Si Jose Rizal sa Paglingon sa Maningning na Nakaraan ng Pilipinas

Tara R. Reyes – Hernandez
University of the Philippines Diliman

How to Cite:
Reyes-Hernandez, T. R. (2022). Si Jose Rizal sa paglingon sa maningning na nakaraan ng Pilipinas. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 68-77. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-urCsjrspsMNnNp

Abstrak

Lingid sa kaalaman ng marami, nag-anotasyon si Jose Rizal sa “Sucesos de las Islas Filipinas” ni Antonio Morga na resulta ng kaniyang pananaliksik tungkol sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas. Layunin ng papel na ito na ipakita ang kahalagahan ng anotasyon ni Rizal sa pagbubuo ng pagpapanahong pangkasaysayan ng Pilipinas noong ika-19 dantaon. Bagama’t mas tinatalakay ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, kakikitaan ang ‘Sucesos’ ng kahalagahan pagdating sa usaping kaisipan tungkol sa kolonyalismo noong ika-16 at ika-19 dantaon. Nang sinakop ang Pilipinas noong ika-16 dantaon, ginamit ng mga Español ang sinaunang kulturang Pilipino bilang mabigat na kadahilanan sa pagpapatupad ng kolonyalismo. Tiningnan ang sinaunang kultura bilang masama at dapat baguhin upang maabot ng mga Pilipino ang sibilisadong buhay. Ngunit nang nagbago ang pananaw ng mga Español sa kolonyalismo noong ika-19 dantaon, nagkaroon nang pagkakataon na ipakita at iangat ni Rizal, sa tulong ng akda ni Morga, ang mga sinaunang Pilipino bilang maunlad at marangal na lahi na binansot at sinamantala ng mga Español. Sa anotasyon ni Rizal kay Morga, mabubuo ang pagpapanahon pangkasaysayan ni Rizal na nagpapakita ng isang maningning na nakaraan na naudlot dahil sa kolonyalismo na siyang dapat nang tapusin upang makamit ng mga Pilipino ang kaunlarang ipinagkait sa kanila.

Mga Susing Salita: Jose Rizal, Pilipinas, anotasyon, Sucesos de las Islas Filipinas, Morga

Panimula

Maraming naisulat ang bayaning si Jose Rizal sa kaniyang maikling buhay. Pinakasikat sa mga ito ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Pinaniniwalaan na nagbunsod ang mga nobelang ito ng Himagsikan dahil sa pagmumulat sa mata ng mga Pilipino sa paghihirap sa ilalim ng kolonyal na pamamahala kaya naman pinapabasa ito sa lahat ng mga mag-aaral sa Pilipinas. Sa kabilang banda, may isa pang akda si Rizal na hindi kadalasang binabasa o inaaral ngunit mahalaga rin kung hindi man mas mahalaga. Ito ang pagbibigay niya ng anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio Morga. Sa akdang ito, tinalakay niya ang pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino at maging ng naging epekto ng kolonisasyon sa kabihasnang Pilipino. Partikular sa akdang ito ang pagsagot at pagpapaliwanag ni Rizal sa mga tiningnan ng mga Español na “masasamang ugali at katangian” ng mga sinaunang Pilipino. Marahil ay mahirap tanggapin na may panahon na kailangang gawin ito. Hindi maganda sa ating panlasa sa kasalukuyan ang paghilahil ng mga tao ayon sa kanilang lahi o pinanggalingan ngunit ito ang laganap na paniniwala noon sa Kanluran. Bagama’t hindi pa nawawala ang rasismo, maaaring hindi pa rin nauunawaan ang buhay sa isang lipunan na ito ang batayang sistema tulad noong panahon ng kolonyalisasyon sa Pilipinas. Magandang isakonteksto ang pinanggalingan ni Rizal upang maunawaan ang halaga ng kaniyang pag-anota sa akda ni Morga. Magandang malaman muna kung bakit kinailangan ng ganitong pag-aaral upang mabago ang kaisipan tungkol sa mga Pilipino upang maunawaan ang akda ni Rizal.

Layunin ng papel na ito ang talakayin ang pagpapanahong kasaysayan na nabuo ni Rizal tungkol sa nakaraan ng Pilipinas noon. Ilalahad din ang konteksto sa panahon ni Rizal upang mas maunawaan kung bakit niya ginawa ang anotasyon. Sa pamamagitan nito, malilinawan ang kahalagahan ng anotasyon na kadalasa’y isinasantabi ng mga mananaliksik. Sa pag-aaral nito, mauunawaan ang pananaw at husga ni Rizal sa kaniyang sariling lahi at maging sa kolonyalismo na dinanas nito.

Kaisipang Imperyal
Isa ang kaharian ng España sa mga pinakamaagang modernong imperyal na bansa. Matapos ang panahong Midyibal, umarangkada ang mga kahariang Aragon at Castille na nagtaboy sa mga Muslim paalis ng España. Tinawag nila ang panahon na ito na Reconquista na isang maningning na tagumpay laban sa Islam na relihiyon ng maraming mauunlad na sultanato noon. Nagbuklod sa ilalim ng mag-asawang Fernando ng Aragon at Isabel ng Castille ang mga kaharian na siyang naging bansang España. Ginawa nilang opisyal na wika ang Kastila. Katolisismo naman ang opisyal na relihiyon. Sa ilalim ng kanilang pananampalatayang Katoliko, ang malakas na pagnanais na isailalim sa konbersyon ang mga bansang di-Katoliko. Naging mahalagang instrumento ng kumbersyon ang modernong paglalayag na nilinang ng mga Portuges na nagbigay ng pagkakataon na mapuntahan ang iba pang mga lupain na hindi pa nila naabot. Hiniram ng mga Español ang teknolohiyang ito at nagtagumpay sila sa kolonisasyon sa Amerikas hanggang sa Pilipinas (Kamen 2004).

Bilang mga kolonisador, nagkaroon sila ng pagsasanay at nalinang pa ang kanilang pormula sa kolonisasyon dahil sa karanasan sa Amerikas. Doon nila napagtanto na kailangang turuan nila ang mga pagano nang Kristyanong pananampalataya at pamumuhay upang maiangat ang antas ng mga taong ito. Sentral sa kanilang kolonisasyon ang pagtatayo ng mga pueblo kung saan pangangalagaan ang espiritwal na edukasyon. Kaya naman sa pananakop nila sa Pilipinas, nagtayo sila ng mga pueblo at nagpadala ng mga pari na siyang mangangaral sa kanilang mga simbahan. Ayon sa mga unang pari sa Pilipinas, lubhang maraming suliranin ang mga Pilipino sa kanilang lipunan tulad halimbawa ng katamaran at digmaan. Higit sa lahat, pagsamba kay Satanas ang turing nila sa sinaunang relihiyon ng mga Pilipino dahil hindi ito Kristyanismo. Para sa mga Español sapat na ang mga katangiang ito upang isailalim sa kolonyal na pamamahala ang mga Pilipino (Aduarte 1640; Alcina 2005; Chirino 2009; Plasencia 1589).

Pagbabago ng Kamalayan
Nang masadlak ang mga Pilipino sa kolonyalismo, nabago ang kanilang pamumuhay at relihiyon. Hindi nakapagtataka na unti-unting pumasok na rin ang rasismong kaisipan ng mga Español sa kaisipan ng mga Pilipino. Magandang halimbawa nito ang paglitaw ng karakter na si Juan Tamad sa kaalamang-bayang Pilipino. Maraming kwento si Juan Tamad tulad ng paghiga nito sa ilalim ng puno ng bayabas nang nakanganga habang naghihintay na bumagsak ang bayabas sa kaniyang bibig (Castillo 2017). Pinatutunayan ni Juan Tamad ang pagtanggap ng mga Pilipino sa paratang na sila ay tamad na lubos na inuulit-ulit sa kanila ng mga Español. Gayundin, may pangkat ng mga Pilipino na naging mala-Español na rin ang pag-iisip dahil sa kanilang pakikisalamuha at pagpapasailalim sa kolonyal na istruktura tulad halimbawa ng mga paaralan ng mga pari kung saan din sila natutong gumamit ng Español at nag-astang “elit” kumpara sa ibang mga Pilipino (Salazar 2016). Kasama sa katayuang ito ang pag-iisip gaya ng Español na detrimental sa kanilang pananaw sa sariling lahi dahil sa malalim na rasismo sa kaisipang Español. Sa kasamaang-palad, naging suliranin ito ng mga Pilipino.

Makikita rin ang kaisipan na ito sa kaayusang panlipunan. Bilang mga “indio”, pinakamataas na posisyon sa pulitika ang gobernadorcillo o alkalde ng bayan sa ating kasalukuyang katawagan. Hindi rin tinatanggap noon sa kaparian ang mga Pilipino. Sa madaling salita, walang kakayahan ang mga Pilipino noon na makibahagi sa paggawa ng mga polisiya sa bansa. Wala silang kontrol sa patakaran sa ekonomiya o sa kalakaran sa simbahan. Sa mga gawain lang sa bayan bilang mga gobernadorcillo at cabeza de barangay ang kanilang nagagawa. Anumang matataas na katungkulan ay ipinagkait sa mga Pilipino kahit sa panahong naging laganap na ang mga edukadong Pilipino noong ika19 na siglo. Sa panahong ito, nakapagpatayo ng dagdag na paaralan para sa mga Pilipino (Arcilla 1972). Isang halimbawa nito ang Ateneo de Municipal kung saan pumasok si Rizal noong kaniyang kabataan. Nagkaroon din ng pagkakataon si Rizal at maging ibang kabataang lalaki na mag-aral sa Europe upang maging mga propesyunal (Schumacher 1997). Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang kanilang edukasyon upang magkaroon ng mataas na posisyon sa pamahalaan. Malinaw ang patakaran na hindi maaari ang kanilang lahi na iluklok sa mataas na pulitikal na ranggo. Sa likod ng kanilang edukasyon at kasanayan sa Europe, tinitingnan pa rin silang hindi nararapat.

Sinaunang Kasaysayan Bilang Propaganda
Malalim ang dahilan ng mga Español kung bakit ayaw nilang bigyan ng pantay na karapatan ang mga Pilipino na muntik nang maipatupad sa ilalim ng Konstitusyon ng Cadiz (Camagay 2013). Nakabase ito sa matandang paniniwala pa nila na may mga kapintasan ang lahing Pilipino dahil sa ito ang natural na katangian ng lahi. Ito rin ang mga kaugalian na ninais nilang baguhin nang nagsimula sila ng kolonisasyon sa kapuluan. Dahil dito, binalikan ni Rizal ang mga sinaunang naisulat tungkol sa mga Pilipino upang makita talaga kung totoo ang mga kapintasang ito. Sa pamamagitan ng paglingon sa sinaunang kasaysayan, maaaring pabulaanan ang husga sa mga sinaunang Pilipino. Ang mismong mga sulatin ng mga Español upang ilugmok ang lahing Pilipino, ang pinagbasehan ni Rizal upang iangat naman ang kanilang mga ninuno. Binalikan niya ang mga nasulat tungkol sa mga sinaunang Pilipino ngunit gamit na ang ibang lente. Bilang Pilipino na nakapag-aral, handa na si Rizal upang magbigay nang mas siyentipikong pag-aaral sa sinaunang lipunang Pilipino.

Sa kabutihang-palad, laganap na sa Europe ang pag-aaral ng mga sibilisasyon. Sa kaniyang pakikipagtalastasan sa mga eksperto sa Pilipinas, nakilala niya ang Austrian na si Ferdinand Blumentritt. Itinuro ni Blumentritt si Rizal sa London upang basahin ang Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio Morga upang makadagdag sa kaniyang pananaliksik sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas. Nagpunta naman si Rizal sa British Museum at kinopya gamit ang sulat kamay ang akda ni Morga. Imbes na gumawa ng sariling katha tungkol sa paksa, napagdesisyunan ni Rizal na ilathala na lang muli ang aklat ni Morga kasama ang kaniyang mga anotasyon. Nagpursige si Rizal sa London na busisiin ang mga sinabi ni Morga. Ginamit din niyang basehan ang ibang mga sulatin sa panahong iyon upang susugan ang kaniyang mga anotasyon tulad ng salaysay ni Antonio Pigafetta, Thomas Cavendish, at Francis Drake, at mga paglalahad nina Pedro Chirino, Martin de Rada, Diego Aduarte, Juan de Plasencia, Gaspar de San Agustin, Francisco Colin at Sinibaldo de Mas. Itinama niya ang anumang salungat na nasabi ni Morga. Naglagay din siya ng mga argumento sa anumang pahayag ni Morga na hindi siya umaayon. Noong 1890, nagbunga ang pagpupursige ni Rizal at nailathala na ang kaniyang akda (Morga, 2008).

Mga Kultural na Di-Pagkakaunawaan
Makikita sa mga anotasyon ni Rizal ang mga paglilinaw sa ilang mga konsepto na binanggit ni Morga. Tinatama rin niya ang baybay ng mga salita partikular na ang mga lugar. Naglalagay din siya nang pagtatama sa anumang nasabi ni Morga na hindi angkop sa totoong kahulugan ng konsepto. Sa bahaging ito, malinaw na umupo si Rizal sa posisyon ng kapangyarihan na tila isang patnugot ni Morga. Palatandaan ito ng magandang pagtingin ni Rizal sa kaniyang sariling kaalaman at galing upang maitama ang mga salungat na impormasyon. Higit pa rito, makikita rin ang malalim na pananaliksik ni Rizal upang maisagawa ang mga anotasyon. Isang halimbawa nito ang pagtuligsa niya sa depiksyon ng isang taga-Moluccas na si Anacaparan. Isang pinuno si Anacaparan na nilarawan ni Morga na “tyrant” o malupit. Ani Rizal, makikita sa salaysay na hindi malupit na pinuno si Anacaparan. Nilahad pa ni Rizal ang kanluraning depinisyon ng “tyrant” at ipinakita na hindi ganun si Anacaparan. Ipinagtanggol pa niya si Anacaparan na nagtatanggol lamang ng kaniyang pamayanan (Morga 2008). Mapapansin dito ang mataas na pagunawa ni Rizal sa mga konseptong kanluranin na tila isa siyang tagapamagitan sa pagpapaliwanag sa mga pahayag.

Maningning na Nakaraan
Nagpakita rin ng pananaw si Rizal tungkol sa mga estado ng mga sinaunang Pilipino. Naglagay si Rizal ng mga anotasyon nang tinalakay ang ilang mga susing tao tulad nina Lapu-Lapu at Panday Pira. Maigsi lamang ang pagtalakay ni Morga kay Lapu-lapu. Dahil dito, sinipi ni Rizal ang mahabang salaysay ni Antonio Pigafetta sa mga pangyayari noong pinaslang ang koponan ni Magellan sa Mactan. Maaaring ginawa ito ni Rizal upang ipakita ang kadakilaan ni Lapu-Lapu sa pagharap sa mga Español. Tinalakay din ni Rizal si Panday Pira bagama’t hindi nabanggit ang kaniyang pangalan. Ipinakita ni Rizal na may isang panday sa Maynila na mataas ang kaalaman sa metalurhiya na hinuli ng mga Español upang pakinabangan ang kaniyang kasanayan. Sinisimbolo ni Panday Pira ang mataas na lebel ng teknolohiya ng mga Pilipino na hindi mapantayan ng mga Español noon kaya naman naging importante sa kanila ang Pilipinong ito (Morga, 2008). Maaaring sinadya ni Rizal na ipokus ang mga personalidad na ito upang ibandera ang militaristikong kakayahan ng mga sinaunang Pilipino. Matatandaan na naging matagumpay si Lapu-Lapu sa paglusob nina Magellan sa Mactan. Samantala, ginamit naman ng mga Español ang kakayahan ni Panday Pira sa paggawa ng mga kanyon na siyang kailangan ng mga Español sa kanilang pakikidigma sa mga Dutch at para maprotektahan ang kanilang mga baluarte sa Pilipinas. Nagpapakita ang mga katangian nina Lapu-Lapu at Panday Pira ng mataas na kabihasnan noon at lalo na ang kadakilaan ng lahing Pilipino.

Binigyang tampok din ni Rizal ang iba pang teknolohiya ng mga sinaunang Pilipino. Kapag nabanggit ni Morga ang iba’t ibang disenyo ng mga bangka sa Pilipinas, may anotasyon si Rizal tungkol sa mataas na kasanayan ng mga Pilipino sa paglalayag. Sa bawat uri ng bangka, makikita ang ispesyalisasyon ng mga tao noon mula sa malawak na kaalaman nila sa pagdidisenyo. Gayundin ang pananaw sa pagpapanday ng mga armas lalo na ng mga patalim. Tinalakay ni Rizal na maraming uri ng mga patalim ang nabanggit ni Morga na nagpapakita ng galing ng mga panday. Nakita rin ni Rizal ang mataas na lebel ng teknolohiya sa mga pagsasalarawan sa mga unang simbahan na ginawa sa Pilipinas. Nakasaad kay Morga na mga kahoy ang unang mga simbahan kaysa gawa sa bato na kasanayan ng mga Español. Malinaw kay Rizal na mga Pilipino ang gumawa nito. Ipinapakita na may mataas na teknolohiya noon sa pagtatayo ng mga gusaling kahoy na isang materyal kung saan may kaalaman at kasanayan ang mga Pilipino kung paano gamitin (Morga 2008).

Pinakatampok naman sa lahat ang malawakang kalakalan na mayroon noon sa ilalim ng mga datu. May pagtalakay si Morga rito dahil ang kalakalang ito ang magiging tuntungan ng Kalakalang Manila-Acapulco. Pinapatunayan nito ang laki at potensyal ng kalakalan na mayroon sa kapuluan noon. Nakita ni Rizal ang dinamiko at masiglang kalakalan noon. Para sa kaniya, kinakatawan nito ang maunlad na pamumuhay at ekonomiya ng mga sinaunang Pilipino (Morga 2008). Hindi naman nalalayo ang hinuha ni Rizal sapagkat para sa isang matagumpay na kalakalan, kinakailangan ng matatag na pamahalaan na siyang magkokontrol dito. Higit pa rito, mapagkukunan ng marangyang kabuhayan ang kalakalan. Nakita na sa mga sibilisasyon tulad ng Phoenicia ang mabilis na pagyaman at pag-unlad dahil sa kalakalan na karanasan din ng ibang kabihasnan. Kaya naman para kay Rizal, masasabing maunlad na ang mga pamayanan noon sa kapuluan ng Pilipinas.

Pagdating ng Karimlan
Hindi nakapagtataka na negatibo ang pananaw ni Rizal sa kolonisasyon. Mapapansin sa pagtalakay ng “maningning na nakaraan” na mabuti at maunlad ang kaniyang pananaw para sa sinaunang panahon. Pagdating naman sa panahon ng kolonisasyon, tiningnan ito ni Rizal bilang pagbagsak ng kabihasnang Pilipino. Napansin ni Rizal sa mga lahad ni Morga ang iba’t ibang uri ng bangka. May ilan siya na nakilala at marami-rami ang hindi na ginagamit sa kasalukuyan. Ganito rin ang opinyon niya sa mga patalim na binanggit ni Morga na hindi niya alam na mayroon pala. Gayundin, pinuri ni Rizal ang kasanayan ng mga Pilipinong panday dahil nabanggit ni Morga na may mga engrandeng likha ang mga sinaunang Pilipino. Gumawa sila ng mga patalim na may ginto at mamahaling bato sa mga hawakan. May mga malalaking bahay noon na gawa sa kahoy na tirahan ng mga tao (Morga 2008). Kinakatawan nito ang mga pamilya na may mataas na tungkulin at kayamanan bukod pa sa superyor na kaalaman ng mga sinaunang Pilipino sa pagtatayo ng mga bahay. Ngunit dahil sa pagkontrol ng mga Español sa kabuhayan ng mga tao, nawala ang mga mayayamang Pilipino na magpapagawa ng patalim na may gintong hawakan. Dahil kinontrol naman ang kodigo ng konstruksyon sa kapuluan, napalitan na ang mga kahoy na istruktura ng mga batong gusali. Ipinalimot na sa mga Pilipino ang kanilang mayamang kaalaman sa teknolohiya dahil sa bagong kaayusang kolonyal. Sa likod ng pagmamalaking naramdaman ni Rizal sa maningning na nakaraan, bumagsak din ang kaniyang damdamin dahil tila lumagapak ang kalagayan ng kasanayan ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Tumambad din kay Rizal ang maraming digmaan sa pagitan ng mga Español at mga pamayanan sa kapuluan. Dito inilarawan ni Morga ang kabangisan ng mga Pilipino dahil sa kanilang pakikipaglaban sa mga mananakop. Para kay Rizal, ginawa lamang ng mga Pilipino ang karahasan dahil sa nagtatanggol lamang sila ng kanilang mga sarili. Malinaw sa karapatang pantao na ipagtanggol ng isang lipunan ang kanilang sarili sa mga mananakop. Maidadagdag pa rito ang naging negatibong karanasan ng mga Pilipino at iba pang mga nasakop ng mga Español. Naging malupit ang mga Español sa digmaan na pumapatay ng mga babae at bata. Nasadlak sa pagpapahirap at kagutom ang mga napasailalim sa sistema ng encomienda. Naging bahagi rin ng digmaan ang mga Pilipino laban sa mga Portuges at Dutch dahil sa mga Español (Morga 2008). Kung dati ay tahimik ang kanilang pakikipagkalakalan sa mga karatig na pamayanan, biglang nasadlak ang mga Pilipino sa pakikipaglaban sa mga hindi naman talaga nila kaaway. Nasusugatan at namamatay sila sa mga digmaang hindi naman sila kasangkot talaga. Tiningnan ang mga pamamalakad na ito ng mga Español na nagpahirap sa mga Pilipino.

Pagsagot ito ni Rizal sa paniniwala ng mga Español na makabubuti ang kolonyalismo na siyang napagkasunduan na sa simula ng pananakop nila sa kapuluan sa referendum ng 1599. Nilinaw dito kung nakasama o nakabuti ang kanilang pamumunong pulitikal at panrelihiyon. Ayon sa kanilang pagsisiyasat, kinakailangan na ipagpatuloy pa rin ang kanilang kolonisasyon upang ipagpatuloy ang kumbersyon ng mga hindi pa nabibinyagan, at maging ang pulitikal at militaristikong presensya upang pangalagaan naman ang mga nabinyagan. Para sa kanila, malaki pa rin ang panganib na bumalik sa dating gawi ang mga Pilipino dahil sa mahina nilang loob at impluwensya mula sa mga di pa nabibinyagang Pilipino. Gayundin, naniniwala ang mga Español na napabuti nila ang buhay ng mga nasakop dahil napatigil na nila ang ilang masasamang gawi tulad ng pangangayaw (Villaroel 2000). Sa kanilang opinyon, isang mabuti at maka-Diyos na gawain ang kolonisasyon. Ito ang binaligtad ni Rizal sa kaniyang mga anotasyon sa Sucesos. Gamit ang parehong mga sulatin tungkol sa sinaunang kasaysayan, ipinakita ni Rizal na hindi kabutihan ang natikman ng mga Pilipino sa kolonisasyon kundi pasakit.

Konklusyon

Interesante ang paraan na ginawa ni Rizal sa pagtalakay ng sinaunang kasaysayan ng Pilipinas. Ginamit ng mga Español ang sinaunang kasaysayan ng mga Pilipino bilang negatibong estado na kailangang baguhin sa pamamagitan ng kolonisasyon upang mas maging “sibilisado” ang lahi. Sa kabila nito, ginamit naman ni Rizal ang sinaunang kasaysayan upang maipakita ang mataas na antas ng pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino. Gamit ang pamantayan noong ika-19 dantaon bilang panukat, tiningnan niya ang sinaunang panahon bilang isang maningning na yugto ng kasaysayan. Sa panahong ito, maayos ang pamumuhay ng mga tao dahil sa kalakalan at may malinaw na mataas na kasanayan lalo na sa paglalayag. Maaaring sabihin na mayroon din itong mataas na potensyal para sa mas higit na pag-unlad kung hindi ito nasadlak sa kolonisasyon.

Gaya ng nabanggit sa itaas, binasag din ni Rizal ang mala-rosas na pagtingin ng mga Español sa kolonisasyon sa pamamagitan ng parehong mga sulatin. Sa bawat uri ng bangka o patalim na hindi nakilala ni Rizal, lumabas ang kaniyang panghihinayang sa mga elementong nakalimutan na ng kaniyang kultura dahil sa kolonisasyon. Nakita niya ang pagputol sa mahabang kasanayan at kaalaman sa teknolohiya at kaugalian dahil sa pagbabagong ginawa ng mga Español. Makikita sa anotasyon ang panghihinayang halimbawa ni Rizal sa mga malalaking gusaling kahoy na naitatayo ng mga sinaunang Pilipino na sa imahinasyon na lamang niya maaaring makita. Tanging mga gusaling gawa sa bato na lamang ang kaniyang nakagisnan dahil sa kodigo ng konstruksyon na pinaiiral noon. Maidadagdag pa rito ang negatibong epekto ng kolonisasyon pagdating sa pagtulak sa mga Pilipino sa mga digmaang kasali ang mga Español at maging paghihirap sa sistemang encomienda.

Pinatunayan ni Rizal sa kaniyang mga anotasyon na taliwas sa paniniwala ng mga Español, mayroong likas na katangian ang mga Pilipino na mamuhay nang matino at marangal na matagal na nilang ginagawa kahit walang mga Español na nagtuturo sa kanila kung paano mabuhay. Sa likas na kakayahan, naabot ng mga Pilipino ang mataas na antas ng pamumuhay na may sistemang panlipunan na maayos tulad ng epektibong pamunuan at pangkabuhayan dahil sa pagkakaroon ng mayamang kalakalan sa malalayong lugar. Dahil sa kolonyalismo, naunsyami lamang ang pagyabong ng sistemang ito. Kaya naman, walang saysay ang sinasabi ng mga konserbatibong Español na hindi pa kaya ng mga Pilipino ang mabigat na responsibilidad ng pantay na kalayaan na ipinangako ng Konstitusyon ng Cadiz. Dito, magkakaroon sana ng pagkakataon ang mga Pilipino noon na maging mamamayan ng España na may pagkakataon na umupo sa mga makapangyarihang posisyon sa pamahalaan at maging sa simbahan. Para kay Rizal, sapat ang mga nasa sulatin tungkol sa mga sinaunang Pilipino upang maipakita na likas na sa lahi ang kakayahan sa maayos na pamumuno at maging sa pamumuhay. Sa kaniyang mata, marunong at responsable ang mga Pilipino kahit taliwas ang tinuro sa kanila ng mga Español.

Higit sa lahat, makikita sa pagpupunyagi ni Rizal ang malaking diperensya kapag isang Pilipino ang sumusukat sa kasaysayan ng kaniyang sariling lahi. Sa pag-aaral na ito, si Rizal mismo ang naghanap ng mga sulatin. Siya rin ang nagbasa nito at gamit ang kaniyang sariling lente bilang isang Pilipino, nakita niya ang liwanag sa likod ng mga hindi magagandang pagsasalarawan sa kaniyang mga ninuno. Nakita ni Rizal ang isang lahi na may marangal na pamumuhay at mataas na teknolohiya kahit pa mababa ang pagtingin ng mga nagsulat na pari. Sa kabutihang palad, hindi lamang si Rizal ang Pilipinong naghanap ng sinaunang kasaysayan sa kaniyang panahon. Marami pa sa kaniyang mga katoto ang nagpunta sa mga arkibo at naghanap ng mga sulatin. Nagsulat din sila ng kanilang mga nasaliksik. Sa kanilang mga naisulat, untiunting nabuo ang kasaysayan ng mga Pilipino na siyang magiging batayan sa pagbubuo ng kaisipang rebolusyunaryo patungo sa kasarinlan.

Sanggunian

Aduarte, D. (1640/1903–1905). Historia de la Provincia del Sancto Rosario de la Orden de Predicadores (H. Lathrop, Trans.). In E. H. Blair & J. A. Robertson (Eds.), The Philippine Islands, 1493–1803 (Vol. 32, pp. 19–296). Cleveland, OH: A. H. Clark.

Alcina, F. I., S.J. (1668/2005). Historia de las Islas e Indios de Bisayas, parte Mayor i más principal de las islas Filipinas: Dividido en dos partes: La primera natural (del sitio, fertilidad i calidad de estas islas, i sus moradores etc.), la segunda eclesiástica i sobre-natural (de sus fe i aumentos en ella; con el magisterio i enseñanza de los PP. De la Compañia de Jesús) (C. Kobak, J., O.F.M., & L. Gutierrez, O.P., Trans., Vols. 1–3). Manila, Philippines: University of Sto. Tomas Publishing House.

Arcilla, J. (1972). Philippine education: Some observations from history. Philippine Studies, 20(2), 273–286.

Camagay, M. L. (2013). Cádiz Constitution and its repercussions in the Philippines. In Reframing the Cádiz Constitution in Philippine History (pp. 93–104). Manila, Philippines: National Historical Commission of the Philippines.

Castillo, L. M. (2017). The (anti) colonial awit of Juan Tamad: Didacticism and subversion in a colonial metrical romance. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 65(3), 357–386. Quezon City, Philippines: Ateneo de Manila University.

Chirino, P. (2009). History of the Philippine Province of the Society of Jesus (Vols. 1 & 2, J. S. Arcilla, Trans.). Quezon City, Philippines: Ateneo de Manila University Press.

Kamen, H. (2004). Empire: How Spain became a world power, 1492–1763. London, England: HarperCollins.

Morga, A. (2008). Sucesos de las Islas Filipinas (J. Rizal, Annot.). Manila, Philippines: National Historical Commission.

Plasencia, J. (1589/1903–1905). Relación de las costumbres que los indios solían tener en estas islas. In E. H. Blair & J. A. Robertson (Eds.), The Philippine Islands, 1493–1803: Explorations by early navigators, descriptions of the islands and their peoples, their history and records of the Catholic missions (pp. xx-xx). Cleveland, OH: A. H. Clark.

Salazar, Z. (2015). Pantayong Pananaw bilang diskursong pangkabihasnan. Daluyan, 22(1), 51–78.

Schumacher, J. (1997). The Propaganda Movement: 1880–1895. Quezon City, Philippines: Ateneo de Manila University Press.

Villaroel, F. (2000). The Church and the ‘Philippine Referendum’ of 1599. Philippiniana Sacra, 35(103).

1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories


Discover more from University Research Center

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading