Ang Pagsasakasaysayan ng Batas Rizal (Batas Republika 1425) ng 1956: Sa Anino ng Nasyonalismo nina Jose P. Laurel at Claro M. Recto

Vicente Angel S. Ybiernas
De La Salle University Manila

How to Cite:
Ybiernas, V. A. S. (2022). Ang pagsasakasaysayan ng Batas Rizal (Batas Republika 1425) ng 1956: Sa anino ng nasyonalismo nina Jose P. Laurel at Claro M. Recto. NEU Kaningningan Journal: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 1(1), 19–38. https://doi.org/10.64303/KJn3u22o2-uRcapnBRbr521419nG65sAnnNjpLaCrm

Abstrak

Ang pagsusulong nina Jose P. Laurel at Claro M. Recto ng Batas Republika 1425 (Batas Rizal) noong 1956 ay bunga ng partikular na kasaysayan ng kanilang nasyonalismo. Iniluwal ang dalawang higanteng nasyonalista sa sinapupunan ng kasaysayan ng bansa sa konteksto ng kolonyalismong Español, Amerikano at pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa anino ng kolonyalismo yumabong ang nasyonalismo nina Laurel at Recto na hinubog naman ng buhay, gawa, at mga akda ng mga bayani ng Rebolusyong 1896, partikular na nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo del Pilar, Apolinario Mabini at iba pa. Naging malinaw na gabay sa nasyonalismo nina Laurel at Recto ang nasyonalismo naman ng henerasyon ng Rebolusyon ng 1896. Ipinaglaban nina Laurel at Recto ang pamanang nasyonalismo ng henerasyon ng Rebolusyon ng 1896 sa gitna ng tinatawag ni Reynaldo Ileto na “history wars” noong dekada 1950s kung saan hinamon ang posisyon ng Rebolusyon ng 1896 bilang “foundational event” ng kasaysayang pambansa. Ang bunga ng nasyonalismo nina Laurel at Recto, at pamana nila sa mga susunod na henerasyon ng makabayang Pilipino ay ang Batas Republika 1425 o ang Batas Rizal. Isinakasaysayan sa papel na ito ang Batas Republika 1425 gamit ang kasaysayan ng nasyonalismo nina Laurel at Recto sa anino ng kolonyalismo at konteksto ng “history wars” ng dekada 1950s.

Mga Susing Salita: Batas Republika 1425, Batas Rizal, Jose P. Rizal, Jose P. Laurel, Claro M. Recto

Panimula

Pinook ng historyador na si Reynaldo Ileto (2017) ang Panukalang Batas 438 (kalaunan ay naging Batas Republika 1425) mula sa senado noong taong 1956 —na naglalayong gawing babasahin sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kolehiyo, at unibersidad ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal—bilang produkto ng tinatawag niyang “tunggalian ng kasaysayan.” Tumayong sponsor ng panukalang batas si Senador Jose P. Laurel, tagapangulo ng Komite ng Edukasyon ng senado, at awtor naman si Senador Claro M. Recto, na miyembro din ng nasabing komite. Inilarawan ni Ileto ang dalawang senador na kapuwa nasa huling bahagi ng kanilang mahaba at makulay na karera sa pulitika, at kumatawan—sa pamamagitan ng mga debate kaugnay ng Panukalang Batas 438— sa tangkang bansa, bilang bagong tatag na malayang republika, na harapin ang multo ng kolonyal na kasaysayan nito.

Nang isulong ang Panukalang Batas 438 sa senado noong Abril 1956, halos sampung taon pa lang mula nang makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa Estados Unidos. Halos labing-isang taon naman pagkatapos opisyal na sumuko ang mga Hapon sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mahalaga ang dalawang magkaugnay na pangyayaring ito dahil pinagtalunan, ayon kay Ileto (Chua 2020), ang tinatawag na “foundational event” ng kasaysayan ng Pilipinas sa pagitan ng Rebolusyon ng 1896 (at ng kaugnay nitong pagdedeklara ng kalayaan ng bansa noong 1898), sa isang bansa at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan ayon sa dominanteng naratibo ay ang pagbabalikatan ng mga Pilipino at Amerikano laban sa mga “mananakop” na Hapon (na para bang hindi rin naging “mananakop” ng bansa ang Estados Unidos) sa kabilang banda.

Ayon halimbawa sa isa sa mga mahigpit na kritiko ng panukalang batas na si Senador Decoroso Rosales ng Samar:

“Only a few years ago, with the thousands of other Catholic Filipinos, we have chosen to gamble everything dear to us in the fight against Japanese invaders… We need not be told of the glorious, heroic and patriotic stand that our boys had made in Bataan and Corregidor… and the patriotic sacrifices of the guerillas and the volunteer guards in the resistance movement…

“And I am sure that 95 percent of those heroes did not read the Noli Me Tangere and El Filibusterismo (nasa Ileto, 2017).”

Ayon sa tala ng senado (Senate of the Philippines) si Rosales ay ipinanganak sa Calbayog, Samar noong Disyembre 20, 1907. Hindi na inabot ni Rosales si Jose Rizal, ang Rebolusyon ng 1896 at higit sa lahat, ang Digmaang Pilipino Amerikano, partikular na ang stratehiyang “concentration camp system” na ginamit ni Heneral Jacob Smith laban sa pwersa ni Heneral Vicente Lukban sa kaniyang sinilangang probinsya ng Samar noong 1901-1902. Ganito ang paglalarawan mismo ni Heneral Smith sa nasabing istratehiya:

“Increased activity was required of all the stations and a vigorous policy produced good results. Food supplies were cut off from getting to the interior of the island; smuggling prevented, and all traffic in hemp was suspended in both Leyte and Samar. Bands of insurgents were annihilated and their cuartels and stores of rice destroyed until the cry went up from the merchants of Leyte who had been aiding Lukban’s forces (nasa Bruno, 2011).”

Kung may sentimiyento man kontra sa mga Amerikano si Rosales bunga ng karanasan ng kaniyang mga kababayan, ito ay hindi batid ng historyador na
si Ileto (2017) dahil ayon sa kaniya:

“The broader implication of Rosales’s statement is that if the struggle against Japan is held up as the greatest moment of Filipino unity and patriotism, it must acknowledge America as the partner, the ally, in the struggle (231).

Nakababatang kapatid ng arsobispo ng Cebu na si Julio Rosales (hihiranging cardinal-priest ni Papa Paul VI noong 1969) ang senador, na dahilan marahil ng kaniyang mariing pagtutol sa panukalang ituro ang mga nobela ni Rizal sa mga paaralan, kolehiyo at unibersidad ng bansa. Marubdob ang pagtutol ng mga relihiyosong Katoliko sa Panukalang Batas 438 bunga ng ilang paksa sa mga nobela ni Rizal na inaatake ang turo ng simbahang Katolika at sa pangkabuuan ay ang negatibong imahen ng kaparian dito. Maging ang kabuuan ng kolonyalismong Español, kung saan prominente ang papel ng Katolisismo, ay may pangkalahatang negatibong imahen vis-à-vis sa Rebolusyon ng 1896.

Maari kayang pasaring ang ginawa ni Senador Rosales sa kaniyang mga kapuwa senador na sina Laurel at Recto na naging pangulo at kalihim ng ugnayang panlabas ng republika sa ilalim ng pananakop ng mga Hapon?

Makatutulong sa puntong iyan ang pagsasa-konteksto ni Ricardo Jose (2001) sa pananakop ng mga Hapon bilang kabuuan. Ayon sa kaniya, madalas na ilabas ang usapin ng pananakop ng mga Hapon noong dekada 1940s hanggang dekada 1960s lalo na tuwing panahon ng eleksyon. Ginagamit ito ng mga pulitiko upang patamaan ang kanilang mga karibal o kalaban. Sa kabilang banda, madalas ding ilabas ang mga salaysay tungkol sa pakikibaka ng ilang personalidad laban sa mga Hapon bilang tuntungan ng kanilang pulitikal na ambisyon. Inuugnay rin ang pakikibakang ito sa rebolusyon laban sa mga Español at digmaan kontra sa mga Amerikano.

Ibig bang sabihin nito ay tumayong tagapagtaguyod ng Panukalang Batas 438 sina Laurel at Recto upang malihis ang pananaw ng bayan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa naging kontrobersyal na papel nila rito? Malabo ito sapagkat abswelto na sina Laurel at Recto sa mata ng mga botanteng Pilipino sa pamamagitan ng halalan.

Nakakuha ng halos 40 porsiyento ng mga boto para sa pagka pangulo si Laurel noong eleksyon ng 1949 bagama’t natalo pa rin siya ni Pangulong
Elpidio Quirino na nakakuha ng halos 51 porsiyento ng mga boto. Nahalal
din si Laurel bilang senador at nakakuha pa ng pinakamaraming boto
noong eleksyon ng 1951.

Si Recto naman ay muntik na manalo bilang senador noong eleksyon
ng 1949 kung saan siya ay nasa pang-siyam na pwesto; ang walong may
pinakamaraming boto ang ihahalal na mga senador. Nakakuha naman ng
pang-anim na pinakamaraming boto si Recto sa eleksyon ng 1955 sa pagka senador kahit na hinarang diumano ni Pangulong Ramon Magsaysay ang kaniyang pagkasali sa opisyal na tiket ng Partido Nacionalista ng administrasyon (Locsin, 1955).

Ano, samakatuwid, ang motibo nina Laurel at Recto sa pagsusulong ng Panukalang Batas 438? Ang sagot ay makikita sa pagsasa-konteksto ng nasyonalismo at pulitikal na kasaysayan nina Laurel at Recto sa anino ng kolonyalismong Español, Amerikano at Hapon, na siyang papaksain ng
papel na ito.

Sina Laurel at Recto sa anino ng Kolonyalismong Español
Ipinanganak si Claro Mayo Recto noong Pebrero 8, 1890 sa Tiaong, lalawigan
ng Tayabas (ngayon ay Quezon) samantalang si Jose Paciano Laurel naman ay ipinanganak sa Tanauan, Batangas noong Marso 9, 1891, sa mga huling taon ng kolonyalismong Español sa bansa.

Bagama’t tapos na ang kolonyalismong Español nang tumungtong sa wastong
gulang ang henerasyon nina Laurel at Recto hindi agad-agad nawala sa kanilang kamalayan bilang bahagi ng angkan ng mga principalia (gobernadorcillo ng Talisay, Batangas ang tiyuhin ni Laurel) at ilustrado ang impluwensiya nito, partikular na ng wikang Español. Ayon kay Florentino Rodao (1997):

“Previously, the most accepted belief was that the Spanish language in the Philippines gradually disappeared as the educated population during the Spanish period passed away. This generalization… must be reevaluated. This process of ‘withering away’ of the Spanish language was not as gradual as was supposed and, in fact, the Spanish language was relatively well maintained during the first four decades after the Philippine Revolution (94).

Nakatulong din na nag-aral sina Laurel at Recto sa mga paaralan at unibersidad kagaya ng Colegio de San Juan de Letran (Laurel), Ateneo de Manila (Recto), at Universidad de Santo Tomas (Laurel at Recto), na itinatag noong panahon ng kolonyalismong Español at kinakitaan pa ng impluwensiyang Español kahit sa ilalim na ng kolonyalismong Amerikano. Sususugan ni Ileto ang obserbasyong ito. Sa deliberasyon ng senado tungkol sa Panukalang Batas 438 halos 60 taon pagkatapos ng opisyal na pagtatapos
ng kolonyalismong Español, sa tuwing kailangang konsultahin ang mga sinulat ni Rizal, binabasa ito ng sponsor na si Laurel sa wikang Español, ang orihinal na wika na ginamit sa teksto. Bukod sa teksto ni Rizal, binasa rin ng mga ponente (i.e., Laurel at Recto) ang ilang piling dokumento at teksto katulad ng “Rizal y España” na sinulat ni Ernesto Gimenez Caballero ng Universidad Central de Madrid, sa orihinal na wikang Español. Sabi pa ulit ni Ileto (2017):

“The senators (i.e., noong taong 1956; kasama si Laurel) belonged to a generation that straddled both Spanish and English at home and in the schools (228).”

Samakatuwid, ang buhay, gawa at mga sinulat ni Jose Rizal ay hindi lamang babasahin o paksa ng diskusyon para sa mga senador na kagaya nina Laurel, Recto at iba pa, kundi bagay na nakaburda mismo sa kanilang kamalayan. Ayon muli kay Ileto (2017):

“Most had been inspired to follow the example of Rizal by reading his works. At this point in the development of Philippine politics, the top Senators themselves were embodied voices from Spanish empire days (228).”

At ano nga ang “sinasabi” ng mga “tinig” na ito na tumawid mula panahon ng kolonyalismong Español sa henerasyon nina Laurel at Recto, na mararamdaman sa mga susunod pang mga panahon, kasama na ang panahon
ng opisyal na pulitikal na pagsasarili ng Pilipinas simula 1946 hanggang sa
punto ng deliberasyon para sa Panukalang Batas 438 noong 1956?

Nasyonalismo.

Ito ang tinig ng nasyonalismo na nagsimula pa kay Jose Rizal at nagpatuloy
hanggang sa puntong iyon. Sapagkat hindi lamang pagpapatalsik sa España
ang layunin ng nasyonalismo ng henerasyon ni Rizal, kundi malawakang
pagbabago sa lipunan. Iyan mismo ang punto ni Rizal sa “Filipinas dentro
de cien anos” at sa iba pang sanaysay at mga sulatin (National Historical
Institute, 1976).

Malinaw ang koneksyon ng Rebolusyon ng 1896 sa Kilusang Propaganda
noong 1880s hanggang 1890s kung saan naging pangunahing karakter ang
pambansang bayani. Hindi maikakaila ang anino ni Rizal sa Rebolusyon
ng 1896, lalong lalo na sa Kataas-taasang Kagalang-galang Katipunan ng
mga Anak ng Bayan. Ayon kay Quibuyen (1999), itinanghal ng mga
Katipunero si Rizal bilang simbolo at inspirasyon ng rebolusyon. Itinakda
rin ng pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo (noong Disyembre 20, 1898)
ang araw ng kamatayan ni Rizal (Disyembre 30) bilang pambansang araw ng
pagluluksa. Ipinag-utos ni Aguinaldo na ilagay sa half-mast ang mga bandila
ika-12:00 ng tanghali ng ika-29 ng Disyembre 1898 at dineklarang holiday
para sa mga opisina ng pamahalaan ang ika-30 ng Disyembre 1898. Inilathala
sa El Heraldo de la Revolucion ang kautusan ni Aguinaldo noong ika-25 ng
Disyembre 1898 (Palafox, 2012).

Samakatuwid, hindi maaring maliitin ang impluwensiya nina Rizal sa
mga nakaranas ng Rebolusyon ng 1896 hanggang sa Digmaang Pilipino-Amerikano kagaya ng mga nakatatandang Laurel at Recto (at Mayo), na
maaring naipasa nila sa mas batang Jose at Claro. Si Arcadio Laurel, tiyuhin
ni Jose at gobernadorcillo ng Talisay, Batangas ay lumahok sa makasaysayang pagkubkob sa muog ng mga Español sa Tayabas noong 1898. Si Sotero naman na ama ni Jose ay isa sa mga pumirma sa 1899 Konstitusyon ng Malolos at namatay bunga ng tortyur na dinanas niya sa ilalim ng “concentration camp” na stratehiya ni Heneral James Franklin Bell sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, at Laguna noong 1902 (Gripaldo, 1982). Kapatid naman ng ina ni Recto na si Micaela Mayo ang kilalang gerilyero noong DigmaangPilipino-Amerikano na si Koronel Norberto Mayo. Dahil sa ugnayang ito, naaalala ni Recto na naiyak ang kaniyang ina habang inuusisa sa kaniya ng mga Amerikano kung nasaan ang kaniyang kapatid (Ileto, 2017).

Sina Laurel at Recto sa anino ng Kolonyalismong Amerikano

Hindi malinaw kung ano ang naging sikolohikal na epekto ng kapalaran
ng kaniyang ama kay Laurel, bagama’t sa kaniyang kabataan hindi naging masigasig sa pag-aaral sa eskwelahan si Jose. Ayon pa nga kay Gripaldo (1982), “(Laurel’s) primary teachers unanimously considered him hopeless (akin ang pagdidiin).” Nakipag-away din ang binatang Laurel sa isang karibal sa pag-ibig ng isang dalagang taga-Tanauan at dahil dito ay nakulong panandalian bago siya ipawalang-sala ng Korte Suprema noong inapela ang naunang hatol sa kaniya (Gripaldo, 1982).

Pagkatapos makalaya sa kulungan, ipinagpatuloy ni Laurel ang kaniyang
pag-aaral at nagtapos ng sekundaryang edukasyon sa Manila High School
noong 1911 (Gripaldo 1982, 523), bagaman ayon kay Ileto (2017) ay nag-aral din si Jose sa Colegio de San Juan de Letran. Nag-aral naman ng abogasya si Laurel sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtapos sa nasabing kurso noong 1915. Kapuwa produkto ng kolonyal na edukasyong Amerikano ang Manila High School at Unibersidad ng Pilipinas.

Nag-aral naman si Recto sa Ateneo de Manila at Unibersidad ng Santo
Tomas, kung saan siya nagtapos ng abogasya noong 1913. Pagkatapos nito
naging kalihim siya ni Vicente Ilustre na itinalagang miyembro ng Philippine
Commission sa administrasyon ni Gobernador Francis Burton Harrison
noong 1913. Si Ilustre ay tubong Batangas (Taal) kagaya ng ama (taga Rosario) at ina (taga Lipa) ni Recto. Bukod pa riyan, si Ilustre ay importanteng pinuno ng Partido Nacionalista na nasa pamumuno nina Speaker Sergio Osmeña at noon ay Resident Commissioner Manuel Quezon, na diumano ay nasa likod ng pagkakatalaga kay Harrison bilang gobernador ng Pilipinas (Quezon 1946, 119). Makasaysayan ang pagkakatalaga kay Harrison sapagkat ayon kay Joseph Ralston Hayden (1942):

“In 1913 President (Woodrow) Wilson had appointed to the Philippine Commission not only a majority of Filipinos, but a majority of Nacionalistas, and from the day of his inauguration Governor-General Harrison had sought the ‘advice’ of Speaker Osmeña upon every important question of government. The upper house of the legislature and the executive branch of the government were thus informally but effectively brought under the control of the majority party (324).”

Nakilala din ang panahon ni Harrison sa kaniyang pagsusulong ng
Pilipinisasyon ng pamahalaan, o ang pagtatalaga ng higit na nakararaming
Pilipino sa mga matataas at sensitibong pwesto sa loob ng pamahalaan na dati ay okupado ng mga Amerikano. Isa sa mga benepisyaryo nito ay si Laurel
na nagtrabaho sa Malakaniyang sa Office of the Law Division pagkatapos ng
kaniyang pag-aaral ng abogasya noong 1915. Kasabay nito ay nagtapos siya
ng Doctor of Jurisprudence mula sa Escuela de Derecho ng Unibersidad ng
Santo Tomas noong 1918 at kapagdaka ay naging pansamantalang hepe ng Law Division sa edad na 27 anyos. Ipinadala si Laurel sa Estados Unidos bilang bahagi ng programang pensionado at nag-aral sa unibersidad ng Yale kung saan nagtapos siya ng Doctor of Civil Law noong 1920 (Gripaldo, 1982).

Taong 1913 nang magwagi si Recto sa patimpalak ng diaryong El
Renacimiento sa okasyon ng ikatlong anibersaryo nito. Ang piyesa ni Recto
ay isang dula na pinamagatang “La ruta de Damasco” (Ang daan patungong
Damascus) sa wikang Español. Nanalong muli si Recto sa isa pang patimpalak
noong 1917 para sa kaniyang dulang “Solo entre las sombras” (Mag-isa sa gitna ng mga anino), muli sa wikang Español.

Sa kaniyang pagsusuri ng dalawang nabanggit na dula, nahirapan si
Eugenio Matibag (2013, 179) sa pagsasa-konteksto, halimbawa, ng paggamit ni Recto ng wikang Español. Hindi malamang alam ni Matibag ang pagka “well-maintained” ng wikang Español sa hanay ng mga Pilipino (Rodao, 1997) o dili kaya ang kabuuang bilang ng mga edukadong Pilipino sa bansa. Ayon kay Matibag (2013), “Spanish in the Philippines was… spoken by a slim minority of Filipinos—only about 10 percent, according to the 1903 census.” Hindi niya malamang alam na kahit noong unang bahagi ng dekada 1920s, ayon sa ulat ng kalihim ng Public Instruction ay wala pang sampung porsiyento ng populasyon ang naka-enroll sa mga paaralan sa buong bansa (Annual Report of the Governor General of the Philippine Islands to the Secretary of War, 1923). Samakatuwid, napakalaking porsiyento na ng mga edukadong Pilipino ang nagsasalita ng wikang Español kung sampung porsiyento ang bilang nila ayon sa Census ng 1903.

Kahit hindi natayang mabuti ni Matibag (2013) ang konteksto
ng wikang Español sa hanay ng mga edukadong Pilipino noong dekada
1910s, nakatutulong ang kaniyang pagbubuod sa mga dula ni Recto bilang
“the gesture of an ilustrado artist and intellectual to come to terms… with
the fait accompli of American colonial rule.” Tinanggap ni Recto ang
kolonyalismong Amerikano at ninais isulong ang kaniyang nasyonalismo,
sa anino ng henerasyon nina Jose Rizal, sa konteksto nito. Dalawang taon
pagkatapos nya isulat ang “Solo entre las sombras” ay nanalo si Recto bilang
kinatawan ng ikatlong distrito ng Batangas at miyembro ng oposisyon sa
Kamara de Representantes noong 1919.

Pagbalik naman ni Laurel sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aaral
niya sa Yale ay itinalaga siyang hepe ng Executive Bureau bago naging
Undersecretary of Interior noong 1922 at bandang huli ay kalihim ng Interior
sa administrasyon ni Gobernador Leonard Wood (Gripaldo, 1982).
Bagama’t hinirang siya sa murang edad na 32 taong gulang na kalihim ng
Interior ni Gobernador Wood, si Laurel ang nanguna sa mga mas senior na
miyembro ng gabinete na magbitiw sa tungkulin sa tinatawag na “Cabinet
Crisis of 1923”. Ayon kay Michael Onorato (1967), nagbitiw
ang mga Pilipinong miyembro ng gabinete ni Wood bunga ng pagbabalik
sa puwesto ni Ray Conley, isang Amerikanong miyembro ng Manila Police
Department na sangkot sa isang kontrobersya hinggil sa mga pasugalan sa
Maynila, na mariing tinutulan nina Mayor Ramon J. Fernandez at Laurel.
Sinasabi rin sa salaysay ni Onorato na dinamdam nang husto ni Wood ang
pamumuno ni Laurel sa pangyayaring ito, na tila ba naging padrino siya ni
Laurel sa karera nito sa pulitika noong dekada 1920s.

Maaalalang nagsimula si Recto sa opisina ni Vicente Ilustre, isang
importanteng miyembro ng Partido Nacionalista at kasama ni Quezon bilang
mga unang senador mula sa ikalimang distrito na binuo ng mga lalawigan
ng Batangas, Cavite, Mindoro, Tayabas, at kalaunan, Marinduque noong 1916.
Subalit nang manalo si Recto bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Batangas sa Kamara de Representantes noong 1919, siya ay miyembro ng oposisyong Partido Democrata, na itinatag noong 1917 (Guerrero, 1938).

Ang paglakas ng Partido Democrata noong unang bahagi ng dekada
1920s ay bunga ng maraming salik. Una sa lahat ay ang krisis sa pananalapi
na naranasan ng Pilipinas sa pagtatapos ng termino ni Harrison bilang
gobernador at ang partisipasyon ng Partido Nacionalista dito (Ybiernas,
2007). Pangalawa, ang pagkakahati ng Nacionalista sa dalawang panig, ang
“unipersonalista” sa pamumuno ni Osmeña at Colectivista sa pamumuno ni
Quezon (Quezon, 1946). Pangatlo, ang mga kontrobersyang kinasangkutan ng mga matataas na pinuno ng Nacionalista, partikular na sa mga tinatawag na “state-owned enterprises” o SOE (Ybiernas 2014), pati na rin sa isyu ng pananalapi ng tinatawag na “independence missions” simula 1919 (Churchill, 1983). Pang-apat, ang suporta ni Gobernador Wood sa Democrata pagkatapos ng tinatawag na “Cabinet Crisis of 1923” simula sa kandidatura ni Juan Sumulong para sa pagka senador kapalit ni Pedro Guevara na naging Resident Commissioner sa Estados Unidos at sa pagkakahirang kay Eulogio Rodriguez bilang mayor ng Maynila kapalit ni Ramon J. Fernandez na nagbitiw sa tungkulin. Kapuwa mataas ang tungkulin nina Sumulong at Rodriguez sa Partido Democrata, kasama ni Recto.

Para kay Recto, ang pagkakahanay niya sa Partido Democrata ay bunga ng
pagsasamantala ng Nacionalista sa pwesto, lalo na sa panahon ni Gobernador
Harrison. Pinaratangan ng mga kongresistang Democrata na sina Alfonso
Mendoza ng Maynila, Recto ng Batangas at Vicente Sotto ng Cebu ang
Nacionalista na ginamit ang isang-milyong-piso na “independence fund” para
sa pulitika (Manila Times, 1923). Sa tindi ng pagbabatikos ng mga Democrata sa pondo ng independence missions, napilitan ang Nacionalista naimbitahan si Recto na maging bahagi ng misyon noong 1924 bilang pinuno ng minorya sa Kamara.

Pagkatapos namang magbitiw bilang kalihim ng Interior si Laurel
kasunod ng Cabinet Crisis ng 1923, kumandidato at nanalo siyang senador
sa ikalimang distrito noong eleksyon ng 1925. Nagsilbing senador si
Laurel hanggang 1931 nang siya ay talunin ni Recto. Umupong pinuno ng
mayorya sa senado si Laurel mula 1928 hanggang 1931. Naging bahagi rin
si Laurel ng kumbensyon na bumuo ng Konstitusyon ng 1935 kung saan
siya ay naging tagapangulo ng komite hinggil sa bill of rights (Gripaldo
1982, 525). Hinirang siyang mahistrado ng Korte Suprema noong 1936, at
nang atakihin ng mga Hapon ang Pilipinas noong 1941 ay itinalaga siyang
kalihim ng Hustisya at pansamantalang Punong Mahistrado ng Korte
Suprema. Isa siya sa mga inatasan ni Pangulong Quezon na harapin ang
mga mananakop na Hapon (Agoncillo, 1965).

Si Recto naman ay nagpatuloy bilang miyembro ng oposisyong Democrata hanggang malagutan ng hininga ang partido noong 1932. Ayon kay Theodore Friend III (1964): “…the major complaint of the Democratas had for some time been that they were not permitted to establish themselves as a strong and separate entity. The Nacionalistas, they complained, used their majority mainly to increase it; by controlling pork barrel appropriations and patronage they intentionally fattened themselves while weakening their opponents. Without the necessary projects and appointments to dole out, the Democratas were unable to build that pyramid of familial favor and interest upon which power depended. The last words of the party were a charge of murder by malnutrition.”

Nagsilbing pinuno ng minorya sa senado si Recto simula 1931 hanggang 1934 matapos magretiro ni Juan Sumulong, pinuno ng Democrata sa loob ng mahabang panahon. Sa kasagsagan ng tunggalian kaugnay ng Batas Hare-Hawes-Cutting noong 1933 sa pagitan ng pwersang Osmeña at Manuel Roxas (Os-Rox) sa isang banda at Quezon sa kabilang banda, pumanig ang mga natitirang pwersa ng Democrata kay Quezon kung kaya nang magwagi ang mga ito, naging pinuno ng mayorya sa senado si Recto simula 1934 hanggang buwagin ito noong 1935 sa pagtatatag ng pamahalaang Komonwelt, sa bisa ng Batas Tydings-McDuffie.

Kagaya ni Laurel, nagsilbi rin si Recto sa kumbensyon na itinalagang buuin ang Konstitusyon ng bansa noong 1935, ngunit bilang tagapangulo naman nito. Taong 1935 ay hinirang din si Recto bilang mahistrado ng Korte Suprema halos kasabay ni Laurel na nahirang naman noong 1936. Nahalal naman na senador si Recto noong eleksyon ng 1941 subalit inabutan na ito ng digmaan kalaban ang mga Hapon.

Bilang paglalagom sa buhay pulitika ni Laurel sa anino ng kolonyalismong Amerikano, sinabi ni David Joel Steinberg (1965): “Any analysis of Laurel’s actions must also consider his complex character and personal ambition which for years had been circumscribed, despite his widely recognized brilliance and administrative ability, by Quezon’s political domination and his own mistakes.”

Sa pambansang pulitika sa konteksto ng kolonyalismong Amerikano, napakalaki at napakalawak ng anino ni Quezon. Nang manindigan si Laurel laban sa “pakikialam” ni Gobernador Wood sa kaniyang poder (at sa poder ni Mayor Ramon J. Fernandez ng Maynila) bilang kalihim ng Interior sa tinaguriang “Conley Affair,” boluntaryo siyang nagbitiw sa tungkulin at pinasimulan ang “Cabinet Crisis” ng 1923. Ayon sa isang ulat na sinipi ni Steinberg (1965) hinggil dito: “It may be surmised that Laurel, who was the cabinet officer most directly affected, and who apparently resigned of his own free will, was instrumental in pursuading (sic) the others to submit their resignations, he enjoyed a reputation as an able constitutional lawyer (661).”

Subalit nakipag-matigasan nga si Wood sa harap ng krisis na ito at bandang huli ay sinisi si Laurel ng iba pang mga pulitiko dahil nalagay sila sa hindi kaaya-ayang sitwasyon bunga ng mga naganap (ibid). Kahit na nanalong senador si Laurel noong eleksyon ng 1925, natalo rin siya pagkatapos ng kaniyang termino noong 1931; si Recto pa ang nakatalo sa kaniya. Ito, sa pagsusuri ni Steinberg (ibid), ang dahilan kung bakit nawalan ng pag-asa si Laurel na humalili kay Quezon, sa halip na sina Osmeña at Roxas, bilang pinuno ng bansa.

Sa kabilang banda, makikitang nanatiling oposisyon si Recto halos sa buong
panahon ng kaniyang buhay pulitika sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano.
Marubdob ang kritisismo ni Recto sa naghaharing Partido Nacionalista bunga
ng mga isyu ng korapsyon, pamumulitika sa halip na tunay na nasyonalismo
at iba pa. Sumama na lang sa mayorya si Recto nang mahati ang Nacionalista
nang magtunggalian sina Quezon sa isang banda at Os-Rox sa kabilang banda. Subalit malinaw din na hindi buong buong kaisa ni Quezon si Recto kapuwa sa kanilang nasyonalismo at pulitika.

Sa kabuuan, katulad ng puna ni Matibag (2013) sa kaisipan ni Recto—na
maari din sabihin para kay Laurel—hindi na nila binabaka ang kolonyalismong
Amerikano kagaya ng mga nakatatanda sa kanila. Kinagisnan na nila ito. Ang
kolonyalismong Amerikano ay tila isang sistema na, sa kanilang kamalayan,
ay nariyan na. Kumbaga sa palakasan, ito ay isang arena na lugar upang
magtagisan ng galing. Ang problema na lamang nila, bilang mga manlalaro, ay
kung paano manalo sa mga kalaro sa loob ng mga reglamento ng palaro at ng
nasabing arena. Kapuwa sa kaso nina Laurel at Recto ay makikita ang kaisipan, damdamin at intensyong nasyonalista—sa konteksto ng kolonyalismong Amerikano—na naghahanap na lamang ng pagkakataong isakatuparan, at sa kasamaang palad, dahil sa partikularidad ng pulitika sa loob ng sistemang kolonyal, ay dinomina halos sa kabuuan ni Quezon (bagama’t naunang naging mas makapangyarihan si Osmeña), kung kaya tila ay naghanap na lang sila ng kanilang puwang sa loob ng sistemang ito upang magkaroon ng ambag para sa ikasusulong ng bansa na ibibigay naman sa kanila ng pagkakataon sa pananakop ng mga Hapon.

Sina Laurel at Recto sa anino ng Pananakop ng mga Hapon

Interesante ang pagsasa-konteksto ni Ileto (2017) sa pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig: ikinumpara nya ito sa Digmaang Pilipino-Amerikano at, ang pinakamahalaga sa lahat, ay ang reaksyon ng mga Pilipino sa dalawang digmaan na sa naratibo niya ay magkaugnay. Malalayo na nang husto sa paksa ng papel na ito ang masinsinang pagtatalakay ng akda ni Ileto kung kaya ang mahalaga na lamang na aral na kunin dito ay ang punto na malaki ang kinalaman ng uri ng nasyonalismo na mayroon ang mga aktor ng kasaysayan noong mga panahong iyon batay sa naging perspektiba nila sa dalawang digmaan.

Sina Heneral Artemio Ricarte, halimbawa, ay bahagi ng isang grupo ng
mga nasyonalistang Pilipino na hindi nalamuyot ng pakikipagkaibigan ng
Estados Unidos pagkatapos ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Bandang huli
siya ay nanirahan sa loob ng maraming taon bilang tapon o exile sa bansang
Hapon. Sa mga kagaya niyang rebolusyunaryo laban sa mga Español noong
1896, ang Hapon ay mga kaibigan na nagbigay ng inspirasyon at tulong sa mga kapuwa oriental na lumalaban para sa kalayaan laban sa mga kanluraning
mananakop. Walang pinag-iba ang Estados Unidos sa España sa ganitong
perspektiba, bagama’t mas marahas ang pananakop ng mga Amerikano
kagaya ng naranasan ng ama ni Laurel at ng ina at tiyuhin ni Recto.

Para sa mga kagaya nina Quezon, Osmeña at iba pa, na nagkaroon
ng matagumpay na karera sa pulitika dahil sa pamamadrino ng mga
Amerikano (Paredes, 1989), iba naman ang kanilang pananaw. Para
sa kanila, ang Estados Unidos ay kabalikat ng Pilipinas sa Ikalawang
Digmaang Pandaigdig at ang mga Hapon ang kaaway. Tiningnan nila
ang pananakop ng mga Hapon bilang pansamantala lamang hanggang
makabalik ang mga Amerikano upang palayain sa kaaway ang Pilipinas
at ibalik sa dati ang kalagayan ng bansa.

Mahirap sabihin kung kaugnay niyan ang pananaw nina Laurel at Recto.
Sa simula ng digmaan ay naging abala si Laurel, halimbawa, bilang bahagi
ng maliit na grupo ng mga pinuno na kasama ni Quezon na naghahanda sa
pagdating ng mga Hapon. Hindi pa malinaw kung ano ang inisip nina Laurel
at Recto lampas diyan. Kung pagbabasehan ang mga pahayag ni Recto noong
Disyembre 1942, ilang buwan matapos sumuko ang mga pwersang Pilipino-Amerikano sa Bataan (Abril 9) at Corregidor (Mayo 6), tila ay hindi siya
kasama sa mga naniniwalang nasa mga kanluraning mananakop kagaya
ng Estados Unidos ang katapatan ng mga Pilipino. Ayon sa talumpati ni
Recto, ang digmaan ay isa sa “turning points in the history of the world,
for it constitutes the rebirth of the powerful oriental civilization, and the
awakening of mighty Asia, under the unselfish leadership of the Japanese
Empire, and the Japanese people” (Steinberg, 1967).

Iniisip ng marami, kasama na ang mga historyador, na nakayapos sa
kaisipang nasa likod ng konsepto ng kulabureytor, na ang “nasyonalismo”
sa puntong ito ay umiinog sa matalik na ugnayan ng Pilipinas at Estados
Unidos. Subalit malinaw sa kaisipan ni Recto (pati ni Laurel) na sa gitna
ng pananakop ng mga Hapon, ang tanging adyenda ng mga nasyonalistang
Pilipino ay isulong ang kakaniyahan ng bansa at ng mga mamamayan nito at
lumayo sa pagkahilig na sumandal sa mga dayuhan(g) mananakop. Umasa
si Recto at mga katulad niyang mag-isip na magagamit nila ang pagkakataon
(at halimbawa) na dala ng pananakop ng Hapon upang palakasin ang tiwala
ng mga Pilipino sa sariling kakayahan bilang mga “oriental” vis-à-vis sa mga
kanluraning (mananakop) kagaya ng Estados Unidos (at España). Katulad na
ipinakita ni Ileto (2017), maraming Pilipino ang may katulad na pag-iisip kagaya ni Recto.

Sa mga akda nina Vitaliano Gorospe (1963), Gripaldo (1982), at Nicole Cu
Unijeng (2017), malinaw ang lalim ng pulitikal at pilosopikal na kaisipan ni
Laurel. Para kay Steinberg (1967), ang mga negatibong karanasan ni Laurel noong panahon ng mga Amerikano, kasama na ang “allegedly unhappy days at Yale, where he felt slighted and mistreated, generated frustrations which became exposed during the war.” Tila pinalalabas ni Steinberg na nabigyan ng tsansa si Laurel noong dumating ang mga Hapon upang buhaying muli at isakatuparan ang kaniyang mga ambisyon (at kaisipan hinggil sa pamamahala) na kaniyang (pansamantalang) kinalimutan bunga ng kawalan ng pagkakataon noong dinodomina pa ni Quezon ang pulitika ng bansa.

Malinaw para kay Ileto (2017) ang pinaghugutan ni Laurel ng kaniyang nasyonalismo sa gitna ng pananakop ng mga Hapon: “Vignettes from Rizal’s biography and writings are made to illustrate seven ‘forces’ that would make the Philippines great, namely, ‘racial pride,’ ‘love of country,’ ‘love and respect for parents,’ ‘honor,’ ‘self-reliance and perseverance,’ ‘truth,’ and ‘individual and social discipline’. Mabini figures in six of these forces, while Bonifacio and Marcelo del Pilar each appear in three.”

Ayon kay Agoncillo, Pilipinismo ang paboritong slogan ni Laurel, na
prominenteng lumitaw sa kaniyang talumpati nang maging pangulo siya
ng Ikalawang Republika ng Pilipinas noong 1943. Sabi pa ni Agoncillo
(1965): “…Laurel’s address was a statement of his social, economic, and political philosophy which, taken together in the context of the moment, was his formula for national survival and social and economic security. There was a ringing appeal for peace and order, the expansion of agricultural activities, the production of essential commodities, the cultivation of Oriental virtues, the eradication of factional strife, the strengthening of the moral fiber in order to eradicate ignorance and disease, and adjustment of the educational
system in order to make it responsive to the needs of the situation.”

Kung hindi dahil sa pananaw na kalaban ang mga Hapon at ang
“puppet” na gobyerno ay kasangkapan ng mga mananakop, makikita na
nasyonalista ang retorika ni Laurel bilang pangulo. Hindi naman aktibo ang
pakikipagtulungan nina Laurel at Recto sa mga Hapon, at tanging ang ideya
lamang na magkabalikat ang Pilipino at Amerikano laban sa mga kaaway na
ito ang dahilan kung bakit sa pagtatapos ng digmaan ay siningil ang lahat ng
nanilbihan sa pamahalaan sa panahong iyon bilang mga kulabureytor.

Lalong matingkad ito sa kaso ni Recto na itinalaga bilang ministro
ng Ugnayang Panlabas. Pinamunuan ni Recto ang panig ng Pilipinas sa
pagbalangkas ng Pact of Alliance kasama ang bansang Hapon, na kinatawan
ni Ambassador Shozo Murata. Pagkatapos lagdaan ang kasunduan noong
Oktubre 14, 1943, kumalat ang balita na sapilitang ipapabilang ang mga Pilipino sa hukbo ng mga Hapon. Pinabulaanan ito ni Pangulong Laurel:

“The pact does not envisage a declaration of war by the Philippines against any foreign nation. No Filipino soldier will be called upon to render military service outside the limits of Philippine territory, or to fight except only for defense purposes, that is, in case of invasion which threatens the independence and territorial integrity of the country (Agoncillo, 1965).”

Kasabay ng pahayag ni Laurel ay ang kaparehas na pahayag ni Ministro Recto: “We are not at war and we are not going to go to war against any nation unless we find in necessary for the defense of the territorial integrity and independence of our country (Agoncillo, 1965).”

Isa sa mga pangunahing suliranin ni Recto bilang ministro ng Ugnayang
Panlabas ng “malayang” Pilipinas ay hinggil sa paggiit sa “kalayaan” ng
bansa vis-à-vis sa pag-aresto at pagpatay ng mga Hapon sa mga Pilipinong
pinagsususpetsahan bilang mga gerilyero. Problema rin ang kaniyang ugnayan
sa Kempeitai (military police) dahil sa kaniyang pagsusumikap na palayain
ang ilang pinaghihinalaang gerilya na nasa kustodiya ng mga Hapon.

Sa pagpasok ng taong 1944, inulan si Recto ng mga daing laban sa abuso ng mga Hapon kung kaya napilitan siyang sumulat kay Heneral Takaji Wachi tungkol dito upang ipaunawa ang sikolohiya ng mga Pilipino. Pilit ipinapaunawa ni Recto sa mga Hapon na igalang nila ang mga Pilipino, na huwag itong hiyain o kaya ay bigyan ng mabigat at malupit na kaparusahan
batay lamang sa hindi pagkakaunawan bunga ng magkaibang wika, o suspetsang hindi pa napapatunayan. Ipinapaliwanag ni Recto na ang mga
ganitong pangyayari ay ikasasama ng loob at ikagagalit, hindi lang ng
mga biktima, kundi pati na ang kaniyang pamilya, mga kaibigan at
ang sambayanang Pilipino na makakabatid ng ganitong kalakaran. Binanggit ni Recto ang maraming klase ng pagpaparusa na hindi ikinatutuwa ng mga Pilipino, kagaya ng pananampal, pananakit, at mga brutal na parusa kagaya ng panununog ng buhay, pamumugot ng ulo, pananaksak gamit ang bayoneta, tortyur, at iba pa. Ikinabahala ni Recto ang walang pakundangang pagpaparusa na walang kinikilalang edad at kasarian. Ano man ang mangyari, marami sa mga biktima, pamilya at kaibigan nila ang makakaramdam ng matinding inhustisya na dadalhin nila sa loob ng mahabang panahon (Agoncillo, 1965).

Samakatuwid, umapela si Recto sa rason at rasyonal na kaisipan ng mga (pinunong militar ng) Hapon upang igalang ang kakaniyahan ng mga Pilipino, kung hindi man sa pulitikal na larangan ay sa kultural na aspekto.

Hindi lamang si Recto ang humaharap sa mga Hapon tungkol sa isyu ng pag-aresto, imbestigasyon at kahit sa (planong) eksekusyon ng mga Pilipino. Hinaharap din ito ni Pangulong Laurel para sa mga Pilipinong militar kagaya ng kaniyang aide na si Major Jesus Vargas at kahit na sa mga prominenteng opisyal kagaya ni Manuel Roxas at iba pa. Sa lahat ng pagkakataon, iginiit ni Laurel ang kakaniyahan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa. At kung
hindi nakahandang igalang ng mga Hapon ang kakaniyahang ito, lalo na ng Republika ng Pilipinas, hinamon niya ang mga ito na siya, bilang pangulo, ang unang-una nilang patayin o parusahan (Agoncillo, 1965).

Hindi pabor si Ileto sa paglimita sa pananaw hinggil sa karanasan ng mga Pilipino, partikular na ang mga inakusahang kulabureytor ng mga Hapon, ng mga simpleng kategorya kagaya nga ng kulabureytor. Ang konsepto ng kulabureytor ay nagbibigay ng bigat sa relasyon ng mga Pilipino sa Estados Unidos at sa kolonyalismong Amerikano. Tutol si Ileto (2017) diyan dahil nilalampasan ng kakitiran ng konsepto na iyan ang mga nagawa ng digmaan upang buksan ang “cultural and political space for retrieving memories of the Revolution and Filipino-American war” bagaman malinaw na pinayagan iyan ng mga Hapon upang ilayo ang mga Pilipino sa mga Amerikano at ilapit sa kanila. Mahalaga ang espasyong ito para sa mga nasyonalistang kagaya
nina Laurel at Recto na nagsulong ng “assertive nationalism” kung
saan pilit inilalayo ang Pilipinas at mga Pilipino sa impluwensiya ng
kolonyalismo (at neo-kolonyalismo pagkatapos ng digmaan).

Hindi naging madali para kina Laurel at Recto dahil sa limitasyon dala
ng presensya sa bansa ng mga Hapon, subalit pinagsamantalahan nila ang
pagkakataon upang isulong ang wikang pambansa sa halip na wikang Ingles sa mga pampublikong diskurso at maging sa pang-araw-araw na komunikasyon; may praktikal din itong dahilan: upang hindi maunawaan ng mga Hapon ang pinag-uusapan ng mga Pilipino. Nariyan din ang pagsusulong ng kasaysayan ng Pilipinas na naka-angkla sa rebolusyunaryong tradisyon laban sa kolonyalismong Español at Amerikano. Kasama na rito ang pagdadambana sa mga bayani ng Rebolusyon ng 1896 hanggang Digmaang Pilipino-Amerikanokagaya nina Rizal, Bonifacio, Jacinto, del Pilar, Mabini at iba pa bilang pundasyon ng isang malayang bansa (Ileto, 2017).

Nasa likod ng mga indibidwal na mga inisyatibong ito ang pangkabuuang
ideya ng nasyonalismong Pilipino at paggiit sa kalayaan ng bansa, nina Laurel
at Recto na nagsasarili at hindi sumasandal sa mga kolonisador, at humuhugot
ng inspirasyon sa karanasan ng bansa sa Rebolusyon ng 1896 hanggang
Digmaang Pilipino-Amerikano. Nang ideklara ang kalayaan ng Pilipinas
noong 1943, bagaman marami ang may pag-aalinlangan o duda kung tunay
na kalayaan nga ito, sineryoso ito nina Laurel at Recto. Sa kanilang isipan at
gawa, maaring nasa pananakop pa rin ng mga Hapon ang bansa subalit hindi
ito sapat na dahilan upang hindi igiit ng Republika ng Pilipinas, partikular na
ng pangulo nitong si Laurel at kalihim ng Ugnayang Panlabas na si Recto, na
tunay para sa kalayaan ng bansa.

Konklusyon

Hindi malinaw kung ang pagsusulong nina Laurel at Recto ng nasyonalismong Pilipino na itinatatwa ang kolonyalismong Amerikano (at Español), at nagbibigay diin sa kabayanihan ng Rebolusyon ng 1896 hanggang Digmaang Pilipino-Amerikano ay produkto ng kanilang partikular na karanasan sa pulitikal na larangan sa konteksto ng kolonyalismong Amerikano at pananakop ng mga Hapon. Iyan ang bahagyang gustong palabasin ni Steinberg, na medyo may pagka-malisyoso dahil ang diin niya halos ay nasa personal na ambisyon ni Laurel (at pati na rin ni Recto, bagaman hindi kasing linaw ng kaso ni Laurel). Iba ang paningin ni Ileto. Para sa kaniya, produkto sina Laurel at Recto ng pagkakataon, partikular na ng tema ng digmaan—na siyang humabi sa kaniyang librong Knowledge and Pacification.

Bagaman may mas lalim ang pag-aanalisa ni Ileto, hindi rin maaring isawalang bahala ang punto ni Steinberg. Mahirap alisin sa anumang analisis ang punto ng pansariling interes, lalo na sa hanay ng mga pulitikong may mataas na ambisyon. Naging pangulo si Laurel noong panahon ng digmaan at kumandidatong muli sa pagka pangulo pagkatapos ng digmaan. Si Recto rin ay kumandidatong pangulo pagkatapos ng digmaan. Kapuwa sila naging mga senador noong dekada 1950s at naging tagapag-sulong nga ng Panukalang Batas 438 sa Senado na naging Batas Republika 1425 o ang Batas Rizal noong 1956.

Subalit masyadong matingkad na tema ng magkaugnay na buhay pulitika nina Laurel at Recto ang isang uri ng nasyonalismo na (isa sa mga) pinaksa ni Ileto sa kaniyang aklat. Hindi maaring ilayo ang anumang pagsasa-kasaysayan ng Batas Rizal/Batas Republika 1425 sa temang ito ng nasyonalismo nina Laurel at Recto. Hindi rin naman mauunawaan ang kanilang nasyonalismo na nagbigay buhay sa Batas Rizal/Batas Republika 1425 kung hindi uusisain ang kanilang buhay pulitika. Mahalaga ito dahil ibang landas ang tinahak nina Laurel at Recto kung ihahambing sa mga halos kasabayan nilang mga pulitiko kagaya ni Manuel Roxas (ipinanganak 1892), Elpidio Quirino (ipinanganak 1890), at kahit ang mas naunang mga pulitiko kagaya nina Quezon at Osmeña (kapuwa ipinanganak 1878), at mga mas batang pulitiko kagaya nina Carlos
Garcia (ipinanganak 1896) at Ramon Magsaysay (ipinanganak 1907), na lahat ay naging pangulo ng bansa.

Ang nasyonalismo nina Laurel at Recto ay naka-angkla sa tunay na pagsasarili ng Pilipinas, at hindi ang pagsandal sa anumang dayuhang bansa. Malinaw para sa kanila na ang partikular na nasyonalismong ito ay huhugot ng lakas sa halimbawa ng mga bayani ng Rebolusyon ng 1896 hanggang sa Digmaang Pilipino-Amerikano, kung saan pagsasarili at kalayaan na hindi nakasandal sa mga dayuhang bansa ang tunay na layunin. Hindi gaanong mahalaga sa ganitong uri ng nasyonalismo ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular na ang pagdiin sa papel ng mga Amerikano sa heroismong ito.

Magiging mas malinaw ang lohika ng Batas Rizal/Batas Republika 1425, partikular na ang preamble nitong umiinog sa konsepto ng nasyonalismong hindi masyadong naipaliwanag ng batas dahil sa kakulangan ng espasyo, na basehan ng pag-aaral ngayon sa lahat ng mga eskwelahan, kolehiyo at unibersidad ng bansa ang konteksto ng buhay pulitika nina Laurel at Recto.

Sanggunian

Agoncillo, T. A. (1965). The fateful years: Japan’s adventure in the Philippines, 1941-1945 (Vols. 1–2). Quezon City: University of the Philippines Press.

Annual report of the governor general of the Philippine Islands to the secretary of war. (1923). Washington, DC: Government Printing Office.

Bruno, T. A. (2011). The violent end of insurgency on Samar, 1901–1902. Army History, (79), 30–46.

Chua, X. (2020). Lecture of Dr. Reynaldo C. Ileto: “Class discussion on knowledge and pacification” [Audio-video recording]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=7jeg2yK5sHY&t=4317s

Churchill, B. R. (1983). The Philippine independence missions to the United States 1919–1934. Manila: National Historical Institute.

Cu Unjieng, N. (2017). Cultures of empire, nation, and universe in Pres. Jose P. Laurel’s political thought, 1927–1949. Philippine Studies: Historical & Ethnographic Viewpoints, 65(1), 3–30.

Friend, T. III A. (1964). Philippine interests and the mission for independence, 1929–1932. Philippine Studies, 12(1), 63–82.

Gorospe, V. R. (1963). Laurel’s political and moral philosophy. Philippine Studies, 12(3), 419–428.

Gripaldo, R. M. (1982). Laurel: The political philosopher and the man. Philippine Studies, 30(4), 512–541.

Guerrero, L. M. (1938, September 17). Juan Sumulong: Dreamer, not demagogue. Philippines Free Press. https://philippinesfreepress.wordpress.com/1938/09/17/juan-sumulong-dreamer-not-demagogue/

Hayden, J. R. (1942). The Philippines: A study in national development. New York, NY: Macmillan Company.

Ileto, R. C. (2017). Knowledge and pacification: On the U.S. conquest and the writing of Philippine history. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Jose, R. T. (2001). War and violence, history and memory: The Philippine experience of the Second World War. Asian Journal of Social Science, 29(3), 457–470.

Locson, T. M. (1955, October 15). The “dictatorship” of Ramon Magsaysay. Philippines Free Press. https://philippinesfreepress.wordpress.com/1955/10/15/the-dictatorship-of-ramon-magsaysay-october-15-1955/

Matibag, E. (2013). Staging the nation: Claro M. Recto’s domestic drama. Kritika Kultura, (20), 172–203.

National Historical Institute. (1976). Political and historical writings by Jose Rizal. Manila: National Historical Institute.

Onorato, M. P. (1967). Leonard Wood and the Philippine cabinet crisis of 1923. Manila: MCS Enterprises.

Palafox, Q. A. J. (2012, September 19). Why we celebrate Rizal Day every 30th day of December. National Historical Commission of the Philippines. https://nhcp.gov.ph/why-we-celebrate-rizal-day-every-30th-day-of-december/

Paredes, R. R. (Ed.). (1989). Philippine colonial democracy. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Quezon, M. L. (1946). The good fight. New York, NY: Appleton-Century.

Quibuyen, F. (1999). A nation aborted. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Rodao, F. (1997). Spanish language in the Philippines, 1900–1940. Philippine Studies, 45(1), 94–107.

Salans, C. F., & Belman, M. J. (1965). An appraisal of the United States-Philippines’ special relationship. Washington Law Review, 40(3), 447–476.

Steinberg, D. J. (1965). Jose P. Laurel: A “collaborator” misunderstood. The Journal of Asian Studies, 24(4), 651–665.

Steinberg, D. J. (1967). Philippine collaboration in World War II. Manila: Solidaridad Publishing House.

Ybiernas, V. A. S. (2007). Philippine financial standing in 1921: The First World War boom and bust. Philippine Studies, 55(3), 345–372.

Ybiernas, V. A. S. (2014). The politics and economics of recovery in colonial Philippines in the aftermath of World War I, 1918–1923. Asia Pacific Social Science Review, 14(1), 75–85.


1781625660

  days

  hours  minutes  seconds

until

NEU 51st Anniversary

Archives
Categories