Si Rizal sa Pagbangon ng Sosyolohiya

Zaldy D. Petorio

New Era University

How to Cite:
Petorio, Z. D. (2022). Si Rizal sa pagbangon ng sosyolohiya. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 128-156. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-uRc-sRspS0s

Abstrak

Si Jose Rizal (1861-1896) ay nabuhay sa panahon ng pagbangon ng sosyolohiya. Walang tala sa kasaysayan na si Rizal ay nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga kapanahunan niyang itinuturing na haligi ng sosyolohiya na sina Karl Marx (1818-1883), Max Weber (1864-1920), at Emile Durkheim (1858-1917), ni katibayan na nabasa ni Rizal ang kanilang mga isinulat, subalit ang mga akda at gawa ni Rizal ay nagpamalas ng sistematikong pagsusuri sa kalagayan ng lipunan. Sa papel na ito, ilalahad ang yugto ng buhay ni Rizal hinggil sa pagbangon ng kaniyang kaisipang sosyolohikal.  Bagama’t may mga nauna nang pagtatampok kay Rizal sa larangan ng sosyolohiya, pangunahin na ang mga akda ni Syed Farid Alatas, sisipatin sa papel na ito ang iba pang mga larangan ng pagsusuri ng lipunan at pagbibigay diin sa iba pang aspekto ng sosyolohiya – (1) ang kalagayan ng tao sa lipunan, (2) ang kalagayan ng lipunan, (3) ang kaalamang panlipunan at kasaysayan, at (4) tungo sa hinahangad na kalagayan ng lipunan – mga aspektong tinalakay ng mga klasikong sosyolohista ayon sa tampok na akda ni C. Wright Mills na Sociological Imagination noong 1959.  Hindi nilalayon ng papel na ito na sang-ayunan o salungatin ang kaisipan ni Rizal – maging ang mga kaisipan ng mga klasikong sosyolohista na mababanggit – kundi itampok na taglay na ni Rizal ang sistematikong pag-aaral ng lipunan sa panahong umuusbong pa lamang ang nasabing disiplinang pangkaalaman.

Mga Susing Salita: Rizal, Sociology, Sociological imagination

Panimula

Sa paglago ng sosyolohiya, may mga bumabangong puna na ang nasabing disiplina ay nakatuon sa mga kaisipan na isinulat ng mga kanluranin (Turner, 1999, vii; Smith, 1990). Kaya, may mga nagsusulong ng mga kaisipan mula sa mga non-western thinker, at ang isa sa mga pangunahing naitatampok ay si Dr. Jose Rizal (Alatas at Sinha, 2017; Curato, 2013; Go, 2016). Samantala, sa pagdiriwang naman ng ika-100 taon ng Departamento ng Sosyolohiya at Antropolohiya (na dating iisang departamento lamang) ng University of the Philippines noong Agosto 2021, hinimok ng tanyag na Pilipinong sosyolohista na si Randy David ang mga dumalo na payabungin pa ang pagtatampok ng mga kaisipang sosyolohiko ni Rizal at ng iba pang mga Pilipinong manunulat.

Kaya, sa patuloy na paggunita at pagsasakabuluhan kay Rizal, tatalakayin ng papel na ito ang tungkol sa dakilang bayani sa pagbangon ng sosyolohiya bilang disiplinang pangkaalaman. Nilalayon ng papel na ito na itampok ang kaisipang sosyolohiko ni Rizal sa liwanag ng mga aspektong pangkaisipan na pinagtutuunan ng mga klasikong sosyolohista na kaniyang kapanahunan, subalit ang tuon ay nasa mga aspektong hindi pa gaanong nabigyang diin ng mga naunang nagtampok kay Rizal sa larangan ng agham panlipunan, partikular na sa larangan ng sosyolohiya. Ang mga pangunahing akdang sanaysay ni Rizal ang pangunahing batis na pinagbabatayan ng papel na ito. Gayunman, may mga sipi mula sa kaniyang mga nobela, tula, at liham bilang karagdagang pinaghanguan ng kaniyang mga kaisipan. Hindi nilalayon ng papel na ito sang-ayunan o salungatin ang mga kaisipan ni Rizal kundi ipakita lamang ang tayog ng kaniyang kaisipang sosyolohiko sa panahong papausbong pa lamang ang nasabing disipilina.

Sa paglalapat ng kaisipan ni Rizal sa larangan ng sosyolohiya, tatalakayin sa papel na ito ang mga sumusunod: (1) ang kalagayan ng tao sa lipunan, (2) ang kalagayan ng lipunan, (3) ang kaalamang panlipunan at kasaysayan, at (4) tungo sa hinahangad na kalagayan ng lipunan. Ang mga aspektong nabanggit ay mahahango sa tanyag na akda noong 1959 ni C. Wright Mills na The Sociological Imagination1.  Upang lalong maunawaan ang ambag ng papel na ito, nararapat na ilahad muna ang pagbangon ng sosyolohiya at ang mga naunang pagtatampok kay Rizal sa nasabing disiplina.

Si Rizal bilang Social Thinker: Mga Unang Pagtatampok

Marami nang pagtatampok kay Rizal sa iba’t ibang larangan ng agham panlipunan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga akda ni Resil Mojares. Ipinatutungkol ni Mojares kay Rizal ang pagsilang ng agham panlipunan sa bansa at ang kauna-unahang pagtatangka ng isang Pilipino na isulat ang kasaysayan ng Pilipinas (Mojares, 2012). Ayon pa kay Mojares, “Rizal and his generation, the ‘generation of 1872,’ laid the foundations of a modern Filipino scholarship” (Mojares 2012, p. 37).

Ang mga pagtatampok kay Rizal sa larangan ng sosyolohiya ay makikita pangunahin sa mga akda ni Syed Farid Alatas, isang propesor na Malaysian. Kabilang sa kaniyang ginawang pagtatampok ay ang pagkakatala kay Rizal bilang sosyolohista sa “The Blackwell Encyclopedia of Sociology” noong 2007. Sa iba pa niyang akda, binibigyan-diin ni Alatas na si Rizal ang maituturing na kauna-unahang sistematikong social thinker sa Timog-Silangang Asya (Alatas, 2007).  Paliwanag ni Alatas:

“Filipino thinker and activist Rizal was probably the first systematic social thinker in Southeast Asia. As a social thinker, he raised original problems and treated them in a creative way.

Ang pagsipat kay Rizal sa liwanag ng Sociological Imagination ni C. Wright Mills ay iminungkahi ni Prof. Ricky Rosales.

He lived during the formative period of sociology but theorized about the nature of society in ways not done by western sociologists. He provides us with a different perspective on the colonial dimension of the emerging modernity of the 19th century.” (Alatas, 2011, pp. 48-49)

Ayon pa kay Alatas (2017), ang teoryang panlipunan ni Rizal ay mababalangkas sa tatlong aspekto: (1) kalikasan (nature) at kalagayan (condition) ng lipunang kolonyal ng Pilipinas, (2) ang kaniyang tuligsa sa kaalamang kolonyal tungkol sa Pilipinas, at (3) kung paano makakamit ang paglaya (emancipation) mula sa pananamantala ng mga mananakop (Alatas, 2017). Sa unang aspekto, pinatutunayan ni Rizal na ang kawalan ng kaunlaran ng kolonya at ang katamaran ng mga Pilipino ay hindi maikakaila subalit ito ay bunga lamang ng mapang-abusong pamamalakad ng pamahalaan at mga prayle at ang pagtutol ng mga ito sa paglago ng progresibong kaisipan (Alatas, 2017, pp. 144-145). Sa pangalawang aspekto naman, itinutuwid ni Rizal ang malaganap na kaisipan tungkol sa mga Pilipino na diumano sila ay likas na mababang uri at tamad na mga tao. Sa pamamagitan ng kaniyang anotasyon sa aklat na Sucesos de las Islas Filipinas na isinulat ni Antonio de Morga noong 1609, ipinakita ni Rizal na napakaunlad na ng teknolohiya at kalakalan (sa mga karatig na mga bansa) ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga Español. Kung gayon, ang sinasabing katamaran o kawalan ng interes sa paggawa ng mga Pilipino ay bunga ng kanilang mga nararanasan sa ilalim ng pamamalakad ng mga Español – pang-aabuso, pandaraya sa kalakaran, sapilitang paggawa, malabis na mga kapistahan, pagkahumaling sa sugal, at kawalan ng kapanatagan sa pagtatrabaho (Alatas, 2017, pp. 158-159). Sa pangatlong aspekto, isinusulong ni Rizal ang pagkamulat o kamalayan (enlightenment) na pinangingibabawan ng katuwiran (reason) upang makamit ng tao (ng mga Pilipino) ang kalayaan mula sa pananamantala ng mga mananakop (Alatas, 2017, pp. 163-164).

 May mga pagtalakay si Alatas na hindi maiiwasang muling mabanggit sa papel na ito.  Subalit, ang paglalapat ng papel na ito sa balangkas na nakasaad sa itaas ay hango sa pagtalakay ni Mills (1959) tungkol sa mga pangunahing katangian at kaisipan ng mga klasikong sosyolohista na matutunghayan sa mga kasunod na mga pagtalakay.

2Sa pagtalakay ng pagbangon ng sosyolohiya bilang disiplinang pangkaalaman, tampok din sina sina Alexis de Tocqueville (1805–1859), Claude Henri Saint-Simon (1760–1825), Auguste Comte (1798–1857), Georg Simmel (1858–1918), Karl Mannheim (1893 –1947). Kung paano nabuo ang canon ng classical sociological theory na kinabibilangan ng mga kaisipan nina Marx, Weber, at Durkheim ay tinalakay ni Connell (1997).

Pagsasapanahon: Si Rizal at ang mga Klasikong Sosyolohista

Ang panahon ng buhay ni Jose Rizal (1861-1896) ay kaalinsabay ng mga kinikilalang haligi ng sosyolohiya o mga klasiko na sina Karl Marx (1818-1883), Max Weber (1864-1920), at Emile Durkheim (1858-1917)  na pawang mga kanluranin.  Bagama’t si Rizal ay nag-aral sa Europe noong 1882 hanggang 1887, at 1888 hanggang 1892, walang tala sa kasaysayan na si Rizal ay nakipag-ugnayan sa mga nabanggit na klasiko. Hindi katulad ng sa ibang mga larangang pangkaalaman, nagkaroon ng ugnayan si Rizal – tuwiran man o hindi – sa mga tagapagtaguyod ng mga ito, o hindi kaya’y sinipi ni Rizal ang kanilang mga akda sa kaniyang mga sulat o talumpati. Sa larangan halimbawa ng antropolohiya, nagkaroon ng ugnayan si Rizal sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng nasabing disiplina katulad nina Feodor Jagor (1816-1900), Adulf Virchow (1821-1902), at Adolf Bastian (1826-1903) at siya ay nakapag-ambag ng koleksyon sa Museum fur Volkenrkunde (Ethnological Museum) sa Berlin (Mojares, 2013). Sa larangan naman ng optalmolohiya, sumailalim siya sa pagsasanay sa isang tanyag na optalmologo na si Otto Becker (1828-1890) sa Heidelberg. Sa kasaysayan naman at Filipinolohiya, naging masugid na kaibigan at katalastasan niya si Ferdinand Blumentritt (1853-1913) ng Leitmeritz at nababanggit sa kanilang mga pakikipagtalastasan ang mga Europeo na sumulat tungkol sa Pilipinas katulad nina Sinibaldo de Mas at Jean Mallat. Bagama’t hindi na inabot ni Rizal ang tanyag na mga tao sa larangan ng pilosopiya katulad nina Voltaire (1694-1778), Jean Jacques Rosseau (1712-1778), at Immanuel Kant (1724-1804), mababakas naman sa mga akda ni Rizal ang impluwensiya sa kaniya ng nasabing mga pilosopo.3

Nang tumungo si Rizal sa Europe noong 1882, nailimbag na ang akda nina Marx at Friedrich Engels na Manifest der Kommunistischen Partei na kilala sa tawag na The Communist Manifesto, noong 1848. Noong 1859 naman, inilimbag ang aklat ni Marx na Zur Kritik der politischen Ökonomie (A Contribution to the Critique of Political Economy). Namatay si Marx sa England noong 1883, habang mag-iisang taon pa lamang si Rizal sa España.

Sa panahong iyon, si Durkheim naman ay nagpasimulang magturo sa iba’t ibang paaralan sa France. Pinaunlad niya ang kaniyang pag-aaral ng sosyolohiya sa Berlin at Leipzig noong 1885. Bumalik sa pagtuturo si Durkheim noong 1887 at inilimbag ang kaniyang disertasyon na The Division of Labour in Society noong 1893, na tumatalakay sa kalagayan at pagsulong ng lipunan. Sinundan ito noong 1895 ng The Rules of Sociological Method at Suicide noong 1897.

Ang pagsipat kay Rizal sa liwanag ng Sociological Imagination ni C. Wright Mills ay iminungkahi ni Prof. Ricky Rosales.

Si Weber naman na mas bata ng tatlong taon kay Rizal at isang abogado ay nagpasimulang magturo ng jurisprudence sa University of Berlin noong 1893. Naging full professor siya ng political economy sa Heidelberg noong 1896. Nang siya ay gumaling sa pagkakasakit na nagsimula noong 1898 hanggang 1903, ipinagpatuloy niya ang kaniyang mga gawain bilang iskolar. Noong 1905, ipinalimbag ang kaniyang akda na The Protestant Ethic and the Spirit of Capitalism. Ang kasunod niyang mahahalagang akda ay lumitaw pagkatapos na ng unang digmaang pandaigdig – Politics as a Vocation (1919), Economy and Society (1922), at General Economic History (1923).

Noong huling hati ng ika-19 siglo, nagpasimula nang lumaganap ang mga akda ni Marx, subalit naramdaman ang mga ito noon lamang ika-20 siglo. Bagama’t kabilang ang isinulat ni Marx sa aklat ni E. de Laveleye na Le Socialisme Contemporain na inirekomenda ni Juan Luna sa kaniyang sulat kay Rizal noong May 13, 1891, walang katibayan na ang nasabing aklat ay binasa ni Rizal. Mas nauna, kung gayon, ang mga isinulat ni Rizal kaysa sa huling dalawang klasikong sosyolohista na nabanggit. Ang mga akda ni Rizal, ayon kina Alatas at Sinha (2017, p. 13), ay masasabing hindi kasing sistematiko kung ihahambing sa mga kinikilalang klasiko, gayunpaman, nakakapag-ambag ang mga ito ng orihinal na kontribusyon sa pag-unawa sa modernong lipunan. Kinabibilangan ito ng mga sumusunod: Noli Me Tangere, isang nobela (1887); El Filibusterismo, isang nobela (1891); Filipinas dentro de Cien Años (The Philippines, A Century Hence, isang serye ng mga sanysay (1889-1890); Sobre la indolencia de los filipinos (The Indolence of Filipinos) (1890), at ang kaniyang anotasyon noong 1890 ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga (1609).

Ang Pagbangon ng Sosyolohiya

Ang kinikilalang panahon ng pasibol ng sosoyolohiya ay noon lamang ika-18 dantaon at ika-19 dantaon (Heilbron, 2015; Ritzer & Stepnisky, 2018). Bagama’t ang pag-aaral tungkol sa mga social phenomenon ay matutunton pa sa panahon ng mga ancient Greek, ang nasabing mga kaisipan ay nahahanay sa larangan ng pilosopiya, kasaysayan, ekonomiya, at relihiyon (Heilbron, 2015, p. 990; Calhoun, et.al., 2007, p. 23).

Nagkakaisa ang maraming manunulat na ang pagsibol ng sosyolohiya ay nakatuon sa pagtatangka na unawain ang transisyon mula sa feudal society patungong industrial society (Royce, 2015, p. 1). Ang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa mga sosyolohista (at ng kaibahan nila sa mga manunulat mula sa ibang larangan) ay ang kanilang pagtatangka na pag-ugnayin ang theory at ang imperical inquiry, ang philosophical reflection at kalipunan ng mga fact tungkol sa social life (Heilbron, 2015, 990). Patungkol halimbawa sa mga kinikilalang klasikong sosyolohista, sinasabi ni Royce (2015, 11), na:

“Marx, Durkheim, and Weber are still interesting in part because they were firsthand observers of the passage from the pre-modern world to the modern world, and because they were among the first intellectuals to make use of the tools of empirical science to comprehend this passage.”

May mga pangyayaring pinaniniwalaang nagbigay-daan sa pagbangon ng sosyolohiya. Ang pinakatampok sa mga ito ay ang Enlightenment, French Revolution, at Industrial Revolution.

Ang Enlightenment o Age of Reason ay yugto ng panahon na naganap noong ika-17 at ika-18 siglo kung saan ang katuwiran ay pumalit sa relihiyon bilang pangunahing gabay sa usapin hinggil sa pinagmumulan ng karunungan, sining, at pamamahala sa mga tao (Moravia, 1980). Ito ay kilusang intelektuwal at kultural, na sinasabing nagpalaya sa mga tao sa paniniwala sa pamahiin, bulag na pananampalataya, at walang pag-aalinlangang pagtanggap sa nakaraang kaayusang panlipunan, tungo sa malawak na kalaman, progresibong lipunan, at kaligayahan ng mga tao (Ibid). Masasabing ang mga tao sa panahong ito ay naging kritikal sa umiiral na sistemang panlipunan, mga batas at kaugalian ng tao sa nakaraang yugto ng panahon (Middle Ages) na pawang pumigil sa kaunlaran at progreso (Manuel, 1982). Ilan sa mga kilalang pilosopo sa panahong ito ay sina Isaac Newton, John Locke, Voltaire, at Montesquieu at ang kanilang mga kaisipan at akda sa larangan ng siyensiya, matematika, pulitika, at pilosopiya na lalong pinalawak ng imprenta ay naging daan para lalong sumulong ang Enlightenment (Casini, 1988).

Ang French Revolution ay isang pagkilos na nagtagal nang 10 taon mula 1789 hanggang 1799. Nag-ugat ang nasabing himagsikan sa serye ng mga kilos protesta ng mga tao laban sa pamumuno ni Haring Louis XVI na nagresulta sa pagpapatalsik sa monarkiya at pagbangon ng rebolusyonaryong gobyerno hanggang sa ito ay magwakas sa pagsisimula ng pamumuno ni Napoleon sa ilalim ng isang pamahalaan na tinatawag na French Consulate. Bago ang rebolusyon, ang mga mamamayan ng France kung saan namamayani ang pyudalismo ay nahahati sa tatlong grupo na tinatawag na Estates – (1) mga clergy (awtoridad ng simbahan), (2) mga maharlika, at (3) mga karaniwang tao at magsasaka (Dwyer & McPhee, 2006). Noong 1787, bumagsak ang ekonomiya ng bansa dahil na rin sa kawalan ng kita at labis na pagwawaldas ng pera ng mga namumuno. Dahil dito, noong 1789 ay nagpatawag si Louis XVI ng isang States General o pagpupulong ng mga kinatawan mula sa tatlong Estate upang lunasan ang kinakaharap na suliranin. Sa halip na malunasan ang krisis ay lalo pa itong nagbunsod ng pag-aaklas ng mga magsasaka at karaniwang tao dahil sa pagpataw sa kanila ng (hindi na) mas lalong mabigat na buwis at patuloy na pag-iral ng kawalang katarungan, at mga batas na pabor lamang sa mga kabilang sa clergy at maharlika (Wells, 2010). Sa hangarin na mabago ang sistemang panlipunan at pampulitika, at sa impluwensiya ng Enlightenment na kumakalat sa Europe, ang mga kabilang sa ikatlong Estate na ang populasyon ay higit na nakararami kaysa sa dalawang Estate, ay nagtatag ng National Assembly na naglalayong baguhin ang sistemang panlipunan at konstitusyon. Ang lalong tumitinding hidwaan sa pagitan ng monarkiya at mga karaniwang tao ay nagbunsod ng karahasan at naganap ang pagsalakay sa Bastille noong ika-14 ng Hulyo, 1789 – isa sa pinakamakasaysayang bahagi ng French Revolution. Sa pamamagitan ng rebolusyon, tuluyang nabago ang panlipunan at pulitikal na istraktura ng France – naalis ang monarkiya, pyudalismo, at ang kapangyarihan ng Simbahang Katoliko (The National Archives, 2021). Malaki ang kinalaman ng mga philosopes o mga taong nagtataglay ng mapanuring kaisipan – naniniwala na ang mga suliranin sa mundo ay maipaliliwanag mula sa perspektiba ng siyensiya at pagsusuri (Royce, 2015 p. 4) – sa pagpapalaganap ng mga kaisipang kumukwestiyon sa mapang-aping kaayusan ng lipunan, na kinalaunan ay nagbunsod ng pagaaklas laban sa monarkiya at kapangyarihan ng simbahan.

Ang Industrial Revolution naman ay ang proseso ng pagbabago ng produksyon at pagmamanupaktura – mula sa agraryo at manu-manong paggawa tungo sa pagbangon ng mga industriya na ginagamitan ng mga makinariya. Ang unang tala sa kasaysayan ng Industrial Revolution ay naganap sa Great Britain noong 1750 hanggang 1850 nang magkaroon ng mga makinarya, skilled worker, at mga pabrika na lalong nagpabilis at nagpalago ng produksyon na nagdulot ng paglago ng ekonomiya at estado ng pamumuhay ng mga mamamayan (More, 2006). Sa paglipas ng mga panahon, unti-unti itong lumaganap sa ibang mga bansa sa Europe at maging sa iba pang mga bansa at kontinente. Ang mga katangi-tanging pagbabago sa Industrial Revolution ay ang paggamit ng bakal at mga makinang pinaaandar sa pamamagitan ng uling, pagkakaroon ng makabagong pamamaraan ng transportasyon at komunikasyon, at ang patuloy na aplikasyon ng siyensiya sa industriya (Britannica, 1998). Dahil sa paglaganap ng industriya, nagkaroon ng malawak na pagbabago sa sistemang panlipunan, ekonomiya, at pulitika – umusbong ang tinatawag na division of labor, nagkaroon ng malawak na urbanisasyon, binigyang-pansin ang kapangyarihang pang-ekonomiya, at nagkaroon ng mga batas at patakaran na nagpoprotekta at nagpapalago sa industrialisasyon (Vries, 2008).

Ang nabanggit na mga kilusan na nagtatampok sa kahalagahan ng katuwiran (reason) sa modernong lipunan na inaasahang magdulot ng pagunlad sa pamumuhay ng tao at pagkakaroon ng katiwasayan sa lipunan ay nabigong ipagkaloob ang nasabing mga mithiin. Kung kaya’t bumangon ang kalipunan ng mga social theorist upang suriin ang kalagayan ng tao sa modernong panahon at magbigay ng mga hakbang upang mapabuti ang kaniyang kalagayan. Sa paglalagom nina Alatas at Sinha:

“The Western tradition of classical sociological theory addressed the issue of the human condition under the conditions of modernity. The works of many social theorists, along with psychologists, philosophers, poets and novelists and other artists were informed by the recognition of the failure of the Enlightenment to make good on its promise to deliver freedom through the application of reason and scientific inquiry” (Alatas at Sinha, 2017, p. 13).

Bagama’t tinanggap na nina Marx, Weber, at Durkheim ang kawalan ng katuwiran ng pangangatuwiran sa ilalim ng modernity, ito naman ang pinanghahawakan ni Rizal sa kaniyang pananalita at kilos (Alatas, 2017, p. 164). Malawak na larangan ang pag-aaral sa tao at lipunan ang tinutugunan ng sosyolohiya.  Sa papel na ito, ang gagamiting balangkas ay hinango sa sociological imagination na ipinakilala ni C. Wright Mills, patungkol sa mga klasikong sosyolohista.

Klasikong Kaisipang Sosyolohiko sa Liwanag ng Sociological Imagination ni C. Wright Mills

Ang isa sa mga tanda ng mga klasikong sosyolohista ayon kay Mills (1959) ay ang pagkaunawa sa kasaysayan at talambuhay at ang pagkakaugnay ng mga ito sa loob ng lipunan, sa pamamagitan ng tinatawag na sociological imagination. Pinagdidiinan ni Mills na ang pag-aaral ng lipunan ay nagsisimula sa talambuhay, kasaysayan at ang kanilang ugnayan sa loob ng lipunan (Mills, 1959, p. 6).  Ang mga ito ang mga co-ordinate point sa wastong pag-aaral tungkol sa tao (Mills, 1959, 143). Tinitingnan ni Mills ang papel na ginagampanan ng lipunan – ang kayarian nito (social structure) – sa pag-unawa sa indibidwal, gayong ang mga indibidwal din naman ang humuhubog sa magiging kayarian ng lipunan na patuloy na nagbabago sa pagdaan ng mga panahon. Kung nais natin na maunawaan ang pagbabago sa kasalukuyang kayarian ng lipunan (social structure), ayon kay Mills, mahalagang masagot ang ganitong katanungan: “What are the mechanics by which these trends have occurred?”

Ipinakilala rin ni Mills and dalawang mahalagang kaisipan na mababakas sa mga kaisipan ni Rizal – ang trouble at issue, na mabubuod sa paglalahad na ito:

Troubles occur within the character of the individual and within the range of his immediate relations with others; they have to do with his self and with those limited areas of social life of which he is directly and personally aware. Accordingly, the statement and the resolution of troubles properly lie within the individual as a biographical entity and within the scope of his immediate milieu-the social setting that is directly open to his personal experience and to some extent his willful activity. A trouble is a private matter: values cherished by an individual are felt by him to be threatened.

Issues have to do with matters that transcend these local environments of the individual and the range of his inner life. They have to do with the organization of many such milieux into the institutions of an historical society as a whole, with the ways in which various milieux overlap and interpenetrate to form the larger structure of social and historical life. An issue is a public matter: some value cherished by publics is felt to be threatened” (Mills, 1959, p. 8).

Kung ilalapat sa mga akda ni Rizal, bilang panimulang pagbibigayhalimbawa (na lalong ilalahad sa patuloy na pagtalakay): kung ang isang Pilipino ay nasumpungan sa katamaran – iyan ang kaniyang trouble at nangangailangan ng pagsisiyasat sa kaniyang personal na buhay; subalit kung ang mga Pilipino sa Pilipinas sa kabuuan ay namumuhay sa katamaran, iyan ay issue at nagangailangan ng pagsisiyasat sa kayarian ng lipunan kung bakit bumangon ang ganitong uri ng kalagayan ng mga Pilipino.

Isinusulong din ni Mills (1959) na ang mga social scientist ay kailangang gumamit ng mga tala ng kasaysayan sa pag-unawa sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan (pp. 146-147). Saad niya:

“It is, of course, quite clear that to understand a slowmoving society, trapped for centuries in a cycle of poverty and tradition and disease and ignorance, requires that we study the historical ground, and the persistent historical mechanisms of its terrible entrapment in its own history. Explanation of that cycle, and of the mechanics of each of its phases, require a very deep-going historical analysis. What is to be explained, first of all, is the mechanism of the full cycle” (Mills, 1959, p. 155).

Sa pag-aaral ng kasaysayan, upang maunawaan ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan, hindi maiiwasan ang paghahambing nito sa ibang mga lipunan (Mills, 1959, p. 151). Higit pa sa pag-uunawa sa kasalukuyang kalagayan, ang kasaysayan ay makatutulong din sa pag-aaninag sa maaaring kahihinatnan sa hinaharap na panahon (Mills, 1959, p. 5). Aniya:

“We can examine trends in an effort to answer the question ‘where are we going?’— and that is what social scientists are often trying to do. In doing so, we are trying to study history rather than to retreat into it, to pay attention to contemporary trends without being ‘merely journalistic,’ to gauge the future of these trends without being merely prophetic” (Mills, 1959, p. 153).

Buod ng Pananakop: Tungo sa Pag-unawa sa Kaayusan ng Lipunang Pilipino sa Ika-19 na Dantaon

Kaugnay ng simulain ni Mills na ang mga issue sa kasalukuyang lipunan ay matamang mapag-aaralan sa pamamagitan ng pagsusuri ng kasaysayan, mahalagang mailahad ang mga pangyayari na nakakabit sa pananakop na pinaniwalaan ni Rizal na humubog sa lipunan na kanilang ginagalawan, at mahahango sa mga ito ang paliwanag sa mga issue na kanilang kinakaharap.

A. Pamayanan

Bago dumating ang mga Español sa Pilipinas  sa ika-16 dantaon, ang bansa ay binubuo ng kalat-kalat na mga pamayanan na tinatawag na barangay na binubuo ng 30-100 pamilya at napapaloob sa isang bayan (Villan, 2022). Bagama’t ang mga barangay ay may kasarinlan at nakikipagkalakalan (at/o nakikipagdigma) sa iba, ang mga ito ay may pagkakatulad sa paraan ng pamamahala at antas ng tao sa lipunan – maharlika na kinabibilangan ng datu bilang pinuno, mga timawa (mga mamamayang malaya), at mga alipin (Corpuz, 1997, p. 18; Zaide, 1968, p.16).

Ang mga lipunang Pilipino ay may relihiyon, may ekspresibong kultura (awit, sayaw, paghahabi, at sining biswal), at mga kagamitan sa pangingisda, pagsasaka, pagmimina, at pakikipagkalakalan (Villan, 2021).  Nang masakop ng mga Español ang Pilipinas, ipinatupad nila ang reduccion, kung saan ang kalat-kalat na pamayanan ay isinailalim sa isang sentralisadong pamahalaan sa loob ng pueblo (Salazar, 2004, p. 20; Agoncillo, 1990, p. 80-81).  Ang pueblo ay isang kwadradong sentralisadong pamayanan na kinapapalooban ng plaza (pinakagitna) at ng mga pangunahing insitutusyon – casa real (katumbas ng kasalukuyang munisipyo), casa iglesia (simbahan), kumbento (paaralan o sanayan ng katesismo), at mercado o dako ng kalakalan (Villan, 2021).  Ang pamayanan ng pueblo ay naglalayong matipon ang mga mamamayan sa debajo de las campanas (sa ilalim ng tunog ng kampana) na naghahayag ng magkatuwang na administrasyon ng gobyernong sibil at ng simbahan (Corpuz, 1965, p. 26). Ang pagbabgong ito ay nagbunsod ng pag-alsa sa maraming mga Pilipino na nais panatalihin ang kanilang nakaugaliang pamayanan, bagama’t may mga Pilipino ring piniling manirahan sa ilalim ng reduccion at sinikap na matuto ng wikang Español (Salazr, 2004, p. 14).

B. Pamahalaan at Simbahan

Ang kolonyal na pamahalaan ay inilalarawan ng pagsasanib (subalit nagtutunggalian) ng gobyerno at simbahan.  Sa nasyonal na lebel, ang bansa ay pinamumunuan ng gobernador-heneral na siya ring pinuno ng mga kawal at ng Real Audiencia (pinakamataas na hukuman). Ang lalawigan (alcaldia) naman ay pinamumunuan ng alcalde mayor. Ang mga lalawigan ay binubuo ng mga pueblo. Ang pueblo ay pinamumunuan ng gobernadorcillo. Sa loob naman ng pueblo ang mga barangay na pinamumunuan ng cabeza de barangay. Ang pagiging gobernardorcillo at cabeza de barangay (na nagmula sa hanay ng mga maharlika sa sinaunang barangay) lamang ang pinakamataas na katungkulan na maipagkakaloob sa mga Pilipino (Corpuz, 1965, p. 26)

Sa panig naman ng simbahan, ang Diocese ng Manila (archdiocese) na pinangunguluhan ng arsobispo ang pinakamataas na awtoridad pang-espirituwal sa Pilipinas. Ang iba’t ibang diocese ay pinangungunahan ng mga obispo na pawang iniluklok ng papa sa rekomendasyon ng hari ng España.  May mga pari naman na ipinadadala ng obispo o ng arsobispo sa mga bayan (parish) (Zaide, 1968, p. 47).

Sa maraming pagkakataon, bumabangon ang hidwaan sa pagitan ng mga prayle at ng mga nasa gobyerno, at kalimitan ang mga prayle ang nananaig (Agoncillo, 1990).  Ito ay sa kadahilanang ang mga Español na nanunungkulan sa pamahalaan ay nakatuon lamang sa lalawigaan (mga alcalde mayor) at sa nasyonal na lebel (gobernadora-general), at ang mga prayle naman ang namamalagi sa mga pamayanan.  Ang mga prayle ang tuwirang nakikipamayan sa mga Pilipino, nakikipagtalastasan gamit ang katutubong wika ng bayan, nangangasiwa ng relihiyon at edukasyon, at tuwirang nakaaalam ng pang-araw-araw na gawi ng mga Pilipino (Corpuz, 1957).  Sa paglalagom ni Corpuz:

Alongside the bureaucracy of the government, and often meeting intimately with it, was the bureaucracy fo the Church.  This system of two-coexistent, sometimes coterminous, and oftentimes conflicting, bureaucracies naturally posed occasionally grave problems of colonial administration (Corpuz, 1957, p.5).

C. Ekonomiya

Kaakibat ng pagbabago ng kayarian ng lipunan ay ang malaking pagbabago sa ekonomiya.  Sa dating pamumuhay sa barangay sa loob ng mga bayan, ang tinutugunan lamang ng mga Pilipino ay ang kanilang pangangailangan (subsistent economy) at iba pang produkto para sa pakikipagpalitan, sa bagong kayarian ng pueblo, nangangailangan ng higit na maraming ani at produkto (surplus economy) upang tugunan ang pangangailangan ng mga Español at punan ang kaban ng hari (Corpuz, 1997, p. 26).

Ipinatupad ng mga Español ang encomienda, kung saan ang isang Español (mananakop) ay pinagkakalooban ng gawad para sa kaniyang katapatan sa hari. Ang kaloob na ito ay ang karapatang magpataw ng buwis sa kaniyang nasasakupan.  Ang encomiendero ay inaasahang mangangalaga sa kaniyang nasasakupan, maturan ng relihiyon, at mabigyan ng edukasyon (Zaide, 1968).  Subalit, kaibayo ng inaasahan ang nangyari.  “The encomienda system was generally characterized by greed and cruelty. For the encomenderos, encomendero, this grant was nothing more than an opportunity to enrich himself, and he used every opportunity open to him whether in the collection of tributes or in the unlawful exaction of numerous services” (Constantino, 1974, pp. 44-45).

Ang pagbibigay naman ng tributo o taunang buwis – salapi o produkto – ay ipinapataw sa bawat pamilya, maliban sa pamilya ng gobernadorcillo at cabeza de barangay (Corpuz, 1997).  Ang pagpapatupad nito ay pinangingibawan ng pagmamalabis at pandaraya kapuwa sa kamay ng mga nasa gobyerno at mga prayle (Constantino, 1975). Ito ay pinalitan ng cedula noong 1884. 

Ang mga kalalakihan naman na may edad 18-60 ay isinailalim sa sapilitang paggawa na tinatawag na polo y servicio, sa loob ng 40 araw (kinalaunan ay ginawang 15 araw) sa loob ng isang taon.  Kabilang sa mga ipinagagawa sa mga polista (ang sumasailalim sa polo) ay ang paggawa at pagsasaayos ng mga kalsada, tulay, simbahan, at mga gusali ng pamahalaan; pagputol ng troso at paggawa ng mga galyon; at tagasagwan ng sasakyang-dagat at manggagawa sa mga paglalakbay sa malalayong lugar na naging sanhi ng gutom maging ng pamilya ng mga polista at pagpapabaya sa kanilang mga taniman (Zaide, 1968, p. 44; Corpuz, 1997, p. 34-35).

Ang bandala naman ay ang pagtatakda ng taunang quota sa mga probinsya na makapagbenta sa gobyerno ng ani ng produkto.  Subalit, hindi ito binabayaran nang buo o di kaya’y binabayaran sa halagang mas mababa kaysa umiiral na halaga, na lalong nagpapahirap sa mga tao (Constantino, 1975, p. 53). 

D. Ang Namumuong Pagtingin sa Paglilingkod sa Pamahalaan

Simula sa mga unang taon ng pananakop batay sa ulat ng prayleng si Fray Domingo Salazar noong 1591 at ni Antonio de Morga noong 1598, hanggang sa mga tala noong ika-19 na dantaon nina Feodor Jagor noong 1873, mababakas na ang panunungkulan sa pamahalaan ay hindi nakatuon sa ikabubuti ng kolonya kundi sa pansariling pakinabang (Petorio, 2005).  Ang posisyon sa gobyerno ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pagbili nito sa pagasang mababawi ang halagang nagugol sa anomang kaparaanan kapag naluklok na sa puwesto (Corpus, 1957) na siyang sanhi ng samo’t saring pandaraya, pangangamkam, at pang-aabuso. 

Ang kaayusan sa pagkakaroon ng posisyon sa Pamahalaan ay nagpatingkad sa diskrinasyon laban sa mga Pilipino. Namamalaging ang matataas na posisyon sa gobyerno ay ipagkakaloob sa mga Español lamang at ang mga Pilipino ay sa mababang posisyon.  Kung kaya, ayon kay Corpuz, ang kayarian mismo ng pamahalaan ay hindi lamang pagkakahati ng magkaibang lahi kundi ng social classes (Corpuz, 1957, p. 31):

“The foregoing conditions of office-holding gave assurance that, for a long time, the indigenous native subjects were to stay in a posisition of administrative incapacity.  Since this meant that positions in the main were to be exclusively assigned to the Spaniards, a wall of distinction was therefore erected between the natives and the dominant Castillians.  They were separate from each other not only by virtue of their belonging to different cultures and races, but also by belonging to different classes based on office-holding… That is to say that the Spanish bureaucracy in Filipinas was in itself also a social class.

Maging ang mga prayle na sa maraming pagkakataon ay nagpapakita ng kanilang kahigitan sa mga opisyal ng gobyerno sa pamamalakad sa pamahalaan ay kinahayagan din ng pag-aabuso.  Ayon kay Constantino (1975, p. 73):

…The cruelty, capriciousness and frequency of abuses depended on the character of the individual priest – and there were good and bad.  However, it cannot be denied that the virtually unchallenged power in most communities had a corrupting influence on most.”

Ilan sa kaniyang mga tinuran ay ang tahasang pang-aagaw ng lupa, pagpapapaupa maging sa mga ilog, at malabis na pagpapaupa.  Maging sa pangangasiwa ng relihiyon, pinagkakakitaan ng mga prayle ang maraming bayarin sa mga ritwal mula sa binyag hanggang sa libing, pagtitinda ng rosaryo at iba pang mga kagamitan sa pagrerelihiyon.  Nasumpungan din sa mga prayle ang pananakit sa mga naglilingkod sa kumbento at pananamantala sa mga kababaihan (Constantino, 1975).  Sa payak na paglalarawan sa pananakop ng mga Español, sinabi ni Bourne (1973):

“The absence of the spirit of progress, hostility to the new ideyas, failure to develop resources, and the prevalence of bribery and corruption in the civil service, ensure abundant and emphatic condemnation of the present day for the Spanish colonial system.”

Ang dinanas ng mga Pilipino sa hindi maayos na pamamahala ng mga Español – kapuwa sa kamay ng mga nasa gobyerno at simbahan – ang nilingon ni Rizal sa pag-unawa at pagpapaliwanag sa lipunang kaniyang ginagalawan noong ika-19 dantaon.

Ang Paghubog at Pagpatingkad ng Kaisipan ni Rizal tungkol sa Lipunan

Ang paghubog at pagtingkad ng kaisipan ni Rizal tungkol sa lipunan ay matutunton sa mga pangyayari sa Pilipinas sa ika-19 dantaon kaniyang karanasan (maging ng kaniyang pamilya), at kaniyang paglalakbay sa Europe.

Ang isa sa mga pangunahing larawan ng Pilipinas sa ika-19 dantaon ay ang paglaganap ng liberal na kaisipan na binigyang daan ng pagbukas ng Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan noong 1834 at pagbubukas ng Suez Canal noong 1869 at iba pang kaganapan. Ang kaisipang liberal  ay nagsusulong ng edukasyon, malayang pamamahayag, pagkakapantaypantay sa pananaw ng batas, at karapatang pulitikal (Claudio, 2019). Si Paciano Mercado, ang nag-iisang kapatid na lalaki ni Rizal at may napakalaking ginagampanan sa buhay ng pambansang bayani simula pa sa kanilang kabataan, ay kasapi sa Juventud Escolar Liberal. Malapit si Paciano sa Pilipinong paring si Jose Burgos na pinagbibintangan may kinalaman sa pag-aklas sa Cavite, at pinatawan ng parusang kamatayan noong 1872. Ang kaganapang ito ang lalong nagpaigting ng mga kilusan na humantong sa himagsikan noong 1896. Kaya, masasabing ang isa sa mga unang impluwensiya sa kaisipan ni Rizal patungkol sa kalagayan ng lipunan ay ang kaniyang kapatid.

At palibahasa’y si Paciano ay malapit kay Burgos, napakatindi rin ang epekto kay Rizal (na noon 11 taong gulang pa lamang) ng pagpaslang kay Burgos kasama ang dalawa pang paring Pilipino na sina Mariano Gomez, at Jacinto Zamora. Ang tatlong paring martir na ito ang pinaghahandugan ni Rizal ng kaniyang nobela na El Filibusterismo, na naglalarawan ng kawalang katarungan at palugmok na kalagayan ng lipunan.

Si Rizal mismo ay nakaranas din ng kawalang katarungan na kaniyang ipinatutungkol sa kaniyang pagiging indio (Ito ang tawag ng mga Español sa mga Pilipino). Noong 1880, ang kaniyang “The Council of the Gods” ay pinaniwalaang pinakamahusay sa patimpalak subalit pinagkalooban lamang ng pangalawang pwesto nang malamang siya ay isang indio, at ipinagkaloob ang unang gantimpala sa isang Español (Capino, 1961, p. 189).

Malimit ding binabanggit ni Rizal ang isang pangyayari nang isang gabing hindi niya nabigyang pugay ang dumadaang alferez o teniente ng guwardiya sibil, sinaktan siya ng nasabing kawal. Idinulog niya ang pangyayaring ito sa gobernadora-heneral, subalit hindi siya binigyan ng pagkakataon na mapakinggan ang kaniyang hinaing (Palma, 1966, p. 37).

Ang kaniyang pamilya ang nakararanas din ng kaapihan mula naman sa mga Dominicano na nagpapaupa sa kaniyang ama ng lupain sa Calamba. Tinaasan ng makaitlo ang upa ng lupa, at ilang buwan lamang ang nakalipas ay dinoble na naman ang upa (Palma, 1966, p. 37).

Noong Mayo 1882, si Rizal ay tumungo sa Europe upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at sa iba pang kadahilanan at detalye nito na sila lamang ni Paciano ang nakaalam. Sa kaniyang pamamalagi sa España (1882-1885), nakasalamuha niya ang mga taong nagtataguyod ng kaisipan ng Enlightenment na may matinding panghahawak sa pangangatuwiran o pag-iisip ng tao (Bonoan, 1992, p. 54), at ang kaisipang liberal na malakas na bumabangon sa Europe (Capino, 1961, p. 184). Nakilala ni Rizal sa Universidad Central de Madrid sina Miguel Morayta at Pi Y Margal, mga masusugid na tagapagtaguyod ng mga kaisipang nakabatay sa diwa ng Enlightenment. Doon nagpasimula ang kaniyang paghanga sa mga manunulat na sina Voltaire at Rosseau, at ang impluwensiya sa kaniya ng mga kaisipan ni Kant. Si Morayta rin ang pinaniniwalaang humimok kay Rizal na sumapi sa Masonry, isang samahan na nagtataguyod ng kaisipan ng Enlightenment tungo sa Modernity na pinalaya mula sa tradisyunal na autoridad (Mojares, 2006, pp. 432-433).

Ang paglalakbay naman ni Rizal sa Germany mula Pebrero 1886 hanggang Mayo 1887 ang isa sa pinakamatinding yugtong pang intelektwal sa kaniyang buhay (Mojares, 2013, p. 164). Ito ang mga sandaling nagkaroon siya ng pagkakataong makisalamuha sa mga akademiko mula sa iba’t ibang larangan.

“Rizal’s personal contacts with well-known German scholars and professors who were members of the society for Anthropologie, Ethnology, and Pre-history contributed much in enriching his liberal thinking on many subjects… Jose Rizal’s meeting with German scholars broadened his outlook on fundamental human rights and liberties “(Capino, 1961, pp. 188-189).

Ang pakikipagkaibigan ni Rizal kay Ferdinand Blumenttrit, isang iskolar mula sa Austria na may malaking hilig sa pag-aaral ng Pilipinas, ang nagbigay ng daan upang makilala ni Rizal ang mga bantog na mga iskolar sa Germany katulad ni Virchow, Joest, at Jagor. Ang suporta na ipinakikita ni Blumenttrit ang lalong humimok kay Rizal na ipagpatuloy ang mga simualain nito alang-alang sa Pilipinas.

Sa Germany rin naipalimbag ang Noli Me Tangere noong 1887, ang kaniyang nobelang nagsasalamin sa kabulukan ng lipunan (kanser) na nagbunga ng pagkapoot sa kaniya ng mga prayle. Nilinaw ni Rizal sa kaniyang liham kay Vicente Barrantes noong 1890 na ang karanasan ng kaapihan at kawalang katarungan ang nagmulat sa kaniyang mga mata at nagbunsod na isiwalat ang mga ito sa pamamagitan ng kaniyang akda – ang Noli Me Tangere (salin nina Ramos, Rubin at del Rosario, 1989, p. 89). Nagbunga ito ng pag-uusig kay Rizal sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas noong 1888. Kaya, sa udyok ng mga taong malalapit sa kaniya, minabuti niyang bumalik sa Europe.

Ang pangalawang paglalakbay ni Rizal sa Europe (1888-1891) ang nagbigay-daan sa kaniya upang magmasid ng iba’t ibang mauunlad na mga lugar katulad Japan, California, New York, Roma, London, at maraming iba pa. Sa yugtong iyon, naglaan si Rizal ng panahon upang isiwalat ang kawalang-katarungan sa Pilipinas at pagsusulong ng mga pagbabago kasama ng ibang mga Pilipino roon na kilala sa tawag na propagandista. Nagsulat si Rizal sa pahayagang La Solidaridad (na roon nakapaloob ang kaniyang sanaysay na The Philippines, a Century Hence, at The Indolence of the Filipinos). Noong 1890, kinopya ni Rizal at nilagyan ng anotasyon ang akda ni Antonio de Morga na Sucesos de las Islas Filipinas na nalimbag noon pang 1609. At ang isa sa mga pinakamahalagang akda ni Rizal sa yugtong ito ay ang nobelang El Filibusterismo na pinalimbag sa Belgium noong 1891. Sa kabuuan, nilagom ni Bonoan (1994) ang paglalakbay ni Rizal sa Europe:

“The truth is that Rizal’s European experience brough about by a profound and radical change in his approach to his country’s problem as well as his general outlook in life” (17).

Kaisipang Sosyolohiko ni Rizal

Katulad ng nabanggit sa unahan, ang kaisipang sosyolohiko sa panahon ng mga klasiko ay nakatuon sa kanilang pagsusuri kung ano ang dahilan kung bakit hindi natupad ang hinahangad na pagbuti ng kalagayan ng tao sa modernong lipunan sa kabila ng inaasahang mabuting dulot ng enlightenment o paghahari ng katuwiran sa pamamalakad ng lipunan. Isang kabalintunaan kung gayon na ang enlightenment ang sinasandalan ni Rizal sa pagsusuri sa kawalan ng katarungan sa Pilipinas at ang kaniyang pagsusulong ng pagbabago. Ang ganitong pangyayari ayon kay Alatas (2017) ay maaaring unawain sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang na ang Modernity ay papasibol pa lamang sa Pilipinas sa ika-19 dantaon (p.164).

Ang isa pang katangian ng mga klasikong sosyolohista ay maingat na paggamit ng empirical inquiry sa pagsusuri ng lipunan, isang katangiang hayag na tinataglay ng pambansang bayani na lalong mababanaag sa sumusunod pang mga pagtalakay.

A. Ang Tao sa Modernong Lipunan

Taglay ang impluwensiya ng Enlightenment, si Rizal ang nagpakilala sa mga Pilipino ng mga kaisipan na hindi nila nararanasan sa ilalim ng pananakop ng mga Español, katulad ng pagkakapantay-pantay ng mga tao at lahi, ang karapatan ng bawat tao na hindi dapat labagin, ang halaga, at dangal ng tao (Fisher, 1956, p. 260). Ayon kay Rizal:

Man is not a brute, he is not a machine; his object is not merely to produce, in spite of the pretensions of some Christian whites who would make of the colored Christian a kind of motive power somewhat more intelligent and less costly than steam (Rizal, 1889/2004, p. 5).

May dalawang mahalaga at magkakaugnay na bagay na mahihinuha sa mga pangungusap na ito ni Rizal.  Una, ang pagtutol ni Rizal sa paghahalintulad ng tao sa hayop at makina na nakatalaga sa paggawa. Pangalawa, ang paglalatag ng dikotomiya sa pagitan ng mga puti (mga Europeo) at mga may kulay (mga Pilipino) , na isang pinag-ugatan ng palasak na kaapihan sa lipunan.

Tungkol sa pagtutol sa paghahalintulad ng tao sa hayop o makina, ito ay mauunawan sa pagbabalik-tanaw na loob ng 300 taon, ang mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng mga Español ay sumailalim sa sapilitang paggawa sa kung saan ang mga Pilipino (lalo na ang mga kalalakihan) ay itinalaga sa pagputol ng mga timbre upang gawing galyon.  Ang iba naman ay pinagsisilbing mga kawal at isinusuong sa mga digmaang kinasasangkutan ng Pilipinas.  Ang hindi makatuwirang pagpapataw ng buwis at panlilinlang na ginagawa ng mga Español sa pagbili ng mga ani ng mga Pilipino ay naging talamak upang lalong magkamal ng salapi ang mga mananakop at nagdudulot ng kaapihan sa mga Pilipino (Corpuz, 1997).

Patungkol naman sa dikotomiya sa pagitan ng mananakop (puti), at mga may kulay (mga Pilipino), isa ito sa mga binabaka ni Rizal kung kaya’t isinusulong niya ang pagkakapanta-pantay ng mga tao. Iminumulat na ng mga prayle sa mga Pilipino simula pa lamang sa kanilang kabataan na sila ay mababang lahi at ang kaisipang ito ay nahuhubog hanggang sa kaniyang paglaki (Rizal, 1890/2004, p. 18).  Ang isa sa mga tanyag na akda ng mga prayle na nagtataglay ng ganitong kaisipan ay ang kuwento na Tandang Basiong Macunat ni Fray Miguel Lucio y Bustamante kung saan idinidiin na ang isang indio ay hindi na marapat na maghahangad ng pagtuklas ng karunungan sapagkat ang kaniyang kaukulan ay tagapag-alaga ng kalabaw (Bustamante, 1885).

Kaya sa iba’t ibang pagkakataon, binibigyang diin ni Rizal ang tungkol sa pagkakapantay-pantay ng tao kahit anong lahing pinagmulan.  Sa kaniyang talumpati sa pagpaparangal kina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo sa Madrid, España noong Hunyo 25, 1884, tinuran niyang “…ang kataliningan (genio) ay walang pinipiling bayan; ang kataliningan ay tumutubo sa lahat ng pook…” (salin nina Ramos, Rubin at del Rosario1989).  Pinaalalahanan niya ang kapuwa niyang Pilipino sa pamamagitan ng liham kay Marcelo del Pilar noong Mayo 28, 1890, ang kaukulan ng kanilang pagtungo sa Europe ay hindi upang magsugal kundi ang gumawa para sa kalayaan (liberty) at dignidad ng kanilang lahi (sa Palma, 1966:131).

Ang dalawang aspektong ito ay mabubuod sa mga pananalitang ito ni Rizal:

Man’s object is not to satisfy tile passions of another man, his object is to seek happiness for himself and his kind by traveling along the road of progress and perfection (Rizal, 2004, p. 5).

Ang mga pangungusap ni Rizal ay kaniyang reaksyon sa kalagayan ng tao sa lipunan (lipunang Pilipino).  Hayag kay Rizal na ang mga Pilipino ay namumuhay sa katamaran, kamangmangan, at kawalan ng pag-asang umunlad.  At ang kalagayang ito ay naitimo na sa pagkatao ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbuo sa kaniyang kamalayan ang kaniyang magiging kalagayan sa lipunan, gaya ng mababanaag sa pananalita ng isang tauhan sa El Filibusterismo na si Don Custodio:

“When you want to subject the people, convince them that they are subject:  on the first day, they will laugh; the next day, they will protest; the third day, they will doubt; and the fourth they will be convinced.” (salin ni Bocobo, 1957)

At kapag ang kalagayang ito ay nasa kamalayan na ng tao, bunsod ng pagpapairal nito sa loob ng mahabang panahon, mawawalan na siya ng paghahangad na umunlad at tatanggapin na lamang niya anoman ang kaniyang kahihinatnan:

“But for him who, disillusioned by sad experience, saw everywhere discord and disorder, apathy and brutalization in the lower classes, discouragement and disunion in the upper, only one answer presented itself, and it was: extend his hands to the chains, bow his neck beneath the yoke and accept the future with the resignation of an invalid who watches the leaves fall and foresees a long winter amid whose snows he discerns the outlines of his grave. At that time discord justified pessimism—but three centuries passed, the neck had become accustomed to the yoke, and each new generation, begotten in chains, was constantly better adapted to the new order of things” (Rizal, 1892/1912, p. 20, sa akin ang pagbibigay-diin).

Ang ganitong kamalayan ay hindi na madaling baguhin gaya ng paglalarawan ni Simon, ang pangunahing tauhan sa El Filibusterismo:

“Twenty years of continuous slavery, of systematic humiliation, of ceaseless prostration will form in the soul a hump that cannot be straigtened out by one day’s job” (salin ni Bocobo, 1957). 

Ang pangyayari nga ng ito sa mga Pilipino ay dadalhin na ng kanilang salinglahi:

When the ethical abasement of the inhabitants had reached this stage, when they had become disheartened and disgusted with themselves, an effort was made to add the final stroke for reducing so many dormant wills and intellects to nothingness, in order to make of the individual a sort of toiler, a brute, a beast of burden, and to develop a race without mind or heart. (Rizal, 1889/2004, p. 13).

B. Ang Lipunan

Sa unahang pagtalakay sa kalagayan ng tao sa lipunan, may inilahad na dikotomiya – ang mananakop na mang-aapi, at ang mga inaapi na nalugmok sa katamaran at kawalan ng pag-asa. Kung paano ito napananatili sa lipunan, may paglalahad si Rizal tungkol sa dalawang magkatunggaling pwersa sa lipunan.

Ayon kay Rizal sa kaniyang sanaysay pa rin na “Ang Katotohanan para sa Lahat”, sa bawat bayan ay may binhi ng dalawang pangkatin. Ang isa ay binubuo ng mga may pinag-aralan, may kasarinlan, at may kakayahang mabuhay sa ganang sarili. Ang pangalawang pangkatin ay ang pangkatin ng mga hampaslupa, na tinaguriang maka-prayle dahil sumusunod sila sa mga prayle sa pag-aakalang ang mga prayle ay isang matibay na sandigan ngunit hindi nila ginagalang (sa Ramos, Ruben at Rosario 1989, 107). Ayon kay Rizal, nagsusumikap ang mga prayle na mamamalagi ang mga Indiyo sa kalagayang bulag upang gamitin sila sa pakikipagtunggali sa mga taong nasa unang pangkatin. Kinalaunan, ang mga malalapit sa prayle ang nakakuha ng pwesto sa pamahalaan sa sila namang mang-aabuso gamit ang kanilang kapangyarihan. At anoman ang kanilang kamalian ay mapagtatakpan sapagkat nasa panganganlong sila ng mga prayle (sa Ramos, Ruben at Rosario 1989, 107). Ang mga nasa unang pangkat na naghahangad ng makatuwirang pamamalakad sa lipunan ay nanganganib ang pamumuhay. Ang kayarian (structure) ng lipunan Pilipino, na siyang isa sa mga pangunahing sinisipat ng sosyolohiya, ay may malaking kinalaman sa ikapapamalagi ng sistemang naglulugmok sa kawalan ng kaunlaran sa lipunan.

Ang higit na masusing pagtalakay pa ni Rizal tungkol sa kalagayan ng lipunan na pinaghaharian ng kawalan ng pag-unlad, katamaran ng mga Pilipino, at iba pa, ay matutunghayan sa kaniyang sanaysay na The Indolence of Filipinos, na natalakay na sa napakaraming akda – sa larangan ng sosyolohiya ay sa panulat ni Alatas (2017). Bilang isang mangagamot, ang kalagayan ng lipunang Pilipino ay inilahintulad niya sa isang malubhang sakit. Ang Pilipinas (ang maysakit), ang katamaran (sakit), at ang manggamot (ang mga prayle at nasa pamahalaan). Iginigiit ni Rizal na hindi nalulunasan ang sakit sapagkat hindi natutukoy ang sanhi nito. Sa paningin ng mga prayle, ito ay bunga ng pagiging mababang uri (ng lahi) ng mga Pilipino na walang kakayahan sa pag-unlad. Samantala, sa pagsusuri ni Rizal, iginiit niya na ito ay bunga ng mahabang panahon ng sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop, maliban pa sa mga sanhi na dulot ng kapaligiran. Ang ilan sa mahahalagang bagay na mababanggit na nagbunga ng patuloy na pagkalugmok ng lipunan ay ang pandaraya at pagmamalupit ng mga encomendero, pagpapadala sa mga Pilipino sa mga ekspedisyong pandigma, sapilitang paggawa, at pagtatalaga sa kanila upang mamutol ng troso upang gawing galyon, na nagbunsod ng kawalang interes sa kanila na gumawa.

Kung kaya’t iminamatuwid ni Rizal na ang ganitong kalagayan ay hindi maibubunton sa mga Pilipino kundi sa mga nasa pamahalaan:

“We agree that there is much immorality in the Philippines, much confusion, much intrigue, and much misgovernment. But we are not going to blame the people for it; we do not always hold it responsible for another’s deficiency and our own. In a house, where the father of the family has unlimited authority, he is responsible for the state of things. The miseries of a people without freedom should not be imputed to the people but to their rulers. In order that one may be responsible, it is necessary that he is master of his actions, and the Filipino people is neither master of their actions nor of their thoughts.” (Rizal, 1889/1976, pp. 38-39).

Gayunpaman, bilang tagapagtaguyod ng Enlightenment, umaasa pa rin sila Rizal na ang lipunan ay mababago at mahuhubog pa tungo sa ikabubuti nito sa pamamagitan ng paghahari ng katuwiran:

It is necessary to attend to the needs of the people, if it is desired to keep their love. The Filipinos can neither be blinded nor enslaved; thereforethey must be given liberties and rights. There is no example ever in history that says that a people in the process of enlightenment can be made to go backward. (Rizal, 1889/1979, p. 37)

Matatamo ang mithiing ito kapag pinaghaharian makatarungang batas:

Peoples and governments are correlated and complementary: a fatuous government would be an anomaly among righteous people, just as a corrupt people cannot exist under just rulers and wise laws. Like people, like government, we will say in paraphrase of a popular adage.  (Rizal, 1890/2004, p. 17).

Ginamit ni Rizal na halimbawa ang ilang mauunlad na mga bansa:

“How is it strange that, the Philippines remain poor in spite of their very fertile soil, when history tells us that the countries now the most flourishing date their development from the day of their liberty and civil rights? The most commercial and most industrious countries have been the freest countries: France, England and the United States prove this. Hongkong, which is not worth the most insignificant of the Philippines, has more commercial movement than all the islands together, because it is free and is well governed. (Rizal, 1890/2004, p. 13).

Kung inaasahan ni Rizal na mapangingibabaw ng pamahalaan at lipunan ang kabutihan at maituwid at masupil ang kasamaan (Rizal, 2004, p. 6).

C. Ang Kaalamang Panlipunan at Kasaysayan

Simula pa sa kaniyang kabataan, ipinamalas na ni Rizal ang kaniyang masidhing panghahawak sa pagkakaroon ng kaalaman. Kahayagan nito ang kaniyang tula na To the Filipino Youth kung saan ay hinimok niya ang mga kabataan na magsikhay ng karunungan. Sa kaniyang tula na pinamagatang, Por la Educación Recibe Lustre la Patria na kaniyang isinulat noong siya ay nag-aaral sa Ateneo Municipal de Manila, binaggit niyang “… gayon din ang dulot niyong karunungan na nagpapayabong sa sangkatauhan…” (salin nina Ramos, Rubin at Rosario, 1989, p. 12). Ayon kay Rizal, sa pamamagitan ng edukasyon, lahat ng tao, kahit anong lahi, ay maaaring palaguin at sanayin upang tugunin ang mga suliranin na kinakaharap ng sangkatauhan (Fisher, 1959, p. 263).  Ang ganitong kahalagahan ay maaaninag sa mga pangungusap ni Ibarra kay Elias na kapuwa mga pangunahing tauhan sa nobelang Noli Me Tangere:   “I desire its (country) good, that is why I am putting up a school;  I will seek for that good by means of instruction, by progressive advancement.  Without light, there is no way” (Rizal, 1887/1966, p. 337).

Patungkol sa kinakaharap na suliranin ng lipunang Pilipino, binigyangdiin ni Rizal sa kaniya namang “Liham sa Kadalagahan ng Malolos” ang kahalagahan ng karunungan na naisasalin sa mga musmos pa lamang:

“Maghunus-dili nga tayo at imulat natin ang mata, lalung lalo na kayong mga babae, sapagkat kayo ang nagbubukas ng loob ng tao… Gisingin at ihanda ang loob ng anak sa balang mabuti at mahusay na akala: pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pag-iisip, malinis na asal, maginoong ugali, pag-ibig sa kapuwa, at pagpipitagan sa Maykapal…” (Rizal, 1889).”

Sa kabuuan ng liham na ito ay mababakas ang kaisipan ni Rizal tungkol sa paghahanda ng salinlahi na nahubog sa wastong kaisipan at laya mula sa kamangmangan.

Sa paghimok sa mga tao na gumawa ng dakilang bagay, ayon kay Rizal, marapat munang kilalanin ng mga tao ang kanilang sarili. Ito ang pinagdidiinan niya kay Ferdinand Blumenttrit sa kaniyang liham noong Abril 13, 1887, kung kaya’t isinusulong niya ang pagtatayo ng Philippine Studies sa bansa – lamang ay hindi siya pinahintulutan:

“If I could only be a professor in my country, I would stimulate these Philippine studies which are like the nosce te ipsum that gives the true concept of one’s self and drives nations to do great things” (Rizal & Blumenttrit, 1992).

Upang matupad ang hinahangad niya na pagkaalam ng mismong sarili, si Rizal din mismo ang nagpatunay nito nang kaniyang kopyahin at bigyang anotasyon noong 1890 ang akda ni Antonio de Morga na Sucesos de las Islas Filipinas na nalimbag noong 1609. Si Morga ay isang opisyal ng pamahalaan sa mga unang mga taon ng Pilipinas bilang kolonya. Binalikan ni Rizal ang kadakilaan ng mga Pilipino bago dumating ang mga mananakop, gamit ang mga matatandang naratibo katulad ng isang kasulatang Tsino na naisulat noong ika-13 dantaon, ang tala ni Pigafetta noong ika-16 na dantaon, ang mga tala ng mga naunang misyonerong Español, at mga akda na naisulat tungkol sa mga bansa sa malayong silangan (Rizal, 1890/2004, p. 7). Pinatunayan ni Rizal na bago pa dumating ang mga Español, may mayabong nang kalakaran ang Pilipinas sa mga karatig nitong lugar, may sistema ng pagsulat, may pamahalaan, mayabong na agrikultura, at sandatahang pakikipagdigma, (Rizal, 1890/2004, p. 7-8). Gayundin, pinatotohanan ng mga unang mga paring misyonero na ang mga Pilipino ay namumuhay nang may kalinisan, mabuting pag-uugali, at mga sining katulad ng musika at sayaw (Rizal, 1890/2004, p. 16).

Ang anotasyon ni Rizal sa akda ni Morga ay isang kahayagan ng paggamit ng kaalamang kasaysayan sa pagtutuwid sa malaganap na kaisipang ipaiiral ng mga dayuhan, at ang iba pa niyang akda, pangunahin na ang The Indolence of Filipinos at The Philippines, a Century Hence, ang naglalahad ng proseso mula sa maningning na nakaraan ng Pilipinas patungo sa lugmok na kalagayan nito.

Ang pinakatampok na bahagi ng pangangatuwiran ng Enlightenment ay ang panghahawak sa katuwiran hindi lamang sa pag-unawa sa mundo kundi sa pagsusulong ng ikabubuti nito (Royce, 2015, 4). Isinusulong ni Rizal ang pagpapalaganap ng kaalaman sa lipunan sa pamamagitan ng edukasyon sapagkat para kay Rizal, ito ang paraan upang ang mga Pilipino ay mapalaya mula sa paninikil ang pang-aapi ng mga dayuhan.

D. Tungo sa Hinahangad na Kalagayan ng Lipunan

Ang hinahangad ni Rizal na kalagayan ng lipunan na malimit nang nababanggit sa unahang pagtalakay ay maaaring matupad sa Pilipinas bilang kolonya hangga’t ang mga inaasam na katarungan at pagkakapantay-pantay ay maisasakatuparan. Sa kaniyang sanaysay na The Philippines, a Century Hence, sinabi niyang:

“To recapitulate: the Philippines will remain Spanish, if they enter upon the life of law and civilization, if the rights of their inhabitants are respected, if the other rights due them are granted, if the liberal policy of the government is carried out without trickery or meanness, without subterfuges or false interpretations. Otherwise, if an attempt is made to see in the Islands a lode to be exploited, a resource to satisfy ambitions, thus to relieve the sovereign country of taxes, killing the goose that lays the golden eggs and shutting its ears to all cries of reason, then, however great may be the loyalty of the Filipinos, it will be impossible to hinder the operations of the inexorable laws of history. Colonies established to subserve the policy and the commerce of the sovereign country, all eventually become independent…” (Rizal, 1890/2011, p. 37).

Sa pagsasakatuparan ng hinahangad na kalagayan ng lipunan, si Rizal at ang kasama niyang mga propagandista, sa pamamagitan ng kanilang mga sulat, ay walang humpay na nananawagan ng pagbabago sa bansa. Subalit hindi lamang sa retorika ipinakikita ni Rizal ang mithiin niyang ito kundi pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng mga gawa, na maaaring mapagtanto sa pamamagitan ng tatlong pangyayari sa kaniyang buhay. Una, ay ang kaniyang mungkahi sa gobernador na pahintulutan silang makapagtatag ng kolonya sa Borneo. Inilatag niya ang kaniyang plano tungkol sa pagsusulong ng kabuhayan, edukasyon, at mapayapang pamumuhay (Palma, 1966). Pangalawa, ang kaniyang pagtatangkang itatatag ang La Liga Filipina na ayon sa kaniyang gagtatanggol sa sarili na isinulat noong 1896 ay naglalayong pasiglahin ang pangangalakal, kabuhayan, sining, at iba pa sa pamamagitan ng pagkakaisa (sa Ramos, Rubin & Rosario, 1989, 232). Pangatlo, ay ang kaniyang pamumuhay sa Dapitan kung saan isinulong niya ang pagtuturo sa mga kabataan, panggagamot nang walang bayad sa mga mahihirap, agrikultura, at maraming iba pa (tingnan ang pagtalakay ni Chua sa kasunod na artikulo para sa mas detalyadong pagtalakay).

Sa kabila ng pagsisikap na ito ni Rizal, hindi niya naramdaman ang inaasam na pagbabago sa kamay ng mga Español kung kaya’t sumagi na rin sa kaniyang isipan ang pagkakaroon ng kasarinlan (Claudio, 2019, p. 26). Bilang maalam sa kasaysayan ng maraming bansa, batid ni Rizal ang karaniwang bunga ng patuloy na paniniil at walang katarungan sa lipunan – ang pag-aaklas tungo sa kalayaan o kasarinlan. Ayon kay Rizal, sa tala ng kasaysayan ng España ang mga pag-aalsa ay karaniwang bunga ng pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag (Rizal, 1890/2011, p. 31).

Sa kaniyang akda na The Truth for All, inilahad ni Rizal ang kaisipan tungkol sa maaaring pag-aklas:

“The educated Filipinos, the liberals, who increase every day thanks to persecutions, and we the Filipino youth in Europe who have dedicated our strength to the benefit of our country, we guarantee it. They could simulate another uprising, like that of Cavite, and cut off the throats of so many educated heads” – Rizal (1889/1979, p.44)

Subalit, tungkol sa katanungan kung si Rizal ba ay sang-ayon sa paglulunsad ng himagsikan, ito ay nananatiling pinagtatalunan. Ayon kay Claudio (2019):

“Though he was ambivalent about the Philippine revolution, his writings set the stage for the revolutionaries of the Katipunan, which called him their honorary president and used his name as a rallying cry. The liberal Rizal inspired the first anti-colonial revolution in Asia… At best, we can speculate that Rizal admired the revolutionaries and shared their belief that reform was hopeless under the Spanish government. But we must also acknowledge his lingering ambivalence about revolutionary violence and the immediate creation of a new political system without adequate preparation” (pp. 26, 33).

Si Rizal at ang Sociological Imagination

Malinaw na naitampok sa mga akda ni Rizal ang isinusulong ni Mills sa kaniyang Sociological Imagination: ang paghubog ng lipunan sa tao na mauunawaan sa pagtingin sa kaniyang kasaysayan, at ang paghubog naman ng tao sa lipunan.  Pinatunayan ni Rizal gamit ang mga talang pangkasaysayan na ang Pilipinas bago dumating ang mga mananakop ay kinabakasan na ng mayabong na kultura, kalakalan, at pamayanan. Iginiit ni Rizal na ang kayarian ng lipunan na ipinatupad ng mga mananakop – pagbabago sa pamayanan, pamahalaan, ekonomiya, at iba pa na inilalarawan ng pang-aabuso, pang-aapi, pandaraya, at kawalan ng katarungan – ang humubog sa kaisipan, damdamin, at kaugalian ng mga Pilipino.  Ang nabuong kaisipan, damdamin, at kaugalian sa panig ng mga Pilipino – katamaran, kamangmangan, kawalan ng pag-asa, at kawalan ng pag-unlad – ang siya namang nagbibigay ng larawan sa bansa noong ika19 dantaon kung kailan matamang pinagmamasdan ni Rizal ang lipunang kaniyang ginagalawan.

Hindi lamang sa panig ng mga indibidwal na Pilipino patungkol ang kaisipan ni Rizal kundi sa kayarian ng lipunan.  Mababakas sa mga akda ni Rizal na ang tunggalian sa paghawak sa kapangyariahan sa pagitan ng mga nasa pamahalaan at mga prayle, at ang kanilang pagsusumikap na magkamit ng salapi na nauwi sa kapabayaan sa kanilang gampanin, pandaraya, kasakiman, at pang-aabuso na nagbunsod ng hindi maayos na pamamalakad sa lipunan.

Ang kaisipan ni Mills tungkol sa issue, kung gayon, ay lapat sa pagtalakay ni Rizal tungkol sa sanhi ng lugmok na kalagayan ng mga Pilipino na binabanggit sa itaas:  Ito ba ay bunga ng kalikasan ng lahing Pilipino (race) bilang mababang uri ng lahi na walang kakayahang umunlad gaya ng iminamatuwid ng mga Español; o ito ay bunga ng mahabang panahon ng kanilang karanasan na humubog sa lipunan na kanilang ginagalawan?

Ang paghahambing ni Rizal ng iba’t ibang kabihasnan at karanasan ng mga bansa ay maitatampok din sa hinahanap ni Mills na paraan ng pag-unawa sa lipunan. At ang isa pang lapat na lapat sa katangian ng mga klasikong sosyolohista batay sa isinusulong ni Mills ay ang paggamit ni Rizal ng kasaysayan at mga aktwal na pangyayari sa kaniyang ginawang pagsusuri sa lipunan.

Tungkol naman sa pag-aaninag sa landas na tutunguhin ng lipunan gamit ang kaalamang pangkasaysayan (Mills 1959, 5), tumpak din ang kaisipan ni Mills sa pahayag na ito ni Rizal sa The Philippines, a Century Hence:

“In order to read the destiny of a people, it is necessary to open the book of its past, and this, for the Philippines, may be reduced in general terms to what follows” (Rizal, 1890/2011, p. 17).

Konklusyon

Si Rizal, bilang tagapagtaguyod ng Enlightenment na nagsusulong ng katuwiran, katarungan, at kaunlaran sa lipunan ay nabuhay sa panahong ang sosyolohiya bilang displinang pangkaalaman ay sumisibol pa lamang. Bagama’t hindi nakasalamuha ni Rizal ang mga kinikilalang haligi ng sosyolohiya, ipinakita ni Rizal ang isang sistematikong pag-aaral tungkol sa lipunang Pilipino. Ang paraan ng kaniyang pagtalakay sa lipunan ay nakakatulad rin ng mga klasikong manunulat – maingat na pagtingin sa kayarian ng lipunan at ang epekto nito sa kamalayan at kilos ng mga tao, gayundin ang pagbabago sa lipunan dulot ng mga gawa ng mga tao; paggamit ng empirical inquiry sa pagsusuri sa lipunan; paghahambing ng mga lipunan; at pagkilala sa kahalagahan ng kasaysayan sa pag-aaral sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan at sa pag-aaninag ng maaaring kahihinatnan nito – na siyang hinahangad ni Mills (1959) na katangian ng mga nag-aaral sa lipunan. Ang papel na ito ay maituturing na panimulang pagtalakay tungkol kay Rizal sa larangan ng sosyolohiya at maaari pang paunlarin sa pamamagitan ng pagsipat nito sa iba pang aspekto ng nasabing disiplina.

Sanggunian

Alatas, S. F. (2001). Alternative discourses in Southeast Asia. Sari: Journal of the Malay World and Civilization, 19, 49–67. https://ssrn.com/abstract=2650589

Alatas, S. F. (2011). On Eurocentrism and laziness: The thought of José Rizal. Global Asia, 6(1). https://www.globalasia.org/v6no1/book/on-eurocentrism-and-laziness-the-thought-of-jose-rizal_syed-farid-alatas

Alatas, S. F. (2015). Rizal, José (1861–96). The Wiley Blackwell encyclopedia of race, ethnicity, and nationalism, 1–4. https://doi.org/10.1002/9781118663202.wberen998

Alatas, S. F., & Sinha, V. (2017). Sociological theory beyond the canon. Palgrave Macmillan.

Bonoan, R. J. (1992). The Enlightenment, deism, and Rizal. Philippine Studies, 40(1), 53–67. http://www.jstor.org/stable/42633293

Bonoan, R. J. (1994). The Rizal-Pastells correspondence: The hitherto unpublished letters of José Rizal and portions of Fr. Pablo Pastells’ fourth letter and translation of the correspondence, together with a historical background and theological critique. Ateneo de Manila University Press.

Calhoun, C. J. (2007). Classical sociological theory (2nd ed.). Blackwell Publishing.

Capino, D. G. (1961). José Rizal and his meaning for Germany. Internationales Jahrbuch für Geschichtsunterricht, 8, 183–194. http://www.jstor.org/stable/43054787

Casini, P. (1988). Newton’s Principia and the philosophers of the Enlightenment. Notes and Records of the Royal Society of London, 42(1), 35–52. http://www.jstor.org/stable/531368

Claudio, L. E. (2019). José Rizal: Liberalism and the paradox of coloniality. Palgrave Macmillan.

Coates, A. (1982). Rizal: Philippine nationalist and martyr. Oxford University Press.

Constantino, R., & Constantino, L. R. (1975). The Philippines: A past revisited. R. Constantino.

Corpuz, O. D. (1957). The bureaucracy in the Philippines. University of the Philippines, Institute of Public Administration.

Corpuz, O. D. (1965). The Philippines. Prentice-Hall.

Corpuz, O. D. (1997). An economic history of the Philippines. University of the Philippines Press.

Curato, N. (2013). A sociological reading of classical sociological theory. Philippine Sociological Review, 61(2), 265–287. http://www.jstor.org/stable/43486376

Curaming, R. A. (2017). Rizal and the rethinking of the analytics of Malayness. Inter-Asia Cultural Studies, 18(3), 325–337. https://doi.org/10.1080/14649373.2017.1345348

David, R. S. (2021, July 16). Conversations on sociology and anthropology: Divergence and intersections. Forum.

Domingo, B. B. (1983). Rizal in Germany. Foreign Service Institute.

Dwyer, P. G., & McPhee, P. (2006). The French Revolution and Napoleon: A sourcebook. Routledge.

Encyclopedia Britannica. (1988). Industrial revolution. Encyclopedia Britannica, Inc. https://www.britannica.com/event/Industrial-Revolution#ref347982

Fisher, M. J. (1956). José Rizal: Asian apostle of racial equalitarianism. The Journal of Modern History, 28(3), 259–265. http://www.jstor.org/stable/1876237

Go, J. (2016). Postcolonial thought and social theory. Oxford University Press.

Guillermo, R. (2011). The problem of Indio inferiority in science: Rizal’s two views. Philippine Studies, 59(4), 471–493. http://muse.jhu.edu/article/459186

Heilbron, J. (2015). French sociology. Cornell University Press.

Hessel, E. A. (1983). The religious thought of José Rizal. New Day Publishers.

Manuel, F. E. (1982). The age of reason. Greenwood Press.

Mills, C. (1959). The sociological imagination. Oxford University Press.

Mojares, R. B. (2006). Brains of the nation: Pedro Paterno, T. H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes, and the production of modern knowledge. Ateneo de Manila University Press.

Mojares, R. B. (2012). José Rizal and the birth of the social sciences in the Philippines. Budhi: A Journal of Ideas and Culture, 16(2), 30–41.

Mojares, R. B. (2013). José Rizal in the world of German anthropology. Philippine Quarterly of Culture and Society, 41(3–4), 163–194. http://www.jstor.org/stable/43854727

Moravia, S. (1980). The Enlightenment and the sciences of man. History of Science, 18(4), 247–268. https://doi.org/10.1177/007327538001800402

Morga, A. D. (1890). Sucesos de las Islas Filipinas. Paris: Lib. de Garnier Hermanos.

More, C. (2006). Understanding the Industrial Revolution. Routledge.

Palma, R. (1966). The pride of the Malay race. Prentice Hall.

Petorio, Z. D. (2005). The Philippines’ dysfunctional bureaucracy: An analysis of its historical causes [Unpublished manuscript].

Ritzer, G., & Ryan, M. (2007). Blackwell encyclopedia of sociology online. Wiley-Blackwell.

Rizal, J. P. (1889). Ang liham ni Dr. José Rizal sa mga kadalagahan sa Malolos, Bulacan. Project Gutenberg. https://www.gutenberg.org/files/17116/17116-h/17116-h.htm

Rizal, J. P. (1912). The Philippines a century hence. Project Gutenberg. https://www.gutenberg.org/files/35899/35899-h/35899-h.htm

Rizal, J. P. (1913). The indolence of the Filipino. Project Gutenberg. https://www.gutenberg.org/cache/epub/6885/pg6885.html

Rizal, J. P. (1957). El Filibusterismo (Unexpurgated) (J. Bocobo, Trans.). R. Martinez & Sons.

Rizal, J. P. (1996). Noli Me Tángere (M. S. Lacson-Locsin & R. L. Locsin, Trans.). Bookmark, Inc.

Royce, E. C. (2015). Classical social theory and modern society: Marx, Durkheim, Weber. Rowman & Littlefield.

Schumacher, J. N. (1997). The propaganda movement 1880–1895: The creator of a Filipino consciousness, the maker of revolution. Ateneo de Manila University Press.

Turner, B. S. (1999). Classical sociology. SAGE Publications.

1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading