonso at ang mga labi ni Jose Rizal. (ca. 1898/1899). Kuha mula sa Official Gazette of the Philippines (https://twitter.com/govph/status/549771917516107776)
Makalipas ang ilang buwan, sampung araw bago ang ikalawang anibersaryo ng pagbitay kay Rizal sa Bagumbayan, ipinahayag ng noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo ang isang pambansang araw ng pagluluksa (national day of mourning) mula tanghali ng ika-29 hanggang ika-30 ng Disyembre taun-taon sa alaala ni Rizal at ng iba pang mga martir na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bayan, ang unang Rizal Day. Ito ang unang pagkilala kay Rizal bilang premyado at tanyag na martir ng Himagsikan ng 1896.
Pero bago pa ito, si Rizal na ang kinikilalang tunay na pinuno ng Katipunan, kahit siya ay nasa Dapitan pa lamang. Siya ay itinalaga ni Andres Bonifacio bilang pangulong pandangal (honorary president) ng Katipunan, inilagak ang kaniyang larawan bilang kabisera sa mga pagpupulong, at password sa tatong ranggo sa pinakamataas na antas ng pagiging kasapi – ang katipon, kawal, at bayani. Si Rizal ang kinikilalang utak, inspirasyon, at kaluluwa ng samahan.
Nang matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, at sa pagkakatatag ng pamahalaang sibil ng Estados Unidos sa Pilipinas noong 1901, ipinroklama ng noo’y Gobernador Heneral William Howard Taft si Jose Rizal bilang pambansang bayani ng Pilipinas, at inihayag ang pagtatayo ng isang pambansang bantayog na nakatuon sa kaniyang memorya sa Bagumbayan, ang pook kung saan siya binitay limang taon lamang ang nakaraan. Dineklara rin nya ang pagkakatatag ng lalawigan ng Rizal mula sa dati nitong pangalan na Morong. Sumunod na taon naman ginawang piyestang opisyal (official holiday) ang Rizal Day sa opisyal na kalendaryo (Constantino 1972).
Pagkilala sa Pambansang Bayani
Sa kabila ng lahat ng pagkilala na ito, walang opisyal na batas, proklamasyon, o dekreto na pinangalanan si Jose Rizal bilang pambansang bayani. Ayon sa National Commission for Culture and the Arts:
No law, executive order or proclamation has been enacted or issued officially proclaiming any Filipino historical figure as a national hero. However, because of their significant roles in the process of nation-building and contributions to history, there were laws enacted and proclamation(s) issued honoring these heroes.
Even Jose Rizal, considered as the greatest among the Filipino heroes, was not explicitly proclaimed as a national hero. The position he now holds in the Philippine history is a tribute to the continued veneration or acclamation of the people in recognition of his contribution to the significant social transformations that took place in our country.
Maliban kay Rizal, si Andres Bonifacio lang ang may pagkilala tulad nang kay Rizal, tulad ng paggunita tuwing ika-30 ng Nobyembre bilang Bonifacio Day (May, 1997). Hindi natin maitatanggi na sa talaan ng mga pambansang bayani, si Rizal ay nauuna sa mga karangalan, paggunita, at mga pag-aalaala ng bayan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Ika-20 ng Disyembre 1898 Dekreto ng Pangulong Emilio Aguinaldo na nagdeklara ng pambansang araw ng pagluluksa tuwing ika-30 ng Disyembre sa alaala ni Jose Rizal at iba pang mga martir ng himagsikan;
- Philippine Commission Act 137 (1901), na nagtatag ng Lalawigan ng Rizal mula sa dating distrito ng Morong (Fig. 2);


Fig. 2. Lalawigan ng Rizal. Sa kaliwa: pinakamalaking lawak, 1939-1975. Mapang inilathala noong 1962. (Reddit: r/Philippines); Sa kanan: kasalukuyang mga hangganan ng mga lungsod at munisipalidad. (Creative Commons Attribution-Share Alike 4.0 International license)
- Philippine Commission Act 243, na nagtalaga sa Luneta bilang Pambansang Dambana sa alaala ni Jose Rizal, at nagtatag ng Rizal Monument sa pamamagitan ng isang patimpalak sa disenyo at pampublikong pangangalap ng pondo (public subscription). Nagsimula ang patimpalak noong 1905 at natapos noong 1907;
- Republic Act 1425, o Batas Rizal (1956). Isinulong ni Senador Claro M. Recto sa kabila ng pagtutol ng Simbahang Katolika, minandato ng batas ang pagtuturo ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa mataas na paaralan, samantalang ang Buhay at Akda ni Rizal ay ginawang kurso sa kolehiyo na kailangan kunin bago magtapos ng bachelor’s degree.
Monumento, Lansangan, at Pag-alala ng Bayan
Bakit mahalaga ang pag-alala sa mga tanyag na tao ng nakaraan? Ano ang layunin ng pampublikong pag-alala sa anyo ng mga bantayog at kalsada? Ayon kay Miguel Eva ng Unibersidad ng Pilipinas, ito ay ang pangunahing simbolo ng nasyonalismo; ang mga kaganapan ng nakaraan ay tila muling nabuhay: kinikilala, ginugunita, at ipinagdiriwang ng bayan sa pamamagitan ng biswal na representasyon ng ating kasaysayan. Para naman kay Richard Bradley, “[these] monuments, despite being stagnant in one place, [make our] way of interpretation changes to cater the needs of the current society.”
Ang kauna-unahang bantayog kay Rizal ay itinayo sa bayan ng Daet, Camarines Sur noong ika-30 ng Disyembre, 1898, dalawang taon matapos ang kaniyang pagkamatay. Ito ay itinayo gamit ang ambagan ng mga taga-Camarines Norte, at nangasiwa sa paggawa nito sina Lt. Col. Antonio Sanz at Ildefonso Alegre (Fig. 3). Gawa sa bato, nakaukit rito ang salitang “A Jose Rizal” (kay Jose Rizal); samantalang nakasulat sa pundasyon ang mga salitang “Noli me Tangere 1887”, “El Filibusterismo 1891”, at “Morga 1889”, ang ikatlo’y tumutukoy sa akda ni Rizal na anotasyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio Morga na kaniyang sinaliksik sa British Library sa London. Ito ay dineklarang pook pangkasaysayan noong 1961, at naging pambansang bantayog noong 2008 sa bisa ng resolusyon ng National Historical Institute (ngayon ay National Historical Commission of the Philippines, o NHCP).

Fig. 3. Unang Bantayog ni Jose Rizal, Daet, Camarines Norte.
Ngunit, hindi natin maikakaila na ang pinakatanyag na bantayog ay ang nasa Luneta. May kwento rin ang bantayog ni Rizal. Bilang espiritwal na puso ng bansa, naging saksi ito sa maraming kaganapan na naging parte na ng kwento at kasaysayan ng bayan. Sa bisa ng Philippine Commission Act 243, inilunsad ang isang patimpalak sa pag-disenyo at paggawa ng bantayog sa alaala ni Rizal na ilalagay sa Luneta. Isang komite ang binuo, na kinabibilangan nina Paciano Rizal, Juan Tuason, Pascual Poblete,Teodoro R. Yangco, Mariano Limjap, Máximo Paterno, Ramón Genato, Tomás G. del Rosario, at Ariston Bautista upang sumuri ng mga kalahok, at maglunsad rin ng pampublikong pangangalap ng pondo o popular subscription.
Nanalo ang Italyanong si Carlo Nicoli sa patimpalak. Pinamagatan niya ang kaniyang likha na “Al Martir de Bagumbayan” ([Alay] Sa Martir ng Bagumbayan) (Fig. 4). Ito ay ipinlanong gawa sa marmol mula sa Carrara, Italya; ang pigura ni Rizal ay nakatayo sa isang haligi, habang siya ay napalilibutan ng mga pigurang kumakatawan sa kaniyang mga ideya tulad ng katarungan at kalayaan. Subalit, hindi kaagad nakapagbayad si Nicoli ng 20,000 na performance bond, kaya ibinigay sa pangalawang pwesto ang kontrata para sa bantayog.

Fig. 4. Al Martir de Bagumbayan, boceto (burador) ni Carlo Nicoli na nanalo ng unang pwesto. (National Historical Commission of the Philippines)
Ang pangalawang pwesto ay napunta kay Richard Kissling, isang Swiss na eskultor. Pinamagatan niyang Motto Stella (Guiding Star, o Talang Gabay) (Fig. 5) ang kaniyang gawa. Mas simple ang disenyo nito kumpara sa nanalong disenyo ni Nicoli: isang obelisk, simbolo ng Masonerya kung saan kabilang si Rizal, na may tatlong tala sa tuktok, sumisimbolo sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Nakatayo si Rizal hawak ang isang aklat, habang siya ay napapalibutan ng mga pigurang sumisimbolo sa bayan: ang mga halaman at palayok, bilang simbolo ng mga yaman ng Pilipinas, likas man o hindi; ang mag-ina, simbolo ng pamilya, at dalawang taong nagbabasa, simbolo ng edukasyon. Sa pundasyon nito nakasulat ang mga salitang “To the memory of José Rizal, patriot and martyr, executed on Bagumbayan Field December Thirtieth 1896. This monument is dedicated by the people of the Philippine Islands.”

Fig 5. Boceto ng Motto Stella, Richard Kissling, na nanalo ng pangalawang pwesto. (National Historical Commission of the Philippines).
Dahil sa mas simpleng disenyo nito, inulan ng batikos ang pag-gawad ng kontrata kay Kissling. Kinutya ito ng mga pahayagan bilang vulgar y tosco (vulgar and lousy) kumpara sa disenyo ni Nicoli; kinuwestyon din ang pagkakabuo ng komite, dahil wala ni isa sa kanila ang arkitekto, inhinyero, o eskultor. Kalaunan, isinama rin si Felix Resureccion Hidalgo, matalik na kaibigan ni Rizal, upang baguhin ang disenyo, ngunit hindi itinuloy dahil naggawa na ang mga bronze casting nito sa Switzerland.
Noong ika-29 ng Disyembre, 1912, inilagak ang mga labi ni Rizal (Fig. 6) mula sa tahanan ni Narcisa sa Binondo patungo sa Ayuntamiento de Manila para sa isang magdamagang lamay. Kinabukasan, dinala ng isang prusisyon ang mga labi sa pundasyon ng bantayog sa Luneta, upang ilagak nang permanente ang kaniyang mga labi doon (Fig. 7). Ang inagurasyon ng bantayog ay pinasinayaan naman ng mga opisyal mula sa kolonyal na pamahalaan matapos ang isang taon, noong Disyembre 30, 1913.

Fig. 6. Ang sisidlan ng mga labi ni Jose Rizal, habang nakalagak sa Ayuntamiento de Manila para sa magdamagang lamay (Disyembre 29-30, 1912). Pansinin ang mga bulaklak sa likod na alay ng mga tao. (National Historical Commission of the Philippines).

Fig. 7. Ang memorial plaque sa likuran ng bantayog: Under these stones lie in eternal repose the mortal remains of Dr. Jose Protacio Rizal. Sa itaas ang dedikasyon sa wikang Español, at ang pangalan ng mga miyembro ng komite. (A.P.Barazon, Creative Commons Attribution-Share Alike 4.0).
Hindi lang Daet at Maynila ang may bantayog kay Rizal; tila permanenteng presensya na sa mga lungsod at bayan ang isang Plaza Rizal, kung saan naroon ang lokal na bersyon ng bantayog nila sa alaala ng pambansang bayani. Ang pinakamalaking bantayog niya ay matatagpuan sa kaniyang bayan ng Calamba sa lalawigan ng Laguna; samantalang ginawang museo ang kaniyang tahanan sa lungsod ng Dapitan, kung saan siya ipinatapon noong 1892. Matatagpuan din ang kaniyang bantayog sa ibang bansa, lalo na ang mga lugar kung saan siya namalagi noon. Sa Paris, France matatagpuan ang Place Jose Rizal, isang maliit na plaza, sa Arrondissement 9; ang lungsod ng Madrid sa España ay may sariling replica ng bantayog ni Kissling, sa kanto ng Calle Santander at Avenida de las Islas Filipinas. Matatagpuan rin ang bantayog niya sa Heidelberg, Germany, at sa Litomice, Czech Republic, dating Leitmeritz na tahanan ng kaniyang matalik na kaibigan na si Ferdinand Blumentritt. Sa Asya, matatagpuan ang mga bantayog ni Rizal sa Tokyo, Japan; isang bronze na medallion sa Singapore; at isang plaque sa Hong Kong.
Sa mga kalsada naman, ang mga lungsod ng Maynila at Dapitan sa Zamboanga del Norte (Fig. 8) ang nangunguna sa dami ng pangalang nauugnay sa buhay at mga akda ni Rizal; ang Avenida Rizal ang pinakatanyag, na nagmumula sa Sta.Cruz hanggang sa lungsod ng Caloocan. Sa distrito ng Sampaloc, Maynila, at parte ng Lungsod Quezon matatagpuan ang mga sumusunod na kalye:
• Calamba
• Tiago
• Macaraeg
• Makiling
• Craig
• Quiroga
• Dapitan
• Pedro Casanas
• Elias
• San Diego
• Andrade
• Retiro
• Maria Clara
• Pi y Margal
• Laong-Laan
• Basilio
• Blumentritt
• Dimasalang
• Simoun
• Leonor Rivera
• Crisostomo
• Josefina
• Ibarra
• Musa
• Sisa
• Instrucción
• P. Florentino
• Kundiman
• Isagani
• Metrica

Fig. 8. Mga kalye sa lungsod ng Dapitan, Zamboanga del Norte na may kaugnayan kay Rizal. Parte ng Dapitan Heritage Zone/Historic Center.
Ayon kay Stewart Waters at William Russell (2012; 2013), mahalaga ang pagtatalaga ng pangalan ng kalsada mula sa mga karakter ng kasaysayan, at ang pagtayo ng mga bantayog sa kanilang alaala dahil nagsisilbi itong alaala ng mga yumaong dakila; ito rin ay nagsisilbing permanenteng pag-alala sa kanilang mga ginawa para sa bayan, at nagiging lugar ng sekular na paggalang at pagsamba. Ang kasaysayan ay nagiging konkreto at “enfleshed”, na ipinakikita sa mga susunod na salinlahi na hindi naroroon sa mga makasaysayang pangyayaring ito.
Konklusyon
Ang mga kalsada, monumento, at iba pang pampublikong espasyo ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng pampublikong memorya at paggunita sa mga makasaysayang pigura at kaganapan. Sa pamamagitan ng pagiging naroroon sa pang-araw-araw na buhay ng isang mamamayan, nakakatulong ito sa pagpapanatili at pag-alaala sa “kaluluwa ng bansa”. Ang pagkakaroon nito sa memorya ng publiko ay tumitiyak sa paggunita nito ng mga susunod na henerasyon; kasabay nito, ito ay isang patuloy na pagkilos ng pangangalaga at paggunita lalo na sa mga panahon ng pagbaluktot sa kasaysayan.
Ang mga pampublikong espasyo at monumento ay hindi lamang mga landmark na inilagay sa cityscape para sa mga layuning pang-estetiko o bilang mga geographic na marker. Sa pamamagitan ng pag-uugnay sa isang pangalan, isang lugar, o isang kathang-isip na karakter, ito ay naglalayong tiyakin na ang alaala ng bansa ay nabubuhay sa kasalukuyan at sa hinaharap na mga salinlahi.
Sanggunian
Constantino, R. (1972). Veneration without understanding. Journal of Contemporary Asia, 1(4), 3-18.
Division of Insular Affairs, War Department. (1901). An act granting the right to use public land upon the Luneta in the city of Manila upon which to erect a statue of Jose Rizal, from a fund to be raised by public subscription. Public Laws and Resolutions Passed by the United States Philippine Commission (pp. 689-691). Washington, DC: Government Printing Office. Retrieved from https://books.google.com.ph/books?id=BMyK2XHz-WoC&pg=PA689&redir_esc=y#v=onepage&q&f=false
Gagelonia, P. (1974). Rizal’s life, works, and writings. National Book Store.
Guerrero, L. M. (2010). The first Filipino. Guerrero Publishing.
Ileto, R. (1979). Pasyon and revolution: Popular movements in the Philippines, 1840–1910. Ateneo de Manila University Press.
May, G. A. (1997). Inventing a hero: The posthumous re-creation of Andres Bonifacio. New Day Publishers.
National Commission for Culture and the Arts. (n.d.). Selection and proclamation of national heroes and laws honoring Filipino historical figures. National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/culture-profile/selection-and-proclamation-of-national-heroes-and-laws-honoring-filipino-historical-figures/
Nery, J. (2011). Revolutionary spirit: Jose Rizal in Southeast Asia. Ateneo de Manila University Press.
Ocampo, N. (2011). Kristong Pilipino: Pananampalataya kay Jose Rizal. Bagong Kasaysayan.
Ocampo, N. (2019). Dakilang palatandaan: Mga monumento ni Rizal bilang pambansang pagpupuwang. In V. Villan, R. Madrid, & R. Palad (Eds.), Lansangan-liwasan: Pampublikong espasyo sa pag-aaral ng kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. 353-395). ADHIKA ng Pilipinas, Inc. & National Commission for Culture and the Arts.
Ocampo, A. R. (2018). Rizal without the overcoat (2nd ed.). Anvil.
Presidential Museum and Library. (2013). The centenary of the Rizal Monument. The Official Gazette (2010-2016). Retrieved from https://www.officialgazette.gov.ph/rizal-monument/
Tugano, A. C. J. (2021). Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal bilang mga postkolonyal na babasahin: Isang paglalarawan sa umuusbong na kultura ng pagtuturo at pagkatuto sa mga piling paaralan sa lungsod ng Marikina, Metro Manila. Kawing, 5(1), 11-54.
Tugano, A. C. J. (2022). Mga bantayog ni Jose Rizal sa New South Wales, Australia at pagtatakda ng mga espasyong Pilipino.
Villan, V., Madrid, R., & Palad, R. (Eds.). (2019). Lansangan-liwasan: Pampublikong espasyo sa pag-aaral ng kasaysayan at kalinangang Pilipino. ADHIKA ng Pilipinas, Inc. & National Commission for Culture and the Arts.
Villan, V. C. (2017). Kahulugan, larangan, at kabuluhan: Ang panubliong bahandi ng pangkat-etnikong Bisaya sa pag-aaral ng mga pamanang bayan sa Kanlurang Kabisayaan. Saliksik E-Journal, 6(1), 272-299.
Villan, V. C. (2020). Gunitang bayan at salaysaying bayan: Ang pamanang lahi sa pag-unawa ng kalakarang panlipunan at produksyong pangkaalaman sa Pilipinas. Talas, 5(2), 38-258.
Waters, S., & Russell III, W. B. (2012). Monuments all over the world: Using historical monuments to teach cultural geography. Social Studies Research and Practice.
Waters, S., & Russell III, W. B. (2013). Monumental controversies: Exploring the contested history of the United States landscape. The Social Studies, 104(2), 77-86.

