Si Jose Rizal sa Kamalayan ng mga Kilusang Bayan

Jose Rhommel B. Hernandez, Ph.D.
Pamantasang De La Salle, Maynila

How to Cite:
Hernandez, J. R. B. (2022). Si Jose Rizal sa kamalayan ng mga kilusang bayan. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 78–89. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-urCsrJsKnmkB

Abstrak

Ang pag-aaral na ito ay isang pagsusuri sa pagkakakilala kay Rizal sa loob ng mga kilusang bayan sa Pilipinas. Pangunahing konsepto ang pagkilala sa “kaalamang bayan” na isang kalipunan ng mga kaalamang binuo ng mga mamamayan ayon sa kanilang partikular na karanasan sa buhay. Isa ring mahalagang konsepto ang “kilusang bayan” sapagkat maaaring nagiging resulta ito ng pagkakabuo ng isang partikular na kaalamang bayan. Sa kasong ito, si Rizal ang siyang naging sentro ng pagkilala. Sa simula, pinagtuunan ng pansin ang mga naunang pag-aaral kay Rizal na may kalayuan sa kinagisnang talambuhay niya. Nasa mga akdang ito ang isinulat nina Marcelino Foronda na nagtala ng mga pangkat na kumikilala kay Rizal bilang diyos. Isa pang mahalagang akda ay isinulat naman ni Prospero Covar na tumutok sa isang pangkat at sinuri ito ayon sa mismong mga kategorya ng nasabing grupo. Hinanap naman ng akda ni Reynaldo Ileto ang mismong karanasan ng mga karaniwang mamamayan kaugnay sa kanilang pagkilala kay Rizal na siyang bumuo ng tinatawag niyang “underside” o kasaysayang mula sa ilalim. Higit namang nilawakan ni Nilo Ocampo ang pagsusuri dito nang kaniyang pagtuunan ng pansin ang kaisipang tinutukoy ng tatlong nauna sa kabataan at sa internet. Maitatanong mula sa mga akdang ito ang matagal nang sinasabi naman ni Renato Constantino tungkol sa “bulag na pagdakila” ng mga Pilipino kay Rizal. Wala umanong malinaw na pagkakaunawa ang mga Pilipino sa kanilang kinikilalang Pambansang Bayani at hindi naman talaga nila alam kung bakit nga ba siya dinadakila. Sa pag-aaral na ito, makikitang may dalawang pagtingin tungkol sa nasabing katanungan. Una, ang tungkol sa pagkakakilala ng bayan o karaniwang mamamayan kay Rizal bilang isang bayani. Kapansin-pansing sa simula pa lamang ay makikita na ang pagkilala sa kaniya bilang nasa linya ng mga sinaunang bayani sa lipunan. Ikalawa, makikita ring si Rizal mismo ay nagtangka ring unawain ang kaisipang bumabalot sa mga pagpapahalagang nakapaloob sa bayan. Nagtatagpo ang dalawa at hindi bulag ang alinman sa kanilang pagkilala sa isa’t isa.

Mga Susing Salita:  Rizal; Kaalamang Bayan; Kilusang Rizalista; Underside; Pambansang Bayani

Panimula

Noong mga huling bahagi ng taong 1897, isang pangkat ng mga lalaki at babae mula sa Cavite Viejo at Bacoor ang dumating sa Naic upang mag-alay ng mga panalangin sa Diyos Ama sa ilang kabahayan. Ayon sa kanilang ulat, nasa isang bundok sa bayan ng Dolores, Tayabas ang tinutukoy na Diyos Ama kasama si P. Jose Burgos at si Dr. Jose Rizal. Karugtong marahil ito ng naunang balitang kumalat naman sa gawing Pandacan, Maynila ng maagang bahagi pa lamang ng taon ding iyon. Ayon sa balitang ito, may mga usap-usapang hindi talaga namatay si Rizal nang siya’y barilin sa Bagumbayan. Sa halip, naging isa siyang puting manok na lumipad patungong Cavite upang makasama si Padre Burgos (Hernandez 1999, 269).

Ang popularidad marahil ng ganitong mga alamat ang siyang nagtulak sa Iglesia Filipina Independiente na ipahayag sina Gomez, Burgos, at Zamora, pati na si Rizal bilang mga santo noong 1903. Bagama’t hindi na ito kinikilala pa ng IFI mula 1924 nang makipagkasundo ito sa mga Episcopalian, hindi pa rin tumigil ang pagkilala kay Rizal bilang isang santo o kaya ay diyos. Marami pa ring sektang kumikilala kay Rizal ang matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang lawak na ito ang tumawag ng pansin sa mga historyador at antropolohista upang tunghayan ang mga nasabing sekta. Katunayan, nitong huling kalahati ng nakaraang dantaon hanggang sa maagang bahagi ng kasalukuyan ay matatagpuan ang malalaki at impluwensyal na mga pag-aaral sa mga kapatirang kumikilala kay Rizal bilang diyos.

Unang pinagtuunan ng pansin sa larangang akademiko ang mga kilusang ito sa pag-aaral ng historyador na si Marcelino Foronda noon pa mang 1961 (7-8, 15-16, 17-19, 20-21, 28-31). Tinangka ni Foronda na suriin at bigyan ng pangkalahatang pagpuna ang mga kilusang kumikilala kay Rizal bilang diyos. Ginamit ni Foronda ang payak na pamamaraan ng paghahanap ng mga elementong Katoliko Kristiyano sa bawat isang kapatirang Rizalista. Ginamit niyang halimbawa, ang mga kategorya ng sakramento, ritwal, at hirarkiya upang maipaliwanag ang kabuuan ng bawat kilusang sinuri niya. Hinahanap niya sa bawat kilusan ang presensya ng mga elementong Katolikong ito upang maipaliwanag ang dinamiko sa loob at labas ng mga kilusan. Kung baga, itinatanong niya na kung may pari sa Katoliko, mayroon din bang pari sa mga Rizalista? Hinanap niya samakatuwid, ang Kristiyano/Katoliko sa mga kapatirang maliwanag na hindi naman pasok talaga sa kategoryang ito. Sa huli, lumalabas sa kaniyang pagsusuri na bunga lamang talaga ng kahirapan at kamangmangan ang siyang dahilan kung bakit may ganitong uri ng pangyayari.

Marahil, bunga ng kakulangan sa mga kasangkapang pansuri kung kaya umikot lamang si Foronda sa paghahanap ng “Katoliko/Kristiyano” sa kaniyang mga sinusuri. Subalit sa loob din ng dekadang inilimbag ang kaniyang akda, isang antropolohista naman ang nagsimulang maghalungkat sa kahalagahan ng mga kapatirang kumikilala kay Rizal. Taong 1975 nang maipagtanggol ni Prospero Covar ang kaniyang disertasyon sa Unibersidad ng Arizona (tignan din ang Covar 1991). Malaking bahagi nito ang inilimbag sa wikang Filipino pagsapit ng taong 1991 sa antolohiya ng mga akda tungkol kay Rizal. Di tulad ng naunang pag-aaral, minabuti ni Covar na suriin ang kapatirang Iglesia Watawat ng Lahi na walang piring ng Katolisismo. Sa halip, tuwiran niyang tinunghayan ang mismong mga kategorya ng kapatiran ayon sa mga kabuluhang ibinibigay nito. Kung gumagamit samakatuwid, ng mga kategoryang Kristiyano/Katoliko o iba pang pananampalataya ang kapatiran, pinag-aralan ito ni Covar ayon mismo sa kabuluhan ng kapatiran.

Malinaw na halimbawa nito ang salitang “reincarnation” na ginagamit ng kapatiran bilang pagpapaliwanag sa ugnayan ni Kristo at ni Rizal. Sinasabi ng kapatirang “reincarnation” ni Kristo si Rizal. Sa pakabuluhang Hindu o ng Budismo, nangangahulugan ito ng muling pagsilang ng isang pumanaw bilang isang bagong nilalang na maaaring mataas o mababa ang uri ayon na rin sa kung paano siya nabuhay. Subalit natuklasan ni Covar na may ibang kabuluhan ito sa kapatiran. Hindi literal na “reincarnation” ang natagpuan ni Covar kundi ang paniniwalang may pagkakahawig ang buhay ni Kristo at ni Rizal. Naging matagumpay si Covar sa pagbuo ng isang malalim na pagunawa sa isip ng isang pangkat ng taong bumuo ng kanilang sariling kaalaman na walang pabigat na perhuwisyo ng isang dayuhang pananampalataya.

Sa pagnanais na pagsalitain ang bayan ang siyang nagtutulak kay Ileto (1998) upang suriin ang naging pagsisikap ng mamamayan na unawain ang mga pangyayari sa buhay ni Rizal. Sa kaniyang akda, pinagtuunan ng pansin ni Ileto ang palasak na sapantahang ginising ng mga nobelang Noli at Fili ang diwa ng mga Pilipino patungo sa Himagsikan. Isang problematiko ang kaniyang nakita yamang hindi naman nakauunawa ng Español, na siyang wika ng dalawang nobela, ang nakararaming Pilipino. Naging mahalaga sa mga mamamayan ang mga pagkakataong litaw si Rizal sa publiko, ang kaniyang kagalingan at karunungang pinag-uusapan lalo at higit ang pagpaslang sa kaniya sa harap ng madla. Ito ang mga pangyayaring nasaksihan ng bayan at siya ring naging basehan ng kanilang pag-unawa kay Rizal. Pinakahulugan si Rizal ayon sa nauna nang kaalamang bayan na nakaugnay sa pagka-bayani ni Bernardo Carpio ng Awit at ni Kristo ng Pasyon. Isang teksto si Rizal sa kasong ito na pinakahulugan sa liwanag ng kaalamang bayan tungkol sa kung ano ang isang bayani o dakilang tao.

Sumusunod sa diskurso ni Covar ang makikitang paninindigan ni Nilo Ocampo (2011) sa kaniyang pag-aaral sa pangkalahatang kaisipan ng mga kapatirang Rizalista. Nagmumula pa rin si Ocampo sa panloob na pag-unawa ng kaayusan at pagturing ng mga ito sa kanilang sarili. Higit naman niyang pinalawak ang kasakupan ng pag-aaral at niyakap nito ang mga kapatiran mula sa kabuuan ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Sinuri din ng aklat ang nabubuong pagkilala ng kabataan kay Rizal at sa mga mismong kapatiran. Sa huli ay naging malinaw na batayan ng pagkakaisang pambayan si Rizal tulad ng sinaunang kalinangan at pananampalataya.

Matagumpay ang apat na akdang ito sa paglilipat ng tingin mula mismo kay Rizal patungo sa bayang kumikilala sa kaniyang kadakilaan. Nagdulot ng panimulang dokumentasyon si Foronda kung kaya naging bahagi ng historiograpiyang Pilipino ang mga kapatiran. Kay Covar, naibaling ang pagtingin sa mga kapatiran mula sa loob sa halip na maghanap ng mga katangiang hinihingi mula sa labas. Naipaliwanag naman ni Ileto kung paanong inangkin si Rizal ng bayan upang maging inspirasyon ng isang pambansang himagsikan. Naipakita naman ni Ocampo ang lawak ng kasakupan ng mga kapatiran gayundin ang mga kaisipan mula sa loob at labas ng mga ito.

Gayunma’y maitatanong pa rin ang tungkol sa sinasabi ni Constantino (1987) na “bulag na pagdakila.” Kung baga, ang pagkilala nga ba ng bayan kay Rizal ay bunga lamang ng hindi malinaw na pagkakaunawa sa kaniya? O kaya, kung muling ibabaling kay Rizal ang tingin, wala bang pundasyon ang pagkilala sa kaniya ng bayan, liban sa mga usap-usapan? Hiwalay nga ba si Rizal sa bayan kung kaya bayan lamang ang umangkin sa kaniya sa paraang nalalaman nito o may pag-aangkin din si Rizal sa paraang nalalaman niya? Pagtutuunan ng pansin sa panayam na ito ang pag-aangkin ni Rizal sa bayan. Magsisimula ang pag-aaral sa pagbabalik sa prosesong pinagdaanan niya patungo sa pagkilala ng kahalagahan ng dunong at kalinangan nito. Sa huli, tutunghayan ang ilan niyang akda tungkol sa iba’t ibang salik ng kaalamang bayan upang makilatis ang buti at kahalagahan nito kay Rizal at sa matagalang pagbubuo ng bansang Pilipino.

Mula Bayan, Pabalik sa Bayan
Dalawang batis patungkol kay Rizal ang pagtutuunan ng pansin sa bahaging ito. Una ang ginawa ni Quibuyen (1999) na talambuhay ni Rizal kung saan nagpanukala siya ng isang peryodisasyon sa buhay ng bayani. Ikalawa, ang marahil unang ginawang talambuhay ni Rizal mula kay Blumentritt (1897, sa Fritz and Hans Hack 1986) kung saan hinati rin sa mga kabanata ang buhay ng bayani ayon sa pagbabago nito ng kaisipan. Kapansin-pansing nakatutok kapuwa ang mga akda sa mga nagaganap na pagbabago sa isip at mentalidad ni Rizal.

Para kay Quibuyen, naging isang mahalagang yugto ang unang pagbabalik ni Rizal sa Pilipinas noong 1887  matapos ang mga naunang pag-aaral sa Europe mula 1882. Sa kaniyang pagtataya, napagpasiyahan na ni Rizal na kailangan na ang tahasang paghiwalay ng Pilipinas mula sa España matapos ang masakit na karanasan ng kaniyang pamilya sa asyenda ng Calamba. Marahil sa panahon ding ito nabuo ang pagtitiwala ni Rizal sa kakayahan ng bayang magbuo ng kaniyang sarili bilang isang nasyon. Kasabay nito, nabuo rin ang kaniyang pagkilala sa malayong pagkakaugat ng bayan sa sarili nitong nakaraan.

Higit na mauunawaan ang ganitong transisyon sa kaniyang buhay kung tutunghayan ang isang panayam ni Blumentritt noong 1897. Bilang pagkilala sa mga nagawa ni Rizal sa etnolohiya at kaisipang etniko, gayundin sa kahalagahan ng mga agham na ito sa buhay ng mga bansa, isang pag-aaral sa iba’t ibang yugto ng buhay ni Rizal ang naging panayam. Mga yugtong nakasentro sa kaniyang mga realisasyon bunga ng pakikipag-ugnayan sa mga Español.

Apat na yugto ang paghahati ni Blumentritt. Una, ang realisasyon ni Rizal bunga ng kaniyang pakikipag-ugnayan sa kaniyang mga kaklaseng Español. Ikalawa, ang kaniyang realisasyon ng pagiging superyor ng mga Tagalog sa mga Español. Ikatlo, ang kaniyang mga realisasyon at pagtataka sa kung bakit maaaring murahin ang mga prayle, pulitiko, at hari ng España subalit hindi ito maaaring gawin sa Pilipinas. Ikaapat ang nabuo niyang kaisipan bunga ng pakikipag-ugnayan  sa mga German, French at pagtigil sa Inglatera kung saan napanday ang kaniyang kaalaman sa linggwistika at etnolohiya. Kaugnay nito ang kaniyang naging pag-aaral ng mga magsasaka sa mga kabukiran ng Germany.

Ayon pa rin sa panayam ni Blumentritt, mula pa man sa pagkabata ay malalim na sa kamalayan ni Rizal na isinasantabi siya ng mga Español dahil sa pagiging Indio. Ang ganitong karanasan ang dahilan kung bakit inatupag niya ang paghahanap sa karapatang moral ng mga Español upang maliitin ang ibang tao dahil lamang sa kulay ng kanilang balat. Sa kaniyang pagmamatyag sa mga kaklaseng Indio at Español, nakita niyang magkatulad lamang ang mga ito. Kapuwa sa kanilang may tamad at masipag, matalino at mahina ang ulo. Sa maraming pagkakataon pa nga, nalulutas ng mga Indio ang mga hindi malutas ng Español. Ipinagmamalaki ni Rizal ang mga pagkakataong ito bilang tagumpay ng kaniyang bayan at kinilala niyang magkatulad lamang ang kakayahang intelektwal ng mga Indio at Español.

Bunga ng naunang realisasyong ito ang kaniyang paniniwalang higit ang talino ng mga Indio. Sa kaniyang obserbasyon, natututo ang Indio sa pamamagitan ng wikang kailangan pa niyang pag-aralan habang natututo ang Español sa pangunahin niyang wika. Bukod dito, nakita rin niyang iniisip ng mga Español na sumusunod sa kanila ang Indio dahil kinikilala sila nitong nagmula sa mataas na uri ng “putik.” Subalit hindi ito ang iniisip ng mga Indio. Katunayan, pinagtatawanan nila ang mga Español sa kanilang likuran yamang hindi nito nalalamang sumusunod lamang sila dahil sa mga benepisyong ibinibigay nito.

Sa España, pinagtuunan naman ni Rizal ng pansin ang natagpuan niyang kalayaan sa pagbatikos ng mga mamamayan sa sistema ng pamahalaan pati na sa kaparian. Kabalintunaan ang kinagisnan niyang sistema sa Pilipinas kung saan tahimik ang mga mamamayan sa ganitong uri ng gawain. Gayunpaman, binatikos niya ang ilang pinuno ng mga partido na ginagabayan lamang ng ambisyon at pansariling layunin, kakabit nito ang nakita niyang kawalan ng kritikal na pagsusuri ng maraming Europeo sa anumang isinusubo sa kanila ng mga pahayagan lalo na sa pagsapit ng mga eleksyon.

Kapansin-pansing walang agham na nasa likod ni Rizal habang ginagawa ang mga pagmamasid na ito. Papasok pa lamang ang elemento ng agham sa panahon ng paglibot ni Rizal sa France, Germany at Inglatera. Hindi niya nasumpungan ang kakaibang pamamaraan ng linggwistika at etnolohiya. Sa Pilipinas, ginagawa ng mga prayle ang ganitong pagaaral noon. May layon itong palawigin hindi ang wika mismo kundi ang relihiyong kanilang ipinangangaral. Karaniwan itong walang pagtatangkang iugnay sa ibang wikang Malay at kung mayroon man, ayon kay Blumentritt ay nakararating lamang ito sa landasing pantastiko. Bunga rin ng mga pakikipag-ugnayan kay Blumentritt, nakita ni Rizal ang kahalagahang gumawa ng mga ganitong pag-aaral na nagpalalim sa kaniyang pagkakaunawa sa Pilipinas. Inilubog niya ang sarili sa mga pag-aaral ng mga Europeong iskolar at nagpasiyang magbabad sa mga magsasakang French at German upang makita ang praktikal na dimensyon ng mga nababasa sa aklat. Pinili niya ang mga magsasaka yamang ito ang nakikita niyang kahalintulad sa maraming Pilipino at ito rin ang matagal na nagpapanatili ng mga katangiang pagkalahatan ng isang lahi. Sa huli, nakabuo si Rizal ng kaniyang sariling konklusyon tungkol sa kaniyang katanungan mula pa bilang isang estudyante sa Maynila. Magkatulad lamang ang isip ng puti at kayumanggi. Bunga lamang ng heyograpiya at mga pagbabagong pangkasaysayan ang anumang pagkakaiba-iba ng mga ito. Anumang kahirapan mayroon ang isang taong may kulay ay dahil lamang sa kaniyang  kulay at hindi sa anumang “likas” na kahinaan ng ulo.

Sa pagtataya ni Blumentritt, mag-uugnay ang lahat ng ito sa panahon ng kaniyang pag-aaral mula sa Maynila hanggang sa Europe. Makikita na pangunahing obsesyon ni Rizal ang ugnayan ng mga kayumanggi at puti, i.e., Pilipino/Tagalog at Español/Europeo. Sa matagal na panahon ng pagtigil sa Europe, nanatiling nakatingin si Rizal sa kaniyang bayan at lahi. Nagsimula ang kaniyang pagturing sa sariling lahi bilang higit na mataas kaysa sa puti at nagtapos sa konklusyong magkapantay lamang talaga sila subalit itinuturing na mababa dahil sa mga pangyayaring pangkasaysayan.

Maiuugnay pa ang mga realisasyong ito ni Rizal sa panahon pa ng kaniyang pagkabata kung kailan hindi pa nagaganap ang pakikisalamuha sa mga Español. Ang pag-unawa ni Rizal sa bayan at kaalamang mayroon ito ay nakaugat pa sa kaniyang pagkabata sa Calamba. Mula sa mga kaalamang bayan na nakuha niya bilang isang bata, tumawid siya sa pag-unawa nito sa harap ng ibang lahi hanggang sa makatagpo ng mga kasangkapan sa pagpapalalim nito. Sa huli tinangka niyang ibalik sa bayan ang sarili nilang kaalaman na pinanday na ng kaniyang sariling isip. Mahahati samakatuwid, sa tatlong bahagi ang buhay ni Rizal kaugnay ng kaniyang pagpapahalaga sa kaalamang bayan. Una, ay ang panimulang engkwentro dito bilang isang bata sa Calamba. Ikalawa, ay ang pagpanday ng mga kaalamang ito sa ibang bayan. Ikatlo, ang tangkang pagsasaayos nito sa isang paraang maibabalik sa bayan at sa mga dayuhang mababa ang tingin dito.

Nag-uugnay ang lahat ng ito sa kaniyang paunang paniniwala na mahalaga ang kaalamang nagmumula sa bawat isang pangkat ng tao. Hindi nawaglit sa isip niya ang bayan, bagkus naging pagkakataon ng pagpapalalim ng kaniyang pagkilala rito ang bawat panahong itinigil niya sa ibayong dagat. Kung baga, bagama’t pisikal na malayo sa bayan, pilit niyang inilalapit ang kaniyang isip dito sa paniniwalang pagunawa rin sa Pilipino/Tagalog ang pag-unawa sa ibang tao. Gayunman, bagama’t masasabing naging maalam sa kalinangan ng dayuhan, hindi pa rin naging sapat ang kaalamang ito upang maunawaan ang bayan. Dahilan ito kung bakit naging puspusan ang pag-aaral nito sa huling bahagi ng kaniyang buhay.

Kung tutuusin, samakatuwid, hindi lamang ang sitwasyon sa asyenda ng Calamba ang nagtulak sa kaniyang radikalisasyon kundi pati na ang kaniyang pagkilala at kalauna’y pagtitiwala sa bayan. Nagsimula pa ito sa kaniyang pagkabata, tinustusan ng karanasan sa ibang lupa at umabot sa rurok nang makabalik sa Pilipinas na pinutol naman ng kamatayan.

Ang Kaalamang Bayan Tungo sa Kalayaan
Simboliko ang kahalagahan sa pag-unawa ng kaugnayan ni Rizal sa pagbubuo ng kaalamang bayan ang dalawang yugto sa kaniyang buhay. Ang una’y matatagpuan sa kaniyang pahayag sa kaniyang talambuhay na natapos noong 1881 bilang isang estudyante sa Maynila (Jacinto 1977). Tinukoy ni Rizal sa kaniyang salaysay ng kaniyang pagkabata sa Calamba ang madalas na pagkukwento ng kaniyang yaya tungkol sa mga aswang, nuno at sa tinatawag niyang parce-nobis na aniya’y katulad ng Bu ng mga Europeo at sa katunaya’y si Bu o ang babaeng demonyo na si Metakorab mula sa mitolohiyang Melanesyano (Coleman 2008, 174). Ginagawa ito, ayon sa kaniya, sa mga pagkakataong ayaw niyang kumain ng hapunan. Ang ikalawang pangyayari ay ang kaniya namang pag-aaral at pagsusulat sa Dapitan noong 1895 ng kaniyang La Curación de los Hechizados (Rizal 1961d, 348-352; 176-181). Sa pagaaral na ito, sinuri ni Rizal ang kaisipang bayan tungkol sa mga mangkukulam at manggagaway at sinubukang magbigay ng isang pamamaraan para sa panggagamot nito. Ayon sa kaniya, nagmumula lamang ang pagiging biktima ng isang mangkukulam o manggagaway sa isang auto-sugestión (Rizal 1961d, 351). Ibig sabihin, naniniwala sa kaniyang sarili ang isang taong nakukulam na siya nga’y kinukulam ng isang tao. Kung kaya, ang mabisang panlaban dito ay isa pa ring kaisipang lalaban sa ganitong paniniwala.

Tipikal na takutin ang isang bata ng mga kwentong katulad ng tinukoy ni Rizal sa mga pagkakataong ayaw nitong sumunod sa nakatatanda. Ginagamit ito lalo na kung ang ayaw gawin ng bata ang tinatayang makabubuti sa kaniya tulad ng pagkain o pagtulog. Maaaring hindi na ginagamit sa ngayon ang mga kwentong ito, subalit may mga kapalit naman itong maaaring naaayon sa mitolohiya ng kasalukuyan. Hindi naman tipikal ang ikalawang salaysay. Kadalasan, ang isang realidad tulad ng kulam ay isinasantabi o kaya nama’y kinakatakutan. Bihira lamang talaga ang humaharap dito at nagtatangkang umunawa sa isang paraang rasyonal at walang halong takot. Nagpapahayag kung baga, ang dalawang insidenteng ito ng transisyon ng pagkilala ni Rizal sa kaalamang bayan. Nagsimula sa pagiging obheto ng takot hanggang sa maging isang obhetong dapat harapin at kilalanin.

Sa isang panayam ni Covar (1998, 10; 17), ipinaliwanag niya bilang kaalamang bayan ang iba’t ibang salik ng pagkataong Pilipino tulad ng loob, labas, budhi, kaluluwa at iba pa. Katutubong kaalaman ang kaalamang bayan sa kaniyang pakahulugan. Isinilang ito at pinanday sa loob ng isang partikular na kalinangan upang tumugon sa kaniyang mga katanungan at pangangailangan. Bagama’t nasa konteksto ng Pilipinas ang akda ni Covar, masasabi namang may sariling kaalamang bayan ang alinmang kultura/ kalinangan/bayan sa daigdig. Katunayan, hindi lamang ang mga pagturing sa pagkatao ang kaalamang bayan, kasama rin nito ang alinmang kaalamang isinilang mula sa sariling kaisipan at kakayahan na nahayag at patuloy na inihahayag sa kasaysayan. Maaaring nabahiran ito ng dayuhan subalit nananatiling pamantayan pa rin ng pag-aangkin ang kinagisnang kaalaman na nasa kamalayan ng isang pangkat. Maituturing na depositoryo ng kaalamang bayan ang wika, pananampalataya, kalinangan, kasaysayan, mga kasabihan, kwentong bayan at ano pa mang katatagpuan ng taal na kaisipan ng isang pangkat ng tao.

Sa kaso ni Rizal, naging napakahalaga ang kaalamang bayan mula sa personal hanggang sa pangkalahatang kaayusan ng kaniyang Pilipinas. Malay man siya o hindi, nakikita niyang napakahalagang mabuo at makilala niya mismo ang tradisyong pinagmumulan at pinag-ugatan ng kaniyang pagkilala sa bayan. Sa lebel ng kaniyang Pilipinas, nakikita ni Rizal ang kahalagahan ng pagbubuo ng kasaysayan at kamalayan nito bilang nagkakaisang pangkat ng tao kung hihiwalay na nga ito sa España. Sa pagbubuong ito, napakahalaga at pangunahin pa nga ang pagbubuo o muling pagbubuo ng kaalamang bayan.

Katulad din ng pangyayaring tinukoy na sa itaas, ang pagkamulat sa kaalamang bayan bilang bata at ang pagharap dito bilang isang espesyalistang manggagamot, makikita rin ang pagkilala ni Rizal sa iba pang salik ng kaalamang bayan sa simula at sa dulo ng kaniyang buhay. Marahil ang pinakamonumental na akda ni Rizal sa kaalamang bayan ay ang kaniyang mga anotasyon sa ikawalong kabanata ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga (1964, 340-371) noong 1889. Bagama’t hindi tapos, mayroon namang sapat na lalim at lawak ang kaniyang sanaysay tungkol sa pagka-relihiyoso ng mga Pilipino noong 1884 (Rizal 1961b, 238-252). Ganitong lalim din ang makikita sa kaniyang Specimens ng taong 1889 (Rizal 1961f, 261-263).  Mahalaga rin sa panahong ito ang kaniyang mga pag-aaral tungkol sa wika. Nasa ilalim nito ang kaniyang Nueva Ortografia na isinulat noong 1890 (Rizal 1961e, 282-291). Kabilang din sa mga akdang ito ang Estudios sobre la lengua Tagala na isinulat sa Dapitan noong 1893 (Rizal 1961c, 301-315) at sa huli, ang kaniyang Curación na isinulat din sa Dapitan noong 1895 (Rizal 1961d, 348-352; 176-181).

Kapansin-pansing nakararami sa kaniyang mga akda tungkol sa kaalamang bayan ang ginawa sa huling bahagi ng kaniyang buhay. Kung baga, masasabing ang mga akdang ito’y nasasakop ng mga panahong sinasabing isa na siyang radikal. Mapuputol ng eksilo ang proseso ng pupusang radikalisasyon subalit patuloy ang kaniyang pagkilala sa kahalagahan ng kaalamang nagmumula sa bayan. Ang eksilo ring ito ang magpapabagal sa pagbabalik ni Rizal sa bayan. Marami sa mga akda ang bagama’t sisimulan dito ay hindi naman magiging tapos at depinitibo. Ang mga anotasyon lamang sa Morga ang matatapos, bukod sa nobelang El Filibusterismo na higit na politikal kaysa pangkasaysayan o pangkaalamang bayan. Kung tutuusin, makikita sa mga pangkalahatang katangiang ito ang pagkakaugat ni Rizal sa kasaysayan at sa politika ng kasaysayang Español sa Pilipinas. Ang mga akdang kaugnay ng bayan ay nagsisilbing talinhaga rin ng mga hindi tapos niyang mithiin sa sarili at sa bayan. Sa huli, nauna na ang bayan sa pagkilala sa kaniya. Hindi bulag ang pagkilala at pagdakilang ito sapagkat pagdaragdag ito ng bayan sa kakulangan ng kaniyang bayani. Kinapos ng panahon si Rizal sa kaniyang pag-uugat sa kaalamang bayan kung kaya’t ang bayan na mismo ang kumilos at nag-isip upang siyang maidambana sa sariling kalooban.

Konklusyon

Ang mga pagkakataong hayag si Rizal sa bayan ang naging mga pagkakataon upang angkinin siya nito tulad ng isang bayani na ayon sa sinauna pang pamantayan nito. Katulad ng mga bayang nagiging tagapamagitan ni Bathala, si Rizal din ay nakilala bilang isang bayang katulad ni Kristong tagapagligtas. Nakapasok, samakatuwid, si Rizal sa loob ng masalimuot na retablo ng kaalamang bayan.

Kung ganito naman ang ginawa ng bayan, mismong si Rizal din ay may ginawang pag-aangkin sa kaniya. Ibig sabihin, gumawa mismo si Rizal ng mga pamamaraan upang maunawaan ang bayan. Sa huling bahagi ng kaniyang buhay, mapapansing pinagtuunan niya ng pansin ang iba’t ibang salik ng kaalamang bayan katulad ng pananampalataya, wika, kasaysayan at mga kwentong bayan.

Makikitang sa buhay ni Rizal, nagsimula siya sa pagkilala sa bayan mula sa kaniyang yaya at ina. Dumaan siya sa pakikipagtalastasan, hayag man o hindi, sa mga dayuhan. At sa huli, nagkaroon siya ng realisasyon na mahalaga ang kaalamang bayan.  Tatlong bahaging paghahati ito ng buhay niya kaugnay ng kaalamang bayan. Mula sa isang nanlalaking mata ng isang bata, sa isang nagtatanong na estudyante,  hanggang sa isang propesyonal na armado ng kaniyang agham. Ano’t ano pa man ang kaniyang sabihin ukol sa bayan, panlalait, galit, poot o panlulumo, nananatili pa rin siyang laging nakalingon dito.

Ang pagtatanging ito sa kaalamang bayan ay bunga ng realisasyon na kung ganap na hihiwalay ang Pilipinas mula sa España, napakahalaga at pundamental na ito’y nag-uugat ng kaniyang sarili sa kaniyang sariling kamalayan at hindi sa kamalayang binuo para sa kaniya ng España. Kapansinpansing ang kaniyang mga akda na may malalakas na elemento ng kaalamang bayan ay karaniwang nasa panahong kinikilala bilang panahon ng Radikal na Rizal. Maliban sa ilang akdang pangwika at salin tulad ng Guillermo Tell na natapos sa mga panahon bago isinulat ang mga anotasyon kay Morga, malaking bulto ng kaniyang mga akda tungkol sa kaalamang bayan ang makikita sa panahon matapos ito. Katunayan, kung titingnan ang anotasyon sa ika-8 kabanata ni Morga, makikitang napakalaking porsyento nito ang nakatutok hindi lamang sa paglilinaw ng kasaysayan kundi sa pagpapaliwanag ng kalinangan at kaalamang bayan.

Mapapansin din na sa kabila ng lalim ng mga pagsisimula ng akdang ito, ang mga anotasyon lamang talaga ang natapos. At, tulad ng mga akda, hindi rin tapos ang proyekto ni Rizal tungkol sa kaniyang sariling pag-aangkin ng kaalamang bayan. Pinutol ng kamatayan ang kaniyang pagsusumikap para dito. Hindi na, samakatuwid, maaaring lampasan pa ni Rizal kung ano man ang nagawa na niya. Bayan na ang gumawa ng gayon. At kung mamarapatin, ang mga taong nagsisikap pa rin ngayon na umunawa sa bayan.

Sanggunian

Blumentritt, F. (1986). Jose Rizal’s studies in ethnic psychology (1897). In F. Hack & H. Hack (Eds.), Jose Rizal in Germany. Bonn: Inter Nationes.

Coleman, J. A. (2008). The dictionary of mythology: An A–Z of themes, legends and heroes. London: Arcturus Publishing Limited.

Constantino, R. (1987). Bulag na pagdakila. Quezon City: Linangan ng Kamalayang Makabansa.

Covar, P. R. (1991). Ang pagtanggap ng samahang milinaryan kay Gat. Dr. Jose P. Rizal. In P. Melendrez-Cruz & A. B. Chua (Eds.), Himalay: Kalipunan ng mga pag-aaral kay Jose Rizal (pp. XX–XX). Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Covar, P. R. (1998). Kaalamang bayang dalumat ng pagkataong Pilipino. In Larangan (pp. XX–XX). Manila: Sampaguita Press.

De Morga, A. (1964). Mga pangyayari sa sangkapuluang Pilipinas. Manila: Pambansang Komisyon ng mga Bayani.

Foronda, M. A. (1961). Cults honoring Rizal. Manila: [Publisher].

Hernandez, J. R. B. (1999). Don Telesforo Canseco: Kasaysayan ng paghihimagsik ng mga Pilipino sa Cavite, 1897. Quezon City: Philippine Dominican Center of Institutional Studies.

Ileto, R. C. (1998). Rizal and the underside of Philippine history. In Filipinos and their revolution: Event, discourse and historiography (pp. XX–XX). Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Jacinto, P. (1977). Reminiscences of a Manila student. In Reminiscences and travels of Jose Rizal (pp. XX–XX). Manila: National Historical Institute.

Ocampo, N. S. (2011). Kristong Pilipino: Pananampalataya kay Jose Rizal. Quezon City: BAKAS: Bagong Kasaysayan.

Quibuyen, F. C. (1999). A nation aborted: Rizal, American hegemony and Philippine nationalism. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Rizal, J. P. (1961a). Arte metrica del tagalog (1887). In Escritos varios por Jose Rizal, primera parte (pp. XX–XX). Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal.

Rizal, J. P. (1961b). Estado de religiosidad de los pueblos en Filipinas (1884). In Escritos varios por Jose Rizal, primera parte (pp. XX–XX). Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal.

Rizal, J. P. (1961c). Estudios sobre la lengua tagala (1893). In Escritos varios por Jose Rizal, primera parte (pp. XX–XX). Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal.

Rizal, J. P. (1961d). La curacion de los hechizados (1895). In Escritos varios por Jose Rizal, segunda parte (pp. XX–XX). Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal.

Rizal, J. P. (1961e). Sobre la nueva ortografia de la lengua tagalog (1890). In Escritos varios por Jose Rizal, primera parte (pp. XX–XX). Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal.

Rizal, J. P. (1961f). Specimens of Tagalog folklore (1889). In Escritos varios por Jose Rizal, primera parte (pp. XX–XX). Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal.

Rizal, J. P. (1964). The treatment of the bewitched (1895). In Miscellaneous writing of Dr. Jose Rizal (p. 8). Manila: National Heroes Commission.

1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading